Martes, Oktubre 16, 2012

Tula para kina Jose Rizal at Daw Aung San Suu Kyi

TULA PARA KINA GAT JOSE RIZAL AT DAW AUNG SAN SUU KYI
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong ulit kong binasa sa Mae Sot, sa harap ng mga taga-Burma, ang isang tulang ginawa ko noong 2010. Ang una'y noong unang gabi namin sa Mae Sot, sa tanggapan ng DPNS (Democratic Party for New Society). Ang ikalawa'y noong Setyembre 18, 2012, nang maging panauhin kami sa DPNS School, na binasa ko sa harap ng maraming mag-aaral. Ang ikatlo naman ay pagkatapos ng aking pag-uulat at pagtatasa sa harapan ng mga kasapi ng Yaung Chi Oo Workers Association (YCOWA) noong Setyembre 25, 2012. Iyon ang huling araw ko sa tanggapan ng YCOWA, na siyang naging tahanan ko sa loob ng sampung araw na naroon ako sa Mae Sot. Ang una't ikalawa'y binasa ko sa sariling wika habang isinasalin ito sa wikang Ingles ng isa sa mga kasama kong Pilipino sa Mae Sot, si Sigrid. Sa ikatlo'y ginawan ko na ng sarili kong pagsasalin sa wikang Ingles, na isinama ko sa isang powerpoint presentation na ginawa ko para sa pamunuan at kasapi ng Yaung Chi Oo.

Si Gat Jose Rizal ang kinikilala sa ngayon na pambansang bayani ng Pilipinas. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1861 at binaril sa Bagumbayan noong Disyembre 30, 1896. Si Daw Aung San Suu Kyi ang siyang itinuturing sa ngayon sa Burma bilang simbolo ng pakikibaka para sa kalayaan at demokrasya ng kanyang bansa. Ipinanganak siya noong Hunyo 19, 1945. Siya rin ang tumatayong pinuno ng partidong National League for Democracy (NLD) sa Burma. Ilan sa mga natanggap niyang gawad-karangalan ay ang Sakharov Prize for Freedom of Thought (1990), Nobel Peace Prize (1991), Jawaharlal Nehru Award for International Understanding (1992), International Simón Bolívar Prize (1992), at Wallenberg Medal (2007).

Napansin ko ang pagkakatulad ng kanilang kapanganakan dahil nagsagawa ng isang pagkilos ang Free Burma Coalition-Philippines (FBC-Phils) sa harap ng embahada ng Burma sa Makati upang batiin si Daw Aung San Suu Kyi at ipagdiwang ang kanyang kaarawan., kasabay ng pagdiriwang din ng bansa sa kaarawan ni Gat Jose Rizal. Nang panahong iyon ay naka-house arrest pa si Daw Aung San Suu Kyi, at isa sa kampanya namin para mapalaya siya ay ang haranahin siya kasabay ng kanyang kaarawan.

Dahil dito’y naisipan ko silang handugan ng isang tula. Ang nasabing tula ay binubuo ng labing-apat na pantig bawat taludtod at may tugmaan ang apat na taludtod sa bawat saknong. 

Halina't ating namnamin ang tulang alay para sa dalawang sagisag ng pagpapalaya ng kanilang bayan:

KINA RIZAL AT AUNG SAN SUU KYI
14 pantig bawat taludtod

dalawang bayani sa puso ng mamamayan
na nagpakasakit para sa kinabukasan
ng bayang kanilang pilit ipinaglalaban
upang makamit ng bayan yaong kalayaan

ang una'y pinaslang noon ng mga Kastila
siyang bayaning lumaban sa mga kuhila
ang ikalawa'y ikinulong sa kanyang bansa
ng gobyernong diktador na tila walang awa

hunyo labingsiyam nang isilang kayong ganap
at para sa bayan, para kayong pinagtiyap
parehong bayaning pawang laya itong hanap
nawa laya ng bayan ay atin nang malasap

sa inyong dalawa, bayaning Rizal at Suu Kyi
maligayang kaarawan ang aming pagbati
nawa bayan nyo’y lumaya sa dusa’t pighati
at maling pamamahala'y di na manatili

Hunyo 19, 2010
Sampaloc, Maynila

Ito naman ang aking pagkakasalin sa wikang Ingles ng nasabing tula upang mas maunawaan ito ng ating mga kasamang taga-Burma.

For Rizal and Aung San Suu Kyi
(for their birthday on June 19)
translated from Filipino by the poet himself

Both heroes in the hearts of the people
Who sacrificed for the future
Of the country they are fighting for
So the people have their freedom

The first was killed by the Spanish
A hero who fights the foreign traitors
The second was jailed in her country
By the dictatorial regime without mercy

They were both born on June nineteen
For their country, they are like twins
Both are heroes who want freedom
We hope freedom now will be achieved

For you two, Rizal and Suu Kyi
Happy birthday is our greetings
Hope both country be free from oppression
And wrong system will be abolished

June 19, 2010
Manila, Philippines

Linggo, Mayo 6, 2012

Ang Magasing Liwayway at Ako


ANG MAGASING LIWAYWAY AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa elementarya pa lang ako'y kilala ko na ang magasing Liwayway. Bumibili kasi nito ang aking ama noong ako'y bata pa. Babasahin muna ito ng mga kapatid ko at ng aking ina, at aabangan ko na lang na matapos sila saka ko na ito babasahin. Kasabay ng Liwayway ay binibili rin ng aking ama ang Funny Komiks na pambata. Kaya dalawa lagi ang kanyang dalang babasahin sa bahay.

Kadalasang binabasa ko agad sa Liwayway ay yung komiks na nasa bahaging hulihan ng magasin, na tulad pa rin ngayon. Dito ako unang nakapagbasa ng mga tula, bago ko pa matutunan noong hayskul ang tulang Florante at Laura.

Noon, bumibili kami ng tatay ko ng magasing Liwayway sa Bustillos sa Sampaloc matapos naming magsimba ng Linggo, o kaya naman ay sa Trabajo Market pagkatapos naming mamili. Akala ko nga, nawala na ang Liwayway nitong taon na ito. Aba'y yung binibilhan ko ng Liwayway sa bandang Anonas at sa Farmers Market ay di na nababagsakan ng dealer nito, gayong nakatayo pa rin ang kanilang newsstand. Buti na lang at meron pa sa bandang Quiapo, nakabili pa ako.

Gayunman, maaaring itinuturing ng iba na bakya ang mga sulatin sa Liwayway dahil pulos pag-ibig ang tema, pulos katulong ang nagbabasa, ngunit sa totoo lamang, ito'y isang magandang babasahin para sa lahat, dahil hindi lamang naman bakya ang tema rito, kundi may kapupulutan ka rin ng aral. Minsan nga'y tinatalakay dito ang hinggil sa kasaysayan ng ating bansa at mga bayani, pati na iba't ibang kultura sa ating bansa mula Jolo hanggang Aparri. Anupa't kung wala ang Liwayway ay pawang mga edukado lamang ang makakaalam ng iba't ibang pangyayari at kultura sa iba't ibang panig ng kapuluan.

Katunayan, maraming kilalang manunulat ang tiyak na nagsulat na sa Liwayway, at dito sila naunang nagsulat bago sila pumalaot sa pagsusulat ng matitinding nobela't sanaysay. Sanayan kasi ng mga bagong manunulat ang Liwayway. Kung di ka dumaan dito, at kahit isa ay hindi ka pa nalathala dito, pakiramdam mo'y may kulang pa sa iyo. Sa Liwayway nga lang, di ka makapasa, paano pa sa iba. Kaya kung may naisulat kang maikling kwento, ang una mong gawin ay ipasa mo ito sa Liwayway, dahil sa ngayon, ito lamang ang magasin sa wikang Tagalog na naglalabas ng maiikling kwento. Nariyan din ang paglalathala nila ng nobela, na serye lingguhan ang labas. Kalahating pahina na lang ang para sa tula, di tulad noon na pwedeng malathala ang tatlo mong tula sa isang pahina.

Nagpasa na rin ako ng tula at kwento sa Liwayway noon, ngunit di ko na alam kung nalathala ba ito. Dahil lingguhan ang labas ng Liwayway, at sa dami rin ng aking pinagkakaabalahan, nakakaligtaan ko ring madalas ang pagbili ng Liwayway. Kaya di ko na nasusubaybayan kung may nalathala ba akong tula o kwento. Kadalasang ang pabalat ng magasin ay larawan ng sikat na artista sa bansa, na siyang isang panghalina upang akitin ang mambabasa na bilhin ang Liwayway.

Nakadaupang-palad ko rin minsan ang isang naging editor-in-chief ng Liwayway na si Reynaldo Duque nang dumalo ito sa isang aktibidad ng UMPIL (Unyon ng Manunulat sa Pilipinas) kung saan pinadalo rin kami ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Ginanap ito sa Goethe Institute (German Library) sa Aurora Blvd. Agosto 2001 iyon at kasalukuyan akong nag-aaral ng paglikha ng tula sa LIRA.

Ang isang maganda sa Liwayway ay ang paglalabas ng kolum na Haraya ni Propesor Mike Coroza, na naging guro ko sa tugma't sukat sa LIRA. Ang tula ko agad ang unang isinalang sa mahigit 20 katao dahil sa tema ng tula. Kababagsak pa lang noong Setyembre 11, 2001 ng World Trade Center, at iyon ang tema ng aking tula. Sa aming klase ng Setyembre 15, 2001 na ginanap sa UST, sinabi ni Sir Mike na yung 10 saknong na tula ko ay pwede ko namang gawing tatlong saknong lamang. At ngayon nga, ang kolum ni Sir Mike na nagsimula bandang 2009 o 2010 ang isa sa inaabangan ko sa Liwayway. Sulit pag nabasa mo ang kanyang kolum dahil tiyak na may nadagdag muli sa iyong kaalaman.

Naging bahagi na ang magasing Liwayway ng pag-inog ng kalinangang Pilipino, at sampung taon na lang ay sentenaryo na ng makasaysayang magasing ito. Ayon sa kasaysayan, unang nalathala ang magasing Liwayway noong 1922 at ang naging unang patnugot nito ay si Severino Reyes, ang may-akda ng "Mga Kwento ni Lola Basyang". Hiling ko na lang, sana'y maabutan ko pa ang sentenaryo ng dakilang magasing ito.

Mabuhay ang magasing Liwayway at nawa'y magpatuloy pa siya ng pagbibigay-liwanag sa mambabasa sa bawat takipsilim at sa bawat pagbubukangliwayway sa bahaging ito ng sangkatauhan!

Miyerkules, Abril 18, 2012

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa

Alex Boncayao: Lider-Manggagawa, Kapartido ni Ninoy Aquino sa LABAN (1978)
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa ikawalong isyu ng magasing Ang Masa, Abril 16-Mayo 15, 2012, pahina 18.)

Kilalang manggagawa si Ka Alex Boncayao. Isa siya sa kapartido ni dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nang tumakbo ito para sa halalan noong 1978 para sa Interim Batasang Pambansa.Ang Lakas ng Bayan, na pinaikling LABAN, ang partido pulitikal na inorganisa ng nakakulong pa noon na si Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr.  Kalaban nilang mahigpit dito ang KBL (Kilusang Bagong Lipunan). Ang ilan sa mga kumandidato rito ay sina Alex Boncayao (kinatawan ng manggagawa), Trinidad "Trining" Herrera (kinatawan ng maralita) at Jerry Barican (kinatawan ng kabataan). Sa 165 kandidato, 137 ang nakuha ng KBL, ngunit walang naipanalo kahit isa ang LABAN. Ngunit sino nga ba si Alex Boncayao, ang lider-manggagawa? Bakit ang pangalan niya ay mas sumikat, hindi pa sa halalan, kundi nang ipinangalan sa kanya ang isang brigadang kinatakutan noon ng burgesya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB)?

Ayon sa ilang pananaliksik, tubong Agos, sa bayan ng Bato, sa lalawigan ng Camarines Sur si Alex Boncayao na mula sa pamilya ng mga magsasaka. Dahil namulat sa kahirapan sa kanayunan, sa murang gulang ay nilisan niya ang pinagmulang bayan upang makapag-aral at makapagtapos sa kolehiyo. Pagdating niya ng lungsod, naghanap siya ng iba't ibang trabaho upang mabuhay. Siya'y naging tricycle driver, naging dyanitor at naging assistant chemist sa pabrikang Solid Mills.

Panahon ng batas militar nang maging tagapangulo siya sa unyon ng Solid Mills. Pinangunahan niya ang mga welga't sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng Solid Mills noong 1976-77. Noong 1975-76, isa si Alex sa mga responsableng lider ng naunang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na namuno sa militanteng kilusang manggagawa upang labanan ang diktadurya ng  rehimeng Marcos.

Kasama siya sa mga tumakbong kandidato, sa pangunguna ni Senador Ninoy Aquino, sa ilalim ng bandera ng LABAN, sa halalan ng Interim Batasang Pambansa (IBP). Kasama ni Alex Boncayao sa mga kandidato ng Laban ang mga kilalang pulitikong sina Ernesto Maceda, Ramon Mitra, Jr., Nene Pimentel, Soc Rodrigo, Charito Planas at Neptali Gonzales. Walang nakalusot ni isa sa dalawampu't isang kandidato ng LABAN.

Dahil sa malawakan at lantarang dayaan sa halalan at panghuhuli ng diktaduryang Marcos sa mga kandidato ng LABAN, nagpasyang mamundok si Alex. Tumungo si Alex sa kanayunan at nagpasyang lumahok sa armadong pakikibaka. Sumapi si Alex Boncayao sa Bagong Hukbong Bayan (NPA) sa Nueva Ecija at nag-organisa ng mga manggagawang bukid. Hunyo 19, 1983, isang buwan bago paslangin si Ninoy Aquino sa tarmac ng Manila International Airport, napatay si Alex Boncayao ng mga sundalo ng rehimeng Marcos sa isang engkwentro sa Nueva Ecija.

Isang taon pagkamatay niya, noong 1984, binuo ng Metro Manila Rizal Regional Party Committee ng Communist Party of the Philippines ang isang brigadang ipinangalan sa kanya, ang Alex Boncayao Brigade (ABB) na may layuning magkaroon ng level playing field bilang armadong hukbong tagapagtanggol ng mga manggagawa laban sa mga goons ng kapitalista, at maging tagapagtanggol ng mga inaapi. Ngunit sa pagdaan ng panahon, ang ABB ay kinatakutan ng burgesya’t mayayamang mapang-api sa masa habang lihim namang nagpapalakpakan, sa ayaw man natin o sa gusto, ang masang kaytagal na pinagsamantalahan ng bulok na sistema.

Si Alex Boncayao, tulad ng iba pang martir ay hindi makakalimutan ng kilusang sosyalista at ng kilusang paggawa. Ang pangalan niya'y naging simbolo ng paglaban sa pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ang kanyang mga makabuluhang ambag para sa pagsusulong ng pagbabago ay hindi matatawaran. Isa siyang tunay na martir ng uring mapagpalaya. Mabuhay si Alex Boncayao, manggagawa!

Mga Pinaghalawan:
(a) aklat na Ulos, Mayo 2002
(b) Wikipedia articles
(c) filipinovoices.com
(d) matangapoy.blogspot.com
(e) Taliba ng Bayan, 1992


PAHIMAKAS KAY ALEX BONCAYAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

Nagpapatuloy pa ang pakikibaka
Ng maraming api sa gabi at araw.
Sa tinig sa ilang ng luha at dusa
Ang ngalan mo'y tila umaalingawngaw.

Kasama mo noon si Ninoy Aquino
Kandidato kayo sa partidong Laban
At tumakbo kontra pasistang gobyerno
Upang ang bayang api’y mapaglingkuran.

At nang matapos nang ganap ang eleksyon
Ay pumalaot ka tungong kanayunan
Sumama ka na doon sa rebolusyon
Ang masa'y kapiling at pinagsilbihan.

Prinsipyo’y matatag, hindi nadudungo
Magiting kang lider ng masa't obrero
Ngunit pinaslang ka ng pasistang punglo
Kaytindi ng iyong isinakripisyo.

Kaya nang mapaslang ka’y naging imortal
Sa ngalan mo’y natatag isang brigada
Misyo’y durugin kapitalistang hangal
Na sa manggagawa’y nagsasamantala.

Ang ngalan mo yaong umaalingawngaw
Sa dakong iyon ng bulok na sistema
Bayani kang tunay, Ka Alex Boncayao
Tulad mong obrero'y tunay na pag-asa.

Martes, Abril 3, 2012

Pinatawad ko na sila

PINATAWAD KO NA SILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Karaniwan na sa mga manunulat, lalo na't siya rin ay makata, na isulat at isiwalat ang kanyang mga nakikita at napupuna sa kanyang kapaligiran, at sa lipunan niyang ginagalawan. Hindi lang iyon mula sa isip, kundi maging sa kanyang nadarama.

Kaya kung galit ka, minsan ay naisusulat mo iyon, na kahit malay ka ay di mo namamalayan. Na sa kalaunan ay pagsisisihan mo at bakit mo ba iyon naisulat, na siyang nagpalala pa ng problema.

Kailangang magpatawad. Kailangang patawarin na ang lahat ng nagkasala sa iyo kung nais mong makapagsulat ng maayos. Ito'y upang maging obhetibo ka sa iyong mga paksa, upang walang poot na lumabas sa iyong panulat.

Ganito ang aking ginawa ilang panahon na rin ang nagdaan. Ako'y nagpatawad. Pinatawad ko na ang mga taong nagkasala sa akin, gaano man kasakit sa aking damdamin ang kanilang ginawa. Dahil kung malinis ang iyong budhi, wala kang poot na basta na lamang isusulat na sa bandang huli'y iyong pagsisisihan.

Kailangang patawarin ko ang mga taong bumugbog sa akin noong ako'y bata pa. Kailangang patawarin ko ang mga gagong umapi sa akin. Kailangang patawarin ko ang mga nang-onse o nandaya sa akin. Kailangan kong patawarin ang mga nangutang sa akin na hanggang ngayon ay di na nakapagbayad, dahil di na sila makita o dahil mas mahirap pa sila kaysa akin. Noon ay sinasabi ko pa na ang utang nila ay abuloy ko na lang pag namatay sila. Mali pala iyon.

Pinatawad ko na ang mga nanungayaw sa akin. Pinatawad ko na ang mga pulis na nanakit sa akin sa rali. Pinatawad ko na ang mga kasamang nakagawa ng pagkakasala sa akin. Pinatawad ko na ang mga kaibigang nang-iwan sa akin sa ere. Pinatawad ko na ang mga siga sa kanto na minsan ay nangikil sa akin. Pinatawad ko na ang mga kapustahan ko sa tses o sa anumang laro na hindi nagbayad sa akin. Pinatawad ko na ang tindero sa Quiapo na nagpalit ng aking P100 at sinabing P20 lang daw ang aking ibinigay, gayong wala naman akong P20 sa bulsa, at kaya ako bumili sa kanya ay para mapabaryahan na rin ang aking P100 dahil wala akong baryang pamasahe. Pinatawad ko na ang karibal ko noon sa isang babae na nagpadugo ng aking ilong sa aming suntukan, bagamat may pasa rin siya. Pinatawad ko na ang tsuper na nakaaway ko dahil hindi ako sinuklian ng tama.

Mahirap alagaan ang kimkim na poot. Para kang nag-aalaga ng leyon o tigre sa dibdib. Kailangan na itong mawala  bago pa ito maging apoy o granadang bigla na lang sasabog.

Nagpatawad ako dahil hindi naman mabigat na krimen o heinous crime ang kanilang ginawa sa akin. Dahil kung ganoon nga, ibang usapan na iyon. Kailangan ng husgado at kailangan mong makamit ang hustisyang nararapat para sa iyo. Kumbaga, hindi iyon mga mortal sin, kundi pawang mga venial sin.

Nagpatawad ako dahil na rin sa pagyakap ko sa Kartilya ng Katipunan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, na pawang gabay sa pakikitungo sa kapwa at disiplina sa sarili.

Higit sa lahat, nagpatawad ako alang-alang sa aking mga akda at aakdain pa. Na bilang manunulat ay aking maisulat ng wasto, ng obhetibo, ng walang halong poot, ang bawat akda. Mahirap ang may kargang mabigat sa damdamin dahil hindi ka makapag-isip ng tama, at nagiging repleksyon lamang ang iyong mga akda ng iyong galit sa mundo at poot sa sarili. Kailangang tanggalin lahat ng bagahe. At malaking bagahe ang poot. Kailangang magpatawad. Kailangan.

Totoo naman na paminsan-minsan ay may emosyon ang iyong mga akda, lalo na sa kwento at tula. Lalo na't tumatalakay ka sa ilang maseselang paksa na may emosyon, upang maging buhay na buhay sa mambabasa ang iyong akda. Ngunit emosyon iyon ng mga tauhan mo sa iyong akda, hindi iyon emosyon mo. Hindi iyon salamin ng iyong poot o pag-uugali. Ang galit sa iyong kwento ay galit ng tauhan dahil sa iyong ginawang banghay (plot) ng kwento. Kailangang may damdamin ang bawat tauhan, dahil hindi sila mga robot..

Kaya sa aking mga kwento, sanaysay at tula, pinilit kong iwasan kung ano mang poot na maaaring lumabas, maliban na lamang kung ang poot na iyon ang mismong aking paksa sa akda. Kaya bago ko ilabas ang akda ay pinatutulog ko muna ng ilang araw para pag binalikan ko ay masuri ang kaayusan at kahandaan nito para sa mambabasa.

Mahalaga ang pagpapatawad. Mahalagang walang tinik na nakabara sa iyong lalamunan. Mahalagang malinis ang iyong budhi, at kung hindi pa man, ay magpatawad upang wala na itong anumang banil na nakakabigat sa damdamin.

Masarap magsulat nang wala kang kinikimkim na galit sa iyong kapwa. Maliwanag ang iyong utak at malinis ang iyong budhi. Tanda ito ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at kailangan ito ng isang manunulat.

Miyerkules, Enero 18, 2012

Ang ASFIPO (Association of Filipino Poets)

ANG ASFIPO
ni Greg Bituin Jr.

Bandang 1998 nang makilala ko ang ASFIPO (Association of Filipino Poets) na pinamumunuan ni Ginoong William Tiñon, isang manunula at mang-aawit. Nakabase pa noon ang ASFIPO sa ikaapat na palapag ng COD sa Cubao, Quezon City. Sa natatandaan ko, tuwing Sabado ng hapon nagkikita-kita dito ang mga kasapi nito. Nagkukwentuhan, nagtutulaan. At gabi na kami nakakauwi, mga bandang alas-sais o alas-syete. Napapasarap kasi ng kwentuhan. Ang COD naman ay bandang alas-otso nagsasara.

Napapunta ako sa COD dahil sa mga kasamahan sa environmental movement na dito na nagpupulong, lalo na sa Earthlite, na naging tambayan namin. Maliit lang naman ang ikaapat na palapag ng COD kaya malalaman mo ang pasikot-sikot dito, at magiging pamilyar na sa iyo ang mga maliit na tindahan at mga nagtitinda, pati na yaong mga may pwesto rito, tulad ng lumang paraan ng panggagamot, mga herbal medicine, at marami pang iba. Marami ring mga paintings na naka-display para sa sinumang bibili.

Si Sir Ding Reyes ng grupong Clear Communicators for Environmental Action and Restoration (CLEAR) at si kaibigang Roy Cabonegro (ng Partido Kalikasan Institute na ngayon) ang lagi kong mga kapulong sa lugar na ito sa usapin ng mga aktibidad pangkalikasan. Marami akong mga nakilala dito. Nariyan ang makatang si William Rodriguez II na kilalang awtor na rin pagkat ilang beses nang inilathala ng Psicom Publishing ang kanyang mga akda. Isa rin sa mga aktibo roon ay si Gina Morito, na isang OFW. Pati na ang designer na si Ms. Sandico Ong ay nakilala ko rin, dahil isa siya sa may pwesto sa COD. Doon ko rin nalaman na si Mr. Tiñon pala ay recording artist, dahil pinakita at pinarinig niya sa akin ang kanyang mga awiting nasa casette tape. Di man sumikat si Sir, mabuti naman at nagawa niya ang mga gusto niyang gawin at pinangarap. Nariyan din ang Sanibkulay na naging mga kabarkada rin, tulad ni Marz Zafe na isang pintor, at may pwesto sa ibaba ng National Bookstore sa Cubao. Di ko na matandaan ang mga pangalan ng iba pang nakilala ko dito, lalo na yaong mga myembro ng ASFIPO, bagamat marahil ay makikilala ko pa sila sa mukha.

Pero nakagiliwan ko talaga ang ASFIPO. Gumagawa kami ng tula at bibigkasin namin ito sa pulong ng Sabado bilang aming pagtatanghal habang bawat isang dumalo ay matamang nakikinig. Dito'y pinauso ko ang dugtungang tula. Ang ginawa ko, nagdisenyo ako sa isang bond paper ng ilang linya na susulatan ng bawat isa. Labing-apat na linya lahat, tamang-tama para sa isang soneto, isang uri ito ng tula na may labing-apat na taludtod. Sa papel, ang bawat makatang magsusulat dito ay tigalawang taludtod. Kumbaga, sisimulan ko ang unang dalawang taludtod, durugtungan ng isang makata iyon ng dalawa pang taludtod, at iyong isa pang makata ay durugtungan din iyon ng dalawang taludtod, hanggang sa dumaan sa pitong makata ang papel, at mabuo ang labing-apat na taludtod. Kaya may nagagawa kaming mga pitong tula, minsan anim lang o lima, na dugtungang tula kada Sabado. Kasi bawat isa sa amin ay bibigyan ko ng papel, kaya bawat isa ay nagsimula ng kanya-kanyang dalawang taludtod ng tula. Kaya ang kinalabasan, maraming tula na iba't iba ang interpretasyon at pagkakagawa. Iba-iba kasi ang nag-akda. Ang matindi pa rito, merong taludtod na may tugmaan, at may mga taludtod na wala, dahil ang nagsulat naman ay yung makatang mahilig sa malayang taludturan. Ako naman, mas tinularan ko ang estilong Balagtas dahil doon ko nakilala ang pagtula.

Minsan na kaming na-feature sa Channel 2, at nakita pa nga ako sa telebisyon na tumula, habang ipinaliliwanag naman ni Mark Logan ang aming isinagawa sa pamamagitan din ng kanyang paraan ng pagtula. Nakausap ni Mr. Tiñon si Mark Logan ng ABS-CBN, at iyon nga, naiskedyul kami. Pinaghandaan namin ang programang iyon. Sabi ni Mark Logan, uso pa rin pala ang paglikha ng tula at pagbigkas nito sa maraming tao sa panahong ito. Napanood pa nga ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, pero ako, hindi ko iyon napanood. Ikinwento na lang nila sa akin.

Marami akong nagawang tula rito, ngunit karamihan ng mga tula ko rito'y wala na akong kopya. Kumbaga, hindi ko na talaga makita. May isa nga akong notbuk ng tula na nawala sa opisina ng Kamalayan nuong 1997, at ilang naipon ko ring tula sa ASFIPO ay mabuti't nai-tayp ko, ngunit sa kalaunan, dahil marahil sa dami ko ng gamit, hindi ko na rin ang mga ito mapagkikita kapag kailangan. Palipat-lipat pa kami ng opisina kada isang taong matatapos ang kontrata. Doon na kasi ako natutulog sa opisina ng Sanlakas noong panahong iyon.

Di gaya ngayon, pag nais kong kunin ang isa kong tula para gamitin sa magasin o kaya'y basahin sa isang poetry session, kukunin ko lang ito sa internet, dahil nakapasok na ito sa aking blog na sinimulan ko nuong Marso 2008. Ibig sabihin, mawala man ang diskette o USB ko, o masira ang computer, makakakuha pa rin ako ng kopya ko ng tula.

Nagkawatak-watak lang ang ASFIPO nang isinara na ang ikaapat na palapag ng COD, mga huling bahagi iyon ng 1999, o kaya'y maagang bahagi ng taong 2000. Kaya napilitan si Mr. Tiñon na lumipat ng lugar. Isa na rito ang isang opisina sa P. Paredes St., malapit sa España sa Sampaloc, Maynila, na yung ibaba ay kuhanan ng litrato. Ang isa naman ay sa may kanto ng Raon at Quezon Boulevard sa Quiapo na kinatatayuan noon ng isang branch ng SSS. Medyo nalayuan na ako doon dahil nasa Quezon City ang tinutuluyan ko, kaya bihira na akong nakakapasyal doon. 

Matagal na panahon na rin ang nagdaan, ngunit nasaan na kaya sila? Tanging kami na lang dalawa ni William Rodriguez II ang nagkakausap, sa facebook nga lang. Gayunpaman, hindi ko malilimutan ang ASFIPO dahil naging bahagi ito ng pag-unlad ko bilang isang manunulat at makata. Kung nasaan man ngayon ang mga kasapi at dating kasapi ng ASFIPO, sana'y magkaroon tayo ng reunyon kasama si Mr. Tiñon, at magmumungkahi ako. Gagawa tayo ng isang libro ng mga tula na ang mga magsusulat doon ay iyong mga naging bahagi ng kasaysayan ng ASFIPO noon man at hanggang ngayon. 

Mabuhay ang ASFIPO!