MAKAURING KAMALAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.
“Tagos sa puso ang sinabing iyon ng tagapagsalita. Talagang nadama kong kaisa talaga tayo ng uring manggagawa, kahit na tayo’y maralita.” Ito ang sinabi ni Mang Igme sa kanyang kasamang si Mang Igor.
“Ganyan din ang pakiramdam ko! Halos nag-iinit talaga ang aking kalooban, sumisingasing ang aking loob, at kaya agad akong tumindig at pumalakpak. Kailangan talaga natin ng nakauring kamalayan. Sino pa ba itong magtutulungan kundi tayo ring magkakauri.”
Dati silang mga manggagawang regular na nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kumpanyang pinapasukan. Nalulugi raw. Ngayon ay nagbukas muli at pulos kontraktwal na ang mga manggagawa. Sila naman ay nagbuo ng samahan ng magkakapitbahay at ngayon ay mga lider-maralita sa kanilang lugar.
“Hoy, kayo ngang dalawa riyan. Kung hindi ko pa alam, aba’y nitong eleksyon lang ay nakasuso kayo sa pulitiko, at hindi man lang ikinampanya ang tumatakbong manggagawa sa pagkapangulo. Ano kayo?” ang sabad naman ni Aling Ines na nasa katabing upuan lang.
“Sa totoo lang, Ines, ngayon ko lang kasi nalaman iyang sinasabi nilang makauring kamalayan. Kung noon ko pa nalaman iyan, baka hindi kami pumasok sa pulitikong iyon. Kaya lang, gipit din kami noon, kaya pikit mata na lang na ikinampanya ‘yun basta may pambili lang ng bigas,” ang sabi naman ni Mang Igme.
“Ayuuun! Sinasabi ko na nga ba. Sabagay, nangangailangan din ako noon, marami sa atin. Subalit ikinampanya namin ang kauri natin, isang lider-manggagawa. Yung tumakbo sa pagkapangulo at yung isa naman ay sa pagkasenador. Hindi man sila nanalo ay ipinakita naming mga kababaihan kung para kanino kami.” ganting sagot ni Aling Ines.
Sunmabat si Mang Igor, “Ang mahalaga ay nalaman natin kung ano ba iyang makauring kamalayan, na tayo bilang mga maralita, ay dapat magtiwala sa ating mga kauri, ang mga manggagawa, kapwa maralita, mangingisda, vendor, magsasaka, at iba pang mahihirap. Aba’y kaytagal nang panahong ang lagi nating ibinoboto ay ang mga hindi natin kauri, pulos mayayaman, na hindi naman talaga naglilingkod sa ating mga dukha. Aba’y pag kampanyahan lang naman sila napuputikan sa pagpunta sa iskwater, para mahamig ang ating boto. Pero pag nanalo na sila, nasaan sila? Kaydali raw lapitan, kayhirap naman hanapin, di ba?”
“O, siya. Huwag na tayong magtalo pa. Ang mahalaga ngayon ay kung paano natin mapapalaganap ang makauring kamalayan na iyan, kahit wala na tayo sa pabrika, kundi bilang mga lider-maralita. Ang mga manggagawa naman ay umuuwi sa komunidad ng maralita, habang ang mga maralita’y padiska-diskarte lang para mabuhay.” Sabi ni Aling Ines.
“Ano ang malalim na dahilan ng makauring kamalayan kundi ang sama-sama nating pagkilos upang baguhin ang ating abang kalagayan, kung saan maitatayo natin ang isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao, hindi ba? Yaong sistemang hindi nawawasak ang kalikasan dahil sa pagkaganid sa tubo ng iilan. Yaong sistemang ang pakuya-kuyakoy lang ay tiyak na magugutom. Hindi tulad ngayon, ang mga magsasakang anong sipag sa bukid, at ang mga manggagawang kayod-kalabaw ang siyang naghihirap, habang pakuya-kuyakoy lang habang nagkakamal ng ating pinagpaguran ang mga kapitalistang hayok sa tubo. May dapat tayong gawin. Ang imulat ang ating mga kauring maralita sa makauring kamalayan.” Sabi ni Igme.
Agad tumugon si Igor, “Mungkahi ko, pasapiin muna natin ang ating Samahang Maralita sa Pulang Bato (SMPB) sa Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), saka tayo magplano kasama nila. Makakapagbigay pa sila ng mga aralin tulad ng PAMALU o Panimulang Aralin ng Maralitang Lungsod at LNU o Landas ng Uri. Nabanggit na sa akin iyan ni Ka Kokoy, na pangulo ng KPML.”
Si Aling Ines naman, “Hoy, paalala lang ha? Bilang lider-maralita, mahalaga ang inyong pananagutan, kaya huwag na kayong mag-ano riyan sa mga pulitikong iyan na hindi naman natin kauri. Maano bang magkaroon tayo ng paluwagan para hindi tayo hingi ng hingi sa mga trapo na ang tingin naman sa ating maralita ay basahan.”
“Salamat sa paalala mo, Aling Ines.” Ani Igor. “Mag-iskedyul na tayo ng usap sa KPML upang makarating muli sila rito sa atin.”
* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 16-31, 2023, pahina 18-19.