Sabado, Mayo 4, 2024

Ang makakalikasang paalala sa PNU

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa ikaanim na araw ng burol ng aking ama, ako'y lumuwas muna ng Maynila upang daluhan ang isang kaganapan sa Edilberto P. Dagot Hall ng Philippine Normal University (PNU) noong Abril 17, 2024, araw ng Miyerkules. Dinaluhan ko roon ang Lektura at Paglulunsad ng Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika mula alauna hanggang alas-singko ng hapon.

Nakabili rin ako roon ng tatlong aklat ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), pangunahin na ang aklat na inilunsad ng araw na iyon - ang Modyul sa Pagtuturo ng Filipino Bilang Pangalawang Wika; ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat, Ikalawang Edisyon, at ang Tandang Bato, Ang mga Manunulat sa Aking Panahon, ni Efren R. Abueg. Nabigyan pa ako ng KWF ng dalawang Komplimentaryong Kopya ng babasahin - ang Rubdob ng Tag-init, na salin ng akda ni Nick Joaquin, at ang Purism and "Purism" in the Philippines. na akda ni national artist Virgilio S. Almario.

Nagsimula at natapos ang programa, at napakinggan ang mga tagapagsalita, ay naroroon ako at matamang nakinig. Nagkausap pa kami roon ng musikero at propesor na si Ka Joel Malabanan, at napag-usapan namin ang hinggil sa gawaing pagsasalin bago magsimula ang programa. Ikalima ng hapon, nang ako'y papalabas na ng PNU ay nakita ko sa gate ang isang karatulang nagsasabing: "Philippine Normal University prohibits usage of single-use plastics (BOR Resolution No. U-2883, s.2018)".

Wow! Bigat! Talagang makakalikasan ang panawagang iyon. Kaya agad akong nag-selfie sa karatulang iyon. Paglabas ko roon ay bumiyahe na ako ng probinsya dahil kinabukasan na ang libing ng aking ama. Mabuti't naisingit ko ang pagtungo sa PNU na nagbigay sa akin ng bagong kaalaman nang araw na iyon.

Dahil dito'y kumatha ako ng maikling tula.

ANG MAKAKALIKASANG PAALALA SA PNU

pagsaludo'y alay sa magaling na paaralan
nang makita ang karatulang makakalikasan
bawal doon ang single-use plastics o kaplastikan
nang estudyante't buong eskwela'y maprotektahan

ang mga single-use plastic kasi'y di nabubulok
isang gamitan lang ay basura nang inilugmok
bilin iyon sa estudyante't gurong dapat arok
at sa sambayanang asar sa pulitikong bugok

sa Philippine Normal University o P.N.U.
ako'y karaniwang taong sa inyo po'y saludo
patakarang sana'y tumagos sa puso ng tao
upang single-use na plastik ay mawala sa mundo

ang inyo pong halimbawa'y paglilingkod na tunay
sa bayan, paaralan, lansangan, pamilya, bahay
maraming salamat po, mabuhay kayo! Mabuhay!
ako po sa inyo'y taas-kamaong nagpupugay!

05.04.2024

* mga litrato'y selfie ng makatang gala sa loob ng PNU, Abril 17, 2024

350 klasikong kwento ang babasahin

350 KLASIKONG KWENTO ANG BABASAHIN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pitong aklat na may limampung kwento bawat isa ang aking nabili nitong nakaraan lamang sa National Book Store. Nagkakahalaga ng P245.00 bawat isa, kaya P245.00 x 7 - P1,715.00 sa kabuuan. Subalit hindi ito isang bilihan, dahil pinag-ipunan ko muna ang mga ito hanggang sa makumpleto. Isa muna sa una, dalawa sa pangalawang bili, dalawa uli sa ikatlong bili, at dalawa sa ikaapat na bili.

Una kong nabili ang 50 Greatest Short Stories. Nakita ko rin ang iba pa. Hindi ko muna ipinagsabi at baka maunahan. Kaya pinuntirya ko talaga ang mga ito. Nag-ipon na ako, lalo na't mga klasikong kwento ito sa panitikang pandaigdig.

Ikalawa kong binili ang 50 Greatest Love Stories at ang 50 Greatest Detective Stories. Naghalungkat pa ako kung mayroon pa ba itong mga kasama, at nakita ko nga ang 50 Greatest Horror Stories na sa susunod kong punta na bibilhin.

Ikatlong pagpunta sa National Book Store ay binili ko na ang 50 Greatest Horror Stories at nakita ko pa ang 50 Creepy and Blood-Curdling Tales na aking isinabay na rin, na pawang dalawang aklat ng katatakutan. Iniisip ko ring magsanay ng paggawa ng maikling kwentong katatakutan noon, dahil nakapagbabasa na ako ng maiikling kwentong katatakutan, tulad ng mga kwento ni Edgar Allan Poe.

Ikaapat na bili ay dalawa uli. Ito ang 50 Strange and Astonishing Tales, na hinggil sa mga kababalaghan, at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished, na mga kwento hinggil sa digmaan, kabayanihan, at namatay sa labanan.

Ang naglathala ng pitong aklat na ito'y ang Rupa Publications India Pvt. Ltd, 7/16 Ansari Road, Daryaganj, New Delhi 110002. Sa bawat aklat ay nasusulat din ang Printed in India. Bagamat iba-iba ang taon ng pagkalathala.

Pawang naglalaman ng mga akda ng mga klasikong manunulat, tulad nina Edgar Allan Poe, Guy de Maupassant, Sir Arthur Conan Doyle, Virginia Woolf, Rudyard Kipling,  H. G. Wells, Bram Stoker, Joseph Conrad, Jack London, Stephen Crane, Ernest Hemingway, at marami pang idolo ko sa pagsusulat.

Hindi makakaya kung bawat gabi ay magbabasa ng isang kwento dahil na rin sa maraming gawain. Subalit halimbawang makatapos ka ng isang kwento sa bawat gabi, at sunod-sunod na gabi, mababasa mo ito sa loob ng labing-isang buwan at labinlimang araw (350 kwento sa 350 araw) o kulang ng kalahating buwan sa isang buong taon (365 araw) ay matatapos mong basahin ang lahat ng kwento.

365 araw kada taon - kulang pa ng 15 kwento para sa isang buong taon. Nais kong makakatha rin ng mga kwentong ganito na pawang may lalim at naging klasiko na. Sa ngayon ay nalalathala ang aking mga kinathang maikling kwento, o dagli, sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), na hinggil naman sa napapanahong mga isyu ng mga maralita't manggagawa.

Kaya ang pagbabasa ng pitong aklat na nabanggit ay dapat bigyan ng panahon upang mas malinang pa ang aking kakayahang magsulat ng kwento. Kaya hindi lamang ang mga ito koleksyon ko sa munti kong aklatan kundi mapag-aralan din ang mga estilo ng mga klasikong manunulat, at makalikha rin ng mga akdang baka maging klasiko rin sa kalaunan 

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

PITONG AKLAT NG KWENTO

pitong aklat ng maikling kwento ang nabili ko
limampung kwento ang nilalaman ng bawat libro
na pinag-ipunan upang mabili kong totoo
at mailagay sa aklatan at mabasa ito

una kong binili ang 50 Greatest Short Stories
sunod ay pinag-ipunan ang librong ninanais
sa pangalawang bili'y 50 Greatest Love Stories
na kasabay ng 50 Greatest Detective Stories

katatakutan ang 50 Greatest Horror Stories
pati ang aklat na 50 Creepy and Blood-Curdling Tales
sunod na bili'y 50 Strange and Astonishing Tales 
at ang 50 Tales of Valour, Victory and the Vanquished

limampung kwento ang nilalaman ng bawat aklat
tatlong daan at limampung kwento ang mabubuklat
at mababasa, bawat isa nawa'y madalumat
mabatid ang estilo ng klasikong manunulat

mga ito'y iba't ibang genre kung tutuusin
kayraming awtor at estilong pagkamalikhain
mga kwento'y nanamnamin, alamin at aralin
kung nais magpakabihasa sa kwento'y basahin

pagkatha ng maiikling kwento'y paghuhusayan
hinggil sa isyu ng api't pinagsamantalahan
kakathai'y kwento ng dukha, manggagawa't bayan
upang makatulong sa pagmulat sa sambayanan

05.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala, Mayo 4, 2024

Huwebes, Mayo 2, 2024

Kurus, at hindi krus, ang nasa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus

KURUS, AT HINDI KRUS, ANG NASA TULANG MANGGAGAWA NI JOSE CORAZON DE JESUS
Maikling talakay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami ang nagkakamali ng pagkopya sa tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, ang dakilang makata ng ika-20 siglo, at naging Unang Hari ng Balagtasan sa bansa.

Lalo na't sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, sinisipi nila ng buo ang tulang Manggagawa, subalit nagkakamali na sila ng pagsipi sa salitang "kurus" na ginagawa nilang "krus" sa pag-aakalang mali o typo error ang pagkatipa.

Subalit kung susuriin natin ang buong tula, binubuo ito ng labing-anim na pantig bawat taludtod, na may sesura o hati sa ikawalong pantig. Kaya sa ikalabindalawang taludtod ay sakto sa ikawalong sesura ang "kurus".

hanggang hukay ay gawa mo (8 pantig)
ang kurus na nakalagay (8 pantig)

Halina't balikan natin ang nasabing tula, na nasa aklat na "Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula",  Binagong Edisyon, pahina 145, na nilathala ng San Anselmo Press noong 2022.

Lagyan natin ng slash o paiwa (/) sa ikawalong pantig o sesura upang makita natin ang bilang ng mga pantig.

Manggagawa
by José Corazón de Jesús

Bawat palo ng martilyo / sa bakal mong pinapanday
alipatong nagtilamsik, / alitaptap sa kadimlan;
mga apoy ng pawis mong / sa Bakal ay kumikinang
tandang ikaw ang may gawa / nitong buong Santinakpan.
Nang tipakin mo ang bato / ay natayo ang katedral
nang pukpukin mo ang tanso / ay umugong ang batingaw,
nang lutuin mo ang pilak / ang salapi ay lumitaw,
si Puhunan ay gawa mo, / kaya ngayon'y nagyayabang.
Kung may ilaw na kumisap / ay ilaw ng iyong tadyang,
kung may gusaling naangat, / tandang ikaw ang pumasan
mula sa duyan ng bata / ay kamay mo ang gumalaw
hanggang hukay ay gawa mo / ang kurus na nakalagay.
Kaya ikaw ay marapat / dakilain at itanghal
pagkat ikaw ang yumari / nitong buong Kabihasnan.
Bawat patak ng pawis mo'y / yumayari ka ng dangal,
dinadala mo ang lahi / sa luklukan ng tagumpay.
Mabuhay ka nang buhay na / walang wakas, walang hanggan,
at hihinto ang pag-ikot / nitong mundo pag namatay.

Inulit din ng makatang Jose Corazon de Jesus sa isa pa niyang tula ang pagkakagamit sa salitang "kurus".

Sa isang mahaba at dating kalsada
ang kurus sa Mayo ay aking nakita.
O, Santa Elena!
Sa buhok, mayroong mga sampagita;
sa kamay may kurus siyang dala-dala
ubod po ng ganda.

- unang saknong ng tulang Gunita sa Nagdaang Kamusmusan mula sa aklat na Jose Corazon de Jesus: Mga Piling Tula, pahina 91

Suriin pa natin ang mga tula ng tatlo pang makatang halos kasabayan ni de Jesus, tulad nina Gat Amado V. Hernandez, na naging Pambansang Alagad ng Sining noong 1973, makatang Florentino T. Collantes, na nakalaban ni de Jesus sa unang Balagtasan noong 1924, at makatang Teo S. Baylen, sa paggamit nila ng salitang "kurus" imbes na "krus".

ANG PANAHON
ni Gat Amado V. Hernandez

Kurus na mabigat / sa ayaw magsakit
ligaya sa bawa't / bihasang gumamit;
pagka ang panaho'y / lagi nang katalik
ay susi sa madlang / gintong panaginip.

- ikawalong saknong ng 16 na saknong na tulang Ang Panahon ni Gat Amado V. Hernandez, mula sa aklat na Amado V. Hernandez: Tudla at Tudling, pahina 370

ANG LUMANG SIMBAHAN
ni Florentino T. Collantes

Sa isang maliit / at ulilang bayang
pinagtampuhan na / ng kaligayahan
ay may isang munti / at lumang simbahang
balot na ng lumot / ng kapanahunan.
Sa gawing kaliwa / may lupang tiwangwang
ginubat ng damo't / makahiyang-parang.
Sa dami ng kurus / doong nagbabantay
makikilala mong / yaon ay libingan.

- unang saknong ng 17 saknong na tulang Ang Lumang Simbahan, mula sa aklat na Ang Tulisan at Iba Pang Talinghaga ni Florentino T. Collantes, pahina 167

TATLONG KURUS SA GOLGOTA
ni Teo S. Baylen

Ikaw, ako't Siya / ang kurus sa Bundok,
Isa'y nanlilibak, / nanunumpang lubos;
Isa'y nagtitikang / matapat at taos,
At nagpapatawad / ang Ikatlong Kurus!

- mula sa aklat na Tinig ng Darating ni Teo S. Baylen, pahina 53

Marami pang makata noong panahon bago manakop ang Hapon ang sa palagay ko'y ganito nila binabaybay ang salitang "kurus". Gayunman, marahil ay sapat na ang ipinakitang halimbawa ng apat na makata upang maunawaan nating "kurus" na dalawang pantig at hindi "krus" ang pagbaybay ng mga makata noon ng salitang iyon.

Kaya napakahalagang maunawaan ng sinuman, lalo na kung kokopyahin ang mga tula ng mga sinaunang makata para ipalaganap, na may patakaran sa panulaang Pilipino na tugma't sukat (may eksaktong bilang ang bawat pantig), bukod pa sa talinghaga't indayog. Unawain natin at huwag basta baguhin ang kanilang tula dahil lang akala natin ay mali o typo error.

Lalo na pag sasapit ang Mayo Uno, ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, na muling inilalathala ng mga kasama sa kilusang paggawa ang tulang Manggagawa ni Jose Corazon de Jesus, sa kanilang account sa pesbuk o anumang social media.

05.02.2024

Bakit daw umiinom ng mainit na kape ang matanda?

BAKIT DAW UMIINOM NG MAINIT NA KAPE ANG MATANDA?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May nakapagkwento sa aking isang nasa pitumpung gulang na matandang lalaki kung bakit kapeng mainit agad ang iniinom niya sa umaga. Minsan ay sa hapon at sa gabi. Aniya, bukod sa nakasanayan na niya, at maganda sa katawan, ang mainit na kape rin daw ang nagtatanggal ng mga nakabarang taba sa ugat.

Napatanong tuloy ako ng paano po.

Ang tugon niya, pagmasdan mo ang mamantika o sebo pag nilagay mo sa ref ang natira mong adobo, hindi ba't namumuo. Subalit pag ininit mo ang adobo, ang sebong namuo ay natutunaw. Ganyan din ang sebo sa ating mga ugat, lalo na't mahilig tayong kumain ng karne, tulad ng litson at adobo, matutunaw din at lalabas sa ating katawan ang mga sebong iyon. Kaya mahalaga talaga ang uminom lagi ng kapeng mainit. Sa umaga man, sa tanghali, hapon o gabi.

Napatango naman ako, bagamat wala pa akong nababasang ganoon sa aklat, pahayagan, o maging sa mga scientific journal.

Nang makauwi ako ng bahay, naalala ko ang kwento ng matanda dahil pinainit ni misis ang nakalagay sa ref na natirang adobong baboy. Nakita kong may namuong sebo. At nang aking painitin sa kalan, talaga namang natunaw ang sebo, at muling naging mantika.

Tunay nga kaya ang teorya ng matanda hinggil sa mainit na kape? Wala namang mawawala kung paniwalaan ko. Huwag lang lalagyan ng maraming asukal ang kape dahil baka lumala ang diabetes kung meron ka niyon.

Kumatha ako ng tula hinggil sa usapang iyon.

ANG TEORYA NG MATANDA SA MAINIT NA KAPE

kinwento sa akin ng isang matanda kung bakit
palagi niyang iniinom ay kapeng mainit
may teorya siyang sa balikat ko'y nagpakibit
na marahil ay tama kung iisipin kong pilit

pantanggal daw ito ng sebo sa ating katawan
masdan mo raw ang adobong nanigas nang tuluyan
nang nilagay na sa ref at talagang nalamigan
namuo ang sebo, at natunaw nang mainitan

ganyan din daw pag katawan nati'y puno ng sebo
na sa mainit na kape'y matatanggal nang todo
sa kanya ko lamang narinig ang teoryang ito
na di ko pa nabasa sa dyaryong siyentipiko

wala bang mawawala kung sundin ko ang sinabi?
basta huwag lang sobrahan ang asukal sa kape
kahit paano'y lohikal din ang kanyang mensahe
heto, kapeng barako'y iniinom ko na dine

05.02.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala

Linggo, Abril 28, 2024

Pinta para sa Kababaihan

PINTA PARA SA KABABAIHAN
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tatlong aktibidad ang dinaluhan ko nitong Abril 26, 2024, araw ng Biyernes. Una'y lumahok ako, kasama ang grupo kong KPML (Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod) sa raling pinangunahan ng PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice) mula ikasiyam hanggang ikasampu ng umaga. Hinarang kami ng kapulisan sa Morayta. Ang ikalawa'y ang aktibidad ng FDC (Freedom from Debt Coalition) sa CHR (Commission on Human Rights) mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalabindalawa ng tanghali. At ikatlo ay ang rali ng KPML, kasama ang Partido Lakas ng Masa - Urban Poor Committee, ZOTO-GMA, at ang grupong Kadamay mula ikatlo hanggang ikalima ng hapon sa harap ng tanggapan ng NHA (National Housing Authority) at sa DHSUD (Department of Human Settlement and Urban Development).

Ang una at ikatlo ay talagang rali. Kaya isang magandang pahinga mula sa rali ang idinaos na aktibidad ng FDC.

Matapos ang unang rali ay tumuloy agad ako sa Liwasang Diokno ng CHR kung saan idinaos ang Art and Painting activity ng Women's Committee ng FDC. Dumating ako roon sa ganap na ikalabing-isa ng umaga. Bagamat nakapagpinta na ako noon, halimbawa, sa mga pader katuwang ang mga kasama sa Climate Walk ng 2014 at 2023, iyon  ang una kong solong painting. Maraming salamat sa pagbibigay ng pagkakataon. Napaisip nga ako na kung kaya ko palang gumawa ng ganoon ay ituloy ko na sa mga libreng oras ko. Tulad ng pagkatha ng tula at maikling kwento ay hasain ko na rin ang aking sarili sa pagguhit ng larawan at pagpinta sa kambas.

Kasama ko sa litrato rito ang batikang pintor na si kasamang Lito Ringor ng ZOTO, habang kinatawan naman ako sa nasabing aktibidad ng XDI (Ex-Political Detainees Initiative) at KPML bilang kanilang sekretaryo heneral.

Kumatha ako ng tula hinggil dito.

PINTA PARA SA KABABAIHAN

buti't dumalo ako sa aktibidad na iyon
ng Women's Committee ng Freedom from Debt Coalition
paksa'y isyung kababaihan at kanilang misyon
at ako'y lumahok sa pagpipintang nilalayon

matapos ang rali sa Morayta hinggil sa klima 
agad nang naglakbay ng ikasampu ng umaga
upang sa Diokno Hall ng CHR ay pumunta
upang aking madaluhan ang doo'y paanyaya

binigyan ng kambas, pintura't pinsel, napaisip
babae't lalaki'y magkatuwang, aking nalirip,
sa paglaya ng uri, ng bayan, at ng daigdig
at nagpinta akong tila makatang nagpapantig

pinasa ko bagamat iyon lang ang nakayanan
una ko mang pinta'y maipagmamalaki naman
dahil mula iyon sa puso, diwa't karanasan
bilang manunulat at abang makata ng bayan

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa nasabing aktibidad

Ka Apo Chua, Pambansang Alagad ni Balagtas 2024

KA APO CHUA, PAMBANSANG ALAGAD NI BALAGTAS 2024
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam silang tumanggap ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas sa 50th Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) National Writers Congress at Ika-37 Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas. Inilunsad ito sa Gimenez Gallery ng Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman, Lungsod Quezon mula ikasiyam ng umaga hanggang ikalima ng hapon ng Abril 27, 2024, araw ng Sabado.

Kayganda ng tema ng nasabing Kongreso ng UMPIL: "Ang Manunulat Bilang Aktibista ng Kapayapaan". 

Isa sa mga nakatanggap dito ang matagal ko nang kakilalang si Ka Apo Chua, dahil siya ang mentor ng Teatro Pabrika, na kasapi ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na kinilakhan ko na bilang maglulupa at organisador. Ginawaran si Ka Apo ng nasabing parangal sa kategoryang "Critisism in Filipino". Isa pa sa kakilala kong kasama niyang nagawaran ng parangal ay si Dean Jimmwel C. Naval (Fiction in Filipino) na isa sa aking naging mentor sa Palihang Rogelio Sicat (PRS) Batch 15, taon 2022, na proyekto ng Kolehiyo ng Arte at Literatura (KAL) ng UP Diliman.

Ang pito pa sa kanilang nakasama sa Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas ay sina: Antonio A. Aguilar Jr. (Hiligaynon Poetry and Fiction), Generoso B. Alcantara (Essay and Translation), Maria Felisa H. Batacan (Fiction in English), Jim Chiu Hung (Chinese Poetry and Essay), Fatima Lim-Wilson (Poetry in English), Ma. Cecilia Locsin-Nava (Literary History and Translation), at Felice Prudente Sta. Maria (Essay in English). Nagawaran naman ng Gawad Paz Marquez Benitez si Prof. Jerry C. Respeto ng Ateneo, habang pinarangalan ng Gawad Pedro Bukaneg ang The Writer's Bloc, Inc.

Narito ang nakasulat sa libretong inilabas ng UMPIL at binasa ni Prof. Joey Baquiran hinggil kay Prof. Apolonio B. Chua:

"Sa kanyang mga sanaysay at lathalaing nagtatanghal ng malalim na pang-unawa sa kalagayan ng mga manggagawa at manlilikhang-bayan na nadukal sa taos-pusong pakikiisa at matagal na pakikipamuhay sa kanila, at mula sa nagawang malapitang pagsaksi ay nalikom niya ang mga danas at kislap-diwang isinaakda sa mga aklat at panunuring pang-akademya. Napagtagumpayan niyang maipagpatuloy at maisabuhay sa loob at labas ng mga institusyon ang kabang-yaman ng kaalaman sa pamamagitan ng mga publikasyong nagpapatunay ng pananaw-sa-daigdig na makabayan at makatao, nagsusulong ng abanteng pagbabagong taglay ng sektor na tunay na lakas ng lipunang Filipino: ang mga manggagawa at artistang bayan."

Nasaksihan ko rin ang paglulunsad ng UP Press noong 2009 ng labindalawang aklat sa UP Vargas Museum, at isa sa inilunsad doon ang kanyang aklat na "Simulain: Dulambayan ng Manggagawa sa Konteksto ng Militanteng Kilusang Unyonismo (1980-1994). At doon mismo'y binigyan niya ako ng kopya ng aklat, na hanggang ngayon ay aking iniingatan.

Kumatha ako ng tula para kay Ka Apo Chua:

KA APO CHUA, MAGITING NA GURO, MAPAGPALAYA

Ka Apo Chua, mentor ng grupong Teatro Pabrika
sa pagkilos ng obrero'y matagal nakasama
kaya sa pag-awit ng manggagawa sa kalsada
at mga pagtitipon ay hahanga kang talaga

Ka Apo Chua, matanda na subalit malakas
isang guro sa Unibersidad ng Pilipinas
sa kanyang pagsisikap tungo sa malayang bukas
ginawaran ng Pambansang Alagad ni Balagtas

isang parangal na sa UMPIL ay nasaksihan ko
nang inilunsad ang kanilang Pambansang Kongreso
siyam silang mahuhusay na ginawaran nito
pagpupugay sa kanilang siyam, kami'y saludo

kay Ka Apo Chua, taas-kamaong pagpupugay!
sa mga ambag mo sa obrero't bayan, mabuhay!

04.28.2024

* mga litratong kuha ng makatang gala sa ika-50 Kongreso ng UMPIL, Abril 27, 2024
UMPIL - Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas

Miyerkules, Abril 17, 2024

Panganay

PANGANAY
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pangalawa ako sa anim na magkakapatid, at panganay sa apat na lalaki. Ako ang junior ni Dad dahil ipinangalan ako sa kanya.

Ang aking nakatatandang kapatid na babae ay nasa US dahil pinetisyon ng anak kaya silang mag-asawa ay naroroon nang mamatay si Dad noong Abril 12. Kaya ako muna ang tumayong panganay sa magkakapatid habang wala si Ate. Bagamat hindi talaga ako ang naging punong abala sa burol kundi ang pangatlo, pang-apat at bunso na nakasama ni Dad sa kanyang huling sandali. Bagamat tumulong din ako at nagbantay sa burol habang tulog ang lahat.

Dala ko ang trabaho kahit sa lamay. Nagtitipa sa kompyuter ng madaling araw habang tinatapos ang nakuha kong kontrata ng translation mula sa isang institusyon. Abril 15 ang ikatlong deadline (34 pahina) at Abril 19 (anim na pahina) ang huling deadline. Kaya nagtatrabaho pa rin kahit nasa lamay.

Tamang-tama namang nakuha na ni Ate ang kanyang green card nito lang Abril 14, na ibinalita agad niya sa aming magkakapatid. Kaya nagpasya na siyang umuwi ng Pilipinas upang makadalo sa libing ni Dad sa Abril 18. Dumating na rin mula Davao ang isa ko pang kapatid na si Greg Vergel, panglima sa magkakapatid, kasama ang kanyang pamilya.

Marahil ako lang ang kaiba sa magkakapatid, dahil ako lang ang naging aktibista. Nagsimula iyon sa pagbabasa at pagpunta-punta sa Popular Bookstore sa Doroteo Jose sa Maynila, noong bandang huling bahagi ng 80s, bago iyon lumipat sa Tomas Morato, malapit sa Boy Scouts Circle, sa Lungsod Quezon.

Hindi kami nagkita ni Ate bago ako lumuwas ng Maynila kahapon, Abril 16, upang daluhan muna ang isang talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na gaganapin sa Philippine Normal University sa Abril 17, ngayong hapon. Pambihirang pagkakataon iyon na KWF mismo ay nag-email sa akin upang daluhan ko ang kanilang aktibidad sa PNU. Kaya kailangan kong lumuwas ng Maynila at babalik muli sa Balayan sa gabi para sa huling lamay.

Mabuti at nakabalik na si Ate sa Pilipinas, at kumpleto na kaming anim na magkakapatid upang ihatid sa huling hantungan si Dad sa Calaca bukas, Abril 18.

PANGANAY

mula Tate, dumating na si Ate
panganay sa aming magkakapatid
na sa akin ay magandang mensahe
at kumpleto na kaming maghahatid
sa aming Ama sa huling hantungan
na namatay na mula sa ospital
nagsikap para sa kinabukasan
si Dad na aming ikinararangal

si Ate naman ang punong abala
bagamat sa group chat lang nagkausap
si utol Vergel ay di pa nakita
na mula Davao pa'y sadyang lumipad
kasama ang kanyang buong pamilya
na sa Batangas ay di pa napadpad

04.17.2024

Martes, Abril 16, 2024

Sa landas ng tatlong bayan

SA LANDAS NG TATLONG BAYAN
Maikling kwento at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marahil ay magtataka ang iba pag nalaman nilang tatlong bayan itong tinatahak nang mamatay si Dad. Ang punerarya ay mula Nasugbu, ang burol ay sa Balayan, at ang libing ay sa Calaca. 

Karaniwan kasi, pag namatay ay sa isang bayan lang ang nag-aasikaso, o kaya'y dalawang bayan, na ang bayan ay katabi ng isa pang bayan. Subalit kay Dad ay tatlo. May kwento kasi iyan.

Si Dad talaga ay taga-Balayan, subalit nagkaroon ng bahay sa isang barangay sa Nasugbu kung saan maraming kamag-anak na Bituin.

Sa pagitan ng Nasugbu at Balayan ay ang bayan ng Tuy (na binibigkas na Tu-Wi), na marami ring kamag-anakang Bituin, tulad sa Barangay Putol.

Nais naman ni Dad mailibing sa Calaca dahil doon din nakalagak ang mga labi ng Tatang, o Mamay (o lolo) Tura at Nanay (o lola) Tinay, na magulang ni Dad. Kung sa Balayan siya ilalagak ay solo lang siya, at makakasama niya marahil doon ay ang kanyang balae na si Ka Juani.

Iyan ang payak na kwento ng tatlong bayang may kaugnayan sa pagkamatay ni Dad.

SA LANDAS NG TATLONG BAYAN

tatlong magkakalapit na bayan ang tinatahak
nang mamatay si Ama na ang dulo'y ang paglagak
sa huling hantungan, daang aspaltado't di lubak

Nasugbu muna, Balayan sunod, huli'y Calaca
bakit ba tatlong bayan, ito'y may dahilang sadya
pagkat may kaugnayan kay Ama mula simula

ipinanganak si Ama sa bayan ng Balayan
at doon din nalagutan sa isang pagamutan
nais na sa Calaca malagak kasama'y Tatang

sa Nasugbu naman nakapagpatayo ng bahay
siyang nagsikap upang mapag-aral kaming tunay
bilang ama ng pamilya'y sadyang napakahusay

edad na walumpu't dalawa ay kanyang naabot
mapalad na tayo kung marating iyon ay bonus

04.16.2024

* litrato mula sa google

Lunes, Abril 15, 2024

12 at 17

12 AT 17
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Si Dad ang panlima at si Tiyo Mado ang pang-anim sa magkakapatid. Sila rin ang talagang close. Nang lumuwas ng Maynila si Dad noong 1960s upang mag-aral at magtrabaho, kinuha niya si Tiyo Mado upang makapag-aral din at ipinasok niya ng trabaho sa pinapasukan ni Dad. Sa FEATI University, kung saan doon din ako nagkolehiyo, nakita nina Dad at Tiyo Mado ang kanilang napangasawa.

Gayunman, may naikwento ang aking kapatid, habang kausap namin ang aming pamangkin.

Birthday ni Tiyo Mado, na nakababatang kapatid ni Dad, tuwing Abril 17. Namatay siya noong nakaraang taon, petsang Nobyenbre 12, limang araw bago mag-birthday si Dad.

Birthday naman ni Dad tuwing Nobyembre 17. Namatay siya nitong Abril 12, limang araw bago mag-birthday si Tiyo Mado.

Pareho pala silang isinilang ng petsa 17 at namatay ng petsa 12. Usapan nga ay parang nagsunduan ang dalawa, na talaga namang magkalapit o close na magkapatid.

Limang araw ang pagitan ng numero ng petsa ng pagkasilang at kamatayan - ang 5 bilang prime number.

Hindi naman ako naniniwala sa numerology bagamat BS Math ang aking kurso sa kolehiyo. Gayunman, ikinwento ko lang ang naikwento sa akin.

Maganda rin naman ang numero ng mga petsa na isa ay prime number - ang 17. At pag in-add mo ang 12 at 17, ang sum ay 29 na isa ring prime number, o tanging sa 1 lang ito maidi-divide. Ang 5, 17, at 29, ay prime number, at gansal din o odd number.

Bagamat ang 12 dahil even number ay hindi naman prime number, dahil divisible by 2, 3, 4, at 6, bukod sa 1 at 12.

Kumatha ako ng tula hinggil sa naikwentong ito.

12 AT 17

dalawang mumero ang tila pinagtiyap
nina tiyo't Dad na magkapatid ngang ganap
Tiyo Mado'y sinilang, Abril Disisyete
namayapa siya'y petsa Nobyembre Dose

sinilang si Dad ng Nobyembre Disisyete
namayapa siya sa petsang Abril Dose
magkapatid silang alam kong sanggang dikit
na sa isa't isa'y talagang magkalapit

kina Tito Mado't Dad, ako'y nagpupugay
ang kanilang pagkawala'y nagbigay-lumbay
mga payo nila'y lagi kong tatandaan
aral nilang pamana'y di malilimutan

maraming salamat po sa inyong dalawa
at pagsasama natin noon ay kaysaya

04.15.2024

* litrato ng tsart mula sa google

Huwebes, Abril 11, 2024

Aklatan sa Laot, sa pagdating ng barkong Doulos

AKLATAN SA LAOT, SA PAGDATING NG BARKONG DOULOS
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabatid namin ni misis ang pagdating ng barkong internasyunal na MV Doulos sa bansa. Isa iyong malaking bentahan ng aklat na nag-iikot sa buong mundo. Ayon nga sa kanilang patalastas, "MV Doulos Hope, the largest floating library in the world, anchored in Manila for a 19-day visit from March 27 to April 14, 2024, at the Eva Macapagal Terminal, Port Area Manila."

Ayon pa sa kanila, ang salitang 'doulos' ay Griyego at nangangahulugang lingkod o servant, kaya ang barko ay dapat maging 'lingkod ng pag-asa' o 'servant of hope'.

Huli kong punta roon ay noong 2012 pa nang pumunta ito sa bansa noon.

Nagtungo kami ni misis doon, hapon na ng Abril 10, 2024, dahil Araw ng Eid Il Fitr, na isang holiday sa ating bansa. Maraming pila, maraming tao. Sa online ay hindi kami nakahabol ni misis dahil fully booked na, kaya naghintay pa kami ng mga lalabas. Mga kalahating oras din kaming naghintay at nakapasok din sa barko.

Napag-usapan namin ni misis na tila ba mas malaki ang barkong Rainbow Warrior ng Greenpeace sa barko ng MV Doulos.

Sa loob, maraming mga bata, at marami ring shelf ng Children's Books. Halos walang political books, at marami ang bible at religious books. Sa bungad pa lang ay marami nang sudoku puzzles, sa isang malaking lamesa.

Ang nabili ko ay dalawang aklat na pangkalikasan: Ang "Discover Weather and Climate, A Guide to Atmospheric Conditions" at ang "Endangered Animals and How You Can Help." Ang una ay nagkakahalaga ng 200 unit na katumbas ng P240.00 at ang ikalawa naman ay 100 unit o P120.00. Kaya bale P360.00 ang dalawang aklat. Dagdag pa ang isang remembrance ballpen na may tatak ng Doulos sa halagang P40.00 at ang bag na may tatak na Doulos Hope sa halagang P60.00. Kaya P460.00 lahat. Sulit naman dahil bihira namang dumating ang barkong ito sa atin.

Dahil nga walang pampulitika at pang-ekonomyang aklat, at wala ring mga tula, bagamat may ilang literatura, mas pinili ko ang dalawang aklat na pangkalikasan, dahil mas makakatulong ito sa kampanya para sa kapaligiran at klima, lalo na sa pagbibigay ng edukasyon sa mga maralita, na madalas kong kaulayaw bilang sekretaryo heneral ng isang samahang maralita.

Naisip ko, maganda ring may ganitong barko para naman sa panitikang bayan. Mga tula at kwentong bayan, at nobela ng ating mga hinahangaang Pilipinong manunulat, sa wikang Pilipino man at sa wikang Ingles, upang maitaguyod ang ating panitikan sa ibang bansa.

Kumatha ako ng munting tula hinggil sa karanasan sa nasabing barko.

AKLATAN SA LAOT

may bilihan ng aklat sa laot
ito ay sa barkong M.V. Doulos
hapon na, mabuti't nakaabot
kami ni misis sa barkong Doulos

barkong lumilibot sa daigdig
sa lugar na mainit, malamig
misyon ng barko'y nakakaantig
ang mensahe'y pag-asa't pag-ibig

maraming aklat pambata roon
pati na aklat pangrelihiyon
iba'y bumili ng kahon-kahon
kami'y dalawang libro lang doon

umuwi kaming pawang masaya
nabili mang aklat ay dalawa
mahalaga'y doon nakasampa
sana roon ay makabalik pa

04.11.2024

Linggo, Marso 17, 2024

Wakasan ang OSAEC!

WAKASAN ANG OSAEC!

Nitong Pebrero 13, 2024 ay naglathala ng infographics ang Philippine Information Agency (PIA) hinggil sa Republic Act 11930, na kilala ring Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Naisabatas ito noong Hulyo 30, 2022, panahon na ni BBM subalit nakasulat sa batas ay si Pangulong Duterte. May kalakip itong pasubali: Approved: Lapsed into law on JUL 30 2022 without the signature of the President, in accordance with Article VI Section 27 (1) of the Constitution.

Matatagpuan ang nasabing batas sa kawing na: https://lawphil.net/statutes/repacts/ra2022/ra_11930_2022.html at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito, na umaabot ng 73 pahina at naka-pdf file, ay nasa kawing na:  https://www.doj.gov.ph/files/2023/ISSUANCES/RA%2011930%20IRR.pdf.

Sa infographics ng PIA, may apat itong kahon na may litrato at pagtalakay. Makikita ito sa kawing na: https://pia.gov.ph/infographics/2024/02/13/batas-laban-sa-digital-child-sexual-abuse.

Narito ang mga nakasulat:
Unang kahon - Mga dapat malaman ukol sa R.A.11930 
Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) and Anti-Chile Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.

Ikalawang kahon - Mga nakapaloob sa R.A.11930
- Koordinasyon sa internet service providers at telecommunications companies upang matanggal at mapigilan ang pagkalat ng CSAEM sa internet.
- Responsibilidad ng mga may-ari ng internet cafe, hotspots, at kiosks na ipabatid sa publiko ang mahigpit na ipinagbabawal ng R.A.11930 ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata online at offline.
- Tungkulin ng mga may-ari, nagpapaupa, sub-lessors, operators, at tagapangasiwa ng mga hotel, motel, residential homes, condominiums, dormitories, apartments, transient dwellings, at iba pa, na ipaalam sa NCC-OSAEC-CSAEM ang anumang pangyayari ng OSAEC sa kanilang lugar.
- Offenders Registry - pagkakaroon ng talaan ng child sexul offenders.
- Pangangalaga ng mga lokal at nasyonal na ahensya sa mga kabataang naging biktima ng sekswal na pang-aabuso.

Ikatlong kahon - (Depinisyon)
OSAEC
- Tumutukoy sa paggamit ng Information and Communications technology (ICT) sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa mga bata
- Kabilang dito ang mga sitwasyon kung saan bahagi ng offline na pang-aabuso at/o pananamantalang sekswal ay isinagawa online
- Saklaw nito ang produksyon, pagpapakalat, at pag-aari ng CSAEM mayroon man o walang pahintulot ng biktima

CSAEM
- Tumutukoy sa mga materyal na naglalarawan sa isang bata na kasali o nakikibahagi sa sekswal na aktibidad, maging tunay man ito o kunwari lamang
- Kasama rito ang mga materyal na nagpapakita sa sekswal na pang-aabuso at/o pananamantala sa isang bata, naglalarawan sa bata bilang isang sekswal na bagay, o nagpapakita ng mga pribadong pag-ri ng katawan ng isang bata
- Ang mga materyal na ito ay maaaring ginawa offline o sa pamamagitan ng ICT

Ikaapat na kahon - Paano makakaiwas sa OSAEC?
- Huwag magbahagi ng personal na impormsyon, litrato, at video sa mga taong nakilala lamang sa internet.
- Para sa mga magulang, siguraduhing gabayan at i-monitor ang mga kausap at gawain ng inyong mga anak sa social media
- Kung maaari, panatilihing pribado lamang sa inyong pamilya at kaibigan ang mga litrato at video ng inyong mga anak.
- Ipagbigay-alam agad sa kinauukulan kung makaranas ng kahit anong paraan ng pang-aabuso.


Strengthen online safety of children with RA 11930 or the Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act, or more commonly known as the Anti-OSAEC and CSAEM Act!

While the internet opens doors to possibilities, it also exposes children to dangers, including sexual abuse and exploitation. The Anti-OSAEC and CSAEM Act substantially reduces such danger by, among others, establishing the National Coordination Center against OSAEC and CSAEM, enhancing coordination and reporting mechanisms, and further firming up the duties and obligations of concerned actors, especially internet intermediaries.

Together, let's shape a safer digital world for our children!

Ang usaping ito'y ginawan ko ng tula bilang ambag sa pagtataguyod ng proteksyon sa mga bata:

WAKASAN ANG OSAEC!

halina't ang OSAEC ay ating labanan
na pag-abusong sekswal ang pinatungkulan
lalo sa online na biktima'y kabataan
ganitong krimen ay huwag nating hayaan

ay, iba na talaga ang panahon ngayon
may pag-abusong sekswal na gamit ang selpon
may pornograpiya o anupaman iyon
mga sexual maniac ay diyan nagugumon

kaya bantayan po natin ang mga anak
dapat kaligtasan nila'y ating matiyak
baka nang dahil diyan, sila'y mapahamak
makilala pa nila'y manloloko't manyak

kaya aralin natin ano ang OSAEC
paanong di mabiktima ng mga switik
paano iiwasan ang mga limatik
na baka sa iyong anak ay nasasabik

iwasan ang materyal na pornograpiya
at online na sekswal na pananamantala
dapat sa nagkasala'y matinding parusa
pagkat bata sa online ang binibiktima

- gregoriovbituinjr.
03.17.2024

* litratong silhouette mula sa google

Huwebes, Marso 14, 2024

Kwento - Bawal Bastos Law


BAWAL BASTOS LAW
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nagkita ang mga magkakapitbahay na sina Ingrid, Ines, Isay, at Inday, at napag-usapan nila ang bagong batas na Bawal Bastos Law, dahil na rin sa isang kaso ng panghihipo sa kanilang kapitbahay na si Isabel. Umano’y kinasuhan ni Isabel ng panghihipo ang lasing na lalaki sa dyip na nasakyan niya. Hinuli ang lalaki ng mga pulis sa tulong na rin ng ibang pasahero, subalit itinatanggi umano ito ng lalaki nang mahimasmasan.

“Hoy, alam n’yo ba?” Pagsisimula ni Ingrid, “May bagong batas pala na tinatawag na Bawal Bastos Law, na siyang ginamit ni Isabel na batas upang kasuhan ang lalaking nanghipo sa kanya.”

Sumagot si Ines, “Hindi ko alam na may ganyang batas na pala. Dapat alam natin iyan. Lalo na ngayong Buwan ng Kababaihan, mga amiga, buwan natin ngayon. Ano nga pala iyang Bawal Bastos Law.”

Si Isay ang nagpaliwanag, dahil aktibong kasapi siya ng Oriang Women’s Movement. “Ang tinatawag na Bawal Bastos Law sa batas ay ang Safety Spaces Act o Republic Act No. 11313, na isinabatas noong Agosto 3 2019, habang ang implementing rules and regulations nito (IRR) ay inaprubahan noong Oktubre 28, 2019. Ang panghihipo at pagsipol dahil nagagandahan sila sa atin, aba’y kabastusan na iyan, hindi ba? Pati nga malisyosong akto at komento ay pinagbabawal na ng batas.”

“Subalit may Anti-Sexual Harassment Act of 1995 na, hindi ba? Di pa ba sapat iyon?” Tanong ni Inday.

Sumagot si Ines, “Mas pinaigting ng Bawal Bastos Law ang batas, na hindi lang panggagahasa ang kakasuhan kundi maging ang simpleng pagtitig sa katawan ng babae ay kahalayan na. Halimbawa, nakasakay ka sa dyip, bus o tren, at may isang pasahero na kung makatingin sa suso mo ay parang gusto ka agad sunggaban. Aba’y kaso na iyon.”

“Kaya pala agad nakasuhan ni Isabel ang lalaking lasing na iyon. Dahil may batas na palang ganyan.” Sabi ni Inday. “Buti naman.”

Naririnig pala sila nina Inggo at Igme na kanina pa nakaupo sa tabi habang nagkakape. Sumabat si Inggo, “Kung ganoon pala, pag sumipol pala ako habang naglalakad ka sa kalsada, maaari na akong kasuhan?”

“Aba’y oo, Inggo. Kung ako ang dalagang sinipulan mo, baka hindi lang kita isumbong sa pulis at kasuhan, makakatikim ka talaga sa akin. Subukan mo lang. Kahit ako’y matanda na, pag bastos ka, kakasuhan kita sa Safe Spaces Act. Kaya nga safe space, eh, wala dapat bastos.”

Si Igme naman, “Ibig nilang sabihin, pareng Inggo, iyang Bawal Bastos Law ay nagbabawal sa pambabastos sa sinumang tao, babae man o lalaki, bakla man o tomboy, anuman ang kasarian. Ipinagbabawal ang pangbabastos ng personal, harapan man o talikuran, at online.”

Sumagot muli si Isay, “Buti pa iyang kumpareng Igme mo, Inggo, ay alam kung ano ba itong pinag-uusapan natin. Aba’y ayaw din niyang pati sila ng kanyang mga anak na lalaki ay makasuhan ng pambabastos, kahit simpleng sipol lang iyan.”

Muling nagtanong si Ines, “Bukod sa pagsipol at panghihipo, ano pa ang mga bawal?”

Si Isay, “Iyong nasabi ko na, bawal iyang catcalling o pagsipol o pagtawag ng “sexy” sa mga dumaraan. Bawal din ang stalking o ang pagsunod-sunod nang walang pahintulot, pagtitig at paglapit sa isang tao na nagdudulot sa kanya ng takot. Pati mga kapraningan nga, ayon sa batas ay bawal, tulad ng pagma-masturbate sa pampublikong lugar, pagpapakita ng maseselang bahagi ng katawan sa plasa o palengke, o paghawak sa katawan ng isang tao na wala siyang pahintulot. Bawal din ang pagpapakalat ng mga nakakabastos na larawan ng iba, pambubully dahil sa kasarian, pagcocomment sa facebook ng mga mahahalay na salita. Bawal na rin ang paghawak sa maselang bahagi ng katawan ng waitress o pagyayayang makipagtalik sa saleslady.”

Nagtanong muli si Inggo, “Paano naman pag menor de edad ang nambastos, dahil hindi naman nila alam ang batas?”

“Alam mo, pareng Inggo,” sabi ni Igme, “May kasabihan ngang ignorance of the law excuses no one.”

Si isay muli, “May batas para riyan, at kung menor de edad, irereport ang bata sa Department of Social Welfare and Development o DSWD upang mabigyan ng kaukulang pagdisiplina.”

Tugon ni Ines, “Maraming salamat, Isay, sa mga paliwanag. Gabi na, uwi muna ako. Kita na lang tayo sa rali ng kababaihan sa Marso Otso.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2024, pahina 18-19.

Martes, Marso 12, 2024

Ang seasonal workers ay matuturing na regular na manggagawa, ayon sa SC

ANG SEASONAL WORKERS AY MATUTURING NA REGULAR NA MANGGAGAWA, AYON SA SC
Malayang salin ng ulat at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nais nating bigyang pansin ang balitang pinamagatang "SC: Seasonal workers can be deemed regular employees" na inulat at sinulat ng mamamahayag na si Jane Bautista ng Philippine Daily Inquirer, at nalathala nitong Pebrero 21, 2024 sa nasabing pahayagan.

Subalit nais kong isalin sa wikang Filipino ang kanyang ulat upang mas manamnam pa natin kung bakit nga ba ang seasonal workers ay maaaring ituring na regular na empleyado. Narito ang malayang salin ng ulat:

Maaari bang ituring na regular na empleyadoang isang pana-panahong manggagawa?

Sinabi ng Korte Suprema, na nagdesisyon sa isang labor case noong 2009 na kinasasangkutan ng isang tinanggal na manggagawa sa plantasyon ng asukal sa isang asyenda sa Negros Occidental, na ang isang empleyado ay maaaring ituring na regular na manggagawa kung siya ay gumaganap ng trabaho o mga serbisyong "pana-panahon o seasonal” at nagtatrabaho nang higit sa isang panahon o season.

"Ang katotohanang ang isang empleyado ay malayang gawin ang kanilang mga serbisyo para sa iba ay hindi nagpapawalang-bisa sa regular na katayuan sa pagtatrabaho hangga't sila ay paulit-ulit na tinatanggap para sa parehong mga aktibidad at hindi lamang on at off para sa anumang solong yugto ng gawaing pang-agrikultura," ayon sa Korte Suprema sa isang desisyong ipinahayag noong Nobyembre 13, 2023, ngunit nai-post lamang sa website nito noong Pebrero 16, 2024.

Sisyemang ‘Pakyawan’ 

Sinabi ng korte na ang mabayaran sa ilalim ng isang sistemang “pakyawan” o task basis arrangement (kaayusang batay sa gawain) ay hindi magpapawalang-bisa sa regular na trabaho “hangga’t ang employer ay may karapatang gamitin ang kapangyarihan ng kontrol o pangangasiwa sa paggampan ng mga tungkulin ng isang empleyado, ito man ay talagang nagagampanan o hindi."

Ibinasura ng desisyon ng Korte Suprema ang petition for review on certiorari na inihain ng Hacienda San Isidro/Silos Farms at ng isang Rey Silos Llamado na hinahamon ang desisyon ng Court of Appeals (CA) noong 2013 na nagdeklara kay Helen Villarue bilang regular na empleyado ng plantasyon ng asukal at nag-utos ng pagbabayad ng kanyang back wages at separation pay.

Ang asawa ni Villarue na si Lucito ay pinangalanang respondent sa petisyon.

Noong 2009, nagsampa ng magkahiwalay na reklamo ang mga Villarue sa National Labor Relations Commission (NLRC) para sa illegal dismissal, underpayment ng sahod, at pagbabayad ng service incentive leave pay at attorney’s fees.

Noong 2011, nagpasya ang labor arbiter na ang pagpapaalis kay Lucito ay para sa isang "makatarungang dahilan ngunit walang angkop na proseso (just cause but without due process)" at inutusan ang Silos Farm at si Silos na magbayad ng P5,000 para sa nominal damages. Si Helen naman ay napag-alamang regular na empleyado at idineklara itong legal na tinanggal.

Nagsampa naman ang mga petitioner ng isang memorandum of partial appeal sa NLRC, na pumanig sa kanila at binago ang desisyon ng labor arbiter—na si Lucito ay nabigyan ng due process noong siya ay tinanggal at si Helen ay hindi isang empleyado ng asyenda.

Iniutos din ng NLRC na kanselahin ang P5,000 award para sa nominal damages.

'Kapangyarihan ng kontrol'

Naghain ang mga Villarue ng motion for reconsideration, na pinagbigyan ng NLRC noong 2012 at nagresulta sa pagbabalik ng inisyal na desisyon ng labor arbiter. Nagdesisyon ang NLRC na ang mag-asawa ay iligal na tinanggal at inutusan ang mga petitioner na bayaran sila ng kabuuang P481,035.23 para sa separation pay, back wages, wage differential, 13th month pay at attorney’s fees.

Ito ang nag-udyok sa mga petitioner na iangat ang kaso sa CA, na sa una ay nagpasya na "Nabigo si Helen na patunayan ang pagkakaroon ng lahat ng mga elemento upang matiyak ang relasyon ng employer-empleyado sa pagitan niya at ng mga petitioner, partikular na ang mahalagang elemento ng kapangyarihan ng kontrol."

Gayunpaman, sa paghahain ng mosyon para sa muling pagsasaalang-alang noong 2013, binawi ng CA ang dati nitong desisyon at pinagtibay ang mga desisyon ng labor arbiter at ng NLRC na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner batay sa Article 280 (ngayon 295) ng Labor Code.

Palagiang kinukuhang magtrabaho

Sinabi ng CA na itinuring nito na kaswal na empleyado si Helen "ngunit maaaring ituring na isang regular na empleyado dahil sa pagbibigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, na patuloy na tinatanggap sa trabaho hanggang sa pagkatanggal sa kanya."

Binanggit ng CA ang ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code na nagsasaad na “ang sinumang empleyado na nakapagbigay ng serbisyong hindi bababa sa isang taon, kung ang naturang serbisyo ay tuluy-tuloy o putol-potol, ay dapat ituring na isang regular na empleyado na may kinalaman sa aktibidad kung saan siya ay nagtatrabaho at ang kanyang trabaho ay magpapatuloy habang umiiral ang ganoong aktibidad.”

Sa petisyon nito sa mataas na tribunal, nangatuwiran ang mga amo na si Helen ay “bahagyang nagtrabaho sa asyenda sa batayang pakyawan,” at wala silang anumang kontrol sa paraan ng kanyang pagtatrabaho.

Idinagdag nila na si Helen ay malayang magtrabaho saanman, na binanggit na siya ay paulit-ulit na kinukuha, na nagbibilang ng "patdan" (maliit na pinagputulan ng tubo) at namamahala't nagpapatakbo rin ang sarili niyang tindahang sari-sari.

Ngunit dahil napag-alaman ng labor arbiter, ng NLRC at ng CA na si Helen ay isang regular na empleyado ng mga petitioner, sinabi ng Korte Suprema na itinuring nito ang desisyon nang may paggalang at pinal.

Gayunpaman, itinuwid ng mataas na hukuman ang katwiran ng CA sa pagtungo sa konklusyon na si Helen ay isang regular na empleyado, na nagsasabi na ito ay "mali" para sa CA na ikategorya siya bilang kaswal na empleyado sa pamamagitan ng paglalapat ng ikalawang talata ng Artikulo 295 ng Labor Code.

Ayon sa Korte Suprema, dapat ang batayan ay ang eksepsiyon na nakasulat sa unang talata ng batas na iyon, na nagsasaad na ang mga hindi sakop ng regular na trabaho ay ang mga pana-panahong manggagawa lamang na ang trabaho ay "para sa durasyon ng panahon o season."

"Kaya, ang mga pana-panahong empleyado na nagtatrabaho nang higit sa isang panahon sa trabaho o serbisyo na pana-panahong ginagawa nila ay hindi na nasa ilalim ng eksepsiyon sa unang talata, subalit nasa ilalim ng pangkalahatang tuntunin ng regular na pagtatrabaho," sabi nito.

Binanggit ng mataas na hukuman na habang ang mga manggagawang bukid sa pangkalahatan ay nasa ilalim ng kahulugan ng mga pana-panahong empleyado, palagi nitong pinanghahawakan na ang mga pana-panahong empleyado ay maaaring ituring na mga regular na empleyado.

“Paulit-ulit na kinukuhang magtrabaho [si Helen] para sa parehong mga aktibidad, ibig sabihin, pagtatanim ng tubo, pagbibilang ng patdan, atbp. Kaya naman, kung malaya siyang ibigay ang kanyang mga serbisyo sa ibang mga may-ari ng sakahan ay walang kaugnayan dito. Ang katotohanan na siya ay nagpapanatili ng isang sari-sari store ay hindi rin mahalaga at hindi tugma sa kanyang regular na katayuan sa pagtatrabaho sa mga petitioner," sabi nito. INQ

MANGGAGAWANG REGULAR SI HELEN

paulit-ulit kinukuhang magtrabaho
si Helen, isang pana-panahong obrero
ibig sabihin, pag tag-ani na ng tubo
pinakikinabangan ang kanyang serbisyo

kada tag-ani, manggagawa'y nakahanda
at nagtatrabaho nang walang patumangga
lalo't higit isang taon nang ginagawa
dapat turing na'y regular na manggagawa

ang balita pag inaral mo'y lumilitaw
ang sinabi ng Korte na sadyang kaylinaw
regular ang nagtatrabahong araw-araw
nang higit isang taon, ito ma'y may laktaw

regular ang manggagawang pana-panahon
tuloy-tuloy o putol-putol pa man iyon
pag-aralang tunay ang nasabing desisyon
ng Korte Suprema't baka magamit ngayon

03.12.2024