TEODORO ASEDILLO: Magiting na Guro, Lider-Manggagawa, Bayani
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa sa pinakamagiting na bayani sa kasaysayan ng kaguruan at ng uring manggagawa sa Pilipinas si Teodoro Asedillo. Mula sa angkan ng dating katipunerong si Antonio Asedillo, isinilang siya noong Hulyo 1883 sa Longos (ngayon ay Kalayaan), sa lalawigan ng Laguna.
Mula taong 1910 hanggang 1921, si Maestro Asedillo ay naglingkod bilang guro sa mababang paaralan ng Longos, kung saan itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.
Sakop ng Amerika ang Pilipinas sa panahong yaon, at isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. Ang paggamit ng wikang Pilipino’y mahigpit na ipinagbawal, at yaong gumagamit nito’y pinarurusahan. Walang Pilipinong pinahintulutang mamuno sa DPI, hanggang sa panahong itatag ang pamahalaang Komonwelt.
Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo.
Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. Noong sumunod na taon, ang una niyang asawang si Honorata Oblea ay namatay sa tuberculosis. Naiwan sa kanya ang anak nilang si Pedro. Muli siyang nakapag-asawa noong 1925, kay Eustaquia Pacuribot.
Nagkatrabahong muli si Asedillo nang hirangin siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon. Naging bantog siya bilang hepe at marami ang nadakip na kriminal at bandido. Ngunit nang magpalit ang administrasyon sa bayang iyon matapos ang isang halalan, nabiktima siya ng pang-iintriga, natanggal siya bilang hepe, at pinalitan ng isang malakas sa bagong mga opisyal.
May malawakang pagkabalisa noon ang mga magbubukid at manggagawa dahil sa kawalan ng katarungang panlipunan at sa malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap bunga ng pyudalismo. Dahil dito, naitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929. Sumapi sa KAP si Asedillo nang siya’y nagkatrabaho bilang magsasaka sa taniman ng kape. May limang layunin ang KAP: (1) mapagkaisa ang mga manggagawa at magbubukid sa makauring pamumuno ng KAP; (2) labanan ang mala-kolonyalismong pinaiiral ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas; (3) itaguyod at paunlarin ang kabuhayan ng mga anakpawis; (4) kamtin ang tunay na kasarinlan ng Pilipinas at itatag ang isang tunay na pamahalaan ng taongbayan; at (5) makipag-isa sa kilusang mapagpalaya sa iba’t ibang panig ng daigdig. Patakaran ng KAP sa pag-oorganisa ang pagtatayo ng mga unyon ng mga manggagawa, pagtatatag ng partido pulitikal ng mga manggagawa, at pagtataguyod ng makauring pakikibaka.
Lumaganap ang KAP sa buong Kamaynilaan, sa Timog Luzon at Gitnang Luzon. Inatasan ng pamunuan ng KAP si Asedillo na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo. Ang kanyang mag-iina ay naiwan sa Laguna.
Sa La Minerva, hindi pinakinggan ng pangasiwaang kapitalista ang hinaing ng mga manggagawa kaya’t naglunsad ng welga sina Asedillo noong 1934. Dinahas ng magkasanib na pwersa ng konstabularya at Manila Police Department ang mga manggagawa. Namatay ang limang manggagawa at nasugatan ang marami pang iba nang salakayin ng Konstabularya ang piketlayn. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya dahil isa siya sa mga namuno doon, pero nakawala siya at tumakas papuntang Laguna, ang kanyang probinsya. Nang mabalitaan sa pahayagan ng isang opisyal na taga-Laguna na nagawi noon sa Maynila ang welgang pinangunahan ni Asedillo sa La Minerva, isinumbong nito sa pulisya’t militar na si Asedillo ay “komunista”.
Kasabay ng welga sa La Minerva ang pag-aalsa naman ng mga Sakdalista na pinangunahan ng makatang si Benigno Ramos. Layunin ng mga Sakdalista ang (1) pagtuligsa sa sistema ng edukasyong kolonyal na pinangangasiwaan ng mga gurong Amerikanong Thomasites; (2) pagtutol din sa pagtatatag ng mga baseng militar at mga instalasyon ng Amerika sa Pilipinas; at (3) ang paglaban sa dominasyon ng mga Amerikano sa ekonomya at likas na kayamanan ng ating bansa. Umabot sa 50,000 ang kasapi ng Sakdalista sa Timog at Gitnang Luzon.
Naganap ang sunud-sunod na pag-aalsa ng mga magbubukid noong Mayo 2, 1935. May 150 magsasaka ng San Ildefonso, Bulacan, ang sumalakay sa munisipyo, na pawang armado ng itak at paltik. Ibinaba nila ang mga bandila ng Amerika at Pilipinas, at itinaas ang pulang watawat ng Sakdalista. Sanlibong pesante naman ang sumalakay sa Presidencia ng Tanza at Caridad, Cavite, gayundin sa Cabuyao at Sta. Rosa, Laguna. Subalit sa ganting-salakay ng konstabularya noong Mayo 3 ay nasugpo ang mga pag-aalsa. May 50 pesante ang nagbuwis ng buhay, ilandaan ang nasugatan at may limandaang nadakip at napiit.
Nang mawasak ang unyon at mapatay ang ilang welgista sa La Minerva, nang masawi at makulong ang mga nag-alsang Sakdalista, nagpasyang tumakas ni Asedillo sa tumutugis na pulisya’t militar. Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.
Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas, at beterano ng Rebolusyon at pakikidigma laban sa pananakop ng Estados Unidos. Madalas magdaos ng pulong si Asedillo sa mga baryo upang ipaliwanag ang mga layunin ng KAP at makapangalap ng mga tao para sa layunin nito. Itinaguyod din niya ang pagtutol sa pagbabayad ng buwis. Nilibot din niya ang mga baryo sa Laguna at karatig na lalawigan ng Quezon, noo’y Tayabas, upang mangalap ng magsasaka at mapaanib sa KAP.
Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.
Kahit sa maikling panahon, mahusay niyang ginamit ang mga taktikang gerilya, kaya’t nakaiwas sa rekonsentrasyon at lambat-bitag ng mga tropa ni Tenyente Jesus Vargas. Natiis niya ang desperadong pagbihag sa kanyang mag-iina. Sadyang hindi matawaran ang kagitingan at determinasyong ipinamalas ni Asedillo sa mga kasamahan niya.
Noong Nobyembre 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.
Ang tanging “krimeng” ginawa niya ay ang pagtatanggol sa mga manggagawa at magsasaka na ipaglaban ang hustisyang panlipunan, at krimen sa mga gurong Thomasites na tagapaghasik ng kulturang kolonyal na kanyang sinuway at tinuligsa. Ang halimbawa ni Asedillo ay isang halimbawang dapat tularan at hindi dapat ibaon sa limot. Ang kanyang kasaysayan ay dapat maikwento at magbigay inspirasyon sa mga manggagawa ngayon, sa mga guro, at sa mga kabataan.
Sa bawat yugto ng pagsasamantala, may isinisilang na tulad nina Andres Bonifacio, Macario Sakay, Teodoro Asedillo, Filemon Lagman, at marami pang mula sa uring manggagawa ang ayaw magpaalipin at ayaw manatiling alipin. Ang mga halimbawa nila ay magtitiyak na patuloy pang isisilang ang mga bagong Asedillo na magtatanggol sa mga api at maghahangad ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay at walang magsasamantala ng tao sa tao.
(Pinaghalawan: (a) aklat na Titser ng Bayan ni Enrique “Eric” Torres, pp. 30-35; (b) aklat na Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway, pp.27 at 145; (c) aklat na “Ang Bagong Lumipas – I” ni Renato Constantino at isinalin sa Pilipino nina Lamberto Antonio at Ariel Dim. Borlongan, pp. 439-441. Ang larawan ni Asedillo ay mula kay Ed Aurelio Reyes ng Kamalaysayan)