Miyerkules, Marso 12, 2014

"Aming Bukid" ang dapat pamagat ng awiting "Bahay Kubo"

"AMING BUKID" ANG DAPAT PAMAGAT NG AWITING "BAHAY KUBO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Halimbawang tanungin ko kayo: "Ano ang bahay kubo?" Tiyak na sasabihin nyong ang bahay kubo ang tahanan ng karaniwang tao sa kanayunan, at ang dingding at sahig nito'y yari sa kawayan, habang ang bubong naman ay yari sa sasa.

Halimbawa namang ito ang tanong ko: "Ano ang makikita nyo sa bukid?" Tiyak ang unang papasok sa inyong isipan ay kalabaw, araro, at mga tanim. Kung uusisain ko pa kung ano ang mga tanim, tiyak na may magsasabi ng isa o higit pang uri ng gulay. Maaaring masabi ang palay, tubo, mais, singkamas at talong, sigarilyas at mani, sitaw, bataw, patani.

Mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" sa awiting "Bahay Kubo" dahil ang inilararawan ng buong awitin ay ang bukirin, at hindi ang mismong bahay kubo. Taniman ng gulay ang inilalarawan ng awit, kaya bakit "Bahay Kubo" ang pamagat nito, gayong tinalakay dito ay ang pagkakatanim ng maraming gulay. Maaari din "Sa Aming Gulayan" ang maging pamagat ng awit.

Mukhang hindi angkop ang pamagat ng "Bahay Kubo" at parang ipinilit na lamang. Kumbaga'y sa paligid ng bahay kubo ay maraming gulayan. Na maaaring totoo naman talaga.

Ngunit bakit "Bahay Kubo" gayong hindi naman tinalakay o inilarawan sa awit na ito ang mismong bahay kubo, na ito'y pahingahan, tulugan pag gabi, na gawa ito sa kugon o sasa, na magandang bahay ito dahil presko rito, na ito'y pugad ng pag-ibig, at marami pang nakapatungkol sa yari, disenyo at gamit ng bahay kubo.

Ang nangyari'y kung ano ang nasa paligid ng bahay kubo, na bukid o gulayan, ang inilalarawan at tinutukoy ng buong awit. Para na-out-of-place ang unang taludtod ng awit.

Halina't ating suriin ang awit. Bakit may mga tanim sa bahay kubo? Taniman ba ang bahay kubo, o imbakan ng gulay?

Bahay kubo,
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Mas magiging angkop kung papalitan ang pamagat ng awit at ng unang taludtod nito. Tulad ng nabanggit sa itaas, mas angkop ang pamagat na "Aming Bukid" kaysa "Bahay Kubo". Halina't namnamin natin ang mas tumpak na awit.

Aming bukid
kahit munti
ang halaman doon,
ay sari sari.
Singkamas at talong,
sigarilyas at mani
sitaw, bataw, patani.
Kundol, patola,
upo't kalabasa,
at saka meron pa,
labanos, mustasa.
Sibuyas, kamatis,
bawang at luya,
sa paligid-ligid
ay puno ng linga.

Kitang-kita na sa ikatlong taludtod na "ang halaman doon" hanggang sa ikalabinglima't huling taludtod na "ay puno ng linga" ay hinggil sa gulay at ito'y makikita lamang bilang tanim sa bukid, na siyang inilalarawan ng awit. Hindi naman inilarawan sa buong awit na ito'y napitas na't naitambak na sa bahay kubo bilang kamalig ng mga nabanggit na gulay, kundi nakatanim pa ang mga gulay na ito. Mahihinuha ito sa ikatlo't ikaapat na taludtod: "ang halaman doon ay sari-sari." Ang mga gulay ay mga halaman sa mga panahong iyon, na kung gagamitin ang dalawang salita sa ngayon, ang gulay ay tatawagin agad na gulay, at ang halaman ay yaong mga nakatanim pa na may mga dahon, sanga, at ugat.

Kaya mungkahi kong baguhin na ang pamagat ng "Bahay Kubo" at palitan ito ng "Aming Bukid" at kung magkakaroon ng bagong awiting pamamagatang "Bahay Kubo" ay tungkol talaga sa bahay kubo bilang tirahan at pahingahan ng tao, at hindi bilang taniman ng gulay, tulad nito:

Bahay kubo
Kahit maliit
Pahingahan ito
Ng aming paslit.
Yari sa kawayan
Ang dingding at sahig
Sasa naman ang atip
Dito'y malamig
Ang ihip ng hangin
Naglalatag ng banig
Pag gabing madilim
Bahay kubong sarili
At kaysarap damhin
Sa buong pamilya’y
Pugad ng pag-ibig.