Martes, Hulyo 25, 2017

Ang salin ng salitang 'vigilante' bilang 'manunungol'

ANG SALIN NG SALITANG 'VIGILANTE' BILANG "MANUNUNGOL"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ayon sa Cambridge Dictionary, ang vigilante ay "vigilante, noun [ C ] US ​ /ˌvɪdʒ·əˈlæn·ti/ a person who forces obedience to the law without legal authority to do so, or a member of a group that decides to force obedience to the law without official authority".

Sa Merriam Webster naman, ang vigilante ay "a member of a volunteer committee organized to suppress and punish crime summarily (as when the processes of law are viewed as inadequate); broadly:  a self-appointed doer of justice".

Sa Collins English Dictionary, ang vigilante ay "people who organize themselves into an unofficial group to protect their community and to catch and punish criminals."

Ayon sa editoryal ng pahayagang PM (Pang-Masa) na pinamagatang "Sige, hubaran ang mga ‘vigilante’", "Inaakusahan ng human rights group na ang Philippine National Police (PNP) ang nasa likod ng extrajudicial killings (EJK). Ganito rin ang sinasabi ng iba pang nababahala na sa walang tigil na pagpatay sa mga suspected drug pushers at users. Pero mariing sinabi ng PNP na wala silang kinalaman sa mga pagpatay. Pawang riding-in-tandem ang nakukunan ng CCTV na bigla na lamang lumalapit sa mga target at walang anumang binabaril. Ayon sa PNP, vigilante group ang responsible sa mga pagpatay at wala silang kinalaman dito. Sumasakay lang daw ang vigilantes sa kanilang kampanya sa illegal na droga kaya sila ang napapagbintangan na lumalabag sa karapatang pantao."

"Hindi sila kundi mga vigilante ang nasa likod ng mga pagpatay sa drug suspects, ayon sa PNP. Para patunayan, tatlong miyembro ng isang malaking vigilante group ang kanilang inaresto sa Tondo, Manila noong Huwebes. Inamin ng tatlo na sila ang nasa likod ng mga pagpatay Nasa 200 umano ang kanilang mi-yembro at ang namumuno sa kanila ay ang tinatawag nilang “Commander”. Pawang sa Metro Manila umano ang kanilang area of operation. Ngayong mga vigilante ang nasa likod ng EJKs, kailangang kumilos pa ang PNP para madakma ang mga vigilante na sumisira sa kanila." Mula sa kawing na http://www.philstar.com/punto-mo/2017/02/13/1671661/editoryal-sige-hubaran-ang-mga-vigilante

Ang pamagat naman ng balita sa GMA Network ay "Vigilante-style sa pagpatay sa mga sangkot umano sa droga, iligal". Mula sa kawing na http://www.gmanetwork.com/news/video/balitanghali/379592/vigilante-style-sa-pagpatay-sa-mga-sangkot-umano-sa-droga-iligal/video/

Ayon naman sa Eagle News sa balitang "3 miyembro ng ‘vigilante’ group na sangkot sa EJK, arestado", "Base sa imbestigasyon, miyembro ng Volunteer Organization ng kanilang barangay ang mga suspek na umaaktong tagatumba ng mga pinaghihinalaang drug addict o kriminal."

Sa mga depinisyon sa diksyunaryo, lumalabas na may mga tao o grupong labas sa kapulisan at korte ang inilalagay talaga ang batas sa kanilang mga kamay upang ipagtanggol ang komunidad mula sa mga krimen. Subalit nagbago ang paggamit nito pagdating na sa Pilipinas. May pagkapositibo ang kahulugan sa Ingles dahil mas pinagdiinan ang pagkuha ng katarungan, subalit napakanegatibo naman sa Pilipinas dahil walang awang pumapaslang ang mga ito nang walang due process at walang paglilitis. Dahil kung susuriin ang mga balita hinggil sa mga vigilante, sila ang mga pumapatay ng mga taong kanilang puntirya.

Napag-isip-isip ko ito sa sandaling kailangan kong hanapan ng salin o translation ang salitang vigilante sa ating wika, dahil ang vigilante ay ginagamit sa wikang Ingles. Ang nakita ko sa UP Diksiyonaryong Filipino ay maaaring ang salitang "manunungol" ang katumbas na salin ng salitang "vigilante". Isa itong Sinaunang Tagalog na ang ibig sabihin ay mamamatay-tao o berdugo. (UP Diksiyonaryong Filipino, Pahina 759). Bagamat may ilang saliksik na isina-Filipino ito sa salitang "bihilante" ay mas angkop sa palagay ko ang salitang manunungol, lalo na't magagamit ko ang salitang ito sa mga pagtula.

Kaya nang isinalin ko ang isang talata sa press statement na pinamagatang "Martsa ng mga Hindi Makapag-Martsa" ng grupong Block Marcos na magpaparada ng isang libong sapatos at tsinelas sa kilos-protesta sa SONA ay ginamit ko ang salitang manunungol:

"This year, however, there will be many Filipinos who—even if they might have wanted to march with us and protest—will not be able to join us: all those who been killed by cops, soldiers, and vigilantes emboldened by Duterte’s sanctioning of extra-judicial killings, promotion of impunity, and imposition of martial law in Mindanao; all those who have been silenced and disempowered by an army of pro-government propagandists who have spun a web of deceit around them.

Gayunman, ngayong taon, maraming Pinoy na - bagamat nais nilang sumama sa martsa at magprotesta - ay hindi makasama sa atin: lahat ng mga pinaslang ng kapulisan, sundalo at mga manunungol (bihilante) na pinatapang ng pagsang-ayon mismo ni Duterte sa pamamaslang, pagtataguyod ng impunidad, at pagpapatupad ng batas-militar ng Mindanao; lahat na pawang pinatahimik at pinawalang-saysay ng isang hukbo ng mga maka-gobyernong propagandistang nagpapakalat ng mapambitag na panlilinlang sa kanilang paligid."

Hinanap ko ang salitang ugat ng manunungol kung tungol ba o dungol. Kung manunungol, tulad ng manunudla at mananaya, na mula sa tudla at taya, maaaring ang salitang ugat nito ay tungol. Kung dungol naman ang ginamit, dapat ito'y mandudungol, tulad ng mandurukot at mandirigma, kaya hindi manunungol.

Binalikan ko ang UP Diksiyonaryong Filipino, walang salitang dungol sa pagitan ng mga salitang dungog at dungon. At nakita ko na salitang tungol ang pinanggalingan ng manunungol. Ang kahulugan ng tungol ay "pagsunggab at paggilit sa leeg ng tao mula sa likod". Ibig sabihin, ito'y gawaing pataksil o patraydor na pagpaslang tulad ng pagpaslang ng mga vigilante. Dahil sinaunang Tagalog ang pinanggalingan ng salita, masasabing sa pag-usad ng panahon ay hindi lamang pataksil na paggilit sa leeg ang kahulugan ng salita kundi sinumang gumagawa ng pataksil na pag-atake sa sinumang tao, lalo na ang pagpaslang, tulad ng ginagawa, nabanggit nga sa itaas, ng mga riding-in-tandem, o mga vigilante.

Kaya palagay ko ay wasto o angkop ang pagkakasalin ko sa salitang vigilante bilang manunungol, at ang salitang ito'y maaari ko na ring gamitin sa pagkatha ng mga tula, sanaysay at maikling kwento.