Lunes, Marso 23, 2009

Ang Makatang Andres Bonifacio

ANG MAKATANG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi mapasusubaling isa ring makata si Gat Andres Bonifacio. May anim siyang tula, kasama na ang dalawang taludtod na tulang Mi Abanico na isinulat niya sa wikang Kastila. Ang iba pa'y ang Tapunan ng Lingap, Ang mga Cazadores, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan, Katapusang Hibik ng Filipinas, at ang Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal.

Ang tulang Mi Abanico ay mula sa ulat ng isang E. Arsenio Manuel, na "diumano'y nilikha ni Bonifacio noong bata pa at nakakanta pa ng kapatid na si Espiridiona nang kapanayamin ni Manuel." Aba, di lang pala simpleng tula sa wikang Kastila ang nalikha ni Bonifacio kundi awit.

Ang tulang Tapunan ng Lingap ay panawagan ni Bonifacio sa mga kababayan na huwag matakot sa pakikibaka, at tapunan nawa sila ng paglingap ng Bathala, na kaiba sa Diyos ng mga mananakop. Kung pagbabatayan ang isinulat ni Bonifacio sa sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog", hindi ang Diyos ng mga Kastila o ng Katolisismo ang hininingan niya ng paglingap kundi ang katutubong Bathala ng mga Pilipino bago pa dumating ang mga mananakop. Kanya ngang isinulat sa "Ang Dapat Mabatid..." sa ikatlong talata: "Iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan." Pumapatungkol ito sa mga Kastila, batay sa naunang dalawang talata.

Sa tulang Ang Mga Cazadores, inilarawan ni Bonifacio ang kalupitan ng mga kastila, na ginagamit ang awtoridad upang mang-umit ng manok at baka ng mga Pilipino, sinasaliksik ang mga kabahayan upang nakawan ng pilak at alahas, at panghahalay ng mga babae. Ayon nga sa ikalimang saknong, ikatlo't ikaapat na taludtod: "Walang nalalabi sa pag-aagawan ng mga Kastila kung matatagpuan."

Sa dalumat ni Bonifacio sa mahabang tulang Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay tunay na pagmamahal sa bayang tinubuan ang tunay na pag-ibig, Tila pag-alingawngaw din ito sa ikalawang hanay ng kanyang akdang may pamagat na "Katungkulang Gagawin ng mga Z.LL.B.": "2. Gunamgunamin sa sarili tuwina na ang matapat na pagsampalataya sa kanya ang ang pag-ibig sa lupang tinubuan sapagkat ito ang tunay na pag-ibig sa kapwa."

Ang Katapusang Hibik ng Filipinas ang ikatlo at huli sa tatlong animo'y magkakarugtong na tula ng tatlong makata. Ang una'y ang "Hibik ng Filipinas sa Ynang Espana" ni Hermenegildo Flores, ang ikalawa'y ang "Sagot ng Espanya sa Hibik ng Filipinas" ni Marcelo H. del Pilar, at ang ikatlo't pangwakas na tula'y ang "Katapusang Hibik ng Filipinas" ni Andres Bonifacio. Ang sinimulang tula ni Flores ay sinagot ni Del Pilar at sinagot din ni Bonifacio.

Ang Huling Paalam naman ang salin ni Bonifacio sa tulang Mi Ultimo Adios ni Rizal. Ito ang huling tula ni Rizal bago siya bitayin ng mga Kastila, at marahil ay ito rin ang huling tulang ginawa ni Bonifacio bago siya paslangin ng mga kababayan. Ang tula ni Rizal ay binubuo ng 14 na saknong na may limang taludtod bawat saknong, habang ang pagkakasalin ni Bonifacio sa Tagalog ay binubuo ng 28 saknong na ang bawat saknong ay may apat na taludtod. Ang isang saknong ni Rizal ay ginawang dalawang saknong ni Bonifacio.

Hinggil sa pagkakaayos ng tula o istruktura nito, mapapansing marunong si Bonifacio ng katutubong tugma't sukat, at ginamit niya ang palasak noong anyo ng pagtulang sinimulan ni Balagtas sa obra nitong Florante at Laura.

Maliban sa kanyang tula sa wikang Kastila, ang nasaliksik at natipong lima niyang tula ay sumusunod sa padron na labindalawang pantig bawat taludtod, bawat saknong ay may apat na taludtod, at pawang mahahaba ang kanyang mga tula, mula pitong saknong pataas.

Ang Tapunan ng Lingap ay may sampung saknong, Ang mga Cazadores ay may pitong saknong, Pag-ibig sa Tinubuang Bayan ay may 28 saknong, Katapusang Hibik ng Filipinas ay may 14 saknong, at Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal, na salin ng Mi Ultimo Adios ay may 28 saknong.

Sa akdang Arte metrica del tagalog ni Jose Rizal, tinalakay niya ang sining ng tugma at sukat sa Tagalog. Ito'y isinalin sa wikang Filipino ng Jose Rizal Centennial Commission mula sa wikang Espanyol. Orihinal na isinulat ito ni Rizal sa wikang Aleman, at siya rin ang nagsalin sa Espanyol. Ang akdang ito'y binasa ni Rizal sa Sociedad Etnografica sa Berlin noong Abril 1887. Nalathala ito ng nasabing samahan nang taon ding yaon.

Natalakay na natin sa itaas ang sukat ng mga taludtod na ginamit ni Bonifacio sa lahat ng kanyang tulang nasa wikang Tagalog na pawang lalabindalawahing pantig bawat taludtod. Dagdag pa rito, bawat taludtod ay may impit o sesura sa gitna o ikaanim na pantig.

Tingnan natin ang kanyang mga tugmaan. Ayon kay Rizal, sa mga salitang nagtatapos sa patinig, magkatugma ang may impit at magkatugma rin ang walang impit. Kaya ang salitang "dugo" at "berdugo" ay hindi magkatugma, dahil ang "dugo" ay may impit habang wala naman ang "berdugo" kahit na pareho itong nagtatapos sa titik "o". Gayundin naman, hindi magkatugma ang "mata" at "dukha" at ang katugma ng "dukha" ay "dalita".

Sang-ayon pa kay Rizal, may dalawang uri ng tugmaan na nagtatapos sa katinig - ang katinig na malakas at ang katinig na mahina. Magkatugma ang mga katinig na malakas na nagtatapos sa b, d, g, k, p, s, at t. Kaya magkatugma ang salitang "loob" at "lubos", pati na ang "patid" at "hapis".

Magkakatugma naman ang mga katinig na mahina na nagtatapos sa l, m, n, ng, y, w, at wala namang nagtatapos sa titik na r at h.

Gayunman, sa isang pag-aaral sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), isang pambansang samahan ng mga makata sa wikang Filipino, ang titik na r ay kasama sa mga katinig na mahina. Halimbawa, "pader" at "dingding".

Suriin natin ang ilang saknong sa mga tula ni Bonifacio batay sa pagtalakay ni Rizal sa usapin ng tugmaang patinig sa tulang Tagalog.

"Aling pag-ibig pa ang hihit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinub'ang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

"At ating lisanin ang dating ugali
Na ikinasira ng taas ng uri,
Ang bayang Tagalog ay may asal dili
Ang puring nilupig ng bakang maputi."
- ikatlong saknong ng tulang "Tapunan ng Lingap"

"Matining na tunog ako sa dinig mo,
ilaw, mga kulay, masamyong pabango,
ang ugong at awit, paghibik sa iyo,
pag-asang dalisay ng pananalig ko!"
- ika-24na saknong ng tulang "Huling Paalam ni Dr. Jose Rizal"

Sa tugmaang katinig naman ay ang mga sumusunod:

"Walang isinuway kaming iyong anak,
Sa bagyong masasal ng salita't hirap,
Iisa ang puso nitong Filipinas
At ikaw ay di na Ina naming lahat."
- ikalawang saknong ng tulang "Katapusang Hibik ng Filipinas"

"Buong kabahayan ay sinasaliksik,
Pilak na makita sa bulsa ang silid;
Gayon ang alahas at piniling damit
Katulad ay sisiw sa limbas dinagit."
- ikatlong saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

"Tubig n'yang malinaw na anaki'y bubog,
Bukal sa batisang nagkalat sa bundok,
Malambot na huni ng matuling agos
Na nakaaaliw sa pusong may lungkot."
- ika-12 saknong ng tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan"

Ginamit din ni Bonifacio ang iisang katinig lamang sa tugmaan, tulad nito:

"Lahat ng makita nilang maggagatas
Agad haharangin, dada'nin sa bulas,
Tuloy lalaklakin ng mga dulingas
Anupa nga't wala nang pinalalampas."
- ikaanim na saknong ng tulang "Ang mga Cazadores"

Ang tamang paggamit mismo ni Bonifacio sa sukat at tugma, at kaalaman sa pagtutugma ng tulang katinig, ay patunay na sadyang alam ni Bonifacio ang tugma at sukat sa tulang Tagalog, at masasabi natin isa siyang ganap na makata.

Lima lamang ang tulang Tagalog ni Bonifacio yaong nasaliksik, nalathala, at natipon. Marahil, marami pa siyang naisulat na tula ngunit hindi na ito nalathala at natipon at nawala na lamang sa pagdaan ng panahon, ngunit naiwan naman ang mga tulang tunay na nakapagpapaalab sa damdamin ng sinumang taong nagnanais na makaalpas sa kamay ng mga mananakop. Mga tula itong tunay na lantay na gintong hindi kukupas sa pagdaan pa ng ilangdaang taon.

Mga pinaghalawan ng datos:
(1) Anim na tula ni Bonifacio, mula sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1986) ni Virgilio S. Almario, mp. 137-150
(2) Ang Sining ng Tugma at Sulat sa Tagalog, ni Jose P. Rizal, mula sa aklat na Poetikang Tagalog, mp. 47-57

Lunes, Marso 9, 2009

Ang Awiting "BABAE" ng Inang Laya

ANG AWITING “BABAE” NG INANG LAYA
ni Greg Bituin Jr.

Isa sa inaawit lagi ng Teatro Pabrika sa mga rali, lalo na pag Marso 8, Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, ang awiting "Babae" ng grupong Inang Laya. Mapagmulat. At magaling ang pagkakahanay ng mga pangalan. Alam na alam nila ang kanilang tinutukoy. Ang mga babaeng mahihina sa awit ay tumutukoy sa mga inimbentong pangalan, habang ang mga babaeng palaban at may paninindigan ay batay naman sa mga totoong tao, mga babaeng nagsakripisyo para sa kalayaan ng bayan. Halina't suriin natin at damahin ang awiting "Babae".

Babae
Awit ng Inang Laya

Kayo ba ang mga Maria Clara
Mga Hule at mga Sisa
Na di marunong na lumaban?
Kaapiha’y bakit iniluluha?
Mga babae, kayo ba’y sadyang mahina?

Kayo ba ang mga Cinderella
Na lalake, ang tanging pag-asa?
Kayo nga ba ang mga Nena
Na katawan ay ibinebenta?
Mga babae, kayo ba’y sadyang pangkama?

Ang ating isip ay buksan
At lipuna’y pag-aralan,
Ang nahubog ninyong isipan
At tanggaping kayo’y mga libangan
Mga babae, ito nga ba’y kapalaran?

Bakit ba mayroong mga Gabriela
Mga Teresa at Tandang Sora
Na di umasa sa luha’t awa?
Sila’y nagsipaghawak ng sandata
Nakilaban, ang mithiin ay lumaya.

Bakit ba mayrong mga Lisa
Mga Liliosa at mga Lorena
Na di natakot makibaka
At ngayo’y marami nang kasama?
Mga babae, ang mithiin ay lumaya!

Pagtatanong ang padron ng awit. Tinatanong nila ang mga kababaihan kung kaninong mga sikat na babae sila maaaring ikumpara.

Kapansin-pansin na sa limang saknong ng awit, ang unang dalawang saknong ay pawang negatibo para sa kababaihan - di marunong lumaban, lumuluha, mahihina, lalaki ang tanging pag-asa, ibinebenta ang katawan, sadyang pangkama. Ngunit ang matingkad dito, ang mga kahinaang ito ng babae ay batay sa mga sikat ngunit imbentong pangalan. Ang unang saknong ay mula sa nobela ni Rizal, habang ang ikalawang saknong naman ay mula sa isang fairy tale at isang awit. Di kaya dapat iprotesta ng mga kababaihan ang mga nobela ni Rizal dahil inilalarawan sila dito bilang mahihinang nilalang?

Sa huling dalawang saknong, pawang totoong babae na sa kasaysayan ang nakahanay. Sa ikaapat na saknong ay mga bayani ng panahon ng pakikibaka sa mga Kastila, sina Gabriela Silang ng Ilocos, si Teresa Magbanua ng Iloilo, at si Melchora Aquino o Tandang Sora sa Maynila. Habang sa ikalimang saknong ay mga martir na babae sa panahon ng batas-militar, sina Lisa Balando, Liliosa Hilao at Lorena Barros.

Sa kabuuan, magaling sa propaganda ang nag-compose ng awit kung pagbabatayan ang mga pangalan ng mga babae. Ang kahinaan ng kababaihan ay mula sa mga babaeng inimbento habang ang kanilang kalakasan naman ay mula sa halimbawa ng mga totoong babae sa kasaysayan. Kaya kung "ang isip ay bubuksan, lipuna'y pag-aralan" tulad ng sinasabi sa ikatlong saknong, mahuhubog ang kanilang isipan na hindi ang mga popular na babae sa nobela ni Rizal ang halimbawa ng kababaihan, kundi ang mga bayaning babae sa kasaysayan.

Martes, Pebrero 3, 2009

Ang Pulang Pasyon

ANG PULANG PASYON
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 14, Marso 2004, pahina 7


Isa sa pinakamahalagang ambag sa paglaganap ng sosyalismo sa Pilipinas ang Pasion ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na sinulat ni Lino Gopez Dizon noong 1936. Tinatawag din itong Pulang Pasyon dahil sa paglalantad nito ng mga katiwalian sa lipunan at panawagang baguhin ang bulok na sistemang kapitalismo. Tulad ng orihinal na pasyon, ang Pulang Pasyon ay nasa anyong dalit (tulang may walong pantig bawat taludtod) at may limang taludtod bawat saknong. Nasusulat ito sa Kapampangan, merong 794 na saknong (3,970 taludtod) at binubuo ng tatlumpung kabanata. Umaabot ito ng 108 pahina kung saan ang orihinal na bersyong Kapampangan ay may katapat na salin sa Tagalog. Sa haba nito, halos dalawang araw itong inaawit sa Pabasa pag mahal na araw. Sa Pulang Pasyon, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng krus ng kahirapan, na nananawagan ng pagkakaisa ng uring manggagawa at pagbabalikwas laban sa kapitalismo.

Lumaganap ang Pulang Pasyon sa maraming bahagi ng Pampanga noong 1930s at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Hanggang sa ang pagbasa nito’y ipinagbawal at sinumang may hawak nito’y pinagbantaang darakpin at ikukulong. Kaya ang iba’y ibinaon sa lupa ang kanilang mga kopya. Ngunit may ilang liblib na baryo sa Pampanga ang binabasa pa rin hanggang ngayon ang ilang bahagi ng Pulang Pasyon tuwing mahal na araw. Nasulat ang Pulang Pasyon sa panahong umiiral pa ang Partido Socialista ng Pilipinas (PSP) bago pa nagsanib ang PSP at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Makikita sa Pulang Pasyon ang pagsasanib ng dalawang pananaw: ang Kristyanismo at ang Sosyalismo. May katwiran ang ganito pagkat sa matagal na panahon sa kasaysayan ng Pilipinas, ginamit ng mayayaman, gubyerno at simbahan ang Kristyanismo bilang instrumento ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga maliliit, laluna sa mga manggagawa't dukha.

Ayon nga sa isang lider-rebolusyonaryo, "Kung tatanggalin sa Bibliya ang tabing ng mistisismo na pinambalot dito ng Simbahan, matutuklasan mo ang maraming ideya ng Sosyalismo."

Bagamat hindi hinggil kay Kristo ang Pulang Pasyon, naroon siya sa introduksyon kung saan tinalakay ang kalbaryo ng mga naghihirap na "talapagobra" o manggagawa. Katunayan, ang pamagat ng Kabanata I ay “Si Kristo ay Sosyalista”, ang Kabanata IV naman ay “Laban kay Hesukristo ang Pamahalaang Kapitalista”. Ang Pulang Pasyon, bilang isa ring malalimang pagsusuri sa sistemang kapitalismo, ay nagpapaliwanag na ang mga nangyayaring kaguluhan sa lipunan ay di gawa-gawa ng mga "leptis" (makakaliwa) kundi bunga ng pang-aapi't pagsasamantala.

Mahigpit ding tinuligsa ng Pulang Pasyon ang gobyerno’t simbahan, pagkat bukod sa pagkampi sa mayayaman, sila rin ang nagdulot ng matinding kahirapan sa mga gumagawa ng yaman ng lipunan. Patunay ang Kabanata VI – “Ang Papa, Kalaban ang Mahihirap” at Kabanata XIII – “Ang mga Kura at Pari ang Nagpapatay sa mga Bayani ng Pilipinas”.

Makikita ang prinsipyong sosyalista sa bawat kabanata ng Pulang Pasyon, tulad ng apoy ng himagsik laban sa bulok na sistema, tunggalian ng uri, at ang tungkulin ng manggagawa bilang sepulturero ng kapitalismo. Tunghayan natin ang ilan sa mga pamagat ng bawat kabanata: Kabanata X – “Ang Kapitalismo ang Pinagbuhatan ng Gutom, Gulo at Patayan”; Kabanata XV – “Ang Kaligtasan ng Manggagawa Galing Din sa Kanila”; Kabanata XXI – “Sino ang Nagpapasilang ng Rebolusyon?”; Kabanata XXVI – “Karamihan sa mga Dukha Di Namamatay sa Sakit – Namamatay sa Kahirapan”; Kabanata XXVII – “Di Hamak na Mahalaga ang Kalabaw Kaysa Kapitalistang Nabubuhay sa Hindi Niya Pinagpawisan”; at Kabanata XXVIII – “Hindi Tamad ang mga Manggagawa”.

Halina’t ating basahin ang ilang saknong sa Pulang Pasyon.

Saknong 14 – Hinggil sa pagtanghal kay Kristo bilang sosyalista:

Manibat king pungul ya pa
Mibait at meragul ya
Anga iniang camate na,
Iting guinu mekilala
Talaga yang socialista.
(Mula nang sanggol pa
Pinanganak at lumaki siya
Hanggang sa mamatay na
Panginoo’y nakilala
Tunay siyang sosyalista.)


Saknong 243 – Hinggil sa tunggalian ng uri at rebolusyon:

Ngening ilang panibatan
Ning danup ampon caguluan
Calulu mipacde tangan
Isaldac la ring mayaman
Itang talan cayupapan.
(Kung sila ang pinagbuhatan
Ng kagutuman at kaguluhan
Gumising tayo mahihirap,
Ibagsak ang mayayaman
Hawakan natin ang kapangyarihan.)


Saknong 514 – Kung saan napunta ang bunga ng paggawa:

Sasabian ding socialista
Ing angang bunga ning obra
King capital metipun na,
Gabun, cabiayan, at cualta
Kimcam ding capitalista.
(Sinasabi ng mga sosyalista
Lahat ng bunga ng paggawa
Naipon na sa kapital,
Lupa, kabuhayan at pera
Kinamkam ng mga kapitalista.)


Saknong 534 – Hinggil sa kabulukan ng sistema ng lipunan:

Uling ing kecong sistema
Sistema capitalista
Pete yu ing democracia
Ing malda mecalinguan ya
Mi-favor la ring macualta.
(Dahil ang inyong sistema
Sistemang kapitalista
Pinatay n’yo ang demokrasya
Kinalimutan ang madla
Pumabor sa makwarta.)


Saknong 791 – Panawagan sa manggagawa bilang uri:

Ibangan taya ing uri
Sicmal da ding masalapi
A ligmuc da king pusali
Alang-alang caring bini
Caring anac tang tutuki.
(Ibangon natin ang uri
Na sinakmal ng mga masalapi
At inilugmok sa pusali
Alang-alang sa mga binhi
Sa mga anak nating darating.)


Ang Pulang Pasyon ay muling inilathala ng University of the Philippines Press sa aklat na “Mga Tinig Mula sa Ibaba” (Kasaysayan ng Partido Komunista ng Pilipinas at Partido Socialista ng Pilipinas sa Awit, 1930-1955) ni Teresita Gimenez Maceda.

Panitikang Sosyalista sa Pilipinas

PANITIKANG SOSYALISTA SA PILIPINAS
ni Greg Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 13, Pebrero 2004, pahina 7

Ang artikulong ito'y isang panimula sa isang malaliman at mahabang pag-aaral, pananaliksik at pagtalakay sa pag-usbong ng panitikang sosyalista sa Pilipinas. Marami pang mga dapat saliksikin at basahing mga panitikang sosyalista na gumiya at nagmulat sa mga manggagawa.

Mahalaga, hindi lamang noon, kundi magpahanggang ngayon, ang pag-aralan ang panitikan, dahil ito'y repleksyon ng umiiral na sistema at kultura ng panahong isinulat iyon. Ang panitikan ay nagsilbing daluyan ng pagmumulat at isa sa mga epektibong paraan ng pagkokomento sa lipunan at pagpoprotesta laban sa inhustisya. Ang ilan sa mga panitikang ito'y epiko, korido, tula, dula, pabula, parabula, kwentong bayan, at awit.

Ang kauna-unahang nobelang sosyalista sa Pilipinas ay ang Banaag at Sikat na sinulat ni Lope K. Santos, isang manunulat at lider ng Union del Trabajo de Filipinas (UTF). Dalawang taon itong sinerye sa arawang pahayagang Muling Pagsilang noong 1905, kung saan nakatulong ito sa pagmumulat ng mga manggagawa. Nalathala ito bilang isang aklat noong 1906.

Ayon sa manunulat na si Alfredo Saulo, "Si Crisanto Evangelista noo'y isang lider ng unyon sa planta ng Kawanihan ng Palimbagan, ay walang dudang naakit ng nobela ni Santos at nasimsim ang damdaming maka-sosyalista ng Banaag at Sikat." Si Evangelista ang nagtayo ng Union de Impresores de Filipinas noong 1906, at isa sa nagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930.

Idinagdag pa ni Saulo na ang Banaag at Sikat ay "isang matibay na pagpapatunay na ang ideyang sosyalismo o komunismo ay matagal nang 'kumalat' sa Pilipinas bago dumating dito ang mga ahenteng Komunista na galing sa Amerika at Indonesya, at nagpapabulaan din sa sabi-sabi na ang mga dayuhan ang nag-umpisa ng Komunismo sa Pilipinas." Tinutukoy ni Saulo rito ang mga banyagang komunistang sina William Janequette ng Amerika at si Tan Malaka ng Indonesya na dumating sa bansa noong 1930s.

Isa pang popular na nobelang naglalarawan ng tunggalian ng kapital at ng paggawa ay ang nobelang Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar. Tinukoy sa nobela na ang mga bagong kaaway ng manggagawa ay ang alyansa ng mga Amerikanong kapitalista at ng mga mayayamang Pilipinong kolaborator. Ang aklat na ito'y muling inilathala ng Ateneo Press sa kulay pulang pabalat noong 1986 at ikalawang paglilimbag noong 2003.

Ang isa pa ay ang nobelang Bulalakaw ng Pag-asa na sinulat ni Ismael A. Amado na nalimbag noong 1909 kung saan tinalakay sa istorya na iisa lamang ang nakikitang lunas sa kadilimang bumabalot sa lipunan, at ito'y rebolusyon. Muli itong inilimbag ng University of the Philippines Press noong 1991 sa kulay itim na pabalat.

isinulat naman ni Aurelio Tolentino ang dulang Bagong Kristo (1907), kung saan naglalarawan ito ng tunggalian ng mayayaman, gubyerno at simbahan laban sa mga manggagawa. Masasabing ito ang naghawan ng landas upang maisulat ni Lino Gopez Dizon ang Pasion Ding Talapagobra (Pasyon ng mga Manggagawa) na lumaganap sa Pampanga noong 1936 at pumalit sa tradisyunal na pasyon. Dito, ang manggagawa ang bagong Kristong nagpapasan ng kurus ng kahirapan na naghahanap ng katarungan sa lipunan.

Kakikitaan naman ng mga sosyalistang adhikain ang mga nobelang Luha ng Buwaya (1962) at Mga Ibong Mandaragit (1969) ng national artist na si Gat Amado V. Hernandez.

Nauna rito, nariyan din ang panitikang Katipunero na sinulat nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto. Sa aklat na Panitikan ng Rebolusyon(g 1896) ni Virgilio S. Almario, may siyam na sulatin si Bonifacio (1 tulang Kastila, 5 tulang Tagalog, 1 dekalogo, 2 sanaysay) habang si Jacinto naman ay may anim na akda at isang koleksyon (2 pahayag, 1 tulang Kastila, 1 maikling kwento, 2 sanaysay, at ang koleksyong "Liwanag at Dilim" na may 7 sanaysay). Bagamat hindi direktang litaw sa mga akdang Katipunero ang kaisipang sosyalista, mababanaag naman dito ang sinapupunan ng sosyalistang literatura.

Naputol ang ganitong mga akdang sosyalista nang lumaganap ang mga nasyonalistang panitikan matapos ang digmaan laban sa Hapon, noong diktaduryang Marcos, hanggang sa ngayon. Katunayan, bihira nang makakita ng mga panitikang sosyalista pagkat ang laganap ngayon sa mga tindahan ng aklat ay mga makabayang panitikan at iba't ibang pocketbooks na tumatalakay sa pag-ibig, katatakutan, aksyon, atbp. Ngunit ang mga panitikang seryosong tumatalakay sa tunggalian ng uri sa lipunan ay bihira. Nalalagay lamang ang mga ito sa mga aklat-pangkasaysayan at aklat-pampulitika na ang karaniwang nagbabasa ay mga intelektwal, at hindi ang masa. Gayong dapat na ang masa ang pangunahing magbasa ng mga ito para sa paglaya mula sa kahirapan at para sa pagnanasa nilang pagbabago sa lipunan.

Kailangan ng mga bagong panitikang sosyalista sa panahong ito. At ito ang hamon sa mga manunulat ngayon: angipagpatuloy ang pagpapalaganap ng mga sosyalistang panitikan na magsisilbing giya sa mga kabataan at manggagawa ng susunod na henerasyon.

Huwebes, Enero 22, 2009

Crisanto Evangelista: Bayani, Lider-Manggagawa, Internasyunalista


CRISANTO EVANGELISTA
Bayani, Lider-Manggagawa, Internasyunalista
Sinaliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 40, Enero 2009, pahina 7

Isa sa mga magigiting na bayani ng uring manggagawa sa Pilipinas at sa buong mundo si Crisanto “Ka Anto” Evangelista. Si Ka Anto ay lider ng uring manggagawa, anti-imperyalista, internasyunalista, makata, manunulat at mananalumpati.

Dahil sa kagitingan at malasakit niya para sa pagsulong ng adhikain ng uring manggagawa, nagsasaliksik at naghahanda ng isang makabuluhang aklat na nagsisiwalat ng buhay at mga sulatin ni Ka Anto ang Aklatang Obrero Publishing Collective, na inaasahang mailulunsad sa darating na Mayo Uno bilang pagpupugay at pagpapaalala kay Ka Anto. Ngunit sino nga ba si Crisanto Evangelista.

Isinilang si Crisanto “Ka Anto” Evangelista sa Meycauayan, Bulacan noong Nobyembre 1, 1888. Siya ang pangkalahatang kalihim ng Union Impresores de Filipinas noong 1906 at naging tagapangulo nito noong 1918. Sa kanyang pamumuno, matagumpay na naisagawa ang mga collective bargaining agreements (CBA) bilang bahagi ng pakikipaglaban ng uring manggagawa para sa makatwirang dagdag na sahod at kabuhayan.

Dahil sa lumalalim na pag-unawa at paninindigan para sa uring anakpawis, naisulat ni Crisanto ang 16-estropang tulang may pamagat na Sigaw ng Dukha noong 1913. Binigkas niya ito sa isang programa ng pagdiriwang sa ikalawang taon ng Kapisanang Damayang Mahihirap.

Siya’y naging tagapagtatag at organisador ng pederasyong Congreso Obrero de Filipinas (COF) noong 1913.

Naniniwala rin si Ka Anto sa diwa ng internasyunalismo, at ito’y mababasa sa sinulat niyang manipestong Nasyunalismo-Proteksyunismo vs. Internasyunalismo-Radikalismo. Ayon kay Ka Anto: "Ang magsabing ang Pilipinas ay mabubuhay nang hindi lalabas sa guhit ng kanyang pagkabansa, o hiwalay sa malawak na daigdig, kung di man mga lorong natutong magsalita dahil sa pinutlan ng dila ng nakabiling panginoon, ay mga tunay na karilyong may pising nagpapagalaw sa dakong likod. Iyan ang dahilan kaya kami naging Internasyonalista; kaya kami nakikipagtalastasan, nakikipag-kaibigan at nakikitulong sa pandaigdig na kilusang manggagawa. Ang kalaban ng ating bayan, maging sa gawi ng ekonomika at maging sa dako ng pulitika ay hindi pambansa lamang kundi pandaigdig. Kung pandaigdig, kailangan nating humanap ng paraan upang makiisa sa mga kilusang pandaigdig na kalaban ng imperyalismong internasyonal. Dapat tayong makiisa sa mga tulad nating kolonya, makipag-unawaan, makisama, makipagkaibigan at makipagtulungan sa mga manggagawa sa mga bansang kapitalista at imperyalista upang sa pamamagitan ng pagtutulungan at sabay-sabay na paglaban ay mapapanghina natin ang imperyalismong pandaigdig na kalaban ng ating bayan, lahat ng kolonya at ng kanilang mga manggagawa at magbubukid na kalahi at kababayan."

Maging ang pamahalaan (sa hindi sinasadya) ay nagbigay papuri sa panulat ni Ka Anto. Sa isang patimpalak sa sanaysay na inilunsad ng Kawanihan ng Paggawa, sumali si Evangelista at nagwagi ng natatanging gantimpala ang kanyang sanaysay na pinamagatang "Kung Alin-alin ang mga Paraang Mabisa sa Ikalalaganap ng Unyonismo sa Pilipinas" sa ilalim ng alyas na Labor Omnia Vinci (kumilos para sa tagumpay ng lahat).

Sa pamumuno ni Ka Anto at ni Antonio Ora, itinayo ang Katipunan ng Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong Mayo 12, 1929. Natipon dito ang may 130 delegado mula sa 22 unyon at asosasyon, mga samahang magsasaka sa ilalim ng Kalipunang Pambansa ng mga Magsasaka sa Pilipinas (KMMP), kinalaunan ay pati mga manggagawa ng tabako.

Inihanda ng KAP, sa isang mapanubok na panahon, ang masang manggagawa't magsasaka para itatag ang isang partido pulitikal ng masang anakpawis na nakipaglaban para sa pambansang kalayaan.

Sa pagsulong ng makauring kamalayan ng mga manggagawa, sa pangunguna ni Ka Anto ay itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong 1930, sa bandila ng Marxismo-Leninismo. At bilang isang rebolusyonaryong kilusan ng uring manggagawa, nilayon ng PKP na pabagsakin ang imperyalismong Estados Unidos at isulong ang sosyalistang rebolusyon.

Dahil sa pagsulong ng militanteng kilusang manggagawa, at sa pagnanais ng kolonyal na pamahalaang Amerikanong pahupain ang pagkilos ng mga manggagawa, hinirang ni Manuel L. Quezon si Ka Anto sa Misyong Pangkalayaan bilang kinatawan ng uring manggagawa. Sa halip na umasa sa Estados Unidos, umugnay si Ka Anto sa mga sosyalistang lider-manggagawa ng Amerika. Sa kanyang pagbalik sa Pilipinas, tangan niya ang syentipikong sosyalistang teorya ng pagbabago sa lipunan.

Sa panahong ito, sinulat ni Ka Anto ang manipestong Manggagawa: Ano ang Iyong Ibig? Binalangkas at binuod niya dito ang mga kahilingan ng proletaryado sa aspetong panlipunan at pangrelihiyon.

Noong Enero 25, 1942, sabay-sabay na pinaghuhuli ang pangunahing lider komunista na sina Ka Anto, Pedro Abad Santos, Guillermo Capadocia, Del Rosario at Dr. Anchahas at ikinulong sila sa Fort Santiago. Pinahirapan at pinatay sina Ka Anto at Del Rosario ng mga Hapon. Pinalaya pagkatapos ng ilang taon sina Abad Santos, Capadocia at Dr. Anchahas.

Martes, Disyembre 2, 2008

Ang Supremo at Pangulong Andres Bonifacio

ANG SUPREMO AT PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bandang 1995 nang mabasa ko ang artikulo nina Dr, Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion, at Ramon Villegas hinggil kay Andres Bonifacio at sa Himagsikang 1896 kung saan tinalakay dito na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Aktibo ako noon sa mga gawain ng Kamalaysayan (na noon ay Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na napalitan na ngayon ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na pinangungunahan noon nina Prof. Ed Aurelio Reyes, Prof. Bernard Karganilla at Jose Eduardo Velasquez. Ang artikulo nina Dr. Guerrero ay nasa isang magasing glossy ang mismong loob na mga pahina na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ngunit nawala na sa akin ang kopya ko nito. Nakasulat ito sa wikang Ingles.

Sa isyu ng Hulyo-Oktubre 1996 ng magasing The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng FEATI University, kung saan ako ang features-literary editor ng mga panahong iyon, ay isinulat ko sa aking kolum na LINKS, na si Andres Bonifacio ang unang pangulo. Dagdag pa rito, isinalaysay ko rin doon ang isa sa mga panalo ng Katipunan sa Kalakhang Maynila. Isinalaysay sa akin noon ni Velasquez ng Kamalaysayan ang naganap na Nagsabado sa Pasig kung saan nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang naganap sa Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga mananakop.

Si Bonifacio ay Pangulo, hindi lamang siya Supremo, o pangulo ng mga pangulo ng mga balangay ng Katipunan. Siya ang pangulo ng isang rebolusyonaryong pamahalaan mula nang ideklara nila ang kalayaan ng bayan noong ika-24 ng Agosto 1896 hanggang sa pagpaslang sa kanya noong ika-10 ng Mayo 1897.

Ayon kay Ginoong Reyes, iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan ang artikulong "Pangulong Andres Bonifacio" at nalathala bilang bahagi ng aklat na "Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko?" ni Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, kung saan ako naman ang ikalawang patnugot nito at si Reyes ang punong patnugot, mula pahina 12-17.

Ngunit minsan ay may nagsabi sa akin: "Bakit ba inilalagay ang titulong Pangulo kay Bonifacio gayong ang titulong iyan ay ginagamit ng burgesya at ng mga nagtraydor sa masa?" Isa siyang katulad kong aktibista. Totoo ang sinabi niya. Ang titulong Pangulo ng Pilipinas ay ginamit ng mga naghaharing uri sa bansa, na sa tingin ng marami ay pawang mga "tuta ng Kano" o "pangulong nakikipagkutsaban sa mga dayuhan o imperyalista".

Ngunit hindi naman tayong mga aktibista ngayon ang nagsasalitang dapat gawin nating unang Pangulo si Bonifacio. Maraming patunay mula pa noong buhay pa si Bonifacio hanggang sa mga dokumento't pahayag ng mga Katipunero noon na kinikilala siyang Pangulo ng unang naitayong pamahalaan sa bansa. Kaya hindi tayong mga aktibistang nabubuhay ngayon ang pilit na nagdedeklara niyan. Nais lang nating itama ang nasasaad sa kasaysayan. Kailangan nating bigyan ng hustisya ang manggagawang si Bonifacio sa ganap na pagkilala sa kanya bilang pangulo. Bakit ito pilit na itinatago, tulad ng pagtago sa totoong naganap na pagpatay sa kanya ng mga kapwa rebolusyonaryo?

Ang pagtanghal ba kay Bonifacio bilang unang Pangulo ay nagpapababa sa kanyang pagkatao? Hindi. Nagpapaangat itong lalo sa kanyang katayuan pagkat siya'y Pangulo ng unang pamahalaan at hindi lang bilang Supremo ng Katipunan. Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay mawawalan na ba siya ng silbi bilang simbolo ng pakikibaka? Hindi, at dapat hindi. O marahil, iniisip ng nakausap ko na ang pagtanghal kay Bonifacio bilang Pangulo ay nagpapahina sa kasalukuyang pagbaka ng mga aktibista para sa pagbabago.

Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay hindi na gagamit ng dahas at hindi na mag-aarmas ang mga kabataan, ang mga api, ang mga naghahangad ng pagbabago? Pag sinagot natin ito ng oo'y nawawalan na tayo ng kritikal na pag-iisip. Gawin nating gabay ang kasaysayan, ngunit huwag natin itong kopyahin. Ang paggamit ni Bonifacio ng armas ay naaayon sa kalagayan ng kanyang panahon. Kung gagamit tayo ng armas ngayon nang hindi naaangkop sa kalagayan at panahon ay para na rin tayong nagpatiwakal.

Tinawag na Supremo si Bonifacio dahil siya ang nahalal na pangulo ng mga pangulo ng iba't ibang balangay ng Katipunan na bawat balangay ay may pangulo. Nang ang Katipunan ay naging ganap na rebolusyonaryong pamahalaan, siya ang Pangulo ng unang pamahalaan, na pinatunayan naman ng mga Katipunero noon at ng maraming historyador. Kaya marapat lamang ibigay sa kanya ang nararapat sa kanya, na halos makalimutan na sa kasaysayan. O marahil pilit iwinawaksi sa kasaysayan dahil sa pamamayagpag ng mga kalaban ni Bonifacio sa mga sumunod na pamahalaan pagkamatay niya hanggang sa kasalukuyan.

Minsan, sinabi ng asawa ni Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Para bang sinabihan tayong halungkatin natin ang kasaysayan pagkat ang mga kaaway ni Bonifacio'y pilit na itinago sa matagal na panahon ang kanyang mga ambag sa bayan, at ang pagpatay sa kanya'y upang mawala na siya sa kangkungan ng kasaysayan. Ngunit pinatunayan ng sinabi ni Oriang na hindi mananatiling lihim ang lihim, at pilit na mauungkat ang mga may kagagawan ng pagpaslang at pagyurak sa dangal ng Supremo ng Katipunan.

Sa tunggalian ng uri sa lipunan, hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ni Aguinaldo, ang taong nag-utos na paslangin si Bonifacio. Siyang tunay. Hindi dapat maisama si Bonifacio sa hanay ng mga pangulong halos lahat ay tuta ng Kano, o mga pangulong ninanais magpadagit sa kuko ng agila kaysa organisahin ang masa upang tumayo sa sariling paa. Hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ng burgesya't elitista tulad ng mga sumunod na pangulo sa kanya, pagkat si Bonifacio ang simbolo ng pagbaka ng mga manggagawa kaya lumalahok ang mga manggagawang ito sa pagkilos tuwing Mayo Uno na Pandaigdigang Araw ng Paggawa, at Nobyembre 30 na kaarawan naman ni Bonifacio. Ngunit kung alam natin ang kasaysayan, ibigay natin kay Pangulong Andres Bonifacio ang nararapat na pagkilala.

Si Gat Andres Bonifacio, itanghal mang pangulo, ay simbolo pa rin ng himagsikan, simbolo ng uring manggagawa, tungo sa pagbabago ng lipunan at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Itanghal mang pangulo si Bonifacio, siya lang ang pangulong hindi naging tuta ng Kano at siyang totoong tumahak sa landas na matuwid para sa kagalingan, kaunlaran at kasarinlan ng buong bayan. Siya lang ang Pangulong mula sa uring manggagawa. Mananatili siyang inspirasyon ng mga manghihimagsik laban sa mga mapagsamantala sa lipunan at sa mga nangangarap ng pagbabago upang maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa ngayong nalalapit na ang ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2016, ating sariwain ang mga patunay nang pagkilala ng mga Katipunero noon, pati na mga historyador, kay Gat Andres Bonifacio bilang Pangulo, at kung bakit dapat siyang itanghal na unang pangulo ng bansa. Sa ngayon, sa mga aklatan, si Aquinaldo ang tinuturing na unang pangulo at sumunod sa kanya ay si Manuel L. Quezon. Nariyan din ang pagsisikap ng ilan na itanghal ding pangulo ng bansa si Miguel Malvar at si Macario Sakay ngunit dapat pa itong mapatunayan, ipaglaban, at ganap na maisabatas.

Maraming pinagbatayan sina Guerrero, Encarnacion at Villegas kung bakit dapat itanghal si Bonifacio bilang unang pangulo. Isa-isahin natin:

Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging isa nang pamahalaan. Bago iyon, ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Sipiin natin ang mga paliwanag at batayan, mula sa artikulo ng tatlo, na malayang isinalin sa sariling wika:

Nang tinanong si Bonifacio sa Tejeros kung ano ang kahulugan ng titik K sa watawat ng Katipunan, sinabi niyang ito'y "Kalayaan" at kanyang ipinaliwanag: "…na mula sa Ktt. Pamunuan ng Katipunan, hanggan sa kababa-babaan, ay nagkakaisang gumagalang sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay; namumuhunan ng dugo at buhay laban sa Hari, upang makapagtatag ng sarili at malayang Pamahalaan, na samakatwid, ay mamahala ang Bayan sa Bayan, at hindi ang isa o dalawang tao lamang."

Ang tumatayong pangulo ng paksyong Magdiwang na si Jacinto Lumberas ang nagsabi ng ganito: "Ang Kapuluan ay pinamamahalaan na ng K.K.K. ng mga Anak ng Bayan, na siyang nagbukas ng Paghihimagsik; may Batas at Alintuntuning pinaiiral; sinusunod at iginagalang ng lahat sa pagtatanggol ng Kalayaan, pag-ibig sa kapatid, pag-aayos at pamamalakad ng mga Pamunuan."

Ayon naman kay Heneral Santiago Alvarez ng paksyong Magdiwang sa Cavite ay nagsabi naman ng ganito: "Kaming mga Katipunan…ay mga tunay na Manghihimagsik sa pagtatanggol ng Kalayaan sa Bayang tinubuan.

Ayon naman kay John R.M. Taylor, isang Amerikanong historyador at siyang tagapag-ingat ng Philippine Insurgent Records (mga ulat ng mga manghihimagsik sa Pilipinas), itinatag ni Bonifacio ang unang pambansang pamahalaang Pilipino. Sa pagsusuri ni Taylor sa mga dokumento, lumaban para sa kasarinlan ng bayan ang Katipunan, at bawat pulutong o balangay ng Katipunan sa iba't ibang pook ay ginawa niyang batalyon, ang mga kasapi'y binigyan ng mga mahahalagang katungkulan, at ang kataas-taasang konseho ng Katipunan bilang mga pinuno ng pambansang pamahalaan.

Maging ang mga historyador na sina Gregorio F. Zaide at Teodoro Agoncillo ay kinilala ang rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio. Ayon kay Zaide, ang Katipunan ay hindi lamang isang lihim na samahan ng mga manghihimagsik kundi isang pamahalaan, na ang layunin ay mamahala sa buong kapuluan matapos mapatalsik sa bansa ang mga mananakop. Ayon naman kay Agoncillo, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan bilang pamahalaang may gabinete na binubuo ng mga lingkod na kanyang pinagkakatiwalaan.

Noon namang bandang 1980, mas luminaw umano ang pamahalaang Katagalugan ni Bonifacio nang masaliksik ang iba't ibang liham at mga mahahalagang dokumentong may lagda ni Bonifacio. Ang mga ito umano'y bahagi ng koleksyon ni Epifanio de los Santos na isa ring kilalang historyador at dating direktor ng Philippine Library and Museum bago magkadigma. Tatlong liham at isang sulat ng pagtatalaga kay Emilio Jacinto na pawang sinulat ni Bonifacio ang nagpapatunay na si Bonifacio ang unang pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Ang mga nasabing dokumento'y may petsa mula ika-8 ng Marso hanggang ika-24 ng Abril 1897. Ang ilan sa mga titulo ni Bonifacio, batay sa mulaangliham (letterhead), ay ang mga sumusunod:

Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan;
Ang Kataastaasang Pangulo;
Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan;
Ang Pangulo ng Haring Bayan,  May tayo nang K.K. Katipunan nang mga Anak ng Bayan at Unang naggalaw nang Panghihimagsik;
Kataastaasang Panguluhan, Pamahalaang Panghihimagsik

Bagamat ang tawag ni Bonifacio sa Pilipinas noon ay Katagalugan, ito'y pumapatungkol sa buong kapuluan, pagkat ang tinatawag noon na Pilipino ay yaong mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas. Ayon nga sa isang dokumentong nasa pag-iingat ni Epifanio de los Santos, " Sa salitang “Tagalog”, katuturan ay lahat ng tumubo sa Sangkapuluang itó; samakatuwid, “Bisaya” man, “Iloko,” “Kapampangan” atbp. ay “Tagalog” din."

Nagpapatunay din ito na ang pamahalaan ni Bonifacio ay demokratiko at pambansa, na kaiba sa sinasabi ng ilang historyador na nagtayo si Bonifacio ng pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo matapos ang kumbensyon sa Tejeros.

Ayon pa sa artikulo nina Guerrero, Encarnacion at Villegas, may nakitang isang magasing La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 at nakasulat sa wikang Kastila na may larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Isang mamamahayag na nagngangalang Reparaz ang nagpatunay nito at kanya pang isinulat kung sinu-sino ang mga pangunahing opisyales sa pamahalaang itinayo ni Bonifacio. Ang mga ito'y sina: Teodoro Plata, Kalihim ng Digma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim na Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco bilang Kalihim ng Pananalapi.

Ang transpormasyon ng Katipunan mula sa isang samahan tungo sa isang pamahalaan at ang pagkakahalal ni Bonifacio bilang pangulo'y kinumpirma rin ng manggagamot na si Pio Valenzuela sa kanyang pahayag sa mga opisyales na Kastila. Sa ulat naman ng historyador na Kastilang si Jose M. del Castillo sa kanyang akda noong 1897 na "El Katipunan" o "El Filibusterismo en Filipinas" ay pinatunayan din ang naganap na unang halalan sa Pilipinas at nagtala rin siya ng mga pangalan ng pamunuan tulad ng nalimbag sa La Ilustracion.

Ang nadakip na Katipunerong nagngangalang Del Rosario ay inilalarawan bilang "isa sa mga itinalaga ng Katipunan upang itayo ang Pamahalaang Mapanghimagsik ng Bayan at isagawa ang tungkulin sa mga lokal na pamamahala sa mga bayan-bayan."

Oo't marami ngang patunay na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Ngunit dapat itong kilalanin ng buong Pilipinas at hindi ng mga maka-Bonifacio lamang. Kinilala na si Bonifacio bilang bayani ng Pilipinas, bilang pinuno ng Katipunan, kaya ginawang pista opisyal ang araw ng kanyang kapanganakan, ngunit hindi ito sapat. Panahon naman na ideklara ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas, na si Gat Andres Bonifacio ang unang Pangulo ng Pilipinas. Siya, na simbolo ng pagbaka ng uring manggagawa at sambayanan para sa kalayaan at katarungan, ay dapat tanghaling unang Pangulo ng ating bansa, at mailimbag ito sa mga aklat sa paaralan upang magamit na pangunahing aralin ng mga mag-aaral hinggil sa kasaysayan at araling panlipunan.

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.