ULAT SA PULONG AT APAT NA DOKUMENTO NG KAMALAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Kailangang magpatuloy ang Kamalaysayan. Ito ang napag-usapan ng mga kasapi ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan o Kamalaysayan noong Hulyo 17, 2015, araw ng Biyernes, sa Kamayan Forum sa Edsa. Sa ikalawang bahagi ng talakayan ay nagpahayag ang bawat isa ng pagpupugay kay Sir Ding Reyes o Ed Aurelio Reyes (Mayo 10, 1952 - Hunyo 30, 2015). Bago ang forum, ang ilang kasapi ng Kamalaysayan ay nagkita-kita sa burol ni Sir Ding noong Hulyo 3, 2015 sa Loyola sa Commonwealth Ave., Lungsod ng Quezon.
Si Sir Ding Reyes ang pasimuno ng Kamalaysayan at matagal na naging tagapagpadaloy ng Kamayan Forum. Sa pulong matapos ang forum, napagpasiyahang maglunsad ng overnight na masinsinang pagpupulong sa Agosto 29-30, 2015 sa Lungsod ng Tagaytay.
Si Sir Ding Reyes ang pasimuno ng Kamalaysayan at matagal na naging tagapagpadaloy ng Kamayan Forum. Sa pulong matapos ang forum, napagpasiyahang maglunsad ng overnight na masinsinang pagpupulong sa Agosto 29-30, 2015 sa Lungsod ng Tagaytay.
Layunin ng pulong na iyon na ipagpatuloy ang misyon ng Kamalaysayan. Ginanap ito sa SAFI Integrated Learning Academy sa Brgy. Francisco, Lungsod ng Tagaytay noong Agosto 29-30, 2015, araw ng Sabado at Linggo.
Nagsidalo rito sina Jocelyn Manzo, na siyang nag-anyaya sa nasabing lugar, JoEd Velasquez na ikalawang tagapangulo ng Kamalaysayan, Mariano Aycocho Jr. at ang kanyang anak na si Wisdom, Lynda Corro Oliva, Edward Sta. Ana, Romy Lee Ancheta at ang kanyang anak na lalaki, Ian Reyes na panganay na anak ni Sir Ding, Liberty Talastas, at ang inyong abang lingkod.
Nagsagawa kami rito ng Kartilya ng Katipunan sa harap ng banga ng abo ni Sir Ding na dinala ng kanyang anak na si Ian. Nagtalumpati ang bawat isa bilang pagpupugay at pag-aalaala kay Sir Ding at sa kanyang mga naiwang aral. Matapos ang Kartilya ay umuwi na si Ian dahil magdidilim na at may trabaho pa siya kinabukasan. Kami namang naiwan ay nagpatuloy sa talakayan hanggang ikatlo ng madaling araw. Si Liberty naman ay gabi na nakarating.
Dito'y dalawang dokumento ang ibinahagi ni kasamang JoEd. Ang dalawang pahinang papel na iyon ang aming tinalakay mula ikalawa ng hapon hanggang ikatlo ng madaling araw. Bago mag-uwian ay may dalawa pang dokumentong hindi tinalakay ngunit masayang ibinahagi ni kasamang JoEd sa inyong lingkod bilang naitalagang tagalagak sa blog ng ilang dokumento ng Kamalaysayan.
Naging makabuluhan ang bawat sandali dahil mahalaga sa bawat isa ang tungkulin at gawain hinggil sa kasaysayan. Napag-usapan din ang parating na ika-500 anibersaryo ng pagdatal ni Magellan sa 2021, at ang ika-25 anibersaryo o silver anniversary ng Kamalaysayan sa Hulyo 7, 2015. Napag-usapan din ang marami pang tagong kasaysayan na dapat isulat at ipamahagi, tulad ng dugtungan mula sa labanan nina Bonifacio sa San Juan, sa tagumpay sa Pasig, Taguig at Cainta. Lubusang nakabubuhay ng diwa ang lahat ng pinag-usapan na tila ba kahit latak ay hindi naaksaya. Ang bawat paksa'y kaysarap namnamin na animo'y tuba o lambanog na naimbak ng matagal.
Kaya umuwi ang bawat isa na taglay ang bagong lakas at pag-asa sa makabuluhang tungkulin para sa kasaysayan ng ating bayan. Mabuhay ang Kamalaysayan!
Ang mga tinalakay na dokumento ay ang mga sumusunod:
(1) KMLSYN: Palatuntunan ng tuluyang pagbubuo
(2) KAMALAYSAYAN
Ang dalawang dokumentong ibinahagi naman sa akin bago mag-uwian, at sinipi sa USB, ay ang:
(3) DALOY, DETALYE AT DIWA (3D)
(4) Palatuntunan ng Pingkian
Lahat ng dokumento'y tig-isang pahina, kaya apat na pahina lahat. Narito ang nilalaman ng mga iyon:
Unang Papel:
KMLSYN: Palatuntunan ng Tuluyang Pagbubuo:
Talabaybay at gabay (mapping) ng pagsasaysay at pag-aaral
1. Talastasan ng kaisahan
- Pagbubuo ng Kamalaysayan; Ding Reyes: paglalakbay at lakaran sa kasaysayan
- Ang Talastasan ng pagkabansa sa Panawagan: Hanguin, Bawiin at Isulong ang Kaisahan at Kasaysayan ng Pagkabansa: Mula sa pangunahing balanghay / sikad: Isang muling sikhay: Tuntunin ang pagsulong ng yapak ng hari ng tagailog - ang pagbubuo ng loob ng taumbayan, ang kahalaghan at ang kahulugan nitong katiwasayan, kagunhawaan at tunay na kasaganahan ayon sa KKKnB
2. Pagsasaysay mula sa mga pamayanan at saliksik, (pagbusiksik ng loob)
3. Ka Andres, pagpupugay ng taumbayan / state honors
4. Pingkian, tuluyang kalinawan ng mga tindigang usapin sa ating kasaysayan
5. Lakbay aral, edu historical tourism, center, school, hostel, Netweb
6. atbp.
Ikalawang Papel:
KAMALAYSAYAN
... Nagsasaysay tayo: binubuo natin ang diwa sa mga ugnayan ng mga bagay-bagay at ng mga pangyayari. Nagiging hamon ito sa ating unawa at nakapagbubunsod ng pag-iisip at hinagap sampu ng palagayan ng ating mga kakayahan, at ng ating bawat dunong at ating bawat galing. Nakapagpapaagos ang ganito ng daloy at dugtungan ng kahulugan at ng kahalagahan, at tuluy-tuloy na nakapagdadala ng mga hangarin, dakilang layon at loob...
Sa pamamagitan ng kaparaanan at gawain ng pagsasaysay ang Kamalaysayan ay nagiging bahagi ng paglaganap, pagganap at pagsusulong ng masikhay na kaisahan. Nagmumula ito sa pagsigasig ng mga gawaing kampanya para sa kamalayan sa kasaysayan, at umaabot ang ganito sa talastasan ng katuturan magmula sa pananaw hanggang sa pinakatindigan ng kasaysayan.
Ang tuwirang ninanais ng ganito ay taluntunin ang lawig ng mga tagpuan at tagusan ng ating mga pangarap, mga hangarin at talagang kalooban; Makibahagi sa pagtining ng kahulugan, at tumulong sa pagtatalos ng taus na kahalagahan ng ating pagkabuo at pagdating bilang tayo na mga mamamayan at taumbayan.
Sa buhay na pagsasaysay: ganito ang salang ng Loob ng tuluy-tuloy na pag-uugnayan, ang lundo ng lambat (NetWeb) mula pagkaTAYO hanggang pagkaTAO. Mula sa iba't ibang hamon ng kalagayan at panahon, maging ng pananakop at pananamantala sa atin. Ito na ang salalayan ng pagkilala at pagtuturingan. Narito ang kapuwa(ng) ng tapatan - punuan - bigayan, ang bayanihan at tangkilikan ng tayaan - tiwalaan - bahagian ng mga magkakasama, magkakapatid, magkanayon, kababayan o ang pawang kapwa tao ng bawat isa. Nandito ang dugtungan sa iisang daloy ng masaganang balon ng karanasan, ang daigdigan ng ating sangkapuluang Pilipinas. Ang siyang antabay sa kalinawan ng agos ng mga "tagailog" na paunang binaybay at iniugit sa paglaban ng KKKnB hanggang sa ating pagkabansa...
PARAAN NG KAISAHAN:
May mga agos ang pagsasaysay o lumalagos ang tiyak na mga tagpuan ng daloy, detalye at diwa (3D lambat - NetWeb). At bilang pagsasapat ng kahulugan at kahalagahan, hinahanap natin ang habi ng bagtas o buhay na pagbalagtas ng mga ito. (Autopoetic & ethical - authentic process / eco-logic)
Kalipunan ng Pagsasanay: (isang paaralan, isang alauli/proseso, may tumbok at may tampok)
a. Pagtitipon (open meet / community assembly) ng mamamayan, kapatid at katipon
(ka)pulungan / sangguni(an) batay sa layon ng nabubuong usapan o talastasan. hal. payak / malawig
* Ito ay talastasan - a micropolitics if in community, whose singular nature was not limited in scale to analyzing w/in small groups, but instead implied a permanent dialogue and a continuous semiotic process connecting it to the macro scale of the surrounding society.
b. Kasapian - nagsaysay ng kartilya, may saliksik, may palatuntunan o panukala at pagkilos (project / advocacy) - May balanghay / (mga SIKAD), na may tustos at pangilak - tagapadaloy, tagapangulo, pangalawang tagapangulo, ingat-yaman, kung kinakailangan, may kalihim tagapagpaganap at kalihiman (na nagdadala ng mga proyekto, at multimidya na daluyan ng lathalain)
k. Pahayag - tapatan at talaan ng tindigan ng mga usapin, sa mga pangyayari, lugar o pook
- Gawain ng pahayag sa NetWeb - patnugutan, lathalain (editorial & multimedia production)
Ikatlong Papel:
DALOY, DETALYE AT DIWA (3D)
Ang Saysay sa kasaysayan at ang
Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
(Kamalaysayan)
Sa Pagbubuo ng Loob, ito na ang bagsik o ang talagang himagsik:
Ano ba ang taya mo, ano ba ang tapat ng bawat isa? Ito ang pinangagalingan ng ating dating, ang iral ng ating talagang aral; ang likas at tining ng ating kakayahan, dunong at galing. Tunay itong yaman o mayaman tayong lahat, ito ang siyang itinatampok ng katiwasayan, ng kaginhawaan at ng ating talagang kasaganaan…
Mula sa Tayo ng Katagang Ta hanggang lawig ng Katagang Ka;
Katulad ng baybayin sa ligtas na kupkop ng isang looc, may daong ang bawat kapuwa(ng), binibigyang lundayan ang mga tapatan, naibabahagi ng tao ang bawat tayo, at ang taya ay nakapagbubuo ng loob at nagbubunyi ng kaisahan.
Narito na ang mga palagayan, ang pauna at mga pagsalubong, mga pahatid at mga sunduan simula pa sa mga bayanihan. Mula sa mga bigayan at palitan, sa paluwal at paluwag ng isang taus na tangkilikan, naipag-aanyo ang pag-iisang layon at diwa ng pamayanan. At sa agos at sanib ng dakilang mithi nitong nabuong taumbayan tumatampok ang mataas at magiting na sibol ng Katipunan ng mga Anak ng Bayan;
Guguhit ang sinag ng mamamayan ng lupang taga-ilog, ang kalinawan ng agos mula hilaga at timog nitong ating sangkapuluan... sa Ranao, sa Agusan, sa tao ng suba, sa mga ilihan ng maraming iligan, ilagan, ilo-ilo, iloco, iriga at Naga sa maraming mga pampang, sa dalampasigan na may nilad at marami pang lupalop; sa bawat batain o pagpapakasakit galing sa batangan katulad ng Batanes, ng Bataan, ng Batangas; at mga taytayan ng Mindanao, ng kabisayaan at ng Luzon...
Sa tampok na kabundukan na tangulan ng mga batis at pook ng pagdiwata nitong ating Inang mutya, ang ating Inang Bayan; sa alauli ng mga lawa at sa lagaslas ng mga sapa hangang sa taguis at bawi ng bumabagtas na ka-ilogan, ang dalisay at saganang dilig ng mga parang at kapatagan na nagluwal ng mga pamayanan at bayan; at galing pa sa tagpuuan at ayuno ng paglilinis ng pinagyamang loob, siyang timbulan ng panata doon sa yungib sa pinangagalingan ng Pamitininan nitong haring (mamamayan) na ang bayan ay tagailog,.....
…. Nagbangon na ba? Ilan na ba ang balitang yapak ng hari sa ibat ibang panig ng sangkapuluan …
Sa mga tindigang usapin sa mga piniling lugar at pangyayari: ilog ng Bitukang Manok, Parola ng Napindan, naulilang pook ng Bahay Kuwago sa bundok ng Ugong, at sa maraming bahagi ng sangkapuluan; Banlat ng Pugad Lawin, Hagdang Bato, Minuyan, Kakarong de Sili, Kangkong. Makatubong, Batugalo, Pantay, ang pagsalakay sa binakurang lungsod ng Maynila, ang Nagsabado na siyang matagumpay na pagtindig ng taumbayan ng hatinggabi ng pagputok ng himagsikan, … ang pagbagsak ng kolonyalistang kastila, ang digmaan laban sa Amerikano, laban sa Hapon, laban sa diktadurya,.. hanggang kasalukuyan.. sa EDSA...
Patuloy na guguhit ang saniblakas ng bagsik nitong maganda at buong busilak na kalooban ng taumbayan, nitong buong mamamayan ng sangkapuluan ... talagang may bawi ang pagsulong ng agos nitong ilog ng mamamayan pagkat nagbangon at patuloy pang magbabangon ang Hari ng mga Tagailog,..
at patuloy na susulong ang liwanag ng kaisahan sa pagsaysay ng ating anting-loob at nitong kasaysayan . .
Mabunying Pagpupugay! Mabuhay ka at ang ating panata - ika 7-3-2015
Mabuhay ang ating kapatid at katipon na si Eduardo Aurelio “Ding” Reyes
Ikaapat na Papel:
PALATUNTUNAN NG PINGKIAN
Para Sa Pagsusulong Ng Inang Bayan
Maari bang pansala ang simulain ng ating mga karanasan bilang gabay sa ating pagsusulong? Di kaya lubha ding mahalaga na salain ang mga ito mula sa at ayon sa sinapupunan ng bukal ng mga karanasang ito? Pinakamainam kung ating bagtasin at wariin ang landas na tinahak ng ating mga mamamayan sa pagbubuo ng diwa ng Bayan patungo sa pagsusulong ng iisang Inang Bayan.
Mga Tindigang Usapin
(Salalayan)
I. Tanglaw ng buong diwa mula sa mga Aral ng kartilya ng KKK.
• Ibig sabihin ng paraang Katipunan bilang pagtataas ng Kaisahan para sa pagbubuo ng Pagkabansa at ng Inang Bayan.
• Ang diwa ng Bayan bilang ugnayan at Kaisahan ng simulain o kasaysayan ng mga mamamayang at taumbayan na sumilang sa ating sangkapuluan.
• Ang likas na kakakyahan o “kapangyarihan” mula sa busilak na loob, pagbaka, pagsanib, pagdamdam, katuwiran at katiwasayan ng unawaan mula sa kanlong ng iisang Inang Bayan.
- Mga sinag ng Kaisahan mula sa; Bayanihan, Malasakitan at Pagdadamayan tungo sa paglingap at tangkilikan ng ating mga pamayanan. (Pamumuno, Sanggunian, pagsapi, samahan, suklian /sa-ulian at pagbahala) Mga tampok na katutubong karanasan at mga sinaunang tagumpay: Rice Terraces, Manungul, Baybayin atbp. Mga kagamitan mula sa mga Sinaunang pamayanan.
- Bagsik ng loob: Mga Daluyong ng paglaban sa buong panahon ng kolonyalismong Kastila.
(Bukas na Hamon)
II. Lakaran sa pagkatatag ng Republika ng Haring Bayang Katagalugan
* Tampok na mga pangyayari sa pagsilang ng ating pagkabansa
• Pagkabuo at paglaganap ng Katipunan sa sangkapuluan, Hulyo1892: Ang pagtunton sa tradisyong sinasaad ng Pamitinan, Abril 1895: mga batis: F. Balagtas, H. Pule, Dagohoy, atbp. Gomburza,.
• Kadakilaan tungo sa kabayanihan: Jose Rizal at kanyang mga kapanalig na propagandista.
• Guhitan ng Pananaw at Paninindigan: Bitukang Manok, Parola ng Napindan at Labanang Nagsabado
• Pakikiisa sa pagtanghal at pagkaganap ng Republika HBK sa Banlat Kalookan “Pugad ng Lawin”
• Taimtim na pagtika (pag-ayuno) sa tipanan ng Lupang Taga-ilog: Bundok Kalayaan at Bahay Kuwago
• Pagputok ng himagsikang 1896: malinaw na pagtanaw sa mga tunay na pangyayari
• Pagsalakay sa Maynila nang ika 30 ng Agosto1896
• Ang mga tagumpay ng KKK sa mga karatig bayan sa paligid ng Maynila
• Tampok na pihit ng labanan sa polvorin ng San Juan del Monte
• Ang pangunahing larangan ng digmaan at operasyon ng KKK laban sa mga kastila sa paligid ng Maynila
• Ang anyo ng pagsakal at pagpugot sa ulo ng ulupong ng kolonyalismo bilang nabuo at naging balangkas ng mga paraan ng paglaban.
- Ang pagtindig ng mga Real o tangulang moog ng KKK.sa maraming lalawigan.
- Ang tuloy-tuloy na paglagablab ng labanan sa ibat-ibang bahagi ng buong bansa sapol ng Agosto 1896 hangang tagumpay laban sa kolonyalismong kastila ng taong 1898.
• Ang mga hidwaan at kataksilan laban sa himagsikan
- Magdalo at Magdiwang: Bangayan ng mga paksyon habang pansamantalang kinukubkob ang mga Pueblo sa lalawigan ng Kabite.
- Kudeta ng Tejeros, Paano Pinaslang ang Supremo ng KKK at unang pangulo ng HBK
- Pagtakas mula sa Kabite, Pagsuko sa Biyak na Bato, kuntsabahan sa bagong kolonyalistang Amerikano, Pagpaslang kay Antonio Luna at ang pagsuko sa Palanan.
- Ang talagang laman ng proklamasyon sa Kawit, Sino ang mga kinatawan sa kungresso ng Malolos?
• Ang mga tagumpay ng mga magiting na bayani ng pagkabansa mula sa Cebu, Jolo, Lanao at Agusan, Zamboanga, Batanes, Cagayan, Ilokos, Nueva Ecija, Bulakan, Baler Tayabas, Bikol, Laguna, Batangas, Bataan, Zambales. Kapiz, Aklan, Iloilo, Antique, Samar, Negros, Bohol
• Di nagpasakop: Mga mamamayang Moro, Katutubo ng Montanosa at iba pang lugar, Mga Remontado.
(Paghawi at Pagpawi ng Makapal na Lambong)
III. Digmaan Laban sa Kolonyalistang Amerikano: Unang Byetnam 1898, 1920
• Ang pagsaklot ng Maynila ng ika 13 ng Agosto, 1898
• Pandarambong at Pagsunog sa kabayanan ng Tondo, Pasig at ang pagdurog sa mga karatig bayan at mga nayon hanggang Kalookan, hanggang Makati.
• Mga tagumpay ng Las Pinas, Kalookan, San Mateo, Bundok ng Makatubong sa Antipolo.
• Ang talagang dahilan ng Pasong Tirad
• Tagumpay ng Balangiga, ang pagsunog sa Samar, Batangas at ang kilabot ng pagsupil sa Laguna at naging tugon ng mamamayan – Leon Kilat at mga kasamahan, Ed Alvarez ng Zamboanga
• Kabayanihan sa lugar ng mamamayang Moro: Ang labananang Bud Dahu, Bud Bagsak at Bud Langkuwasan
(Pagkilala sa katapatan at kagitingan ng Loob)
IV. Walang Sukuan, Walang kapantay na Paglaban
• Kabayanihan at kagitingan: San Miguel, Sakay at Montalan at marami pang ibang kasamahan
• Tangulan, Sakdal at Lapiang Malaya
• PKP at ang mga Makabayang Aktibista ng dekada 60 hanggang panahon ng paglaban sa diktadura
• Mga mandirigma para sa Bangsa moro
(Pagtindig ng Taumbayan)
V. Ang Bayan vs. Nacion - sa kubabaw ng dayuhang dikta
• Pantayong Pananaw at Dualismo: Krisis ng Identidad, mga balimbing, wika, edukasyon at batas
• EDSA: ang taumbayan, “civil society,” ang makauring pananaw (ang masa, makabayan, makibaka) at ang pagwawagi.
• Himagsikan o Rebolusyon: Bayani o heroe, Kamulatan o loob, pagoorganisa o pagbubuo.
• Ekonomiya para sa kabuhayang pangpamayanan; o ekonomiya ng pinakitid na nasyonalismo, pangluwas at mga di pantay na kasunduan
(Pingkian: Dalisayan ng taumbayan sa bagong panahon)
VI. Ibayong Pagsusulong ng Talastasang Pambansa
* Pagtutuloy sa pagbubuo ng Pagkabansa at pagsusulong ng Inang bayan hanggang sa ganap na pagwawagi
• Pagbawi, paghango at pagsusulong ng kasaysayan ng pagkabansa.
• Dugtungan: Pagbabahagi ng mga karanasan ng pagtutulungan, damayan at malasakitan; Pagtataya ng mga usapin at salaysay ng pagsusulong ng Pamayanang Pambansa mula sa sinapupunan ng Inang Bayan.
• Pagtataas sa sanib ng Lakas ng Taumbayan: ugnayan, karanasan at kaisahan bilang talagang Lakas ng kakayahan ng taumbayan, sama-samang pagkukusa at pamamahala bilang sambayanan. Usapin ng “kapangyarihan” ng mamamayan
• Likas-kaya at nagsasariling Tangkilikan, pagpapaagos ng dunong at galing sa larangan ng bagong kabuhayan
* Inang Bayan bilang ugnayan ng iisang pinag-ugatan o pinanggalingang karanasan ng mga taong bumuo ng bayan sa iisang kalikasan ng lupang tinubuan. Ang Bansa bilang isang nabuong teritoryong pulitikal o nasasaklawang lugar ng mga bayan.