Martes, Hunyo 20, 2017

Ang mga babasahing pambatang "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura"


ANG MGA BABASAHING PAMBATANG "ANG PAGHAHANAP" AT ANG "ITO ANG DIKTADURA"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mayo 25, 2017 ay isa ako sa mga dumalo sa paglulunsad ng aklat na "Ang Paghahanap" na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR) sa Lungsod Quezon. Ang paglulunsad ay pinangunahan ng grupong FIND (Families of Victims of Involuntary Disappearance) at ng AFAD (Asian Federation Against Involuntary Disappearance). Ang aklat na "Ang Paghahanap" ay sinulat ni Gng. Nilda Lagman Sevilla at ang mga larawan naman ay iginuhit ni Ryan John L. Tresvalles. Binubuo ito ng 28 pahina na puno ng larawan, na nasa wikang Filipino at may salin sa Ingles. May sukat itong 7" x 9". Inilathala ito ng Gorilla Printing. Si Gng. Sevilla ay kapatid ng hanggang ngayon ay nawawalang si Atty. Hermon Lagman, na dinukot noong 1977, sa panahon ng diktadurang Marcos. 

Hunyo 12, 2017, kasama ang apat pang kasapi ng grupong Block Marcos, ay dumalo rin ako sa paglulunsad ng limang aklat na pambata sa ikalimang palapag ng Gateway sa Cubao, Lungsod Quezon, subalit isang aklat lamang ang aking binili, na may pamagat na "Ito ang Diktadura".  Ang aklat na ito naman ay sinulat ni Equipo Plantel at ang mga larawan naman sa aklat ay iginuhit ni Mikel Casal. Ito naman ay aklat ng salin mula sa wikang Espanyol, binubuo ng 52 pahina, at may sukat na 7" x 8 1/4". Ang apat na aklat-pambatang kasabay nitong inilunsad ay ang " "Mga Uring Panlipunan" na salin mula sa Espanyol, "Ang Kaibigan Kong si Mabini" na hinggil sa bayaning si Apolinario Mabini, "Ang Lakambini at Ako" na hinggil kay Gregoria de Jesus na asawa ni Gat Andres Bonifacio, at "Ang Maraming Ngalan ni Emilio" na tungkol naman sa bayaning si Emilio Jacinto, na siya ring may-akda ng Kartilya ng Katipunan. Inilathala ang limang aklat na ito ng Adarna House.

Binasa ko ang dalawang aklat na nasa akin: "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura". Napakagaan ng pagkakatalakay ng kwento sa "Ang Paghahanap" habang sa paraang pagpapaliwanag naman ang "Ito ang Diktadura". Kung pag-iisipan ang kaseryosohan ng paksa ng dalawang aklat, hindi mo aakalaing ang mga paksang gayong kaselan ay maisusulat bilang isang aklat pambata. Ang unang aklat ay kwento ng pagkawala ng isang minamahal noong panahon ng batas militar sa Pilipinas. Ang ikalawang aklat ay hinggil naman sa diktadura.

Napakagaan ng pagkakatalakay sa mga napakabigat na paksa. Bisitahin natin ang ilang talata sa "Ang Paghahanap":

"Buti pa sina Nina at Paulo, may tatay. Kami nina Kuya at Ate, palagi na lang naghihintay."

"Nanay, kwentuhan po ninyo ako tungkol kay Tatay."

"Ang tatay Mario mo ay isang mapagmahal na ama. Pangulo rin siya ng isang unyon ng mga manggagawa."

"Ano po ang ginagawa ng pangulo ng unyon ng mga manggagawa?" 

"Siya ang lider o pinuno ng samahan ng mga nagtatrabaho sa pabrika at pagawaan. Dahil hindi maayos ang pagtrato ng may-ari ng mga pabrika sa mga manggagawa, sila ay nagprotesta at nagwelga."

"KInagabihan, apat na kalalakihan na may mga baril at nakatakip ang mukha ang biglang pumasok sa ating bahay. Nilagyan ng piring ang mga mata ng iyong tatay, madaliang itinali sa likod ang kanyang mga kamay, kinaladkad palabas sa madilim na gabi at sapilitang isinakay sa puting kotse."

"Mula noon, hindi na siya umuwi. Hinanap natin sa iba't ibang lugar - sa mga kampo ng militar, sa istasyon ng pulis, pati sa mga ospital."

Sipatin naman natin ang ilang talata sa "Ito ang Diktadura":

"Parang pagdidikta ang diktadura. Sinasabi ng isang tao kung ano ang dapat gawin at sinusunod naman ito ng iba, para lamang sa kapakanan ng pagsunod."

"Ang taong nagdidikta ang siyang namumuno. Siya ang panginoon ng lahat dahil hawak niya ang lahat. Sinusuportahan ng iilan at nilalabanan ng karamihan."

"Hindi ka maaaring mag-isip para sa iyong sarili sa ilalim ng diktadura. Maaari mo lamang isipin kung ano ang pinahihintulutang isipin ng diktador."

"Ngunit hindi nila kayang labanan ang diktador. Dahil pag-aari ng diktador ang lahat: salapi, sandata, lupa."

"Ang pinakamasama pa, karaniwang nagtatagal ang mga diktadura nang maraming-maraming taon."

Sa hulihan ng aklat ay may "Pagsusulit sa Diktadura" na binubuo ng apat na tanong, at pipiliin mo ang tingin mo ay pinakatamang sagot.

Muli tayong magnilay. Mabigat ang paksa ng dalawang aklat para maunawaan ng mga bata. Subalit iyon ay isinulat para sa mga bata. Sadyang pinagbuhusan din ng atensyon ang pagguhit ng mga larawan upang mas makaakit pa sa mga bata upang bigyang pansin at basahin ang aklat.

Sa maagang edad ba'y dapat na nilang matutunan ang gayong mga mabibigat na paksa? Para bagang hinuhutok ng mabilis ang edad ng bata upang ipaunawa agad sa kanila ang mabibigat na paksa. Na dapat sana'y sa kolehiyo pa nila mas magandang pag-aralan dahil sa panahong iyon ay mas mauunawaan na nila ang mga paksang iyon. Subalit bakit nga ba isinulat ang mga children's books na iyon?

Karaniwan ay iba kasi ang pagkakaunawa natin sa child, sa adolescent, sa teenager, o sa young adult (o kabataan). Sa madaling salita, iba ang bata sa kabataan. Para bagang pag sinabi nating child ay wala pa sa hustong gulang. Sa biglang tingin, ang bata (o child) ay yaong nasa elementarya na nasa edad 6 hanggang 12. Ang teenager naman na kabilang din sa adolescence, dahil sa salitang "teen" ay mula sa edad na thirteen hanggang nineteen. 

Subalit magsaliksik tayo. Ang adolescence ay mula 10 hanggang 19, batay sa WHO. (This period of development corresponds roughly to the period between the ages of 10 and 19 years, which is consistent with the World Health Organization's definition of adolescence.) Ang young adult ay yaong makalampas na sa nineteen, o edad 20 hanggang 39, batay naman ito sa Erikson's stages of psychosocial development. 

Subalit sa United Nations Convention on the Rights of the Child, ang child ay nangangahulugang "a human being below the age of 18 years unless under the law applicable to the child, majority is attained earlier. This is ratified by 192 of 194 member countries. Biologically, a child is generally anyone between birth and puberty."

Kaya kung pagbabatayan ang edad, ang mga children's book tulad ng "Ang Paghahanap" at "Ito ang Diktadura" ay hindi lamang para sa mga batang akala natin ay yaon lamang nasa antas-elementarya, kundi kabilang na rin yaong mga teenager na nasa high school. Mga child din sila, bagamat sa tingin natin ay teenager na sila.

Iba rin kasi ang children's book kung ikukumpara sa mga teenage books, lalo na sa mga gumagamit ng wattpad. Kaiba rin ang young adult fiction. Ayon sa Wikipedia, "Young adult fiction or young adult literature (YA) is fiction published for readers in their youth. The age range for young adult fiction is subjective. Some sources claim it ranges from ages 12-18, while authors and readers of "young teen novels" often define it as written for those aged 15 to the early 20s. The terms young adult novel, juvenile novel, teenage fiction, young adult book, etc., refer to the works in this category."

Ayon naman sa britannica.com, hinggil sa children's literature, "All potential or actual young literates, from the instant they can with joy leaf through a picture book or listen to a story read aloud, to the age of perhaps 14 or 15, may be called children. Thus “children” includes “young people.” Two considerations blur the definition. Today’s young teenager is an anomaly: his environment pushes him toward a precocious maturity. Thus, though he may read children’s books, he also, and increasingly, reads adult books. Second, the child survives in many adults. As a result, some children’s books (e.g., Lewis Carroll’s Alice in Wonderland, A.A. Milne’s Winnie-the-Pooh, and, at one time, Munro Leaf’s Story of Ferdinand) are also read widely by adults."

Subalit may magandang pagtalakay sa britannica.com. Ayon dito, "In the term children’s literature, the more important word is literature. For the most part, the adjective imaginative is to be felt as preceding it. It comprises that vast, expanding territory recognizably staked out for a junior audience, which does not mean that it is not also intended for seniors."

Ibig sabihin, kahit ang mga aklat na "Ang Paghahanap" at ang "Ito ang Diktadura" ay mga children's book, ang mahalaga ay book ito, na maaaring basahin ng mga bata, kabataan, tigulang (o nasa hustong gulang), at mga matatanda.

Magaan ang pagtalakay sa mabibigat na paksa. Subalit nag-iiwan din sa mga mambabasa ng mga katanungan.

Sa huling yugto ng "Ang Paghahanap" ay nakita na ang bangkay ng nawawala. 

"Kumpirmado na po ang lugar kung saan inilibing si Ka Mario. Tuloy na po ang exhumation sa darating na linggo."

"Sasama ako sa paghukay ng mga labi ni Mario. Pagkatapos ilibing natin siya sa Antipolo."

At ito naman ang binasang liham ni Bituin, ang anak ni Ka Mario:

"Mahal kong Tatay, matapos kang mabigyan ng isang disenteng libing, makalilimutan ko na ba ang matagal na hinintay na paglalambing sa iyong piling. Ang laban para sa katarungan, maibabaon ba sa libingan?"

At sa paghuling bahagi naman ng "Ito ang Diktadura" ay ito ang isinalaysay:

"Natatapos lamang ang diktadura kapag pumanaw ang diktador (minsan dahil pinaslang siya). O kung sapilitan siyang pinaalis sa puwesto. At agad-agad, kapag natapos na ang kuwento ng diktadura, magsisimula naman ang kuwento ng kalayaan."

Kailangan nating matamang pagnilayan ang mga huling bahagi ng bawat aklat dahil nag-iiwan iyon ng katanungan sa isip ng mambabasa. Pag nakita na ba ang bangkay ng nawawalang mahal sa buhay at nabigyan iyon ng marangal na libing ay natatapos na nga ba ang paghahanap? O kaakibat pa rin niyon ay ang paghahanap ng katarungan? Nakita na ang bangkay ngunit nakulong ba ang maysala? At pag natapos na ba ang kwento ng diktadura ay ganap na nga bang malaya ang bansa? Paano kung ang pumalit sa diktador ay hindi natugunan ang mga pagbabagong inaasam ng mamamayan?

Sa ating bansa, marami pang biktima ng sapilitang pagkawala o desaparesidos noong panahon ng diktadura ang hindi pa nakikita hanggang ngayon. Marami pang pamilya ng desaparesidos ang patuloy na naghahanap at umaasang balang araw ay makita nila ang kanilang minamahal, na kung hindi man buhay, ay makita man lamang ang pinaglibingan sa mga ito upang mabigyan ng marangal na libing.

Sa ngayong nagbabanta muli ang diktadura o kamay na bakal o batas militar, anong dapat gawin ng mamamayan upang mapigilan ang pagyurak sa karapatang pantao? Paano matitiyak na walang madudukot o mapapaslang dahil nagprotesta sa mga maling patakaran ng pamahalaan? Paano tayo lalahok at magiging aktibo sa pakikibaka laban sa mga paglabag sa karapatang pantao? O mananahimik na lang dahil sa takot o ayaw masangkot?

Ang dalawang aklat ay napapanahon at dapat basahin ng mga nagmamahal sa karapatang pantao at kalayaang kumilos, magtipon, magpahayag. Isa rin itong paraan upang ang mga tulad naming manunulat ay maging bahagi ng pagsusulat ng panitikang tumatalakay sa karapatang pantao at buhay ng maraming nakikibaka para sa pangarap na isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Inirerekomenda ko pong magkaroon kayo ng kopya ng nasabing mga aklat para sa inyong pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan.