Huwebes, Disyembre 31, 2015

Liham para sa pagsalubong sa Bagong Taon

Disyembre 31, 2015

Dear Kababayan,

Una sa lahat, Happy New Year. Manigong Bagong Taon sa iyo at sa iyong pamilya.

Sana'y nasa mabuti kayong kalagayan ng iyong pamilya sa pagsalubong sa bagong taon. May pang-buena noche at masayang magkakasama.

Ngunit ako'y nababahala, kababayan, sa maraming balita sa tuwing sasapit ang bagong taon. May naputukan ng kamay, may tinamaan ng ligaw na bala.

Paano ba natin dapat salubungin ang bagong taon? Bagong taong walang daliri? Bagong taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa tama ng ligaw na bala? Bakit kailangang magpaputok ng iba't ibang klaseng paputok, tulad ng labintador, superlolo, goodbye Philippines, at ngayon, may paputok pang super-AlDub.

Napakaraming biktima ng paputok at mga ligaw na bala ay pawang mga bata. Hindi ba tayo naaawa sa kanila? Dahil ba hindi natin sila kaanu-ano ay balewala na ang balita tungkol sa pagkawasak ng kanilang daliri, o pagkamatay nila sa tama ng ligaw na bala? At mapapansin lang natin sila pag isa na sa mga kamag-anak natin, o sabihin nating anak natin, ang maputulan ng kamay o mamatay nang walang kalaban-laban.

Noong 2015, umabot na sa 730 ang nasaktan sa paputok (Youth suffer most of PH's 730 fireworks-related injuries, http://www.rappler.com/nation/79694-youth-firecracker-injuries-philippines). Noong 2014 naman, umabot sa 933 ang nasaktan sa paputok (New Year revelry injuries rise to 933 - DOH, http://www.philstar.com/headlines/2014/01/03/1274767/new-year-revelry-injuries-rise-933-doh)

Noong bagong taon ng 2013, isang pitong taong gulang na bata mula sa Tala, Caloocan, ang natamaan ng ligaw na bala, si Stephanie Nicole Ella. Ipinalabas ito ng ilang araw sa telebisyon. Di ko na nasubaybayan kung nakilala pa, nahuli at nakulong ang suspek. 

Bagong taon ng 2013 din namatay sa tama ng bala ang batang apat na taong gulang na si Ranjelo Nimer na taga-Mandaluyong nang lumabas ito ng kanilang bahay upang manood ng mga paputok. Sa pagkakaalam ko'y nahuli ang suspek na may hawak na sumpak.

Ang matindi ay nitong Bagong Taon ng 2014, isang tatlong buwang bata, oo, tatlong buwan pa lang, ang natamaan ng ligaw na bala sa Ilocos Sur - si Vhon Alexander Llagas. Kasabay nito'y namatay din sa ligaw na bala ang dalawang taong gulang na batang si Rhanz Angelo Corpuz na mula naman sa Ilocos Norte.

Noong Bagong Taon ng 2015, namatay din sa tama ng ligaw ng bala ang 11 taong gulang na batang si Jercy Decym Buenafe Tabaday sa Abra. Bago mag-Bagong Taon ng 2016 ay may mga napapabalita na ring mga natamaan ng ligaw na bala.

Ano bang magagawa natin, kababayan, upang maiwasan natin ang ganito, at paano tayo makakatulong? Hihintayin pa ba nating tayo ang mabiktima nito bago tayo magsikilos? Magiging istadistika na lang ba ang mga naputukan ng kamay, nawalan ng daliri, nawalan ng buhay dahil sa ligaw na bala? Hindi pa ba nakakaalarma ang ganitong sitwasyon?

Paano nga ba nagsimula ang pagpapaputok na ito tuwing Bagong Taon? Ayon sa isang artikulo sa Moms Magazine na sinulat ng isang Nathan Maliuat, nagsimula ang pagpapaputok na ito ng mga firecrackers sa pagsapit ng bagong taon sa bansang Tsina. Noon daw unang panahon, pinaniniwalaan ng mga Tsino na nililigalig ng isang halimaw na tinatawag na Nian ang kanilang mamamayan at nilulusob nito ang mga nayon. At ginagamit ng mga Tsino noon ang mga paputok o firecrackers upang maitaboy ang halimaw. At dahil naniniwala silang sa pagsapit ng bagong taon lumalabas si Nian, nakagawian na ang pagpapaputok sa pagsalubong sa bagong taon upang maitaboy ang halimaw na ito, o sa kasalukuyang termino, ay masamang espiritu.

Ngunit sa tindi na ng mga armas na naimbento ng tao, may laban kaya ang halimaw na ito? At dahil itinuturing na ngayon ito na masamang espiritu, aba'y di uubra ang anumang armas dito. Kaya itinataboy na lang ng mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon.

Subalit ang paniniwalang ito'y bakit ipinagpapatuloy pa natin? Di naman tayo Tsino. Bakit kailangan nating itaboy ang masasamang espiritu sa pamamagitan ng paputok, gayong hindi naman talaga sila naitataboy? Palilipasin lang nila ang ingay at usok ng ilang oras ay baka makapasok na sila. Para ba itong tunnel na lumilitaw lang pagsapit ng alas-dose at sa oras na iyon papasok ang masamang espiritu? Kayrami pa rin namang masasamang espiritu na naglipana, na karamihan ay nasa kalakalan at nasa pamahalaan, mga tiwaling trapo o traditional politician. 

Hindi ba't ang mga masasamang-loob na trapo ang sila pang nagpapaputok, di lang ng labintador, di lang ng baril, kundi ng mabahong utot ng katiwalian? 

Hindi ba't ang mga tusong kapitalista ay hindi maitaboy ng mga paputok kaya patuloy ang mababang pasahod at salot na kontraktwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa?

Hindi ba't ang masamang espiritu ng trapik ay hindi pa rin mawala at patuloy pa rin ang masikip na trapiko sa tuwid na daan tulad ng Edsa? 

Hindi ba't sa kabila ng taun-taong pagpapaputok upang maitaboy umano ang masamang espiritu, talamak pa rin ang korupsyon sa pamahalaan, at di pa rin maibigay ang kahilingan ng mga guro at karaniwang manggagawa sa pagtaas ng kanilang sahod, na di makasabay sa pagtaas ng mga bilihin, gayong kayrami palang savings ng pamahalaan na pawang badyet na hindi ginamit. At kung ginamit man ay hindi nagamit ng tama, tulad ng palagiang paghuhukay sa kalsada, at iiwanang nakatiwangwang?

Ano nga ba ang itinataboy na masamang espiritu ng mga paputok na ito gayong paglipas lang ng ilang oras o araw ay mapapawi na ang usok na ito na nagdudulot ng polusyon? At pagpawi ng mga usok na ito ay nandyan na uli ang masamang espiritu? Balewala rin.

Ang dapat nating gawin, kababayan, imbis na gastusin sa pambili ng paputok ang iyong perang pinaghirapan, aba'y ipambili mo na lang ng pagkain. Imbes salubungin sa paputok ang bagong taon, aba'y mag-ingay na lang tayo at kalampagin ang kaldero (mas malakas na pagkalampag na higit pa sa pagkalampag ng nagugutom na preso sa bilibid). Hindi ba't maitataboy din ng mga ingay ang masasamang espiritu para di sila makapasok sa bagong taon at maiwan na sila sa lumang taon? Dagdag pa rito, naglipana sa kalye ang nagbebenta ng watusi, at nabebentahan nito ay ang mga kabataang wala pang sampung taong gulang. Pinapayagan ba ito ng pamahalaan? May balita nga na may batang nakalunok ng watusi. Maaari ring magdulot ng sunog ang watusi.

Huwag na nating tangkilikin ang mga paputok. Huwag na tayong bumili ng pampaingay lang na maaari pang makadisgrasya. Palitan na rin natin ang dahilan ng pagsalubong sa bagong taon, di ang pagtataboy sa masamang espiritu o kamalasan.

Sinasalubong natin ang bagong taon dahil nais natin ng mas masagana, mas maunlad, at mas mabuting taon para sa ating pamilya.

Huwag ring magpaputok ng baril dahil baka makapatay ng mga inosenteng bata o karaniwang mamamayan.

Dapat magtulung-tulong ang mamamayan sa bawat barangay, at huwag iasa lagi sa kapulisan o sa pamahalaan, na mapigilan ang sinumang nais magpaputok ng baril. Dapat kilalanin kung sino ang may baril sa inyong barangay upang malaman kung sino ang maaaring nagpaputok ng baril na naging dahilan ng kamatayan ng isang bata.

Kung nais makakita ng mga nagliliwanag na paputok lalo na sa himpapawid, iwan na lang natin ito sa mga eksperto sa paputok, hindi sa mga bata. Magtukoy na lang ng isang lugar kung saan magpapaputok at panoorin ang mga eksperto sa kanilang firecracker o firework displays.

Sa pinakabuod, kababayan, ito ang aking munting hiling. Palitan na natin ang paniniwala tungkol sa pagtataboy ng masamang espiritu kaya sinasalubong ng paputok ang bagong taon. Maaari pa namang mabago ang mga maling kaugalian o kultura.

Kung noon, uso ang pananakit sa bata upang madisiplina sila, tulad ng sinasabi ni Padre Damaso sa Noli Me Tangere, ngayon po ay bawal na iyon, lalo na sa usaping karapatan ng mga bata, na nakasaad sa Convention on the Rights of the Child.

Kung noon ay hindi pinaboboto ang kababaihan, ngayon po ay nakakaboto na ang kababaihan nang maipanalo ng mga kababaihan ang universal suffrage, na karapatang bumoto at oportunidad na makaboto nang walang pinipiling kulay ng balat, paniniwala, yaman, kasarian, o kalagayan sa lipunan.

Ganito rin sa pagsalubong sa bagong taon. Baguhin na natin ang kinaugalian. Ipagbawal na ang mga paputok, upang wala nang madisgrasyang mga bata, upang wala nang maputulan ng daliri, upang di na nag-aabang ng mga naputukan ng daliri sa mga ospital, upang makapagpahinga at makasama ng mga doktor at nars ang kanilang pamilya sa bagong taon.

Maging mapagmasid tayo, at tiyaking hindi makapagpapaputok ng baril ang sinumang may baril, lisensyado man o wala. 

Ang paputok ay nakasasama sa kalusugan, di pa dahil sa naputulan ng daliri, kundi dahil ito'y toxic o nakalalason. Kaya nga ang EcoWaste Coalition ay taun-taon na may kampanyang Iwas Paputoxic dahil nakasasama umano ito sa kalusugan, at maaari pang makapagdulot ng sunog at kalat sa maraming lugar.

Ang pagpapaputok ng baril sa ere upang sabayan lang ang ingay ng bagong taon ay dapat nang matigil. Dapat patindihin pa ng kapulisan ang pagtukoy kung sino ang may mga loose firearms o yaong naglipanang baril na walang lisensya. At dapat mismong mga may tsapang may baril ay tiyaking di sila magpapaputok ng baril sa bagong taon.

Inaakala ng mga batang walang muwang na natural lang ang pagpapaputok ng labintador sa pagsalubong sa bagong taon. Pag naputulan na sila ng daliri, saka lang sila magsisisi. Malaki na ang nawalang oportunidad sa kanila. Kung nais nilang magpulis o magsundalo, o kaya'y magpiloto ng eroplano, baka yaong kulang sa daliri ay hindi rin matanggap. Magkano ang sinusunog nilang perang imbis na ipambili ng pagkain ay ipambibili ng paputok, at kapag naputukan ay ipambibili ng gamot. Hindi naman libre ang gamot sa naputukan, dahil pag nasugatan ka, ikaw pa rin ang gagastos. 

Sasagutin ba ng mga manufacturer ng paputok ang pampagamot at pambili ng gamot ng mga naputukan? Hindi! Pero limpak-limpak na tubo ang kanilang kinikita sa nakamamatay nilang produkto! Wala silang pakialam sa iyo! Pakialam lang nila ay bilhin mo ang kanilang produkto para sila kumita, lumaki ang tubo, at lalong yumaman. Samantalang ikaw, pag nasugatan sa paputok, nganga.

Basahin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 7183, o "An Act regulating the sale, manufacture, distribution and use of firecrackers and other pyrotechnic devices" at baka sakaling makatulong ito sa atin, lalo na sa kampanya laban sa paputok. Makikita ito sa http://www.chanrobles.com/republicactno7183.htm.

Basahin rin natin, pag-aralan at pagnilayan ang Batas Republika Blg. 10591 o ang “Act Providing for a Comprehensive Law on Firearms and Ammunition and Providing Penalties for Violations thereof” na isinabatas noong ika-29 ng Mayo 2013. Makikita ito sa http://laws.chanrobles.com/republicacts/106_republicacts.php?id=10246.

Kababayan, halina't ingatan natin ang ating mga anak, ang ating pamilya, ang ating kapwa. Panahon nang simulan natin sa ating mga sarili ang pag-iwas sa paputok, at pagbabago ng kulturang nakakadisgrasya sa maraming kabataan.

Kung hindi natin ito sisimulan ngayon, ilan pang bata ang mawawalan ng daliri sa pag-aakalang sa pagpapaputok dapat simulan ang pagsalubong sa bagong taon? Ilan pang tao ang mamamatay sa tama ng ligaw na bala dahil sa mga siraulong nais kalabitin ang gatilyo ng baril kasabay ng ingay ng mga paputok?

Anong klaseng kultura ang ipababaon natin sa mga susunod na salinlahi kung patuloy ang ganitong pagpapaputok? Ikaw, ano ang mga panukala mo upang maiwasan na ang mga napipinsala ng paputok at namamatay sa tama ng ligaw na bala? Di sapat ang salitang "sana", dapat may gawin tayong tama. Panahon na upang baguhin natin ang ganitong sistema!

Nawa, kababayan, ay may makinig sa munting mensaheng ito. Maraming salamat sa iyong matiyagang pagbabasa.

Mabuhay ka!

Lubos na gumagalang,

Gregorio V. Bituin Jr.

Huwebes, Disyembre 17, 2015

Ilang balakin sa pagbabalik

Trabaho agad pagkabalik sa bansa mula sa mahigit isang buwan sa France. Ito ang mga inihahanda ko ngayon:

1. Aklat para sa ika-50 anibersaryo ng kasal ng aking ama't ina sa Enero 2016.

2. Rebyu at pagsasaaklat ng salin ng Laudato Si sa wikang Filipino, Enero 2016.

3. Aklat ng mga tula hinggil sa Climate Pilgrimage para sa Enero-Pebrero 2016.

4. Paghahanda ng ilang salin para sa ika-400 anibersaryo ng kamatayan ni William Shakespeare sa Abril 23, 2016.

5. Patuloy na pananaliksik pangkasaysayan

6. At iba pa...

- gregbituinjr.

Martes, Oktubre 27, 2015

Ang mahabang buhok ni Macario Sakay

ANG MAHABANG BUHOK NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong bata pa ako, hindi ko pa kilala kung sino si Macario Sakay, bagamat pamilyar na siya sa akin. Subalit natatandaan ko ang sabi ng aking ina noon. Magpagupit na raw ako dahil para na raw akong si Sakay sa haba ng buhok. Ibig sabihin, kilala ni Inay si Sakay. Marahil, iyon din ang narinig na sermon ng aking ina mula sa mga matatanda sa mga lalaking mahahaba ang buhok. O kaya'y nakapanood na siya ng pelikula ni Sakay noon. "Parang si Sakay" dahil mahaba ang buhok.

Ngunit bakit nga ba mahaba ang buhok ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama? Barbero si Sakay kaya alam niya kung maganda o hindi ang gupit, ngunit bakit siya nagpahaba ng buhok at hindi nagpagupit?

Naalala ko tuloy ang isang awitin, na may ganitong liriko: "Anong paki mo sa long hair ko?"

Napanood ko rin noon ang ganitong eksena sa pelikula, kung saan sinabi ni Mayor Climaco (na ang gumanap ay si Eddie Garcia) na hindi siya magpapagupit hangga't hindi nakakamit ang kanyang pangarap o layunin (di ko na matandaan iyon) para sa bayan.

Ayon sa mga pananaliksik, panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, nang minsang nagpapagupit si Sakay kasama ang kanyang mga kasamahan malapit sa ilog, bigla silang sinugod ng mga sundalong Amerikano. Kaya sila ay nakipaglaban at naitaboy ang mga kaaway. Mula noon ay sinabi na ni Sakay at ng kanyang mga kasamahan na hindi sila magpapagupit hangga't hindi lumalaya ang bayan sa kamay ng mga mananakop.

Sa isang eksena sa pelikulang Macario Sakay ni Raymond Red, tinanong ng isang bata si Sakay kung bakit mahahaba ang kanilang buhok, na tinugunan ni Sakay, "Kung gaano kahaba ang aming buhok, ganoon din kami katagal sa bundok."

Hanggang sa huling sandali, nang binitay si Sakay ay hindi siya nagpagupit.

Pinagsanggunian:
Kasaysayan with Lourd De Veyra, TV5
Panayam kay Xiao Chua
Pelikulang "Macario Sakay" sa direksyon ni Raymond Red
Artikulong "Why did Sakay wear is long hair?" by Quennie Ann Palafox

Lunes, Agosto 31, 2015

Ulat sa pulong at apat na dokumento ng Kamalaysayan

ULAT SA PULONG AT APAT NA DOKUMENTO NG KAMALAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangang magpatuloy ang Kamalaysayan. Ito ang napag-usapan ng mga kasapi ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan o Kamalaysayan noong Hulyo 17, 2015, araw ng Biyernes, sa Kamayan Forum sa Edsa. Sa ikalawang bahagi ng talakayan ay nagpahayag ang bawat isa ng pagpupugay kay Sir Ding Reyes o Ed Aurelio Reyes (Mayo 10, 1952 - Hunyo 30, 2015). Bago ang forum, ang ilang kasapi ng Kamalaysayan ay nagkita-kita sa burol ni Sir Ding noong Hulyo 3, 2015 sa Loyola sa Commonwealth Ave., Lungsod ng Quezon.

Si Sir Ding Reyes ang pasimuno ng Kamalaysayan at matagal na naging tagapagpadaloy ng Kamayan Forum. Sa pulong matapos ang forum, napagpasiyahang maglunsad ng overnight na masinsinang pagpupulong sa Agosto 29-30, 2015 sa Lungsod ng Tagaytay.

Layunin ng pulong na iyon na ipagpatuloy ang misyon ng Kamalaysayan. Ginanap ito sa SAFI Integrated Learning Academy sa Brgy. Francisco, Lungsod ng Tagaytay noong Agosto 29-30, 2015, araw ng Sabado at Linggo. 

Nagsidalo rito sina Jocelyn Manzo, na siyang nag-anyaya sa nasabing lugar, JoEd Velasquez na ikalawang tagapangulo ng Kamalaysayan, Mariano Aycocho Jr. at ang kanyang anak na si Wisdom, Lynda Corro Oliva, Edward Sta. Ana, Romy Lee Ancheta at ang kanyang anak na lalaki, Ian Reyes na panganay na anak ni Sir Ding, Liberty Talastas, at ang inyong abang lingkod. 

Nagsagawa kami rito ng Kartilya ng Katipunan sa harap ng banga ng abo ni Sir Ding na dinala ng kanyang anak na si Ian. Nagtalumpati ang bawat isa bilang pagpupugay at pag-aalaala kay Sir Ding at sa kanyang mga naiwang aral. Matapos ang Kartilya ay umuwi na si Ian dahil magdidilim na at may trabaho pa siya kinabukasan. Kami namang naiwan ay nagpatuloy sa talakayan hanggang ikatlo ng madaling araw. Si Liberty naman ay gabi na nakarating.

Dito'y dalawang dokumento ang ibinahagi ni kasamang JoEd. Ang dalawang pahinang papel na iyon ang aming tinalakay mula ikalawa ng hapon hanggang ikatlo ng madaling araw. Bago mag-uwian ay may dalawa pang dokumentong hindi tinalakay ngunit masayang ibinahagi ni kasamang JoEd sa inyong lingkod bilang naitalagang tagalagak sa blog ng ilang dokumento ng Kamalaysayan.

Naging makabuluhan ang bawat sandali dahil mahalaga sa bawat isa ang tungkulin at gawain hinggil sa kasaysayan. Napag-usapan din ang parating na ika-500 anibersaryo ng pagdatal ni Magellan sa 2021, at ang ika-25 anibersaryo o silver anniversary ng Kamalaysayan sa Hulyo 7, 2015. Napag-usapan din ang marami pang tagong kasaysayan na dapat isulat at ipamahagi, tulad ng dugtungan mula sa labanan nina Bonifacio sa San Juan, sa tagumpay sa Pasig, Taguig at Cainta. Lubusang nakabubuhay ng diwa ang lahat ng pinag-usapan na tila ba kahit latak ay hindi naaksaya. Ang bawat paksa'y kaysarap namnamin na animo'y tuba o lambanog na naimbak ng matagal.

Kaya umuwi ang bawat isa na taglay ang bagong lakas at pag-asa sa makabuluhang tungkulin para sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay ang Kamalaysayan!



Ang mga tinalakay na dokumento ay ang mga sumusunod:

(1) KMLSYN: Palatuntunan ng tuluyang pagbubuo
(2) KAMALAYSAYAN

Ang dalawang dokumentong ibinahagi naman sa akin bago mag-uwian, at sinipi sa USB, ay ang:

(3) DALOY, DETALYE AT DIWA (3D) 
(4) Palatuntunan ng Pingkian

Lahat ng dokumento'y tig-isang pahina, kaya apat na pahina lahat. Narito ang nilalaman ng mga iyon:



Unang Papel:

KMLSYN: Palatuntunan ng Tuluyang Pagbubuo:
Talabaybay at gabay (mapping) ng pagsasaysay at pag-aaral

1. Talastasan ng kaisahan
- Pagbubuo ng Kamalaysayan; Ding Reyes: paglalakbay at lakaran sa kasaysayan
- Ang Talastasan ng pagkabansa sa Panawagan: Hanguin, Bawiin at Isulong ang Kaisahan at Kasaysayan ng Pagkabansa: Mula sa pangunahing balanghay / sikad: Isang muling sikhay: Tuntunin ang pagsulong ng yapak ng hari ng tagailog - ang pagbubuo ng loob ng taumbayan, ang kahalaghan at ang kahulugan nitong katiwasayan, kagunhawaan at tunay na kasaganahan ayon sa KKKnB

2. Pagsasaysay mula sa mga pamayanan at saliksik, (pagbusiksik ng loob)

3. Ka Andres, pagpupugay ng taumbayan / state honors

4. Pingkian, tuluyang kalinawan ng mga tindigang usapin sa ating kasaysayan

5. Lakbay aral, edu historical tourism, center, school, hostel, Netweb

6. atbp.



Ikalawang Papel:

KAMALAYSAYAN

... Nagsasaysay tayo: binubuo natin ang diwa sa mga ugnayan ng mga bagay-bagay at ng mga pangyayari. Nagiging hamon ito sa ating unawa at nakapagbubunsod ng pag-iisip at hinagap sampu ng palagayan ng ating mga kakayahan, at ng ating bawat dunong at ating bawat galing. Nakapagpapaagos ang ganito ng daloy at dugtungan ng kahulugan at ng kahalagahan, at tuluy-tuloy na nakapagdadala ng mga hangarin, dakilang layon at loob...

Sa pamamagitan ng kaparaanan at gawain ng pagsasaysay ang Kamalaysayan ay nagiging bahagi ng paglaganap, pagganap at pagsusulong ng masikhay na kaisahan. Nagmumula ito sa pagsigasig ng mga gawaing kampanya para sa kamalayan sa kasaysayan, at umaabot ang ganito sa talastasan ng katuturan magmula sa pananaw hanggang sa pinakatindigan ng kasaysayan.

Ang tuwirang ninanais ng ganito ay taluntunin ang lawig ng mga tagpuan at tagusan ng ating mga pangarap, mga hangarin at talagang kalooban; Makibahagi sa pagtining ng kahulugan, at tumulong sa pagtatalos ng taus na kahalagahan ng ating pagkabuo at pagdating bilang tayo na mga mamamayan at taumbayan.

Sa buhay na pagsasaysay: ganito ang salang ng Loob ng tuluy-tuloy na pag-uugnayan, ang lundo ng lambat (NetWeb) mula pagkaTAYO hanggang pagkaTAO. Mula sa iba't ibang hamon ng kalagayan at panahon, maging ng pananakop at pananamantala sa atin. Ito na ang salalayan ng pagkilala at pagtuturingan. Narito ang kapuwa(ng) ng tapatan - punuan - bigayan, ang bayanihan at tangkilikan ng tayaan - tiwalaan - bahagian ng mga magkakasama, magkakapatid, magkanayon, kababayan o ang pawang kapwa tao ng bawat isa. Nandito ang dugtungan sa iisang daloy ng masaganang balon ng karanasan, ang daigdigan ng ating sangkapuluang Pilipinas. Ang siyang antabay sa kalinawan ng agos ng mga "tagailog" na paunang binaybay at iniugit sa paglaban ng KKKnB hanggang sa ating pagkabansa...

PARAAN NG KAISAHAN:

May mga agos ang pagsasaysay o lumalagos ang tiyak na mga tagpuan ng daloy, detalye at diwa (3D lambat - NetWeb). At bilang pagsasapat ng kahulugan at kahalagahan, hinahanap natin ang habi ng bagtas o buhay na pagbalagtas ng mga ito. (Autopoetic & ethical - authentic process / eco-logic)

Kalipunan ng Pagsasanay: (isang paaralan, isang alauli/proseso, may tumbok at may tampok)

a. Pagtitipon (open meet / community assembly) ng mamamayan, kapatid at katipon
(ka)pulungan / sangguni(an) batay sa layon ng nabubuong usapan o talastasan. hal. payak / malawig

* Ito ay talastasan - a micropolitics if in community, whose singular nature was not limited in scale to analyzing w/in small groups, but instead implied a permanent dialogue and a continuous semiotic process connecting it to the macro scale of the surrounding society.

b. Kasapian - nagsaysay ng kartilya, may saliksik, may palatuntunan o panukala at pagkilos (project / advocacy) - May balanghay / (mga SIKAD), na may tustos at pangilak - tagapadaloy, tagapangulo, pangalawang tagapangulo, ingat-yaman, kung kinakailangan, may kalihim tagapagpaganap at kalihiman (na nagdadala ng mga proyekto, at multimidya na daluyan ng lathalain)

k. Pahayag - tapatan at talaan ng tindigan ng mga usapin, sa mga pangyayari, lugar o pook
- Gawain ng pahayag sa NetWeb - patnugutan, lathalain (editorial & multimedia production)



Ikatlong Papel:

DALOY, DETALYE AT DIWA (3D) 
Ang Saysay sa kasaysayan at ang 
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
(Kamalaysayan)

Sa Pagbubuo ng Loob, ito na ang bagsik o ang talagang himagsik:

Ano ba ang taya mo, ano ba ang tapat ng bawat isa?  Ito ang pinangagalingan ng ating dating, ang iral ng ating talagang aral; ang likas at tining ng ating kakayahan, dunong at galing. Tunay itong yaman o mayaman tayong lahat, ito ang siyang itinatampok ng katiwasayan, ng kaginhawaan at ng ating talagang kasaganaan…

Mula sa Tayo ng Katagang Ta hanggang lawig ng Katagang Ka; 

Katulad ng baybayin sa ligtas na kupkop ng isang looc, may daong ang bawat kapuwa(ng), binibigyang lundayan ang mga tapatan, naibabahagi ng tao ang bawat tayo, at ang taya ay nakapagbubuo ng loob at nagbubunyi ng kaisahan. 

Narito na ang mga palagayan, ang pauna at mga pagsalubong, mga pahatid at mga sunduan simula pa sa mga bayanihan. Mula sa mga bigayan at palitan, sa paluwal at paluwag ng isang taus na tangkilikan, naipag-aanyo ang pag-iisang layon at diwa ng pamayanan. At sa agos at sanib ng dakilang mithi nitong nabuong taumbayan tumatampok ang mataas at magiting na sibol ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan; 

Guguhit ang sinag ng mamamayan ng lupang taga-ilog, ang kalinawan ng agos mula hilaga at timog nitong ating sangkapuluan... sa Ranao, sa Agusan, sa tao ng suba, sa mga ilihan ng maraming iligan, ilagan, ilo-ilo, iloco, iriga at Naga sa maraming mga pampang, sa dalampasigan na may nilad at marami pang lupalop; sa bawat batain o pagpapakasakit galing sa batangan katulad ng Batanes, ng Bataan, ng Batangas; at mga taytayan ng Mindanao, ng kabisayaan at ng Luzon...

Sa tampok na kabundukan na tangulan ng mga batis at pook ng pagdiwata nitong ating Inang mutya, ang ating Inang Bayan; sa alauli ng mga lawa at sa lagaslas ng mga sapa hangang sa taguis at bawi ng bumabagtas na ka-ilogan, ang dalisay at saganang dilig ng mga parang at kapatagan na nagluwal ng mga pamayanan at bayan; at galing pa sa tagpuuan at ayuno ng paglilinis ng pinagyamang loob, siyang timbulan ng panata doon sa yungib sa pinangagalingan ng Pamitininan nitong haring (mamamayan) na ang bayan ay tagailog,.....

…. Nagbangon na ba? Ilan na ba ang balitang yapak ng hari sa ibat ibang panig ng sangkapuluan …  

Sa mga tindigang usapin sa mga piniling lugar at pangyayari:  ilog ng Bitukang Manok, Parola ng Napindan, naulilang pook ng Bahay Kuwago sa bundok ng Ugong, at sa maraming bahagi ng sangkapuluan; Banlat ng Pugad Lawin, Hagdang Bato, Minuyan, Kakarong de Sili, Kangkong. Makatubong, Batugalo, Pantay, ang pagsalakay sa binakurang lungsod ng Maynila, ang Nagsabado na siyang  matagumpay na pagtindig ng taumbayan ng hatinggabi ng pagputok ng himagsikan, … ang pagbagsak ng kolonyalistang kastila, ang digmaan laban sa Amerikano, laban sa Hapon, laban sa diktadurya,.. hanggang kasalukuyan.. sa EDSA...

Patuloy na guguhit ang saniblakas ng bagsik nitong maganda at buong busilak na kalooban ng taumbayan, nitong buong mamamayan ng sangkapuluan ... talagang may bawi ang pagsulong ng agos nitong ilog ng mamamayan  pagkat nagbangon at patuloy pang magbabangon ang Hari ng mga Tagailog,..  

at patuloy na susulong ang liwanag ng kaisahan sa pagsaysay ng ating anting-loob at nitong kasaysayan . . 

Mabunying Pagpupugay!  Mabuhay ka at ang ating panata - ika 7-3-2015  

Mabuhay ang ating kapatid at katipon na si Eduardo Aurelio “Ding” Reyes 



Ikaapat na Papel:

PALATUNTUNAN NG PINGKIAN 
Para Sa Pagsusulong Ng Inang Bayan

Maari bang pansala ang simulain ng ating mga karanasan bilang gabay sa ating pagsusulong? Di kaya lubha ding mahalaga na salain ang mga ito mula sa at ayon sa sinapupunan ng bukal ng mga karanasang ito? Pinakamainam kung ating bagtasin at wariin ang landas na tinahak ng ating mga mamamayan sa pagbubuo ng diwa ng Bayan patungo sa pagsusulong ng iisang Inang Bayan.    

Mga Tindigang Usapin

(Salalayan)

I. Tanglaw ng buong diwa mula sa mga Aral ng kartilya ng KKK. 
• Ibig sabihin ng paraang Katipunan bilang pagtataas ng Kaisahan para sa pagbubuo ng Pagkabansa at ng Inang Bayan.
• Ang diwa ng Bayan bilang ugnayan at Kaisahan ng simulain o kasaysayan ng mga mamamayang at taumbayan na sumilang sa ating sangkapuluan.
• Ang likas na kakakyahan o “kapangyarihan” mula sa busilak na loob, pagbaka, pagsanib, pagdamdam, katuwiran at katiwasayan ng unawaan mula sa kanlong ng iisang Inang Bayan. 
- Mga sinag ng Kaisahan mula sa; Bayanihan, Malasakitan at Pagdadamayan tungo sa paglingap at tangkilikan ng ating mga pamayanan. (Pamumuno, Sanggunian, pagsapi, samahan, suklian /sa-ulian at pagbahala) Mga tampok na katutubong karanasan at mga sinaunang tagumpay: Rice Terraces, Manungul, Baybayin atbp. Mga kagamitan mula sa mga Sinaunang pamayanan.
- Bagsik ng loob: Mga Daluyong ng paglaban sa buong panahon ng kolonyalismong Kastila.     

(Bukas na Hamon)

II. Lakaran sa pagkatatag ng Republika ng Haring Bayang Katagalugan 

* Tampok na mga pangyayari sa pagsilang ng ating pagkabansa
• Pagkabuo at paglaganap ng Katipunan sa sangkapuluan, Hulyo1892: Ang pagtunton sa tradisyong sinasaad ng Pamitinan, Abril 1895: mga batis: F. Balagtas, H. Pule, Dagohoy, atbp. Gomburza,.
• Kadakilaan tungo sa kabayanihan:  Jose Rizal at kanyang mga kapanalig na propagandista.
• Guhitan ng Pananaw at Paninindigan: Bitukang Manok, Parola ng Napindan at Labanang Nagsabado
• Pakikiisa sa pagtanghal at pagkaganap ng Republika HBK sa Banlat Kalookan  “Pugad ng Lawin”
• Taimtim na pagtika (pag-ayuno) sa tipanan ng Lupang Taga-ilog: Bundok Kalayaan at Bahay Kuwago   
• Pagputok ng himagsikang 1896: malinaw na pagtanaw sa mga tunay na pangyayari  
• Pagsalakay sa Maynila nang ika 30 ng Agosto1896
• Ang mga tagumpay ng KKK sa mga karatig bayan sa paligid ng Maynila 
• Tampok na pihit ng labanan sa polvorin ng San Juan del Monte 
• Ang pangunahing larangan ng digmaan at operasyon ng KKK laban sa mga kastila sa paligid ng Maynila 
• Ang anyo ng pagsakal at pagpugot sa ulo ng ulupong ng kolonyalismo bilang nabuo at naging balangkas ng mga paraan ng paglaban.
- Ang pagtindig ng mga Real o tangulang moog ng KKK.sa maraming lalawigan. 
- Ang tuloy-tuloy na paglagablab ng labanan sa ibat-ibang bahagi ng buong bansa sapol ng Agosto 1896 hangang tagumpay laban sa kolonyalismong kastila ng taong 1898.   
• Ang mga hidwaan at kataksilan laban sa himagsikan
- Magdalo at Magdiwang: Bangayan ng mga paksyon habang pansamantalang kinukubkob ang mga Pueblo sa lalawigan ng Kabite.
- Kudeta ng Tejeros, Paano Pinaslang ang Supremo ng KKK at unang pangulo ng HBK
- Pagtakas mula sa Kabite, Pagsuko sa Biyak na Bato, kuntsabahan sa bagong kolonyalistang Amerikano, Pagpaslang kay Antonio Luna at ang pagsuko sa Palanan.
- Ang talagang laman ng proklamasyon sa Kawit, Sino ang mga kinatawan sa kungresso ng Malolos?
• Ang mga tagumpay ng mga magiting na bayani ng pagkabansa mula sa Cebu, Jolo, Lanao at Agusan, Zamboanga, Batanes, Cagayan, Ilokos, Nueva Ecija, Bulakan, Baler Tayabas, Bikol, Laguna, Batangas, Bataan, Zambales. Kapiz, Aklan, Iloilo, Antique, Samar, Negros, Bohol 
• Di nagpasakop: Mga mamamayang Moro, Katutubo ng Montanosa at iba pang lugar, Mga Remontado.  

(Paghawi at Pagpawi ng Makapal na Lambong)

III. Digmaan Laban sa Kolonyalistang Amerikano: Unang Byetnam 1898, 1920 
• Ang pagsaklot ng Maynila ng ika 13 ng Agosto, 1898 
• Pandarambong at Pagsunog sa kabayanan ng Tondo, Pasig at ang pagdurog sa mga karatig bayan at mga nayon hanggang Kalookan, hanggang Makati. 
• Mga tagumpay ng Las Pinas, Kalookan, San Mateo, Bundok ng Makatubong sa Antipolo.
• Ang talagang dahilan ng Pasong Tirad
• Tagumpay ng Balangiga, ang pagsunog sa Samar, Batangas at ang kilabot ng pagsupil sa Laguna at naging tugon ng mamamayan – Leon Kilat at mga kasamahan, Ed Alvarez ng Zamboanga 
• Kabayanihan sa lugar ng mamamayang Moro: Ang labananang Bud Dahu, Bud Bagsak at Bud Langkuwasan

(Pagkilala sa katapatan at kagitingan ng Loob)

IV.  Walang Sukuan, Walang kapantay na Paglaban 
• Kabayanihan at kagitingan: San Miguel, Sakay at Montalan at marami pang ibang kasamahan 
• Tangulan, Sakdal at Lapiang Malaya
• PKP at ang mga Makabayang Aktibista ng dekada 60 hanggang panahon ng paglaban sa diktadura
• Mga mandirigma para sa Bangsa moro 

(Pagtindig ng Taumbayan)

V. Ang Bayan vs. Nacion - sa kubabaw ng dayuhang dikta
• Pantayong Pananaw at Dualismo: Krisis ng Identidad, mga balimbing, wika, edukasyon at batas    
• EDSA: ang taumbayan, “civil society,” ang makauring pananaw (ang masa, makabayan, makibaka) at ang pagwawagi.
• Himagsikan o Rebolusyon: Bayani o heroe, Kamulatan o loob, pagoorganisa o pagbubuo. 
• Ekonomiya para sa kabuhayang pangpamayanan; o ekonomiya ng pinakitid na nasyonalismo, pangluwas at mga di pantay na kasunduan  

(Pingkian: Dalisayan ng taumbayan sa bagong panahon)

VI. Ibayong Pagsusulong ng Talastasang Pambansa 
* Pagtutuloy sa pagbubuo ng Pagkabansa at pagsusulong ng Inang bayan hanggang sa ganap na pagwawagi
• Pagbawi, paghango at pagsusulong ng kasaysayan ng pagkabansa. 
• Dugtungan: Pagbabahagi ng mga karanasan ng pagtutulungan, damayan at malasakitan; Pagtataya ng mga usapin at salaysay ng pagsusulong ng Pamayanang Pambansa mula sa sinapupunan ng Inang Bayan.
• Pagtataas sa sanib ng Lakas ng Taumbayan: ugnayan, karanasan at kaisahan bilang talagang Lakas ng kakayahan ng taumbayan, sama-samang pagkukusa at pamamahala bilang sambayanan.  Usapin ng “kapangyarihan” ng mamamayan
• Likas-kaya at nagsasariling Tangkilikan, pagpapaagos ng dunong at galing sa larangan ng bagong kabuhayan 

* Inang Bayan bilang ugnayan ng iisang pinag-ugatan o pinanggalingang karanasan ng mga taong bumuo ng bayan sa iisang kalikasan ng lupang tinubuan.  Ang Bansa bilang isang nabuong teritoryong pulitikal o nasasaklawang lugar ng mga bayan.

Martes, Agosto 11, 2015

Ang Bitukang Manok sa Pasig, Atimonan, Daet at sa Kasaysayan ng Katipunan

ANG BITUKANG MANOK SA PASIG, ATIMONAN, DAET AT SA KASAYSAYAN NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Oktubre 9, 2014, kami sa Climate Walk ay tumahak sa tinatawag na Bitukang Manok sa Atimonan, Quezon. Iyon ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko. Dahil ang alam kong Bitukang Manok ay nasa Lungsod ng Pasig, na kadalasang tinatalakay namin sa usaping kasaysayan, lalo na sa Katipunan ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang Bitukang Manok sa kasaysayan ng pakikibaka ng Katipunan dahil pinagpulungan iyon ng mga Katipunero sa pangunguna ni Bonifacio. Tatlong historyador ang nagbanggit nito. Ang dalawa ay kaibigan ko at kasama sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan, na dating Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan).

Ang Climate Walk ay isang kampanya para sa Katarungang Pangklima o Climate Justice, at isang mahabang lakbayan, o lakaran mula sa Luneta (Kilometer Zero) hanggang sa Tacloban (Ground Zero) na aming isinagawa mula Oktubre 2, na Pandaigdigang Araw ng Hindi Paggamit ng Dahas (International Day on Non-Violence), hanggang Nobyembre 8, 2014, ang unang anibersaryo ng matinding bagyong Yolanda.

Ang ikalawang Bitukang Manok na nalaman ko ay hindi isang ilog, kundi isang paliku-likong daan. Tinawag na Bitukang Manok dahil animo'y bituka ng manok na paliku-liko ang daraanan. Dito nga kami sa Climate walk tumahak, at habang naglalakad dito'y nagsulat ako ng tula sa aking maliit na kwaderno. Nakita ni kasamang Albert Lozada ng Greenpeace ang pagsulat ko ng tula, kaya ipinatipa niya iyon sa akin sa kanyang cellphone, na siya naman niyang ipinadala sa tanggapan ng Greenpeace upang i-upload sa kanilang website. Narito ang tula:

PAGTAHAK SA BITUKANG MANOK
11 pantig bawat taludtod

Tinahak namin ang Bitukang Manok
Na bahagi ng mahabang Climate Walk
Kaysasaya naming mga kalahok
Nag-aawitan, di nakakaantok

Napakahaba man nitong lakaran
Ay makararating din sa Tacloban
Lalo't kaysaya ng pagsasamahan
Ang pagod ay tila 'di namin ramdam

Sariwang hangin, walang mga usok
Dito'y gubat na gubat pa ang bundok
Kay sarap dito sa Bitukang Manok
Kahit 'di namin narating ang tuktok.

- Bitukang Manok, Atimonan, Quezon, Octubre 9, 2014

Ang tulang ito'y nalathala sa website ng GreenPeace na in-upload doon ni Jenny Tuazon. Maraming salamat sa inyo, Greenpeace! Mabuhay kayo!

Ang ikatlong Bitukang Manok ay nahanap ko sa internet. At ito'y nasa rehiyon ng Bikol, nasa Daet, Camarines Norte. Ito'y nasa kahabaan ng national highway malapit sa hangganan ng Camarines Sur at Camarines Norte, at nasasakupan ng Bicol National Park.

Ang unang Bitukang Manok na alam ko, bago naging bahagi ng kasaysayan ng Katipunan, ay isang kaharian sa panahon ni Dayang Kalangitan (na isinilang ng 1450 at namatay ng taon 1515). Siya ang tanging reynang namuno sa Kaharian ng Tondo, at nagtatag din ng maliit na kaharian sa makasaysayang Bitukang Manok, na nasasakop ng Pasig. Si Dayang Kalangitan ang panganay na anak ni Raha Gambang na itinuturing na isa sa pinakamakapangyarihang pinuno ng kaharian. Noong araw, nang hindi pa nasasakop ng mga Kastila ang bansa, nasasakop ng Tondo ang malaking bahagi ng lupain, kasama na ang Pasig.

Nang mamatay ang kanyang ama, si Dayang Kalangitan ang humalili. Napangasawa niya si Gat Lontok, na nang lumaon ay naging Raha Lontok, na hari ng Tondo. Sinasabing ang pamumuno ni Dayang Kalangitan ay katulad ng pamumuno ni Prinsesa Urduja ng Pangasinan.  Napangasawa ng anak niyang babaeng si Dayang Panginoon si Prinsipe Balagtas ng Namayan, at anak ni Emperatris Sasaban. Ang anak ni Dayang Kalangitan na si Salalila ang humalili sa kanya, at nang nagpasakop na si Salalila sa Islam, napalitan na ang kanyang pangalan ng Sulaiman, na sa kalaunan ay naging ang makasaysayang si Raha Sulaiman na siyang hari ng Tondo.

Ang nasabing Bitukang Manok sa Pasig ang naging pulungan ng mga Katipunero noong panahon ni Bonifacio. Ayon kay Ed Aurelio Reyes (1952-2015) ng Kamalaysayan, noong maagang bahagi ng Mayo 1896, panahon ng peregrinasyon sa Birhen ng Antipolo, isang armada ng labimpitong bangka ang gumaod mula sa Quiapo, sakay ang mga pinuno ng iba't ibang konsehong panlalawigan ng Katipunan. Pinangungunahan ito ni Gat Andres Bonifacio. Nakarating sila sa bahagi ng ilog na tinatawag na Bitukang Manok, at sinalubong sila ni Gen. Valentin Cruz, sa isang pagtitipon na tinawag na "Asamblea Magna". Sa Bitukang Manok idinaos ng mga Katipunero ang pulong kung saan napagpasyahan nilang simulan ang digmaan laban sa Espanya. Bagamat may pag-aatubili ang ilan hinggil sa pasyang ito, lalo na si Emilio Aguinaldo ng Cavite, ang Pagpapasya sa Bitukang Manok ang isang desisyong pinagkaisahan at pinagtibay ng mga Katipunero mula Batanes hanggang Cotabato.

Ayon naman ay Jose Eduardo Velasquez, ikalawang pangulo ng Kamalaysayan at batikang historyador ng Pasig na humalili kay Carlos Tech na nakapagsagawa ng panayam kay Heneral Valentin Cruz noong 1956, ang plano ng Katipunan sa matagumpay na Nagsabado sa Pasig ay pinagpulungan sa Bitukang Manok. Kasabay ng pagkatalo ng mga Katipunero sa Pinaglabanan sa San Juan, nagtagumpay naman ang mga Katipunero sa Pasig noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado. Pinangunahan ni Heneral Valentin Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop. Isandaang taon matapos ang tagumpay ng Nagsabado sa Pasig, nananatiling buhay sa diwa ng mga Pasigenyo ang kabayanihan ng mga Katipunero at ipinagdiwang nila ang sentenaryo nito noong Agosto 29, 1996.

Ayon naman kay Pablo S. Trillana, mula sa Philippine Historical Association, sa pulong ng Mayo 4, 1896 sa Bitukang Manok, kinausap ni Supremo Andres Bonifacio si Dr. Pio Valenzuela upang kausapin si Jose Rizal hinggil sa sisimulang rebolusyon. Naganap ang pulong nina Rizal at Valenzuela sa Dapitan sa Mindanao noong Hunyo 21-22, 1896, dalawang buwan bago ilunsad ng Katipunan ang himagsikan. Tinanggihan ni Rizal ang alok ni Bonifacio, dahil para kay Rizal, hindi pa hinog ang himagsikan.

Animo'y sawa ang kailugan ng Bitukang Manok na isang mayor na bahagi ng Ilog Pasig. Tinawag ito ng mga Espanyol noon na "Rio de Pasig" (o Ilog ng Pasig), ngunit patuloy pa rin itong tinawag ng mga mamamayan doon na Bitukang Manok. Ang Bitukang Manok ay dumurugtong sa Ilog ng Antipolo. Noong ika-17 hanggang ika-20 siglo, maraming lakbayan patungong Simbahan ng Antipolo ang tumatahak sa kahabaan ng Bitukang Manok. Kahit ang imahen ng Our Lady of Peace and Good Voyage ay labing-isang ulit na pabalik-balik na dumaan sa Bitukang Manok. Noong ika-18 siglo, tinayuan ito ng mga mestisong Tsino ng kongkretong tulay na estilong pagoda na tinawag na Pariancillo Bridge, na sa kalaunan ay naging Fray Felix Trillo Bridge bilang pagpupugay sa kilalang pastor ng Pasig.

Ang Bitukang Manok ngayon sa Pasig ay isa nang naghihingalong ilog, dahil imbis na protektahan ang ilog ay tinayuan ito ng mga komersyal na establisimyento. Ito'y nasa 3.6 kilometro mula sa kinatatayuan ng McDonalds hanggang sa kinatatayuan ng pabrikang Asahi Glass sa Pinagbuhatan sa Pasig.

Tulad ng iba pang mahahalagang pook sa bansa, makasaysayan ang Bitukang Manok sa Pasig at hindi ito dapat mawala o masira. Dapat itong pahalagahan ng henerasyon ngayon at ng mga susunod pang henerasyon.

Mga pinaghalawan:
The Featinean publication, July-October 1996, pages 28-29
https://en.wikipedia.org/wiki/Dayang_Kalangitan
http://filipinos4life.faithweb.com/Pasig.htm
http://filipinos4life.faithweb.com/Joe-ed-pasig.htm
http://www.mytravel-asia.com/pois/100343-Bitukang-Manok
http://wikimapia.org/5620018/Bitukang-Manok-Marker-Pariancillo-Creek
http://www.pasigcity.gov.ph/subpages/historical.aspx
http://opinion.inquirer.net/59679/bitukang-manok-fork-in-road-to-revolution

Sabado, Agosto 8, 2015

Paglampaso ng APEC sa buhay ng manggagawa

PAGLAMPASO NG APEC SA BUHAY NG MANGGAGAWA
ni Greg Bituin Jr.

"Protektahan ang uri, depensahan ang bayan. Walang saysay ang progreso kung walang hustisyang panlipunan." Iyan ang sinasaad ng polyeto ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa ginanap na SLAM APEC (Solidarity of Labor Against APEC) Conference sa nagsarang pabrika ng Rubberworld sa Novaliches noong Nobyembre 1996. Pagkatapos ng kumperensya, nagtungo ang mga manggagawa, na sakay ng higit isangdaang dyip sa isang Karabana ng Mamamayan mula Maynila patungong Subic sa Zambales, kung saan idinaraos noon ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) sa pagitan ng mga bansa sa Asia-Pasipiko.

Ilang araw bago iyon, Nobyembre 12, 1996, hinuli ng mga tropa ng gobyerno ang pangulo ng BMP na si Ka Popoy Lagman, dahil pababagsakin daw niya ang pamahalaang Ramos at baka di matuloy ang APEC. Habang nakakulong sa Kampo Aguinaldo ay lumiham si Ka Popoy sa mga kasama. May pamagat itong Message to the Solidarity of Labor Movement Against APEC (SLAM-APEC) na ipinamahagi sa kumperensya noong Nobyembre 22, 1996. Dito'y ipinaliwanag niya kung bakit dapat nating labanan ang maling patakaran ng APEC, dahil ito'y para lang sa kasaganahan ng mga negosyante't malalaking korporasyon, at lalong pahirap sa mga manggagawa, lalong pagpiga sa lakas-paggawa, at hindi talaga para sa kaunlaran ng lahat. Etsapuwera pa rin sina Juan Maralita at Pedro Obrero.

Ano nga ba ang APEC at ano ang intensyon nito? Ang APEC ang pangunahing pang-ekonomyang pagtitipon ng mga bansa sa Asya-Pasipiko, na ang layunin diumano ay ang pagtataguyod ng sustenableng pang-ekonomyang paglago at pag-unlad sa rehiyon. Nagkakaisa sila sa layuning bumuo ng isang dinamiko at maayos na pamayanan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng malaya at lantarang kalakalan at pamumuhunan, pagtataguyod at pagpapabilis ng pang-ekonomyang integrasyon ng rehiyon, paghihikayat sa pang-ekonomya't pangteknikal na kooperasyon, pagpapahusay sa seguridad ng tao, at pagpapadali ng isang mainam at maunlad na pagnenegosyo. Sa ngayon, ang APEC ay may dalawampu't isang kasaping bansa, at ito'y ang mga sumusunod: Australia, Brunei Darussalam, Canada, Indonesia, Japan, Korea, Malaysia, New Zealand, Pilipinas, Singapore, Thailand at Estados Unidos (mga founding members, 1989); China, Hong Kong, China at Chinese Taipei (sumapi noong 1991); Mexico at Papua New Guinea (1993); Chile (1994), at Peru, Russia at Vietnam (1998). Nagsimulang magpulong ang APEC noong 1989 sa Canberra, Australia, at huling nagpulong nitong 2014 sa Beijing, China.

Kung susuriin, ang APEC ay kooperasyon ng mga korporasyon, kooperasyon ng mga kapitalista, ngunit walang nakasulat sa kanila tungkol sa pagpapaunlad ng buhay at pamumuhay ng karaniwang manggagawa. Ang layunin ng APEC ay globalisasyon.

Sipiin natin ang sinulat ni Ka Popoy, "Bago pa nabuo ang APEC ay nagsisimula na ang globalisasyon, mayruon nang mga makapangyarihang mga pwersang nagtutulak ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon. Sila ang tunay na pasimuno ng APEC. Sila ang may gawa ng vision, goals, adyenda at plans ng APEC. Sila ang tunay na may interes sa APEC. Sino sila? Sila ay ang tinatawag na mga TNCs o transnational corporations sa buong daigdig na umaabot sa bilang na 40,000 at kumukontrol sa 2/3 ng pandaigdigang ekonomiya, ng pandaigdigang kalakalan at pamumuhunan. Kinakatawan ng “globalisasyong” ito ang bagong istratehiya ng TNCs — ang internasyunalisasyon ng kanilang proseso ng produksyon na tumatawid sa hangganan ng mga bansa at tinatampukan ng contractualization ng iba’t ibang bahagi ng kanilang produksyon na nakabudbod sa iba’t ibang bansa."

Kaya ang kanyang tanong: "Kung mga TNCs ang promotor ng globalisasyon at ang mga patakaran nito ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon, kung ang may gawa ng vision, goals, agenda at plans ng APEC ay ang mga representante ng malalaking negosyante sa Asia Pacific — paanong mangyayaring ang kanilang intensyon ay “progreso at prosperidad” para sa mamamayan, paanong mangyayaring ang kanilang inspirasyon ay ang diwa ng “international cooperation”?"

Sa ating kasalukuyang kalagayan, bakit paunti na ang nagiging regular ang mga manggagawa, at nauuso na ang kontraktwalisasyon na pahirap sa buhay ng manggagawa, ito'y dahil sa globalisasyon. Pinag-uusapan na ng mga kapitalista kung paano magsasama-sama ang ekonomya ng mga bansa habang lalong pinipiga at pinapababa ang presyo ng lakas-paggawa ng mga manggagawa. Kaya kabaliwan ang sinasabi ng APEC na internasyunal na kooperasyon kung sila-sila lang at hindi talaga kasama ang lahat, lalo na ang uring manggagawa. 2015 na, at ang pinaplano lang ng pagpupulong sa APEC ay hindi tayo kasama sa pag-unlad. Kunwari lang 'yung trickle down theory na pag umangat ang kapitalista ay aangat din ang buhay ng manggagawa. Nagpapatayan ang mga kapitalista dahil sa kumpetisyon, kaya ano ang sinasabi nilang kooperasyon?

Mahalagang pagnilayan natin ang sinabi ni Ka Popoy noong 1996 hinggil sa paninibasib ng globalisasyon na totoo pa rin ngayon. Aniya: "Mga kasama! Hindi ba’t ang mga kapitalistang ito, ang mga negosyanteng ito ang dahilan ng ating paghihikahos at pagkabusabos dahil sa kanilang kasakiman sa tubo, dahil kinakamkam at sinasarili nila ang yaman na mula sa ating pawis at pagod? At ngayon, sasabihin ng punyetang gubyernong ito, na ang mga kapitalistang ito — sila na nagpapahirap sa atin, sila na nang-aapi sa atin, sila na kung tratuhin tayo ay basura at alipin, sila na walang ginawa kundi magpasarap sa ating pinagpaguran, sila na nabubuhay sa kasaganahan habang ang ating pamilya ay naghihikahos, sila na walang pakialam kung magdildil tayo ng asin sa karampot nating suweldo, sila na walang pakialam kung tayo’y magugutom kapag pinatalsik nila sa trabaho, sila na kung durugin ang ating mga unyon ay parang dumudurog lamang ng mga ipis, sila na hindi man lang makonsensya na mas masarap pa ang kinakain ng kanilang mga aso kaysa kinakain ng kanilang mga manggagawa, sila na natutulog nang mahimbing kahit alam nilang nagugutom ang ating mga pamilya at di mapag-aral ang mga anak pero kapag lumiliit ang kanilang tubo at nalulugi ang kanilang kompanya ay binabangungot — ang mga tao bang ito, mga kasama, ang mga kapitalista bang ito, mga kasama, ang magliligtas sa atin sa impyerno ng karukhaan at magdadala sa atin sa paraiso ng kasaganahan!! Mga kasama, niloloko at ginagago tayo ng baliw at inutil nating gubyerno!"

Makalipas ang labingsiyam na taon, babalik muli upang magpulong sa bansa ang mga kinatawan ng iba't ibang bansa para sa APEC. Ang mga aral ng nakaraang labingsiyam na taon na walang nagbago sa buhay ng manggagawa, kundi kasaganahan lang sa kapitalista, ay mahalagang ating muling pagnilayan. Wawasakin ng polisiyang globalisasyon, na siyang prinsipyong tangan ng APEC, ang mga proteksyon sa paggawa na ipinaglaban, napagtagumpayan at pinagbuwisan ng buhay ng maraming manggagawa.

Ngunit dapat handa tayo. Paghandaan din natin ang darating na Nobyembre 2015 kung saan dito sa ating bansa idaraos ang APEC. Dapat handa ang uring manggagawa. Huwag tayong palinlang sa manlilinlang na gobyerno ng uring kapitalista. Tulad noong 1996, kalampagin natin ang APEC sa kanyang tuwid na daan patungong impyerno: SLAM EVIL, SLAM APEC! 

Pinagsanggunian:
http://www.apec.org/
http://globalisasyon.blogspot.com/

Miyerkules, Agosto 5, 2015

Agos ng Kasaysayan: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa

AGOS NG KASAYSAYAN: Katipunan 1896, WWII, Agosto 21, at ang Uring Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Buwan ng Kasaysayan ang buong buwan ng Agosto. Sa pamamagitan ng Proklamasyon Blg. 339, na nilagdaan ni Pangulong Noynoy Aquino noong Pebrero 16, 2012, napalitan ang dating Linggo ng Kasaysayan na ginugunita tuwing Setyembre 15 hanggang 21, at ang buong Agosto'y ginawa nang Buwan ng Kasaysayan. Maganda ito pagkat sa pagpapahalaga natin sa ating kasaysayan ay lalo nating nakikilala ang ating sarili at ang pangangailangang suriin ang nakaraan upang paghalawan ng aral para sa kasalukuyan at sa hinaharap. Minsan, sinabi ng asawa ni Gat Andres Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Kaya mahalagang balikan natin ang ating kasaysayan, magbasa, magnilay, lalo na ang buwan ng Agosto, kung saan maraming naganap na mahahalagang pangyayari. Agos 'to ng kasaysayan na magandang paghalawan natin ng aral.

PAGSILANG NG BANSA NOONG AGOSTO 24, 1896

Ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Noong Agosto 19, 1896, nadiskubre ng pamahalaang Kastila ang Katipunan o Kataas-taasan, Kagalang-galangang Katipunan. Dahil dito'y napilitan si Bonifacio na ideklara ang himagsikan sa pamamagitan ng pagpupunit ng sedula ng halos isang libong katipunero bilang simula ng pag-aaklas laban sa mga Kastila. Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging ganap nang pamahalaan. Isinilang na ang isang bansa. Kaya bago pa ang pagdedeklara ng kalayaan sa Kawit ay may bansa na tayong kinikilala. Noong Agosto 29, 1896, sabay-sabay na nag-aklas ang iba't ibang sangay ng Katipunan laban sa hukbong Kastila. Pinangunahan ni Bonifacio ang madugong labanan sa San Juan Del Monte o mas kilala ngayong Pinaglabanan. Ito ang unang malawakang pagkatalo ng Katipunan sa labanan.

UNANG TAGUMPAY NG KATIPUNAN, AGOSTO 29, 1896

Kasabay ng labanan sa San Juan ang unang tagumpay ng mga Katipunero sa Pasig noong 1896. Sa naganap na Nagsabado sa Pasig ay nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang araw na naganap ang Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mapagsamantalang mananakop.

PAGTAPOS NG DIGMAAN LABAN SA JAPAN

Ang pagbagsak ng dalawang bomba atomika sa Hiroshima (Agosto 6, 1945) at Nagazaki (Agosto 9, 1945) noong Ikalawang Daigdigang Digmaan (hindi Ikalawang Digmaang Pandaigdig) ay trahedya sa bansang Japan, na sumakop sa ating bansa noong 1941 hanggang sa matigil ang digmaan noong 1945. Dahil dito'y sumuko ang Japan, at maraming mga kababayan natin ang nagbuwis ng buhay upang ipagtanggol ang bayan laban sa mga mananakop.

TRAHEDYA NG AGOSTO 21

Noong Agosto 21, 1971, namatay ang siyam katao at nasugatan ang 95 iba pa sa naganap na pagbomba sa Plaza Miranda. Ilan sa nasugatan dito ay ang mga senador noon na sina Jovito Salonga at Eva Kalaw. Isa ito sa itinuturong dahilan upang ideklara ni dating Pangulong Marcos ang batas-militar. Noong Agosto 21, 1983, pinaslang naman sa tarmak ng Manila International Airport si dating Senador Ninoy Aquino. Ang pangyayaring ito ang isa sa nagtulak upang magsama-sama ang taumbayan at patalsikin si Marcos sa pwesto sa pamamagitan ng People's Power. Ang dalawang Agosto 21 na ito ang dahilan ng pagdedeklara ni Marcos ng batas militar at pagpapatalsik kay Marcos sa katungkulan.

ANG 3-D SA PAG-AARAL NG KASAYSAYAN

Mahalaga sa pag-aaral ng kasaysayan ay hindi yaong pagsaulo lamang ng mga petsa, pangalan ng tao at lugar, na tulad ng nakagawian sa paaralan. Mahalaga sa pagsipat na ito ang 3-D na pagsusuri sa kasaysayan. Ito'y ang Detalye, Daloy, at Diwa. Ang detalye ang lubos at maliwanag na ulat, sanaysay o kaalaman hinggil sa mga tao, bagay at pangyayari sa kasaysayan. Ang daloy naman ang balangkas upang maipaliwanag nang maayos ang mga detalye dahil mahalaga ang pag-unawa at hindi dapat magmemorya lamang nang hindi nauunawaan. Ang ikatlo ay ang diwa o pangkalahatang pananaw, katwiran, katuturan o kaluluwa ng kasaysayan.

Upang ipaliwanag ito, balikan natin ang naganap noon kina Magellan at Datu Lapulapu. Ayon sa kasaysayan, napatay sa labanan si Magellan ng mga katutubo sa pangunguna ni Lapulapu noong Abril 27, 1521. Naging kolonya naman ng mga Kastilang mananakop ang bansa noong 1565 nang itinalaga ni Haring Philip II (nanungkulan bilang hari ng Espanya mula 1556 hanggang 1598) si Miguel Lopez de Legazpi bilang unang Gobernador-Heneral ng kapuluan. Anong esensya ng dalawang petsa? Ipinagpaliban ni Lapulapu sa loob ng 44 taon ang pananakop ng mga Kastila.

ANG KAHALAGAHAN NG KASAYSAYAN SA URING MANGGAGAWA

Kinikilala ng mga manggagawang Pilipino si Gat Andres Bonifacio bilang kanilang bayani. Pagkat bukod sa rebolusyonaryo, manunulat, makata, at artista sa teyatro si Bonifacio, tulad nila, ay manggagawa rin. Hindi lang nagtinda si Bonifacio ng pamaypay at baston upang suportahan ang kanyang mga kapatid, kundi nagtrabaho rin bilang mandatorio (o pinag-uutusan) para sa kumpanyang British na Fleming and Company, hanggang siya'y maging korehidor o tagapangasiwa ng tar, ratan at iba pang kalakal. Sa kalaunan ay napalipat siya sa kumpanyang Aleman na Fressell and Company, kung saan nagtrabaho siya bilang bodeguero o tagapangasiwa ng bodega. At bilang manggagawa, kinikilala rin siya ngayon ng marami bilang unang pangulo ng Pilipinas, dahil bilang Supremo ng Katipunan, natransporma na ang Katipunan bilang rebolusyonaryong pamahalaan at isinilang ang bansa nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng kalayaan mula sa mananakop.

Paghanguan natin ng aral ang kasaysayan, hindi lamang ng ating bansa, kundi ng ating mga kauring manggagawa sa daigdig. At mula doon ay sumulong tayo sa ating adhikaing itayo ang lipunan ng uring manggagawa. Nariyan ang mga ginintuang aral sa Komyun ng Paris noong 1871 at sa Haymarket Square sa Chicago noong 1886.

Bilang manggagawa, iniwan sa atin ni Gat Andres ang mahalagang aral na kanyang isinulat sa akdang "Ang Dapat Mabatid...": "Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan."

Mga pinaghalawan:
The Featinean, opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng FEATI University, Hulyo-Oktubre 1996
Aklat na KAMALAYSAYAN: The Sense of History Imperative for Filipinos, Setyembre 2010, ni Ed Aurelio C. Reyes
http://www.gov.ph/2012/02/16/proclamation-no-339-s-2012/
http://gatandresbonifacio.blogspot.com/2010/05/ang-dapat-mabatid-ng-mga-tagalog.html
http://tupangpula.blogspot.com/2008/11/ang-supremo-at-pangulong-andres.html

* Ang akdang ito'y orihinal na sinulat ng may-akda bilang paksang nakatoka sa kanya para sa isang pahayagang pangmanggagawa na maglalathala ng isyung Agosto 2015.

Sabado, Agosto 1, 2015

GloBasura: Ang Globalisasyon ng Pagtatapon ng Basura

GLOBASURA: ANG GLOBALISASYON NG PAGTATAPON NG BASURA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang Pilipinas ang bagong Payatas. Tapunan ng basura, di lamang sa isang rehiyon, kundi ng mapangyarihang bansang malayo sa kanyang kinapapaloobang rehiyon. Pilipinas ang tapunan ng basura ng bansang Canada, isang maunlad at malaking bansang katabi ng makapangyarihang Estados Unidos.

Unang inilagak sa bansa ang limampung container van na puno ng mga basura galing Canada, at ilang buwan pa ang nakaraan ay nadagdagan ito ng apatnapu't walo, galing pa rin ng Canada.

Hindi na ito usapin ng soberanya tulad ng ipinahahayag ng maraming pangkat pangkalikasan. Usapin ito ng Globasura o globalisasyon ng pagtatapong ng basura.

Kung ating matatandaan, nagsimula ang pakikipagniig ng bansa sa globalisasyon nang pumirma ang bansa sa World Trade Organization (WTO) noong 1995, sa pamamagitan ni dating Senador at naging pangulong Gloria Macapal Arroyo.

Pumutok naman ang usapin ng pagtatapon ng basura sa isyu ng JPEPA (Japan-Philippines Economic Partnership Agreement) kung saan nagkaisang makibaka laban dito ang kilusang paggawa at mga pangkat pangkalikasan. Maraming usapin sa makapal na dokumentong JPEPA, tulad ng pangisdaan, trabaho para sa mga nars na Pinay, manggagawa, industriya, ngunit ang ipinagngitngit ng mga pangkat pangkalikasan ay ang pagtatapon sa Pilipinas ng mga basurang galing Japan kapalit ng trabahong ibibigay para sa mga nars na Pinay. Bakit ganoon?

Ilang ulit kaming nagrali sa tapat ng Senado, at nagkaroon pa ng talakayan sa loob ng Senado hinggil sa isyung JPEPA kasama ang ilang senador at ang mga nagpoprotestang pangkat pangkalikasan. Panahon iyon bago dumikit sa kamalayan ng publiko ang tanong na "nakaligo ka na ba sa dagat ng basura?" na tila ba nagbabadya ng mangyayari sa Pilipinas kung aaprubahan ng Pilipinas ang JPEPA. Maliligo ang Pilipinas, o ang mga Pilipino sa dagat ng basura.

Iyan na ang simula ng pag-arangkada ng globalisasyon sa usaping basura. At mula sa JPEPA na nasubaybayan ng mga matitinik nating mga pangkat pangkalikasan, aba'y biglang nakalusot naman ang mga konte-container van na basura galing sa Canada. Wala tayong kamalay-malay na iyan na ang pagpapatupad ng GloBasura - globalisasyon ng mga basura - at ang unang biktima ng globalisasyong ito sa ating rehiyon ay ang Pilipinas.

Hindi sana problema ang globalisasyon kung dulot nito'y pagkakaisa ng uring manggagawa, pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao, at pagdadamayan ng bawat isa. Ngunot hindi. Ito'y globalisasyong pakana ng mga kapitalista. Globalisasyong ang hangad ay kontrolin ang mga pabrika sa buong mundo at alipinin ang mga manggagawa, tulad ng makina at sinaunang alipin. Etsapuwera ang manggagawa. Etsapwera ang masa, ang dukha, ang mga naghihirap, ang buong sambayanan. Ang turing sa kanila'y kagamitan lang sa produksyon. Hindi sila tao tulad ng mga haring kapitalista.

Kaya ano ang aasahan natin sa globalisasyong ito kundi ang maging etsapwera rin tulad ng iba.

Kaya nga ang turing ng mayayamang bansa tulad ng Japan at Canada sa Pilipinas ay malayong pook na maaari nilang pagtapunan ng kanilang basura. Basurahan ang Pilipinas ng ibang bansa. Nagaganap na ang globalisasyon ng pagtatapon ng basura.

Kaya usapin ba ito ng soberanya? Hindi. Ginagamit lang natin ang isyung soberanya bilang pagbabakasakali. Pagbabakasakaling mapahiya ang Canada sa paningin ng buong mundo at kunin nila ang basurang itinambak nila sa atin.

Dahil kung usapin ito ng soberanya o kalayaan ng Pilipinas na itapon lang ang sarili nating basura sa sariling bayan, ang tanong: bakit nagtatapon din ng basura ang Pilipinas sa lalawigan ng Tarlac kung ayaw ito ng mga tao roon. Pagtinging mikro. Kung sa Lungsod Quezon, bakit pagtatapunan ang Payatas kung ayaw ng mga tao roon. Soberanya? Pag sinabi ng pamahalaan ng Pilipinas na pagtapunan ng basura ang Tarlac o ang Payatas, may magagawa ba ang mga taga-Tarlac o taga-Payatas? Power of eminent domain? Usaping makro. Pag sinabi ng pamahalaan ng Canada na pagtatapunan nila ang Pilipinas, may magagawa ba ang Pilipinas? Panahon na ng salot na globalisasyon. Anong dapat gawin kung estapwera ang Pilipinas o minamaliit ng ibang bansa kaya pinagtatapunan lang ng basura? Anong sabi ng mga taga-DENR, hindi naman toksik ang basura kaya ayos lang. Ganyan ba dapat ang asal ng mga lingkod bayang nag-iisip ng soberanya? Hindi na nila maiisip ang soberanya sa panahon ng globalisasyon.

Mas pinag-uusapan nga ngayon ay ang paglabag ng Canada sa Basel Convention, at hindi naman ginagamit ng Pilipinas, pati ng mga pangkat pangkalikasan ang Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Wala bang nakasulat sa RA 9003 na maaaring makasuhan ang mga bansang nagtatapon ng basura nila sa Pilipinas? Kung mayroon man, magkano lang ang multa, na marahil ay mani lang sa Canada.

Dahil sa globalisasyon ng mga kapitalita, hindi na rin sinusunod ang tinatawag na Basel Convention, o yaong pandaigdigang tratado o kasunduan ng bansa sa iba pang bansa, na hinggil sa pagpigil na mailipat o mapadala ang mga mapanganib na basura mula sa mga maunlad na bansa patungo sa hindi pa maunlad na bansa. Ang buong pamagat ng tratadong ito ay Basel Convention on the Control of Transboundary Movements of Hazardous Wastes and Their Disposal na nalagdaan noong Marso 22, 1989 sa Basel, Switzerland. Noong 1995, nais ng iba pang mga bansa na amyendahan ito, kaya nagkaroon ng panawagang Basel Ban Amendment na hindi pa nakakapirma ang Pilipinas. May butas kasing nakita sa Basel Convention kung saan ang isang bansa'y pinadadala sa ibang bansa ang kanilang basura na kunwari ay ireresiklo. Nais ng Basel Ban Amendment na isama na sa batas ang pagbabawal ng mga basurang iniluluwas sa ibang bansa para iresiklo.

Paparating pa ang APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation). Pagpapalitan ng kalakalan. Pagsasarehiyon ng mga pabrika. Paano ang pagtatapon ng basura? Pagtatapunan ba muli tayo ng ibang bansa, o tayo na ang magtatapon ng basura sa ibang bansa? Sa parehong punto, parehong mali. Bakit tayo pagtatapunan ng basura ng taga-ibang bansa, at bakit natin itatapon ang basura natin sa ibang bansa. Tapat mo, linis mo? Tapat ko, linis ko? Ang basurang iyong itinapon ay babalik din sa iyo! Pinagtatapunan ba ng basura ng mga dayuhan ang ating bansa dahil ang utak ng mga namumuno sa atin ay basura? Pulos katiwalian, pulos kurakutan, pulos basura ang nasa isip, dahil pawang sariling interes lang ang naiisip.

Tama lamang na pigilan natin ang pagtatapon ng basura ng mga taga-ibang bansa sa Pilipinas. Tama lamang iyon. Ngunit higitan pa natin ang panawagang iyon, dahil hindi na iyon usapin ng soberanya. Usapin na iyon ng globalisasyon kung saan ang ekonomya ng mga bansa ay pinag-iisa na nang hindi nahaharangan ng mga patakarang pambansa. Hindi ba't ang tatlong anak ng globalisasyon ay iyan ang kahulugan? Walang balakid. Sa deregulasyon, merkado na ang magdidikta ng presyo ng pangunahing mga bilihin at hindi na ang pamahalaan ng Pilipinas. Sa pribatisasyon, isinasapribado na ang mga pampublikong ahensya ng pamahalaan, tulad ng tubig at kuryente, at dahil pribado na, wala nang magagawa pa ang pamahalaan, dahil pribadong sektor na ang magpapatakbo ng mga mahahalagang ahensyang ito. Liberalisasyon. Pinaluwag na at malaya na ang mga mamumuhunan sa kanilang pang-ekonomya't pampulitikang pamumuhay, at hindi na sila maaaring diktahan ng pamahalaan.

Soberanya? Ano pang silbi ng pamahalaan sa panahon ng globalisasyon kundi pangdekorasyon na lamang. Kung may pamahalaan pa talaga, dapat hindi zero tariff ang buwis na iniluluwas dito sa bansa ng mga kumpanyang dayuhan.

At ang matindi nito, nais ng mga dayuhang mamumuhunan, at ilang mga pulitiko, na tanggalin na ang 60%-40% na pag-aari ng mga dayuhan sa Pilipinas, tulad ng lupa at pabrika. At magagawa lang nila ito sa pamamagitan ng ChaCha o Charter Change. Papayag ba tayo? Mula sa charter change tungo sa globasura? Masalimuot pa ang usaping ito ng globalisasyon.

Ngunit iisa lang ang maliwanag, hindi soberanya ang sagot sa globasura, kundi pagkakaisa ng uring pinagsasamantalahan laban sa uring mapagsamantala, pagkakaisa ng dukha at manggagawa sa uring kapitalista, pagkakaisa ng karaniwang tao laban sa burgesya upang itayo ang isang lipunang tunay na makatao, nagpapakatao at nakikipagkapwa-tao, at itinuturing ang bawat isa na kapatid, kapuso, kapamilya, at pagtatayo ng isang sistemang nakabatay sa pantay-pantay na hatian ng yaman sa lipunan, at hindi sa pribadong pag-aari ng mga kagamitan sa produksyon.

Sa ganitong paraan, ang nangyayari ngayong GloBasura ay maging pantasya o kwentong kanto na lamang ng mga bangag.