ANG TULA BILANG TUNGKULING PULITIKAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hindi ko personal iyon, pagkat ang mga iyon ang inangkin kong gawaing pulitikal. Nakikita lang nilang personal na krusada iyon pagkat ang gamit ko'y tula. Ngunit hindi ako tumutula para sa aking sarili. Ang mga tulang iyon ay bahagi ng gawaing pagmumulat, mga gawaing pulitikal, mga tulang pulitikal.
Iyon ang kanilang bintang, akusasyon o puna, o marahil ay laging nakikita sa akin. Na ang pagtula ko'y personal na krusada ko lamang, na para bang hindi ito isang pulitikal na tungkulin.
Oo't may mga personal akong tula, na pumapaksa sa pag-ibig, ngunit ang mayorya'y pulitikal, na pumapaksa sa lipunan, karukhaan, pakikibaka, kababaihan, rebolusyon, dukha, uring manggagawa, bulok na sistema, at pagnanasang pagbabago.
Ang anyo lamang marahil ang personal, dahil mas minarapat kong daanin sa pagtula ang mga komento sa iba't ibang isyung panlipunan, pati na paniniwala, prinsipyo't ideyolohiyang aking tinanganan. Na karaniwan ang tula'y nasa anyong tugma at sukat, na para sa iba'y mahirap gawin kaya nagkakasya na lang sila sa malayang taludturan (verso libre sa wikang Kastila o free verse sa wikang Ingles).
Ang anyo marahil ang personal pagkat iyon ang aking piniling gamitin. Ngunit ang nilalaman ay pulitikal pagkat nais kong ibahagi ang mga komento't puna ko sa kalakarang panlipunan, pati na ang kaakibat na prinsipyo't diwang nais kong yakapin din ng mga naghahangad ng pagbabago.
Ang nakikita'y anyo at hindi ang nilalaman. Ngunit kung babasahin lamang nila iyon, hindi ang anyo ang tatatak sa kanilang diwa kundi kung ano ang ipinahayag sa tula. Kumbaga sa tinapay na maganda ang pagkabalot, mananamnam lamang ito kung masarap o mapakla pag ito na'y kinain. Tulad din ng tulang di dapat tingnan lamang ang anyo kundi namnamin din ang kaibuturan nito, upang malasahan kung nakakaumay na o masarap ang pagkakatimpla ng tula.
Ang tula'y pagmumulat. Ang panawagang pagbabago upang malunasan ang karukhaan ng nakararaming mamamayan ay isang tungkuling mahirap gampanan ngunit kailangan. Kailangan ng sipag at talino upang maipamulat sa masa ang pangangailangan ng pagkakaisa upang mabago ang sistema ng lipunan, upang mabago ang mga kagamitan sa produksyon, upang mabago ang ugnayan ng mga tao nang wala nang nagsasamantala at walang pinagsasamantalahan.
Magpapatuloy ako sa pagtula sa anyong tugma't sukat dahil naipagpapatuloy ko ang nakagisnan nang anyo nina Balagtas at Batute, mga makatang makamasa at batikan sa paglalaro ng salita. Si Balagtas, na kumatha ng mahabang tulang Florante at Laura, at si Batute, na kumatha ng mas mahabang tulang Sa Dakong Silangan. Dalawang kathang pawang pulitikal at nakapagmumulat sa sinumang babasa nito sa kanilang tungkulin sa sambayanan.
Pangarap kong makagawa ng tulang tulad ng katha nina Balagtas at Batute, isang tulang mahaba rin, ngunit pumapaksa sa kasaysayan at pakikibaka ng uring manggagawa. Palagay ko, pag nagawa ko ito at nailathala ay maaari na akong mamatay na masaya.