PANONOOD NG PELIKULANG "SAKADA" SA CINE ADARNA
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ikalimampung taon na pala ngayong Pebrero 2026 ng pelikulang SAKADA. Una iyong ipinalabas noong Pebrero 1976, panahon ng martial law subalit ilang araw lang umano'y hinarang ng diktador.
Ganap na 1:40 ng hapon nang magsimula na kaming manood. Unang esksena pa lang ay matindi na pagkat pinagbabaril ng mga armadong tauhan ng asyenda ang lider ng unyon ng mga magtutubo. Ang mga nagsiganap (ayon sa natatandaan ko at kilalang artista) ay sina Robert Arevalo, Hilda Koronel, Bembol Roco, Gloria Romero, Rosa Rosal, at Tony Santos Sr. Isinalarawan sa pelikula ang kalagayan ng di makataong pamamalakad at trato sa mga asyenda ng tubuhan.
Ang anak ni Tony Santos Sr., na napaslang sa unang bahagi ng pelikula, ang nagpatuloy bilang lider ng unyon ng mga sakada. Ginampanan iyon ni Robert Arevalo, na nakilala ko lang dahil sa mga pagkunot ng kanyang noo. Kapatid niya roon sina Hilda Koronel at Bembol Rocco.
Ilang linggo rin daw ipinalabas ang pelikulang ito sa mga sinehan bago inutos ni dating Pangulong Marcos Sr. ang pagtanggal ng nasabing pelikula sa mga sinehan at pag-aresto sa mga sangkot sa pelikula, tulad ni Direktor Behn Cervantes.
Masalimuot ang buhay ng mga sakada. Ipinakita roon ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga magsasaka sa ilalim ng pyudal na sistema. Inaagaw at inaangkin ng mga asendero ang mga lupang sinasaka ng mga magbubukid habang niyuyurakan ang karapatan ng mga magsasaka. Ang pamilya ng mga sakada ang nagugutom gayong sila ang nagsasaka at nagtatanim ng mga tubo.
Gayunman, nais ng inang si Rosa Rosal na mapag-aral ang kanyang mga anak na sina Hilda Koronel at Bembol Roco, mula sa pitong libong pisong ibinigay ng asendero dahil sa pagbaril at pagkamatay ng kanyang asawa. Habang nakabili naman ng pampasaherong dyip si Robert Arevalo mula sa perang bigay ng ina.
Subalit naloko siya sa biniling dyip na nakaw pala. Si Hilda Koronel ay nagbenta ng katawan, habang pumasok na seminarista si Bembol Rocco dahil sa paring nakatalaga sa kanilang lugar. Ipinagpatuloy naman ni Robert Arevalo ang gawain bilang unyonista at pagpapaliwanag sa mga sakada ng kanilang kalagayan.
Naging kasintahan ni Hilda Koronel ang anak ng asendero. Subalit binigyan siya ng pera ng ina ng kanyang kasintahan, na ginagampanan ni Gloria Romero, upang layuan lang ni Hilda Koronel ang kanyang anak. Hanggang mapariwara si Hilda at nagbenta ng kanyang katawan. Nakausap naman ni Bembol Rocco ang paring nakatalaga sa kanilang bayan. Nakasama si Bembol sa seminaryo, subalit sa kalaunan ay umuwi siya sa kanilang nayon upang makilahok sa welga.
Sa pulong bago isagawa ang isang malawakang welga, ang eksenang nakapukaw sa akin ay nang tumindig na si Rosa Rosal at kinumbinsi ang mga sakada, lalo na ang mga kababaihan, na magtulong-tulong upang tagpasin ang tanikala ng kahirapan. Marami ang namatay sa kanilang isinagawang welga, pinagbabaril ng mga tauhan ng asyenda. Namatay din ang anak ng may-ari pagkat lumahok at nakiisa sa mga sakada.
Matapos ang palabas ay nagkaroon pa ng panayam sa mga nagsiganap.
Isa si Sir Reuel Aguila sa mga tagapagsalita matapos ang palabas. Kasama pala siya sa mga tumulong na magsulat ng iskrip ng nasabing pelikula. Naroon din si Amanda Echanis na limang taon ding ikinulong sa gawa-gawang kaso. Naroon din si Bembol Rocco at manunuring si Nilo Ocampo.
Nang magsibabaan na sila, sinalubong ko si Sir Reuel at binigyan ko siya ng tatlo kong libretong "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino", "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon", at "Tula't Panawagan Para sa Hustisyang Panlipunan". Noong Hunyo 2022 ay hinanap pa talaga niya ako upang makapasok sa Palihang Rogelio Sikat Writers Workshop Batch 15 sa UP Diliman. Wala pala akong inilagay na email at cellhone number sa aking aplikasyon, subalit naisulat ko pala ang pangalan ni misis. Kaya si misis ang kinontak upang sabihing kasama ako sa palihan. Maraming salamat, Sir Reuel.
Natapos iyon pasado alas-singko ng hapon. Paglabas ko, uminom muna ako ng tubig. Habang umiinom, lumabas na si Bembol Rocco. Malaking tao pala siya, at naka-single na motor. Kung wala lang akong hawak na tubig at biskwit, baka naisingit kong mag-selfie sa kanya.
Kumatha ako ng maikling tula hinggil sa panonood ko ng nasabing pelikula.
PAG-ABANG SA PELIKULANG "SAKADA"
sadyang inabangan ko ang sineng Sakada
nang makita ko sa pesbuk ang pelikula
libre lang ang palabas sa Cine Adarna
mula pulong ay pinuntahan ko talaga
doon ay inilarawan ang kalagayan
ng mga sakada sa Negros nilang bayan
danas nilang kagutuman at kaapihan
pati pagyurak sa kanilang karapatan
kayhuhusay ng mga artistang gumanap
bilang pamilyang sakadang batbat ng hirap
ang lagay sa pyudal na sistema'y nagagap
kaya buhay ng sakada'y aandap-andap
pelikulang ito'y nagpasigla sa buhay
upang lipunang makatao'y maging pakay
sa lahat ng sakada, ako'y nagpupugay!
nawa, sistemang pyudal na'y mapawing tunay!
02.24.2026






Walang komento:
Mag-post ng isang Komento