Biyernes, Abril 26, 2019

Bakit may luksang parangal?

BAKIT MAY LUKSANG PARANGAL?
Maikling sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakayayanig ang malamang namatay ang limang kasama sa pakikibaka sa loob lamang ng halos dalawang linggo. Isang lider ng KPML si Doreen Mendoza na namatay sa sakit noong Marso 26, 2019. Si Benjie Resma, pangulo ng Partido Lakas ng Masa - Tatalon chapter ay binawian ng buhay noong Abril 5, 2019. Si Ka Richard Lupiba ng ZOTO / KPML ay yumao naman noong Abril 6, 2019. Si Ka Cesar Bristol, Bise Presidente ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino - Timog Katagalugan (BMP-ST) ay sumakabilang-buhay noon ding Abril 6, 2019. At si Larry Labian na nasa gawaing teatro ay namatay naman ng Abril 9, 2019.

Sa lahat ng ito, nagbigay ang mga kasama ng luksang parangal bilang pagpupugay sa mga kasamang namatay. Naging tradisyon na ng kilusang paggawa, kilusang sosyalista, at/o kilusang rebolusyonaryo na mag-alay ng luksang parangal sa kasamang namatay. Kadalasang ginagawa ito sa huling araw ng lamay, dahil kinabukasan na ay ililibing. Maraming kasama ang nagbibigay ng luksampati sa huling gabi, at madalas ay ikinukwento ang buhay, pakikibaka at rebolusyonaryong gawain ng namatay. May nag-aalay rin ng tula.

Subalit saan ba nanggaling ang ganitong tradisyon? Nang maging aktibista ako'y nagisnan ko na ang tradisyong ito, kaya nagsaliksik ako. Naalala ko ang araling Limang Gintong Silahis ni Mao Zedong, na inaral namin noong nasa kolehiyo pa ako at YS na tibak.

Ang artikulong "Paglingkuran ang Sambayanan" na inilathala noong Setyembre 8, 1944, ay mula sa talumpating binigkas ni Mao Zedong, na lider-komunista sa Tsina, sa isang pulong ng paggunita sa namatay na kasama nilang si Chang Szu-teh na idinaos ng mga kagawarang tuwirang nasa ilalim ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Tsina.

Ayon sa artikulo: "Ang lahat ng tao ay tiyak na mamamatay, ngunit ang kamatayan ay maaaring mag-iba ng kabuluhan. Ayon sa sinaunang manunulat na Tsinong si Szuma Chien, “Bagamat ang kamatayan ay sumasapit sa lahat ng tao, ito ay maaaring higit na mabigat kaysa Bundok Tay o higit na magaan kaysa balahibo.”Ang mamatay alang-alang sa sambayanan ay higit na mabigat kaysa Bundok Tay, subalit ang maglingkod sa mga pasista at ang mamatay para sa mga mapagsamantala at mapang-api ay higit na magaan kaysa balahibo. Si Kasamang Chang Szu-teh ay namatay alang-alang sa sambayanan at ang kanyang kamatayan ay higit na mabigat nga kaysa Bundok Tay."

At sa katapusan ng artikulo ay ibinilin sa atin: "Magmula ngayon, kung sa ating hanay ay may mamatay na isang nakagawa ng kapaki-pakinabang na bagay, maging kawal man siya o kusinero, dapat natin siyang bigyan ng parangal sa pamamagitan ng isang akmang seremonya sa paglilibing at pulong ng paggunita. Ito ay nararapat na maging alituntunin. At ito’y dapat ding ipagawa sa mga mamamayan. Kung may mamatay sa nayon, ipadaos ang isang pulong ng paggunita. Sa ganitong paraan, maipadarama natin ang pagluluksa para sa yumao at mapagbubuklod ang buong sambayanan."

Isang halimbawa nito ang isa pang artikulo sa Limang Gintong Silahis ay pinamagatang Paggunita kay Norman Bethune, kung saan sinabi ni Mao Zedong: "Ang diwa ni Kasamang Bethune, ang kanyang taus-pusong pagmamahal sa kapwa nang walang pagsasaalang-alang sa sarili, ay ipinamalas sa kanyang walang hanggang pagpapahalaga sa kanyang gawain at sa kanyang malaking pagmamalasakit sa lahat ng mga kasama at sa mamamayan. Dapat matuto sa kanya ang bawat Komunista. Hindi iilang tao ang iresponsable sa kanilang gawain, higit na nagnanais ng magaan at umiiwas sa mabigat, ipinapasa sa iba ang mabibigat na gawain at pinipili ang madadaling gawain para sa sarili. Sa bawat pagkakataon ay iniisip muna nila ang sarili bago ang iba. Kapag nakagawa ng kaunting tulong ay lumalaki ang kanilang ulo at ipinagyayabang ang nagawa sa takot na baka hindi malaman ng iba. Wala silang malasakit sa mga kasama at sa mga mamamayan, bagkus ay malamig, mapagwalambahala at walang sigla. Sa katunayan, ang mga taong ito ay hindi mga Komunista, o kaya’y hindi maituturing na tunay na mga Komunista."

Dagdag pa ni Mao: "Minsan lamang kami nagtagpo ni Kasamang Bethune. Pagkaraan niyon, madalas siyang sumulat sa akin. Ngunit abalang-abala ako noon at minsan ko lamang siyang sinulatan at ni hindi ko alam kung natanggap niya ang sulat ko. Labis akong nalulungkot sa kanyang pagkamatay. Ngayo’y pinararangalan natin siya, bagay na nagpapakita kung gaano kalalim ang inspirasyong dulot ng kanyang diwa. Dapat matutuhan nating lahat mula sa kanya ang diwa ng ganap na di pagkamakasarili. Sa pamamagitan ng diwang ito, ang bawat isa ay maaaring maging kapakipakinabang sa mamamayan. Malaki man o maliit ang kakayahan ng isang tao, kung taglay niya ang diwang ito, isa na siyang taong marangal at wagas ang loob, isang taong may integridad at nakapangingibabaw sa bulgar na mga interes, isang taong may halaga sa sambayanan."

Nagkaroon man ng paghihiwalay halos tatlong dekada na ang nakararaan, mula sa tunggaliang RA-RJ, nanatili pa rin ang aral at naging tradisyon na ang luksang parangal.

Linggo, Abril 14, 2019

Ang papel ng papeles

ANG PAPEL NG PAPELES
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa isang hearing na aking nadaluhan minsan hinggil sa kaso ng isang lider-maralita, dumating ang mga arresting officers at may dalang warrant of arrest laban sa lider-maralitang napagbintangan. Ipinakita ng mga arresting officers ang warrant sa clerk of court bilang patunay na may arrest warrant ang nasabing lider-maralita. Sinuri ng clerk of court ang warrant, ngunit hindi inaresto ang akusado. Bakit? Nakita ng clerk of court na kumpleto ang detalye ng search warrant – nakalagay ang pangalan ng akusado, ang kaso, ang judge na pumirma, atbp. Ngunit xerox lamang ang arrest warrant, kaya sinabihan niya ang mga arresting officers na dapat ay certified true copy ang arrest warrant bago hulihin ang tao. Dahil dito, ang nasabing lider maralita ay hindi dinakip.

Sa kalakaran ng ating mundo ngayon, malaking bahagi ay papeles. Ang papeles ay anumang uri ng dokumento na nagpapatunay sa isa o maraming transaksyon o usapan. Ang mga halimbawa nito’y resibo, subpoena, sedula, lisensya, sertipiko, atbp.

Pagkapanganak pa lang, nariyan na ang birth certificate, isang papeles na nagpapatunay kung ano ang pangalan ng bata, kung saan at kelan siya ipinanganak, at sino ang tunay niyang mga magulang.

Meron ding certificate para sa binyag, kumpil, pagtatapos ng bata sa kinder, diploma, Nariyan din ang death certificate para sa mga namatay. Sa pangingibang-bansa ay naririyan ang visa at passport. Anupa’t umiinog ang ating mundo sa tambak na papeles. Sa madaling salita, dapat na may katunayan tayo ng anumang pagkakakilanlan o transaksyon upang hindi tayo maagrabyado sa anumang labanan.

Malaking bahagi ng laban ng maralita ay nakasalalay sa papeles. Sa usapin ng paninirahan, nariyan ang titulo ng lupa, resibo ng bilihan, notice for demolition, entry pass sa relocation site, atbp. Marami ang natatakot, napapalayas, o kung minsan ay namamatay, dahil sa kawalan ng papeles, at kung meron man ay pagmamaniobra naman ng malakas sa mahihina pagdating sa papeles. Halimbawa, sa Barrio Kangkong, marami ang natakot nang nakarinig na may dumating na sulat na nag-aatas umano ng demolisyon sa isang takdang panahon, gayong hindi muna ito nabasa at nasuri. Gayong ang nakasulat ay hindi demolisyon, kundi humihingi muna ng negosasyon ang may-ari, o kaya’y imbes na Barrio Kangkong ang idedemolis ay Barrio Kalabasa pala ang nakasulat, nagkamali lang ng pinadalhan. Noong 1997 sa Sitio Mendez, may demolition order na galing umano kay Mayor Mathay, pero nang suriin ang papeles, hindi iyon pirma ni Mathay at wala siyang inorder na demolisyon

Huwag tayong matakot magsuri ng papeles, dahil kadalasan buhay at kamatayan ang dulot nito ay di pa natin alam. Totoo ba ang Transfer Certificate of Title (TCT) na nasa kamay ng nagpapalayas sa inyo? Nasaliksik at nasuri nyo bang ang papeles ng nagpapalayas sa inyo ay mula sa Original Certificate of Title (OCT) hanggang sa nagpalipat-lipat na TCT? Dapat mabasa muna at masuri ng maigi ang buong papeles bago mag-panic. Para sigurado, puntahan at magsaliksik sa mga opisinang sangkot.

Hindi dapat matakot, malito, o magpanic ang sinuman, kapag nakatanggap ng anumang papeles. Ang dapat nating gawin ay suriin ito, pag-usapan ng nasasangkot, at iberipika sa kinauukulang ahensya kung gaano ito katotoo. Dahil kung hindi, baka mga manlolokong sindikato sa palupa ang magpalayas sa inyo, o kaya’y magbenta sa inyo ng lupa. Kaya ingat.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2019, p.8-9

Biyernes, Abril 12, 2019

Pagdalo sa ika-124 Unang Sigaw ng Kalayaan sa Yungib ng Pamitinan

Dumalo ang inyong lingkod sa paggunita sa ika-124 Unang Sigaw sa Pamitinan nina Gat Andres Bonifacio, (Abril 12, 1895, First Cry of Independence), kasama ang LGU ng Montalban, Rizal, at ang grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na namuno sa seremonya ng Kartilya ng Katipunan, sa bungad ng yungib ng Pamitinan, sa Brgy. Wawa, Montalban, Rizal, umaga ng Abril 12, 2019. - Greg Bituin Jr.

- mga litrato kuha ni Greg Bituin Jr.