Martes, Disyembre 2, 2008

Ang Supremo at Pangulong Andres Bonifacio

ANG SUPREMO AT PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bandang 1995 nang mabasa ko ang artikulo nina Dr, Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion, at Ramon Villegas hinggil kay Andres Bonifacio at sa Himagsikang 1896 kung saan tinalakay dito na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Aktibo ako noon sa mga gawain ng Kamalaysayan (na noon ay Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na napalitan na ngayon ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na pinangungunahan noon nina Prof. Ed Aurelio Reyes, Prof. Bernard Karganilla at Jose Eduardo Velasquez. Ang artikulo nina Dr. Guerrero ay nasa isang magasing glossy ang mismong loob na mga pahina na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ngunit nawala na sa akin ang kopya ko nito. Nakasulat ito sa wikang Ingles.

Sa isyu ng Hulyo-Oktubre 1996 ng magasing The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng FEATI University, kung saan ako ang features-literary editor ng mga panahong iyon, ay isinulat ko sa aking kolum na LINKS, na si Andres Bonifacio ang unang pangulo. Dagdag pa rito, isinalaysay ko rin doon ang isa sa mga panalo ng Katipunan sa Kalakhang Maynila. Isinalaysay sa akin noon ni Velasquez ng Kamalaysayan ang naganap na Nagsabado sa Pasig kung saan nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang naganap sa Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga mananakop.

Si Bonifacio ay Pangulo, hindi lamang siya Supremo, o pangulo ng mga pangulo ng mga balangay ng Katipunan. Siya ang pangulo ng isang rebolusyonaryong pamahalaan mula nang ideklara nila ang kalayaan ng bayan noong ika-24 ng Agosto 1896 hanggang sa pagpaslang sa kanya noong ika-10 ng Mayo 1897.

Ayon kay Ginoong Reyes, iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan ang artikulong "Pangulong Andres Bonifacio" at nalathala bilang bahagi ng aklat na "Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko?" ni Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, kung saan ako naman ang ikalawang patnugot nito at si Reyes ang punong patnugot, mula pahina 12-17.

Ngunit minsan ay may nagsabi sa akin: "Bakit ba inilalagay ang titulong Pangulo kay Bonifacio gayong ang titulong iyan ay ginagamit ng burgesya at ng mga nagtraydor sa masa?" Isa siyang katulad kong aktibista. Totoo ang sinabi niya. Ang titulong Pangulo ng Pilipinas ay ginamit ng mga naghaharing uri sa bansa, na sa tingin ng marami ay pawang mga "tuta ng Kano" o "pangulong nakikipagkutsaban sa mga dayuhan o imperyalista".

Ngunit hindi naman tayong mga aktibista ngayon ang nagsasalitang dapat gawin nating unang Pangulo si Bonifacio. Maraming patunay mula pa noong buhay pa si Bonifacio hanggang sa mga dokumento't pahayag ng mga Katipunero noon na kinikilala siyang Pangulo ng unang naitayong pamahalaan sa bansa. Kaya hindi tayong mga aktibistang nabubuhay ngayon ang pilit na nagdedeklara niyan. Nais lang nating itama ang nasasaad sa kasaysayan. Kailangan nating bigyan ng hustisya ang manggagawang si Bonifacio sa ganap na pagkilala sa kanya bilang pangulo. Bakit ito pilit na itinatago, tulad ng pagtago sa totoong naganap na pagpatay sa kanya ng mga kapwa rebolusyonaryo?

Ang pagtanghal ba kay Bonifacio bilang unang Pangulo ay nagpapababa sa kanyang pagkatao? Hindi. Nagpapaangat itong lalo sa kanyang katayuan pagkat siya'y Pangulo ng unang pamahalaan at hindi lang bilang Supremo ng Katipunan. Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay mawawalan na ba siya ng silbi bilang simbolo ng pakikibaka? Hindi, at dapat hindi. O marahil, iniisip ng nakausap ko na ang pagtanghal kay Bonifacio bilang Pangulo ay nagpapahina sa kasalukuyang pagbaka ng mga aktibista para sa pagbabago.

Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay hindi na gagamit ng dahas at hindi na mag-aarmas ang mga kabataan, ang mga api, ang mga naghahangad ng pagbabago? Pag sinagot natin ito ng oo'y nawawalan na tayo ng kritikal na pag-iisip. Gawin nating gabay ang kasaysayan, ngunit huwag natin itong kopyahin. Ang paggamit ni Bonifacio ng armas ay naaayon sa kalagayan ng kanyang panahon. Kung gagamit tayo ng armas ngayon nang hindi naaangkop sa kalagayan at panahon ay para na rin tayong nagpatiwakal.

Tinawag na Supremo si Bonifacio dahil siya ang nahalal na pangulo ng mga pangulo ng iba't ibang balangay ng Katipunan na bawat balangay ay may pangulo. Nang ang Katipunan ay naging ganap na rebolusyonaryong pamahalaan, siya ang Pangulo ng unang pamahalaan, na pinatunayan naman ng mga Katipunero noon at ng maraming historyador. Kaya marapat lamang ibigay sa kanya ang nararapat sa kanya, na halos makalimutan na sa kasaysayan. O marahil pilit iwinawaksi sa kasaysayan dahil sa pamamayagpag ng mga kalaban ni Bonifacio sa mga sumunod na pamahalaan pagkamatay niya hanggang sa kasalukuyan.

Minsan, sinabi ng asawa ni Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Para bang sinabihan tayong halungkatin natin ang kasaysayan pagkat ang mga kaaway ni Bonifacio'y pilit na itinago sa matagal na panahon ang kanyang mga ambag sa bayan, at ang pagpatay sa kanya'y upang mawala na siya sa kangkungan ng kasaysayan. Ngunit pinatunayan ng sinabi ni Oriang na hindi mananatiling lihim ang lihim, at pilit na mauungkat ang mga may kagagawan ng pagpaslang at pagyurak sa dangal ng Supremo ng Katipunan.

Sa tunggalian ng uri sa lipunan, hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ni Aguinaldo, ang taong nag-utos na paslangin si Bonifacio. Siyang tunay. Hindi dapat maisama si Bonifacio sa hanay ng mga pangulong halos lahat ay tuta ng Kano, o mga pangulong ninanais magpadagit sa kuko ng agila kaysa organisahin ang masa upang tumayo sa sariling paa. Hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ng burgesya't elitista tulad ng mga sumunod na pangulo sa kanya, pagkat si Bonifacio ang simbolo ng pagbaka ng mga manggagawa kaya lumalahok ang mga manggagawang ito sa pagkilos tuwing Mayo Uno na Pandaigdigang Araw ng Paggawa, at Nobyembre 30 na kaarawan naman ni Bonifacio. Ngunit kung alam natin ang kasaysayan, ibigay natin kay Pangulong Andres Bonifacio ang nararapat na pagkilala.

Si Gat Andres Bonifacio, itanghal mang pangulo, ay simbolo pa rin ng himagsikan, simbolo ng uring manggagawa, tungo sa pagbabago ng lipunan at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Itanghal mang pangulo si Bonifacio, siya lang ang pangulong hindi naging tuta ng Kano at siyang totoong tumahak sa landas na matuwid para sa kagalingan, kaunlaran at kasarinlan ng buong bayan. Siya lang ang Pangulong mula sa uring manggagawa. Mananatili siyang inspirasyon ng mga manghihimagsik laban sa mga mapagsamantala sa lipunan at sa mga nangangarap ng pagbabago upang maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa ngayong nalalapit na ang ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2016, ating sariwain ang mga patunay nang pagkilala ng mga Katipunero noon, pati na mga historyador, kay Gat Andres Bonifacio bilang Pangulo, at kung bakit dapat siyang itanghal na unang pangulo ng bansa. Sa ngayon, sa mga aklatan, si Aquinaldo ang tinuturing na unang pangulo at sumunod sa kanya ay si Manuel L. Quezon. Nariyan din ang pagsisikap ng ilan na itanghal ding pangulo ng bansa si Miguel Malvar at si Macario Sakay ngunit dapat pa itong mapatunayan, ipaglaban, at ganap na maisabatas.

Maraming pinagbatayan sina Guerrero, Encarnacion at Villegas kung bakit dapat itanghal si Bonifacio bilang unang pangulo. Isa-isahin natin:

Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging isa nang pamahalaan. Bago iyon, ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Sipiin natin ang mga paliwanag at batayan, mula sa artikulo ng tatlo, na malayang isinalin sa sariling wika:

Nang tinanong si Bonifacio sa Tejeros kung ano ang kahulugan ng titik K sa watawat ng Katipunan, sinabi niyang ito'y "Kalayaan" at kanyang ipinaliwanag: "…na mula sa Ktt. Pamunuan ng Katipunan, hanggan sa kababa-babaan, ay nagkakaisang gumagalang sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay; namumuhunan ng dugo at buhay laban sa Hari, upang makapagtatag ng sarili at malayang Pamahalaan, na samakatwid, ay mamahala ang Bayan sa Bayan, at hindi ang isa o dalawang tao lamang."

Ang tumatayong pangulo ng paksyong Magdiwang na si Jacinto Lumberas ang nagsabi ng ganito: "Ang Kapuluan ay pinamamahalaan na ng K.K.K. ng mga Anak ng Bayan, na siyang nagbukas ng Paghihimagsik; may Batas at Alintuntuning pinaiiral; sinusunod at iginagalang ng lahat sa pagtatanggol ng Kalayaan, pag-ibig sa kapatid, pag-aayos at pamamalakad ng mga Pamunuan."

Ayon naman kay Heneral Santiago Alvarez ng paksyong Magdiwang sa Cavite ay nagsabi naman ng ganito: "Kaming mga Katipunan…ay mga tunay na Manghihimagsik sa pagtatanggol ng Kalayaan sa Bayang tinubuan.

Ayon naman kay John R.M. Taylor, isang Amerikanong historyador at siyang tagapag-ingat ng Philippine Insurgent Records (mga ulat ng mga manghihimagsik sa Pilipinas), itinatag ni Bonifacio ang unang pambansang pamahalaang Pilipino. Sa pagsusuri ni Taylor sa mga dokumento, lumaban para sa kasarinlan ng bayan ang Katipunan, at bawat pulutong o balangay ng Katipunan sa iba't ibang pook ay ginawa niyang batalyon, ang mga kasapi'y binigyan ng mga mahahalagang katungkulan, at ang kataas-taasang konseho ng Katipunan bilang mga pinuno ng pambansang pamahalaan.

Maging ang mga historyador na sina Gregorio F. Zaide at Teodoro Agoncillo ay kinilala ang rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio. Ayon kay Zaide, ang Katipunan ay hindi lamang isang lihim na samahan ng mga manghihimagsik kundi isang pamahalaan, na ang layunin ay mamahala sa buong kapuluan matapos mapatalsik sa bansa ang mga mananakop. Ayon naman kay Agoncillo, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan bilang pamahalaang may gabinete na binubuo ng mga lingkod na kanyang pinagkakatiwalaan.

Noon namang bandang 1980, mas luminaw umano ang pamahalaang Katagalugan ni Bonifacio nang masaliksik ang iba't ibang liham at mga mahahalagang dokumentong may lagda ni Bonifacio. Ang mga ito umano'y bahagi ng koleksyon ni Epifanio de los Santos na isa ring kilalang historyador at dating direktor ng Philippine Library and Museum bago magkadigma. Tatlong liham at isang sulat ng pagtatalaga kay Emilio Jacinto na pawang sinulat ni Bonifacio ang nagpapatunay na si Bonifacio ang unang pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Ang mga nasabing dokumento'y may petsa mula ika-8 ng Marso hanggang ika-24 ng Abril 1897. Ang ilan sa mga titulo ni Bonifacio, batay sa mulaangliham (letterhead), ay ang mga sumusunod:

Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan;
Ang Kataastaasang Pangulo;
Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan;
Ang Pangulo ng Haring Bayan,  May tayo nang K.K. Katipunan nang mga Anak ng Bayan at Unang naggalaw nang Panghihimagsik;
Kataastaasang Panguluhan, Pamahalaang Panghihimagsik

Bagamat ang tawag ni Bonifacio sa Pilipinas noon ay Katagalugan, ito'y pumapatungkol sa buong kapuluan, pagkat ang tinatawag noon na Pilipino ay yaong mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas. Ayon nga sa isang dokumentong nasa pag-iingat ni Epifanio de los Santos, " Sa salitang “Tagalog”, katuturan ay lahat ng tumubo sa Sangkapuluang itó; samakatuwid, “Bisaya” man, “Iloko,” “Kapampangan” atbp. ay “Tagalog” din."

Nagpapatunay din ito na ang pamahalaan ni Bonifacio ay demokratiko at pambansa, na kaiba sa sinasabi ng ilang historyador na nagtayo si Bonifacio ng pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo matapos ang kumbensyon sa Tejeros.

Ayon pa sa artikulo nina Guerrero, Encarnacion at Villegas, may nakitang isang magasing La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 at nakasulat sa wikang Kastila na may larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Isang mamamahayag na nagngangalang Reparaz ang nagpatunay nito at kanya pang isinulat kung sinu-sino ang mga pangunahing opisyales sa pamahalaang itinayo ni Bonifacio. Ang mga ito'y sina: Teodoro Plata, Kalihim ng Digma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim na Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco bilang Kalihim ng Pananalapi.

Ang transpormasyon ng Katipunan mula sa isang samahan tungo sa isang pamahalaan at ang pagkakahalal ni Bonifacio bilang pangulo'y kinumpirma rin ng manggagamot na si Pio Valenzuela sa kanyang pahayag sa mga opisyales na Kastila. Sa ulat naman ng historyador na Kastilang si Jose M. del Castillo sa kanyang akda noong 1897 na "El Katipunan" o "El Filibusterismo en Filipinas" ay pinatunayan din ang naganap na unang halalan sa Pilipinas at nagtala rin siya ng mga pangalan ng pamunuan tulad ng nalimbag sa La Ilustracion.

Ang nadakip na Katipunerong nagngangalang Del Rosario ay inilalarawan bilang "isa sa mga itinalaga ng Katipunan upang itayo ang Pamahalaang Mapanghimagsik ng Bayan at isagawa ang tungkulin sa mga lokal na pamamahala sa mga bayan-bayan."

Oo't marami ngang patunay na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Ngunit dapat itong kilalanin ng buong Pilipinas at hindi ng mga maka-Bonifacio lamang. Kinilala na si Bonifacio bilang bayani ng Pilipinas, bilang pinuno ng Katipunan, kaya ginawang pista opisyal ang araw ng kanyang kapanganakan, ngunit hindi ito sapat. Panahon naman na ideklara ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas, na si Gat Andres Bonifacio ang unang Pangulo ng Pilipinas. Siya, na simbolo ng pagbaka ng uring manggagawa at sambayanan para sa kalayaan at katarungan, ay dapat tanghaling unang Pangulo ng ating bansa, at mailimbag ito sa mga aklat sa paaralan upang magamit na pangunahing aralin ng mga mag-aaral hinggil sa kasaysayan at araling panlipunan.