ANG TUGMAAN SA TULÂ KONG "PLUMA'T KWADERNO"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Sinubukan kong kumathâ ng tulang may iba't ibang tugmaan. Magkatugmâ ang dalawang magkakasunod na taludtod sa loob ng apat na saknong.
Inihalimbawà ko ang taludturan sa Shakespearean (English) sonnet at sa Petrarchan (Italian) sonnet. Sa Shakespearean ay may tugmaang A-B-A-B, C-D-C-D, E-F-E-F, at G-G, habang sa Petrarchan sonnet naman ay may tugmaang A-B-B-A, A-B-B-A, C-D-E, C-D-E.
Ang dalawang nabanggit ay soneto, o tulang may tugma't sukat at labing-apat na taludtod. Ang aking kinatha'y may labing-anim na taludtod sa apat na saknong.
Ang ginawà kong tugmaan sa tulang "Pluma't kwaderno" ay: A-A-B-B, C-C-D-D, E-E-F-F, at G-G-H-H. Narito ang nasabing tula:
PLUMA'T KWADERNO
palagi akong may dalang
pluma't kwaderno sa bulsa
at sa bag, lalo na't handang
magsulat ang mangangathâ
sa dadaluhan kong pulong
ay ilalabas na iyon
susulat ng katitikan
o mga napag-usapan
at sa paghabi ng kwento
at tulâ, handang totoo
itatala'y nasa isip
upang di iyon mawaglit
dinanas ng aping uri
dahil sa trapong kadiri
sa akda'y pinagbubuti
upang sa bayan magsilbi
Sa unang saknong, ang tugmaan ay A-A-B-B, magkatugmâ ang "dala" at "bulsa, habang magkatugmâ naman ang "handâ" at "mangangathâ". Pansinin, ang huling pantig ng "dala" at "handâ" ay may hulaping "ng". Hindi magkatugmâ ang "dalang" at "handang" na ginamit sa nasabing tulâ dahil hindi kasama sa huling pantig na "la" at "dâ" ang hulaping "ng" sa tugmaan.
Kayâ ang tugmaan ay hindi A-A-A-A kahit kapwa titik "a" ang dulo ng mga salitâ, kundi A-A-B-B dahil ang "dala" at "bulsa" ay walang impit sa dulo ng salitâ, habang ang "handâ" at "mangangathâ" ay may impit. Sa ating katutubong panulaan, hindi magkatugmâ ang salitang may impit at walang impit kahit pareho ang dulong titik, tulad ng "dugô" at "berdugo" ay hindi magkatugmâ.
Sa ikalawang saknong, ang tugmaang C-C-D-D. ay halatâ agad at madaling makita. Ang "pulong" at "iyon" ay magkatugmâ, at kapwa "an" ang dulo ng "katitikan" at "napag-usapan".
Sa ikatlong saknong, sa tugmaang E-E-F-F, ang "kwento" at "totoo" ay magkatugmâ. Ang "isip" at "mawaglit" kahit magkaiba ng dulong pantig na "ip" at "it" ay magkatugmâ, batay sa batas sa katutubong panulaan, na ang katinig na malakas na "B, K, D, G, P, S, T" ay magkatugmâ, habang magkatugmâ naman ang "L, M, N, NG, R, W, Y" na pawang katinig na mahina. Kayâ ang "balag" at "balam" ay hindi magkatugmâ, habang ang "bakas" at "bakat" ay magkatugmâ.
Sa ikaapat na saknong, ang tugmaan ay G-G-H-H, bagamat lahat ng salita ay nagtatapos sa titik "i". Ang salitang "uri" at "kadiri" ay magkatugmâ, at kapwa may impit, habang magkatugmâ rin ang walang impit na salitang "pinagbubuti" at "magsilbi". Hindi magkatugmâ ang "kadiri" at "magsilbi".
03.03.2026
