Huwebes, Pebrero 12, 2026

Ang aklat ng 34 na kwento ni H. G. Wells

ANG AKLAT NG 34 NA KWENTO NI H. G. WELLS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Katulad ng manunulat na Pranses na si Jules Verne ay kilala rin ang manunulat na Ingles na si Herbert George Wells sa mundo ng science fiction. Mayroon na ako ng mga aklat ni Verne, tulad ng  Journey to the Center of the Earth, Twenty Thousand Leagues Under the Seas, at Around the World in Eighty Days. Subalit wala pa akong kalipunan ng mga maikling kwento ni Verne.

Kaya nang makita ko ang aklat na The Crystal Egg & Other Stories ni H. G. Wells ay di na ako nagdalawang isip na bilhin iyon sa Book Sale sa Farmers Plaza, kaninang hapon, Pebrero 12, 2026. Bihira ang ganitong pagkakataon. Gayunman, mayroon na ako ng ilang klasikong nobela ni H. G. Wells, tulad ng The Time Machine, at The War of the Worlds. Habang napanood ko naman sa sinehan ang kanyang nobelang The Island of Doctor Moreau, at napanood sa telebisyon ang kanyang The Invisible Man

Nabili ko ang nasabing aklat sa halagang P240. Pambili ko sana iyon ng limang kilong bigas na tig-50 ang kilos, subalit hindi ko pinalampas ang pagkakataong bilhin ang aklat. Sanay naman akong mag-fasting, huwag lang palagi.

Umabot din ang aklat ng 480 pahina (30 pahina ang naka-Roman numeral, habang 450 pahina naman ang naka-Hindu Arabic numeral. Ang aklat ay may sukat na 5" x 7.75" at kapal na 1". Naglalaman iyon ng tatlumpu't apat na kwento.

bihira ko lang makita sa mga book store
itong kalipunan ng maiikling kwento
ni H. G. Wells kaya binili ko na ngayon
bago pa mawala't maunahan pa ako

tiyak na marami akong matututunan
sa kanyang sinulat na mga science fiction,
dystopian novel, at social realism man
di dapat palampasin ang pagkakataon

pambili ng bigas, ibinili ng libro
inuna'y aklat, imbes na lamnan ang tiyan
ganyan yata talaga ang mga tulad ko
sanay nang mag-fasting, basta't utak malamnan

nawa ako'y makapagsulat pa talaga
di lang ng mga tulâ kundi ng nobela

02.12.2026

Namang at Namin, ina-autocorrect sa 'Naming"

NAMANG AT NAMIN, INA-AUTOCORRECT SA 'NAMING'
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naging maingat na akong bantayan ang biglaang pagbabago ng salitâ dahil sa auto-correct sa Microsoft Word na madalas kong gamitin.

Kayâ bukod sa aking mga kwaderno kung saan madalas akong kumathâ o nagsusulat, iyon naman ay tinitipa ko na sa Notepad, hindi na sa Word, upang hindi agad ma-auto-correct ng kompyuter. Ina-auto-correct kasi ng Word sa Ingles ang mga salita sa wikang Filipino, kayâ nasasabi ko tuloy madalas, naga-auto-wrong na naman ang kompyuter, na kung ngitian ko lang sa simulâ ay kinaiinisan ko na kalaunan.

Kayâ bago ko i-upload ang isang sanaysay, kwento o tulâ ay tinitiyak kong wasto ang pagbaybay o spelling ng mga salitâ. Dahil pag may nakita akong mali ay pinag-uukulan ko talaga ng panahon upang i-edit ang maling pagbaybay.

Isa sa mga halimbawà ng mga salitâ ay ang "namang" at ang "namin" na ina-auto-correct at nagiging "naming" o ginagawang Ingles ang salitâ. Nakakaasar, kaya dapat ka talagang maging mapagmatyag pag Word ang gamit mo.

Sa Notepad sa laptop ay di binabago ang mga salitâ kayâ iyon ang madalas kong gamitin. Subalit ang Notepad sa cellphone, dati'y hindi naga-auto-correct, subalit ngayon ay naga-auto-correct na.

Naranasan ko ito noon nang dinala ko sa printing press ang isang ilalathalang diyaryong Obrero, higit isang dekada na ang nakararaan. Nakita ko ang isang kamalian sa artikulo ko na nasa plate, nang mabasa kong "Matapos ang talumpati sa rali, agad naming niyakap ni KR..." Mukhang dalawa kaming yumakap sa nagtalumpati, gayong siya lang ang yumakap.

Gayong ang isinulat ko sa orihinal ay "Matapos ang talumpati sa rali, agad namang niyakap ni KR..." Kaya inayos agad ng stripper ang nasabing plate, ginupit ng cutter ang mali, inayos, at nilagyan ng scatch tape. Di pa uso noon ang CTP (computer to plate). Bago kasi i-layout sa pagemaker na gamit namin noon ay tinitipa mula sa Word ang mga artikulo. At pag dinala mo na sa printing press 'yung ni-layout mo, ipaplakda na iyon sa plate o sa master stencil. Buti may CTP na ngayon, kaya mas madali na ang printing.

Noon pa'y ina-autocorrect na ng Word ang mga salitâ. Kaya kung hindi ka matalas mag-edit ng sarili mong gawâ, aba'y baka malathalâ na lang ang kamalian at hindi mo na iyon maedit. Kayhirap namang iisa-isahin mong i-correct ang isang libong kopya ng dyaryo.

WIKANG FILIPINO, INA-AUTOCORRECT SA INGLES

akala ng Microsoft Windows, typo error
o maling spelling o baybay ng salitâ
gayong tinitipa ko'y nasa Filipino
ina-autocorrect, akala'y Ingles iyon

kayâ dapat maging mapagmatyag din tayo
sa kompyuter o sa cellphone man isinulat
na bago i-upload, i-edit mong totoo
baka may makalusot na mali, nalingat

mahirap nang i-edit pag nalathalà na
halimbawa, sa magasin o pahayagan
buti kung nasa pesbuk o sa blog mong sadyâ
maeedit mo pa't mali'y mapapalitan

ganyan lang naman talaga ang autocorrect
makulit, kaya dapat talasan ang edit

02.12.2026

* litrato mula sa Disksiyonaryong Adarna, pahina 616

Linggo, Pebrero 8, 2026

2 DULA, 2 TANGHAL TULA AT 2 PANGKATANG AWIT (ang nadaluhan ko sa ikalawang araw ng Pasinaya 2026)

2 DULA, 2 TANGHAL TULA AT 2 PANGKATANG AWIT 
(ang nadaluhan ko sa ikalawang araw ng Pasinaya 2026)
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tigtatatlumpung minuto ang bawat pagtatanghal. Ito ang ikalawang araw ng pagdalo ko sa Pasinaya 2026. Maaga pa lang ay pinlano ko na ang pupuntahan. Sa unang araw ay naroon ako sa Cultural Center of the Philippines (CCP), at ngayon naman ay nasa dalawang lugar sa Intramuros - sa Centro de Turismo at sa Bahay Tsinoy. Sa umaga ay pagbigkas ng mga tula ng mga babaeng makata. At sa hapon ay ang pagbigkas ng tula ng mga makata ng Tres-Siyete.

Mag-iikasampu na ng umaga nang makarating ako sa Centro de Turismo sa Intramuros, Maynila. Pagkasulat ko sa attendance sheet ay sinabihan agad ako ng nasa information na magsisimula na. Kaya dali-dali akong pumasok at umupo. Maya-maya ay nagsimula na ang pagtatanghal. Apat na babaeng makata ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) ang bumigkas ng kani-kanilang piyesa.

Dahil maaga pa naman upang magtungo sa Bahay Tsinoy para sa isa pang pagbigkas ng tula, di muna ako umalis at nakinig muna sa pagtugtog ng Manila Symphony Junior Orchestra. Masarap sa damdamin ang kanilang tinugtog.

Matapos iyon ay lumabas na ako't kumain muna sa katabing 7/11. At kalahating oras pa bago alauna ay naroon na ako sa Bahay Tsinoy. Umupo muna, at maya-maya lang ay nakita na ako ng isa sa mga magtatanghal - ang makatang si Glen Sales. Walo sila sa Angono Tres-Siyete Society ang nagtanghal, ang isa'y nagpaliwanag ng kasaysayan ng Tres-Siyete, at ang pito'y bumigkas ng tula.

Matapos ang kanilang pagtatanghal ay binigyan ako ni Glen ng kanyang chapbook ng mga tula, at binigyan ko rin siya ng dalawa sa libreto ko ng mga tula at salin. Nakabili rin sa akin ng libreto sina Louie ng Tres-Siyete at Bebang ng CCP. Maraming salamat sa suporta.

Sumunod na nagtanghal ay ang UE Drama Company ng dulang may pamagat na "Ang Daigdig, Sa Kanyang Dulang Astig".

Matapos iyon ay bumalik na ako sa Centro de Turismo, at naabutan kong umaawit ang pangkat na Koro Ilustrado, na may dalawampung mang-aawit. Sumunod doon ay ang pagtatanghal ng UE Drama Company ng dulang "Maria Sibol, Ang Natatanging Batang Diwata".

Dalawang dula ang napanood ko na kapwa mula sa UE Drama Company, dalawang pagbigkas ng mga tula ng makatang LIRA at ng Angono Tres-Siyete Society, at pagtatanghal ng musika ng Manila Symphony Junior Orchestra at ng Koro Ilustrado.

Wala nang mga sumunod na pagtatanghal sa Centro de Turismo at sa Bahay Tsinoy, kaya naglakad na ako upang sumakay ng dyip pauwi. Hindi ko na sinubukang magtungo pa sa CCP dahil bukod sa malayo ay baka di ko maabutan ang ibang pagtatanghal.

Sa ganyan ko ginugol ang araw na ito, ang pagsuporta sa mga nagtatanghal, kumikilos ng tapat, malikhain, mapagmahal at mahilig sa gawaing sining.

SALAMAT SA PASINAYA 2026

ako'y taospusong nagpupugay
sa lahat ng nagbibigay-buhay
sa pamamagitan ng kanilang
pagtatanghal sa Buwan ng Sining

ako'y lubos na sumusuporta
bilang isang makata ng masa
upang buhayin ang mga sining
sa bayang hirang, lahing magiting

sa mga kaibigang makata
sa taga-Angono't taga-LIRA
sa mga estudyanteng dumalo
sa masa at sa tulad kong balo

sa kabila ng problema't isyu
at kurakutan sa bansang ito
patuloy na itanghal ang sining
na nagbibigay-buhay sa atin

02.08.2026

Sabado, Pebrero 7, 2026

Pagdalo sa unang araw ng Pasinaya 2026

PAGDALO SA UNANG ARAW NG PASINAYÀ 2026
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang mahahalagang okasyon ang aking pinuntahan ngayong araw, Pebrero 7, 2026. Una's sa 2nd Tour of Historic Pasig, na tinalakay sa naunang sanaysay. Nakaalis ako roon sa Bahay na Tisa sa ganap na 1:45 pm kung saan kami kumain.

At ang ikalawa'y itong Pasinayà 2026, na isang pambansang aktibidad dahil Buwan ng Sining. Halos 3:15 pm na ako nakarating sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Mahal din ang pamasahe sa traysikel at nais akong singilin ng P100 patungong CCP galing sa kanto ng Vito Cruz at Taft. Mabuti't hawak ko ang P50 ko, at sinabi ng barker na hanggang Roxas Blvd. iyon at hindi na tatawid. Kaya P50 ang binayaran ko sa traysikel.

Tinawid ko na ang Roxas Blvd. patungong CCP at hinanap agad ang Tanghalang Ignacio Jimenez. Sa rehistrasyon ay dapat mag-ambag kahit magkano. P50 na papel ang inambag ko, at mabuti't pulos barya ang nasa bulsa ko.

Gayunpaman, hindi ko na naabutan ang puntirya kong daluhan ng ikalawa ng hapon - "Ang Babae Bilang Makata" ni Agatha Palencia Bagares sa lugar-palihan na Pandayan B. Ang naabutan ko'y "Anong sey/say mo? Ang Sining ng Pagsasalin" ng Kagawaran ng Filipino ng University of Asia and the Pacific ng ikatlo ng hapon. At ang sumunod na palihan ng ikaapat ng hapon na pinamagatang "Write and Draw: A Komiks Workshop" nina Bambi at Roland Amago, o tinatawag nilang Amagination.

Bagamat di ko naabutan ang pagtatanghal ng "Ang Babae Bilang Makata" ay napakapalad kong nadaluhan ang "Open Mic Session with Ricky Lee" ng ikalima ng hapon sa Tanghalang Ignacio Gimenez auditorium. Doon ay binigkas ng labintatlong katao ang mga nagustuhan nilang excerpt o maiikling sanaysay na nagustuhan at nakaantig sa kanila sa pagbasa ng mga aklat ni Ricky Lee.

Sa ganyan ko binuo ang araw ko. Dalang aktibidad, dalawang mahahalagang aral sa akin. Maraming salamat.

naglakbay-aral sa makasaysayang Pasig
ang aking dinaluhan ng buong umaga
mula roon sa Bahay na Tisa sa Pasig
ay bumiyahe agad patungong C.C.P.

upang madaluhan naman ang Pasinaya
na pawang aktibidad sa Buwan ng Sining
nais kong ipakita ang aking suporta
bilang abang makata't isang malikhain

manunulat ng kwento, sanaysay at tula
nais suportahan ang ibang manlilikha
sa sining, tula man, dula't iba pang akda
sa aking panonood ay natutong sadya

mabuhay ang Pasinaya Twenty-Twenty Six
kayraming aktibidad na talagang siksik
tunay na inspirasyon sa aking panitik
nang makalikha ng akdang nakasasabik

02.07.2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Miyerkules, Pebrero 4, 2026

Sarado na ang Fiesta Carnival

SARADO NA ANG FIESTA CARNIVAL
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Pebrero ko lang napansin na sarado ang Fiesta Carnival sa Cubao. Pebrero 2 ng bandang ikaanim ng gabi ay dadaan sana ako roon upang tumambay muli at magmuni-muni subalit sarado iyon. Mukhang hindi nagbukas ng buong araw.

Ngayong Pebrero 4, ikalima ng hapon, napadaan ako sa Fiesta Carnival, subalit sarado uli iyon. Nagsara na ba ang Fiesta Carnival dahil ba lugi sila? O ire-renovate ang pasyalang iyon? Subalit matagal pa ang Pasko upang i-renovate at muling mapasyalan iyon ng maraming tao.

Dahil sa pagsasara nito, tiyak wala na namang trabaho ang mga amusement staff. Kung kontraktwal sila, baka walâ silang separation pay, di tulad ng mga regular. Saan kayâ lumipat ang mga nagtitinda ng palamig, siomai, fishball, at ibá pang kakanin?

Napakalawak ng loob ng Fiesta Carnival na habang nakaupo ako noon sa isang bangkô, nakita ko ang pagdaan ng  mga tao. Kaunti lang ang naglalaro. Paisa-isa. Sa limang mesa ng bilyaran, may tao sa isa o sa dalawang lamesa lang. Sa bowling na may anim na lane, minsan, sa isang lane lang may naglalaro. Minsan, may mga batang sumasakay sa sumasakay sa mga palaruan, tulad ng tsubibo. Minsan, pamilya, magkaklase. Subalit di talaga napupuno. Mabibilang mo sa daliri ang mga sumasakay sa mga sinasakyan at naglalaro. Kayâ marahil isinara muna. Di gaya noong panahon ng kapaskuhan, maraming tao. Bakasyon na kasi.

Noong nagsisimula pa lang ako bilang pultaym na tibak ay nakapaglarô pa ako bandang late 1990s sa lumang Fiesta Carnval ng rifle shooting nang ilang beses kung saan naiuuwi ko pa ang tinamaan kong target na kartong may bilog. Di ko na napansin nang magsara iyon.

Nagisnan ko na lang na ito na'y naging pamilihang Shopwise, kung saan ilang beses din kaming namili ni misis ng mga gamit. At nang maitayo ang Gateway 2 ay lumipat na roon ang Shopwise at ang pumalit muli ay ang binuhay na Fiesta Carnival.

Ilang beses din kami ni misis nagtungo sa muling bukas na Fiesta Carnival, kumakain doon, subalit hindi nakapaglarô, maliban sa booth ng kantahan, na ilang beses din kaming kumanta. Nang mamatay siya sa ospital, nalimutan ko na ang Fiesta Carnival. Subalit minsan, binabalik-balikan ko iyon at doon nagninilay. Mag-isa na lang akong nagtutungo sa Fiesta Carnival.

Madalas, pag tumambay ako ng alas-sais ng gabi, di ko na namamalayang alas-otso na pala. Napasarap sa pagninilay. Saka lang ako tatayo pag naiihi na. Malayò pa naman ang CR sa kinauupuan ko. Kayâ pagkagaling ko ng CR, oras na upang umuwi at maglakad ng higit isang kilometrong layo pauwi ng bahay. Oo, naglalakad akong pauwi dahil ang presyo ng pamasahe sa tricycle ay katumbas ng dalawang order na kanin.

Ngayon, sarado na ang Fiesta Carnival. Nawalan na ako ng tambayan sa sentro ng Cubao. Nawalan ng pahingahan pag pagod ang katawan. Nawalan ng lugar kung saan ako nakakapagsulat. Nawalan ng pasyalan kung saan nakakalikha ako ng mga tula.

Sa Facebook page ng Fiesta Carnival, sinabi naman doong temporarily closed starting February 1,2026 ang Fiesta Carnival upang bigyang daan ang renobasyon. Ibig sabihin, magbubukas din itong muli. Mababasa iyon sa kawing na https://www.facebook.com/share/17pTz4vfDY/. 

O, Fiesta Carnival, naging bahagi ka na
ng aking buhay, namin ni misis, ng masa
nang mawalâ siya, nakalimutan kita
pansamantala, bagamat nakaukit ka
sa pusò, na tambayan naming mag-asawa

sana, ang Fiesta Carnival pa'y manatili
di lamang pagbibigay ng saya ang mithi
kundi nakasama sa ligaya't pighati
at may henerasyon pang naging kabahagi
sa pusò ng Pilipino'y mamamalagi

02.04.2026

Linggo, Pebrero 1, 2026

Tatlong nakadaupang palad na kongresista laban sa korapsyon

3 NAKADAUPANG PALAD NA KONGRESISTA LABAN SA KORAPSYON
Maikling anekdota at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong kinakampanya ko ang Disyembre 9, World Anti-Corruption Day, upang kumilos ang tao o magrali laban sa korapsyon, tatlong kongresista ng party list ang aking nakasalamuha. Ito'y sina Kamanggagawà Partylist Rep. Elijah San Fernando, FPJ Panday Bayanihan Partylist Rep. Brian Poe, at Kabataan Partylist Rep. Renee Co. Pawang nasa kabataan pa at unang beses umupo sa Kongreso, nanalo nitong Halalan 2025.

Nagkita kami ni Rep. Eli Fernando noong Nobyembre 8, 2025 sa Pasig nang maging tagapagsalita siya sa ginanap na Musika, Tulâ at Sayaw Laban sa Korapsyon, at ako naman ay isa sa mga naimbitahang tumulâ. Agad niyang bungad sa akin nang magkita kami ay "Condolence". Ibig sabihin, kahit matagal na kaming di nagkikita ay nalaman pala niyang namatay ang aking asawa. Mahigit sampung taon din marahil kaming di nagkita at nagkausap. Nasa kilusang estudyante pa siya noon nang makasama siya sa ilang pagtitipon.

Una kong nakadaupang palad si Rep. Brian Poe noong Disyembre 8, 2025 sa ginanap na Urban Poor Solidarity Week sa Commission on Human Rights (CHR). Ang nasabing pagtitipon ay pinangunahan ng Alyansa ng Maralita para sa Katiyakan sa Paninirahan (AMKP). Bukod sa tampok na isyu ng malupit na Republic Act 12216 na idedemolis ang mga maralita sa loob ng sampung araw at may police power na ang NHA, sa open forum ay sinabi ko kay Kongresman Poe na kung maaaring magpasa siya ng resolusyon na kinikilala ang Disyembre 9 bilang International Anti-Corruption Day sa Pilipinas. Kinabukasan ay nai-file kaagad niya sa Kongreso ang House Resolution 561. Makikita ang balita sa kawing na: https://businessmirror.com.ph/2025/12/09/solon-files-reso-marking-international-anti-corruption-day-calls-for-stronger-institutional-accountability/Maraming salamat po, Kongresman Poe!

Si Rep. Renee Co ay nabigyan ko naman ng aking 40-pahinang libretong may pamagat na "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon" sa forum hinggil sa International Anti-Corruption Day noong Disyembre 9, 2026 sa Eastwood Richmonde Hotel, sa QC, kung saan ang Commission of Human Rights ang nanguna rito. Naging tagapagsalita si Rep. Co sa nasabing talakayang ang tema ay "Upholding Integrity: A National Forum on Corruption and Human Rights." Maghapon ang nasabing forum subalit hanggang tanghali lang ako roon dahil nagtungo naman ako sa CHR para sa nakatakdang launching ng nasabing booklet.

Kina Rep. Eli San Fernando, Brian Poe at Renee Co, na mga kinatawan ng bayan sa Kongreso, sana'y talagang mapanagot ang mga kurakot! At magpatuloy sana kayo sa pagtatanggol sa kapakanan ng mga malilit at pinagsasamantalahang sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!

ang tatlong bata at baguhang kongresista
ay aking nakadaupang-palad talaga
nang Anti-Corruption Day ay kinakampanya
upang Disyembre 9 ay magrali ang masa

nakasalamuha sa isyu ng korapsyon
tila ba ito'y isa kong malaking misyon
talagang dapat may managot at makulong
dahil mismong pondo ng bayan ang dinambong

magpatuloy kayo sa inyong katungkulan
ipagtanggol ang mga aping mamamayan
lumikha ng batas para sa kapakanan
ng inaapi't pinagsasamantalahan

pagpupugay, Kongresman Eli San Fernando,
Kongresman Brian Poe, Kongreswoman Renee Co!
patuloy na maglingkod at gawin ang wasto!
at h'wag tumulad sa mga ganid na trapo!

02.01.2026