Martes, Oktubre 2, 2018

Isinilang ako kasabay ng Tlatelolco Massacre sa Lungsod ng Mexico


ISINILANG AKO KASABAY NG TLATELOLCO MASSACRE SA LUNGSOD NG MEXICO
Maiking sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit nga ba ako naging aktibista? Dahil ba ito ang pinili kong buhay? O dahil reinkarnasyon ako ng mga estudyante't sibilyang pinaslang sa Tlatelolco sa lungsod ng Mexico? Hindi naman talaga ako naniniwala sa reinkarnasyon, kaya marahil ay nagkataon lamang. Pinili kong maging aktibista at mamamatay ako bilang aktibistang nakikibaka para sa lipunang makatao at uring manggagawa.

Ayon sa wikipedia, "The Tlatelolco massacre was the killing of students and civilians by military and police on October 2, 1968, in the Plaza de las Tres Culturas in the Tlatelolco section of Mexico City. The events are considered part of the Mexican Dirty War, when the government used its forces to suppress political opposition."
https://en.wikipedia.org/wiki/Tlatelolco_massacre

Sa aking ika-50 kaarawan at ika-50 anibersaryo ng Tlatelolco massacre, ako na'y nahalal na sekretaryo heneral ng dalawang organisasyon. Nahalal akong sekretaryo heneral ng Ex-Political Detainees Initiative (XDI) sa ikatlong pangkalahatang asembliya ng XDI noong Hulyo 7, 2017, na ginanap sa Diokno Hall ng Commission on Human Rights (CHR). Nahalal naman akong sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) nito lang Setyembre 16, 2018 sa ikalimang pambansang kongreso nito, na ginanap sa barangay hall ng Brgy. Damayan sa Lungsod Quezon.

Magtatatlong dekada na rin akong aktibista. Namulat bilang manggagawa, nang ako'y maging ako'y magtrabaho mula Pebrero 1989 hanggang Pebrero 1992, at naging regular na makinista o machine operator sa isang kumpanyang Hapon sa bansa. At noong Agosto 17, 1994 nang ako'y maging kasapi ng isang mapagpalayang kilusan.

Narekluta ako nang ako'y isang estudyante pa sa kolehiyo at manunulat ng publikasyon ng eskwelahan. Nahalal akong Basic Masses Integration (BMI) Officer ng grupong Kamalayan (Kalipunan ng Malayang Kabataan) noong 1994. Naging staff ng Sanlakas mula Agosto 1996 hanggang Nobyembre 2001. Naging staff ng KPML mula Nobyembre 2001 hanggang Marso 2008, at pinangasiwaan ang paglalathala ng pahayagang Taliba ng Maralita ng KPML, na inilalathala noong isanhg beses kada tatlong buwan. Naging staff ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) nang mawala sa KPML. At muli lang nakabalik sa KPML noong ikalimang pambansang kongreso nito noong 2018.

Dahil sa aking pagiging aktibista'y nakarating ako sa iba't ibang bansa, bukod sa Japan, na tinirahan ko ng anim na buwan bilang iskolar ng JVR Technical Center noong Hulyo 1988 hanggang Enero 1989. Nakapunta ako sa bilang aktibista sa Thailand noong 2009, sa Thailand at Burma noong 2012, at sa Paris, France noong 2015. Taospusong pasasalamat sa mga kasamang nag-isponsor ng mga aktibidad na iyon.

Naitayo ko rin ang Aklatang Obrero Publishing Collective na naglalathala ng aking mga tula at sanaysay, at mga aklat ng mga kilalang rebolusyonaryo. Ilan sa mga sulating ito ay ang talambuhay nina Che Guevara, Andres Bonifacio, Macario Sakay, Lean Alejandro, at Ka Popoy Lagman. Muli ko ring inilathala ng Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto. Pati na mga teoryang pampulitika ay aking inilathala, tulad ng Aralin sa Kahirapan (ARAK), Puhunan at Paggawa (PAKUM), Marxismo, Gabay sa Aralin ng Leninismo, Materyalismo at Diyalektika. Pati salin ng akda ni Ka Dodong Nemenzo hinggil sa Rebolusyong Cubano.

Nang minsang nagsasaliksik ako sa internet at tiningnan ko ang aking kaarawan kung sino o ano kaya ang mga kasabayan ko nang ako'y isilang. At lumabas nga ang istorya ng Tlatelolco massacre, na naganap sa mismong araw ng ako'y isilang.

Nakikisimpatya ako sa mga estudyante't sibilyang pinaslang ng mga militar. Ayon sa isang lathalain, ito ang mga kahilingan ng mga estudyante:

1. Repeal of Articles 145 and 145b of the Penal Code (which sanctioned imprisonment of anyone attending meetings of three or more people, deemed to threaten public order).
2. The abolition of granaderos (the tactical police corps).
3. Freedom of political prisoners.
4. The dismissal of the chief of police and his deputy.
5. The identification of officials responsible for the bloodshed from previous government repressions (July and August meetings).
http://www.blackstudies.ucsb.edu/1968/mexico_photos.html

Kung may pagkakataon lang ako at makakadalaw sa Mexico, nais kong puntahan ang monumento ng naganap na Tlatelolco massacre at mag-alay roon ng bulaklak, at magpalitrato.

Ginawan ko ng tula ang naganap na ito bilang pagpupugay sa mga nakikibakang estudyante noong panahong iyon, at sa mga sibilyang nadamay nang pagbabarilin sila ng mga militar.

SA MGA PINASLANG SA TLATELOLCO, MEXICO
(OKTUBRE 2, 1968)

sa Tlatelolco'y kayraming estudyanteng pinaslang
naganap kasabay ng araw nang ako'y isilang
ang kanilang mga berdugo'y tila mga buwang
karahasan ang ibinigay, sila'y tinimbuwang

estudyanteng nais malayang makapagsalita
hangad na bilanggong pulitikal ay mapalaya
hangad na mga tiwaling opisyal ay mawala
hangad na matinong lipunan ang sinasagawa

estudyanteng nais magkaroon ng karapatan
estudyanteng nais isatinig ang kahilingan
estudyanteng nais magkaroon ng kalayaan
estudyanteng nais matanggal ang katiwalian

subalit sila pa yaong dinilig ng kilabot
pinagbabaril, lupa'y pumula, isang bangungot
limampung taon na yaong nakaraang hilakbot
hanggang ngayon ay dama pa rin ang lagim na dulot

pagkat estudyante'y di pa nabigyan ng hustisya
walang nakulong dahil sa nangyari sa kanila
hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng pamilya
hustisyang kay-ilap ba'y kailan kakamtin nila

- gregbituinjr. 10/02/2018

Biyernes, Mayo 18, 2018

13 poems of Eman Lacaba I gathered from the Phil. Free Press

LABINGTATLONG TULA NI EMAN LACABA

Gabi ng Mayo 5, 2018, sa ancestral house ng aking asawang si Liberty, sa Barlig, Mountain Province, ay hinalungkat ko ang mga isyu ng Philippines Free Press mula 1966 hanggang 1969 na tinipon ng kanyang namayapang ama. Nilitratuhan ko rito ang mga poetry o tulang nalathala. At ilan sa aking natagpuan ay ang labingtatlong tulang nalathala ng makatang Eman Lacaba. Marahil ay mas marami pa siyang nalathalang tula sa Philippines Free Press, subalit ang labingtatlong tulang naririto ang aking mga natagpuan.

Nawa'y makatulong ang mga natipong tulang naririto ni Eman Lacaba sa mga pananaliksik. Si Eman Lacaba ay nakilala ko sa aking mga nababasa bilang magaling na makata at rebolusyonaryo sa mapagpalayang kilusan, hanggang sa siya'y humawak ng armas bilang kawal ng sambayanan at napatay sa isang engkwentro noong 1976.

- gregbituinjr.

P.S. Narito ang talaan ng mga tula ni Eman Lacaba at petsang nalathala sa Philippines Free Press:

Birthday - November 5, 1966, p. 35
The Blue Boy - January 14, 1967, p.33
The Voices Of Women - September 16, 1967, p. 31
Night Drive - December 2, 1967, p. 31
5 poems - December 9, 1967, p. 181
- The Foreigners 
- Bar Misvah
- Parable
- Portrait Of The Artist As Filipino And A Young Man
- Priapus In His Office Recalls The Pateros Fiesta
Last Poem - October 19, 1968, p. 35
Autobiography - January 11, 1969, p. 13
Terza Rima For A Sculptress - January 11, 1969, p. 13
Watawat Ng Lahi Poems Written In Spanish Forms Used By Rizal - March 8, 1969, p. 27

Martes, Enero 2, 2018

Ang Bundok Tapusi sa Kasaysayan

ANG BUNDOK TAPUSI SA KASAYSAYAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nababanggit ang Bundok Tapusi sa bayan ng Montalban sa lalawigan ng Rizal sa ilang aklat pangkasaysayan. Ito'y dahil na rin naroroon ang Yungib Pamitinan na pinaglunggaan nina Gat Andres Bonifacio at ng mga Katipunero noong panahon ng Himagsikan.

Ilang ulit na rin akong nakapunta sa Yungib ng Pamitinan sa Bundok Tapusi, dahil na rin sa ilang aktibidad na pangkasaysayan, lalo na sa grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Ang mahalagang karanasan ko sa pagtungo roon ay noong Mayo 10, 1997, kasabay ng sentenaryo ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio, ay isinagawa sa Yungib Pamitinan ang simbolikong paglilibing sa kanya. Ang huli kong pagdalaw roon ay isang araw matapos ang Halalan 2016, na ika-119 anibersaryo ng kamatayan ng bayani. Nagkita-kita kami ng ilang kasama sa Kamalaysayan.

Sa pulong ng Kamalaysayan nitong Disyembre 29, 2017, sa Masinag sa Antipolo, Rizal, sinabi ng isang kasama sa Kamalaysayan na ang pangalang Tapusi ay sinaliksik ng isang banyaga na di ko matandaan ang pangalan, at palagay niya'y galing ito sa wikang Italyano o Aleman.

Subalit nabanggit ko sa kanya na sa wari ko, ang Tapusi ay salitang taal sa atin, salitang lalawiganing Tagalog, lalo na't sakop ng Katagalugan ang Bundok Tapusi. Sa lalawigan ng aking ama sa Batangas ay ganito ang naririnig kong salitaan:

Buksi - na ibig sabihin ay Buksan mo. Buksi are, o buksan mo ito. Ang "ito" ng Maynila ay "are" sa Batangas.

Sarhi - Isara mo. 

Tapusi - Tapusin mo.

Palui - Paluin mo, halimbawa, ang aso.

Lutui - Lutuin mo.

Sipai - Sipain mo.

Suntuki - Suntukin mo.

Sig-angi - Isig-ang mo.

Prituhi - Iprito mo.

Lagye - Lagyan mo.

Parne - Parito ka, o Halika.

Pagarne - Paganito.

Dalhi are sa tuklong - Dalhin mo ito sa kapilya.

Butasi ang tibuyo - Butasin mo na ang alkansya (dahil puno na ng barya).

Tulad ng ibang wika, may paraan ng pagsasalita o balarila ang mga Batangenyo, tulad ng inilarawan sa itaas. Tulad ng ibang alamat ng lugar, ang maraming pangalan ng lugar ay mula sa pagkaunawa ng mga Kastila nang tinanong nila ang mga katutubo kung anong pangalan ng lugar. Halimbawa, ang Calamba sa Laguna, na sinilangan ni Gat Jose Rizal, ay mula sa salitang Kastilang "Caramba" ayon sa isang alamat.

Marahil, isang Batangenyo ang nagpapatrabaho sa araruhan o halimbawa'y gilingan, o niyugan, malapit sa nasabing bundok. May dumating na Kastila at tinanong ang mga tao roon kung ano ang pangalan ng bundok na iyon. Ngunit di sila halos magkaunawaan sa wika. Subalit nang makita ng tinanong na nagsitigil sa paggawa ang kanyang mga trabahador ay sinabi niyang "Tapusi" na ibig sabihin ay tapusin nyo ang trabaho. At ang salitang "Tapusi" ang sinulat ng mga Kastila na pangalan ng bundok.

Sinasabing ito rin ang bundok na kinakulungan ng higanteng si Bernardo Carpio, ayon sa isang kwentong bayan.

Sampaloc, Maynila
Enero 2, 2018


Sina Michael Merbida, Rosabella Fernandez, at Greg Bituin Jr., mga kasapi ng Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) nang sila'y dumalaw sa Bundok Tapusi, sa Wawa sa Montalban, Rizal, sa ika-119 anibersaryo ng kamatayan ni Gat Andres Bonifacio, Mayo 10, 2016.