Martes, Mayo 31, 2016

Pagbigkas ng tula sa tatlong rali, Mayo 21, 2016

PAGBIGKAS NG TULA SA TATLONG RALI, MAYO 31, 2016
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong rali ang dinaluhan ko ng araw na iyon, Mayo 31, 2016, araw ng Martes, dalawa sa umaga at isa sa hapon. Ang maganda sa mga pagkilos na iyon ay binigyan ako ng pagkakataong tumula, bagamat hindi naman ako humiling na tumula. Ang gawain ko sa tatlong raling iyon ay kumuha ng litrato at ng video.

Ang unang rali ay sa harapan ng gusaling Arcadia sa Abenida Quezon, kung saan naroroon ang tanggapan ng DOLE-QC (Department of Labor and Employment - Quezon City). Kasama namin ang dalawang unyon ng manggagawa, ang mga taga-Bonpack at ang mga taga-Asgard, pati na ang SUPER Federation na may hawak ng kanilang kaso, at kami sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Nagsimula kami bandang ikawalo't kalahati ng umaga.

Ang ikalawang rali ay sa harapan ng gusali ng DOLE-NCR (National Capital Region) na nasa Daang Maligaya sa Malate, Maynila. Kami pa rin ang magkakasama. Halos magtatanghalian na nang kami'y magsimula roon.

Ang ikatlo ay sa harapan ng tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Maynila, kung saan nagkapiket naman doon ang mga kasapi ng Ating Guro party list dahil sa nangyayaring panalo na sila ay hindi ipinroklama. Bandang hapon ay nagsimula muli sila ng programa roon, bagamat noong umaga ay nagsagawa sila roon ng Jericho March, kung saan halos tatlong daang katao ang nagmartsa ng pitong ikot sa palibot ng gusali ng COMELEC. Hindi ko nasaksihan iyon dahil sa dalawang naunang raling dinaluhan.

Mahalaga ang pagbibigay ng pagkakataong iyon sa akin upang makapagpahayag sa pamamagitan ng pagtula. Mabuti na lamang at may mga nakahanda akong tula para sa mga okasyong iyon na siya kong binasa. Apat na tula ang aking inihandog sa tatlong pagkilos na iyon. Dalawa roon ang naulit ang pagbasa. Sa unang rali'y binasa ko ang Imortal at ang Pangako ng Bagong Pamunuan, na doon ko lang naisulat, dahil sa kahilingan ng isang kasama. Sa ikalawa'y ang Imortal at ang Unday ng Maso, at sa ikatlo naman ay tungkol sa mga guro.

Sa mga nagtiwala sa akin upang magpahayag sa pamamagitan ng tula, taospusong pasasalamat po ang ipinaaabot ng inyong lingkod. Ang pagtitiwala ninyo' nakapagbibigay ng sigla upang muli pa akong kumatha ng mga tulang mapagpalaya para sa nakikibakang manggagawa't aping sektor sa lipunan. Mabuhay kayo!

Halina't namnamin ang mga tulang iyon.


IMORTAL
15 pantig bawat taludtod

manggagawa - sila ang mayorya sa daigdigan
imortal ang gawaing pakainin ang lipunan
sila ang lumikha ng laksa-laksang kaunlaran
binubuhay nila kahit naghaharing iilan

dugo't pawis yaong gamit sa pabrika't makina
nagbayo, nagsaing, nagpalago ng ekonomya
ngunit kayraming sa kanila'y di kumikilala
lalo't nangapital na tuso't mapagsamantala

kahit walang puhunan, mabubuhay ang daigdig
kayraming puno't pananim, ulan ang dumidilig
mga obrero silang gamit ang lakas ng bisig
sa puso nitong mundo, sila ang nagpapapintig

kahit walang puhunan, mabubuhay ang obrero
kung walang obrero'y di mabubuhay ang negosyo
ngunit baligtad ang nadaranas natin sa mundo
kung sinong may puhunan ang naghaharing totoo

tunay na pagbabago ang nais ng manggagawa
totoong pagbabago ang inaasam ng madla
nais nila'y lipunang pagsasamantala'y wala
isang lipunang makatao'y kanilang adhika


PANGAKO NG BAGONG PAMUNUAN
15 pantig bawat taludtod

manggagawa, nangangako ang bagong pamunuan
para siya sa manggagawa, totoo ba naman?
aba'y kung tunay, dapat niya iyong patunayan
ang mga bulok sa DOLE ay tanggaling tuluyan

pangako niyang tanggalin ang kontraktwalisasyon
ay aabangan ng manggagawa kung tunay iyon
mga tiwali sa ahensya'y sibakin na roon
linisin ang DOLEng sa katiwalian nabaon

dahil kung hindi, kasimbulok siya ng sistema
dahil palasuko rin sa uring kapitalista


UNDAY NG MASO
15 pantig bawat taludtod

kabisado ng manggagawa ang unday ng maso
pawang matitipunong bisig ang may tangan nito
ang pagbuwag sa pader ay kanila ngang kapado
paano pa kung buwagin nila'y kapitalismo

dinambong ng tuso ang kanilang lakas-paggawa
otso-oras nila'y di nababayaran ng tama
ang unyon nila'y binubuwag ng tusong kuhila
kalagayan sa pabrika nila'y kasumpa-sumpa

di kalagayan lang sa pabrika'y dapat baguhin
kundi higit sa lahat, sistemang mapang-alipin
maso'y tangan upang bulok na sistema'y buwagin
mula roon, lipunan ng manggagawa'y buuin

ang uring manggagawa ang hukbong mapagpalaya
lipunan nila'y itayo ang kanilang adhika


ISANG UPUAN SA ATING GURO'Y DAPAT IBIGAY
15 pantig bawat taludtod

kaylakas ng unos subalit patuloy ang kampay
dumatal yaong sigwa'y pumapadyak silang sabay
sa buhawing dumaan, sila ang magkakaramay
di payag na sa delubyo'y tanghalin silang bangkay

patuloy ang paglaban, tuloy ang pakikibaka
paniwalanila, hangga't may buhay, may pag-asa
kung ano ang wasto'y sadyang ipaglalaban nila
kaytatag sa pagdatal ng laksa-laksang problema

hindi ba't mga guro ang nagtuturo ng wasto
bakit inagaw ang upuan nila sa Kongreso
takot nga ba sa kanila ang sangkaterbang trapo
pagkat baka mabigyan nila ng mababang grado

isang upuan sa Ating Guro'y dapat ibigay
pagkat nanalo't karapatan nila itong tunay

 

Biyernes, Mayo 27, 2016

10-Kilometrong Lakad para sa Ating Guro

10-KILOMETRONG LAKAD PARA SA ATING GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tinatayang nasa sampung kilometro rin ang nilakad ng inyong lingkod (Mayo 27, 2016, Biyernes) upang makarating sa COMELEC at makipag-ugnayan sa mga nagkampo roong mga kasapi ng ATING GURO party list na may isang linggo na ring narororon upang ipaglaban at iparating sa COMELEC ang panawagan nilang iproklama na ang Ating Guro.

Nagsimula akong umalis ng tanggapan ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) sa Lunsod Quezon bandang ikaanim ng umaga, naglakad at sumakay ng dyip sa harap ng National Housing Authority (NHA) patungong SM-North. Bandang 6:30 am na ako nakarating doon. Ang tanggapan ng DepEd NCR (Department of Education - National Capital Region) ay nasa pagitan ng SM-North (sa may malaking globe) at SM-North Annex. Noong una'y nakalampas ako at napunta sa Cordillera St. at sa Nueva Viscaya St. na makalampas lang ng SM North batay sa dala kong mapa, ngunit sa paghahanap ay natuklasan kong nasa loob pala ng pasilyo ng SM-North.

Bandang ikapito ng umaga nang makarating ako sa DepEd NCR, walang tao roon na makakasama ko sa paglalakad. Naroon lang ay ang gwardya, at lumabas siya nang makita niyang nag-selfie ako sa harap ng kanilang tanggapan, sa tapat ng logo ng ahensyang iyon. Ipinakita ko naman yung picture sa celfone sa kanya, at sinabi kong paalis na ako upang maglakad patungong COMELEC, dahil hawak ko noon ang isang baligtarang plakard, na ang nakasulat: "Seat allocation, Iwasto; Ibigay ang 1 upuan sa ATING GURO".

Pagkatapos noon ay umalis na ako. Nagpa-load ng celfone bandang Muñoz market, saka ko tinext ang ilang kasama na nagsimula na akong maglakad.

Bandang Roosevelt ay nilitratuhan ko ang isang marker na nakasulat: Km 10 QC, na ang ibig sabihin, nasa 10 kilometers iyon mula sa Luneta Grandstand kung saan naroon ang marker ng KM zero. Kaya tinatayang 10-kilometro ang aking nalakad dahil sa marker na iyon. Isinaalang-alang ko sa pag-estima sa distansya ang layo ng DepEd NCR sa marker na iyon na tinataya kong nasa isang kilometro, at ang layo ng COMELEC sa Kilometer Zero sa Luneta na sa tantya ko rin ay isang kilometro.

Ang aking ruta ay DepEd NCR sa SM North, kanan sa Edsa, kaliwa sa Roosevelt Avenue, kanan sa Quezon Avenue, España, Morayta, Recto, kanan sa Avenida Rizal, tawid ng McArthur Bridge, Lawton, lakad patungong COMELEC. Malapit na sa COMELEC nang makita ko ang dalawang kakilalang manggagawa, at binigyan ko sila ng tig-isang plakard. Nang dumating kami sa Plaza Roma, naroon na sa tapat ng COMELEC at nagpoprograma ang mga kasapi ng ATING GURO at iba pang organisasyong sumusuporta dito, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (NCR) na kinabibilangan ko. Umalis ako ng ikapito ng umaga sa DepEd NCR at dumating sa COMELEC sa Intramuros ng 10:07 ng umaga, bale tatlong oras na lakaran.

Nasa bandang Recto na ako nang tumawag sa aking celfone si kasamang Benjo Basas, ang unang nominado ng Ating Guro party list, dahil tinext ko siya nang magsimula na akong maglakad. Bandang 9:45 am siya tumawag.

Napag-usapan lang namin ang paglalakad na ito ni Sir JR (Juanito Dona Jr.) na siyang ikalimang nominado ng Ating Guro partylist, dalawang gabi bago ang takdang paglalakad. At sinabi ko sa kanyang isang mabisang porma ng pagkilos ang paglalakad. Kaya tinanong ko sa kanya kung saan kaya ang magandang pagsimulan ng paglalakad, isang simbolo ng edukasyon? At isa nga sa mungkahi niya ang tanggapan ng DepEd NCR sa SM North, bukod pa yung sa DepEd National sa Pasig, at Dep Ed-Mimaropa sa Ortigas.

Bakit kailangang maglakad mula DepEd NCR hanggang COMELEC? Maaaring di pa maunawaan ng iba bakit kailangang maglakad ng gayong kalayo, mga sampung kilometro. Nais kong ipakita ang aking taospusong pakikiisa sa laban ng mga guro sa pamamagitan ng paglalakad. Naniniwala kasi akong isang porma ng pagkilos ang paglalakad, tulad ng ginawa noon ni Mahatma Gandhi ng India, na nagkataong ka-birthday ko, nang maglakad siya at kanyang mga tagasuporta para sa tinaguriang Salt March. Naipagtagumpay nila ang 24-araw na paglalakad na iyon laban sa kahirapan at kagutuman ng kanilang kababayan laban sa monopolyo ng asin ng mga mananakop na Briton.

Ilang beses na rin akong nakasama sa mga mahahabang lakaran, tulad ng 148 km Lakad Laban sa Laiban Dam mula Gen. Nakar, Quezon hanggang Maynila (2009), 1,000 km Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban (2014), sa French leg ng Climate Pilgrimage mula Roma hanggang Paris (2015), at 120 km Martsa ng Magsasaka mula Sariaya, Quezon hanggang Maynila (Abril 2016).

Sa aming mga nasa Climate Walk, kahit sa munti mang aktibidad ay naglalakad kami kung kinakailangan. Ito ngang Mayo 2016, si kasamang Joemar ay naglakad mula Maynila hanggang Lungsod ng Baguio (tinatayang 250 km) sa loob ng ilang araw.

Bakit kami naglakad ng ilang araw? Mga baliw ba kaming nagpapakahirap maglakad kahit na may pamasahe at transportasyon naman?

Ang paglalakad ay isang anyo ng pagkilos, na ginamit na ng maraming tao sa kasaysayan upang iparating ang kanilang mensahe. Halimbawa nga ang ginawa ni Gandhi, at ng mga Climate Walker sa pangunguna ni Yeb Saño, dating chief negotiator ng Pilipinas sa usaping climate.

Naniniwala ako na kung sumakay lamang ako ng dyip patungong COMELEC habang dala ko ang plakard ay kaunti lamang ang makababasa nito, ngunit dahil ako'y naglakad sa mataong lugar, marami ang nakabasa ng plakard at ng mensahe nito. Habang naglalakad ay nakalilikha ako sa aking isip ng mga tula na agad ko namang isusulat sa aking maliit na kwaderno. At pagharap ko sa kompyuter ay saka ko ita-tayp.

Ang mensahe ng ATING GURO sa kanilang mga plakard ay napakahalaga, at isa ako sa mga naantig ang damdamin sa nangyaring iyon sa COMELEC. Kailangan nilang magtagumpay sa laban at dapat hindi na maulit ang nangyari sa ikalawang pagkakataon. Ginawa ko ang paglalakad dahil wala akong ibang maiaambag sa laban ng mga guro, lalo na sa pinansya, pagkain, atbp, at isang paraan upang makapag-ambag sa ipagtatagumpay ng kanilang laban ay ang paglalakad upang iparating sa iba na dapat makamit na ng ATING GURO ang nararapat para sa kanila.

Kung sakaling maglulunsad muli ng paglalakad para sa katarungan, anuman ang isyu, tulad ng isyu ng Ating Guro, muli akong sasama sa paglalakad, at kung kinakailangan ay kahit ako muling mag-isa.

Mayo 27, 2016

Huwebes, Mayo 12, 2016

Paglalakbay upang saksihan ang LUA, isang tradisyunal na pagtula sa Batangas

PAGLALAKBAY UPANG SAKSIHAN ANG LUA, ISANG TRADISYUNAL NA PAGTULA SA BATANGAS
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kailangan kong umuwi sa pista sa isang nayon sa Batangas sa Mayo 16 upang saksihan at kunan ng video ang isinasagawang LUA (binibigkas ng lu-wá) o pagbigkas ng tula mula sa tuklong (maliit na kapilya) kasabay ng prusisyon ng mga taganayon alay sa patron, at bibigkasin sa isinagawang entablado sa dulo ng nayon, at maglulua muli pagbalik na sa tuklong. Karaniwang ikaanim ng gabi nagsisimula ang prusisyon.

Ilang beses ko nang nagisnan ito mula pa nang ako'y bata pa habang nagbabakasyon sa nayon ng aking ama. Kaya malimit kong marinig noon na may lulua raw, at si ganito o si ganoon ang lulua. Ngunit noong isang taon ko lamang naisip na i-record ang tungkol sa LUA, ngunit noong panahong iyon ay wala pa akong kamera o cellphone camera na magagamit para i-record iyon. Kaya ngayong taon ko ito magagawa pagkat may cellphone camera ako na magagamit. Buti na lang at may gamit ako ngayon.

Sabi ng nakatatanda kong kapatid na babae, hindi lamang sa pista sa isang nayon sa Balayan mayroong naglu-LUA, kundi sa maraming bayan din tulad ng Taal at Nasugbu. Ayon pa sa kanya, alam ng mga nakaririnig noon kung saang bayan nagmula ang lua pag narinig na nila ang punto (o pagsasalitang may punto). May iba na taun-taon ay nagsusulat ng tula para bigkasin ng mga lulua, habang sa ibang bayan o nayon naman ay may nakahanda nang lua na bibigkasin na lamang.

Bilang isang makata at manunulat, tungkulin ko sa panitikan na ipalaganap at isalaysay ang mga ganitong pagtitipon lalo na't ito'y mahalagang bahagi ng ating panitikan. Nais kong isulat ang hinggil dito dahil wala pa akong nakita sa mga aklat-pampanitikan na nagsulat hinggil sa tradisyunal na pagtula sa Batangas, ang LUA, bagamat may naglagay na nito sa youtube ngunit walang anumang paliwanag. Nais ko itong gawan ng mahaba-habang sanaysay at pag-aaral.

Kailangan kong umuwi sa Mayo 16 para maisagawa ko ang saliksik, dahil kung hindi ko ito magagawa ngayon ay next year pa (2017) ko na ito magagawa. Doon muna ako tutuloy sa matandang bahay ng mga namayapa kong mamay, kung saan wala nang taong nakatira doon. At sa ulilang bahay na iyon magpapalipas ng isa o dalawang araw upang mapaghandaan pa ang saliksik na ito hinggil sa LUA ng Batangas.