Huwebes, Oktubre 14, 2021

Kabataan, balisa sa climate crisis

MGA KABATAAN, NABABALISA SA HINAHARAP DAHIL SA MATINDING EPEKTO NG KRISIS SA KLIMA
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraang Setyembre 2021 ay nabalita ang pagkabalisa ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan mula sa iba't ibang bansa hinggil sa hinaharap o kanilang kinabukasan bunsod ng epekto ng pabago-bagong klima o climate change.

Tingnan muna natin ang pamagat ng mga balita bago natin iulat ang mga nilalaman niyon. Sa BBC news (bbc.com): "Climate change: Young people very worried - survey", Setyembre 14, 2021. Sa cnbc.com: "Nearly half of young people worldwide say climate change anxiety is affecting their daily life," Setyembre 14, 2021. Sa nature.com: "Young people's climate anxiety revealed in landmark survey," Setyembre 22, 2021.  Sa medicalnewstoday.com: "Eco-anxiety: 75% of young people says 'the future is frightening'", Setyembre 28, 2021. Nakababahala rin ang pamagat ng ulat ng The Guardian: "Four in 10 young people fear having children due to climate crisis," Setyembre 14, 2021.

Ayon sa BBC news, nagsagawa ng survey sa 10 bansa, na pinangunahan ng University of Bath sa pakikipagtulungan sa lima pang unibersidad. Ito'y pinondohan ng Avaaz, na isang campaign and research group. Sinasabi nila diumanong ito na ang pinakamalawak na survey na naisagawa, dahil tumugon ay nasa 10,000 kabataang nasa edad na 16 hanggang 25. Ayon naman sa The Guardian, "The poll of about 10,000 young people covered Australia, Brazil, Finland, France, India, Nigeria, the Philippines, Portugal, the UK and the US."

Sa ulat ng cnbc.com, pinangunahan ang pag-aaral ng mga akademiko mula sa Universty of Bath ng United Kingdom at ng Stanford Center for Innovation in Global Health, "among others... under peer review in The Lancet Planetary Health journal."

Ang pangunahing may-akda ng pag-aaral na si Caroline Hickman ng University of Bath ay nagsabi sa BBC News: "This shows eco-anxiety is not just for environmental destruction alone, but inextricably linked to government inaction on climate change. The young feel abandoned and betrayed by governments." Si Ms. Hickman ay mula rin sa University of Bath Climate Psychology Alliance.

Ayon naman kay Liz Marks na may-akda rin ng nasabing pag-aaral at senior lecturer sa University of Bath na nakabibiglang marinig o "shocking to hear how so many young people from around the world feel betrayed by those who are supposed to protect them." At idinagdag pa niya, "Now is the time to face the truth, listen to young people, and take urgent action against climate change." Marahil, di lang makinig kay Greta Thunberg ng Sweden, kundi sa lahat ng mga kabataan. Ayon nga sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kung saan ay matagal ko nang nakasama, na dapat magdeklara na ang gobyerno ng Pilipinas ng climate emergency at kumilos, lalo na ngayong siyam na taon na lang ang nalalabi bago mag-2030.

Matatandaang sinabi ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) noong Oktubre 2018 na may labindalawang taon na lang upang masagip ang mundo sa sitwasyong "point of no return". Ibig sabihin bago mag-2030, dapat magbawas ng emission o usok ang mga bansa upang di abutin ng mundo ang lampas ng 1.5 degrees pang lalong pag-iinit ng daigdig. Kung hindi'y maraming lugar ang lulubog sa tubig dulot ng climate change.

Sinabi naman ni Tom Burke ng think tank na grupong e3G: "It's rational for young people to be anxious. They're not just reading about climate change in the media - they're watching it unfold in front of their own eyes." 

Ayon pa sa mga may-akda, ang antas ng pagkabalisa ng mga kabataan "appear to be greatest in nations where government climate policies are considered weakest." Dagdag pa nila, "failure of governments on climate change maybe defined as cruelty under human rights legislation. Six young people are already taking the Portuguese government to court to argue this case." BBC News

Nabanggit ang Pilipinas sa ulat ng cnbc.news: "Young people from countries in the Global South expressed more worry about the climate crisis, with 92% in the Philippines describing the future as "frightening." Ang ulat na ito'y naging editoryal din ng Philippine Daily Inquirer kung saan ang pamagat ng editoryal ay "The future is frightening." (Oktubre 3, 2021)

Sa Medical News Today ay nakapanayam ang isang Pinay, at ito ang ulat: Mitzi Tan, a 23-year-old Philippina (Filipina) told the University of Bath: "I grew up being afraid of drowning in my own bedroom. Society tells me that this anxiety is an irrational fear that needs to be overcome - one that meditation and healthy coping mechanisms will 'fix.' At its root, our climate anxiety comes from this deep-set of betrayal because of government inaction. To truly address our growing climate anxiety, we need justice."

Mabigat ang huling salitang sinabi ng Pinay: JUSTICE, hindi just tiis. Kaya ang konsepto ng CLIMATE JUSTICE , na naging dahilan din ng pagkakatayo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) noong Hunyo 2010, ay aking niyakap. Hanggang ako'y maging bahagi ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Nobyembre 2014, at sa French Leg ng Climate Pilgrimage noong 2015.

Nais kong ibuod ang ulat sa pamamagitan ng tula.

KABATAAN, BALISA DAHIL SA KRISIS SA KLIMA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 14, 2021

sampung libong kabataan mula sa sampung bansa
o kaya'y sanlibong kabataan sa bawat bansa
ang kinapanayam hinggil sa klimang lumalala
mga tugon sa panayam ay nakababahala

kabataan ay binigo raw ng mga gobyerno
na dapat daw unang tumugon sa krisis na ito 
climate change ay isyu raw ng karapatang pantao
may mga kabataang handang magsampa ng kaso

kabataang balisa sa kanilang hinaharap
pulos pangako lang ba ang gobyernong mapagpanggap?
dahil sa krisis sa klima'y kayraming naghihirap
ngayon pa'y balisa ang kabataang may pangarap

takot ding magkaanak dahil sa krisis sa klima
kinabukasang nakakatakot ang nakikita
wala raw ginagawang sapat ang gobyerno nila
upang lutasin ang krisis na pandaigdigan na

sadyang nakababahala ang ganitong sitwasyon
bagamat may ginagawa ang ating henerasyon
siyam na taon pa, sa krisis ba'y makababangon
sa mga kabataang ito'y anong ating tugon

may hiling na magdeklara ng climate emergency
dito lang sa Pilipinas, ito na'y sinasabi
sana mga gobyerno'y di maging bulag, pipi't bingi
upang sa huli, ang buong mundo'y di magsisisi

Mga pinaghalawan:
https://www.nature.com/articles/d41586-021-02582-8
https://www.cnbc.com/amp/2021/09/14/young-people-say-climate-anxiety-is-affecting-their-daily-life.html
https://www.bbc.com/news/world-58549373
https://www.medicalnewstoday.com/articles/eco-anxiety-75-of-young-people-say-the-future-is-frightening
https://www.google.com/amp/s/amp.theguardian.com/environment/2021/sep/14/four-in-10-young-people-fear-having-children-due-to-climate-crisis
https://www.google.com/amp/s/www.euronews.com/green/amp/2021/09/14/climate-anxiety-as-global-study-reveals-three-in-four-young-people-think-the-future-is-fri

Lunes, Setyembre 20, 2021

Paalam, Nanay Sofia

PAALAM, NANAY SOFIA

Nitong Agosto 2021, dalawang magkapatid na pinsang buo ko at nanay nila na tiyahin ko ang sabay-sabay na namatay dahil sa COVID-19 sa Batangas. Sina Kuya Esmer Bituin, Ate Evelyn Bituin-Alipio, at Inay Charing Bituin.

Ngayong Setyembre 2021, nang umuwi ako ng La Trinidad, Benguet, kina misis, dalawa ang namatay na nagpositibo rin sa COVID. Si hipag Kokway o Engeline Talastas ay namatay noong Setyembre 14. Ang aking biyenan naman, si Nanay Sofia Talastas, ay kaninang madaling araw, Setyembre 20. Matagal na ring may thyroid cancer si Nanay at ayon kay misis ay kumalat na sa katawan. Dinala si Nanay sa Benguet General Hospital, nag-swab test, at nag-positive, pati na ang isa kong pamangking lalaki, si L.K.

Dinala naman kahapon ang isa ko pang pamangkin, si Nori, sa BenguetGen na binabantayan naman ng kanyang tatay, ni bayaw Demir.

Ah, napakatindi ng variant na ito ng COVID na tumama sa ating bansa.

Nagpa-swab test ako ng Setyembre 9 sa BenguetGen, nakuha ang resulta na positive ako sa COVID noong Setyembre 12, at kasalukuyang nasa kwarto, kabilin-bilinang di pwedeng lumabas at baka maimpeksyon. 

Ang dalawa kong pamangkin ay nasa ospital pa rin. Nawa'y lumakas na sila at gumaling na sa sakit. Kami na lang ni misis sa bahay.

Una naming pagkikita ni misis ay nitong Setyembre 3 nang sinundo ko siya sa Benguet General Hospital dahil nagpabakuna ng second dose kaya siya na ay fully vaccinated.

Kaya umuwi akong Benguet ay upang daluhan ang 68th birthday at thanksgiving ng aking biyenan nitong Setyembre 5. Nag-75th birthday naman ang aking ina nitong Setyembre 6. Oo, magkasunod sila ng birthday.

Sa ngayon, bilin ni misis na sa kwarto lang ako dahil positibo pa ako sa COVID, huwag lalabas. Mag-alkohol lagi at mag-face mask lagi kahit nasa bahay.

Mag-ingat po tayong lahat sa COVID. Huwag po itong ipagwalang bahala. Laging mag-fask, face shield at mag-alkohol. Social distancing po.

Ang litratong ito ang huling litrato namin ni Nanay Sofia na selfie noong kanyang kaarawan.

Martes, Setyembre 14, 2021

Kwento - Mataas na upa, sa iskwater tumira


MATAAS NA UPA, SA ISKWATER TUMIRA
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baguhan lang sa Maynila si Igme. Galing siyang lalawigan at lumuwas lang ng Maynila upang maghanap ng trabaho. Nakahanap naman ng trabaho si Igme. Hindi sa pabrika kundi bilang magbabasura. Iyon bang kumukuha ng basura sa bahay-bahay at inilalagay sa trak.

Gaano lang ang sinasahod ni Igme sa isang buwan. Sapat lang sa pagkain, na minsan ay kulang pa nga. Paano na ang pambayad sa upa sa bahay? Noong una ay nakipisan muna siya sa pamilya ng kanyang pinsan noong bagong salta pa lang siya sa lungsod. Subalit tila kinaiinisan na siya ng asawa ng kanyang pinsan kaya nagpasya siyang mangupahan na lang. Kaytataas ng mga upa ng kwarto. Kaya nag-bed spacer muna siya. Kahit paano ay kaya pa niya ang upa. Hanggang manligaw si Igme sa isang may di gaanong kagandahang dilag na nagtitinda ng gulay sa palengke. Nagkaibigan sila hanggang sila’y ikasal. Hindi na mag-isa si Igme sa kanyang kama, at di na bed-space, kundi kwarto na ang kanyang inupahan bilang mag-asawa. Mahal na ang upa. Hanggang sa abutan sila ng pandemya. Nawalan sila ng trabaho nang mag-lockdown.

Nang lumuwag na ang lockdown, nagbalik siya sa pagtatrabaho bilang basurero, habang ang buntis niyang asawa ay hindi na makapag-tinda sa palengke. Subalit tumutulong sa asawa sa pamamagitan ng paglalabada. Hindi naman maganda ang kinikita nilang dalawa, kaya napilitan si Igme na maghanap ng mauupahang mas mura hanggang mayaya siya ng kanyang mga katrabaho na magtayo ng barungbarong na pansamantala nilang matitirahan sa malapit sa tambakan ng basura. 

Doon muna sila pansamantalang nagtirik ng tirahan kasama ang kanyang mga katrabaho. Doon sa tabi ng tapunan ng basura ay libre silang makatira dahil walang upa, walang maniningil sa kanila. Kaya doon sila nagtayo ng kanilang paraiso - isang munting barungbarong.

Libre ang paninirahan. Walang upa. Libre rin ang magkasakit dahil nasa tabi ng basurahan. Marahil ay ganyan ang kapalaran ni Igme at ng iba pang mahihirap na tulad niya. Ayaw nila ng hirap, tulad ng marami sa atin. Nais nila ng ginhawa, tulad ng marami sa atin.  Subalit dahil sa mahal na upa ng kahit maliit na kwarto na hindi kaya ng kanilang sinasahod, napilitan silang tumira sa iskwater, sa tabi pa ng tambakan ng basura. Naalala ko tuloy ang awitin ni Gary Granada na may pamagat na “Bahay.” Tila ganuon ang nangyari kina Igme. Nagtayo ng tagpi-tagping barungbarong na pinatungan ng bato.

Hanggang magkasarilinan ang mag-asawa at nagkausap.

“Hanggang kailan ba tayo titira rito, Igme?” tanong ni Teresa. “Dito ba natin palalakihin ang ating mga magiging anak?”

Nakatunganga sa kawalan si Igme. Hindi niya mawari ang kanyang kapalaran. Ang nasabi na lang niya sa kanyang asawa na aalis din sila doon kung makakaluwag-luwag na sila. Naisip niyang umuwi sa lalawigan, ngunit anong trabaho ang madadatnan niya roon kundi magsaka na mas mabigat na trabaho kaysa pagtatapon ng basura.

“Kailan ba tayo makakaluwag-luwag? Kakarampot lang naman ang sinasahod mo, kontraktwal ka pa. Hindi pa sigurado kung kailan ka mareregular sa trabaho mo?” ungkat muli ng kanyang asawa.

“Hindi ko alam, Teresa. Basta ang alam ko, aalis tayo rito. Ayoko rin namang itira ka rito. Basta makaluwag-luwag tayo, hahanap ako ng mas maayos-ayos na kwartong uupahan natin. Basta hindi mahal o mataas ang presyo. Baka mapunta na lang sa upa ang sahod ko at hindi na tayo makakain.” Ito na lang ang malungkot na nasabi ni Igme.

“Makakaraos din tayo.” Muling sabi ni Igme sa kanyang asawa. Tila baga pagbibigay ng pag-asa sa walang kapaga-pag-asang kinabukasan.

“Tara, mahal ko, matulog muna tayo. Mag-aalas-dose na pala ng hatinggabi,” ang nasabi na lang ni Igme habang nakatitig sa kawalan.

Umalingawngaw sa di kalayuan ang isang mahinang awitin sa radyo. Tila ba batid ni Gary Granada ang kanilang sinapit. Hanggang unti-unting nakatulugan ni Igme ang pakikinig.

“Isang araw, ako'y nadalaw sa bahay-tambakan
Labinlimang mag-anak ang doo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barong-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansiyon, halos walang nakatira

Sa init ng tabla't karton, sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan, bakit ang tawag sa ganito ay bahay?

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan, ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam

Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
At ang pinagpala sa mundo, ang diyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito ay bahay.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Setyembre 1-15, 2021, pahina 16-17.

Martes, Agosto 24, 2021

Kwento - Dapat gawing pista opisyal ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig


DAPAT GAWING PISTA OPISYAL ANG MAKASAYSAYANG NAGSABADO SA PASIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kasamang Abner, saan ka nanggaling at mukhang pagod na pagod ka?” Tanong ni Crisanto nang dumating ito sa karinderya ni aling Magda upang mananghalian.

Tumugon si Abner, “Nilinis namin ang Plaza Bonifacio, pati paligid ng rebulto ni Hen. Valentin Cruz. Alam n’yo, malapit na ang pagdiriwang ng Nagsabado sa Pasig kaya ang aming grupong Kamalaysayan kasama ang ibang history group ay magsasagawa ng pag-alala sa nasabing makasaysayang pangyayari sa ating bayan sa Agosto 29.”

“Anong uulamin mo, Abner?” Tanong ni aling Magda.

“Ito pong adobo, Manang Magda.” Tugon ni Abner.

“Mabuti’t nilinis n’yo uli iyan. Dapat nga’y pista opisyal na sa ating bansa iyang Nagsabado, kundi man kahit dito man lang sa Pasig.” Ani aling Magda habang iniaabot kay Abner ang order nitong ulam.

Sumabat si Crisanto na tinolang manok ang pananghalian. “Batid ko rin ang pangyayaring iyan. Sa kasaysayan ay iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga Kastila, hindi ba?”

“Aba’y oo. Sa katunayan, noong Mayo 1896, ay diyan sa bahay ni Heneral Valentin Cruz inilunsad ang pulong nina Gat Andres Bonifacio at iba pang Katipunero na tinawag nilang Asamblea Magna kung saan kasama rin sa pulong si Heneral Emilio Aguinaldo. Sa ilog na Bitukang Manok naman nagpulong sakay ng 17 bangka ang mga rebolusyonaryo sa pamumuno ni Bonifacio upang pag-usapan ang mga balak nilang pagsalakay sa mga kwartel ng Kastila.” Ani Abner.

Nagtanong si Lena, anak ni aling Magda, “Narinig ko na rin po iyan, na kinwento ng tito ko. Sino nga po pala ‘yung nag-interbyu kay Valentin Cruz? Nakalimutan ko na po?”

“Si Ginoong Carlos Tech ang tinutukoy mo, Ineng,” ani Abner. “historyador siya ng Pasig. Isinulat ni Ginoong Tech sa salaysay niyang may petsang Oktubre 8, 1956, na kanyang nakapanayam si Heneral Valentin Cruz, isa sa mga heneral ng Katipunan na kasama ni Bonifacio. Nakatala roong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, pinangunahan ni Heneral Cruz ang kanyang mga tauhan, humigit-kumulang dalawang libong Pasigueño, sa pag-atake sa punong himpilan ng mga guwardiya sibil. Iyon ang unang makasaysayang tagumpay ng Katipunan.”

Idinagdag pa ni Abner, “Nakakumpiska ang mga Katipunero ng tatlong Remington at labimpitong ripleng "de piston". Ayon sa ulat, ang mga Pasigueño ay nagmula sa mga baryo ng Kapasigan, Palatiw, Maybunga, Rosario, Caniogan, Bagong Ilog, Pineda, at Ugong. Sumama rin sila kay Bonifacio sa San Juan sa labanang tinaguriang Pinaglabanan. May iba pang pangkat ng Pasigueñong naiulat pang nakasama sa mga pag-atake ng iba pang mga yunit ng Katipunan sa labas ng Maynila.”

“Salamat po, Kuya Abner, sa paliwanag.” Ani Lena.

Nagsalita uli si Aling Magda. “Maganda ang iyong paliwanag. Subalit ang nais ko’y maisabatas iyan at maging pista opisyal dahil nga iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero. Ano kaya ang magandang gawin natin? Maganda sana’y makausap natin sina Kongresman.”

Napaisip si Abner, “Sige po, kakausapin ko ang mga kasama ko kung anong magandang gawin. Salamat po sa mungkahi.”

Sumabat muli si Crisanto na tapos nang kumain at umiinom na ng palamig, “Sana, bago kayo magdiwang sa Nagsabadong iyan ay gumawa na kayo ng signature campaign upang ideklara ng pamahalaan na maging pista opisyal na ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig.”

Si Lena, “Papadaluhin ko rin po ang aking mga kaibigan at kaklase upang masaksihan ang pagdiriwang at makapakinig kaming mabuti.”

“Maraming salamat,” ani Abner. “Han’yo’t iimbitahan ko kayo pag naisaayos na namin ang programa. At magsusulat na rin kami ng petisyon upang lagdaan ng mga dadalo at makapagdala rin sila ng kopya ng petisyon upang makapagpapirma kahit sa hindi taga-Pasig.”

Dumating ang ika-29 ng Agosto. Nagkaroon ng maikling programa sa Plaza Bonifacio kung saan ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig. May mga lamesa rin doon kung saan lalagdaan ang petisyon nilang maging pista opisyal ang Nagsabado. Umaasa silang dumami ang mga lagdang makakalap upang maibigay sa mayor nila, sa kongresista at sa pangulo upang maging ganap na batas.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Biyernes, Agosto 20, 2021

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina XI hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021

Biyernes, Hulyo 2, 2021

Pagpapatakbo at pamamalakad

PAGPAPATAKBO AT PAMAMALAKAD

Alam nating iba ang TAKBO sa LAKAD. Ang takbo ay mabilis, ang lakad ay hindi mabilis. Ang isang kilometrong takbo ay baka makuha mo ng limang minuto. Subalit mahigit dalawampung minuto kung lalakarin mo ang isang kilometro. Tantiya ko lang ito.

Ngunit nag-iiba pala ang kahulugan ng salita pag nilagyan na ng panlapi. Nakita ko ito sa isang Pinoy krosword puzzle. Tingnan ang 7 Pababa ng litratong ito.

Magsingkahulugan ang PAGPAPATAKBO sa PAMAMALAKAD. Hinggil ito sa pamamahala ng grupo ng tao, samahan, kumpanya, opisina, liga, partido o anumang aktibidad.

Dahil sa panlapi, nag-iiba ang gamit ng salita. Sa ganitong kalagayan lang marahil nagiging magsingkahulugan ang TAKBO at LAKAD.

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Hulyo 1, 2021

Bukrebyu: Ang aklat na "100 Tula ni Bela"




BUKREBYU: ANG AKLAT NA "100 TULA NI BELA"
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang talagang hinahanap kong aklat, bukod sa pelikula, ay yaong may pamagat na "100 Tula Para Kay Stella". Nakita ko na iyon sa Fully Booked sa Gateway sa Cubao, subalit hindi ko binili dahil nagkataong wala akong sapat na salapi ng araw na iyon. Ilang araw pa ang lumipas nang mapadaan muli sa Fully Booked at bigla kong naalala ang librong iyon. Kaya sinilip ko kung naroon pa ang aklat na iyon subalit wala na.

Isa iyon sa mga nais kong mabasa, at maisama sa mga koleksyon ko ng aklatula o petry book, para sa munti kong aklatan. Nag-ikot ako sa ibang book store subalit wala.

Hanggang isang araw, napadaan ako sa Book Sale sa Farmers' Plaza, at nakita ko ang aklat na "100 Tula ni Bela", na sinulat ng aktres na si Bela Padilla, na siya ring aktres na gumanap sa pelikulang "100 Tula Para Kay Stella". Binili ko agad ang aklat na "100 Tula ni Bela" sa halagang P110.00, nasa 112 pahina. Ang petsa nang binili ko iyon ay Nobyembre 24, 2020, na kadalasang isinusulat ko sa mga aklat na aking nabili. Petsa, presyo, at kung saang book store ko binili. Nakaugalian ko na iyon, upang malaman ko kung saan at kailan ko ba nabili ang isang libro at kung magkano ko iyon binili.

Laking tuwa kong mabili ang aklat na iyon, bagamat sa kalaunan ay nahimasmasan ako. Iba palang libro ito. 100 Tula ni Bela. Hindi ang hinahanap kong "100 Tula Para Kay Stella". Gayunpaman, binasa ko pa rin. Maganda ang kanyang mga isinulat na tula. Tunay na pagpapahayag ng kanyang damdamin sa simpleng pamamaraan.

Ang librong iyon ang inspirasyon ko upang gawin din ang 100 Tula Para Kay Liberty, na siyang napili kong pamagat ng aklat. O kung isasalin sa Ingles ay 100 Poems for Liberty, na pag isinalin sa wikang Filipino ay 100 Tula Para sa Kalayaan. Oo, 100 Tula Para Kay Liberty, dahil Liberty ang pangalan ni misis. Datapwat iilan lamang ang mga tula ko sa Ingles.

Hindi ko alam kung kailan ko matatagpuan ang aklat na "100 Tula Para Kay Stella" upang maisama sa aking mga collector's item, at mabasa na rin. Gayunman, patuloy kong ginagawa ang aking planong 100 tula para kay esmi.

Mapapansing maiikli ang mga tula ni Bela. Sa bawat tula sa librong "100 Tula ni Bela" ay may mga litrato kung saan nakapatong doon ang mumunting hiyas ng puso't diwa ni Bela Padilla. At paurong ang bilang, dahil sinimulan sa libro ang Tula 100, sunod ay Tula 99, at nagtapos sa Tula 1. May mga tulang nakasulat sa Ingles at karamihan ay nasa wikang Filipino. Pampakilig sa mga binata ang kanyang mga tula. Bagamat may lalim din ang pananalinghaga ng dalaga. Marami ring mga hugot na talaga mong madarama, na tila ba pinatatamaan ka ng kanyang pananalita.

Namnamin mo ang ilan sa mga tula niyang ito. Kahanga-hanga ang mga hugot at palaisipang mula sa kanyng puso'y tunay nating mararamdaman.

Tula 26:

BEATIFUL DEATH

I'm pleased to know that after my life
I still serve a purpose.
When you come home at night and you look at me,
I feel like I did something selfless.
Maybe the pain of my death was meant to be.
To take your sorrows away.
To make you happy.

Tula 42:

REBULTO

Magdamag na nakatindig,
nakikita mo ang lahat.
Ang buhay naming mga dumadaan
na iba't iba ang pamagat.
Buti nalang wala kang nararamdaman
dahil wala ka namang puso.
Kung hindi masasaktan ka sa amin,
ako'y sigurado.
Naiinggit ako sayo,
dahil wala kang kaalam-alam.
Di mo alam ang tamis ng pagmamahal
at ang kirot ng salitang paalam.

Hindi ko pupunahin ang istruktura ng kanyang pananaludtod, o pawang vers libre ang kanyang mga tula, mga malayang taludturang tumatagos sa mambabasa, dahil ika nga, ang tula ay mula sa puso, inihahayag sa pamamagitan ng mga titik, at hindi maaaring basta ikulong na lang sa tugma't sukat. Iba iyon sa aking pagtula, pagkat kadalasang bawat tula ko'y nakabartolina sa tugma't sukat.

Maganda ang pagkakabalangkas ng kanyang Tula 17 na masasabi mo talagang maaari siyang ihanay sa iba pang magagaling na makata sa Ingles. Halina't namnamin ang ganda ng kanyang pananaludtod.

Tula 17:

MYRIAD

Sometimes plenty,
mostly few.
Sometimes happy,
mostly blue.
Sometimes taunting,
mostly true.
Sometimes me,
mostly you.

Gayunpaman, marahil ay inspirasyon ni Bela ang pelikula niyang ginampanan upang mabuo ang sarili niyang bersyon ng 100 Tula. Mabuhay ka, Bela Padilla, at ang iyong mga malikhang obra.

07.01.2021