Miyerkules, Enero 7, 2026

Haring Bayan

HARING BAYAN

Napanood ko nitong Nobyembre 27, 2025 sa UP Film Center ang palabas na Lakambini, hinggil sa talambuhay ng ating bayaning si Gregoria de Jesus, o Oriang.

May tagpo roon na nang dumalaw si Gat Andres Bonifacio sa isang bayan, may sumisigaw roon ng "Mabuhay ang Supremo! Mabuhay ang Hari ng Bayan!"

Na agad namang itinama ni Gat Andres. "Haring Bayan!"

Inulit uli ng umiidolo sa kanya ang "Mabuhay ang Hari ng Bayan!" At itinama uli siya ng Supremo, "Haring Bayan!"

Mahalaga ang pagwawastong ito. Walang hari sa Pilipinas. Ang tinutukoy ni Bonifacio na hari ay ang malayang bayan, ang Haring Bayan o sa Ingles ay Sovereign Nation, hindi King of the Nation.

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

Linggo, Enero 4, 2026

Anekdota sa polyeto ni Heneral Gregorio Del Pilar


ANEKDOTA SA POLYETO NI HENERAL GREGORIO DEL PILAR
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang aklat ng mga sanaysay ni National Artist Nick Joaquin hinggil sa sampung bayani ng bansa sa aklat niyang A Question of Heroes nang mabasa ko ang isang anekdota hinggil kay Gregorio del Pilar, bago pa siya maging heneral. Nasa pahina 184 iyon ng nasabing aklat.

Estudyante pa lang noon si Gregorio Del Pilar sa Ateneo nang maging kasapi ng Katipunan. Naroon siya sa bahay ng Katipunerong si Deodato Arellano sa Tondo nang iatang sa kanya ang tungkuling pamamahagi ng polyeto ng Katipunan.

Noong minsang siya'y nasa Malolos na may dalang bulto ng polyeto ng paghihimagsik, ipinalit niya iyon sa kontra-rebolusyong polyeto ng Simbahan. Kaya noong sumapit ang araw ng Linggo, nakita ni Goyo na ipinamamahagi na ng kura ang kanyang ipinalit na polyeto.

Ganyan pala kahusay mag-isip at kumilos si Gregorio Del Pilar, ang batang heneral ng himagsikan na napatay sa murang edad na 24 sa Pasong Tirad.

Ibig sabihin, ang ganyang husay niya ang nagdala sa kanya upang maging heneral siya sa murang edad at pagkatiwalaan sa mga delikadong tungkulin.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa anekdotang ito:

ANG POLYETO NI GREGORIO DEL PILAR

isang anekdota ang nabasa ko
sa katukayong bayaning Gregorio
Del Pilar noong magsimula ito
bilang estudyanteng Katipunero

ang tinanganang tungkulin paglaon
mamahagi ng polyeto ang misyon
sa Malolos, polyetong hawak noon
sa simbahan ay sinalisi iyon

kaya imbes polyeto ng simbahan
ay naging polyeto ng himagsikan
habang kura'y pinamahagi naman
iyon sa nagsimba kinalingguhan

ganyan kahusay mag-isip ang pantas
na Goyo, may estratehiya't angas
taktika ng kaaway pinipilas
hanggang mapatay siya sa Tirad Pass

01.04.2026

Typo error sa talambuhay ng Katipunerong si Aurelio Tolentino

TYPO ERROR SA TALAMBUHAY NG KATIPUNERONG SI AURELIO TOLENTINO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang nobelang MARING ng mangangatha at Katipunerong si Aurelio Tolentino noong Disyembre 29, 2021 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon. Nasa 72 pahina, may sukat na 5.5" x 7.75", nabili ko sa halagang P50.00.

Nakareserba lang iyon sa munti kong aklatan na nais kong basahin, lalo na't bihira nang makakita ng ganitong nobela ng isang Katipunero. Makalipas ang mahigit apat na taon ay ngayon ko lang ito napagtuunan ng pansin. Sa madaling salitâ, ngayon ko lang binasa.

Una kong binasa ang kanyang talambuhay na nasa likuran ng aklat. Subalit napansin kong may mali. Sa huling dalawang pangungusap ng ikaapat na talata ay nakasulat:

"Nangasawa ni Tolentino si Natividad Hilario noong 1918 at nagkaroon sila ng apat na anak. Namatay siya noong Hulyo 5, 1915."

Bukod sa salitang "Nangasawa" na dapat marahil ay "Napangasawa", ang mas matinding typo error ay ang petsang 1918. Kung namatay si Tolentino noong 1915, patay na siya noong nakapangasawa siya noong 1918.

Alin ang typo error? Ang 1915 ba o ang 1918?

Kayâ dapat pa nating saliksikin ang totoong petsa noong siya'y ikinasal at ang petsa ng kanyang kamatayan. Subalit dalawang ulit binanggit ang petsa ng pagkamatay niya sa likuran ng aklat: nasa unang talata kung saan nakapanaklong ang petsa ng kaarawan niya't kamatayan, kasunod ng kanyang pangalan; at sa huling talata.

Kaya marahil ang mali ay ang taon noong siya'y ikinasal. Saliksikin natin kung anong tama.

Nang sinaliksik ko sa https://philippineculturaleducation.com.ph/tolentino-aurelio-v/, gayon din ang typo error. Parang nag-copy-and-paste lang ang nagsulat o naglagay nito sa internet nang hindi napuna ang pagkakamali. 

Baka naman 1908 sila ikinasal at hindi 1918, (ang 0 ay naging 1) dahil patay na nga si Aurelio noong 1915, tatlong taon bago sila ikasal.

Sa Sunstar.com, sa kawing na https://www.sunstar.com.ph/more-articles/tantingco-guagua-and-aurelio-tolentino#google_vignette na nalathala noong Enero 15, 2010 ay wala namang nakasulat na petsa ng kasal. Ito ang nakasulat: "He married fellow Kapampangan Natividad Hilario and had four children (Cesar, Corazon, Raquel and Leonor).  Only Raquel, now 97, is still alive and residing in Australia with son Rene Vincent." Subalit wala ang petsa kung kailan sila ikinasal.

Gayunpaman, mabuti't natagpuan natin ang ating hinahanap. Iyon ay nasa isang 11-pahinang dokumentong may pamagat na "Survival and Sovereignty: Forces on the Rise of Aurelio Tolentino's Novels" na inakda ni Ms. Loida L. Garcia ng Bataan Peninsula State University, na nasa kawing o link na https://papers.iafor.org/wp-content/uploads/papers/accs2019/ACCS2019_45346.pdf. Isa iyong mahalagang dokumento ng The Asian Conference on Cultural Studies noong 2019. 

Ayon sa pahina 3, sa unang pangungusap sa ikatlong talata ng nasabing dokumento ay nakatala: "Along with the stated reasons and more, Tolentino, recorded as newly married in 1907, opted to leave his birthplace and reside in Manila together with his family and venture into a printing press business for economic security."

Dahil wala namang nabanggit na nakapangasawa siya ng ibang babae bukod kay Natividad Hilario, 1907 siya ikinasal kay Natividad Hilario kung saan nagkaroon siya ng apat na anak. Wala mang tiyak na petsa subalit ang taon na ang siyang kasagutan sa typo error sa aklat na dapat maitama.

Kaya hindi 1918, kundi 1907 ikinasal si Tolentino, walong taon bago siya mamatay.

Sabado, Enero 3, 2026

Ang panulat na Baybayin, ayon kina Bonifacio at Rizal

ANG PANULAT NA BAYBAYIN, AYON KINA BONIFACIO AT RIZAL
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi nila tinawag na baybayin ang lumang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. Subalit mahihiwatigan agad na iyon ay Baybayin kung babasahin nating mabuti ang nilalaman ng mga sinulat ng ating mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Gat Jose Rizal.

Inilahad mismo iyon ni Bonifacio sa unang talata pa lamang ng kanyang akdang "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog". "Itong Katagalugan, na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila ay kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata’t matanda at sampu ng mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog."

Inilahad din ito ni Rizal sa ikadalawampu't limang kabanata ng Noli Me Tangere. Sa buod, nagsadya si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo at nakita niyang ito'y nagsusulat. Itinanong ni Ibarra kung bakit siya nagsusulat sa paraang hieroglipiko na hindi naman naiintindihan ng iba. Sinagot siya ni Pilosopo Tasyo na ito'y isinulat sa Pilipino na para sa susunod na henerasyon.

"At bakit kayo sumusulat kung ayaw ninyong mabasa?"

"Sapagkat hindi ako sumusulat ukol sa salinlahing ito. Sumusulat ako sa ibang panahon. Kapag nabasa ako ng salinlahing ito, susunugin nila ang mga aklat ko, ang ginawa ko sa buong buhay ko. Sa kabilang dako, ang salinlahing babasa sa titik kong ito ay isang salinlahing marunong, mauunawaan ako, at sasabihing: 'Hindi lahat ay natulog sa gabi ng ating mga ninuno!"...

"At sa anong wika kayo sumusulat?" tanong ni Ibarra nang tumigil ang matanda.

"Sa ating wika, sa Tagalog."

Kung aaralin natin ang ating kasaysayan, malinaw na tinutukoy ni Bonifacio sa "talagang panulat nating mga Tagalog" ay Baybatin. Habang sa nobela ni Rizal, ang hieroglipikong isinulat ni Pilosopo Tasyo ay Baybayin din, dahil sumusulat siya "sa ating wika, sa Tagalog."

Sa nobelang Tasyo ni Ed Aurelio C. Reyes, historyador at siyang pasimuno ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) kung saan kasapi ang inyong lingkod, tinalakay niyang Baybayin ang tinutukoy rito ni Pilospong Tasyo. At kaya Tasyo, ibig sabihin ay Tayo.

01.03.2026

Mga sanggunian:
aklat na Noli Me Tangere, salin ni V. S. Almario; ang orihinal na Kabanata 25 ay ginawa niyang Kabanata 26 dahil ang ipinalit ni Almario sa Kabanata 25 ay ang nawawalang ika-10 Kabanata na may pamagat na Elias at Salome, o ang kabanatang tinanggal noon ni Rizal upang mapagkasya ang bayad sa imprentahan

Biyernes, Enero 2, 2026

2026: Ika-120 anibersaryo ng kamatayan ng tatlong propagandista

2026: IKA-120 ANIBERSARYO NG KAMATAYAN NG TATLONG PROPAGANDISTA
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong bayaning Pilipino at magkakasama sa Kilusang Propagandista ang namatay noong 1896. Kaya ngayong 2016, gugunitain natin ang kanilang ika-120 anibersaryo ng kamatayan.

Ang tatlong bayaning propagandista ay sina Gat Graciano Lopez Jaena (Disyembre 18, 1856 - Enero 20, 1896), Gat Marcelo H. Del Pilar (Agosto 30, 1850 - Hulyo 4, 1896), at Gat Jose Rizal (Hunyo 19, 1861 - Disyembre 30, 1896). Ang naunang dalawa ay namatay sa sakit na tuberculosis sa Barcelona sa Espanya. Si Rizal naman ay umuwi ng bansa noong 1892, ipinatapon sa Dapitan, at pinatay sa pamamagitan ng firing squad sa Bagumbayan sa Maynila.

Sila ang mga nanguna sa Kilusang Propaganda sa Europa, partikular sa bansang Espanya. Bagamat may ilan pang propagandista na hindi gaanong sikat kumpara sa kanila, sa kasaysayan ng bansa, tulad ni Mariano Ponce.

Kaiba ang Kilusang Propaganda sa Katipunan, na naghangad ng ganap na kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya. Sa halip, hinangad ng Kilusang Propaganda na ang Pilipinas ay maging pormal na lalawigan ng Espanya. Ang Katipunan ay lumitaw bilang tugon sa pagkabigo ng Kilusang Propaganda na nakabase sa Espanya na makamit ang mga layunin nito.

Ang mga pangunahing layunin ng kilusan ay ang paghingi ng mga reporma sa Pilipinas, tulad ng pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga Pilipino at Kastila, representasyon sa Spanish Cortes (parlyamento), at pagtanggal sa mga prayleng Espanyol. Ipinahayag nila ang kanilang mga ideya sa pamamagitan ng mga magasin, pahayagan, tula, at mga polyeto, lalo na ang La Solidaridad.

Namatay si Graciano López Jaena dahil sa tuberkulosis (TB) noong Enero 20, 1896, sa Barcelona, ​​Espanya, sa edad na 39, pumanaw na nagdaralita at hindi na umano naibalik sa Pilipinas ang kanyang mga labi.

Namatay naman si Marcelo H. del Pilar dahil sa tuberkulosis (TB) sa Barcelona, ​​Espanya, noong Hulyo 4, 1896, habang nagtatrabaho bilang patnugot ng La Solidaridad, binawian ng buhay dahil sa sakit na nagpahina sa kanya sa kabila ng kanyang mga pagsisikap para sa mga reporma sa Pilipinas, at namatay nang walang pera malayo sa kanyang tahanan.

Si José Rizal, ang pambansang bayani ng Pilipinas, ay pinatay ng mga awtoridad ng kolonyal na Espanyol sa pamamagitan ng firing squad noong Disyembre 30, 1896, sa Bagumbayan (ngayon ay Rizal Park) sa Maynila, dahil sa akusasyon ng rebelyon sa kabila ng pagtataguyod ng mapayapang mga reporma, at ang kanyang pagkamartir ang nagbigay-inspirasyon sa Rebolusyong Pilipino at ginawa siyang isang pangmatagalang simbolo ng kalayaan.

Ngayong 2026, sa ika-120 anibersaryo ng kanilang kamatayan, bigyan natin sila ng pagpupugay. Bagamat mas pinatatampok natin ang pakikibaka ng Katipunan na pinangunahan nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, gunitain din natin ang mga sakripisyo ng mga nanguna sa Kilusang Propaganda.

* Ilang sanggunian:
aklat na A Question of Heroes (2021 Edition) ni Nick Joaquin