Miyerkules, Enero 18, 2012

Ang ASFIPO (Association of Filipino Poets)

ANG ASFIPO
ni Greg Bituin Jr.

Bandang 1998 nang makilala ko ang ASFIPO (Association of Filipino Poets) na pinamumunuan ni Ginoong William Tiñon, isang manunula at mang-aawit. Nakabase pa noon ang ASFIPO sa ikaapat na palapag ng COD sa Cubao, Quezon City. Sa natatandaan ko, tuwing Sabado ng hapon nagkikita-kita dito ang mga kasapi nito. Nagkukwentuhan, nagtutulaan. At gabi na kami nakakauwi, mga bandang alas-sais o alas-syete. Napapasarap kasi ng kwentuhan. Ang COD naman ay bandang alas-otso nagsasara.

Napapunta ako sa COD dahil sa mga kasamahan sa environmental movement na dito na nagpupulong, lalo na sa Earthlite, na naging tambayan namin. Maliit lang naman ang ikaapat na palapag ng COD kaya malalaman mo ang pasikot-sikot dito, at magiging pamilyar na sa iyo ang mga maliit na tindahan at mga nagtitinda, pati na yaong mga may pwesto rito, tulad ng lumang paraan ng panggagamot, mga herbal medicine, at marami pang iba. Marami ring mga paintings na naka-display para sa sinumang bibili.

Si Sir Ding Reyes ng grupong Clear Communicators for Environmental Action and Restoration (CLEAR) at si kaibigang Roy Cabonegro (ng Partido Kalikasan Institute na ngayon) ang lagi kong mga kapulong sa lugar na ito sa usapin ng mga aktibidad pangkalikasan. Marami akong mga nakilala dito. Nariyan ang makatang si William Rodriguez II na kilalang awtor na rin pagkat ilang beses nang inilathala ng Psicom Publishing ang kanyang mga akda. Isa rin sa mga aktibo roon ay si Gina Morito, na isang OFW. Pati na ang designer na si Ms. Sandico Ong ay nakilala ko rin, dahil isa siya sa may pwesto sa COD. Doon ko rin nalaman na si Mr. Tiñon pala ay recording artist, dahil pinakita at pinarinig niya sa akin ang kanyang mga awiting nasa casette tape. Di man sumikat si Sir, mabuti naman at nagawa niya ang mga gusto niyang gawin at pinangarap. Nariyan din ang Sanibkulay na naging mga kabarkada rin, tulad ni Marz Zafe na isang pintor, at may pwesto sa ibaba ng National Bookstore sa Cubao. Di ko na matandaan ang mga pangalan ng iba pang nakilala ko dito, lalo na yaong mga myembro ng ASFIPO, bagamat marahil ay makikilala ko pa sila sa mukha.

Pero nakagiliwan ko talaga ang ASFIPO. Gumagawa kami ng tula at bibigkasin namin ito sa pulong ng Sabado bilang aming pagtatanghal habang bawat isang dumalo ay matamang nakikinig. Dito'y pinauso ko ang dugtungang tula. Ang ginawa ko, nagdisenyo ako sa isang bond paper ng ilang linya na susulatan ng bawat isa. Labing-apat na linya lahat, tamang-tama para sa isang soneto, isang uri ito ng tula na may labing-apat na taludtod. Sa papel, ang bawat makatang magsusulat dito ay tigalawang taludtod. Kumbaga, sisimulan ko ang unang dalawang taludtod, durugtungan ng isang makata iyon ng dalawa pang taludtod, at iyong isa pang makata ay durugtungan din iyon ng dalawang taludtod, hanggang sa dumaan sa pitong makata ang papel, at mabuo ang labing-apat na taludtod. Kaya may nagagawa kaming mga pitong tula, minsan anim lang o lima, na dugtungang tula kada Sabado. Kasi bawat isa sa amin ay bibigyan ko ng papel, kaya bawat isa ay nagsimula ng kanya-kanyang dalawang taludtod ng tula. Kaya ang kinalabasan, maraming tula na iba't iba ang interpretasyon at pagkakagawa. Iba-iba kasi ang nag-akda. Ang matindi pa rito, merong taludtod na may tugmaan, at may mga taludtod na wala, dahil ang nagsulat naman ay yung makatang mahilig sa malayang taludturan. Ako naman, mas tinularan ko ang estilong Balagtas dahil doon ko nakilala ang pagtula.

Minsan na kaming na-feature sa Channel 2, at nakita pa nga ako sa telebisyon na tumula, habang ipinaliliwanag naman ni Mark Logan ang aming isinagawa sa pamamagitan din ng kanyang paraan ng pagtula. Nakausap ni Mr. Tiñon si Mark Logan ng ABS-CBN, at iyon nga, naiskedyul kami. Pinaghandaan namin ang programang iyon. Sabi ni Mark Logan, uso pa rin pala ang paglikha ng tula at pagbigkas nito sa maraming tao sa panahong ito. Napanood pa nga ako ng aking mga kasamahan sa trabaho, pero ako, hindi ko iyon napanood. Ikinwento na lang nila sa akin.

Marami akong nagawang tula rito, ngunit karamihan ng mga tula ko rito'y wala na akong kopya. Kumbaga, hindi ko na talaga makita. May isa nga akong notbuk ng tula na nawala sa opisina ng Kamalayan nuong 1997, at ilang naipon ko ring tula sa ASFIPO ay mabuti't nai-tayp ko, ngunit sa kalaunan, dahil marahil sa dami ko ng gamit, hindi ko na rin ang mga ito mapagkikita kapag kailangan. Palipat-lipat pa kami ng opisina kada isang taong matatapos ang kontrata. Doon na kasi ako natutulog sa opisina ng Sanlakas noong panahong iyon.

Di gaya ngayon, pag nais kong kunin ang isa kong tula para gamitin sa magasin o kaya'y basahin sa isang poetry session, kukunin ko lang ito sa internet, dahil nakapasok na ito sa aking blog na sinimulan ko nuong Marso 2008. Ibig sabihin, mawala man ang diskette o USB ko, o masira ang computer, makakakuha pa rin ako ng kopya ko ng tula.

Nagkawatak-watak lang ang ASFIPO nang isinara na ang ikaapat na palapag ng COD, mga huling bahagi iyon ng 1999, o kaya'y maagang bahagi ng taong 2000. Kaya napilitan si Mr. Tiñon na lumipat ng lugar. Isa na rito ang isang opisina sa P. Paredes St., malapit sa España sa Sampaloc, Maynila, na yung ibaba ay kuhanan ng litrato. Ang isa naman ay sa may kanto ng Raon at Quezon Boulevard sa Quiapo na kinatatayuan noon ng isang branch ng SSS. Medyo nalayuan na ako doon dahil nasa Quezon City ang tinutuluyan ko, kaya bihira na akong nakakapasyal doon. 

Matagal na panahon na rin ang nagdaan, ngunit nasaan na kaya sila? Tanging kami na lang dalawa ni William Rodriguez II ang nagkakausap, sa facebook nga lang. Gayunpaman, hindi ko malilimutan ang ASFIPO dahil naging bahagi ito ng pag-unlad ko bilang isang manunulat at makata. Kung nasaan man ngayon ang mga kasapi at dating kasapi ng ASFIPO, sana'y magkaroon tayo ng reunyon kasama si Mr. Tiñon, at magmumungkahi ako. Gagawa tayo ng isang libro ng mga tula na ang mga magsusulat doon ay iyong mga naging bahagi ng kasaysayan ng ASFIPO noon man at hanggang ngayon. 

Mabuhay ang ASFIPO!