Martes, Nobyembre 19, 2013

Halina't Palaganapin ang Kartilya ng Katipunan!

HALINA'T PALAGANAPIN ANG KARTILYA NG KATIPUNAN!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa loob ng mahigit dalawang dekada kong pagiging aktibista, nagsimula ako sa pagkilala sa Kartilya ng Katipunan bilang gabay ng aking pagkatao, tulad noong hindi pa ako aktibista ay naging gabay ko ang sampung utos, noong bahagi pa ako ng Catholic Youth Ministry noong highschool. Noong 1995, naging kasapi ako ng history group na Kamalaysayan (Kampanya sa Kamalayan sa Kasaysayan) kung saan mas lumalim pa ang pagkaunawa ko sa Kartilya ng Katipunan, pati na ang Liwanag at Dilim ni Emilio Jacinto, at ang Dekalogo ni Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayan kaya nga sinabi noon ni Bonifacio, "Matakot tayo sa kasaysayan pagkat walang lihim na hindi nabubunyag." Ang Kartilya ng Katipunan ay hindi tungkol sa madugong labanan kundi sa pagpapakatao at pakikipagkapwa tao, bagamat may nakasulat doon sa ikawalo, "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi" na hindi naman agad na tungkol sa madugong labanan. Naging bahagi ako ng Kilusang Kartilya na nagpupulong tuwing petsa 7 ng bawat buwan, ngunit ang mga kasama ko noon ay nasa ibang bayan na, habang maysakit naman ang iba pa.

Lagi ring bukambibig ng kaibigang Sir Ding Reyes, pasimuno ng Kamalaysayan, ang pagpapakatao at pakikipagkapwa tao, na siya kong naging gabay hanggang ngayon. Mula noon hanggang ngayon, maipagmamalaki kong wala akong inagrabyadong tao, bagamat ako ang laging naaagrabyado. Kung sakaling may pagtatalo man, dumadaan ito sa tamang proseso upang malaman ang katotohanan, at hindi sa haka-haka lamang na walang batayan. Sa panahon ng ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, muli nating sariwain at talakayin sa ating mga kamag-anak, kaklase, kapwa aktibista, kakilala, at kahit hindi kakilala, ang Kartilya ng Katipunan bilang gabay sa pagpapakatao. At hindi lamang sa okasyon ng ika-150 niyang kaarawan, kundi maging gabay din natin ang Kartilya ng Katipunan sa ating pang-araw-araw na buhay. Maraming salamat sa inyo. Mabuhay kayo! 

Mabuhay ang ika-150 kaarawan ng bayaning Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2013! Halina't ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa lahat!


ANG MGA ARAL NG KATIPUNAN SA ORIHINAL NA 'KARTILYA' NI EMILIO JACINTO 
(Ang Kartilya ng Katipunan ay mula sa dokumentong: "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito")

mula sa http://kartilya-katipunan.blogspot.com/


Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kun di damong makamandag.

Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.

Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang gawa, ang pagibig sa kapua at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuiran.

Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay: mangyayaring ang isa'y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda..., ngunit di mahihigtan sa pagkatao.

Ang may mataas na kalooban inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.

Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

Huwag mong sayangin ang panahun: ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahung nagdaan na'y di na muli pang magdadaan.

Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi.

Ang taong matalino'y ang may pagiingat sa bawat sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patugot ng asawa't mga anak: kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.

Ang babai ay huwag mong tignang isang bagay na libangan lamang, kun di isang katuwang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo nang boong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nagiwi sa iyong kasanggulan.

Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Dios, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kun di ang sariling wika, yaon may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaon di nagpapaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkapuluan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid na ligayang walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang natumbasan.

Biyernes, Oktubre 11, 2013

Ang Limang Pandaigdigang Deklarasyon sa Kababaihan


ANG LIMANG PANDAIGDIGANG DEKLARASYON SA KABABAIHAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa Pilipinas, ang kadalasang malakihang raling nagaganap taun-taon ay tuwing Marso 8 (Pandaigdigang Araw ng Kababaihan), Mayo 1 (Pandaigdigang Araw ng Paggawa), SONA (State of the Nation Address) tuwing ikaapat na Lunes ng Hulyo, at ang Nobyembre 30 (Kaarawan ng bayaning si Gat Andres Bonifacio). Sa dalawang pandaigdigang araw na nabanggit, wala ang Mayo Uno bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa kalendaryo ng Nagkakaisang Bansa (United Nations). Bakit kaya? 

Gayunman, nakatala roon ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. At hindi lamang isang deklarasyon hinggil sa kababaihan ang nasa kalendaryo ng UN, may iba pa. At ito'y ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day) tuwing Hunyo 23, ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women) tuwing Oktubre 15, ang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence Against Women) tuwing Nobyembre 15, at ang pinakabago'y ang Pandaigdigang Araw para sa Batang Babae (International Day for the Girl Child) tuwing Oktubre 11.

Napakahalaga ng mga deklarasyong ito hinggil sa kababaihan, dahil halos kalahati ng populasyon ng mundo ay pawang mga babae. Pinahahalagahan natin ang mga babae dahil bawat isa sa ating narito sa kasalukuyan, maging ang ating mga ninuno, ay nanggaling sa tiyan ng bawat ina, babae.

Isa-isahin natin ang kasaysayan o pinanggalingan ng pagdedeklara ng araw na ito.

Marso 8

Mga sosyalista ang nagpasimula ng Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (International Women's Day). Gayunman, sari-sari ang mga petsa bago naitalaga ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan. Noong 1909, ang unang Pambansang Araw ng Kababaihan ay pinagdiwang sa Estados Unidos sa petsang Pebrero 28. Itinalaga ang petsang ito ng Sosyalistang Partido ng Amerika bilang parangal sa welga ng kababaihang mananahi sa Nuweba York, kung saan nagprotesta ang mga kababaihan laban sa hindi magandang kalagayan sa pabrika. Noong 1910, sa pulong ng Pandaigdigang Sosyalista (Socialist International) na dinaluhan ng mahigit 100 kababaihan mula sa 17 bansa, idineklara nila ang isang Araw ng mga Kababaihan na pandaigdigan ang sakop, bilang parangal sa mga kilusan para sa karapatan ng kababaihan at upang makamit ang karapatan ng kababaihang maghalal at mahalal. Ginamit din ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan bilang mekanismo upang iprotesta ang Unang Daigdigang Digmaan (WWI). At noong Marso 8 ng 1917 sa Rusya, nagprotesta't nag-aklas ang mga kababaihan para sa "Pagkain at Kapayapaan" na tumapat sa Marso 8 sa kalendaryong Gregorian, bagamat ginagamit ng Rusya sa panahong iyon ay kalendaryong Julian na tumapat sa Pebrero. Noong 1975, na siyang Pandaigdigang Taon ng Kababaihan (International Women's Year), sinimulan nang ipagdiwang ng UN ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan tuwing Marso 8. 

Hunyo 23 

Ayon sa tala ng UN, libu-libong kababaihan ang mga nakaligtas sa dyenosidyo sa bansang Rwanda noong 1994 (1994 Rwandan genocide), mga kababaihang pawang namatayan ng asawa dahil sa digmaan. Lahat ay matinding natigatig, marami ang nagahasa, ang ilan ay nagkaroon ng HIV at marami sa kanila ang nakasaksi sa pagpatay sa kanilang pamilya. Mula 1994, nakikibaka na ang mga babaeng ito at ang mga organisasyong tumutulong sa kanila upang mabago ang pakikitungo sa mga kababaihan sa Rwanda, itinaguyod ang pagkakaroon ng madaliang pagkakaroon ng serbisyong medikal, pinansyal at pagpapayo, pati na rin pagbabago sa mga batas hinggil sa pag-aari, kasal, at karapatan sa mana ng kababaihan. Mula sa mga pangyayaring ito, idineklara ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa o PKNB (UN General Assembly) nitong Disyembre 21, 2010, sa pamamagitan ng Resolusyon Bilang 61/189, ang Hunyo 23 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda (International Widows' Day). Ayon kay UN Sec Gen. Ban Ki-moon,"Walang babaeng dapat mawalan ng karapatan pag namatay ang kanyang asawa - ngunit tinatayang 115 milyong balo o biyuda ang nabubuhay sa karalitaan, at 81 milyon naman ang pisikal na naaabuso. Maaaring mangyari rin ito sa mga babaeng may asawang mas matatandang lalaki. Gamitin natin ang Pandaigdigang Araw ng mga Balo o Biyuda upang itaguyod ang karapatan ng lahat ng mga balo o biyuda upang gumaan ang kanilang buhay at mapagtanto nila ang kanilang malaking kakayahang makapag-ambag pa sa ating daigdig.

Oktubre 11

Nitong Disyembre 19, 2011, sa ika-89 na pulong plenaryo ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN General Assembly) ay pinagtibay ang resolusyon Bilang 66/170 na nagdedeklarang ang Oktubre 11 ng bawat taon ay Pandaigdigang Araw ng Batang Babae (International Day of the Girl Child). Ito'y bilang pagkilala sa karapatan ng mga batang babae at sa mga panibagong hamon na kanilang kakaharapin, pagtataguyod ng kakayahan ng mga batang babae, at pagtiyak na ang kanilang karapatan ay tunay na nasasaalang-alang. Kinikilala ng UN na may mga diskriminasyon pa ring nangyayari sa mga batang babae sa maraming panig ng mundo. 

Bagamat ang karapatan ng mga batang babae ay nakapaloob na sa Convention on the Rights of the Child, at sa paglaki nila'y sa iba pang pandaigdigang deklarasyon ng kababaihan, hindi sila hiwalay o hindi dapat inihihiwalay sa karapatan ng kababaihan sa kabuuan, ngunit binibigyang diin lamang o pokus ang mga batang babae sa deklarasyong ito, lalo na sa aspekto ng edukasyon, at karapatan ng mga bata. 

Oktubre 15

Noong Disyembre 18, 2007, sa pamamagitan ng Resolusyon 62/136, pinagtibay ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa (UN GA) ang pagtatalaga sa Oktubre 15 bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan sa Kanayunan (International Day of Rural Women). Ito'y bilang pagkilala sa matinding papel at ambag ng mga kababaihan sa kanayunan, kasama na ang mga lumad o katutubo, sa paglilinang ng kaunlaran sa agrikultura at nayon, pagpapaunlad ng seguridad sa pagkain, at pagpawi ng kahirapan sa kanayunan. Ang tema ng ika-57 sesyon ng Komisyon sa Kalagayan ng Kababaihan (nitong Marso 4-15, 2013) ay: "Pagpawi at pagpigil sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at batang babae."

Nobyembre 25

Noong 1960, pinaslang ng diktadurya ni Rafael Trijillo ang tatlong magkakapatid na babaeng sina Patria Mercedes Mirabal (Pebrero 27, 1924-Nobyembre 25, 1960), María Argentina Minerva Mirabal (Marso 12, 1926-Nobyembre 25, 1960), at Antonia María Teresa Mirabal (Ocktubre 15, 1935-Nobyembre 25, 1960). Ang natira na lamang sa magkapatid ay si Bélgica Adela "Dedé" Mirabal-Reyes (isinilang - Marso 1, 1925). Mula 1981, idineklara na ng mga kababaihang aktibista ang Nobyembre 25 bilang araw laban sa karahasan. Noong Disyembre 20, 1993, pinagtibay ng PKNB ang Resolusyon Blg. 48/104 na siyang Pahayag para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (Declaration on the Elimination of Violence against Women).Naging ganap itong pandaigdigang araw noong Disyembre 17, 1999 sa pamamagitan ng Resolusyon 54/134 ng Pangkalahatang Kapulungan ng Nagkakaisang Bansa nang ideklara nito ang Nobyembre 25 ng bawat taon bilang Pandaigdigang Araw para sa Pagpawi ng Karahasan sa Kababaihan (International Day for the Elimination of Violence against Women).

Ilang pagninilay

Bagamat halos lahat ng deklaradong pandaigdigang araw sa UN ay pangkalahatan, babae man o lalaki, ang mga pandaigdigang araw para sa kababaihan ay hindi lamang para sa mga babae, kundi para rin sa kalalakihan, upang magkaunawaan ang bawat isa. Binigyang diin lamang dito ang pagtataguyod sa karapatan ng kasariang sa matagal na panahon ng pagsulong ng lipunan ay napabayaan at halos hindi natatamasa ang kanilang karapatan.

Sa palagay ko, dapat isama rin ang Mother's Day sa mga pandaigdigang deklarasyon, pagkat wala pa ito sa talaan ng United Nations. Gayunman, bagamat ito'y hindi pa nakaukit sa pandaigdigang deklarasyon, tiyak na nakaukit ito sa puso ng bawat isang nagmamahal sa ating mga ina.

Sa Pilipinas ngayon, mas kilala ng kababaihan ang Marso 8 bilang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan dahil taon-taon itong ginagawa. Kita ito sa malalaking rali ng kababaihan sa araw na ito. Bago lamang ang ilan pang deklarasyon. Bagamat nasimulan na rin sa Pilipinas ang pagkilala sa Nobyembre 25 ay bihira pa rin ang nakakaalam ng araw na ito. Gayunman, nasimulan na rin ilang taon na ang nakararaan ang mga malawakang pagkilos ng kababaihan pag sumasapit ang Nobyembre patungong Mendiola, sa lugar ng makasaysayang protesta. 

Bagamat bago pa lamang ang deklarasyon ng Oktubre 11 para sa mga batang babae, Oktubre 15 para sa mga babae sa kanayunan, at Hunyo 23 para sa mga biyuda, dapat bigyan din ang mga petsang ito ng kapantay na halaga, tulad ng Marso 8 at Nobyembre 25. Kailangan din itong gunitain bilang pagkilala sa mga babae, anuman ang katayuan nito sa buhay, bilang pantay ng lahat ng tao sa karapatan at hindi dapat nakakaranas ng karahasan. Kailangan pa ang mga deklarasyong ito sa ngayon habang marami pang nagaganap na karahasan sa kababaihan bilang paalala sa bawat isa ang paggalang sa karapatang pantao.

Ang mga pandaigdigang araw na ito ng mga kababaihan ay hindi lamang dapat kababaihan ang gumunita at magsikilos, kundi kaming mga kalalakihan din. Pagkat ang bawat karapatan ay dapat tamasahin ng lahat ng tao, anuman ang kanyang kasarian upang matiyak nating ang daigdig na ito'y may paggalang sa bawat isa, iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat isa, at hindi dinarahas, hindi niyuyurakan, o binabalewala ninuman. Higit sa lahat, ang bawat isa'y nagpapakatao, nakikipagkapwa-tao at iginagalang ang dangal at pagkatao ng bawat isa.

Huwebes, Agosto 29, 2013

Ang Internasyunalismo ng Kartilya ng Katipunan

ANG INTERNASYUNALISMO NG KARTILYA NG KATIPUNAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi lang pam-Pinoy ang Kartilya ng Katipunan. Magagamit ito ng sinuman, anuman ang kanyang nasyunalidad, upang mapabuti ang kanyang kalagayan, pagkat ang Kartilya ay mga alituntunin ng kagandahang asal na dapat isapuso ng sinuman. Ang kartilya ng Katipunan ay nakapaloob sa polyetong "Sa May Nasang Makisanib sa Katipunang Ito" na inilabas noon ng Katipunan bilang gabay sa pangangalap ng mga katipunerong lalaban para sa kalayaan ng bayan.

Kaya Aleman ka man, Pranses, Indones, Malay, o anupamang lahi, ay magagamit ang Kartilyang ito. Dahil wala namang naka-ispesipiko na pam-Pinoy lang ito. Nang isinalin ito sa wikang Ingles, o anupamang wika o diyalekto, at huwag lalagyan ng pamagat o pinanggalingan nito, mahihinuha mong ito'y unibersal o panlahat ng tao. Nakalahad sa ibaba ang sipi ng Kartilya ng Katipunan na may salin sa wikang Ingles, na inayos ng Kamalaysayan noong Hulyo 1992 para sa Katipunan, Sandaan!, at isinalin sa English ng yumaong Paula Carolina Santos-Malay. (mula sa kawing na http://kartilya-katipunan.blogspot.com/ at sa http://filipinos4life.faithweb.com/K-review.htm)

Kaya ang isinulat noon ni Emilio Jacinto na Kartilya ng Katipunan ay di lang pambansa, kundi pandaigdigan, pang-unibersal. Ibig sabihin, internasyunalismo ang Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang para sa mga makabayang Pinoy. ito'y mga gabay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Nagkataon lang na Katipunero ang nagsulat nito, at dito tayo sa bansang ito isinilang. Kaya kung susuriin natin ang Kartilya ng Katipunan, ito'y gabay na magagamit kahit na ng hindi kasapi ng Katipunan. Tulad ngayon na hindi na umiiral ang Katipunan na itinayo ni Bonifacio, ngunit ang mga aral nito ay mapaghahalawan pa natin ng aral, at matatagpuang hindi lang ito pambansa kundi pangkalahatan.

Kung maipapalaganap ang bersyong Ingles ng Kartilya ng Katipunan, lalo na sa mga taga-ibang bansa, tiyak na matutuwa ang marami sa mga ito, at maaaari nilang angkinin. Sa gayon, ang unibersalidad ng Kartilya ng Katipunan ay magiging ganap. At ito ang isa sa dapat nating gawin: ipalaganap ang Kartilya ng Katipunan sa daigdig at may salin sa iba't ibang wika upang mas tumagos ito sa puso't diwa ng higit na nakararami.

Halina't namnamin natin ang timyas ng mga pananalitang gabay ng Kartilya ng Katipunan sa ating pagkatao at mula doon ay atin itong isapuso't isadiwa. Pagnilayan din natin ang salin nito sa wikang Ingles na maaari rin nating ipamahagi sa mga kaibigang banyaga, o sa mga dayuhan.

1. “Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi (man) damong makamandag." (A life that is not dedicated to a noble cause is like a tree without a shade or a poisonous weed.)

2. "Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o pagpipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan." (A deed lacks nobility if it is motivated by self-interest and not be a sincere desire to help.)

3. "Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawanggawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang katuwiran." (True piety consists of being charitable, loving one's fellowmen, and being judicious in behavior, speech and deed.)

4. "Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mang­yayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao." (All [persons] are equal, regardless of the color of their skin. While one could have more schooling, wealth or beauty than another, all that does not make one more human than anybody else.)

5. "Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri." (A person with a noble character values honor above self-interest, while a person with a base character values self-interest above honor.)

6. "Sa taong may hiya, salita'y panunumpa." (To a [person] of honor, his/her word is a pledge.)

7. "Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring mag­balik; ngunit panahong nagdaan na'y di na muli pang magda­daan." (Don't waste time; lost wealth can be retrireved, but time lost is lost forever.)

8. "Ipagtanggol mo ang inaapi; kabakahin ang umaapi." (Defend the oppressed and fight the oppressor)

9. "Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin; matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim." (The wise man is careful in all he has to say and is discreet about things that need to be kept secret.)

10. "Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang uma­akay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." (Ang simula nito'y obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, ang katumbas nito ay ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa samâ, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.") (In the thorny path of life, the man leads the way and his wife and children follow. If the leader goes the way of perdition, so do the followers.)

11. "Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na) kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasang­gulan.” (Never regard a woman as an object for you to trifle with; rather you should consider her as a partner and helpmate. Give proper considerations to a woman's frailty and never forget that your own mother, who brought you forth and nurtured you from infancy, is herself such a person.)

12. "Ang di mo ibig gawin (ng iba) sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba." (Don't do to the wife, children and brothers and sisters of others what you do not want done to your wife, children and brothers and sisters.)

13. "Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangu­ngusap, may dangal at puri, yaong di nagpa­paapi't di nakikiapi; yaong marunong mag­dam­dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan." (A (person's) worth is not measured by his/her station in life, neither by the height of his nose nor the fairness of skin, and certainly not by whether he is a priest claiming to be God's deputy. Even if he is a tribesman/tribeswoman from the hills and speaks only his/her own tongue, a (person) is honorable if he/she possesses a good character, is true to his/her word, has fine perceptions and is loyal to his/her native land.)

14. "Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang mag­kakalahi't magkakapatid, ng ligayang walang kata­pusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan." (When these teachings shall have been propagated and the glorious sun of freedom begins to shine on these poor islands to enlighten a united race and people, then all the loves lost, all the struggle and sacrifices shall not have been in vain.)

Biyernes, Agosto 23, 2013

Ang Baybayin, ayon kina Bonifacio, Rizal, at sa Nobelang "Tasyo"

ANG BAYBAYIN, AYON KINA BONIFACIO, RIZAL, AT SA NOBELANG "TASYO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin ang tawag sa abakada ng ating mga ninuno bago pa dumating ang mga Kastila at modernong sibilisasyon sa ating lupain. Ngunit hindi na ito ginagamit ngayon dahil na rin sa pagpasok ng alpabeto mula sa Kastila at Ingles, maliban sa ilang maliliit na pangkat na sadyang nakatuon sa pag-aaral ng baybayin. Nabanggit ng ating dalawang magiting na bayaning sina Andres Bonifacio at Jose Rizal ang paraan ng pagsulat na ito ng ating mga ninuno sa kanilang akda.

Ang palagay ko lang noon sa baybayin ay kung paano ba binabaybay ang salita o ini-spelling. Natatandaan ko pa ang panuntunan sa balarilang Filipino: kung ano ang bigkas ay siyang baybay. Ibig sabihin, kung paano mo ito sinasabi ay iyon ang spelling o pagbaybay. Kumbaga, babatay ka sa tunog ng bibig kung paano mo ito isusulat sa titik o sa babaybayin. Ngunit baybayin pala ang tawag sa unang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. At mas tumpak itong itawag kaysa inimbentong katawagang alibata nitong ika-20 siglo.

Ngunit sa ngayon, may baybayin at alibata na siyang ikinalilito ng marami. May mga t-shirt pa ngang ang tatak ay alibata kung saan nakasulat ang baybayin, na tila ba ipinagmamalaki at ikinakampanya ang alibata. May isang libro din noon hinggil sa baybayin, na hindi ko nabili noong panahong iyon, na nakita ko sa National Book Store sa SM Centerpoint, na yung mga tula ni Rizal ay nakasulat ng baybayin. Makapal ang libro na pulos baybayin ang pagkakasulat, at sa pagkakatanda ko ay kulay dilaw. Wala akong sapat na salapi noong panahong iyon kaya hindi ko iyon nabili. Hinanap ko muli ang aklat na iyon ngunit hindi ko na iyon nakita.

Nasalubong ko sa facebook ang grupong Panitikang Baybayin kung saan sumapi ako, at nabasa ko roon ang ilang mga padalang impormasyon ng iba't ibang myembro noon hinggil sa baybayin. Nariyan din ang Surat Mangyan na isang pahina rin sa facebook na iba namang uri ng katutubong panulat ang ipinakita.

Sipatin natin ang pagbanggit ng ating mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Gat Jose Rizal tungkol sa unang panulat na ito ng ating mga ninuno.

Sa unang talata ng sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Bonifacio ay kanyang isinulat:

"Itong Katagalugan na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbahayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila'y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya't dahil dito'y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila..."

Ibig sabihin, nuong panahong iyon, bata man at matanda, at kahit ang mga kababaihan, ay marunong bumasa at sumulat ng baybayin bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila, noong panahong bago pa mamuno si Lapulapu sa Mactan. Mayroon nang kabihasnan at may mga sulatin sila na marahil ay hindi na napreserba kung nakasulat lang ito sa kahoy, maliban sa baybayin na natagpuang nakaukit sa isang palayok ng ating mga ninuno, na tinatawag na Calatagan pot, na tinatayang nalikha noong 1,200 AD.

Tinalakay naman ni Jose Rizal sa Kabanata 25 ng kanyang nobelang Noli Me Tangere ang hinggil sa baybayin, bagamat hindi niya ito tahasang tinukoy na baybayin, dahil ang sinusulat umano ni Pilosopo Tasyo ay para sa hinaharap. Mahihinuha lamang na ito'y baybayin sa tanong ni Ibarra kung anong wika sumusulat ang matanda, at sinagot siyang sa sariling wika.

"Sumusulat kayo ng heroglifico? At bakit?" Tanong ni Crisostomo Ibarra kay Pilosopong Tasyo.

"Upang huwag mabasa sa panahong ito ang aking sinusulat."

Si Ibarra ay napatitig sa kanya at sumagi sa isipan na may katotohanan ngang baliw ang matanda. "Bakit kayo sumusulat kung ayaw ninyong mabasa ang inyong isinusulat?"

"Dahilan sa hindi ko inilalaan sa ating mga kapanahon ang aking sinusulat kundi sa ibang panahong darating. Kung mababasa ng ating mga kapanahon ang aking mga sinusulat ay marahil susunugin ang aking mga aklat, ang aking hinarap na gawain sa buong buhay; samantalang sa isang dako, ang henerasyon na makakaalam sa kahulugan ng mga titik na ito ay pawang matatalino, mauunawaan nila ang ibig kong ipaalam at masasabi nilang: "Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno." Ang lihim o ang mga di-karaniwang titik na ito ay siyang nakapagliligtas sa aking gawa sa kamangmangan ng tao, gaya rin naman ng pangyayaring ang lihim at mga kung anu-anong mga paraan ay siyang nakapagligtas sa maraming katotohanan sa mapanirang kamay ng mga kaparian."

"At sa anong wika kayo sumusulat?" tanong ni Ibarra matapos ang mahabang pagkakapatigil.

"Sa wika natin, sa Tagalog."

Ang sinipi kong bahagi ng kabanatang ito mula sa Noli ang inilagay ko sa Paunang Salita ng aklat kong "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula" na nalathala noong Nobyembre 2007. Nagkaroon ng kopya nito ang butihin kong kaibigan at historyador na sa Ginoong Ed Aurelio C. Reyes, na siya ring pasimuno ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Mula rito ay isinulat niya ang maikling nobelang "Tasyo! Ngayon na ba ang bukas na habilin ng pantas?" na nalathala noong 2009. Inamin mismo sa akin ni Ginoong Reyes na sa paunang salita ng aklat kong "Ningas-Bao" niya nakuha ang tema ng isinulat niyang nobela. At nagkaroon din ako ng kopya ng nobela noong Enero 15, 2010, ang petsa ay batay sa kanyang maikling mensahe sa akin na sinulat niya sa aklat. Ang Kabanata ring ito mula sa Noli Me Tangere ang inilagay ni Ginoong Reyes sa pahina 3 ng kanyang nobela bilang Pambungad.

Napag-usapan din namin ni Ginoong Reyes na ang heroglificong tinutukoy ni Ibarra na sinusulat ni Pilosopo Tasyo ay ang baybayin. Dahil na rin sa pag-amin ni Pilosopo Tasyo na sumusulat siya "sa wika natin, sa Tagalog." Ito ang tinutukoy ni Bonifacio sa kanyang akda na "bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog."

Malinaw na natalakay sa nobela ni Reyes ang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno, na siyang paksa ng buong nobela. May iba't ibang katawagan sa katutubong pagsulat ang isiniwalat sa nobela. Ito'y ang alibata, baybayin, at pantigan. Sa pamamagitan ng mga tauhan sa nobela, malinaw na naipaliwanag ang mga ito. Halimbawa na lang yaong nasa mga pahina 18-19:

"... At nakita ng pinsan kong si Ellen yung ancient Tagalog writing na nasa libro ni Agoncillo."

"Ancient Tagalog script? Ano 'yon, alibata?"

"Well, actually, imprecise term yata yung 'alibata'," pasok ni Annie, "hindi kasi letters, 'baybayin' ang tawag. Tapos, may gumawa na nga ng popular version daw na tinatawag nilang 'pantigan.' Para raw sa beginners. I've been teaching this pantigan system to my Philippine History students, and they are fast learners on this. And Liza here was one of the fastest."

"Yun nga pong nasa libro ni Agoncillo ay halos kapareho ng pantigan na 'tinuturo sa amin ni Ma'am Aguila. At yun nga ang nakita ni Ellen sa libro."

Nagpatuloy siya. "Pero may ipinakita siya sa akin na nakasulat naman sa baybayin, yung talagang ginagamit noon ng mga ancestors natin for thousands of years bago dumating ang Spanish colonizers."

"What's the big difference ba? O, heto na'ng extra rice ko. Share tayo?"

"Konte, sige... ops! Thanks! The big difference really made a big difference. Ang kaibhan kasi, itong baybayin eh walang isinusulat na silent syllables, I mean, hindi na isinusulat ang consonant symbols kung hindi naman sinusundan ng vowel sound. Halimbawa, yung apelyido mong Floresca, kapag nakasulat sa baybayin ay parang 'loreka' at utak na ng bumabasa ang magdadagdag ng missing consonant sounds para pag bigkasin niya ay tama na ulit. Mas magaling at mas mabilis di-hamak ang utak ng mga ninuno natin kesa sa atin ngayon, pag ganoon ang titingnan mo."

Ito ngayon ang problema ni Liza at nagkausap sila ng kanyang guro. Basahin natin ang mga pahina 21-22 ng nobelang Tasyo:

"... May ipinakita kamo ang pinsan mo na nakasulat sa 'alibata'."

"Sa baybayin po, Ma'am"

"Okay, sa baybayin, with than big difference you both just explained. So how did that become a big problem that could bring tears to your eyes, Liza? Anubayannn??!!!"

"Dahil marunong po ako ng pantigan, na tinuro sa 'min ni Ma'am Aguila, naisip kong pasiklaban yung cousin ko. Ipapakita ko sana sa kanya na kaya kong basahin 'yon. Pero di ko pa talaga kayang basahin dahil nasa baybayin pala nakasulat, kaya wala nga ang mga tahimik na pantig. Yung unang word pa lang, ang tingin ko sa pagkakasulat ay 'mula.' Pero pwede rin palang 'mulat,' na tinanggal lamang ang huling consonant dahil di nga iyon nasusundan ng vowel sound. Sa context po, parehong pwede, pero may kaibahan na talaga sa meaning."

Sa pagkakapaliwanag ng mga tauhan, magkakaiba ang baybayin at pantigan, lalo na ang tinukoy na imprecise term, alibata, bagamat pare-parehong sinasabing panulat ng ating mga ninuno. Ang baybayin ang orihinal na katawagan, ang pantigan ang popular na bersyon ng baybayin na pinagaan para sa bagong henerasyon, at ang katawagang alibata na naimbento lamang nitong nakaraang siglo, noong 1914.

Narito naman ang bahagi ng Kabanata 12 na pinamagatang "Hiwaga sa Kasimplehan" ng nobelang Tasyo, mp-74-76, hinggil sa talakayan nina Prof. Annie Aguila, Dr. Margallo at Dr. Regalado, sa harap ng isang forum. Dito'y pinagtatalunan ang isang dokumento mula umano sa isang totoong Pilosopo Tasyo na nakasulat sa baybayin:

Iniabot kay Prof. Annie ang mikropono... "Thank you! First of all, I have to tell you clearly that neither I nor my student in Philippine History, Miss Liza Padilla, is claiming anything about the authorship of this manuscript, wala pa kaming katiyakan tungkol sa pinagmulan ng mensaheng ito. Sa pagbanggit nga lamang sa ilang tauhan at eksena ng nobelang Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal, tila nais palabasin ng sumulat na siya ay si Pilosopong Tasyo..."

Paismid na sumabat si Dr. Margallo: "... na isa namang fictional creation ni Rizal, the author of the Noli...

Si Dr. Regalado naman ang di nakatiis at pumasok. "Hmmm... moderator interrupts to editorialize! Nagsisingit ng sariling opinyon!"

Na di naman pinalampas... "Hindi opinyon! Fact naman 'yon, na kathang isip lang ni Rizal ang nasa Noli!"

"Tila di naniniwala si Dr. Margallo kay Rizal mismo. Sinabi ng ating bayani na totoong lahat ng nasa Noli at mapapatunayan raw niya ito. Anyway, why don't we let Prof. Aguila continue her presentation? Dr. Aguila, please continue..."

Nagpatuloy nga ang guro. Ang napakamahiwaga nga rito ay ang laman mismo ng mensahe, at ang nakuha namang impormasyon na lolo pa sa tuhod ni Miss Padilla ang dating nag-iingat nito. Which implies na matagal na rin itong naisulat, kung sinuman nga ang sumulat. Mahiwaga ang mensahe dahil sa kasimplehan niya. Nakakapagtaka kung bakit ang napakasimpleng sinasabi ng mensahe ay ginugulan pa ng napakalaking effort para mapreserba at mapaabot sa ngayon o sa future pa.

"Napakalaki nga ng hirap ni Prof. Annie sa pag-intindi sa nakasulat," wika ni Dr. Regalado, "dahil sa baybayin ay wala ang tahimik na pantig, at ako, tulad ninyong kasalukuyang mga salinlahi ay pinanawan na ng sapat na talinong ginamit ng ating mga ninuno sa pag-uunawa sa ganito."

"Hindi madaling mapagpipilian ang mga katagang bala, balat, balak, balam, balang, balag at pati bakla kung wala ang ganitong talino ng ating mga ninuno," pasok uli ni Prof. Aguila, "sapagkat sa baybayin, sa kanilang panulat, ay pare-pareho lang ang ispeling, ang pagkakasulat ng lahat ng mga katagang iyon! Alam nyo ba na ang katagang "ang" at ang katagang "at" ay magkapareho lang ang itsura sa baybayin? Pero pinagtiyagaan ko hanggang matapos, pinagpuyatan ko halos gabi-gabi, nakaubos ako ng balde-baldeng kape, dahil sa ang nabubuo ay malinaw na malalim ang kahulugan ng mensaheng ito. Nadama kong napakaimportante ng mensaheng ito, sinupaman ang sumulat!"

Sa ngayon, bihira na ang gumagamit ng baybayin. Kung mayroon man, mangilan-ngilan na lang. Naisipan ko nga noon na gumawa ng palaisipan batay sa baybayin. Sinubukan ko lang, ngunit nagawa ko rin. Ginawa ko muna iyon sa papel, hanggang idisenyo ko gamit ang pagemaker. Ang problema lang, sino ang maglalathala nito gayong wala namang pahayagan o magasin na naglalathala sa baybayin?

Hinggil naman sa katawagang 'alibata', malinaw na natalakay ng aking guro sa pagtula na si Ginoong Michael Coroza sa kanyang kolum na Haraya sa magasing Liwayway, Hulyo 22, 2013, p. 26, ang pinagmulan ng salitang "alibata":

"Sino ba ang may pakana ng 'alibata'? Si Dr. Paul Rodriguez Versoza ng Orion, Bataan, na nag-aral sa Fordham University sa New York at sumailalim din sa pagsasanay sa Cathedral College, University of Missouri, at Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang lumikha ng salitang "alibata." Hindi niya kasi maresolba kung bakit iisa ang panawag ng mga Filipino sa alpabeto at sa proseso ng pagbaybay ng mga salita - BAYBAYIN. Ito ang tawag ni Jose Rizal dito at ng kanyang mga kapanahon at maging ng mga naunang historyador na Espanyol na nagsulat tungkol sa kasaysayan ng Filipinas. Kaya nga idyomatiko sa atin ang sabihing "pakibaybay mo nga ang salitang ito" sa halip na "pakialibata mo nga ang salitang ito."

"Hayaan ninyong sipiin ko rito ang mismong sinabi ni Dr. Versoza hinggil sa kanyang pag-imbento ng salitang "alibata." Galing ito sa kanyang aklat na Pangbansang Titik nang Pilipinas (Philippine National Writing) na ipinalathala niya noong 1939. May orihinal na kopya ang librong ito sa aklatan sa Unibersidad ng Santo Tomas at natitiyak kong may sipi rin ito sa Pambansang Aklatan ng Filipinas. Narito ang isang napakahalagang talata niya sa pahina 12 ng nasabing aklat:

"In 1921 when I returned from the Unites States to give public lectures on Tagalog philology, calligraphy, and linguistics I Introduced the word ALIBATA, which found its way to newsprints and often mentioned by many authors in their writings. I coined this word in 1914 in the New York Public Library, Manuscript Research Division, basing it on the three MAGUINDANAO (Moro) arrangements of letters of the alphabet after the Arabic ALIF, BA, TA (Alibata) "F" having been eliminated for euphony sake."

Balikan natin ang nobelang "Tasyo" na kinapapalooban ng maraming pagtalakay hinggil sa panulat ng ating mga ninuno. Maraming impormasyon sa nobelang "Tasyo" na ating malalaman at mauunawaan, at kumatha pa ang nobelistang si Reyes ng sanaysay na pinamagatang "Ang Naitagong Habilin ni Tasyo" na nasa pahina 103-109 na inilagay niya bilang Dagdag 1 pagkatapos ng kanyang nobela. Para kay Reyes, ang Tasyo sa Pilosopong Tasyo ay Tayo. Ibig sabihin, tayo bilang mamamayan, tayo bilang nagkakaisang bayan.

Tinangka rin ni Reyes na buuin sa isip ang haka niyang isinulat na heroglipiko o nasa panulat na baybayin na pinuna ni Ibarra habang kausap niya si Pilosopo Tasyo. Ito ang nilalaman ng "Ang Naitagong Habilin ni Tasyo". Halina't pagnilayan natin ang ilang talata sa sanaysay na ito:

"Sa sarili kong panahon, sa panahon ng pagsusulat ko nito, aking napagtanto na kulang at hindi pa hinog ang mga karanasan ng bayan upang maunawaan ng aking mga kababayan itong mga pangungusap ko, kabilang si Ginoong Ibarra na naparito kanina habang isinusulat ko pa ito. Kaya't hindi ko na binago ang kanyang pag-aakala na heroglipiko ang aking isinusulat, sapagkat ito ay nakatuon hindi sa kasalukuyang mga utak, kundi sa makauunawa rito nang ganap. Sa hinaharap."

"Ang paglitaw ng liham kong ito sa kamalayan ng madla ay magiging hamon nawa sa tunay na mga anak ng Bayan na sikaping tuklasin nang ganap ang mithiin ng aking mga kataga. Kung sadyang hindi makapag-aani ng mapitagang pansin ng balana, aking isinasamo at ipinakikiusap na ito'y pag-ukulan ng malalim na mga pag-uusap at pagkalooban din ng sikap na maigawa ng maraming sipi na maingat na isusulat-kamay upang may ilan man lamang na sipi na makaaabot sa susunod pang mga salinlahi, upang makamit na nila ang kaganapan ng bagong bayang di na kinukubabawan pa ng kalakaran, kaisipan at diwang makabanyaga. Ang lahat ng mag-aambag ng pawis at panahon sa ganitong pagsisikap ay magkakilalanan at magmahalan sana pangunahin sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Magkakilalanan din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang... Tayo."

"Palagian sana nating isipin, bigkasin, at dinggin ang katagang 'tayo' sa tuluy-tuloy na bulong ng ating budhi. Kilalanin natin ito sa diwa ng bayanihan at sa kapangyarihang nalilikha ng pagsasabuhay ng diwang ito. Tayo ang gaganap. Tayo ang makikinabang. Tayo ang giginhawa. Ang ganitong bulong ang pinakaugat ng bawat pagtulong."

"Buo ang aking paniniwala na darating at darating ang araw ng ating paglaya. Sa katunayan, tayo, ang ating kaisahan bilang pinagsama-samang sari-sarili, ang tunay na Hari ng Katagalugan sa dakilang alamat ng Pamitinan. Iisang paa na lamang ang nakagapos pa ng tanikala! Humahakbang ba siya, tayong lahat, papalabas mula sa yungib ng kadiliman, yungib ng kawalang malay sa tunay nating kaisahan, sama-samang sisigaw ng paninindigan sa kalayaan, at sama-samang maglalakbay patungong liwanag ng kaisahan, kalayaan at kaginhawahan."

"Ang bawat makababasa ay hinahamong dumugtong ng sariling ambag sa ganitong pagsisikap. Tanggapin po nawa ninyong lahat ang aking pasasalamat."

Huwebes, Agosto 22, 2013

Kung Bakit Salbahe ang Salitang "Salvage"


KUNG BAKIT SALBAHE ANG SALITANG "SALVAGE"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Wikang Ingles ang salitang "salvage" na ang ibig sabihin ay "save" o isalba, sagipin, iligtas. Ginagamit ito lalo na sa pagsagip ng isang barko. Ngunit sa wikang Filipino, hindi pagsagip, pagligtas at pagsalba ang ibig sabihin ng salitang "salvage" kundi ang kabaligtaran nito - pagpatay, pagpaslang, pagsalbahe sa katauhan at katawan ng isang tao. Sa kahulugang ligal, ang "salvage" ay "summary execution" o "extrajudicial killing". Sa ating bansa lamang masasabi na ang salitang "salvage" ay nangangahulugang pagpaslang.

Nang sumadsad ang barkong USS Guardian ng US Navy sa Tubbataha Reef sa Palawan hanggang sa pagtanggal ng barko nitong Marso 30, 2013, narinig natin ang pag-uusap hinggil sa pag-salvage ng barko, na ibig sabihin ay pagsalba. Tingnan natin ang balitang ito: "(CNN) -- The Guardian is gone. What was left of the former U.S. Navy minesweeper was lifted off a Philippine reef on Saturday. "As the hull has been removed, the team is now shifting their effort to collecting minor debris that remains on the reef," the head of the salvage operation, Navy Capt. Mark Matthews, said in a statement. "Every salvage operation presents unique challenges. It has been difficult to extract the Guardian without causing further damage to the reef, but the U.S. Navy and SMIT salvage team with support from other companies and the government of the Philippines have really done a superb job. I could not be more proud," Matthews said. (Minesweeper lifted from Philippine reef, By Brad Lendon, CNN March 30, 2013 http://edition.cnn.com/2013/03/30/world/us-navy-ship-reef/index.html)

Ganito naman ang balita sa Pilipinas: "MANILA, Philippines—The salvage team working on the USS Guardian, which ran aground in Tubbataha Reef, removed the warship’s last remaining section early Saturday afternoon after being stuck on the Unesco World Heritage site for more than 10 weeks, a Philippine Coast Guard (PCG) official said. PCG Palawan District chief Commodore Enrico Efren Evangelista said the stern of the 68-meter US mine countermeasures ship was lifted off the reef at around 2 p.m. Evangelista, head of the task force that oversees the salvage operations, said the team had worked throughout the Holy Week to remove the four sections of the warship’s wooden hull which included its bow, auxiliary machine room, main machine room (MMR) and the stern." (Tubbataha reef salvage, by Philip C. Tubeza, Philippine Daily Inquirer, Sunday, March 31st, 2013, http://globalnation.inquirer.net/70721/tubbataha-reef-salvage). Pansinin ang kahulugan dito ng salitang "salvage" batay sa pagkakagamit ng mga Amerikano.

Sa ating bansa, ang kahulugan ng salitang "salvage" o pagpaslang ay uminog mula sa salitang Kastilang "salbahe" na ibig sabihin ay masama ang ginagawa sa kapwa. At dahil maraming salitang uminog na napapaghalo natin ang salitang Kastila at Filipino, tulad ng salitang "amin" o pag-amin ay naging "aminado", napasama na rin dito ang salitang Kastilang "salbaje" na naging "salbahe" sa Filipino na naging "salvage" sa Ingles.

Kaya maraming balita sa radyo, dyaryo at telebisyon ang nagsasabing may "na-salvage" na naman, na ibig sabihin, may pinaslang na naman. Sa pambungad na pahina (front page) ng pahayagang tabloid na Pilipino Star Ngayon (Hulyo 2, 2013) ay nakasulat: 4 KATAO 'SINALVAGE', NATAGPUAN SA HIGHWAY, at ang kabuuang balita sa pahina 2 ay pinamagatang "4 'sinalvage', natagpuan". Kapuna-puna ang panipi sa salitang "sinalvage" dahil ginawang Filipinisado ang isang salitang Ingles, na sa katotohanan ay mula sa wikang Kastila.

Narito ang ilang saliksik sa media hinggil sa balitang "salvage" matapos ang "salvaging operations" ng USS Guardian sa Tubbataha Reef noong Marso 30, 2013. Pansinin kung paano inilarawan ang ginawang pag-salvage:

(1) mula sa GMA News: "Bodies of 2 'salvage' victims found in Manila", April 6, 2013:
The bloodied bodies of two victims of suspected summary execution were found in Manila before dawn Saturday. Both bodies were dumped along Dimasalang Street at about 3 a.m., radio dzBB's Paulo Santos reported. A separate dzBB report said both men were blindfolded with packaging tape, and their hands were tied. One was initially described as wearing blue shorts and an orange shirt, while the other was described as wearing gray shorts and a black shirt. No note or identification was found near the bodies.
http://www.gmanetwork.com/news/story/302676/news/metromanila/bodies-of-2-salvage-victims-found-in-manila

(2) mula sa dyaryong Tempo tabloid: ‘Salvage’ victims dumped in Cavite, posted by Online on Aug 5th, 2013
CAMP GEN, PANTALEON GARCIA, IMUS, Cavite – Two bodies of men, apparently “salvage” victims, were found dumped separately over the weekend in the province. A Police Provincial Office (PPO) report said that the first victim was found on Daanghari Road in Barangay Molino IV, Bacoor City, late Friday night. The victim’s body, with tattoo marks, was found stuffed in a sack by passersby. The body was wrapped with packaging tape.
http://www.tempo.com.ph/2013/08/salvage-victims-dumped-in-cavite/#.UjqC4dJmiSo

Ito naman ang ilang lumang balita:

(1) "2 more ‘salvage’ victims in QC; 8 bodies just this month", by Julie M. Aurelio, Philippine Daily Inquirer, Tuesday, August 21st, 2012
The bodies of two more men believed to be summary execution victims were discovered by the side of a road in Quezon City Tuesday morning. The find brought to eight the number of “salvage” victims found in the city so far for this month. All of them died of strangulation and none of them has been identified.
http://newsinfo.inquirer.net/255056/2-more-salvage-victims-in-qc-8-bodies-just-this-month

(2) "Pangatlong biktima ng 'salvage' sa Cubao ngayong Hunyo", (Pilipino Star Ngayon) | Updated June 19, 2013
MANILA, Philippines – Isang bangkay na naman ng lalaki ang natagpuan sa basurahan sa isang bangketa sa lungsod ng Quezon nitong Martes ng gabi, pangatlo na ito ngayong buwan.
Ayon sa pulisya, natagpuan ng isang basurero ang bangkay ng hindi pa nakikilalang lalaki bandang alas-11 ng gabi sa Aurora Boulevard sa Cubao. Sinabi ng mga imbestigador na may saksak sa katawan, may mga marka ng pagsakal sa leeg at nakatali ang mga paa ng biktima. Hinala ng mga pulis na biktima ng summary execution ang lalaki na tadtad din ang katawan ng tattoo. Ito na ang pangatlong bangkay na natatagpuan sa Cubao ngayong Hunyo lamang. Nitong Hunyo 12 ay may natagpuan ding katawan ng lalaki sa kahabaan ng Aurora Boulevard na sinundan ng isa pang nakitang bangkay sa tumpok ng mga basura malapit sa EDSA-Cubao footbridge.
http://www.philstar.com/psn-balita-ngayon/2013/06/19/955790/pangatlong-biktima-ng-salvage-sa-cubao-ngayong-hunyo

(3) mula sa pahayagang Remate: "Biktima ng salvage, natagpuan sa Maynila" by Jocelyn Tabangcura-Domenden & Ivan Gaddia, July 19, 2013: NAKATALI ng nylon cord ang leeg, kamay at paa ng isang lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution nang matagpuan ito kaninang madaling araw sa Sampaloc, Maynila. Inilarawan ang biktima na nasa edad na 25-30, may taas na 5’4 hanggang 5’5, balingkinitan ang pangangatawan, nakasuot ng T-shirt na painted at brown khaki short pants. Nauna rito, naglalakad umano sa lugar ang di nagpakilalang tricycle driver nang mapansin ang biktima na nakabalot sa tela at may placard na nakapatong sa kanyang dibdib na “Snatcher ako, huwag pamarisan”.
http://www.remate.ph/2013/07/biktima-ng-salvage-natagpuan-sa-maynila/#.UjqEptJmiSo

Pagpaslang, pagsalbahe sa katawan, pagpapahirap, pagtiyak na wala nang buhay, itinatapon kung saan. Natatagpuan na lamang na malamig nang bangkay. Ang mga biktima ay sinalbahe ng kung sino. Sinalvage sila. Biktima sila ng "summary execution" o "extrajudicial killing".

Sa WikiPedia, ang "summary execution" ay ganito: "Extrajudicial killings in the Philippines are referred to as salvage in Philippine English."
(http://en.wikipedia.org/wiki/Summary_execution)

Sa artikulong "Philippine English" na nalathala sa The News Today (Online Edition) ay nakalista ang 61 mga salita o yaong "terms common only to Philippine English", at ang pang-53 ay "salvage" na ang kahulugan ay "it means to deprive of life; kill".
(http://www.thenewstoday.info/2005/03/15/opinion6.htm)

Sa aklat na "The Activist" ng isang Antonio Enriquez, ganito niya inilarawan ang salitang "salvage": Unknown yet to the public was Davao’s Killing Fields, where those who opposed Dictator Marcos were “salvaged,” a coined word meaning executed. Hundreds of student activists, NPAs, and suspected communists were murdered, after Dictator Marcos’ goons in military uniform tortured them and they were dumped like so many carcasses in the Killing Fields—without a tombstone to mark their graves, or coffins.
(http://www.scribd.com/doc/57252924/The-Activist-by-Antonio-Enriquez)

Kahit sa mga dokumento ng iba't ibang human rights organizations, ang salitang "salvage" ay nangangahulugang "summary execution".

Sa ikawalong kabanatang pinamagatang "To salvage" sa isang aklat ay ganito ang nakasulat: "About 3,000 were killed, 400 to 1,000 were disappeared during the Martial Law. It is believed that the word "salvage" which has original meaning "to save or to rescue" got a different meaning during this time. "Salvage" was used as a euphemism to the act of police and military to assassinate, to execute, to murder suspected enemies of the state." (For Democracy and human Rights: Rekindling Lessons of Martial Law and People Power Revolt, A Public Exhibition, by the Center for Youth Advocacy and Networking or CYAN)

Sa isang libreto naman ng FLAG (Free Legal Assistance Group) na muling inilathala ng PhilRights (Philippine Human Rights Center) ay ganito ang nakasulat:
Ang mga dapat gawin... KUNG SA PALAGAY MO'Y IKAW AY AARESTUHIN O ISA-SALVAGE:
Gawin ang mga sumusunod na pag-iingat:
1. Huwag lumabas nang mag-isa. Tumataas ang panganib ng pagkawala at salvage dahil walang nakakasaksi o walang gustong sumaksi at magpatunay sa pagdakip sa isang taong nawawala o sinalvage.
2....
10. Kung mayroon ka pang mapagkakatiwalaang impormasyon na may planong arestuhin o i-salvage ka, hindi maipapayo na ikaw ay magtago. Sa halip, pakiusapan ang abogado mo o kung sino mang responsableng tao upang itanong kung may warrant para sa iyong pagdakip.

Kahit ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Virgilio S. Almario ay isinulat din ito nang kanyang tinalakay ang tulang "Katapusang Hibik" (na sa ibang bersyon ay may pamagat na "Katapusang Hibik ng Filipinas sa Inang España" bilang ikatlong dugtong sa dalawang tula ng ibang makata na naunang lumabas) ni Gat Andres Bonifacio "hinggil sa parusang kinamit ng mga Filipino sa kamay ng mga Espanyol". Ani Almario sa tulang ito: "Ano ang ikaiiba dito ng mga makahayop na torture at salvaging ngayon? Ngunit hindi ang realismo lamang ng paglalarawan ni Bonifacio ang dapat limiin; hindi rin lamang ang mga historikal na saligan ng mga inilatag na pruweba. Ang higit na makabuluhan sa pagbasang ito ngayon ay ang talim ng pagsipat sa isinagawang paglapastangan ng kolonyalismo sa katawan at katauhan ng sakop. Bukod sa hindi makatao ay mistulang hindi tao ang mananakop. Sa kabilang dako, waring imposibleng maging tao ang sakop dahil sa tinamong mga kahayupan." (Panitikan ng Rebolusyon(g 1896), Virgilio S. Almario, pahina 71)

Balikan natin ang ilang saknong na tinutukoy ni Almario sa tulang "Katapusang Hibik" ni Bonifacio na naglalarawan nito (Ibid. p. 145):

"Gapuring mahigpit ang mga tagalog
Hinain sa sikad, kulata at suntok,
Makinahi't 'biting parang isang hayop
Ito baga, Ina, ang iyong pag-irog?

Ipabilanggo mo't sa dagat itapon
Barilin, lasunin nang kami'y malipol,
Sa aming tagalog ito baga'y hatol,
Inang mahabagin sa lahat ng kampon?

Aming tinitiis hanggang sa mamatay
Bangkay nang mistula ayaw pang tigilan
Kaya kung ihulog sa mga libingan
Linsad na ang buto't lamuray ang laman."

Nasa kamalayan na nga ng masa ang pag-unawa sa salitang "salvage" bilang pagpaslang, bilang isang gawaing salbahe, pagsalbahe sa kapwa, pagsalbahe sa pagkatao, na isinagawa ng mga salbahe. Nasa media na rin ito, at nasa panitikan.

Una kong nalaman ang paggamit ng salitang "salvage" bilang “pagpaslang” noong 1989, pagkabalik ko rito sa Pilipinas mula sa anim-na-buwang pago-OJT sa ibang bansa, nang maging front page sa magasing Philippines Free Press ang pagkakapatay ng isang Patrolman Rizal Alih kay Heneral Batalla sa Zamboanga. At nakasulat sa malaking titik: "SALVAGING A GENERAL". May nabasa rin akong artikulo noon na ganito naman ang pamagat: "Salvaging Bonifacio" at itinuring ng artikulong iyon na "first celebrated salvage victim" si Gat Andres Bonifacio. Talagang sinalbahe sila ng kanilang mga kalaban.

Naghahanap ako ng mga lumang panitikan kung saan ginamit ang salitang pagsalbahe, sinalbahe, sumalbahe, nanalbahe, bilang paglalarawan sa nangyaring pagpatay. Halimbawa, ang isang taong nakitang nakahandusay sa ilog na may tama ng bala ay sinalbahe ng kung sino. Sino ang sumalbahe sa taong iyon? Mula doon ay maaari nating mahalukay pa ang pinag-ugatan o pinag-inugan ng salitang "salvage" na alam ng marami ngayon.

Ang salitang "salvage" na pagpaslang ay isang pabalbal na salita o masasabi nating salitang nauunawaan ng karaniwang tao, ng masa. Pumunta ka nga lang sa isang lugar na maraming tao at sabihin mo sa isa roon na isa-salvage mo siya na ang iniisip mo ay ang kahulugan sa Ingles na “save”, ingat, dahil baka bugbog sarado ka, buti kung bugbog lang, dahil ang salitang “salvage” nga ay pagpaslang at hindi pagsagip. Sa mga balitang inilatag natin sa itaas, mapapansin nating pawang mga dinukot ang mga biktima saka itinapon na lang kung saan. Kaya bago isinagawa ang "salvaging" sa mga biktima, maaaring ang mga ito muna'y tinortyur o pinahirapan, saka pinaslang ang mga ito at itinapon na lamang sa lugar na sa tingin ng mga dumukot ay magliligaw sa mga imbestigador.

Kaugnay nito, may tatlong batas sa karapatang pantao na naisabatas nitong mga nakaraan, na may kaugnayan sa pagdukot bago isagawa ang tortyur o pagpapahirap, at ang pagdukot na hindi na nakita pa ang katawan ng dinukot. Ang mga batas na ito'y ang Republic Act 9745, o Anti-Torture Act of 2009; ang RA 10353, o Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act of 2012; at ang RA 10368, o Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013. Gayunman, walang nabanggit na "salvage" o "summary execution" sa RA 9745 at RA 10353.

Isang beses namang nabanggit ang "salvage" o "summary execution" sa RA 10368. Ayon sa Chapter 1, Sec. 2, 3rd paragraph ng batas na ito: "Consistent with the foregoing, it is hereby declared the policy of the State to recognize the heroism and sacrifices of all Filipinos who were victims of summary execution, torture, enforced or involuntary disappearance and other gross human rights violations committed during the regime of former President Ferdinand E. Marcos covering the period from September 21, 1972 to February 25, 1986 and restore the victims’ honor and dignity. The State hereby acknowledges its moral and legal obligation to recognize and/or provide reparation to said victims and/or their families for the deaths, injuries, sufferings, deprivations and damages they suffered under the Marcos regime."

Ibig sabihin, wala pang batas talaga na nagpaparusa sa mga nagsagawa ng "salvaging" o "summary execution." Kaya nagsagawa ang ilang mambabatas ng panukalang batas hinggil dito. Noong Hulyo 2009, nagpasa ng panukalang batas si dating House Speaker Prospero Nograles. Ito ang House Bill 6601, na tatawaging "Anti-Salvaging Law". Nito namang Nobyembre 2012, ipinasa naman ni Kongresista Karlo Alexei Nograles (1st District, Davao City) ang House Bill 3079 o ang "The Anti-Summary Execution Act of 2012."

Ngunit sa panahong wala pang batas na nagpaparusa sa "summary execution" ay tiyak na magagamit ang batas hinggil sa "murder" o pagpaslang. Ngunit dapat mas linawin ang kaibahan ng dalawa. Ang "murder" ay pagpatay na isinagawa ng sinuman sa kanyang kapwa, habang ang "salvaging" naman ay isinagawa ng mga ahente ng estado. Paano kung hindi ahente ng estado ang nagsagawa kundi sindikato? Dapat mailinaw ito sa magagawang batas hinggil dito. Maraming aktibista ang pinaslang ng walang awa, mga biktima ng "salvaging", kaya ito'y masasabi nating isang krimeng pulitikal, at hindi lamang simpleng "murder".

Gayunpaman, dapat matigil na ang ganitong karahasan. Ayon nga sa International Convention on Civil and Political Rights: "Every human being has the inherent right to life. This right shall be protected by law. No man shall be deprived of his life arbitrarily." "[The Death] penalty can only be carried out pursuant to a final judgment rendered by a competent court" – ICCPR Articles 6.1 and 6.2.[1]

Ang "salvage" ayon sa Merriam-Webster Dictionary ay (a) compensation paid for saving a ship or its cargo from the perils of the sea or for the lives and property rescued in a wreck; (b) the act of saving or rescuing a ship or its cargo; (c) the act of saving or rescuing property in danger (as from fire). Ayon naman sa Oxford Dictionary, ang kahulugan ng "salvage" ay "the rescue of a wrecked or disabled ship or its cargo from loss at sea". Sa depinisyon ng dalawang diksyunaryo, tumutukoy ang "salvage" sa pagsagip sa barko at sa mga kargong dala nito. Ang kahulugang ito ang ginamit sa ilang Batas Republika ng bansa na tumutukoy sa pagsagip ng barko, tulad ng mga sumusunod:

Republic Act No. 9993 - Philippine Coast Guard, Section 3, Powers and Functions. (h) To issue permits for the salvage of vessels and to supervise all marine salvage operations, as well as prescribe and enforce rules and regulations governing the same;

Republic Act No. 6106 - An Act Amending RA 1047, as amended, to prescribe the rules for financing the acquisition or construction of vessels to be used for overseas shipping, to allow the creation of a maritime lien thereon, and for other purposes. Sec. 1, letter d, number 4. General average or salvage including contract salvage; bottomry loans; and indemnity due shippers for the value of goods transported but which were not delivered to the consignee;

Naglabas din ang Philippine Coast Guard ng Memorandum Circular MC 06-96 (Salvage Regulations) na ang layunin ay: II. PURPOSE: To prescribe guidelines on the salvage of vessels, including cargoes thereof, wrecks, derelicts and other hazards to navigation.

Marahil, matatagalan pa bago tumimo sa kamalayan ng masa ang kahulugang Ingles ng salitang "salvage" (to save or to rescue), pagkat ang etimolohiya o pinagmulang salita ng paggamit ng mga Pinoy sa salitang "salvage" ay ang wikang Kastilang "salvaje", mula sa mga mananakop na salbahe at sumalbahe sa marami nating kababayan. Higit sa lahat, dapat nang matigil ang "salvaging" o pamamaslang na ito, at idaan sa proseso ng batas kung sakaling sila'y may kasalanan na dapat panagutan. Kung di'y nararapat lang sadyang maparusahan ang mga nagsasagawa ng mga "salvaging" na ito dahil hindi ito makatao, at lalong hindi makatarungan.





Lunes, Agosto 19, 2013

Andres Bonifacio, a-tapang, a-tao


ANDRES BONIFACIO, A-TAPANG A-TAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Umagang-umaga ng Sabado, Agosto 17, 2013, kasagsagan ng ulan, ngunit pinilit kong dumalo sa isang panayam hinggil sa isang tulang pambata kay Bonifacio. Kailangang naroon na ako ng ikasiyam ng umaga sa panayam na "Aputol apaa, hindi atakbo: Si Bonifacio at ang Siste sa Istorya Bilang Kabilang Mukha ng mga Kabayanihan" sa Faura Hall AVR, Pamantasang Ateneo de Manila sa Abenida Katipunan sa Lungsod Quezon.

Ayon sa imbitasyon, ang nasabing panayam ang "una sa apat na lekturang pagpupugay sa Supremo ng Katipunan ng mga makata mula sa Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA), sa pakikipagtulungan ng Matanglawin, Opisyal na Pahayagang Pangmag-aaral ng Pamantasang Ateneo de Manila." Kasabay ng aktibidad na iyon ang isa pang aktibidad na nais kong puntahan sa Lopez Museum sa Makati. Ito yung Poetry of the Stars na nagsimula ng ikasampu ng umaga hanggang ikalima ng hapon. Ngunit pinili ko munang dumaan sa Ateneo upang daluhan ang mahalaga ring panayam na hinggil kay Bonifacio.

Sa pamagat pa lang ay alam ko na kung ano ang bibigkasing tula, ngunit nais kong marinig ang ilang mga paliwanag ng tagapagsalita. Narinig ko na ang tulang iyon noong bata pa ako. Ang tagapagsalita ay si Prof. Joselito D. Delos, na isang propesor sa Unibersidad ng Santo Tomas, na siyang itinanghal na Makata ng Taon 2013 ng Talaang Ginto.

Nasa apatnapung katao rin ang dumalo sa pagtitipon. Halos puno ang kabilang bahagi ng salansan ng mga silya dahil na rin mas malapit ito sa pintuan, habang tatlo lamang kami sa kabilang salansan ng mga silya, kaya madali akong nakita ni Prof. Delos Reyes. Ipinakilala siya ni Prof. Louie John Sanchez, na tatlong ulit namang itinanghal bilang Makata ng Taon. Nakahanda naman ang tagapagsalita dahil mayroon siyang powerpoint presentation ng kanyang panayam.

Sa pagtalakay ni Prof. Delos Reyes, binanggit niya ang siste o humor, na siya umanong katangian ng kanyang mga tula, na napapansin ng mga nakababasa nito. Binanggit niya ang ilang teorya hinggil sa humor, tulad ng relief theory, superiority theory, at ang incongruity theory. Naipahayag din niya ang isang rebisyon ng Lupang Hinirang noong bata pa siya'y naririnig niya, ngunit ayon nga sa kanya ay ipinagbabawal ng batas ang pagpapalit ng liriko sa Lupang Hinirang, lalo pa't ito'y humor.

Sa pagtalakay sa humor, binasa niyang halimbawa ang isang kwento ng katatawanan hinggil sa isang liham ng isang OFW (o yaong mga kababayan nating nagtatrabaho sa ibang bansa, partikular sa Middle East), na aniya'y matagal nang nagsisirkulo sa internet. Isa iyong liham ng anak hinggil sa kabaong ng ina na ipinadala sa Pilipinas. Hindi na nakasama ang anak, kundi nag-iwan na lamang ng habilin. Ang habilin, nasa loob ng kabaong ang mga pasalubong ng anak sa mga kamag-anak. Malungkot kung tutuusin ngunit ginawang katatawanan dahil nasa kabaong ang mga pasalubong na inisa-isang sinabi kung kanino ibibigay.

Hanggang sa dumako na kami sa mismong tula kay Bonifacio, kung paano ba ito nagawa, at nakagisnan na ito ng marami. Ito ba'y humor dahil tulang pambata at nakakatuwa? Narito ang tula:

Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-putol a-uten
A-takbo a-tulin

Ginamit sa paraan ng pagtula ang estilong pambata, pautal-utal. Halos wala rin umano sa lohika ang tula, dahil tiyak na pag pinutol ang paa, hindi talaga makakatakbo si Bonifacio, maliban na lamang kung may artipisyal siyang paa. Pag napugot na ang ulo, tiyak hindi na makakatakbo dahil patay na, maliban kung tulad ito ng manok na pag biglang pinutol ang ulo habang nakatayo pa ito ay nakakatakbo pa. Inilarawan lang sa naunang walong taludtod kung gaano katapang si Bonifacio na anuman ang maputol sa bahagi ng kanyang katawan, maliban sa uten ay hindi siya tatakbo. Ang siste ay nasa huling dalawang taludtod, pag uten na ang mapuputol, tatakbo na siya, dahil mawawala na ang simbolo ng kanyang pagkalalaki.

May ilang bersyon umano sa ibang lugar, tulad ng Pangasinan at Bulacan, ayon pa sa tagapagsalita. Ngunit imbes na "A-putol a-uten" ay "A-piga a-kalamansi" ang ipinalit doon.

Ganito ang bersyon:
Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-piga a-kalamansi
A-takbo a-tulin

Ayon pa kay Prof. Delos Reyes, hindi naman magkatugma ang "a-kalamansi" at "a-tulin", di gaya ng "a-uten" at "a-tulin".  Hindi ko lang nasabi na kung sa Batangas iyon naitula, na lalawigan ng tatay ko, imbes na kalamansi ay kalamunding ang masasabi doon, dahil magkatugma ang kalamunding at tulin. Kaya magiging ganito ang kalalabasan:

Bersyong Batangenyo:
Andres Bonifacio
A-tapang, a-tao
A-putol a-kamay
Hindi a-takbo
A-putol a-paa
HIndi a-takbo
A-pugot a-ulo
Hindi a-takbo
A-piga a-kalamunding
A-takbo a-tulin

Naisip ko tuloy na parang mali at hindi akma ang "a-piga kalamansi" kundi ipinilit lamang bilang kapalit ng "a-putol a-uten". Bukod pa roon, ginawang duwag si Bonifacio dito na tumakbo dahil pipigaan ng kalamansi. Hindi siya tulad ng matapang na si Don Juan na nagnais na mabitag ang Ibong Adarna na ang awit ay magpapagaling sa kanyang amang maysakit. Kailangan niyang hiwaan ng pitong ulit ang kanyang bisig at pigaan ito ng kalamansi o dayap ng pitong ulit din, dahil sa pitong awit ng Ibong Adarna na nakapagpapatulog. Mas kauna-unawa pa na tatakbo si Ka Andres kung "a-putol a-uten" dahil ito'y personal at hindi pulitikal. Di gaya ng "a-putol a-kamay" at "a-putol a-paa, hindi a-takbo" na marahil ay sa isang pulitikal na sitwasyon lamang maaaring mangyari, haharapin niya iyon ng walang takot, kahit maging kapalit noon ay ang kanyang buhay. Ibig sabihin, nababatay ang tapang sa mga pulitikal na sitwasyon at desisyon dahil kailangan ng lakas ng loob at tamang pagpapasya sa harap ng kaaway, at hindi sa masyadong personal na bagay tulad ng u-ten.

Binanggit din ng tagapagsalita ang ilang rebulto sa Valenzuela, tulad ng rebulto nina Captain Tiburcio de Leon at Delfin Velilla. HIndi malaman ang kwento ni Velilla, habang sa isang litrato naman ay General na ang ranggo ni De Leon, na ang ibig sabihin ay walang tiyak ang kwentong pangkasaysayan ng mga ito. Na parang pagbalewala rin sa mga bayani na hindi maikwento ang kanilang mga naiambag, na parang hindi naman talaga sila naging tao noon kundi imbensyon lamang, na siyang kinahulugang bangin ng mga taong nabanggit dahil hindi sila naitala sa kasaysayan, at kung naitala man ay tila nabaon na sa limot.

Pagkatapos ng kanyang panayam, may ilang mga nagtanong. May nagtanong hinggil sa nirebisang Lupang Hinirang. May isang nagsabing narinig niya kay Anjo Yllana sa palabas noon sa telebisyon na Palibhasa Lalaki, na pinagbidahan noon nina Richard Gomez at Joey Marquez ang tula hinggil kay Bonifacio. Ngunit bandang 1993-1994 lang ang palabas na iyon kaya mas matagal pa ang nabanggit na tula kaysa Palibhasa Lalaki.

Nang wala nang nagtatanong, tinawag ako ng tagapagsalita, at ipinakilala sa mga naroroon. Magkakilala kasi kami noong nasa kolehiyo pa. Nasa publikasyong pangkampus ako bilang manunulat ng aming pamantasan habang siya naman, sa pagkakatanda ko, ay nasa publikasyon din ng kanilang pamantasan. Pareho naming kaibigan si Benjo Basas, na isang makata at guro at muntik nang maging kongresista bilang unang nominado ng Ating Guro Party List.

Wala akong maitanong, kaya nagbigay na lamang ako ng opinyon. Sinabi ko sa mga naroroon na marahil ay isang propaganda ang tulang pambatang iyon upang ibaba ang katauhan ni Bonifacio. May mga ganoon akong napansin noon pa man. Marahil, ikako, na ginawa ang tula sa paraang pambata habang ginagawa siyang katatawanan. Sinabi ko sa talakayang iyon na ang tulang iyon kay Bonifacio ay maaaring propaganda ng mga nagnanais na mabura siya sa kasaysayan. Mabuti na lamang at may Senador Lope K. Santos na nagsulat ng panukala upang ideklara ang Nobyembre 30 ng bawat taon bilang Araw ni Bonifacio, at naisabatas iyon bilang Batas Lehislatura ng Pilipinas Blg. 2946 (Philippine Legislature Act No. 2946).

Dagdag pa, sa isang panayam na dinaluhan ko sa Unibersidad ng Pilipinas, na inilunsad ng UP Likas nitong Enero 18, 2013, na isa sa tagapagsalita ay ang retiradong propesor na si Milagros Guerrero, na siyang may-akda ng isang mahabang sanaysay na pinamagatang "Bonifacio: Unang Pangulo". Ang dalawa pang tagapagsalita ay si Dr. Zeus Salazar at national artist Virgilio Almario. Tinanong si Peof. Guerrero ng isang tagapakinig kung ano na ang ginawa ng mga kamag-anak ni Bonifacio nang siya'y pinaslang, kasama ang kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis. Ang sagot lang ni Prof. Guerrero ay "wala!" Natakot na raw ang mga kamag-anakan ni Bonifacio na lumantad dahil baka sila ay patayin din. Kahit si Atty. Gary Bonifacio, na hindi pa abogado noon nang makasama ko sa seremonyal ng paglilibing kay Gat Andres Bonifacio sa Kuweba ng Pamitinan sa Montalban, Rizal noong Mayo 10, 1997, ay nagsabing mabuti raw ngayon ang nakalalantad na silang mga Bonifacio.

Sa aking pananaw, ang nasabing tula kay Bonifacio ay hindi simpleng patawa, kundi pang-uuyam. Na ang layunin ay huwag siyang kilalaning bayani. Sirain ang kanyang pagkatao sa paraang nakatutok sa di-malay (unconscious mind) na bahagi ng isip ng tao, na ang epekto'y ipagwalangbahala ng bayan si Bonifacio.

Kitang-kita ang ganitong propaganda sa pelikulang Rizal sa direksyon ni Marilou Diaz-Abaya at pinagbibidahan ni Cesar Montano. Napakababa ng pagkatao ni Bonifacio doon, utal magsalita at parang batang di pa gaanong nakababasa, na pag nakita si Rizal ay sasabihing idolo niya si Rizal sa paraang hindi akma sa isang Supremo ng Katipunan. Parang ginamit na estilo sa pagsasalita ni Bonifacio sa pelikula ang pautal na pagbigkas ng tulang "a-tapang a-tao". Tila nabiktima ang direktor ng pelikula ng tula kay Bonifacio kaya ang paraang iyon ang ginamit niya sa diyalogo ni Gardo Versoza na gumanap bilang si Bonifacio.

Pagkatapos ng aktibidad na iyon ay nilapitan ko si Prof. delos Reyes, kinamayan siya, nagpasalamat, at ako na'y nagpaalam. Nais ko pa sanang puntahan ang isa pang mahalagang aktibidad sa Lopez Museum ngunit dahil sa ulan at hampas ng hangin ay napilitan akong umuwi na lamang, bukod sa malayo pa ang biyahe at di ko na iyon naumpisahan. Maganda sanang puntahan iyon dahil may paksang "The Astrological Charts of Bonifacio, Rizal at Aguinaldo" sa ganap na ika-3:30 ng hapon, na siyang pangwalo at huling paksa, ngunit di ko na pinuntahan dahil hindi ko nadaluhan ang kalahating araw at tiyak mahuhuli ako ng dating sa hapon dahil sa malakas na ulan.

HIndi nawaglit sa aking isipan ang panayam na iyon. Bakit may ganoong siste, patawa o pang-uuyam sa isang kinikilalang bayani? Problema ba iyon ng manunulat o makata, o sinadya dahil sa usaping propaganda, at di lang simpleng magpatawa? Paano nga ba isinusulat ang mga siste, kung hindi man sa tula, ay sa kwento?

 May binanggit hinggil dito ang manununulat na si Reynaldo A. Duque, dating punong-patnugot ng magasing Liwayway, hinggil sa akdang katatawanan sa kanyang aklat na "Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kwento", p. 90: "Sa unang uri ng kwento, kadalasan ay pilit na gumagawa ng paraan ang kwentista upang makapagpatawa lamang sa mambabasa. At madalas, dahil sa pinipilit magpatawa, ay nagmemekaniko na siya. Tuloy, magiging mais (corny) ang mga siste. Gagamit na siya ng mga toilet humor. Ang hindi pa kanais-nais dito, pati ang mga kapintasan ng tao ay kinakasangkapan para makapagpatawa lamang. Ginagawang katawa-tawa si Vicente dahil bingi, si Doring dahil duling, si Kulas dahil pingas (ang tainga), si Kikay dahil Pilay, si Bestre dahil pipi, at marami pang iba. Gusto niyang magpatawa dahil si Baltas ay may-sayad (sintu-sinto), dahil si Ditas ay nadupilas, o dahil si Engot ay nahulog sa imburnal." Isa na sa mga kwentong ito ang Vicenteng Bingi ni Jose Villa Panganiban. Gayunman, ito'y hinggil sa kwento at hindi sa tula, dahil magkaiba naman ang istruktura ng bawat isa. Nagkakapareho lamang ito sa intensyon ng mangangatha kung bakit niya isinusulat ang isang kwento o isang tula.

Pag matamang sinuri ang tula kay Bonifacio, hindi simpleng siste ang nakita ko. Kundi mas malalim pa roon. Maaari ngang maiklasipika ang tulang iyon bilang tulang pang-uuyam, hindi lamang tulang nagpapatawa. Bagamat sa biglang tingin o biglang dinig ay may intensyong magpatawa, ngunit sa likuran ay ang layuning libakin ang Supremo ng Katipunan upang hindi tularan ng iba ang kanyang halimbawa - ang pagtahak sa madugong himagsikan para mapalayas ang mananakop, hindi gaya ni Rizal na mas reporma ang nais kaysa daanin sa dahas ang pagbabago kung saan maraming mga kababayan natin ang magbububo ng dugo para mapalaya ang bayan, mabago ang sistema, at maitayo ang isang lipunang walang pagsasamantala.