Miyerkules, Disyembre 25, 2019

Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Huwebes, Disyembre 12, 2019

Ang tula ni Procopio Bonifacio

ANG TULA NI PROCOPIO BONIFACIO
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Makata rin pala ang ikatlong nakababatang kapatid ni Gat Andres Bonifacio na si Procopio, na kasama niyang napaslang sa Bundok Buntis sa Maragondon, Cavite. Kapwa makata pala ang magkapatid na Bonifacio. Ayon sa pananaliksik, sampung taon ang tanda ni Andres kay Procopio, dahil 1873 ito ipinanganak, at kapwa sila namatay dahil sa pagpaslang sa kanila ng mga tauhan ni Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897.

May nalathalang mga sanaysay at tula si Gat Andres Bonifacio na naging pamana niya sa sambayanan. Nariyan ang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", salin ng tulang "Huling Paalam" ni Dr. Jose Rizal, "Ang mga Kasadores", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", at "Tapunan ng Lingap", at ang tula niya sa Kastilang "Mi Abanico". Nariyan din ang sanaysay niyang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan."

Subalit may tula rin palang naiwan si Procopio na tungkol din sa pagmamahal sa bayan. Isa lamang ang tulang iyon na nasaliksik, at marahil ay may iba pa subalit di pa natatagpuan. Nito lamang Disyembre 9, 2019, nang mabili ko ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, sa Popular Bookstore sa Timog Avenue sa Lungsod Quezon. At sa pagbabasa niyon sa bahay ay nakita ko ang pagbanggit ni Santos sa tula ni Procopio. Sa pahina 18 ng nasabing aklat ay ganito ang nakasulat:

"Isang tula ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas sa gubat, at ngayo'y sisipiin ko ng walang labis at walang kulang:"

   "Oh Inang Espanya, humihinging tawad
kaming Pilipino na iyong inanak,
panahon ay dumating na magkatiwatiwalag
sa di mo pagtupad, masamang paglingap.

   Paalam na akong Espanyang pinopoon,
kaming Pilipino humihiwalay na ngayon
ang bandera namin dulo ng talibong
ipakikilala sa lahat ng nasyon.

   Lakad, aba tayo, titigisa ang hirap
tunguhin ang bundok, kaluwangan ng gubat
gamitin ang gulok at sampu ng sibat
ipagtanggol ngayon Inang Pilipinas.

   Paalam na ako, bayang tinubuan
bayang masagana sa init ng araw
oh maligayang araw na nakasisilaw
kaloob ng Diyos at Poong Maykapal."

"Ang mga huling talata ng tulang ito na ngayon lamang mahahayag ay nahahawig sa mga huling talata ng huling paalam ni Dr. Jose Rizal. Ang tulang ito ay buong-buong nasasaulo ni Ginang Espiridiona na siyang nagkaloob sa akin ng salin. Itinutugma nila ito sa isang namomodang tugtugin nang panahong iyon, kaya't ang pagkakatula'y hindi husto ang mga pantig o silaba."

Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang "Ako ang Daigdig" ni Alejandro G. Abadilla at ang "Tayo ang Daigdig" ng U.S.A. for Africa


ANG "AKO ANG DAIGDIG" NI ALEJANDRO G. ABADILLA AT ANG "TAYO ANG DAIGDIG" NG U.S.A. FOR AFRICA
Maikling sanaysay at salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong Oktubre 19-20, 2019 ay nagkaroon ng palihan o workshop upang mabuo ang isang cultural network sa loob ng kilusang pangkarapatang pantao.

May mga mang-aawit, makata, manunulat, mananayaw, at aktibistang dumalo. Nariyan ang mga kasapi ng Teatrong Bayan, Teatro Pabrika, at Teatro Proletaryo. Nariyan ang mga gitarista. Karamihan ay mga kasapi ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) at In Defense of Human Rights and Dignity Movement (IDefend), kung saan sila rin ang nag-inponsor ng nasabing aktibidad.

Binuo ang apat na pangkat ng palihan para sa apat na napiling paksa. Sa ikalawang araw ay pagpaplano, at napag-usapan ditong gumawa ako ng salin ng We Are The World. Iminungkahi ito ni Ate Evelyn ng Teatro Pabrika. Gagamitin daw ito sa araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10, 2019.

Dahil dito, inumpisahan kong isalin ang awiting We Are The World o Tayo ang Daigdig. Naalala ko tuloy ang tula ng sikat na makatang nag-umpisa ng modermismo sa panulaan sa Pilipinas, si Alejandro G. Abadilla. dahil sumikat noon ang kanyang tulang AKO ANG DAIGDIG (sa Ingles ay I Am The World) noong kanyang kapanahunan.

Halina't basahin ang tulang "Ako ang Daigdig" ni AGA.

AKO ANG DAIGDIG

ako

ang daigdig

ako

ang tula

ako

ang daigdig

ang tula

ng daigdig

ako

ang walang maliw na ako

ang walang kamatayang ako

ang tula ng daigdig

Sa tulang ito sumikat ang pangalan ni Abadilla nang sinulat niya ito noong 1940 na nalathala sa magasing Liwayway, at kasama sa nalathala niyang aklat noong 1955. Noong una'y tinanggihan ng mga kritiko ang nasabing tula dahil hindi ito sumusunod sa tradisyonal na tula na gumagamit ng sukat at tugma. Ayon sa isang lathalain, "Maituturing ang tulang “Akó ang Daigdíg” bilang pinakatanyag na likha ni Alejandro G. Abadilla, na siyáng kinikilálang “Ama ng Makabagong Panulaang Tagalog.” Una itong nalathala sa Liwayway noong 1940. Kabilang ito sa unang aklat ng mga tula ni Abadilla, ang Ako ang Daigdig at Iba Pang Tula (1955)."

Ang awiting "We Are The World" (na isinalin kong "Tayo ang Daigdig") ay isang awiting nilikha noong Enero 28, 1985 at sama-samang kinanta ng mga kilalang mang-aawit sa Estados Unidos, na karamihan ay itim. Ginawa nila ito bilang tugon sa matinding taggutom sa Africa. Tinawag ng mga mang-aawit ang kanilang sarili na USA for Africa (United Support of Artists for Africa). Ang "We Are The World: The Story Behind the Song" ay isang dokumentaryong tinalakay kung paano isinulat ang kanta, kung paano hinikayat ng prodyuser na si Quincy Jones at mga manunulat na sina Michael Jackson at Lionel Richie ang ilan sa mga pinakasikat na mang-aawit sa Amerika na ibigay ang kanilang serbisyo para sa proyekto.

Kasama sa mga nagsiwawit sina Ray Charles, Bruce Springsteen, Tina Turner, Bob Dylan, Stevie Wonder, Billy Joel, Willie Nelson, Paul Simon, Bette Midler, Diana Ross, at marami pa. Umano'y nasa sampung milyong kopya ng awit ang naibenta sa buong mundo.

Kaya nang sabihan ako sa cultural workshop sa karapatang pantao na isalin ang We Are The World ay agad kong tinanggap. Isang malaking karangalan sa akin na ako ang pinagtiwalaang magsalin nito sa wikang Filipino.

Narito naman ang aking salin ng We Are The World:

TAYO ANG DAIGDIG
ng United Support of Artist for Africa
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Darating ang panahong tutugon tayo sa tiyak na panawagan
Upang ang sangkatauhan ay magsama-sama bilang isa
May mga taong namamatay
At panahon nang akayin sila sa buhay
Na pinakadakilang handog sa lahat.

Hindi tayo maaaring magpanggap araw-araw
Na sinuman, saanman, ay may pagbabagong magaganap
Tayo'y bahagi ng malaking pamilya ni Bathala
At ang katotohanan, alam mo ba
Tanging pag-ibig ang ating kailangan

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Puso mo'y ipadala sa kanila upang batid nilang may nagmamalasakit
At nang buhay nila'y mas lumakas at maging malaya
Tulad ng pinakita ng Diyos sa atin na bato'y ginawang tinapay
kaya tulong nating lahat ay ialay.

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Pag dama mo'y pagkasawi't wala na
Na tila wala nang pag-asa
Ngunit kung maniniwala ka lang
Walang dahilang bumagsak tayo
Kaya nga 
Mababatid nating darating ang pagbabago
Kung sama-sama tayong titindig bilang isa

Tayo ang daigdig
Tayo ang mga anak
Tayo ang nagbibigay liwanag sa buhay
Kaya, simulan na nating magbigay.

May pinipili tayong magagawa
Upang sagipin ang sariling buhay
Tunay nang mas mabuting araw ang malilikha natin,
Ng ikaw lang at ako.

Kung si AGA ay may "Ako ang Daigdig" na sikat niyang tula, ang "We Are The World" naman ay sikat na awitin sa buong mundo. Subalit ang bersyon nito sa wikang Filipino ay aawitin pa ng cultural network na nabuo, at sana'y maibidyo ito, mapanood, at maiparinig sa higit na nakararami, dahil sa mensaheng taglay nito. At nawa'y matuloy ang pag-awit nito sa pagkilos sa darating na ika-72 anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Pinaghalawan:
https://genius.com/Usa-for-africa-we-are-the-world-lyrics
https://en.wikipedia.org/wiki/We_Are_the_World
https://en.wikipedia.org/wiki/Alejandro_G._Abadilla
https://philippineculturaleducation.com.ph/aklatang-bayan-2/

Martes, Setyembre 3, 2019

Pagbisita namin ni misis sa makasaysayang Kakarong

Pagbisita sa Kakarong, na sinasabing lugar na itinatag ang Unang Republika ng Pilipinas, bago pa ang Malolos. Setyembre 1, 2019, Pandi, Bulacan. Kasama ko si misis at iba pa niyang kasama sa advocacy.

Ayon sa pananaliksik, "The Battle of Kakarong de Sili was fought on January 1, 1897, at Pandi, Bulacan, in the Philippines. The Kakarong Republic, based in the little fort in Pandi, was attacked by a force of Spaniards who massacred the Katipuneros there. At the end of the battle, General Eusebio Roque (also known as Maestrong Sebio and Dimabungo) was captured by the Spaniards. The Kakarong republic was considered the first republic formed in Bulacan and in the Philippines." (mula sa Wikipedia)















Miyerkules, Agosto 14, 2019

Kwento - Isabatas ang "Birth of the Nation Week" bilang pag-alala sa ating kasaysayan



ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.

“Alam mo, Pareng Indoy, may mga pagdiriwang ngayong Agosto ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Ngunit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.

“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.

“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”

“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Kung si Bonifacio ang unang pangulo, saan siya pangulo?”

Sumagot si Inggo, “Ang pinamumunuan niyang kilusang Katipunan, mula sa pagiging lihim na samahan ay naging rebolusyonaryong pamahalaan nang sumiklab ang Rebolusyong Pilipino noong 1896."

Si Indoy uli, “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”

“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”

Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”

Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay  Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”

“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”

Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”

Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, apektado ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”

“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”

“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma.”

Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”

“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.

“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.

“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”

Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Hulyo 31, 2019

Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng Noritake Porcelana Labor Union. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Martes, Hulyo 23, 2019

Maralita at Kontraktwalisasyon

MARALITA AT KONTRAKTWALISASYON
Sinulat ni Greg Bituin Jr.

Pabor ba sa maralita ang kontraktwalisasyon dahil kahit papaano'y nakakasingit siya ng trabaho kahit 5-months, 5-months lang? Hindi naman magkalayo ang bituka ng manggagawa at maralita upang gustuhin ng maralita ang maging kontraktwal kaysa naman walang trabaho. Nais ba ng maralita ng mumo kaysa walang makain? Bituka ba at hindi karapatan kaya nais niyang maging kontraktwal? Sawa na siya sa 555 na sardinas, ngayon ay nais niyang magtrabaho ng 5-5-5 months bilang kontraktwal.

Maraming benepisyo at katiyakan sa trabaho (security of tenure) ang mga benepisyong hindi tinatamasa ng mga manggagawang kontraktwal. Na hindi rin tatamasahin ng maralitang naging manggagawang kontraktwal.

At ang maralitang kontraktwal ay magiging manggagawa na rin. At hindi niya maiiwasang mamulat bilang manggagawa bunsod ng labis na kaapihan at pagdurusa sa kalupitan ng mga kapitalista, at sa kalaunan ay maunawaan niya ang katumpakan ng makauring pagkakaisa at harapin ang mga hamon ng kasaysayan. Hanggang sa matanto ng maralitang kontraktwal na hindi lamang dahil sa kagustuhang magkatrabaho ay magbibingi-bingihan na siya sa karaingan  ng  kanyang  mga kapwa manggagawa.

Nanaisin tiyak ng maralitang naging kontraktwal na ipaglaban din, hindi lamang ang ilalaman ng kanyang tiyan, kundi ang karapatan nila bilang manggagawa.

Matatransporma sa kalaunan ang kamalayan ng maralitang kontraktwal upang yakapin niya ang kanyang uring pinagmulan - ang uring walang pag-aari kundi ang kanyang lakas-paggawa - ang uring manggagawa. 

Kaya hindi lamang pabahay at laman ng tiyan ang nasa kanyang isipan kundi ang karapatan niya sa loob ng pagawaan ay maipaglaban, at ang kanyang dignidad bilang tao (hindi makina) ay kanyang maipagtanggol at mapanghawakan.

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Espesyal SONA issue, Hulyo 2019, p. 6

Miyerkules, Hulyo 17, 2019

Pampublikong pabahay: Kinonsepto para sa mga manggagawa

PAMPUBLIKONG PABAHAY
Kinonsepto para sa mga manggagawa
Sinaliksik ni Greg Bituin Jr.

Sa pananaliksik, maraming pampublikong pabahay ang kinonsepto para sa mga manggagawa. Tulad na lang sa Inglatera, nang dumami ang mamamayan sa lungsod nang maganap ang Rebolusyong Industriyal noong ika-19 na siglo. Ilang halimbawa nito ay nang magtayo ng barangay o nayon ang ilang may-ari ng pabrika para sa kanilang manggagawa, tulad sa Saltaire noong 1853 at Port Sunlight noong 1888.

Noong 1885 nang magkaroon ng interes sa pagtatayo ng pampublikong pabahay ang Royal Commission sa Inglatera. Idinulot nito ang pagkapasa ng batas na Housing of the Working Class Act of 1885. Binigyang kapangyarihan ng batas na iyon ang mga Local Government Boards upang isara ang mga gusaling may mga sira na at hinikayat silang mas paunlarin pa ang pabahay sa kani-kanilang lugar.

Sa bansang Espanya, mayroon naman silang proyektong pampubliko at kolektibong pabahay kung saan tiniyak nila ang kahalagahan nito sa loob mismo ng kanilang pamantasan sa arkitektura. Dahil dito'y lumikha sila ng ispesyalisadong kurso tulad ng MCH Master in Collective Housing.

Sa bansang Mexico, nagtayo ng proyektong pabahay para sa mga manggagawa sa pabrika ng papel, at ito'y nasa Barrio ng Loreto sa San Angel, Alvaro Obregon, D. F.

Sa Finland, ang unang proyektong pampublikong pabahay ay sa Helsinki. Noong 1909, dinisenyo ni arkitekto A. Nyberg ang apat na bahay na gawa sa kahoy para sa mga manggagawa sa lungsod. Dahil karamihan ng mga residente  roon  ay  mga pamilya  ng  manggagawang may maraming anak. Ang pabahay at pamumuhay ng mga pamilyang manggagawa sa Helsinki mula 1909 hanggang 1985 ay itinanghal sa museo malapit sa Linnanmäki amusement park. 

Nang manalo sa halalan ang Social Democratic Party ng Austria para sa Viennese Gemeinderat (city parliament), nagkaroon ng tinatawag nilang Red Vienna. Bahagi ng kanilang programa ang probisyon ng disenteng pabahay para sa Viennese working class kung saan narito ang bulto ng mga sumuporta sa kanila. Ang Karl-Marx-Hof ay isa sa mga kilalang pampublikong pabahay sa Vienna, na matatagpuan sa Heiligenstadt, isang distrito ng ika-19 na distrito ng Vienna, Döbling.

Sa Denmark, ang pampublikong pabahay ay tinatawag na Almennyttigt Boligbyggeri na inaari at pinamamahalaan ng tinatayang 700 organisasyong demokratiko at nagsasarili. Karamihan sa mga samahang ito ay mauugat sa kasaysayan ng mga labor union sa Denmark, at sa ngayon ay bumubuo sa nasa 20% ng total housing stock na may 7,500 departamento sa buong bansa.

Sa layuning gawing isang "multilaterally developed socialist society" ang Romania, simula 1974, isang sistematikong demolisyon at  rekonstruksyon ng mga nayon, bayan at lungsod ang isinagawa. Noong 2012, may 2.7 milyong apartment na naitayo, na nasa 37% ng kabuuang pabahay sa Romania at sa halos 70% sa mga lungsod at bayan.

Sa New Zealand naman ay naisabatas ang Workers' Dwellings Act of 1905 na nagresulta upang magtayo ng 646 pabahay. Noon namang 1937, ang Unang Labor Government sa New Zealand ay naglunsad ng isang mayor na sistemang pampublikong pabahay para sa mamamayan nilang hindi kayang mangupahan.

Ang Danish Public Housing ay walang restriksyon sa kinikita ng mga nakatira. Subalit sa pagdaan ng panahon, nagkaroon ng regulasyon ang pamahalaan na pumapabor sa mga nakatirang may trabaho at hindi pinapaboran yaong mga walang trabaho o kahit yaong may part-time na trabaho. Kaya nagkaroon sila ng problemang ghettofication, o yaong mga iskwater kung ikukumpara sa atin. Ang pagsasapribado ng pampublikong pabahay ay isinulong bilang bahagi ng programang ideolohikal ng makakanang panig ng pamahalaan at inilunsad matapos isara ang Ministry of Housing Affairs noong 2001.

Marami pang halimbawa ng pampublikong pabahay na maaaring halawan natin ng mga aral. Ang pampublikong pabahay ay isang anyo ng pabahay na inaari at pinamamahalaan ng isang gobyerno, sentral man ito o lokal.

Miyerkules, Hunyo 19, 2019

Nilay-Aklat: Ang aklat na "HELEN KELLER"




Nilay-Aklat (BukRebyu):
Ang aklat na "HELEN KELLER"
maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nakakatuwa ang nabili kong aklat. Isang inspiradong aklat na kaysarap basahin. Ito'y tungkol sa talambuhay ni Helen Keller, isang bulag ngunit isa ring sosyalista. Nabili ko ang aklat na ito sa BookEnds BookShop sa Lungsod ng Baguio nitong Hunyo 5, 2019, sa halagang P80 lamang, at may 90 pahina. Ang aklat na ito'y bahagi ng serye ng mga aklat na Rebel Lives.

Sa maraming kwento, kilala si Helen Keller bilang bulag na nagbigay inspirasyon sa nakararami. Subalit ang hindi alam ng karamihan ay isa siyang manunulat at sosyalista sa kanyang panahon. Ayaw lang ng ibang tanggapin siya bilang isang sosyalista kundi nais lang ng marami na ikwento siya bilang isang bulag na maraming nagawa para sa mga kapwa bulag, at hindi para sa mga manggagawa.

Sa pabalat pa lang ng aklat ay pinakilala na si Helen Keller bilang "Revolutionary activist, better known for her blindness rather than her radical social vision". At sa likod na pabalat ay nakasulat: "Poor little blind girl or dangerous radical? This book challenges the sanitized image of Helen Keller, restoring her true history as a militant socialist. Here are her views on women's suffrage, her defense of the Industrial Workers of the World (IWW), her opposition to Wolrd War I and her support for imprisoned socialist and anarchist leaders, as well as her analysis of disability and class."

Sa aklat, ating silipin ang ilang pamagat ng kanyang mga nagawang artikulo. Sa Unang Bahagi na may pamagat na Disability ang Class na may limang artikulo, ang ilan ay may pamagat na "The Unemployed", "To The Strikers at Little Falls, New York", at "Comments to the House Committee on Labor". Sa Ikalawang Bahagi naman na may pamagat na Socialism na may pitong artikulo, nariyan ang mga artikulong "How I Became a Socialist", 'Why I Became an IWW (Industrial Workers of the World)?", "On Behalf of the IWW", at "Help Soviet Russia".

Ang Ikatlong Bahagi, na may pamagat na Women, at ang Ikaapat na Bahagi na may pamagat na War, ay may tiglilimang artikulo ang mga ito. Sa Ikatlong Bahagi ay nariyan ang mga artikulong "Why Men Need Women Suffrage", "The New Women's Party" at "Put Your Husband in the Kitchen", habang sa Ikaapat na Bahagi naman ay ang "Strike Against War" at "Menace of the Militarist Program". Sa kabuuan, may dalawampu't dalawang artikulong naisulat si Helen Keller na nailathala sa nasabing aklat.

Mulat sa uring manggagawa si Helen Keller. Katunayan, isinulat niya ang kanyang paninindigan upang magkaisa ang manggagawa bilang uri. Narito at sinipi ko ang halimbawa ng kanyang isinulat. Sa artikulong "What is an IWW?" mula sa pahina 37-38 ay kanyang isinulat: "The IWW's affirm as a fundamental principle that the creators of wealth are entitled to all they create. Thus they find themselves pitted against the whole profit-making system. They declare that there can be no compromise so long as the majority of the working class lives in want while the master class lives in luxury. They insist that there can be no peace until the workers organize as a class, take possession of the resources of the earth and the machinery of production and distribution and abolish the wage system. In other words, the workers in their collectivity must own and operate all the essential industrial institutions and secure to each laborer the full value of his product."

Ito naman ang malayang salin ko ng nasabing sulatin: "Pinagtitibay ng IWW ang pangunahing prinsipyo na ang mga lumilikha ng yaman ay  may karapatan sa lahat ng kanilang nilikha. Subalit nakita nila ang kanilang sariling nahaharap laban sa buong sistema ng paggawa ng tubo. Ipinahahayag nilang maaaring walang kompromiso hangga't ang karamihan sa uring manggagawa ay nabubuhay sa pagnanasa habang ang uring elitista ay nabubuhay sa luho. Iginigiit nilang walang kapayapaan hangga't magkaisa bilang uri ang mga manggagawa, ariin ang mga mapagkukunan ng lupa at ang makinarya ng produksyon at pamamahagi, at ipawalang-bisa ang sistema ng pasahod. Sa madaling salita, ang mga manggagawa sa kanilang kolektibidad ay dapat mag-ari at magpatakbo ng lahat ng mahahalagang institusyong  pang-industriya at tiyakin sa bawat manggagawa ang buong halaga ng kanyang nilikha."

Isang magandang inspirasyon ang mga artikulong isinulat ng bulag na si Helen Keller, lalo na't nais niyang magkaisa ang buong uring manggagaw at itayo ang lipunang pamamahalaan ng mga ito, ang lipunang sosyalismo. Siya ay pisikal na bulag, habang yaong mga nangangayupapa pa rin sa salot at bulok na sistemang kapitalismo'y bulag sa isip at bulag ang puso, dahil mas inuuna nila ang tutubuin ng kanilang puhunan kaysa karapatan ng tao. Marami pa rin ang bulag sa katotohanang marami ang naghihirap habang iilan ay payaman ng payaman.

Maraming salamat, kasamang Helen Keller, sa kontribusyon mo sa malawak na literaturang sosyalista at patuloy na pagkilos upang mamulat ang mga tao sa pagkakamit ng isang lipunang pantay-pantay at walang pagsasamantala ng tao sa tao. 

Miyerkules, Mayo 29, 2019

Kwento - Ang payo ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML


ANG PAYO NI KA EDDIE GUAZON, ANG UNANG PANGULO NG KPML
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong taon ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Mayo 19, 1989 siya namatay nang siya’y inatake sa puso sa loob ng Senado habang ipinagtatanggol ang mga maralita laban sa naganap na demolisyon. 

Kaya nagkausap ang ilang mga maralitang nakakakilala noon kay Ka Eddie, at nais nilang maghandog ng pag-alala sa namayapang lider.

Sabi ni Aling Iska, “Dalawin natin ang puntod ni Ka Eddie Guazon at mag-alay tayo ng bulaklak.”

Sinegundahan naman ito ni Mang Kanor. “Tama ang mungkahi mo dahil ikatatlumpung anibersaryo na ng kanyang kamatayan ngayong Mayo. Kailangan lang masabihan natin ang ilang lider ng KPML na hindi na siya naabutan.”

“Natatandaan ko pa ang kanyang sinabi noon, na ngayon ay naukit sa isa niyang larawan sa tanggapan ng KPML, kung saan nakataas ang kaliwa niyang kamao.” Ang sabi ni Iska, “Pag nakikita ko iyon ay aking naaalala ang aming mga pinagdaanang laban, lalo na nang siya’y namatay nang makipagdebate sa loob ng Senado dahil sa pagtatanggol sa mga maralitang dinedemolis.”

“Ano nga pala ang sinabi ni Ka Eddie?” Tanong naman ni Inggo, na naroong nakikinig sa usapan.

“Ang kanyang sinabi, kung natatandaan ko pa ng eksakto, ay ‘Ang pabahay ay karapatan kahit siya pa ay mahirap.’ Oo, parang ganyan nga ang natatandaan ko. Isang prinsipyong tinanganan ko hanggang ngayon sa patuloy na pakikibaka para sa karapatan at kagalingan nating mga maralita.”

“Planuhin natin ang pagpunta,” mungkahi ni Mang Kanor, “upang makasama rin sa atin ang mga bagong pamunuan ng KPML. Baka nais din nilang magtungo sa pinaglagakan ng kanyang mga labi at magbigay ng respeto at bulaklak bilang alay.”

“Aba’y maganda ang iyong mungkahi,” ani Iska, “kaya mabuti pa’y magtungo muna tayo sa tanggapan ng KPML upang iyan ay ating mapag-usapan, maplantsa ang plano, at sabay-sabay na magtungo roon ang mga bagong pamunuan at iba pang kasapi ng KPML. Aba’y tara na!”

Kaya nagtungo na sila sa tanggapan ng KPML upang imungkahi ang kanilang naiisip. Agad na sabi ni Iska, “Ka Pedring, sa ika-19 ng Mayo ang ikatatlumpung anibersaryo ng kamatayan ni Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML. Anong plano ninyo? Kung wala pa, nais naming imungkahing magtungo tayo kahit sandali lang sa kanyang libingan at mag-alay ng bulaklak at magsindi ng kandila.”

Naroon si Ka Pedring, at sinabing “Maganda ang inyong sinabi at maging ako’y nais kong magtungo sa sementeryo upang magbigay-pugay. Dapat maisama natin ang mga bagong halal na pamunuan ng KPML sa lakad na iyan.”

Hanggang sa mapansin ni Iska ang nakaukit na litrato ni Ka Eddie, kung saan may KPML sa ibabaw, nakataas ang kanyang kaliwang kamaong nakakuyom, habang nakaukit din doon ang bilin ni Ka Eddie, na ang nakasulat: “Ang kasiguruhan sa paninirahan ay karapatan ng bawat mamamayan maging siya man ay maralita.”

“Tamang-tama at may pulong kami ngayon,” ani Ka Pedring, “at dapat isama natin iyan sa plano. Malapit na ang Mayo 19.”

Maya-maya pa’y nagdatingan na ang iba pang kasapi ng bagong halal na NEC o National Executive Committee ng KPML. Nariyan sina Ka Kokoy, Ka Tek, Greg na secgen, Vicky, si Neneng na ingatyaman. Maya-maya pa’y narinig na rin nila ang ugong ng motor ng auditor na si Manuel.

“Mga kasama,” bungad ni Ka Pedring, “bilang pagpupugay sa ating unang pangulong si Ka Eddie Guazon, “ay dadalawin natin ang kanyang puntod, dahil sa Mayo 19 ang ikatatlumpung anibersaryo ng kanyang kamatayan. Ayos ba sa inyo?”

Tumugon si Neneng, “Okay iyan. Paghandaan lang natin ang mga kandilang sisindihan at bulaklak na iaalay natin. Salamat kay Ate Iska sa kanyang paalala sa atin.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 16-31, 2019, pahina 18-19.

Miyerkules, Mayo 15, 2019

Ang 13 Martir ng Bagumbayan, ng Cavite, at ng Arad

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Ano nga ba ang mayroon sa numero 13 at sa pananaliksik ko'y may labintatlong martir ng himagsikan sa tatlong lugar - dalawa sa Pilipinas at 1 sa ibang bansa. Marahil ay mayroon pang iba na tulad nito na hindi pa nasasaliksik. 

Sagisag ba ng kamalasan ang numero 13 kaya labintatlong manghihimagsik ay magkakasamang pinaslang sa magkakahiwalay na pangyayaring ito?

Naisip kong sulatin ang artikulong ito dahil nang sinaliksik ko ang talambuhay ni Moises Salvador, napag-alaman kong isa siya sa 13 Martir ng Bagumbayan. Sa Moises Salvador Elementary School ako bumuboto kaya pilit kong kinilala si Moises Salvador. Dahil kilalang lugar sa Cavite ang Trese Martires, na ipinangalan sa 13 martir ng Cavite noong Himagsikan Laban sa Kastila, naisip kong pagsamahin sa iisang artikulo ang 13 Martir ng Bagumbayan at 13 Martir ng Cavite. Ito'y paraan din upang ipakilalang may 13 Martir ng Bagumbayan, pagkat mas kilala sa kasaysayan ang 13 Martir ng Cavite. 

Habang nagsasaliksik ako'y mayroon din palang 13 martir sa Arad, sa Hungary, kaya isinama ko na rin ito rito. Matapos ang Rebolusyong Hungaryano noong 1848-1849, pinaslang ng Imperyo ng Austria noong Oktubre 6, 1849 ang nadakip na labintatlong rebeldeng Heneral ng Hungary.

Sa Pilipinas, bukod sa nabanggit kong 13 martir ng Bagumbayan at 13 martir ng Cavite, marami pang Pilipinong martir na pinaslang noong panahon ng mga Kastila subalit hindi labintatlo, tulad ng 15 martir ng Bicol at 19 na martir ng Aklan, subalit hindi ko na muna sila tatalakayin dito. May pagkakapareho ang mga nabanggit na pangyayari. At lahat ng mga martir na ito'y nakibaka upang palayain ang kanilang bayan laban sa pananakop ng dayuhan. Nais nilang maging malaya, at hindi alipin ng mga mananakop. Nais nilang magkaroon ng malaya, mapayapa at maginhawang bayan.

Halina't talakayin natin ang 13 martir sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN

Noong Enero 11, 1897, binaril sa Bagumbayan ang labintatlong maghihimagsik na nadakip ng mga Kastila matapos pangunahan ni Supremo Gat Andres Bonifacio ang pagpunit ng sedula bilang simbolo ng paglaban sa mananakop na Kastila. Ang 13 nadakip ay hinatulan ng mga Kastila sa kasong sedisyon, at pinaslang sa Bagumbayan.

Ang labintatlong martir ng Bagumbayan ay sina: 
1. Numeriano Adriano (abugado),
2. Domingo Franco (negosyante at propagandista),
3. Moises Salvador (propagandista),
4. Francisco L. Roxas (industriyalista at lider-sibiko),
5. Jose Dizon (kasapi ng Katipunan),
6. Benedicto Nijaga (tinyente sa hukbong Espanyol at kasapi ng Katipunan, mula sa Calbayog, Samar),
7. Geronimo Cristobal Medina (korporal sa hukbong Espanyol at kasapi Katipunan).
8. Antonio Salazar (negosyante),
9. Ramon A. Padilla (empleyado at propagandista),
10. Faustino Villaruel (negosyante at Mason),
11. Braulio Rivera (kasapi ng Katipunan),
12. Luis Inciso Villaruel, at
13. Estacio Manalac.

Naglagay ng makasaysayang batong-tanda ang National Historical Institute sa Rizal Park bilang pag-alala sa 13 Martir ng Bagumbayan.

ANG 13 MARTIR NG CAVITE

Noong Setyembre 12, 1896, labintatlong maghihimagsik ang pinaslang ng mga Kastila sa Plaza de Armas malapit sa Fuerto de San Felipe, sa Lungsod ng Cavite, dahil sa pagkakasangkot sa rebolusyon ng Katipunan. Sampu sa mga martir ay mga Mason, at tatlo ang hindi. Ito'y sina:
1. Si Mariano Inocencio, 64, isang mayamang propitaryo,
2. Jose Lallana, 54, isang sastre, dating kabo sa hukbong Espanyol at isang Mason,
3. Eugenio Cabezas, 41, manggagawa ng relo at miyembro ng Katipunan,
4. Maximo Gregorio, 40, kawani ng arsenal sa Cavite,
5. Hugo Perez, 40, isang doktor at kasapi ng Katipunan,
6. Severino Lapidario, 38, Punong Bantay sa piitang panlalawigan at kasapi ng Katipunan,
7. Alfonso de Ocampo, 36, isang mestisong Espanyol at kasapi ng Katipunan,
8. Luis Aguado, 33, kawani ng arsenal sa Cavite,
9. Victoriano Luciano, 32, parmasyutiko at makata, at
10. Feliciano Cabuco, 31, kawani ng ospital na pang-nabal sa Cavite.

Ang tatlong hindi Mason ay sina:
11. Francisco Osorio, 36, isang mestisong Intsik at kontratista,
12. Antonio de San Agustin, 35, isang siruhano at negosyante, at
13. Agapito Concio, 33, isang guro, musikero at pintor.

Sa alaala ng 13 martir ng Cavite, noong 1906, isang bantayog ang itinayo sa lugar kung saan sila pinaslang. Ang kabisera ng Cavite ay pinalitan naman ng Trece Martires bilang paggunita sa 13 martir, at ang 13 mga nayon nito ay ipinangalan sa bawat isang martir.

ANG 13 MARTIR NG ARAD

Noong Oktubre 6, 1849, pinaslang sa utos ni Heneral Julius Jacob von Haynau ng Austria ang labintatlong rebeldeng heneral ng Hungary sa lungsod ng Arad pagkatapos ng Rebolusyong Hungaryano. Ang Arad ay bahagi ng Kaharian ng Hungary na ngayon ay bahagi na ng bansang Romania. Karamihan sa mga martir ay hindi binaril, bagkus ay binigti.
Ang labintatlong Martir ng Arad ay sina:
1. Lajos Aulich (1793-1849)
2. János Damjanich (1804-1849)
3. Arisztid Dessewffy (1802-1849)
4. Ernő Kiss (1799-1849)
5. Károly Knezić (1808-1849)
6. György Lahner (1795-1849)
7. Vilmos Lázár (1815-1849)
8. Károly Leiningen-Westerburg (1819-1849)
9. József Nagysándor (1804-1849)
10. Ernő Poeltenberg (1814-1849)
11. József Schweidel (1796-1849)
12. Ignác Török (1795-1849)
13. Károly Vécsey (1807-1849)

Bilang pag-alala sa kanila, nagkaroon ng nililok na mukha ng 13 martir ng Arad sa patyo ng Museum of Military History sa Arpad Toth Promenade 40, Buda Castle Quarter, sa Budapest, Hungary.

May kwento sa Hungary na habang binibitay ang mga heneral ay nag-iinuman ng serbesa ang mga sundalong Austriano, at ikinakalansing ang kanilang mga baso ng serbesa sa pagdiriwang sa pagkatalo ng Hungary. Kaya isinumpa ng mga Hungaryo na hindi makikipagkalansing ng baso muli habang umiinom ng serbesa sa loob ng 150 taon. Bagamat ang nabanggit na tradisyon ay hindi na ginagawa ngayon, mayroon pa ring mga makabayang Hungaryo na hindi nakalilimot sa nangyari sa Arad sa kasaysayan ng Hungary.

Sa aking pagninilay sa mga pangyayaring ito'y nakalikha ako ng tula hinggil sa bawat pangyayari.

ANG 13 MARTIR NG BAGUMBAYAN, NG CAVITE, AT NG ARAD
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ano kayang mayroon sa bilang na labingtatlo
at sa kasaysayan, mayroong labintatlong martir?
Nagkataon bang labintatlong rebolusyonaryo
ang lumaban upang durugin ang malaking pader?

Ilang araw lang matapos si Rizal ay mapaslang
sa Bagumbayan nitong mananakop na Kastila
Labintatlong maghihimagsik din yaong pinaslang
sa parehong lunan, mga buhay nila'y winala.

Doon sa Cavite'y labintatlong maghihimagsik
ang pinaslang ng mga Kastila't pinagbabaril
At sa lugar na iyon, bantayog ay itinirik
bilang tanda ng paglaban sa mga maniniil.

Sa Hungary'y pinaslang ang labintatlong heneral
na nadakip sa paglaban sa Imperyong Austria
Ang karamihan sa kanila'y binigti, sinakal
habang kalaban nila'y umiinom, tumatawa.

Sa labintatlong martir, taos-pusong pagpupugay!
dahil ipinaglaban ninyo ang laya ng bayan.
Nagkaisa't naghimagsik kapalit man ay buhay
puso't diwa'y inilaan para sa sambayanan.

Mga pinagsanggunian:
http://www.executedtoday.com/2010/01/11/1897-the-thirteen-martyrs-of-bagumbayan/
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/871/today-in-philippine-history-january-11-1897-the-socalled-thirteen-martyrs-of-bagumbayan-were-executed
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/597/today-in-philippine-history-september-12-1896-the-13-martyrs-of-cavite-were-executed-by-spanish-authorities
http://www.executedtoday.com/2008/10/06/1849-lajos-batthyany-13-martyrs-of-arad-hungary-1848/
https://en.wikipedia.org/wiki/The_13_Martyrs_of_Arad

Martes, Mayo 14, 2019

Kwento - Pakikiisa ng maralita sa mga manggagawa sa Mayo Uno


PAKIKIISA NG MARALITA SA MGA MANGGAGAWA SA MAYO UNO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahalaga sa mga maralita ang pagiging mala-manggagawa o bilang bahagi ng uring manggagawa. Karamihan sa kanila’y hindi swelduhan ng kinsenas at katapusan kumpara sa kauri nilang manggagawa sa pabrika. Madalas, nabubuhay sila sa diskarte, pagtitinda sa bangketa na madalas ay hinahabol at hinuhuli. Subalit nais nilang mabuhay ng marangal, kaya kahit sa mumunting trabaho, halimbawa, pagwawalis, paglilinis ng kanal, pagkakarpintero, paglalako ng kung ano-ano, tulad ng tuhog-tuhog, ay ginagawa nila upang mabuhay at may maipakain sa kanilang pamilya.

Kaya pagsapit ng Mayo Uno, Daigdigang Araw ng Paggawa, sila’y nakikiisa sa pagdiriwang nito, at sumasama sa rali upang gunitain ang mga sakripisyo ng mga naunang manggagawa sa kanila, lalo yaong mga nangamatay sa Haymarket Square sa Chicago noong Mayo 1886, upang ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. 

Nagsalita si Mang Ambo sa mga kapitbahay niya sa isang iskwater. “Sasama ba kayo sa rali sa Mayo Uno? Kung hindi pa, kayo’y aking inaanyayahang dumalo at makiisa sa Dakilang Araw ng Paggawa.”

Nagtanong si Berting, “Bakit naman kami sasama riyan, ay wala naman kaming sahod tulad ng mga obrero sa pabrika? Ano bang pakinabang namin diyan? Mahirap para sa amin ang sumigaw ng Sahod Itaas, Presyo Ibaba, dahil nga wala naman kaming sahod na patataasin?”

Sinagot siya ni Mulong, “Alam mo, Berting, bakit kaya ang mga manggagawa ay umuuwi sa komunidad ng maralita, lalo na sa iskwater? Dahil kapwa sila mahirap at pinagsasamantalahan ng bulok na sistema ng lipunan. Sa madaling salita, pangunahin dahil sa krisis sa ekonomya, mababang sahod, at kakapusan sa kabuhayan na nagtutulak sa kanila upang mamuhay sa mga lugar na abot-kaya, kahit na ito ay sa tabing riles, tabi ng tapunan ng basura, o sa ilalim ng tulay. Madalas, ang mga obrero’t maralita’y magkasamang nakikipagsapalaran sa lungsod.”

“Sabagay, tama ka, Mulong,” pagsang-ayon ni Berting, “Mababang sahod at malaking gastusin, na di makaagapay ang sahod sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin. Subalit bilang maralitang walang sahod at pulos diskarte lang upang makakain ang pamilya sa araw-araw, parang kayhirap namang isigaw ang Sahod Itaas, Presyo Ibaba! Bagamat maaari naman kaming sumama sa pagkilos sa Mayo Uno.”

“Maraming salamat naman kung sasama kayo,” ani Mang Ambo, “subalit mas magandang bukal sa inyong puso at nakumbinsi kayo sa katwiran kung bakit dapat nating ipagdiwang ang Mayo Uno kahit wala kayong sinasahod. Nais ko pang magbigay ng ilan pang paliwanag. Ang mga manggagawa ay madalas na malapit sa mga sentro ng kalakalan, pabrika, o opisina kung saan sila nagtatrabaho. Nakakatipid sila sa pamasahe at oras sa pagbiyahe. Madalas ding ang kakulangan ng abot-kayang disenteng pabahay sa mga lungsod ang nagtutulak sa kanilang tumira sa tabing ilog, ilalim ng tulay, o riles ng tren. Ang mataas na implasyon at kawalan ng regular na trabaho ay patuloy na nagpapahirap sa masa, na nag-uudyok sa kanilang ipaglaban ang kanilang karapatan.”

Tatango-tango naman si Berting at ilang mga kapitbahay. Hanggang sa sumapit ang Mayo Uno. Nagtungo sila sa Daang España at nagmartsa patungong Mendiola at doon ay inilahad nila ang kanilang hinaing.

Si Mang Ambo ang unang tinawag upang magsalita, “Bilang isang dating unyonistang nawalan ng trabaho dahil ginipit ng kapitalista, narito kami bilang mga maralitang nakikiisa sa laban ng manggagawa. Wala man kaming sinasahod ngayon, ito’y hindi hadlang upang isigaw natin ang madalas na nating panawagan: Sahod Itaas, Presyo Ibaba!”

Ang pangulo naman ng isang unyon ang nagsalita, “Salamat, Mang Ambo, sa iyong tinuran. Kami mang mga manggagawa sa pabrika ay sumasahod, hindi iyon sapat. Kaya naghihirap din kami tulad ninyo. Subalit ngayong Mayo Uno, ating tandaan, mga kasama, tayong naririto ay nasa iisang uri, magkakauri tayo, bilang uring manggagawa. Dahil ang manggagawa at ang maralita, na madalas ituring na mala-manggagawa, ay nasa iisang uri, bilang mga walang pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon. Iisa ang ating uri. Tayo’y mga proletaryado!”

Sumigaw si Mulong, “Halina’t nating isigaw, Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

Sila’y tumugon: “Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya!”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Mayo 1-15, 2019, pahina 18-19.

Kailan ba talaga isinilang ang KPML: 1985 o 1986?

KAILAN BA TALAGA ISINILANG ANG KPML: 1985 O 1986?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Natatandaan ko, may naisulat noon si Ka Roger Borromeo (SLN), dating pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, hinggil sa kasaysayan ng KPML, at isinulat nga niyang noong panahon ni Marcos isinilang ang KPML. Natatandaan kong isinulat niya ay parang ganito: "Sa gitna ng pakikibaka laban sa diktadurang Marcos isinilang ang KPML". Subalit wala akong kopya ng sinulat niyang iyon, at hindi ko iyon pinansin sa pag-aakalang Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML dahil iyon ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML".

Ang petsang iyon na ang nakagisnan ko nang maging staff ako ng KPML noong Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008. Nakabalik lamang ako sa KPML nitong Setyembre 16, 2018 nang mahalal ako bilang sekretaryo heneral ng pambansang pamunuan nito. Matagal na naming alam na isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1986, dahil iyon ang itinuro sa amin ng mga naunang lider ng KPML. Subalit nang makita ko ang kasaysayan ng PCUP na binanggit ang KPML, naisip kong hindi 1986 itinatag ang KPML kundi noon pang panahon ni Marcos, na marahil ay noong 1985. Binalikan ko rin ang isang magasin hinggil kay ka Eddie Guazon, kung saan nabanggit na pangulo siya ng KPML sa kalagitnaan ng taong 1986.

Ang sumusunod ang nakasulat na kasaysayan ng KPML, ayon sa dokumentong "ORYENTASYON NG KPML", na hawak ng bawat lider at organisador ng KPML sa mahabang panahon, at makikita rin sa blog ng KPML na nasa kawing na http://kpml-org.blogspot.com/2008/04/oryentasyon-ng-kpml.html.

"C. KAILAN AT PAANO NABUO ANG KPML

Sa gitna ng magiting na pakikibaka ng maralita sa karapatan sa paninirahan, serbisyo at kabuhayan, itinatag ang KPML noong Disyembre 18, 1986 bunga ng pagkakabigkis ng iba’t ibang samahang maralita na pinangunahan ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), Coalition of Urban Poor Againts Poverty (CUPAP) at ng Pagkakaisa ng Mamamayan ng Navotas (PAMANA) at ng iba pang samahang maralita. Ang KPML ay isang katugunan sa pangangailangan para sa isang sentrong pampulitikang organisasyon ng maralita.

Isinusulong ng KPML ang pakikibaka ng maralita para sa isang lipunang malaya at may pagkakapantay-pantay kasama ng iba pang samahang pangkomunidad. Binibigyang-diin nito ang pakikipaglaban ng maralita sa pabahay, hanapbuhay at serbisyong panlipunan.

Nagtuloy-tuloy ang pakikibaka ng maralita sa pangunguna ng KPML. Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang. Naglalaman ito ng mga pagsusuri sa mga suliranin ng mga maralitang lungsod, ng kahinaan ng umiiral na proyektong Low Cost Housing at naghain ng alternatibo sa gobyernong Aquino. Nagbunga ang mga konsultasyon at ang sagot ng gobyerno ay ang pagtatayo ng Urban Poor Task Force na sa kalaunan ay itinayo ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) bilang ahenya ng pamahalaan na gagabay sa pagpapatupad ng mga patakaran at implementasyon ng mga programa para sa maralita ng lunsod.

Bagamat nakapagpatayo ng ganitong ahensya para sa maralita, wala ni isa man sa nilalaman ng People’s Proposal ang nakamit, tulad ng ang dapat mamuno rito ay mismong galing sa hanay ng maralita. Walang habas na ipinapatupad ng pamahalaan ang marahas na demolisyon at ebiksyon ng mga maralita. Pagkaraan ng isang taon, nabuwag ang NACUPO at muling pinamunuan ng KPML ang pakikibaka ng maralita."

Subalit nabahala ako na baka totoo nga ang isinulat noon ni KR na kasagsagan ng pagkapangulo ni Marcos nang isinilang ang KPML. Kung pagtutugmain sa pagkakatatag ng Presidential Commission of the Urban Poor (PCUP), marahil ay isinilang ang KPML noong Disyembre 18, 1985, panahong di pa nagaganap ang Pag-aalsang EDSA. Panahon din ito kung saan naitatag ang Families of Victims of Involuntary Disappearance (FIND) na naitatag noong Nobyembre 23, 1985, at BALAY Rehabilitation Center noong Setyembre 27, 1985.

ANG KPML, AYON SA PCUP

Ganito naman ikinwento ng PCUP ang kanilang kasaysayan kung saan nabanggit nila ang KPML, at inilathala ko naman ng buo sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang publikasyon ng KPML, isyu ng Abril 1-15, 2019, mula sa kawing na http://pcup.gov.ph/index.php/transparency/about-pcup/background-history:

"Two months after the February political revolt, on April 10, 1986 the Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, or KPML, had a dialogue with President Corazon C. Aquino and demanded for a moratorium on demolition, and for the establishment of the Presidential Arm on Urban Poor Affairs (PAUPA), a government unit that would allow avenues for the poor for consultation and participation on things that concern them.

On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor.

On December 8, 1986, President Aquino issued Executive Order No. 82 which created PCUP, mainly a coordinative and advocacy body mandated to serve as the direct link of the urban poor to the government in policy formulation and program implementation addressed to their needs”. Nakakuha ako ng dalawang pahinang dokumento ng Executive Order 82, na nag-aatas ng pagtatayo ng PCUP, na nilagdaan ni dating Pangulong Cory Aquino, na may petsang Disyembre 8, 1986.

Abril 10, 1986 pa lang ay may KPML na, ayon sa dokumento ng PCUP. Kaya paanong naging Disyembre 18, 1986 saka lang nabuo ang KPML?

PAGKAKABUO NG NACUPO

Ayon naman sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML": "Noong kalagitnaan ng taong 1987, isa ang KPML na nagbuo ng National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO) na siyang naghain ng People’s Proposal sa Malacañang." Subalit ayon sa PCUP: "On May 30 to June 2, 1986, another alliance was formed, the National Congress of Urban Poor Organizations (NACUPO), composed of two major groups of varying ideological leanings. This new organization pursued the same issues raised during their April 10 march to Malacanang. They stated, however, that they wanted to change PAUPA to PCUP or Presidential Council on Urban Poor."

Noong Mayo 1990, isang taon mula nang mamatay si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng KPML, ay inilathala ang talambuhay ni Ka Eddie sa isang babasahin, at ganito naman ang isinasaad, mula sa kawing na https://kpml-org.blogspot.com/2009/05/touched-by-his-life-ka-eddie-guazon.html.

"In mid-1986, the Aquino administration sponsored a national consultation-workshop among the urban poor, during which the National Congress of the Urban Poor Organizations (NACUPO) was formed. Together with the other delegates, Tatay Eddie, who was already the KPML chairman then, called for the creation of an agency for the urban poor. The agency would represent the urban poor in the planning and implementation of government programs and policies."

Kalagitnaan pa lang ng 1986 ay nakatayo na ang KPML, at tagapangulo na noon si Ka Eddie Guazon. Kaiba ito kaysa nakasaad sa Oryentasyon ng KPML na nagsasabing Disyembre 18, 1986 naitatag ang KPML gayong may KPML na sa kalagitnaan ng 1986. Ayon pa sa Oryentasyon, sa kalagitnaan ng taong 1987 nabuo ang NACUPO, ngunit walang eksaktong petsa. Subalit 1986 ito nabuo, ayon sa talambuhay ni Ka Eddie Guazon, at sa dokumento ng PCUP na isinulat ang eksaktong petsa, Mayo 30 hanggang Hunyo 2, 1986, na apat na araw na pagtitipon. Alin ang totoo?

ILANG PAGSUSURI

Kung naitayo ang PCUP noong Disyembre 8, 1986, kung saan isa ang KPML na nakibaka upang maitayo ang PCUP, at sinasabi naman ng KPML na isinilang siya noong Disyembre 18, 1986, hindi nagtutugma ang kasaysayan. Dahil nauna ng sampung araw na itinatag ang PCUP kaysa KPML, gayong ang KPML ang isa sa nanawagang magkaroon ng PCUP. May problema sa datos.

Subalit kung totoo ang sinabi ni KR na panahon ni Marcos nang itatag ang KPML, magtutugma ang kasaysayan sa tatlong batayan: ang sinabi ni KR, ang dokumento ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon. Dagdag pa, suriin din ang mga datos ng tatlong dokumento: ang Oryentasyon ng KPML, ang kasaysayan ng PCUP, at ang talambuhay ni Ka Eddie Guazon, kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Kung nahingi ko lang noon kay KR ang isinulat niyang kasaysayan ng KPML, magandang panimula na sana iyon ng pagtatama ng kasaysayan. Subalit hindi ko iyon binigyang pansin noon, dahil nga batay sa Oryentasyon ng KPML, 1986 at hindi 1985 isinilang ang KPML, at may selyong bakal pa ang KPML na nakasulat ang Disyembre 18, 1986.

Maraming dapat itama sa datos, lalo na't hindi magkakatugma. Kailan talaga isinilang ang KPML? Disyembre 18, 1985 nga ba, na batay sa isinulat noon ni KR, na nakita ko, subalit wala akong kopya? O ang nakasaad sa dokumentong "Oryentasyon ng KPML" na isinilang ang samahang ito noong Disyembre 18, 1986?

Ang tanong, sino ang nagsulat ng naunang kasaysayan ng KPML na ginagamit sa oryentasyon nito, at bakit hindi ito nagtutugma sa mga pangyayari batay sa kasaysayan ng PCUP at sa talambuhay ni Ka Eddie? Kailangan nating malaman kung kailan talaga isinilang ang KPML dahil malaki ang epekto nito. Panahon ba ni Marcos isinilang ang KPML kung saan matindi pa ang paglaban ng mga tao sa diktadurang Marcos? O sa panahon ni Cory Aquino na diumano'y may kalayaan na, at sariwa pa ang tagumpay ng mga tao sa pagpapatalsik sa tinagurian nilang diktador? Sumama ba at nakibahagi ang KPML sa Pag-aalsang EDSA noong Pebrero 22-25, 1986?

Marahil dapat tanungin ang mga naunang lider ng KPML na nabubuhay pa, katulad ni Ka Pedring Fadrigon, ang pambansang pangulo ng KPML, at ni Ka Butch Ablir ng ZOTO.

Marahil dapat pag-usapan ang kasaysayang ito ng pambansang pamunuan ng KPML, kasama ang Konseho ng mga Lider nito, sa susunod na pulong ng Pambansang Konseho nito sa darating na panahon. At kung kinakailangan, isulat ang resolusyon ng pagtatama ng kasaysayan ng KPML, na lalagdaan ng mayorya ng kasapi ng Pambansang Konseho ng KPML.

KONGKLUSYON

Kung pagbabatayan ko ang mga datos, hindi Disyembre 18, 1986 isinilang ang KPML, at malamang ay Disyembre 18, 1985. Hindi lang ito usapin ng petsa o kung anong taon talaga isinilang ang KPML. Usapin ito ng pagsasalaysay ng tama, kung ano ang naging batayan ng pagkakabuo, kung anong panahon, tulad ng panahon ba ng diktadura kaya dapat itayo ang KPML, o panahon na kasi na "malaya" na ang bayan kaya malaya na tayong nakapag-organisa.

Kung ang KPML ay naitatag noong 1985, ang KPML ay ibinulwak ng pakikibakang anti-diktadura, tulad ng kasabayan nitong FIND at BALAY. Kung 1986 naman, ano ang batayan ng pagkakatatag ng KPML sa panahong "malaya" na ang bayan? Ganyan kahalaga ang kasaysayan, kaya dapat maitama rin natin ang mga petsa at datos na dapat maisulat.

Batay sa pagsusuri at mga nasaliksik na ito, kailangang itama at muling isulat ang kasaysayan ng KPML.