Martes, Disyembre 2, 2008

Ang Supremo at Pangulong Andres Bonifacio

ANG SUPREMO AT PANGULONG ANDRES BONIFACIO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bandang 1995 nang mabasa ko ang artikulo nina Dr, Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion, at Ramon Villegas hinggil kay Andres Bonifacio at sa Himagsikang 1896 kung saan tinalakay dito na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Aktibo ako noon sa mga gawain ng Kamalaysayan (na noon ay Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na napalitan na ngayon ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan), na pinangungunahan noon nina Prof. Ed Aurelio Reyes, Prof. Bernard Karganilla at Jose Eduardo Velasquez. Ang artikulo nina Dr. Guerrero ay nasa isang magasing glossy ang mismong loob na mga pahina na inilathala ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ngunit nawala na sa akin ang kopya ko nito. Nakasulat ito sa wikang Ingles.

Sa isyu ng Hulyo-Oktubre 1996 ng magasing The Featinean, opisyal na pahayagan ng mga estudyante ng FEATI University, kung saan ako ang features-literary editor ng mga panahong iyon, ay isinulat ko sa aking kolum na LINKS, na si Andres Bonifacio ang unang pangulo. Dagdag pa rito, isinalaysay ko rin doon ang isa sa mga panalo ng Katipunan sa Kalakhang Maynila. Isinalaysay sa akin noon ni Velasquez ng Kamalaysayan ang naganap na Nagsabado sa Pasig kung saan nakubkob ng mga tropa ng Katipunan ang isa sa pinakamalaking garison ng mga Kastila at nakasamsam doon ng tatlong armas na Remington at labimpitong ripleng de piston. Isinulat umano ng historyador ng Pasig na si Carlos Tech na may petsang Oktubre 8, 1956 sa kanyang panayam kay Heneral Valentin Cruz, na isa sa mga heneral ng Katipunan na dumalo kasama si Bonifacio sa isang pulong sa Hagdang Bato sa Mandaluyong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, ang naganap sa Battle of Nagsabado. Nang araw na iyon, pinangunahan ni Cruz ang mahigit dalawanglibong (2,000) Pasigenyo sa pagsalakay sa kuta ng mga gwardya sibil sa pinakamalaking garison sa labas ng Maynila. Nakubkob nila ang kuta, at ang tagumpay na ito'y pinagdiriwang ng mga Pasigenyo hanggang ngayon bilang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga mananakop.

Si Bonifacio ay Pangulo, hindi lamang siya Supremo, o pangulo ng mga pangulo ng mga balangay ng Katipunan. Siya ang pangulo ng isang rebolusyonaryong pamahalaan mula nang ideklara nila ang kalayaan ng bayan noong ika-24 ng Agosto 1896 hanggang sa pagpaslang sa kanya noong ika-10 ng Mayo 1897.

Ayon kay Ginoong Reyes, iniambag ni Dr. Guerrero sa Kamalaysayan ang artikulong "Pangulong Andres Bonifacio" at nalathala bilang bahagi ng aklat na "Bonifacio: Siya ba ay Kilala Ko?" ni Reyes. Nalathala rin ito sa magasing Tambuli, ika-5 isyu, Agosto 2006, kung saan ako naman ang ikalawang patnugot nito at si Reyes ang punong patnugot, mula pahina 12-17.

Ngunit minsan ay may nagsabi sa akin: "Bakit ba inilalagay ang titulong Pangulo kay Bonifacio gayong ang titulong iyan ay ginagamit ng burgesya at ng mga nagtraydor sa masa?" Isa siyang katulad kong aktibista. Totoo ang sinabi niya. Ang titulong Pangulo ng Pilipinas ay ginamit ng mga naghaharing uri sa bansa, na sa tingin ng marami ay pawang mga "tuta ng Kano" o "pangulong nakikipagkutsaban sa mga dayuhan o imperyalista".

Ngunit hindi naman tayong mga aktibista ngayon ang nagsasalitang dapat gawin nating unang Pangulo si Bonifacio. Maraming patunay mula pa noong buhay pa si Bonifacio hanggang sa mga dokumento't pahayag ng mga Katipunero noon na kinikilala siyang Pangulo ng unang naitayong pamahalaan sa bansa. Kaya hindi tayong mga aktibistang nabubuhay ngayon ang pilit na nagdedeklara niyan. Nais lang nating itama ang nasasaad sa kasaysayan. Kailangan nating bigyan ng hustisya ang manggagawang si Bonifacio sa ganap na pagkilala sa kanya bilang pangulo. Bakit ito pilit na itinatago, tulad ng pagtago sa totoong naganap na pagpatay sa kanya ng mga kapwa rebolusyonaryo?

Ang pagtanghal ba kay Bonifacio bilang unang Pangulo ay nagpapababa sa kanyang pagkatao? Hindi. Nagpapaangat itong lalo sa kanyang katayuan pagkat siya'y Pangulo ng unang pamahalaan at hindi lang bilang Supremo ng Katipunan. Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay mawawalan na ba siya ng silbi bilang simbolo ng pakikibaka? Hindi, at dapat hindi. O marahil, iniisip ng nakausap ko na ang pagtanghal kay Bonifacio bilang Pangulo ay nagpapahina sa kasalukuyang pagbaka ng mga aktibista para sa pagbabago.

Pag itinanghal bang Pangulo si Bonifacio ay hindi na gagamit ng dahas at hindi na mag-aarmas ang mga kabataan, ang mga api, ang mga naghahangad ng pagbabago? Pag sinagot natin ito ng oo'y nawawalan na tayo ng kritikal na pag-iisip. Gawin nating gabay ang kasaysayan, ngunit huwag natin itong kopyahin. Ang paggamit ni Bonifacio ng armas ay naaayon sa kalagayan ng kanyang panahon. Kung gagamit tayo ng armas ngayon nang hindi naaangkop sa kalagayan at panahon ay para na rin tayong nagpatiwakal.

Tinawag na Supremo si Bonifacio dahil siya ang nahalal na pangulo ng mga pangulo ng iba't ibang balangay ng Katipunan na bawat balangay ay may pangulo. Nang ang Katipunan ay naging ganap na rebolusyonaryong pamahalaan, siya ang Pangulo ng unang pamahalaan, na pinatunayan naman ng mga Katipunero noon at ng maraming historyador. Kaya marapat lamang ibigay sa kanya ang nararapat sa kanya, na halos makalimutan na sa kasaysayan. O marahil pilit iwinawaksi sa kasaysayan dahil sa pamamayagpag ng mga kalaban ni Bonifacio sa mga sumunod na pamahalaan pagkamatay niya hanggang sa kasalukuyan.

Minsan, sinabi ng asawa ni Bonifacio na si Oriang (Gregoria de Jesus), "Matakot sa kasaysayan pagka't walang lihim na di nahahayag." Para bang sinabihan tayong halungkatin natin ang kasaysayan pagkat ang mga kaaway ni Bonifacio'y pilit na itinago sa matagal na panahon ang kanyang mga ambag sa bayan, at ang pagpatay sa kanya'y upang mawala na siya sa kangkungan ng kasaysayan. Ngunit pinatunayan ng sinabi ni Oriang na hindi mananatiling lihim ang lihim, at pilit na mauungkat ang mga may kagagawan ng pagpaslang at pagyurak sa dangal ng Supremo ng Katipunan.

Sa tunggalian ng uri sa lipunan, hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ni Aguinaldo, ang taong nag-utos na paslangin si Bonifacio. Siyang tunay. Hindi dapat maisama si Bonifacio sa hanay ng mga pangulong halos lahat ay tuta ng Kano, o mga pangulong ninanais magpadagit sa kuko ng agila kaysa organisahin ang masa upang tumayo sa sariling paa. Hindi dapat maisama si Bonifacio bilang kahanay ng burgesya't elitista tulad ng mga sumunod na pangulo sa kanya, pagkat si Bonifacio ang simbolo ng pagbaka ng mga manggagawa kaya lumalahok ang mga manggagawang ito sa pagkilos tuwing Mayo Uno na Pandaigdigang Araw ng Paggawa, at Nobyembre 30 na kaarawan naman ni Bonifacio. Ngunit kung alam natin ang kasaysayan, ibigay natin kay Pangulong Andres Bonifacio ang nararapat na pagkilala.

Si Gat Andres Bonifacio, itanghal mang pangulo, ay simbolo pa rin ng himagsikan, simbolo ng uring manggagawa, tungo sa pagbabago ng lipunan at pagtatayo ng isang lipunang walang pagsasamantala ng tao sa tao. Itanghal mang pangulo si Bonifacio, siya lang ang pangulong hindi naging tuta ng Kano at siyang totoong tumahak sa landas na matuwid para sa kagalingan, kaunlaran at kasarinlan ng buong bayan. Siya lang ang Pangulong mula sa uring manggagawa. Mananatili siyang inspirasyon ng mga manghihimagsik laban sa mga mapagsamantala sa lipunan at sa mga nangangarap ng pagbabago upang maitayo ang isang lipunang makatao.

Sa ngayong nalalapit na ang ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio sa Nobyembre 30, 2016, ating sariwain ang mga patunay nang pagkilala ng mga Katipunero noon, pati na mga historyador, kay Gat Andres Bonifacio bilang Pangulo, at kung bakit dapat siyang itanghal na unang pangulo ng bansa. Sa ngayon, sa mga aklatan, si Aquinaldo ang tinuturing na unang pangulo at sumunod sa kanya ay si Manuel L. Quezon. Nariyan din ang pagsisikap ng ilan na itanghal ding pangulo ng bansa si Miguel Malvar at si Macario Sakay ngunit dapat pa itong mapatunayan, ipaglaban, at ganap na maisabatas.

Maraming pinagbatayan sina Guerrero, Encarnacion at Villegas kung bakit dapat itanghal si Bonifacio bilang unang pangulo. Isa-isahin natin:

Nang pinunit ng mga Katipunero ang kanilang sedula bilang tanda ng paghihimagsik sa mga mananakop na Kastila noong ika-24 ng Agosto 1896, ang Katipunan ay naging isa nang pamahalaan. Bago iyon, ang Katipunan ay isang lihim na samahang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa mananakop. Mayroon itong sariling mga batas, istruktura at halal na pamunuan. Sipiin natin ang mga paliwanag at batayan, mula sa artikulo ng tatlo, na malayang isinalin sa sariling wika:

Nang tinanong si Bonifacio sa Tejeros kung ano ang kahulugan ng titik K sa watawat ng Katipunan, sinabi niyang ito'y "Kalayaan" at kanyang ipinaliwanag: "…na mula sa Ktt. Pamunuan ng Katipunan, hanggan sa kababa-babaan, ay nagkakaisang gumagalang sa pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay; namumuhunan ng dugo at buhay laban sa Hari, upang makapagtatag ng sarili at malayang Pamahalaan, na samakatwid, ay mamahala ang Bayan sa Bayan, at hindi ang isa o dalawang tao lamang."

Ang tumatayong pangulo ng paksyong Magdiwang na si Jacinto Lumberas ang nagsabi ng ganito: "Ang Kapuluan ay pinamamahalaan na ng K.K.K. ng mga Anak ng Bayan, na siyang nagbukas ng Paghihimagsik; may Batas at Alintuntuning pinaiiral; sinusunod at iginagalang ng lahat sa pagtatanggol ng Kalayaan, pag-ibig sa kapatid, pag-aayos at pamamalakad ng mga Pamunuan."

Ayon naman kay Heneral Santiago Alvarez ng paksyong Magdiwang sa Cavite ay nagsabi naman ng ganito: "Kaming mga Katipunan…ay mga tunay na Manghihimagsik sa pagtatanggol ng Kalayaan sa Bayang tinubuan.

Ayon naman kay John R.M. Taylor, isang Amerikanong historyador at siyang tagapag-ingat ng Philippine Insurgent Records (mga ulat ng mga manghihimagsik sa Pilipinas), itinatag ni Bonifacio ang unang pambansang pamahalaang Pilipino. Sa pagsusuri ni Taylor sa mga dokumento, lumaban para sa kasarinlan ng bayan ang Katipunan, at bawat pulutong o balangay ng Katipunan sa iba't ibang pook ay ginawa niyang batalyon, ang mga kasapi'y binigyan ng mga mahahalagang katungkulan, at ang kataas-taasang konseho ng Katipunan bilang mga pinuno ng pambansang pamahalaan.

Maging ang mga historyador na sina Gregorio F. Zaide at Teodoro Agoncillo ay kinilala ang rebolusyonaryong pamahalaan ni Bonifacio. Ayon kay Zaide, ang Katipunan ay hindi lamang isang lihim na samahan ng mga manghihimagsik kundi isang pamahalaan, na ang layunin ay mamahala sa buong kapuluan matapos mapatalsik sa bansa ang mga mananakop. Ayon naman kay Agoncillo, inorganisa ni Bonifacio ang Katipunan bilang pamahalaang may gabinete na binubuo ng mga lingkod na kanyang pinagkakatiwalaan.

Noon namang bandang 1980, mas luminaw umano ang pamahalaang Katagalugan ni Bonifacio nang masaliksik ang iba't ibang liham at mga mahahalagang dokumentong may lagda ni Bonifacio. Ang mga ito umano'y bahagi ng koleksyon ni Epifanio de los Santos na isa ring kilalang historyador at dating direktor ng Philippine Library and Museum bago magkadigma. Tatlong liham at isang sulat ng pagtatalaga kay Emilio Jacinto na pawang sinulat ni Bonifacio ang nagpapatunay na si Bonifacio ang unang pangulo ng isang pambansang pamahalaan. Ang mga nasabing dokumento'y may petsa mula ika-8 ng Marso hanggang ika-24 ng Abril 1897. Ang ilan sa mga titulo ni Bonifacio, batay sa mulaangliham (letterhead), ay ang mga sumusunod:

Pangulo ng Kataastaasang Kapulungan;
Ang Kataastaasang Pangulo;
Pangulo nang Haring Bayang Katagalugan;
Ang Pangulo ng Haring Bayan,  May tayo nang K.K. Katipunan nang mga Anak ng Bayan at Unang naggalaw nang Panghihimagsik;
Kataastaasang Panguluhan, Pamahalaang Panghihimagsik

Bagamat ang tawag ni Bonifacio sa Pilipinas noon ay Katagalugan, ito'y pumapatungkol sa buong kapuluan, pagkat ang tinatawag noon na Pilipino ay yaong mga Kastilang ipinanganak sa Pilipinas. Ayon nga sa isang dokumentong nasa pag-iingat ni Epifanio de los Santos, " Sa salitang “Tagalog”, katuturan ay lahat ng tumubo sa Sangkapuluang itó; samakatuwid, “Bisaya” man, “Iloko,” “Kapampangan” atbp. ay “Tagalog” din."

Nagpapatunay din ito na ang pamahalaan ni Bonifacio ay demokratiko at pambansa, na kaiba sa sinasabi ng ilang historyador na nagtayo si Bonifacio ng pamahalaang hiwalay kay Aguinaldo matapos ang kumbensyon sa Tejeros.

Ayon pa sa artikulo nina Guerrero, Encarnacion at Villegas, may nakitang isang magasing La Illustracion Española y Americana na may petsang ika-8 ng Pebrero 1897 at nakasulat sa wikang Kastila na may larawan ng nakakurbatang si Andres Bonifacio, na nakasulat sa ibaba, "Andres Bonifacio, Titulado “Presidente’ de la Republica Tagala" o "Andres Bonifacio: May Titulong Pangulo ng Republika ng Katagalugan", at inilarawan siyang pinuno ng katutubong pamahalaan.

Isang mamamahayag na nagngangalang Reparaz ang nagpatunay nito at kanya pang isinulat kung sinu-sino ang mga pangunahing opisyales sa pamahalaang itinayo ni Bonifacio. Ang mga ito'y sina: Teodoro Plata, Kalihim ng Digma; Emilio Jacinto, Kalihim ng Estado; Aguedo del Rosario, Kalihim na Panloob; Briccio Pantas, Kalihim ng Katarungan; at Enrique Pacheco bilang Kalihim ng Pananalapi.

Ang transpormasyon ng Katipunan mula sa isang samahan tungo sa isang pamahalaan at ang pagkakahalal ni Bonifacio bilang pangulo'y kinumpirma rin ng manggagamot na si Pio Valenzuela sa kanyang pahayag sa mga opisyales na Kastila. Sa ulat naman ng historyador na Kastilang si Jose M. del Castillo sa kanyang akda noong 1897 na "El Katipunan" o "El Filibusterismo en Filipinas" ay pinatunayan din ang naganap na unang halalan sa Pilipinas at nagtala rin siya ng mga pangalan ng pamunuan tulad ng nalimbag sa La Ilustracion.

Ang nadakip na Katipunerong nagngangalang Del Rosario ay inilalarawan bilang "isa sa mga itinalaga ng Katipunan upang itayo ang Pamahalaang Mapanghimagsik ng Bayan at isagawa ang tungkulin sa mga lokal na pamamahala sa mga bayan-bayan."

Oo't marami ngang patunay na si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo. Ngunit dapat itong kilalanin ng buong Pilipinas at hindi ng mga maka-Bonifacio lamang. Kinilala na si Bonifacio bilang bayani ng Pilipinas, bilang pinuno ng Katipunan, kaya ginawang pista opisyal ang araw ng kanyang kapanganakan, ngunit hindi ito sapat. Panahon naman na ideklara ng pamahalaan, sa pamamagitan ng batas, na si Gat Andres Bonifacio ang unang Pangulo ng Pilipinas. Siya, na simbolo ng pagbaka ng uring manggagawa at sambayanan para sa kalayaan at katarungan, ay dapat tanghaling unang Pangulo ng ating bansa, at mailimbag ito sa mga aklat sa paaralan upang magamit na pangunahing aralin ng mga mag-aaral hinggil sa kasaysayan at araling panlipunan.

Lunes, Oktubre 6, 2008

Ang Pagsagip ng Punong Gumamela sa Aking Kapatid

ANG PAGSAGIP NG PUNONG GUMAMELA SA AKING KAPATID
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May mga nagtatanong. Paano daw ba ako napasali sa mga samahang makakalikasan?

Naging marubdob ang hangarin kong pangalagaan ang kalikasan at maging aktibo sa gawaing ito dahil sa isang karanasang nagbigay-aral sa akin upang pangalagaan ko ang kalikasan, kumilos, maging bahagi, at maging aktibo sa mga samahang may adbokasya sa kalikasan.

Mahilig sa halaman ang aking ina. Kaya nga nuong bata pa kami, pulos mga halamang nakalagay sa paso, o sa malalaking lata ng biskwit at gatas, ang makikita sa labas ng bahay, sa mismong bangketa, bukod pa sa may tanim din kaming puno ng gumamela sa bangketa sa loob ng isang kwadradong sementadong pilapil na may apat na talampakan ang haba habang isang talampakan ang luwang. Paglabas ng pinto ay makikita agad ang sari-saring halaman, may orchids din. Lagi itong dinidiligan ni Inay tuwing umaga, at kadalasang ako ang kanyang inuutusang magdilig ng halaman.

Isa kami sa mga nakatirang may mga halamang tanim sa parteng iyon ng Balic-Balic sa Lungsod ng Maynila, habang karamihan ay wala. Lumaki ako sa isang lugar na ang kalikasan ay palibot ng gusali, pader, semento at aspaltadong kalsada, at madalas ang pagbaha kapag umuulan. Masikip na syudad dahil puno ng iba't ibang uri ng tao. May basketball court din sa kalsada. Kaya masarap balikang ang tulad kong lumaki sa sementadong mundo ay pinalaki ng aming inang may pagmamahal sa paghahalaman at sa kalikasan.

Nang minsang bumaha hanggang hita sa amin dahil sa bagyo, lubog ang mga kalsada, tinangay ang ilang halaman. Pinahanap sa akin ng nanay ko yung ilang orchids kung natangay na ng tuluyan ng baha. Nadampot ko naman, ngunit kulang ng isa. Nakita ko sa mata ng aking ina ang paghihinayang.

Ang aking ina ang tinuturing kong una kong guro sa kalikasan. Bata pa lang ako'y pinagdidilig na niya ako ng kanyang mga tanim. Hanggang isang araw, umalis ang aking mga magulang at may pinuntahan. Boboto raw sila. Kaya ako ang pinagbantay nila sa aking bunso pa noong kapatid - si Vergel, panglima sa magkakapatid, dahil di pa naipapanganak noon si Ian, na siyang aming bunso ngayon. Siyam na taon ang agwat nila ni Vergel.

Bakasyon noon at kung matatandaan ko pa, magi-Grade 6 na ako sa pasukan. Sa ikalawang palapag ng aming bahay ay nakatulog kaming magkapatid. Ngunit nagising siya't sa kalikutan, ang tatlong taong gulang pa lang na kapatid ko ay nahulog mula sa ikalawang palapag ng aming bahay.

Di ko naman akalaing makalulusot siya sa bintana dahil may mga nakaharang doong kahoy na uno por dos o kaya'y dos por dos na nakapakong pahalang sa apat na bintanang bakal na may salamin.

Nagising akong ikinwento na lang sa akin ng aking ina ang nangyari. Nanikip ang aking dibdib. Di ko alam ang aking gagawin. Pakiramdam ko ay patay na ang aking kapatid. Nanginginig akong bumaba ng bahay at lumabas.

Maya-maya ay nakita ko ang aking ama, tangan sa kamay ang aking kapatid, galing sila ng tindahan. Ayon sa kwento ng aking ama, nagsisigawan ang mga tao sa labas na mahuhulog ang bata. Di nila naagapang sagipin si Vergel, hanggang sa mahulog sa bintana. Una raw ang ulo, ngunit mabuti na lamang at sinalo siya ng punong gumamela, kaya pagbagsak niya sa lupa ay una ang paa.

Mabuti na lamang. Mabuti na lang.

Kung wala ang gumamelang iyon, at ang mga tanim na halaman ng aking ina, tiyak na sa sementadong bangketa ang lagpak ni Vergel, at sakali mang nabuhay pa siya ay tiyak na baldado siya, at sa kalaunan ay mahirapan lamang siya.

Salamat at sinalo siya ng punong gumamela, ang kanyang tagapagligtas. Ilang araw o linggo lamang makalipas ang pangyayaring iyon ay unti-unti nang bumagsak ang punong gumamela at namatay. Tila ba ipinalit ng punong gumamela ang kanyang buhay sa buhay ng aking kapatid na si Vergel. Salamat, salamat sa inaalagaang mga halaman ni Inay. Sinagip nito si Vergel mula sa maagang kamatayan.

Pag naaalala ko ang pangyayaring iyon, naaalala ko ang pagmamahal ng aming ina. Hindi akalain ni Inay na ang kanyang pag-aalaga ng iba't ibang halaman sa labas ng bahay ay malaki pala ang maitutulong upang magligtas ng buhay. Kaya napamahal na rin sa akin ang paghahalaman at inunawa ko ang kalikasan, bagamat laking lungsod ako, lumaking pulos aspaltado't sementado ang kapaligiran, bagamat bihira akong magtanim.

Wala na ang punong gumamelang iyon sa aming bahay, habang si Vergel naman ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may sarili nang pamilya. Ngunit ang pangyayaring iyon ay di na nawala sa alaala ng sinuman sa aming pamilya, at iyon ang itinuturing kong unang dahilan ng pagyakap ko sa usaping pangkalikasan.

Kalabisan mang sabihin, ngunit pag nakakakita ako ng punong gumamela ngayon, ay hindi ko maiwasang sabihin sa hangin, "Salamat", na marahil ay ihihihip naman ng hangin sa punong gumamelang namumula sa bulaklak.

Maraming salamat sa aking butihing ina na nagsesermon lagi sa akin na magdilig ng halaman. Ang kanya palang mga sermon ay makabubuti sa aming mga magkakapatid, at nakapagligtas pa ng buhay.

Kaya kung napakaaktibo ko sa iba't ibang isyung may kaugnayan sa kalikasan, ito'y dahil isa na itong commitment at pasasalamat sa buhay, di lang ng aking kapatid, kundi sa buhay ng ating kapwa.

Huwebes, Hulyo 31, 2008

Namulat laban kay Marcos dahil kina Voltes V at Mazinger Z






NAMULAT LABAN KAY MARCOS DAHIL KINA VOLTES V AT MAZINGER Z
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang aktibista ako ngayon. Aktibistang manunulat. Aktibistang makata. Nagsusulat sa mga publikasyon ng manggagawa’t maralita. Ngunit paano ba ako namulat bilang aktibista? Dahil ba ako’y nayaya, o dahil may mga pangyayari sa buhay ko na nagmulat sa akin?

Isa sa mga nagmulat sa akin nuong aking kabataan upang maging aktibista sa kasalukuyan ay ang ginawang pagtanggal ng palabas na cartoons na Mazinger Z at Voltes V sa telebisyon. Ang dalawang ito ang pinakapopular na palabas para sa mga kabataan nuong aking kapanahunan. Panahon iyon ni Marcos. At isa ako sa mga nagalit sa pagtanggal niya ng mga palabas na iyon.

Tuwang tuwa kaming mga bata sa kalyeng iyon sa Balic-Balic sa lugar ng Sampaloc sa Maynila, at nagkakakwentuhan lagi kung paano ba dinurog nina Mazinger Z at Voltes V ang kani-kanilang kalaban. Uso pa nga noon ang text (di yung text ngayon sa cellphone) na pulos cards na nakadrowing sina Voltes V at Mazinger Z.

Basta't tuwing Miyerkules ng hapon, inaabangan na namin ang Mazinger Z, habang tuwing Biyernes naman ang Voltes V. Kahit ang awitin ng Voltes V ay kabisado namin noon, bagamat di naman patok ang theme song ng Mazinger Z. Parehong robot na bakal ang bidang sina Mazinger Z at Voltes V. Ang layunin nila'y depensahan ang sangkatauhan laban sa mga pwersa ng mga masasamang nilalang.

Ang nagpapagalaw sa Mazinger Z ay si Koji Kabuto. Ang Voltes V naman na pinamumunuan ni Steve Armstrong, ay pinagdugtong-dugtong na sasakyang panghimpapawid ng limang katao, na pag nag-volt-in ay nagiging malaking robot, si Voltes V. Ang lima ay sina Steve Armstrong, Big Bert, Little John, Mark, at ang nag-iisang babae ay si Jamie.

Ang panlaban ni Mazinger Z ay ang mata nitong pantunaw ng kalaban (o laser beam), at ang rocket punch nito, na natatanggal ang kamay bilang rocket, at ang dibdib nito'y ginagawang laser sa kalaban (melting rays). Kasama ni Mazinger Z si Aphrodite A sa ilang yugto ng palabas.

Ang panlaban naman ni Voltes V ay Bazooka, mga shuriken, at ang pantapos niya ng kalaban ay ang laser sword, na hinihiwa ang katawan ng mga kalabang robot o halimaw sa pormang V. Ang pangunahin nilang kalaban ay si Prince Zardos.

Ilang linggo na ang nakalilipas nang biglang ito'y mawala sa ere at di na namin napanood. Ang sabi sa balita, tinanggal daw ito ni Marcos na ang idinadahilan ay tinuturuan daw ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, upang magrebelde. Bata pa ako noon, at nagtataka ako kung bakit ganito ang dahilan nila. Gayong para sa amin, magaganda silang panoorin. Syempre, cartoons eh At tagapangtanggol pa ng mga inaapi.

May galit na namuo sa akin nung panahong iyon. Tinanggal ang kinagigiliwan naming cartoons. Mula noon, galit na ako sa namumunong nagtanggal ng palabas na iyon - kay Marcos. Di lang ako, kundi marami pang kabataan ang may ganitong pakiramdam, nagalit sa pamahalaan, at naging aktibista. Marami kaming kabataan ang namulat sa kalagayan ng bayan dahil sa pagkakatanggal ng mga palabas na iyon. Isa nga ako doon.

Bahagi na ng aking kabataan at pagkamulat bilang tibak sina Mazinger Z at Voltes V. Huli nang ipinalabas sina Daimos (at ang pag-ibig niya kay Erica), Mekanda Robot, Voltron, atbp.

Anim o pitong taon makalipas, nakasama ako ng aking ama, kasama ang kanyang grupong Holy Name Society, sa pamimigay ng pagkain sa mga taong nagtipon sa Edsa. Ilang araw lamang, lumayas na si Marcos sa Pilipinas.

Ilang taon na rin akong kumikilos bilang aktibista. Halos magdadalawang dekada na. At natutuwa akong gunitain na hindi pa dahil sa martial law, kundi dahil tinanggal ni Marcos ang mga paborito naming cartoons, kaya namulat ako sa kalagayan ng bansa.

- nalathala sa librong "BIYAHENG BALIC-BALIC: Apoy at Ligalig ng Isang Lagalag ng Maynila" ng may-akda

Sabado, Hulyo 12, 2008

SA DAKONG SILANGAN: Aktibismo sa Tulang Epiko ng Makatang Jose Corazon de Jesus

SA DAKONG SILANGAN: Aktibismo sa Tulang Epiko ng Makatang Jose Corazon de Jesus
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 20, Pebrero 2005, pahina 11

Sa matagal-tagal na panahong pananaliksik at pagbabasa ng aklat sa panitikan, nabasa ko ang isang tulang epikong mas matindi pa sa Ibong Adarna, at maaari ritong pumalit bilang pangunahing tulang epikong dapat mabasa ng mga estudyante sa high school. Ito ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus (na kilala ring Huseng Batute), kinikilalang hari ng balagtasan nuong kanyang kapanahunan. Ngunit ang epikong ito'y bihirang makita sa bilihan ng aklat o kaya'y masaliksik sa mga aklatan, di tulad ng Ibong Adarna ta taun-taon yata't nalalathala. Kung ating mapapansin, maraming mga mahahalagang sinulat ang ating mga kababayang makata't manunulat na magpahanggang ngayon ay tinatalakay sa high school. Dalawa rito ay tulang epiko habang ang dalawa naman ay ang mga sikat na nobela ni Jose Rizal.

Natatandaan ko pa noong ako'y nag-aaral ng high school, ang binabasa ng mga mag-aaral at tinatalakay sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di nagpakilalang makata (Pinagtyagaan kong hanapin sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit di ko ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay Florante at Laura ni Gat Francisco Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal; at sa ikaapat na taon ay El Filibusterismo na sinulat din ni Rizal. Nagtanung-tanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. Ang sabi ng isa'y oo. Maliban sa Ibong Adarna, pulitikal ang Noli Me Tangere, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na dayuhan.

Ang Sa Dakong Silangan ay nalathalang kasama ng iba pang tula ni De Jesus sa aklat na Bayan Ko, na pawang koleksyon ng kanyang mga tulang pulitikal, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang libro. Dagdag pa rito, mas mahaba ng kaunti ang Sa Dakong Silangan na may 443 saknong (1,772 taludtod) kaysa buong Florante na 427 saknong (1,708), kabilang na ang mismong Florante at Laura na may 399 saknong (1,596 taludtod), Kay Selya na may 22 saknong (88 taludtod), at Sa Babasa Nito na may 6 na saknong (24 taludtod). Mas mahaba naman ng halos apat na ulit ang Ibong Adarna na may 1,718 saknong (6,872 taludtod) kaysa Sa Dakong Silangan, na tumalakay sa "buhay na pinagdaanan ng Haring Pilipo at Reyna Malaya sa maalamat na mga Pulong Ginto". Tulad ng Florante at Laura, ang Sa Dakong Silangan ay binubuo rin ng labingdalawang pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa gitna o ikaanim na pantig.

Sa nilalaman, mas maganda ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna. Naganap ang mga tagpo sa panahon ng mga hari't reyna, tulad din ng Florante at Laura at Ibong Adarna. Makikita agad sa tulang pasalaysay na Sa Dakong Silangan ang pulitika nito, aktibismo at diwang mapagpalaya. Kung ang Ibong Adarna ay paghahanap sa mahiwagang ibon sa Bundok ng Tabor na ang awitin ay lunas sa haring maysakit, ang Sa Dakong Silangan naman ay paghahanap ng kalayaan ng bayan na kinakatawan ng nawawalang si Reyna Malaya. Kaya hindi dapat maitago at amagin na lang sa aklatan ang mahalagang tulang epikong ito. Dapat mabasa ng mga estudyante't kabataan ang Sa Dakong Silangan, mapag-aralan at mapag-isipan ang mensahe nito.

Sa mga mapag-aral at mapagmahal sa panitikang Pilipino, kung di pa ninyo nababasa ang Sa Dakong Silangan ng makatang Huseng Batute, basahin ninyo ito't pagnilayan. At kung maaari, magtulungan tayong gawin ang mga sumusunod: (a) Ikampanya natin sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna, o kaya'y palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna; (b) Kausapin ang mga kilalang guro at prinsipal ng paaralan upang ituro sa kanilang mga mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (c) Maghanap ng magsusuportang pinansyal sa pagsasalibro ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral sa unang taon sa hayskul upang ito'y lumaganap; (d) Kung kinakailangan, ikampanya ito sa Kongreso na magkaroon ng panukalang batas na palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna sa mga paaralan.

Tunghayan natin ang ilan sa mga napili kong makamasang saknong ng Sa Dakong Silangan:

Saknong 270:

Nahan ka, bayan ko? - anang sawing Reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko'y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!

Saknong 271:

Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon!

Saknong 326:

Itong bayan pala kung api-apihan
Ay humahanap din ng sikat ng araw,.
At ang lahi palang walang kalayaan,
Sa dulo ng tabak humahanap niyan.

Saknong 368:

Samantalang sila'y nagbabatian
Ang lahat ng kampon ay di magkamayaw,
Kaysa nga palang makita't mamasda
Ang layang nawala at saka nakamtan!

Narito ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan na siyang habilin ng makatang Jose Corazon de Jesus sa mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:

Saknong 442:

Ikaw, kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinahihigan,
Bayang walang laya'y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.

Saknong 443:

Ang dakong silangang kinamulatan mo
Maulap ang langit at sakop ng dayo,
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo't
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.

Lunes, Hunyo 30, 2008

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali?

Ang Pasiya ni Sakay: Kabayanihan o Pagkakamali?
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa librong "MACARIO SAKAY, BAYANI!")

TUNaY ngang bawat pasiya ng isang tao ay may malaking kaugnayan sa kanyang kinabukasan o hinaharap. Tulad na rin ng desisyong mag-asawa ng maaga, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil ito’y panghabambuhay, maliban na lamang kung magpasiyang maghiwalay ang mag-asawa.

Tulad din ng desisyong kukuning kurso sa kolehiyo, ito’y pinag-aaralan at pinagpapasiyahan dahil nakasalalay dito ang kanyang kinabukasan.

Tulad din ng desisyong maghimagsik laban sa mga mananakop. Tulad din ng pasiyang sumuko, hindi dahil naduwag, kundi dahil may isinasaalang-alang na bukas.

Gayunman, ang pasiya ba ni Sakay na sumuko ay isang kabayanihan o pagkakamali?

Noong kalagitnaan ng 1905, nakipag-ne-gosasyon si Dr. Dominador Gomez, lider ng Union Obrera Democratica de Filipinas, kina Sakay para sa pagsuko nito, ng kanyang mga opisyal at mga tauhan. Kumbinsido si Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang bumabalam sa pagtatatag ng isang pambansang asamblea. Napapayag niya si Sakay na wakasan ang kanyang paglaban sa kondisyon na isang pangkalahatang amnestiya ang ipagkaloob sa kanyang mga tauhan, payagan silang makapagdala ng baril at pahintulutan siya at ang kanyang mga tauhan na makalabas ng bansa nang tiyak ang personal na kaligtasan.

Isang buwan pagkabitay kay Sakay, agad itinayo ang Pambansang Asamblea noong Oktubre 16, 1907 na ginanap sa Manila Grand Opera House. Ang Partido Nacionalista na kasama si Sakay sa nagtayo, at Partido Nacional Progresista, ang dalawang pinakamalaking grupo sa asemblea. At isa sa mga naging delegado nito ay si Dr. Dominador Gomez.

Maaari bang maitayo ang Pambansang Asamblea kahit hindi sumuko si Sakay kung may mga taong gagampan naman sa gawaing ito? O may basbas ng mga Amerikano ang pagtatatag ng Pambansang Asamblea?

Ang pasiyang sumuko ni Sakay upang maitatag ang Pambansang Asamblea ang maaaring sabihing katiyakan ng kanyang adhikaing kasarinlan ng bayan. Kung sinasabi ni Gomez na siya at ang kanyang pangkat lamang ang dahilan kaya naaantala ang pagtatayo ng Pambansang Asamblea, may umagos na dugo ng sakripisyo sa mga ugat ni Sakay upang isuko ang pakikipaglaban para lamang matuloy ang makasaysayang pagtitipong ito para sa ganap na kasarinlan.

Ngunit maraming nagsasabing ang kalayaan ng bayan ay hindi nahihingi kundi ipinaglalaban. Sa kasong ito, isinakripisyo ni Sakay ang sarili. Nagbakasakali siya na maganap nga ang Pambansang Asamblea, bagamat hindi niya inaasahang ang pasiya niyang iyon ang magdudulot ng maaga niyang kamatayan.

Hindi niya hiningi ang kalayaang iyon, pagkat siya mismo ay binitay ng mga Amerikano. Kung sakaling hindi sumuko si Sakay, matutuloy pa rin ba ang Pambansang Asamblea? Marahil.

Naganap na ang kasaysayan ni Sakay. Kung nagkamali man siya sa kanyang pasiya, hayaan natin sa mambabasa ang pasiya. Gayunpaman, ang naging pasiya ni Sakay ay hindi dapat ituring na karuwagan o pagkapagod na sa pakikidigma, kundi pagbabakasakali.

Pagbabakasakaling maganap nga ang pagtatayo ng isang nagsasariling bansa. At dahil naganap ang Pambansang Asamblea isang buwan matapos siyang bitayin, ito ang masasabi nating nagbunga ang kanyang sakripisyo.

Linggo, Hunyo 29, 2008

Ang Anino ni Macario Sakay

Maikling Kwento

ANG ANINO NI MACARIO SAKAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kumukutitap ang ilaw ng lampara ng gabing yaon habang nagmumuni-muni sa kanyang pag-iisa si Dr. Dominador Gomez. Naaalala niya ang kanyang malayong nakaraan.

Sa edad 20 ay nagtungo na siya sa Madrid upang mag-aral ng medisina. Noong 1895 ay nakomisyon siya sa ranggong kapitan sa pangkat medikal ng Hukbong Kastila at naglingkod sa Cuba bilang doktor. Nang bunalik siya sa Pilipinas, nakilala niya si Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang ama ng unyonismo sa bansa. Isang magaling na orador, naging pangulo si Gomez ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) nang makulong si Isabelo delos Reyes dahil sa pag-uunyon at pag-aaklas ng manggagawa.

Si Gomez ay isa ring magaling na manunulat sa wikang Kastila. Katunayan, nanalo ang sulatin niyang “Cervantes de las Filipinas” bilang pinakamagandang sanaysay sa El Mercantil. Nagsulat din siya sa Los Obreros, ang itinuturing na kauna-unahang pahayagang pangmanggagawa sa Pilipinas. Siya ang lider na nakapagmobilisa ng umano’y may 100,000 manggagawa sa harap ng Malacañang noong Araw ng Paggawa ng 1903, at doo’y kanilang isinigaw: “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Sumapit sa kanyang gunita na ilang taon na rin ang nakalilipas nang bitayin sina Macario Sakay at Lucio de Vega, mga rebolusyonaryo ng digmaang Pilipino-Amerikano.

Sa pamamagitan ng awtorisasyon ni Gobernador Heneral Henry C. Ide, nakipagnegosasyon si Gomez kay Sakay upang sumuko na ito sa mga Amerikano.

Sa pakikipag-usap niya kay Sakay sa kampo nito sa bundok, sinabi ni Gomez na tanging ang pagmamatigas ni Sakay ang nakakabalam sa pagkakamit ng kasarinlan ng bayan. Na kung susuko sina Sakay at ititigil ang pakikidigma laban sa mga Amerikano ay maitatatag ang isang pambansang asamblea na magsisilbing unang hakbang para sa pagtatayo ng sariling pamahalaang Pilipino.

Maya-maya’y nagulat si Gomez sa paglapit ng isang anino sa kanyang harapan ngunit hindi niya ito gaanong maaninaw.

“Ikaw ay isang taksil sa adhikain ng rebolusyon! Ikaw ang dahilan kung bakit kami binitay!” ang sabi ng anino.

“Macario, ginawa ko iyon dahil sa paniniwalang kayo ang dahilan kung bakit nababalam ang independensyang hinahangad natin para sa ating bayan.”

“Hindi nahihingi ang kalayaan ng bayan, ito’y ipinaglalaban. Bakit mas pinaniwalaan mo ang kagustuhan ng mga dayuhan kaysa aming iyong kababayan? Ang aming tanging hangad ay kalayaan ng ating Inang Bayan. Nang malaman nating pinasimulan ni Gat Andres Bonifacio ang pakikibaka para sa kalayaan ng bayan, kami’y agad sumapi sa Katipunan at nakipaglaban hanggang sa malaman naming siya’y pataksil na pinatay ng mismong mga kababayan at kapanalig sa himagsikan. Lumaya tayo sa mga Espanyol upang magpasakop naman sa mga Amerikano. Ipinagpatuloy namin ang laban. Itinuring kaming mga bandido ng mga mananakop na Amerikano, gayong kami’y mga rebolusyonaryong kumikilos upang mapalaya ang bayan. Ngunit dahil sa iyong matatamis na salita at pangako ay napahinuhod mo kami. Pumayag kaming wakasan ang aming paglaban sa bagong mananakop sa kondisyong ipagkakaloob sa aking mga tauhan ang pangkalahatang amnestiya, payagan kaming makapagdala ng baril at pahintulutan kami at ang aking mga tauhan na makalabas ng bansa ng tiyak ang per
sonal na kaligtasan. Iniwan namin ang aming kuta sa Tanay, ngunit…”

“Hintay ka, Macario, ako’y tumutupad lamang sa aking tungkulin, ngunit ang mga Amerikano ang hindi tumupad sa usapan. Hindi ko akalaing nang imbitahan kayo ni Kor. Bandholtz sa isang handaan sa Cavite sa tirahan ni gobernador Van Schaik, ay isang kapitang Amerikano ang sumunggab sa iyo at dinisarmahan ka, pati na rin ang iyong mga tauhan. Wala na rin kayong laban doon dahil napapaligiran na ng mga sundalo ang bahay.”

“Sino ka ba talaga, Dominador Gomez? Magiting na lider-manggagawa o taksil na Pilipino?” ang panunumbat ng anino. “Ang paanyaya’y naging isang bitag, hanggang sa kami’y mahatulan ng kamatayan. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

Hindi makapagsalita si Gomez, habang patuloy niyang pinagninilayan ang kanyang nakaraan.

Halos mamatay ang apoy sa lampara dahil sa mahinang hampas ng malamig na hangin. Siya na isang batikang organisador at lider-manggagawa ang siyang dahilan ng pagkabitay ng isang rebolusyonaryo? Isa itong batik sa kanyang katauhan.

May sinabi nga noon ang bayani, manggagawa, at Supremong si Gat Andres Bonifacio, “Matakot tayo sa kasaysayan.” At ngayon, si Dr. Dominador Gomez ay nanghihilakbot. Dahil sa kanyang kagagawan ay nabitay ang isang kababayang tulad niya’y naghahangad din ng paglaya.

“Ah, sadyang malupit ang kasaysayan. Maaari pa ba itong mabago?” Nasa gayong paglilimi si Gomez nang unti-unting naglaho ang anino sa kanyang harapan, habang ang tinig nito ay umaalingawngaw sa buong kapaligiran, na kasabay ng hampas ng hangin ay tila paulit-ulit na sinasabi, “Hindi kami mga bandido. Binitay kami ngunit lumaya ba ang bayan?”

(Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 31, Marso 2007, p.7)

Sabado, Hunyo 28, 2008

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo

Sa Alaala ng Isang Dakilang Rebolusyonaryo
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Pambungad sa librong MACARIO SAKAY, BAYANI)

Ang kadakilaan ni Macario Sakay at ng kanyang mga kasama ay dapat lamang gunitain, lalo na ngayong darating na Setyembre 13, 2007, ang sentenaryo ng kanyang kamatayan.

Una kong nakilala si Sakay, hindi sa mga librong pangkasaysayan kundi sa pelikula ni Raymond Red na pinamagatang Sakay, na ipinalabas sa mga sinehan noong 1993. Ang unang pelikulang Sakay ay isinapelikula noong 1939 sa direksyon ni Lam-berto V. Avellana. Meron pa umanong pelikulang pinagbidahan ni Mario Montenegro nang bandang dekada ng 1960s na pinamagatang Alias Sakay.

Itinuturing na tulisan si Sakay at ang kanyang mga kasama kung ang babashin ay mga panulat ng mga historyador na Amerikano, kasama ang mga kakutsabang Pilipino. Ito ang isinisiksik nilang propaganda kahit sa mga aklat ng kasaysayan na ginagamit sa mga paaralan.

Dapat maisulat at malaman ng taumbayan ang kabayanihan ni Sakay at ang pagpapatuloy niya ng adhikain ng Katipunan sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano.

Ayon nga kay Pio del Pilar, sa kanyang liham kay Jose P. Santos noong 1930s, “Si Macario Sakay, sa aking pagkakakilala sa kanya, ay isang tunay na makabayan. Sa panahon ng rebolusyon habang kami’y nakikidigma, siya naman ay patuloy sa pagpapalaganap ng mga adhikain ng Katipunan, na ang pinakalayunin ay ipagtagumpay ang kasarinlan ng Pilipinas. Isa siya sa may malaking naitulong sa pagpunta sa bayan-bayan upang itatag ang mga konseho ng Katipunan. Napakatindi ng pagkahu-maling niya sa adhikaing yaon na kahit nahuli siya ng mga Amerikano, ipinagpatuloy niyang tuparin ang di-natapos na hangarin ng Katipunan na gawing malaya at makatayo sa sariling paa ng bansang Pilipinas, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng bagong rebolusyon.

Si Sakay ay maaaring tulisan sa mata ng mga Amerikano, kaya nga siya binitay. Ngunit sa harap ng Diyos, Bayan at Katotohanan, siya’y tunay na makabayan na nararapat lamang mabuhay sa isipan ng lahat nating kababayan sa lahat ng panahon.” (di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Ayon naman sa awtor na si Orlino A. Ochosa, “Sina Bonifacio, Jacinto at Sakay ang bumubuo ng dakilang triad na namuno sa Katipunan at sa mga naghihimagsik na masa: “ang mga anak ng bayan”. Sila’y mga tunay na proletaryo, anak ng Tondo, kinatawan ng mga walang pag-aaring indios bravos. Dahil sa kanilang rebolusyonaryong paninindigan, nabuhay sila sa kabayanihan at kadalamhatian. Sa pagtatatag ng Katipunan, sinimulan ni Bonifacio ang Rebolusyon na inayawan siya’t pinaslang. Sa pagpapalaganap ng mga gawain ng Supremo, binalewala si jacinto at naiwang mag-isang namatay ng Republika. Ganito rin ba ang kapalaran ni Sakay sa pagmana sa liderato ng Katipunan?” (mula sa aklat na Bandoleros, di orihinal na tagalog, ito’y salin mula sa pinagsaliksikang aklat na nakasulat sa Ingles.)

Wala pang ganap na pagkilala sa kanya, maging ito ma’y proklamasyon ng pangulo ng bansa, pagkakaroon ng bantayog sa isang mayor na lokasyon sa lunsod, o kaya’y ipangalan sa kanya ang isang mayor na kalsada. Kahit sa Tondo, wala man lamang pangalan ng kalsada para kina Sakay at sa kanyang mga kasama.

Nawa’y makatulong sa mga mambabasa ang munting aklat na ito sa pag-unawa sa kabayanihan ni Macario Sakay pagkat siya’y bahagi ng kasaysayan ng himagsikang Pilipino para lumaya ang bayan sa kamay ng dayuhan. Nawa’y makatulong din ito sa pagpapalaganap ng kampanya upang magkaroon ng rebulto si Sakay sa isang pangunahing lansangan sa bansa, ipangalan sa kanya ang isang pangunahing lansangan, at ituring siyang isang bayani sa mga aklat pangkasaysayan na binabasa at pinag-aaralan ng mga mag-aaral.

Sa alaala ng isang dakilang rebolusyonaryo at sa dakilang ambag niya sa himagsikan, nararapat lamang ibigay kay Sakay ang ganap na pagkilala sa kanya – si Macario Sakay ay isang tunay na bayani ng lahing Pilipino.

Sampaloc, Maynila
Agosto 21, 2007

Lunes, Hunyo 9, 2008

Talambuhay ni Teodoro Asedillo

TEODORO ASEDILLO: Magiting na Guro, Lider-Manggagawa, Bayani
Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isa sa pinakamagiting na bayani sa kasaysayan ng kaguruan at ng uring manggagawa sa Pilipinas si Teodoro Asedillo. Mula sa angkan ng dating katipunerong si Antonio Asedillo, isinilang siya noong Hulyo 1883 sa Longos (ngayon ay Kalayaan), sa lalawigan ng Laguna.
Mula taong 1910 hanggang 1921, si Maestro Asedillo ay naglingkod bilang guro sa mababang paaralan ng Longos, kung saan itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.
Sakop ng Amerika ang Pilipinas sa panahong yaon, at isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. Ang paggamit ng wikang Pilipino’y mahigpit na ipinagbawal, at yaong gumagamit nito’y pinarurusahan. Walang Pilipinong pinahintulutang mamuno sa DPI, hanggang sa panahong itatag ang pamahalaang Komonwelt.
Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo.
Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. Noong sumunod na taon, ang una niyang asawang si Honorata Oblea ay namatay sa tuberculosis. Naiwan sa kanya ang anak nilang si Pedro. Muli siyang nakapag-asawa noong 1925, kay Eustaquia Pacuribot.
Nagkatrabahong muli si Asedillo nang hirangin siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon. Naging bantog siya bilang hepe at marami ang nadakip na kriminal at bandido. Ngunit nang magpalit ang administrasyon sa bayang iyon matapos ang isang halalan, nabiktima siya ng pang-iintriga, natanggal siya bilang hepe, at pinalitan ng isang malakas sa bagong mga opisyal.
May malawakang pagkabalisa noon ang mga magbubukid at manggagawa dahil sa kawalan ng katarungang panlipunan at sa malaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap bunga ng pyudalismo. Dahil dito, naitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929. Sumapi sa KAP si Asedillo nang siya’y nagkatrabaho bilang magsasaka sa taniman ng kape. May limang layunin ang KAP: (1) mapagkaisa ang mga manggagawa at magbubukid sa makauring pamumuno ng KAP; (2) labanan ang mala-kolonyalismong pinaiiral ng imperyalismong Amerikano sa Pilipinas; (3) itaguyod at paunlarin ang kabuhayan ng mga anakpawis; (4) kamtin ang tunay na kasarinlan ng Pilipinas at itatag ang isang tunay na pamahalaan ng taongbayan; at (5) makipag-isa sa kilusang mapagpalaya sa iba’t ibang panig ng daigdig. Patakaran ng KAP sa pag-oorganisa ang pagtatayo ng mga unyon ng mga manggagawa, pagtatatag ng partido pulitikal ng mga manggagawa, at pagtataguyod ng makauring pakikibaka.
Lumaganap ang KAP sa buong Kamaynilaan, sa Timog Luzon at Gitnang Luzon. Inatasan ng pamunuan ng KAP si Asedillo na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo. Ang kanyang mag-iina ay naiwan sa Laguna.
Sa La Minerva, hindi pinakinggan ng pangasiwaang kapitalista ang hinaing ng mga manggagawa kaya’t naglunsad ng welga sina Asedillo noong 1934. Dinahas ng magkasanib na pwersa ng konstabularya at Manila Police Department ang mga manggagawa. Namatay ang limang manggagawa at nasugatan ang marami pang iba nang salakayin ng Konstabularya ang piketlayn. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya dahil isa siya sa mga namuno doon, pero nakawala siya at tumakas papuntang Laguna, ang kanyang probinsya. Nang mabalitaan sa pahayagan ng isang opisyal na taga-Laguna na nagawi noon sa Maynila ang welgang pinangunahan ni Asedillo sa La Minerva, isinumbong nito sa pulisya’t militar na si Asedillo ay “komunista”.
Kasabay ng welga sa La Minerva ang pag-aalsa naman ng mga Sakdalista na pinangunahan ng makatang si Benigno Ramos. Layunin ng mga Sakdalista ang (1) pagtuligsa sa sistema ng edukasyong kolonyal na pinangangasiwaan ng mga gurong Amerikanong Thomasites; (2) pagtutol din sa pagtatatag ng mga baseng militar at mga instalasyon ng Amerika sa Pilipinas; at (3) ang paglaban sa dominasyon ng mga Amerikano sa ekonomya at likas na kayamanan ng ating bansa. Umabot sa 50,000 ang kasapi ng Sakdalista sa Timog at Gitnang Luzon.
Naganap ang sunud-sunod na pag-aalsa ng mga magbubukid noong Mayo 2, 1935. May 150 magsasaka ng San Ildefonso, Bulacan, ang sumalakay sa munisipyo, na pawang armado ng itak at paltik. Ibinaba nila ang mga bandila ng Amerika at Pilipinas, at itinaas ang pulang watawat ng Sakdalista. Sanlibong pesante naman ang sumalakay sa Presidencia ng Tanza at Caridad, Cavite, gayundin sa Cabuyao at Sta. Rosa, Laguna. Subalit sa ganting-salakay ng konstabularya noong Mayo 3 ay nasugpo ang mga pag-aalsa. May 50 pesante ang nagbuwis ng buhay, ilandaan ang nasugatan at may limandaang nadakip at napiit.
Nang mawasak ang unyon at mapatay ang ilang welgista sa La Minerva, nang masawi at makulong ang mga nag-alsang Sakdalista, nagpasyang tumakas ni Asedillo sa tumutugis na pulisya’t militar. Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.
Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas, at beterano ng Rebolusyon at pakikidigma laban sa pananakop ng Estados Unidos. Madalas magdaos ng pulong si Asedillo sa mga baryo upang ipaliwanag ang mga layunin ng KAP at makapangalap ng mga tao para sa layunin nito. Itinaguyod din niya ang pagtutol sa pagbabayad ng buwis. Nilibot din niya ang mga baryo sa Laguna at karatig na lalawigan ng Quezon, noo’y Tayabas, upang mangalap ng magsasaka at mapaanib sa KAP.
Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.
Kahit sa maikling panahon, mahusay niyang ginamit ang mga taktikang gerilya, kaya’t nakaiwas sa rekonsentrasyon at lambat-bitag ng mga tropa ni Tenyente Jesus Vargas. Natiis niya ang desperadong pagbihag sa kanyang mag-iina. Sadyang hindi matawaran ang kagitingan at determinasyong ipinamalas ni Asedillo sa mga kasamahan niya.
Noong Nobyembre 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.
Ang tanging “krimeng” ginawa niya ay ang pagtatanggol sa mga manggagawa at magsasaka na ipaglaban ang hustisyang panlipunan, at krimen sa mga gurong Thomasites na tagapaghasik ng kulturang kolonyal na kanyang sinuway at tinuligsa. Ang halimbawa ni Asedillo ay isang halimbawang dapat tularan at hindi dapat ibaon sa limot. Ang kanyang kasaysayan ay dapat maikwento at magbigay inspirasyon sa mga manggagawa ngayon, sa mga guro, at sa mga kabataan.
Sa bawat yugto ng pagsasamantala, may isinisilang na tulad nina Andres Bonifacio, Macario Sakay, Teodoro Asedillo, Filemon Lagman, at marami pang mula sa uring manggagawa ang ayaw magpaalipin at ayaw manatiling alipin. Ang mga halimbawa nila ay magtitiyak na patuloy pang isisilang ang mga bagong Asedillo na magtatanggol sa mga api at maghahangad ng isang lipunang may pagkakapantay-pantay at walang magsasamantala ng tao sa tao.
(Pinaghalawan: (a) aklat na Titser ng Bayan ni Enrique “Eric” Torres, pp. 30-35; (b) aklat na Sa Tungki ng Ilong ng Kaaway, pp.27 at 145; (c) aklat na “Ang Bagong Lumipas – I” ni Renato Constantino at isinalin sa Pilipino nina Lamberto Antonio at Ariel Dim. Borlongan, pp. 439-441. Ang larawan ni Asedillo ay mula kay Ed Aurelio Reyes ng Kamalaysayan)

Sabado, Mayo 31, 2008

Ang babala sa pakete ng sigarilyo

ANG BABALA SA PAKETE NG SIGARILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit kaya sa bawat pakete ng sigarilyo ay may ganitong nakasulat: "Government warning: Cigarette smoking is dangerous to your health"?

Alam na pala ng gobyerno na masama ang paninigarilyo sa katawan, pero pinapayagan pa rin nila ang mga kumpanya ng sigarilyo sa paggawa ng mga yosi. Kung aanalisahin natin kung bakit, iisa lang ang ibig sabihin nito. Ang kaya lang gawin ng gobyerno ay magpaalala, dahil wala itong kakayahang pigilin ang ugat ng problema. Hindi kaya ng gobyernong pigilin ang mga manufacturer ng sigarilyo, dahil mas nangingibabaw ang kagustuhan ng mga kapitalistang may-ari kaysa ng gobyerno. Ipinapakita lamang ng karatulang ito sa pekete ng sigarilyo na sa panahong ito ng globalisasyon, mas nangingibabaw ang sistemang kapitalismo kaysa gobyerno.

Patunay ba ito na napapawi na ang papel ng gobyerno at ang mga kapitalista na ang mapagpasya sa lipunan? Ito ba ang dahilan kung bakit kahit anong gawin ng gobyerno, hindi mapigilan ang pagsama ng kalusugan ng kanyang mga mamamayan. Kung ganito ang lohika ng gobyerno at patuloy siya sa ganitong sistema, ang dapat sigurong masulat sa mga pakete ng sigarilyo ay ito: "Cigarette warning: The government is dangerous to your health!"

- 1998

Linggo, Mayo 18, 2008

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz: 
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.

Biyernes, Mayo 16, 2008

Talambuhay ni Ka Amado V. Hernandez


KA AMADO V. HERNANDEZ
Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata,
at National Artist for Literature

“Sa aking piita’y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa’t isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.” — Amado V. Hernandez, “Bartolina”

Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

ISA SIYA sa kinikilalang dakilang Pilipino ng ating bansa. Siya’y isang manunulat, nobelista, makata, lider-manggagawa, at bilanggong pulitikal. Siya ng kanyang asawang si Atang dela Rama ang isa sa dalawang mag-asawa na kinikilalang National Artist ng Pilipinas.

Bata pa siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagsusulat. Nang lumaon ay naging tanyag siya sa larangang ito. Mula 1926 hanggang 1932, sinubaybayan ng marami ang kanyang kolum na “Sariling Hardin”. Noong 1929, hinamon siya ng kanyang kaibigang makata na si Jose Corazon de Jesus sa debate sa balagtasan. Ang kay de Jesus ay nakalathala sa pang-araw-araw niyang kolum na “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” sa pahayagang Taliba, habang ang kay Ka Amado naman ay sa kolum niyang “Sariling Hardin” sa pahayagang Pagkakaisa. Tumagal nang mahigit isang buwan ang kanilang makasaysayang Balagtasan hinggil “sa lumang usapin ng lahi”. Makaraan ang sampung taon, muling inilathala ito sa pahayagang Mabuhay Extra ni Teodoro Agoncillo na siyang editor nito.

Bilang manunulat, marami siyang natanggap na gawad-pagkilala. Noong 1938, ang kanyang narrative poem na Pilipinas ay nanalo ng Commonwealth Literary Award. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay nanalo ng Balagtas Award mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Noong 1962, ang koleksyon ng tula na Isang Dipang Langit ay nanalo ng Republic Cultural Heritage Award. Ang tulang-kasaysayan na Bayang Malaya ay nanalo ng Balagtas Award noong 1969. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay maituturing na pagpa-patuloy ng nobelang El Fili ni Rizal.

Bilang mamamahayag, nakasama siya sa nabuong Philippine Newspapers Guild (PNG) noong 1945, na umanib sa Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo si Ka Amado ng CLO noong 1947.

Sa kanyang pamumuno, pinangunahan ng CLO ang welga ng 2,600 mga mang-gagawa mula sa Manila Trading and Supply, Co., Canlubang Sugar Estate, Metram Gomtawco Sawmill, Republic Sawmill, atbp. Noong 1948, sa pangunguna muli ng CLO, nag-aklas muli ang mga mang-gagawa sa malalaking kumpanya tulad ng Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Luzon Brokerage, atbp. Nagawa rin nito ang kauna-unahang “stay-in” strike sa Franklin Baker, isang kumpanyang Amerikano. Noong 1949, may 83 welgang naisagawa, kung saan sa taon ding ito inilunsad ang ikaapat na Kongreso ng CLO, na ang kanilang gi-namit na islogan ay “Manggagawa at Seguridad!” at “Ibagsak ang Imper-yalismo!” Noong 1950 ay nagwelga ang 38,000 manggagawa.

Ang kamalayang pampulitika ng manggagawang kasapi ng CLO ay nasustina sa kanilang binuong “Workers Institute” na pinamahalaan ng Komite sa Edukasyon, Impormasyon at Panana-liksik.

Dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtataguyod sa kapakanan ng mang-gagawa, noong Enero 26, 1951, hinuli at ikinulong si Ka Amado. Limang buwang inkomunikado si Ka Amado sa Camp Murphy (ngayo’y Camp Aguinaldo) bago naiharap ang pormal na sakdal sa kanya noong Agosto 1951 sa salang “rebellion complexed with other crimes”. Ibinaba ang hatol na nagkasala si Ka Amado kaya’y siya’y nakulong ng limang taon at anim na buwan. Palipat-lipat siya ng kulungan sa Muntinlupa, Camp Murphy, Camp Crame, Fort McKinley, at Panopio Compound. Sa kulungan niya isinulat ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang “Isang Dipang Langit”.

Noong Hulyo 26, 1956, pansamantala siyang nakalaya sa bisa ng lagak (bail), at noong Mayo 31, 1964, si Ka Amado ay napawalang sala.

Mula 1958 hanggang 1961, nakatanggap siya ng apat na Palanca Awards sa kanyang mga isinulat na dula.

Noong 1965, dumalo siya sa kumperensya ng mga mamamahayag na Asyano sa Indonesia, at nalathala ang kanyang ulat hinggil dito sa Taliba, kung saan nanalo siya ng NPC-Esso Journalism Award. Noong 1966, dinaluhan naman niya ang Afro-Asian Writers meeting sa Tsina. 1966 din nang dumalo siya sa International War Crimes Tribunal sa London kung saan ipinagtanggol niya ang Pilipinas sa bintang na ang kanyang bansa ay isang “war criminal” sa Biyetnam.

Noong 1967, tumakbo siyang konsehal ng Maynila ngunit natalo. Nagsulat siyang muli at naging editor ng Ang Masa.

Si Ka Amado ay namatay sa atake sa puso noong Marso 24, 1970. Noong 1973, iginawad sa kanya ang karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist for Literature) ng Pilipinas.

Ilan sa kanyang mga isinulat ay ito:
1. Bayang Malaya (Tulang Kasaysayan)
2. Mga Ibong Mandaragit (Nobelang Sosyo-Politikal)
3. Isang Dipang Langit (Koleksyon ng Tula)
4. Luha ng Buwaya (Nobelang Sosyo-Politikal)
5. Tudla at Tudling: Katipunan ng Tula 1921-1970
6. Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kwento
7. Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at Iba Pang Akda