Linggo, Mayo 6, 2012

Ang Magasing Liwayway at Ako


ANG MAGASING LIWAYWAY AT AKO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nasa elementarya pa lang ako'y kilala ko na ang magasing Liwayway. Bumibili kasi nito ang aking ama noong ako'y bata pa. Babasahin muna ito ng mga kapatid ko at ng aking ina, at aabangan ko na lang na matapos sila saka ko na ito babasahin. Kasabay ng Liwayway ay binibili rin ng aking ama ang Funny Komiks na pambata. Kaya dalawa lagi ang kanyang dalang babasahin sa bahay.

Kadalasang binabasa ko agad sa Liwayway ay yung komiks na nasa bahaging hulihan ng magasin, na tulad pa rin ngayon. Dito ako unang nakapagbasa ng mga tula, bago ko pa matutunan noong hayskul ang tulang Florante at Laura.

Noon, bumibili kami ng tatay ko ng magasing Liwayway sa Bustillos sa Sampaloc matapos naming magsimba ng Linggo, o kaya naman ay sa Trabajo Market pagkatapos naming mamili. Akala ko nga, nawala na ang Liwayway nitong taon na ito. Aba'y yung binibilhan ko ng Liwayway sa bandang Anonas at sa Farmers Market ay di na nababagsakan ng dealer nito, gayong nakatayo pa rin ang kanilang newsstand. Buti na lang at meron pa sa bandang Quiapo, nakabili pa ako.

Gayunman, maaaring itinuturing ng iba na bakya ang mga sulatin sa Liwayway dahil pulos pag-ibig ang tema, pulos katulong ang nagbabasa, ngunit sa totoo lamang, ito'y isang magandang babasahin para sa lahat, dahil hindi lamang naman bakya ang tema rito, kundi may kapupulutan ka rin ng aral. Minsan nga'y tinatalakay dito ang hinggil sa kasaysayan ng ating bansa at mga bayani, pati na iba't ibang kultura sa ating bansa mula Jolo hanggang Aparri. Anupa't kung wala ang Liwayway ay pawang mga edukado lamang ang makakaalam ng iba't ibang pangyayari at kultura sa iba't ibang panig ng kapuluan.

Katunayan, maraming kilalang manunulat ang tiyak na nagsulat na sa Liwayway, at dito sila naunang nagsulat bago sila pumalaot sa pagsusulat ng matitinding nobela't sanaysay. Sanayan kasi ng mga bagong manunulat ang Liwayway. Kung di ka dumaan dito, at kahit isa ay hindi ka pa nalathala dito, pakiramdam mo'y may kulang pa sa iyo. Sa Liwayway nga lang, di ka makapasa, paano pa sa iba. Kaya kung may naisulat kang maikling kwento, ang una mong gawin ay ipasa mo ito sa Liwayway, dahil sa ngayon, ito lamang ang magasin sa wikang Tagalog na naglalabas ng maiikling kwento. Nariyan din ang paglalathala nila ng nobela, na serye lingguhan ang labas. Kalahating pahina na lang ang para sa tula, di tulad noon na pwedeng malathala ang tatlo mong tula sa isang pahina.

Nagpasa na rin ako ng tula at kwento sa Liwayway noon, ngunit di ko na alam kung nalathala ba ito. Dahil lingguhan ang labas ng Liwayway, at sa dami rin ng aking pinagkakaabalahan, nakakaligtaan ko ring madalas ang pagbili ng Liwayway. Kaya di ko na nasusubaybayan kung may nalathala ba akong tula o kwento. Kadalasang ang pabalat ng magasin ay larawan ng sikat na artista sa bansa, na siyang isang panghalina upang akitin ang mambabasa na bilhin ang Liwayway.

Nakadaupang-palad ko rin minsan ang isang naging editor-in-chief ng Liwayway na si Reynaldo Duque nang dumalo ito sa isang aktibidad ng UMPIL (Unyon ng Manunulat sa Pilipinas) kung saan pinadalo rin kami ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo). Ginanap ito sa Goethe Institute (German Library) sa Aurora Blvd. Agosto 2001 iyon at kasalukuyan akong nag-aaral ng paglikha ng tula sa LIRA.

Ang isang maganda sa Liwayway ay ang paglalabas ng kolum na Haraya ni Propesor Mike Coroza, na naging guro ko sa tugma't sukat sa LIRA. Ang tula ko agad ang unang isinalang sa mahigit 20 katao dahil sa tema ng tula. Kababagsak pa lang noong Setyembre 11, 2001 ng World Trade Center, at iyon ang tema ng aking tula. Sa aming klase ng Setyembre 15, 2001 na ginanap sa UST, sinabi ni Sir Mike na yung 10 saknong na tula ko ay pwede ko namang gawing tatlong saknong lamang. At ngayon nga, ang kolum ni Sir Mike na nagsimula bandang 2009 o 2010 ang isa sa inaabangan ko sa Liwayway. Sulit pag nabasa mo ang kanyang kolum dahil tiyak na may nadagdag muli sa iyong kaalaman.

Naging bahagi na ang magasing Liwayway ng pag-inog ng kalinangang Pilipino, at sampung taon na lang ay sentenaryo na ng makasaysayang magasing ito. Ayon sa kasaysayan, unang nalathala ang magasing Liwayway noong 1922 at ang naging unang patnugot nito ay si Severino Reyes, ang may-akda ng "Mga Kwento ni Lola Basyang". Hiling ko na lang, sana'y maabutan ko pa ang sentenaryo ng dakilang magasing ito.

Mabuhay ang magasing Liwayway at nawa'y magpatuloy pa siya ng pagbibigay-liwanag sa mambabasa sa bawat takipsilim at sa bawat pagbubukangliwayway sa bahaging ito ng sangkatauhan!