Lunes, Pebrero 25, 2008

Edsa Uno, Dos, at Tres (Edsa 1, 2, & 3)

EDSA UNO, DOS AT TRES
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Abril-Hunyo 2001, p.5

Tatlong mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng ating bansa ang naganap: ang Edsa Uno, Edsa Dos, at Edsa Tres. Pero tanungin natin ang ating mga sarili. Nagbago ba ang buhay natin nang maganap ang mga ito? Ano ba ang kabuluhan ng tatlong people power revolution na ito sa buhay nating mga maralita?

Ang KPML, bilang bahagi ng pakikibaka ng malawak na kilusang masa, lalo na ng mga mahihirap, ay naniniwala na wala naman talagang nangyaring malaking pagbabago sa buhay ng mga maralita sa kabuuan. Oo, may nagbago nang maganap ang tatlong Edsa, at ito'y malaking pagbabago. Pero hindi sa buhay ng mga mahihirap, kundi sa nagbabagong pulitika sa ating bansa. Sa pulitika ng tinatawag nating burgis o uring mayayaman. Bigyan natin ng pansin ang mga naganap na tatlong Edsa.

Sa Edsa 1, natanggal si Marcos, pumalit si Cory. Ganun pa rin, mahirap pa rin ang mga mahihirap. Sa Edsa 2, natanggal si Erap, pumalit si Gloria, may nagbago ba sa buhay ng mga maralita? Sa Edsa 3 naman, nag-alsa ang totoong masa, pero pinangunahan ng mga trapo. Mahihirap pa rin ang mga mahihirap.

Pero ang nakagugulat ay ang Edsa 3. Kahit sino ay hindi makapaniwala na ang totoong masa, ang mga mahihirap, ay dumagsa sa Edsa Shrine mula Abril 25-30 at sumalakay sa Malacañang noong Mayo 1. Sila'y nakarating sa Edsa Shrine dahil na rin sa suporta ng malalaking pulitikong naghakot ng mga maralita sa iba't ibang komunidad. Kaya kung susuriing mabuti, di hamak na mas malawak ang mobilisasyon noong Edsa 3 kaysa Edsa 2.

Pero ano ba ang ganansya ng mga pag-aalsang ito sa buhay ng mga mahihirap? May nangyari bang pagbabago sa buhay ni Mang Pandoy o sila'y ganoon pa rin? Isang kahig, isang tuka. Sa simpleng salita, walang ganansya ang mga maralita sa mga nagdaang people power.

Kung susuriin natin ang tatlong Edsa, meron itong pagkakapareho, bagamat malaki rin ang pagkakaiba. Una, lahat ng pag-aalsang ito'y lehitimong pag-aalsa ng masa. Nagkatipun-tipon ang malawak na masang ito upang ibagsak ang rehimeng itinuturing nilang mapagsamantala. Ikalawa, lahat ng ito'y pinangunahan ng mga paksyong pinangunahan ng mga paksyon ng mga naghaharing uri sa lipunan.

Ang mayor namang pagkakaiba ng Edsa 3 sa naunang dalawa ay ang pagkabigo nito. Ang paglusob ng maraming masa sa Malacañang noong Edsa 3 ay isang patunay na nais na nilang kumawala sa dinaranas na kahirapan, ngunit nagamit lamang sila ng mga trapong maka-Erap. Bagamat bigo, nabuksan naman ng Edsa 3 ang isipan ng gubyerno, lalo na ang simbahan, upang kalingain ng mga ito ang mahihirap.

Kaya kung pagkukumparahin ang tatlong rebolusyong Edsa, hindi hamak na mas pumapangalawa ang Edsa 3 sa Edsa 1 at panghuli ang Edsa 2 sa diin ng epekto nito sa pagbabagong panlipunan at kabuluhan nito sa buhay ng mga mamamayan. Bakit? Dahil namulat ang marami, lalo na ang mga elitista at ang simbahang Katoliko, na kaya palang magrebolusyon ng masa para sa interes nito. Ngayon, isinama na ng gobyerno, lalo na ng simbahang Katoliko, sa kanilang programa ang paglaban sa kahirapan. Kung hindi nag-alsa ang masa, malamang na hindi pa rin sila kalingain ng pamahalaan. Sa simpleng salita, mabuti na lang may Edsa 3 (bagamat mali ang kanilang kahilingan), dahil nagising ang maraming seksyon ng populasyon na kaya palang magalit at mag-alsa ng totoong masa. Masa na tinawag na mabaho at nakakadiri ng mga naghaharing uri sa lipunan, gaya ng mga mayayaman at relihiyoso. Mga relihiyosong nagsasabing "Blessed are the poor" pero pinandirihan at tinuligsa ang mga mahihirap na nagkatipun-tipon sa Edsa.

Marami ang nagsasabi na hinigitan ng Edsa 3 ang mga dumalo sa Edsa 2, bagamat ang katotohanang ito'y hindi iniulat sa media. Bakit? Sa simpleng pagsusuri, dahil ang media'y pag-aari ng mga kapitalista. Ang lehitimong malaking pangyayari, na dapat ibalita, ay hindi agad nila ibinalita. Pati sila ay hindi makapaniwala sa nagdagsaang maralita sa Edsa. gayunpaman, hindi nagtatapos sa Mendiola ang kabanata ng Edsa 3.

Kung ikukumpara sa Edsa 1, malayo ang kinahinatnan ng Edsa 2 dahil simpleng rlyebo lamang ng presidente ang nangyari. Ayon nga sa headline ng pahayagang Inquirer, "Erap Out, Gloria In" at sa times magazine naman, "He's Out, She's In".

Sa Edsa 2, kapansin-pansin ang pagkakaiba ng iba't ibang progresibong organisasyon, lalo na sa batayang prinsipyong dala-dala ng mga ito. Masusuri din natin ang katumpakan at depekto ng mga prinsipyong ito. May kumampi kay Erap gaya ni Boy Morales at may kumampi kay Gloria gaya ng Akbayan at lalo na ang Bayan Muna. Hindi lang sa Edsa 2 nangyari ito, kundi sa Edsa 3 din. Mismong ang Bayan Muna, na laging ipinangangalandakang paglilingkuran ang masa, ang siyang nagsilbing tagapagtanggol ni Gloria nang lumusob ang totoong masa sa Malacañang. Itong Bayan Muna pati na ang mga alyado nilang grupong maka-Joma, ay nagmistulang mga balimbing na ipinagtanggol ang sariling kaaway.

Kaya nananatiling tumpak ang panawagan ng Sanlakas, KPML, BMP, at iba pang grupong kaalyado nito noong kasagsagan ng Erap impeachment na "Resign All!" dahil ang talagang dapat baguhin ay ang sistema, hindi ang pangulo, hindi ang isang tao. At ito'y nagmarka rin noong Edsa 3 na bagamat hindi tayo lumahok dito, sinuportahan natin ang pag-aalsang ito ng maralita, dahil ito'y lehitimong galit ng masa sa matagal na panahong dinaranas nilang kahirapan. Totoo, hindi natin sila sinuportahan sa kanilang panawagang ibalik si Erap sa poder, pero kinilala natin ang kanilang panawagang dapat na tapusin ang kahirapang matagal na panahon nilang dinaranas. Kahirapang kailanman ay hindi itinuring na imoral ng simbahan.

Ah, paano kaya kung imbes na ang layunin ng masang lumahok sa Edsa 3 ay hindi ang ibalik si Erap sa poder at walang nakialam na trapong maka-Erap, kundi ito'y lehitimong pag-aalsa ng mga mahihirap at ang kahilingan nila'y ang mga ito: kabuhayan para sa maralita, pabahay, sapat na trabaho, at iba pang kahilingang kahit papaano'y makapagbibigay ng kaunting ginhawa sa kanila. Tiyak iba ang nangyari.

Tayo bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan at organisasyong handang paglingkuran ang masa, hindi natin kailanman kinondena ang mga masang maka-Erap, kahit nuong si Erap ay nasa poder pa. Sa halip nanawagan tayo na kung totohanang ilulunsad ang ganitong people power, gawin natin ito para sa kapakanan nating mahihirap, hindi ang ibalik si Erap sa poder o kaya'y idepensa si Gloria. Kung tayo ay mag-aalsa at maglulunsad ng isang rebolusyon, dapat nating gawin ito upang iguhit ang ating tunay na mithiin. Gawin natin ito upang maging binhi ng isang kaayusan o lipunang tunay na para sa atin, lipunang tayong nakararami ang siyang nasusunod, lipunang pinamumunuan at pinatatakbo ng masa, hindi ng sinumang pulitikong makamasa, kundi lipunang tunay at direktang magsisilbi sa ating mga masa. Sa ganito lamang natin masasabi na dalisay nga ang rebolusyong ating inilunsad.

Biyernes, Pebrero 8, 2008

Pagkasira ng kalikasan: isang historikal na pagtingin

PAGKASIRA NG KALIKASAN
Isang Historikal na Pagtingin
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Walang makapagsasabi kung kailan nagsimulang mawasak ng unti-unti ang kapaligiran. Maari nating sabihin na nagsimula ang pagkawasak na ito simula nang magkaroon ang tao ng kamalayan na may problema sa ekosistema nang may marami nang namamatay at nasasalanta (hindi dahil sa kalamidad kundi dahil sa kagagawan ng tao.) Ngunit sa wari ko, bago pa malaman ng tao na nasisira na ang kapaligiran at ang ating likas na yaman, ito ay unti-unti nang nasisira.

Ngunit ang matinding pagkasira ng mga bahagi ng kapaligiran ay nito lamang ika-20 siglo. Ito ang panahon kung saan maraming imbensyong imbes na makatulong sa tao at sa kabuuan ng sandaigdigan ay nagkus nakapipinsala pa ng kapaligiran. Bagamat hindi natin sinasabi na ang karamihan ng mga imbensyon ng tao ay mapangwasak (sapagkat marami rin ang nakatutulong), karamihan sa mga ito ay karumal-dumal, gaya ng pag-imbento ng mga bombang nukleyar at iba pang armas-pandigma. Ang mga imbensyong pamuksa na ito ay bunsod ng taimtim nilang pagkilala sa pribadong pag-aari upang magkamal pa ng malaking tubo. Bakit at paano? Para sa mga kapitalistang bansa na halos sakupin na ang buong mundo (nangyayari na ito, lalo na ngayong panahon ng globalisasyon), hindi na baleng mamatay ang kanilang kapwa basta't malaki ang kanilang tutubuin at kikilalanin ang kapangyarihan ng kanilang bansa. Ang mga armas nukleyar ay maaari nilang gamiting panakot sa negosasyon at pananggalang sa sariling interes. Kung tutuusin, ang mga nuclear weapons na ito ay basura kung ituring ng mga mapagmahal at mapag-alaga sa kalikasan at kapaligiran. Ganyan katindi ang sistema ng pribadong pagmamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon o kapitalistang sistema. Alalahanin sana natin ang Three Mile Islands accident at ang Chrenobyl incident noong 1986 kung saan nagkaroon ng leak ang mga nuclear facilities ng Russia at milyong tao ang naapektuhan.

Sa kabilang banda at sa isang mababaw na analisis, ang isang taong nagtapon ng basura sa labas ng kanyang bakuran ay nakapag-ambag sa karumihan ng kapaligiran dahil para sa kanya, hindi na niya sakop iyon. Wala siyang pakialam kung makabara man iyon sa kanal na maaaring maging sanhi ng pagbaha sa tikatik na ambon lamang. Ngunit kung wala ang konsepto ng pribadong pag-aari sa kanyang pag-iisip at bagkus ay tinitingnan niya ang kapaligiran at kalikasan bilang pag-aari ng lahat kaya't dapat pangalagaan, ang basura niya at tiyak na itatapon siya sa dapat pagtapunan.

Ang pagkakalat ng mga insustriya ng kanilang waste material sa mga ilog (wala nang nabubuhay kahit isda dahil sa tindi ng pagkalason ng ilog) ay senyales na wala silang pakialam sa mga mamamayan basta't kumita lamang ang kanilang negosyo.

Tingnan natin ang konteksto sa Pilipinas. Isinulat ni Graciano Lopez Jaena noong panahon ng mga Kastila na ang Pilipinas ay sagana sa mga puno at kagubatan. Inilarawan din niya na kayang suportahan ng Pilipinas ang buong mundo sa kahoy. Ibig sabihin, mayabong pa ang ating mga kagubatan noon at hindi nakakalbo gaya ngayon. Marami ding mapag-aral sa kasaysayan ang nagsasabi na malaki ang naiambag ang organisadong relihiyon sa pagkasira ng kalikasan. Ayon sa kanila, bago pa dumating ang mga mananakop sa ating bansa, ang mga tribu o ang mga katutubo rito ay mapagmahal at mapagbantay sa kalikasan. Meron silang pagkakaisa at itinuturing nila ang bawat bagay sa kanilang paligid bilang kapamilya nila. Ito 'yung panahon ng primitibo komunal, ika nga ni Marx.

Ang tingin ng mga katutubo sa mga puno, ilog, atbp. ay mga nilalang din na may karapatang mabuhay. Ngunit ito'y hindi nila sinasamba, kundi itinuturing nilang kapwa rin nila may buhay. Kung tutuusin, nasa fifth level of consciousness na sila sa pagtingin sa kalikasan. Samantalang ang sustainable development (SD) na ipinangangalandakan ngayon sa iba't ibang NGO ay maituturing pa ring nasa first level of cosciousness pa lamang dahil ang tema pa rin nito ay survival. Sa SD, hindi pa rin nahihiwalay ang pagtingin ng kapitalista, halimbawa, sa puno. Ito'y isa lamang gamit. Ito'y hindi na TREE kundi LOG na pambenta para makapag-survive at masustenahan ang kanyang mga pangangailangan. Ganyan kasi mag-isip ang kapitalista. Bata pa lang ang puno, may presyo na. Para kang sinukatan ng kabaong samantalang buhay na buhay ka pa at malakas.

Sa mga tribu noon, ang tingin nila sa kalikasan ay sagrado na kahit hanggang ngayon ay umiiral pa rin sa ibang mga tribu na hindi napasukan ng westernized capitalist culture. Nuong dumatin ang mga puting unggoy, este, mga dayuhang mananakop pala, at sinakop ang ating lupain, ginamit nila ang espada't krus upang palaganapin ang kanilang relihiyon. Itinuro nila sa mga katutubo rito na hindi nila dapat sambahin ang mga puno at bagkus ay sambahin nila ang tunay na diyos na nakaukit sa kahoy. (Ang kahoy ay nanggaling sa puno!) Dito na nagsimula ang pagtingin nila sa kalikasan bilang gamit at hindi na bilang kapatid na may karapatang mabuhay. Ini-alienate ng mga mananakop ang mga katutubo sa kanyang sarili.

Ito ang nakasaad sa isang libro ng Democratic Socialist Party (DSP) ng Australia na tumatalakay sa kalikasan, "The law of profit doesn't care for the law of nature." (Ang batas ng tubo ay walang pakialam sa mga batas ng kalikasan.) Ibig sabihin, kung ang prayoridad ng isa ay ang kanyang tutubuin, wala na siyang pakialam sa kalikasan, ito man ay masira. Pero kung tutuuisn, nag-iisip din naman ang mga kapitalista ng solusyon sa pagkasira ng kalikasan, dahil baka naman daw masira ang pagkukuhanan nila ng mga hilaw na materyales. Haaay, buhay nga naman!!!