Huwebes, Disyembre 16, 2010

Ang LIRA at ako

ANG LIRA AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Agosto 25, 2001 ang una kong pulong sa LIRA o Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo sa Adarna House sa Scout Limbaga St., sa Lungsod, Quezon. Kinausap kami ni Rebecca Añonuevo na pangulo noon ng LIRA na kami ang mga nakapasa at nais nilang maging bahagi ng pag-aaral sa LIRA. Setyembre 1, 2001, sa UST Literary Center ay nagturo sa amin si Ginoong Virgilio Almario o makatang Rio Alma hinggil sa kasaysayan ng panulaan sa Pilipinas.  Setyembre 8, 2001 ang unang sesyon ng pagtuturo sa amin ng tula, at ang unang paksa ay ang tugma at sukat na ang aming guro ay ang makatang si Michael Coroza. Agad niya kaming pinagawa ng tula hinggil sa aming natutunan ng araw na iyon na aming ipapasa sa susunod na sesyon. Tuwing Sabado ng hapon lang ang aming sesyon.

Sa aming mga magkakaklase ay ang aking pyesa ang unang naisalang, dahil bukod sa mahaba, ay hinggil iyon sa naganap na pagbagsak ng World Trade Center at Pentagon sa New York at Washington noong Setyembre 11, 2001. Ang tula kong ipinasa ay binubuo ng labing-anim na saknong na may apat na taludtod bawat saknong, at labingdalawang pantig bawat taludtod. Ayon kay Ginoong Coroza, imbes na labing-anim na saknong ay kaya naman iyong gawin sa tatlong saknong lamang nang hindi nawawala ang buong diwa.

Dahil sa palihan ng LIRA, nakarating ako sa Kongreso ng UMPIL (Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas) na ginanap sa Goethe Institute (German Library) noong Agosto 2001. Dito ko nakilala ang maraming magagaling at kilalang makata ng bansa, tulad ng magkapatid na Roberto at Rebecca Añonuevo, Vim Nadera, Teo Antonio, Jerry Gracio, at marami pang iba. Kaklase ko sa palihang iyon ang ngayon ay pawang sikat na rin sa larangan ng panitikan, na sina Edgar Calabria Samar at Jose Jason Chancoco.

Isa sa hindi ko malilimutan ay ang pagkamatay ng isang kilalang makata. Isang linggo na lamang ay nakatakdang magturo sa amin ang batikang makatang si Mike Bigornia, na awtor ng mga aklat ng tulang Prosang Itim at Salida, nang ito'y mamatay. Nakadalo ako sa burol sa St. Peter, at paglilibing sa kanya sa isang sementeryong malapit sa Tandang Sora sa Lungsod Quezon. Hindi siya nakapagturo sa amin, ngunit nakadaupang-palad ko siya sa Kongreso ng UMPIL.

Mula sa palihan sa LIRA ay naging aktibo ako sa pagtula, at ang hinawakan kong 8-pahinang pahayagan ng maralita bilang managing editor nito - ang Taliba ng Maralita - ay nilalagyan ko ng sarili kong likhang tula. Ganito ang aking katuwaan, na kahit sa pahayagang Obrero ng mga manggagawa ay tinitiyak kong lagi akong may nalalathalang tula.

Ayon sa kasaysayan, taong 1985 nang nagkasundo ang siyam na batang makata — sina Rowena Gidal, Edwin Abayon, Dennis Sto. Domingo, Ronaldo Carcamo, Danilo Gonzales, Vim Nadera, Ariel Dim. Borlongan, Romulo Baquiran Jr., at Gerardo Banzon na patuloy na magtagpo kahit natapos at sumailalim na sila sa Rio Alma Poetry Clinic, isang serye ng mga Sabado ng palihan at madugong pagsipat sa mga tula. Kaya’t noong 15 Disyembre 1985, sa tanggapan ng ngayo’y Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan Virgilio S. Almario, (mas kilala bilang Rio Alma) sa Adarna House, Quezon City, isinilang ang Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA), isang organisasyon ng mga makatang masigasig na nagsusulat sa wikang Filipino.

Matapos ang anim na buwan, noong Marso 8, 2002, ay nakapagtapos kami sa LIRA. Kasabay iyon ng paglulunsad ng bagong aklat ng mga tula ni Rio Alma na may pamagat na Supot ni Hudas na kulay itim ang pabalat. Sa aming mahigit dalawampung magkakaklase ay siyam lang kaming nakapagtapos, habang apat naman ang agad na naging kasapi ng LIRA. Hindi ako kasama sa mga naging kasapi bagamat nakapagtapos. Gayunpaman, dinadaluhan ko ang iba't ibang aktibidad ng LIRA basta lamang nagkapanahon.

Itinuturing ko nang bahagi ng aking buhay ang LIRA, dahil napaunlad nito ang aking kakayahan sa pagtula, at lumawak ang aking pananaw sa buhay. Dito'y nadiskubre ko na mas nais kong tumula ng may tugma at sukat, bagamat may ilan din akong mga tulang nasa malayang taludturan.