Sabado, Nobyembre 28, 2009

Maalam din sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio

MAALAM DIN SA WIKANG KASTILA SI GAT ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawang patunay na maalam sa wikang Kastila si Gat Andres Bonifacio. Ang una ay ang pagkakasalin niya sa wikang Tagalog ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal na nakasulat sa wikang Kastila. Ang ikalawa ay ang pagkasulat ni Bonifacio ng isang tula sa wikang Kastila noong bata pa siya.

Maraming salin sa wikang Filipino ang tulang Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal, ngunit ang kilalang unang nagsalin nito ay si Gat Andres Bonifacio. Pagkamatay ni Rizal ay limang buwan pang nabuhay si Bonifacio. Matatas at magaling ang kanyang pagkakasalin bagamat isinalin ito ni Bonifacio sa paraang iba ang anyo. Ang tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal ay binubuo ng labing-apat na saknong at bawat saknong ay may limang taludtod. Ang pagkakasalin naman ni Bonifacio ay binubuo ng dalawampu't walong saknong, ang bawat saknong ay may apat na taludtod, at ang bawat taludtod ay may pantig na lalabingdalawahin. Kumbaga, ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio. Tingnan natin ang pagkakasalin ni Bonifacio kay Rizal sa una at huling taludtod:

Saknong 1 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, Patria adorada, region del sol querida,
Perla del Mar de Oriente, nuestro perdido Eden!
A darte voy alegre la triste mustia vida,
Y fuera más brillante más fresca, más florida,
Tambien por tí la diera, la diera por tu bien.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 1:

Pinipintuho kong Bayan ay paalam
lupang iniirog ng sikat ng araw,
mutyang mahalaga sa dagat Silangan
kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

Masayang sa iyo'y aking idudulot
ang lanta kong buhay na lubhang malungkot;
maging marangal man at labis alindog
sa kagalingan mo ay akin ding handog

Saknong 14 ng Mi Ultimo Adios ni Rizal:

Adios, padres y hermanos, trozos del alma mía,
Amigos de la infancia en el perdido hogar,
Dad gracias que descanso del fatigoso día;
Adios, dulce extrangera, mi amiga, mi alegría,
Adios, queridos séres morir es descansar.

Salin ni Bonifacio sa Saknong 14:

Paalam, magulang at mga kapatid,
kapilas ng aking kaluluwa't dibdib,
mga kaibigan bata pang maliit,
sa aking tahanang di na masisilip.

Pagpasalamatan at napahinga rin,
pa'lam estrangherang kasuyo ko't aliw,
paalam sa inyo mga ginigiliw,
mamatay ay siyang pagkagupiling.

Hindi lang nagsalin ng tula ni Rizal si Bonifacio bilang patunay ng kanyang kaalaman sa wikang Kastila, kundi nagsulat din siya ng tula sa wikang Kastila, na ayon sa mananaliksik na si Virgilio S. Almario ay mula umano sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel. [Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), V. S, Almario, pahina 134]. Ang tulang ito "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." (Ibid.) Ibig sabihin, di lang simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi isang awit. Narito ang dalawang saknong ng tula sa wikang Kastila ni Gat Andres Bonifacio:

MI ABANICO
un poema de Andres Bonifacio

Del sol nos molesta mucho el resplandor,
Comprar un abanico de quita el sol;
Aqui sortijas traigo de gran valor,
De lo bueno acaba de lo mejor,
de lo mejor.

El abanico servi sabeis para que?
Para cubrir el rostro de una mujer,
Y con disimulo pondreis mirar,
Por ente las rajillas del abanico.
Vereis la mar.

Noong high school ako ay may kurso pang Spanish. Nasa third year yata kami noon nang nagturo sa amin ng Spanish ang aming gurong si Mam Luz Boayes. Kahit ang sikat na awiting Espanyol na "Eres tu" ay tinuro niya't pinakanta sa amin, at tanda ko pa ang tono nito. Halos limot ko na ang ilang itinurong mga pangungusap sa Espanyol dahil bihira naman itong gamitin sa araw-araw. Sa kaunti kong kaalaman sa wikang Kastila, sinubukan kong isalin ang tula ng ating bayani. Wala kasing salin ang awiting ito sa aklat ni Almario. Ang nagawa ko'y isang tulang may labing-anim na pantig na may sesura (hati) sa ikawalo. Narito ang aking malayang salin sa wikang Filipino ng tulang "Mi Abanico" ni Bonifacio:

ANG AKING PAMAYPAY
tula ni Gat Andres Bonifacio

Sadyang nakababagabag yaring araw na sumikat
Kaya dapat lang mabili ang pamaypay na pantapat
May dala rin akong singsing na mahusay yaong karat
Kung ano ang mas mabuti ay buting karapat-dapat
kabutihang nararapat.

Ang silbi ng pamaypay ay iyo bang nababatid
Na sa maamong mukha ng binibini'y nagsisilid
At kabighanian niya'y susulyapan din ng lingid
Mula sa katawan niring pamaypay na ating hatid
habang ang dagat ay masid

Marahil, balang araw ay susubukan ko ring isalin sa makabagong wikang Filipino ang tula ni Rizal bilang dagdag sa marami nang salin ng Mi Ultimo Adios. Isa yaong hamon sa aking kakayahan bilang manunulat at tagasalin.

Sa kaalaman ni Bonifacio sa wikang Kastila, ang kanyang pagsulat ng tula sa wikang ito noong bata pa siya, at ang pagkakasalin niya sa huling tula ni Rizal ay nagpapatunay lamang na may matalas na kaisipan at may pinag-aralan si Bonifacio. Ibig sabihin, hindi totoo ang impresyon ng tao sa kanya na hindi siya marunong bumasa at sumulat, tulad ng nais ipahiwatig ng namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya sa pelikulang "Rizal" na pinagbibidahan ni Cesar Montano. Sa pelikula'y ipinakitang utal kung magbasa si Bonifacio.

Bagamat hindi nakatapos ng ikalawang baytang sa hayskul si Bonifacio, siya naman ay palabasa. Ayon sa aklat na "A History of the Philippines: From the Spanish Colonization to the Second World War" nina Renato at Letizia Constantino, pahina 162: "Poverty prevented him (Bonifacio) from going beyond the second year of high school but he was an avid reader, especially on the subject of revolution." (Kahirapan ang pumigil kay Bonifacio upang makatapos ng kanyang ikalawang baytang sa mataas na paaralan ngunit siya'y masipag magbasa, lalo na sa paksa ng himagsikan. - salin ni GBJ) Ipinapakita nito na hindi lamang sa paaralan nakukuha ang karunungan kundi sa pagtitiyaga at pagsisikap na matuto sa pamamagitan ng pagbabasa at pagsusunog ng kilay.

Isang inspirasyon ang ginawang ito ni Bonifacio para sa kasalukuyang salinlahi upang yaong hindi makapag-aral dahil sa mahal ng presyo ng matrikula, o dahil itinulak sila ng kalagayang maghanapbuhay sa mas maagang edad, ay maaari ding maging mahusay na pinuno balang araw. Kaya dapat magbasa-basa ang mga kabataan ngayon ng mga aklat hinggil sa pilosopiya, matematika, agham at teknolohiya, araling panlipunan, at iba pang makabuluhang araling tingin nila'y makatutulong sa kanilang pag-unlad bilang taong may dignidad, prinsipyado, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao.

Ang kaalamang ito ni Bonifacio sa wikang Kastila ang isa sa nagdala sa kanya sa imortalidad, tulad din ng kanyang pagiging makata, manunulat, manggagawa, estratehista, pinuno ng himagsikan, pangulo ng unang pamahalaan, at pambansang bayani.