ni Gregorio V. Bituin Jr.
Nalathala sa pahayagang Obrero, Blg. 20, Pebrero 2005, pahina 11
Sa matagal-tagal na panahong pananaliksik at pagbabasa ng aklat sa panitikan, nabasa ko ang isang tulang epikong mas matindi pa sa Ibong Adarna, at maaari ritong pumalit bilang pangunahing tulang epikong dapat mabasa ng mga estudyante sa high school. Ito ang Sa Dakong Silangan ni Jose Corazon de Jesus (na kilala ring Huseng Batute), kinikilalang hari ng balagtasan nuong kanyang kapanahunan. Ngunit ang epikong ito'y bihirang makita sa bilihan ng aklat o kaya'y masaliksik sa mga aklatan, di tulad ng Ibong Adarna ta taun-taon yata't nalalathala. Kung ating mapapansin, maraming mga mahahalagang sinulat ang ating mga kababayang makata't manunulat na magpahanggang ngayon ay tinatalakay sa high school. Dalawa rito ay tulang epiko habang ang dalawa naman ay ang mga sikat na nobela ni Jose Rizal.
Natatandaan ko pa noong ako'y nag-aaral ng high school, ang binabasa ng mga mag-aaral at tinatalakay sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di nagpakilalang makata (Pinagtyagaan kong hanapin sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit di ko ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay Florante at Laura ni Gat Francisco Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal; at sa ikaapat na taon ay El Filibusterismo na sinulat din ni Rizal. Nagtanung-tanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. Ang sabi ng isa'y oo. Maliban sa Ibong Adarna, pulitikal ang Noli Me Tangere, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na dayuhan.
Ang Sa Dakong Silangan ay nalathalang kasama ng iba pang tula ni De Jesus sa aklat na Bayan Ko, na pawang koleksyon ng kanyang mga tulang pulitikal, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang libro. Dagdag pa rito, mas mahaba ng kaunti ang Sa Dakong Silangan na may 443 saknong (1,772 taludtod) kaysa buong Florante na 427 saknong (1,708), kabilang na ang mismong Florante at Laura na may 399 saknong (1,596 taludtod), Kay Selya na may 22 saknong (88 taludtod), at Sa Babasa Nito na may 6 na saknong (24 taludtod). Mas mahaba naman ng halos apat na ulit ang Ibong Adarna na may 1,718 saknong (6,872 taludtod) kaysa Sa Dakong Silangan, na tumalakay sa "buhay na pinagdaanan ng Haring Pilipo at Reyna Malaya sa maalamat na mga Pulong Ginto". Tulad ng Florante at Laura, ang Sa Dakong Silangan ay binubuo rin ng labingdalawang pantig bawat taludtod, at may sesura o hati sa gitna o ikaanim na pantig.
Sa nilalaman, mas maganda ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna. Naganap ang mga tagpo sa panahon ng mga hari't reyna, tulad din ng Florante at Laura at Ibong Adarna. Makikita agad sa tulang pasalaysay na Sa Dakong Silangan ang pulitika nito, aktibismo at diwang mapagpalaya. Kung ang Ibong Adarna ay paghahanap sa mahiwagang ibon sa Bundok ng Tabor na ang awitin ay lunas sa haring maysakit, ang Sa Dakong Silangan naman ay paghahanap ng kalayaan ng bayan na kinakatawan ng nawawalang si Reyna Malaya. Kaya hindi dapat maitago at amagin na lang sa aklatan ang mahalagang tulang epikong ito. Dapat mabasa ng mga estudyante't kabataan ang Sa Dakong Silangan, mapag-aralan at mapag-isipan ang mensahe nito.
Sa mga mapag-aral at mapagmahal sa panitikang Pilipino, kung di pa ninyo nababasa ang Sa Dakong Silangan ng makatang Huseng Batute, basahin ninyo ito't pagnilayan. At kung maaari, magtulungan tayong gawin ang mga sumusunod: (a) Ikampanya natin sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna, o kaya'y palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna; (b) Kausapin ang mga kilalang guro at prinsipal ng paaralan upang ituro sa kanilang mga mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (c) Maghanap ng magsusuportang pinansyal sa pagsasalibro ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral sa unang taon sa hayskul upang ito'y lumaganap; (d) Kung kinakailangan, ikampanya ito sa Kongreso na magkaroon ng panukalang batas na palitan na ng Sa Dakong Silangan ang Ibong Adarna sa mga paaralan.
Tunghayan natin ang ilan sa mga napili kong makamasang saknong ng Sa Dakong Silangan:
Saknong 270:
Nahan ka, bayan ko? - anang sawing Reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko'y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!
Saknong 271:
Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon!
Saknong 326:
Itong bayan pala kung api-apihan
Ay humahanap din ng sikat ng araw,.
At ang lahi palang walang kalayaan,
Sa dulo ng tabak humahanap niyan.
Saknong 368:
Samantalang sila'y nagbabatian
Ang lahat ng kampon ay di magkamayaw,
Kaysa nga palang makita't mamasda
Ang layang nawala at saka nakamtan!
Narito ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan na siyang habilin ng makatang Jose Corazon de Jesus sa mga kabataan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:
Saknong 442:
Ikaw, kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinahihigan,
Bayang walang laya'y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.
Saknong 443:
Ang dakong silangang kinamulatan mo
Maulap ang langit at sakop ng dayo,
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo't
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento