Biyernes, Mayo 22, 2015

Tuwing Mayo 22 - Pandaigdigang Araw ng Saribúhay (World Biodiversity Day)


TUWING MAYO 22 - Pandaigdigang Araw 
ng Saribúhay (World Biodiversity Day)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahina 175 ng UP Diksyunaryong Pilipino ay ganito ang nakasulat:

biodiversity (bá-yo-day-vér-si-tí) png [Ing]: pagkakaiba-iba ng mga haláman at hayop: SARIBÚHAY

Ibig sabihin, may salin sa wikang Filipino ang biodiversity, at ito nga ang saribúhay.

Ang biology ay biyolohikal, at ang diversity naman ay (day-vér-si-tí) png [Ing]: iba't ibang uri ng bagay, idea, tao, lahì, hayop, halaman, at iba pa: dibersidad.

Ang Pandaigdigang Araw para sa Biyolohikal na Dibersidad (o Pandaigdigang Araw ng Saribúhay) ay isang idineklarang araw ng Nagkakaisang mga Bansa (United Nations) para itaguyod ang iba't ibang isyu o usapin hinggil sa saribúhay, na itinalaga ang Mayo 22 bilang siyang araw nito.

Nalikha ito ng Ikalawang Lupon ng UN General Assembly noong 1993, at mula noon hanggang taon 2000, ito'y ginugunita tuwing Disyembre 29, na araw na nagkabisa ang Convention on Biological Diversity. Ganap itong napalitan ng petsa at naging Mayo 22 upang gunitain ang pagpapatibay ng nasabing kombensyon noong Mayo 22, 1992 sa Rio Earth Summit, at upang hindi na rin ito masabay sa napakarami pang pista opisyal sa huling bahagi ng Disyembre.

Mahalaga ang taunan nating paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Saribúhay tuwing Mayo 22, dahil binibigyan tayo ng panahon nitong pag-isipan at pahalagahan ang mga bagay-bagay sa ating paligid, na karaniwang di natin pinapansin. Paano nga ba nagkakaiba-iba ang sari-saring buhay sa ating daigdig, at paano tayo aangkop at paano natin sila aalagaan upang makaangkop din sila sa atin, o sa daigdig na ito.

Halimbawa na lamang ay ang mga punong pino o pine tree ng Baguio. Mabubuhay kaya sila pag itinanim natin ang mga ito sa mga lupa sa lungsod, tulad ng Mehan Garden sa Maynila o sa Sunken Garden sa Diliman, o mangungulila lamang sila o mamamatay. Ang GMO (o genetically modified organisms) naman tulad ng Bt corn at Bt talong ay malaking kapangahasan sa pagtataguyod ng saribúhay, na sa bandang huli ay maaaring pagsisihan ng sandaigdigan.

Tulad ng mga elepante sa Manila Zoo, na matagal na panahon nang wala sa kagubatan ng Thailand kung saan marami silang kalahi. Nangungulila sila, bagamat hindi sila namatay dahil sa kalungkutan, dahil na rin sa tuwinang pangangalaga sa kanila at pagpapakain. Ngunit tama bang nakakulong sila o napadpad sila sa lugar na hindi sila angkop. Di sila tulad ng tao na maaaring mag-OFW, bagamat ang mga OFW karamihan ay napilitan ding iwan ang kanilang pamilya ng matagal na panahon para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Ang pagpapahalaga at pag-unawa natin sa saribúhay ay malaki na nating ambag sa pagpapanatili ng kaayusan ng ating paligid. Dapat natin itong gunitain at tuwina'y pag-usapan ang iba't ibang isyung kaakibat nito. Tama ba o mali ang idudulot ng mga hakbang o programang isinasagawa? Laging tumpak na kumilos tayo laban sa mga mali.

Editoryal ng pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Mayo 2015, pahina 3.

Lunes, Mayo 4, 2015

KARABANA para sa Hustisya at Karapatan mula Sta. Cruz, Zambales hanggang Malakanyang, Inilunsad

KARABANA para sa Hustisya at Karapatan
mula Sta. Cruz, Zambales hanggang Malakanyang, Inilunsad

Naglunsad ng karabana mula sa Sta. Cruz, Zambales sa pangunguna ng mga kasapi ng Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS). Anim na sasakyan ang kanilang sabay-sabay na nagkarabana upang iparating sa pamahalaan, at sa mamamayan ng Zambales, na dapat nang ipatigil ang pagmimina sa buong Zambales, lalo na sa Sta. Cruz. Nagsimula sila nitong Abril 29, 2015 ng umaga.

Iisa lang ang kanilang panawagan: "Itigil na ang pagmimina sa Sta. Cruz, Zambales!" Matatandaang apat na kumpanya ng pagmimina ang namamahala ng operasyon sa Sta. Cruz, at ito'y ang Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Dahil dito'y nagkaisa ang mga manggagawa ng apat na minahan na itayo ang Mining Workers for the Environment Association (MWEA) noong Nobyembre 2014 sa isang lugar sa Candelaria, Zambales.

At bilang malaking bahagi ng kanilang pagkilos, inilunsad nila ang karabana, kasama ang iba't ibang grupo sa pangunguna ng CCOS, MWEA, ATM (Alyansa Tigil Mina), PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice), PMPI (Philippine Misereor Partnership Inc.), BK (Bantay Kita), BMP (Bukluran ng Manggagawang Pilipino) at Sanlakas.

Una silang naglunsad ng rali sa harapan ng City Hall ng Sta. Cruz. Matapos nito'y nagtungo sila sa pamahalaang panlalawigan o Governor's Hall sa Iba, Zambales, at ipinahayag din nila ang panawagang itigil na ang pagmimina sa kanilang lugar. Habang naglalakbay, sila'y may trompang nagsisilbi para mas marinig ng mamamayan ang mga tagapagsalitang kasama sa karabana. Ipinahayag nila sa dinaanan ng karabana ang paninindigan ng mamamayan ng Sta. Cruz laban sa pagmimina.

Dumaan sila ng Olongapo at nagpahinga sila roon. Maraming mga aberyang nangyari sa karabana, tulad ng pagka-flat ng gulong ng isang sasakyan, at pagkaligaw ng isang kasamang nakamotor. Gabi na nang sila'y makarating sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Visayas Avenue sa Lungsod Quezon. Doon sila sa bangketa nito nagpalipas ng magdamag. Naglagay sila ng mga tarpolin, lona, at karton na tulugan.

Kinabukasan, Abril 30, naglunsad sila ng programa sa harapan ng DENR. Bago makapananghali ay nagtungo sila sa Commission on Human Rights (CHR) sa Diliman, at nakipag-usap kaharap ang dalawang commissioner doon.

Bandang hapon ay nagtungo na sila sa Morayta upang magmartsa patungong Mendiola. Sa Morayta ay hinintay nila ang isa pang malaking bulto ng nagmamartsa na mula naman sa Las Piñas upang magpalipas naman ng magdamag sa tulay ng Mendiola. Bisperas iyon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Mayo Uno, kasama na nila ang iba't ibang grupo ng manggagawa at doon ay ipinahayag ng mga nakilahok sa karabana na dapat nang matigil ang pagmimina sa kanilang lugar sa Sta. Cruz sa Zambales. (Ulat ni Greg Bituin Jr.)


(mga litrato kuha ni Dok Ben Molino ng CCOS)



bahagi ng polyetong inilabas hinggil sa Karabana

KARABANA PARA SA HUSTISYA AT KARAPATAN TUTUNGO SA MALAKANYANG

Ang mga minero at opisyales ng gobyerno ay patuloy na nagkukutsabahan kaya patuloy ang perwisyong pagmimina na dulot ay paglabag sa karapatang pantao at inhustisya sa mamamayan at kapaligiran.

Nitong nagdaang taon - Hunyo at Hulyo - ay nasuspindi ang hauling at mining operations ng mga kumpanyang pagmimina sa mga bayan ng Sta. cruz at candelaria sa Zambales. Nasuspindi ang hauling operations ng Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI) noong Hunyo at mining operations ng apat kasama ang Zambales Diversified Metals Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI) noong Hulyo. Subalit noong unang Linggo ng Disyembre, ang Mines and Geoscience Bureau - Region 3 (MGB3) ay nag-issue ng Ore Transport Permit (OTP) samantalang nananatili pa ang suspension sa apat na kumpanya. Ilegal ito dahil hindi pa natanggal ang suspension sa pagmimina at hauling operations.

Pero dahil sa ito ay itinaon sa buwan ng Disyembre - magpa-Pasko, ang Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) ay hindi makakilos. Kung kumilos ang CCOS para tutulan ang ilegal na hauling operations, magmumukha itong kontrabida. Tapos na ang Pasko at Bagong Taon pero nagpatuloy pa rin ang ilegal na pagmimina kung kaya kumilos na ang CCOS noong Enero. Pero sa buwang ito ay binawi naman ng Environmental Management Bureau - Region 3 (EMB3) ang suspension ng hauling operations at ng MGB3 sa mining operations samantalang hindi pa nakatupad sa mga kundisyones na nakasaad sa mga suspension, tulad ng:

(1) pagsasaayos ng lahat ng naperwisyong sakahan, palaisdaan, ilog, batis, at baybay-dagat;

(2) pagbayad sa lahat ng nabiktima ng mapanirang pagmimina;

(3) pagkakaroon ng sariling kalsada; atbp.

Inisyu daw ang OTP para hakutin ang mga ilegal na stockpile sa bundok para makaiwas sa sakuna. Ito ay PALUSOT dahil una ay ilegal ang stockpile sa mining site (dapat ay parusa ang igawad sa mga minero) at tapos na ang tag-ulan.

Maliwanag sa dalawang pagkakataon na magkakutsaba ang mga minero at mga opisyales ng gobyerno sa pagsira ng kapaligiran at hindi paggalang sa karapatan ng mga mamamayan sa karapatan na magkaroon ng malusog at balanseng ekolohiya (1987 Saligang Batas, Artikulo II, Seksyon 16). Magkakutsaba din sila sa paggawa ng inhustisya - hindi na nga nila binabayaran ng tama ang mga danyos sa mga nasirang sakahan, palaisdaan at kapaligiran, binalak pa nilang tanggalan ng karapatan ang mga naperwisyong mamamayan sa paghabol ng danyos sa pamamagitan ng pagpapapirma ng waiver at quitclaim noong Enero.

Maliban sa ilegal na pagmimina ay nilabag din ng mga minero ang karapatan ng mga manggagawa sa pagmimina. Hindi sila binigyan ng angkop na sahod at hindi akma ang kanilang mga benepisyo kung meron man. Masahol pa, ang ilan ay walang benepisyo at kinaltasan ng sahod pambenepisyo pero wala naman silang mga TIN, SSS, at PhilHealth.

Dahil sa patuloy ang inhustisya, pagsira ng kapaligiran, at patuloy ang panloloko sa mamamayan ng mga magkakutsabang mga minero at mga opisyales ng gobyerno ay dadalhin ng mamamayan ang reklamo sa Malakanyang upang:

(1) Singilin ang gobyerno ni PNoy sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran na umabot na sa karagatan ng mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa Zambales sanhi ng perwisyong pagmimina;

(2) Ipanawagan ang kanselasyon sa lahat ng permiso ng perwisyong pagminina;

(3) Ipanawagang ibalik ang kaayusan ng kapaligiran ng mga apektadong bayan;

(4) Ipabayaran ang lahat ng naperwisyong mamamayan: magsasaka, mangingisda, magpapalaisdaan, manggagawa, atbp.

(5) Ipanawagan ang pagkakaroon ng bagong batas sa pagmimina.

CCOS-MWEA/ATM/PMCJ/PMPI/BK/BMP/SANLAKAS

Kahulugan ng mga daglat:
CCOS - Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales
MWEA - Mining Wokers for the Environment Association
ATM - Alyansa Tigil Mina
PMCJ - Philippine Movement for Climate Justice
PMPI - Philippine Misereor Partnership Inc.
BK - Bantay Kita
BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino