ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.
May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?
Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.
Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.
Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.
Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.
Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.
Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.
Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.
Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.
Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.
Mabuti na lamang. Mabuti na lang.
Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.
Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.
Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.
Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.
Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.
Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.
Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.
Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.