Sabado, Mayo 4, 2024

Ang makakalikasang paalala sa PNU

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa ikaanim na araw ng burol ng aking ama, ako'y lumuwas muna ng Maynila upang daluhan ang isang kaganapan sa Edilberto P. Dagot Hall ng Philippine Normal University (PNU) noong Abril 17, 2024, araw ng Miyerkules. Dinaluhan ko roon ang Lektura at Paglulunsad ng Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika mula alauna hanggang alas-singko ng hapon.

Nakabili rin ako roon ng tatlong aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pangunahin na ang aklat na inilunsad ng araw na iyon - ang Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika; ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ikalawang Edisyon, at ang Tandang Bato, Ang mga Manunulat sa Aking Panahon, ni Efren R. Abueg. Nabigyan pa ako ng KWF ng dalawang Komplimentaryong Kopya ng babasahin - ang Rubdob ng Tag-init, na salin ng akda ni Nick Joaquin, at ang Purism and "Purism" in the Philippines. na akda ni national artist Virgilio S. Almario.

Nagsimula at natapos ang programa, at napakinggan ang mga tagapagsalita, ay naroroon ako at matamang nakinig. Nagkausap pa kami roon ng musikero at propesor na si Ka Joel Malabanan, at napag-usapan namin ang hinggil sa gawaing pagsasalin bago magsimula ang programa. Ikalima ng hapon, nang ako'y papalabas na ng PNU ay nakita ko sa gate ang isang karatulang nagsasabing: "Philippine Normal University prohibits usage of single-use plastics (BOR Resolution No. U-2883, s.2018)".

Wow! Bigat! Talagang makakalikasan ang panawagang iyon. Kaya agad akong nag-selfie sa karatulang iyon. Paglabas ko roon ay bumiyahe na ako ng probinsya dahil kinabukasan na ang libing ng aking ama. Mabuti't naisingit ko ang pagtungo sa PNU na nagbigay sa akin ng bagong kaalaman nang araw na iyon.

Dahil dito'y kumatha ako ng maikling tula.

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU

pagsaludo'y alay sa magaling na paaralan
nang makita ang karatulang makakalikasan
bawal doon ang single-use plastics o kaplastikan
nang estudyante't buong eskwela'y maprotektahan

ang mga single-use plastic kasi'y di nabubulok
isang gamitan lang ay basura nang inilugmok
bilin iyon sa estudyante't gurong dapat arok
at sa sambayanang asar sa pulitikong bugok

sa Philippine Normal University o P.N.U.
ako'y karaniwang taong sa inyo po'y saludo
patakarang sana'y tumagos sa puso ng tao
upang single-use na plastik ay mawala sa mundo

ang inyo pong halimbawa'y paglilingkod na tunay
sa bayan, paaralan, lansangan, pamilya, bahay
maraming salamat po, mabuhay kayo! Mabuhay!
ako po sa inyo'y taas-kamaong nagpupugay!

05.04.2024

* mga litrato'y selfie ng makatang gala sa loob ng PNU, Abril 17, 2024

350 klasikong kwento ang babasahin

350 KLASIKONG KWENTO ANG BABASAHIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pitong aklat na may limampung kwento bawat isa ang aking nabili nitong nakaraan lamang sa National Book Store. Nagkakahalaga ng P245.00 bawat isa, kaya P245.00 x 7 - P1,715.00 sa kabuuan. Subalit hindi ito isang bilihan, dahil pinag-ipunan ko muna ang mga ito hanggang sa makumpleto. Isa muna sa una, dalawa sa pangalawang bili, dalawa uli sa ikatlong bili, at dalawa sa ikaapat na bili.

Una kong nabili ang 50 Greatest Short Stories. Nakita ko rin ang iba pa. Hindi ko muna ipinagsabi at baka maunahan. Kaya pinuntirya ko talaga ang mga ito. Nag-ipon na ako, lalo na't mga klasikong kwento ito sa panitikang pandaigdig.

Ikalawa kong binili ang 50 Greatest Love Stories at ang 50 Greatest Detective Stories. Naghalungkat pa ako kung mayroon pa ba itong mga kasama, at nakita ko nga ang 50 Greatest Horror Stories na sa susunod kong punta na bibilhin.

Ikatlong pagpunta sa National Book Store ay binili ko na ang 50 Greatest Horror Stories at nakita ko pa ang 50 Creepy and Blood-Curdling Tales na aking isinabay na rin, na pawang dalawang aklat ng katatakutan. Iniisip ko ring magsanay ng paggawa ng maikling kwentong katatakutan noon, dahil nakapagbabasa na ako ng maiikling kwentong katatakutan, tulad ng mga kwento ni Edgar Allan Poe.

Ikaapat na bili ay dalawa uli. Ito ang 50 Strange and Astonishing Tales, na hinggil sa mga kababalaghan, at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished, na mga kwento hinggil sa digmaan, kabayanihan, at namatay sa labanan.

Ang naglathala ng pitong aklat na ito'y ang Rupa Publications India Pvt. Ltd, 7/16 Ansari Road, Daryaganj, New Delhi 110002. Sa bawat aklat ay nasusulat din ang Printed in India. Bagamat iba-iba ang taon ng pagkalathala.

Pawang naglalaman ng mga akda ng mga klasikong manunulat, tulad nina Edgar Allan Poe, Guy de Maupassant, Sir Arthur Conan Doyle, Virginia Woolf, Rudyard Kipling,  H. G. Wells, Bram Stoker, Joseph Conrad, Jack London, Stephen Crane, Ernest Hemingway, at marami pang idolo ko sa pagsusulat.

Hindi makakaya kung bawat gabi ay magbabasa ng isang kwento dahil na rin sa maraming gawain. Subalit halimbawang makatapos ka ng isang kwento sa bawat gabi, at sunod-sunod na gabi, mababasa mo ito sa loob ng labing-isang buwan at labinlimang araw (350 kwento sa 350 araw) o kulang ng kalahating buwan sa isang buong taon (365 araw) ay matatapos mong basahin ang lahat ng kwento.

365 araw kada taon - kulang pa ng 15 kwento para sa isang buong taon. Nais kong makakatha rin ng mga kwentong ganito na pawang may lalim at naging klasiko na. Sa ngayon ay nalalathala ang aking mga kinathang maikling kwento, o dagli, sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na hinggil naman sa napapanahong mga isyu ng mga maralita't manggagawa.

Kaya ang pagbabasa ng pitong aklat na nabanggit ay dapat bigyan ng panahon upang mas malinang pa ang aking kakayahang magsulat ng kwento. Kaya hindi lamang ang mga ito koleksyon ko sa munti kong aklatan kundi mapag-aralan din ang mga estilo ng mga klasikong manunulat, at makalikha rin ng mga akdang baka maging klasiko rin sa kalaunan 

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

PITONG AKLAT NG KWENTO

pitong aklat ng maikling kwento ang nabili ko
limampung kwento ang nilalaman ng bawat libro
na pinag-ipunan upang mabili kong totoo
at mailagay sa aklatan at mabasa ito

una kong binili ang 50 Greatest Short Stories
sunod ay pinag-ipunan ang librong ninanais
sa pangalawang bili'y 50 Greatest Love Stories
na kasabay ng 50 Greatest Detective Stories

katatakutan ang 50 Greatest Horror Stories
pati ang aklat na 50 Creepy and Blood-Curdling Tales
sunod na bili'y 50 Strange and Astonishing Tales 
at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished

limampung kwento ang nilalaman ng bawat aklat
tatlong daan at limampung kwento ang mabubuklat
at mababasa, bawat isa nawa'y madalumat
mabatid ang estilo ng klasikong manunulat

mga ito'y iba't ibang genre kung tutuusin
kayraming awtor at estilong pagkamalikhain
mga kwento'y nanamnamin, alamin at aralin
kung nais magpakabihasa sa kwento'y basahin

pagkatha ng maiikling kwento'y paghuhusayan
hinggil sa isyu ng api't pinagsamantalahan
kakathai'y kwento ng dukha, manggagawa't bayan
upang makatulong sa pagmulat sa sambayanan

05.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala, Mayo 4, 2024

Huwebes, Mayo 2, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Bakit daw umiinom ng mainit na kape ang matanda?

BAKIT DAW UMIINOM NG MAINIT NA KAPE ANG MATANDA?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May nakapagkwento sa aking isang nasa pitumpung gulang na matandang lalaki kung bakit kapeng mainit agad ang iniinom niya sa umaga. Minsan ay sa hapon at sa gabi. Aniya, bukod sa nakasanayan na niya, at maganda sa katawan, ang mainit na kape rin daw ang nagtatanggal ng mga nakabarang taba sa ugat.

Napatanong tuloy ako ng paano po.

Ang tugon niya, pagmasdan mo ang mamantika o sebo pag nilagay mo sa ref ang natira mong adobo, hindi ba't namumuo. Subalit pag ininit mo ang adobo, ang sebong namuo ay natutunaw. Ganyan din ang sebo sa ating mga ugat, lalo na't mahilig tayong kumain ng karne, tulad ng litson at adobo, matutunaw din at lalabas sa ating katawan ang mga sebong iyon. Kaya mahalaga talaga ang uminom lagi ng kapeng mainit. Sa umaga man, sa tanghali, hapon o gabi.

Napatango naman ako, bagamat wala pa akong nababasang ganoon sa aklat, pahayagan, o maging sa mga scientific journal.

Nang makauwi ako ng bahay, naalala ko ang kwento ng matanda dahil pinainit ni misis ang nakalagay sa ref na natirang adobong baboy. Nakita kong may namuong sebo. At nang aking painitin sa kalan, talaga namang natunaw ang sebo, at muling naging mantika.

Tunay nga kaya ang teorya ng matanda hinggil sa mainit na kape? Wala namang mawawala kung paniwalaan ko. Huwag lang lalagyan ng maraming asukal ang kape dahil baka lumala ang diabetes kung meron ka niyon.

Kumatha ako ng tula hinggil sa usapang iyon.

ANG TEORYA NG MATANDA SA MAINIT NA KAPE

kinwento sa akin ng isang matanda kung bakit
palagi niyang iniinom ay kapeng mainit
may teorya siyang sa balikat ko'y nagpakibit
na marahil ay tama kung iisipin kong pilit

pantanggal daw ito ng sebo sa ating katawan
masdan mo raw ang adobong nanigas nang tuluyan
nang nilagay na sa ref at talagang nalamigan
namuo ang sebo, at natunaw nang mainitan

ganyan din daw pag katawan nati'y puno ng sebo
na sa mainit na kape'y matatanggal nang todo
sa kanya ko lamang narinig ang teoryang ito
na di ko pa nabasa sa dyaryong siyentipiko

wala bang mawawala kung sundin ko ang sinabi?
basta huwag lang sobrahan ang asukal sa kape
kahit paano'y lohikal din ang kanyang mensahe
heto, kapeng barako'y iniinom ko na dine

05.02.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala

Linggo, Abril 28, 2024

Pinta para sa Kababaihan

PINTA PARA SA KABABAIHAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development).

Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC.

Matapos ang unang rali ay tumuloy agad ako sa Liwasang Diokno ng CHR kung saan idinaos ang Art and Painting activity ng Women's Committee ng FDC. Dumating ako roon sa ganap na ikalabing-isa ng umaga. Bagamat nakapagpinta na ako noon, halimbawa, sa mga pader katuwang ang mga kasama sa Climate Walk ng 2014 at 2023, iyon  ang una kong solong painting. Maraming salamat sa pagbibigay ng pagkakataon. Napaisip nga ako na kung kaya ko palang gumawa ng ganoon ay ituloy ko na sa mga libreng oras ko. Tulad ng pagkatha ng tula at maikling kwento ay hasain ko na rin ang aking sarili sa pagguhit ng larawan at pagpinta sa kambas.

Kasama ko sa litrato rito ang batikang pintor na si kasamang Lito Ringor ng ZOTO, habang kinatawan naman ako sa nasabing aktibidad ng XDI (Ex-Political Detainees Initiative) at KPML bilang kanilang sekretaryo heneral.

Kumatha ako ng tula hinggil dito.

PINTA PARA SA KABABAIHAN

buti't dumalo ako sa aktibidad na iyon
ng Women's Committee ng Freedom from Debt Coalition
paksa'y isyung kababaihan at kanilang misyon
at ako'y lumahok sa pagpipintang nilalayon

matapos ang rali sa Morayta hinggil sa klima 
agad nang naglakbay ng ikasampu ng umaga
upang sa Diokno Hall ng CHR ay pumunta
upang aking madaluhan ang doo'y paanyaya

binigyan ng kambas, pintura't pinsel, napaisip
babae't lalaki'y magkatuwang, aking nalirip,
sa paglaya ng uri, ng bayan, at ng daigdig
at nagpinta akong tila makatang nagpapantig

pinasa ko bagamat iyon lang ang nakayanan
una ko mang pinta'y maipagmamalaki naman
dahil mula iyon sa puso, diwa't karanasan
bilang manunulat at abang makata ng bayan

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa nasabing aktibidad

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Miyerkules, Abril 17, 2024

Panganay

PANGANAY
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya.

Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat.

Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay.

Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibinalita agad niya sa aming magkakapatid. Kaya nagpasya na siyang umuwi ng Pilipinas upang makadalo sa libing ni Dad sa Abril 18. Dumating na rin mula Davao ang isa ko pang kapatid na si Greg Vergel, panglima sa magkakapatid, kasama ang kanyang pamilya.

Marahil ako lang ang kaiba sa magkakapatid, dahil ako lang ang naging aktibista. Nagsimula iyon sa pagbabasa at pagpunta-punta sa Popular Bookstore sa Doroteo Jose sa Maynila, noong bandang huling bahagi ng 80s, bago iyon lumipat sa Tomas Morato, malapit sa Boy Scouts Circle, sa Lungsod Quezon.

Hindi kami nagkita ni Ate bago ako lumuwas ng Maynila kahapon, Abril 16, upang daluhan muna ang isang talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa Philippine Normal University sa Abril 17, ngayong hapon. Pambihirang pagkakataon iyon na KWF mismo ay nag-email sa akin upang daluhan ko ang kanilang aktibidad sa PNU. Kaya kailangan kong lumuwas ng Maynila at babalik muli sa Balayan sa gabi para sa huling lamay.

Mabuti at nakabalik na si Ate sa Pilipinas, at kumpleto na kaming anim na magkakapatid upang ihatid sa huling hantungan si Dad sa Calaca bukas, Abril 18.

PANGANAY

mula Tate, dumating na si Ate
panganay sa aming magkakapatid
na sa akin ay magandang mensahe
at kumpleto na kaming maghahatid
sa aming Ama sa huling hantungan
na namatay na mula sa ospital
nagsikap para sa kinabukasan
si Dad na aming ikinararangal

si Ate naman ang punong abala
bagamat sa group chat lang nagkausap
si utol Vergel ay di pa nakita
na mula Davao pa'y sadyang lumipad
kasama ang kanyang buong pamilya
na sa Batangas ay di pa napadpad

04.17.2024