Sabado, Hunyo 29, 2019

Kwento: Minsan, sa isang demolisyon

MINSAN, SA ISANG DEMOLISYON
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

Nakatunganga siya sa kawalan. Dumating siyang giba na ang kanilang tahanan. Wala nang tirahan ang kanyang pamilya. Ang kanyang bunso'y iyak ng iyak dahil marahil sa lamig ng gabi. Ang langit na ang kanilang kisame.

Kanina, nasa trabaho siya. Nakatutok maghapon sa makina. Walang obertaym kaya maagang nakalabas. Subalit nagyaya pa ang isang kasamahan. Tigalawang bote ng beer muna bago umuwi.

Pagdating sa inuuwian, nag-iiyakan, nagsisigawan, malalakas na boses ang kanyang nadatnan. Habang ang iba'y muli namang itinatayo ang kanilang nagibang barungbarong. Nagbabakasakaling maibalik ang buhay na nawala sa buong maghapon.

Inilagay niya sa pinggan ang binili niyang pansit upang pagsaluhan nilang mag-anak. Habang kanyang iniisip, anong kinabukasan mayroon ang kanyang mga anak sa lugar na iyon? Kailangan na ba nilang lumipat at ialis ang kanyang pamilya roon? Magiging makasarili siya kung iyon ang gagawin. Iiwan ang iba sa laban habang siya'y tatakbo sa kinakaharap na suliranin upang pamilya'y iligtas.

Ah, naisip niya. Dapat pag-usapan ng buong komunidad ang kanilang kalagayan  at anong mga 

hakbang ang dapat nilang gawin. Hindi dapat magkawatak-watak para isa-isang iligtas ang kani-kanilang pamilya. Dapat ngang mag-usap na sila't magkaisa kung may relokasyon bang nakalaan? Kung paano ang gagawin kung gigibain silang muli? o magkaisang magmartsa ang buong komunidad sa tanggapan ng punong alkalde upang malutas ang kanilang problema sa paninirahan.

Tama. Ito nga ang kanyang gagawin. Sasabihan niya ang mga kapitbahay niyang magbuo na sila ng samahan ng nagkakaisang magkakapitbahay sa lugar na iyon. 

Dapat nilang pagkaisahin ang buong komunidad upang ipagtang-gol ang kanilang karapatan sa paninirahan at para sa kinabukasan nila at ng kanilang mga anak. Bukas na bukas din.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 16-30, 2019, pahina 14.

Miyerkules, Hunyo 19, 2019

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina. Ang aklat na ito'y bahagi ng serye ng mga aklat na Rebel Lives.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literaturang sosyalista at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Biyernes, Hunyo 14, 2019

Kwento - Isulong, palaganapin at maglathala ng pahayagang Baybayin




ISULONG, PALAGANAPIN AT MAGLATHALA NG PAHAYAGANG BAYBAYIN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin. Ito ang panulat nating mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila. Tinalakay rin ito nina Dr. Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio sa kanilang mga akda. 

“Alam mo ba, pareng Mulong,” ani Simon, “nais kong maglathala ng isang munting pahayagan. May kaunti naman akong naipon. Kahit sa pamamaraang xeroxgrapiya ay makapaglathala ng tatawagin kong Pahayagang Baybayin.”

“Aba’y maganda ang ideya mong iyan, pareng Simon,” sabi naman ni Mulong. “Lalo na iyang baybayin na paraan ng panulat ng ating mga ninuno. Alam mo bang tinalakay iyan ng ating Gat Andres Bonifacio sa kanyang akdang Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog?”

“Oo, batid ko iyon. Pati nga si Dr. Rizal ay nagsulat din tungkol sa baybayin sa Kabanata 25 ng nobela niyang Noli Me Tangere. Tinawag lang iyon ni Ibarra na hieroglipiko, at hindi binanggit ni Pilosopo Tasyo na sa baybayin siya sumulat. Bagamat tinanong siya ni Ibarra kung saang wika siya sumusulat, at sagot ni Pilosopo Tasyo ay sa Tagalog.”

Narinig pala sila ng kapitbahay nilang si Magda, “Paano naman ang mga hindi batid kung ano iyang baybayin, tulad ko, tulad ng henerasyon ng mga kabataan ngayon? Hindi na iyan itinuturo, o kung may magturo man, ay di sineseryoso sa mga eskwelahan.”

Sinagot siya ni Simon, “Iyan ang dahilan kaya nais kong maglathala ng pahayagang Baybayin - ang buhayin ang panulat na Baybayin sa ating bansa, at mabalik-aralan natin ang panulat ng ating mga ninuno. Isa pa, ito’y kampanya rin upang isabatas ang muling pagsusulat ng baybayin, tulad halimbawa, lagyan ng baybayin ang mga karatula sa daan, gaya ng pangalan ng mga lansangan.”

“Magandang mungkahi,” sabi naman ni Ingrid, “Alam n’yo, sang-ayon ako sa mungkahi mo, Simon. Natutunan ko ring magsulat ng baybayin sa aking Ingkong, at kay-inam kung matupad ang plano mong maglathala ng pahayagang Baybayin. Kung matutuloy ang balak mong iyan, tutulong ako sa paghahanap ng pondo para sa dyaryo. Sa totoo lang, maraming mag-aambag diyan. Tulad ko, ‘yung mga tulang sinulat ko sa baybayin ay ipapasa ko sa iyo. Pati sa pamamahagi o kaya’y magbenta ng pahayagang Baybayin ay tutulong ako. Tiyak, patok iyan.”

“Maraming salamat,” ani Simon. “Nais ko munang isulat ang papel hinggil diyan at makakumbinsi ng mag-aambag, tulad mo, upang sadyang maipalaganap natin ang ating katutubong panulat. Balak ko nga, bukod sa paghahanap ng pondo upang mailathala iyan, ay maisalin ko ang mga tula nina Rizal at Bonifacio sa panulat na baybayin.”

“Magandang plano iyan. Ako naman ay yaong kasaysayan ng ating bansa, pati na pagkabayani ni Lapulapu, ay isusulat ko sa baybayin,” ani Mulong. “Aba’y magagamit na natin ang ating natutunan kay Titser Beth na nagturo sa atin ng baybayin nang tayo’y nasa hayskul pa lamang. Na pati sa panliligaw sa klasmeyt nating si Lisa ay ginamit ko, kaya niya ako sinagot. Pati mga anak namin, alam kung paano magsulat sa baybayin.”

“Sulatin mo na, Simon, ang papel, at magandang makapagpatawag ka ng pulong sa mga interesado, tulad ng pamilya ko,” ani Ingrid, “kung paano kami makakatulong sa pagpapalaganap ng dyaryo.”

“Bigyan n’yo lang ako ng kaunting panahon upang maisulat kung bakit dapat maglathala ng pahayagang Baybayin. At ‘yung pulong, sa susunod na Sabado ba libre kayo? Alauna ng hapon, sa tapat ng bahay, magpulong tayo. Ayos ba sa inyo?”

“Ayos iyan. Pati mga anak kong nakakaunawa ng Baybayin ay aking isasama. Kita-kits sa Sabado. Sana’y matuloy ang pulong.” Ani Mulong.

“Kami rin ng aking mga anak, dadalo.” Sabi naman ni Ingrid.

MARA AT LITA

MAGANDA ANG PLANO NINA SIMON, MARA. NAIS KASI NILANG MAGLABAS NG ISANG PAHAYAGANG BAYBAYIN.

WOW! OKAY IYAN, LITA. KAILANGAN TALAGA NATING MAGKAROON NG GANYANG DYARYO PARA MAUNAWAAN NG KASALUKUYAN ANG LUMANG PANULAT NG ATING MGA NINUNO.

BUTI NA LANG, NATURUAN AKO NI INAY NG PANULAT BAYBAYIN NOONG BATA PA KAMI NINA LINA.

KUNG SAKALI, LITA, TULUNGAN NATIN SILA, DAHIL SARILI NATING KULTURA IYAN. KUNG SAKALI NGA, MAGLABAS DIN TAYO NG LIBRO NG TULA NATING NASUSULAT SA BAYBAYIN.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Hunyo 1-15, 2019, pahina 18-19.