ANG AKLAT NA PHILIPPINE NATIVE TREES 101
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, makapal na aklat, umaabot ng 322 pahina. Maganda at makabuluhang aklat hinggil sa mga puno sa ating bansa. Makapal ang bawat pahina at makulay dahil bawat pahina'y may litrato ng mga puno. Habang binabasa ko ito ay nakita ko sa pahina nito ang punong kalumpit na pag umuuwi ako sa bayan ng tatay ko sa Batangas ay kumakain ako ng bunga nito, lalo na't ipinagpipitas kami nito ng aming mga kamag-anak. Ang bunga ng kalumpit animo'y duhat na kulubot at mamula-mula o kaya'y kulay abuhin. Puno rin pala ang Kalantas, na pangalan ng isang nayon sa Batangas, na ayon sa kwento ng ilang pinsan ko ay parang munting Tondo. Nang makita ko ang punong Betis, agad kong naalala ang isang lugar sa may Pampanga na maraming may apelyidong Bituin. At nakita ko na ang nagsulat ng artikulo hinggil sa Punong Betis ay isang Myrna M. Bituin, na marahil ay malayo kong kamag-anak.
Nagkaroon ako ng aklat na ito nang ako'y maging isa sa mga tagapagsalita sa Green SONA (State of the Nature Assessment) noong Agosto 28, 2012 sa Environmental Studies Institute (ESI) sa Miriam College sa Katipunan sa Lungsod Quezon. Taun-taon itong ginagawa ng iba't ibang grupong makakalikasan bilang pantapat sa SONA ng Pangulo ng Pilipinas. Ako ang nagsilbing kinatawan doon ng dalawang samahan, ang Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan (SALIKA), at Kongreso ng Pagkakaisa ng mga Maralita ng Lungsod (KPML). Ang orihinal na pangalan ng SALIKA ay Saniblakas ng Inang Kalikasan, na nang lumaon ay naging Saniblakas ng mga Aktibong Lingkod ng Inang Kalikasan. Sa SALIKA ay tumatayo akong bise-presidente nito habang sa KPML naman, lalo na sa tsapter nito sa NCRR (National Capital Region-Rizal) ay isa akong edukador, mananaliksik, dyarista, at manunulat.
Gayunpaman, hindi tungkol sa mga puno ang aking talumpati kundi hinggil sa mga maralitang tinatanggalan ng bahay matapos ang bagyo o kalamidad. Katatapos lang nang panahong iyon ng pananalasa ng bagyong Gener ng Agosto 3 at ng Habagat ng Agosto 7 na araw sana na magaganap ang Green SONA 2012, ngunit ipinagpaliban dahil sa naganap na malakas na ulan at mga pagbaha. Pinamagatan ko ang talumpati ng "Kalagayan ng Maralita at ng Kalikasan". Nang matapos ang palatuntunan, lahat ng mga naging tagapagsalita ay binigyan ng token o regalo. Bawat isa sa amin ay nakatanggap ng aklat na Philippine Native Trees 101: Up Close and Personal, at isang puting tisert na may nakatatak na Green Convergence.
Naisip kong gawan ng tula at maikling kwento ang mga punong ito, at marahil isang libro ng mga tula't kwento ang aking magagawa balang araw hinggil sa mga puno at gubat sa ating bayan. Ito ang nadagdag sa aking mga adhikang dapat kong maisulat. Maraming salamat at nabigyan ako ng aklat na iyon, na kung di ako nagpursiging makadalo roon ay tiyak na malaking bahagi ng buhay ko ang nawala. Isang kayamanan na ang aklat na iyon para sa tulad kong manunulat at sa marami pang henerasyon sa hinaharap. Malaking isnpirasyon ang idinulot sa akin ng aklat na iyon.
Ang mga trumabaho upang maging ganap ang aklat na iyon ay ilang mga kasama sa grupong Green Convergence, na siyang nangangasiwa ngayon sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum. At sinabi nilang may balak pang magkaroon ng ikalawang aklat o Part Two. Ibig sabihin, ibang mga puno sa ating bansa na hindi nailagay sa unang aklat. Iniisip kong sana'y may maiambag ako sa aklat na iyon, na dapat kong pagsumikapan, lalo na't hindi naman ako lumaki sa lalawigan o kanayunan, kundi sa sementadong lungsod. Ang Green Convergence din ang pasimuno ng taun-taong Green SONA na isinasagawa matapos ang SONA ng pangulo.
Noong Pasko ng 2014, dahil wala akong maibigay sa nanay ko, iniregalo ko ang aklat na iyon sa aking mahal na ina. Kareretiro lang niya noong Setyembre 6, 2011, at pareho na silang retirado ng aking ama. Ibinigay ko iyon dahil madalas nang umuuwi sa aming bahay sa lalawigan ang aking mga magulang at tumututok sa pagtatanim.
Dagdag pa roon ang ikinwento ng aking ina na nang dumatal ang bagyong Glenda, kung saan nag-iisa lang siya sa aming bahay sa lalawigan pagkat ang aking ama naman ay nasa aming bahay sa Maynila, kaytindi ng hampas ng hangin na halos nagwasak sa maraming tanim. Ngunit ang isang malaking puno sa aming bahay ay nanatiling matatag at hindi natumba matapos ang bagyo. Bagamat sa paligid niyon ay napakaraming punong ibinuwal ang bagyong Glenda. Ipinagpapasalamat ng aking ina na hindi nabuwal ang puno sa tabi ng aming bahay.
Kaya ang aklat na iyon ay isang makabuluhang regalo sa akin, na nasa pangangalaga na ngayon ng aking ina.