SINO ANG BERDUGO NG KALIKASAN?
ni Gregorio V. Bituin Jr.
"Wala namang masama sa pag-unlad kung hindi nakakasira ng kalikasan." - Asin, Filipino rock band
May iba't ibang panahon na ginugunita ng iba't ibang bansa at mga organisasyon ang kapakanan ng ating kalikasan. Tuwing ika-22 ng Abril ay ipinagdiriwang ang International Health Day. Tuwing ika-5 ng Hulyo naman ang World Environment Day. Environment Month naman ang buong buwan ng Hunyo. Pero bagamat maraming araw ang inilalaan para gunitain ang kalikasan, patuloy pa rin ang pagpapabaya dito ng mga tao at mismong ng pamahalaan, kaya patuloy pa rin ang pagkasira ng kalikasan. Kaya nga't hindi sapat ang simpleng paggunita lamang, kundi totohanang aksyon. Gayunpaman, dapat nating maunawaan na ang pangangalaga sa kalikasan at sa kapaligiran ay pangangalaga rin sa ating kalusugan. At ito'y dapat magsimula sa ating mga sarili, sunod ay sa pamilya at sa pamayanan. Bakit ba kailangang ipagdiwang ang International Earth Day at World Environment Day, kung hindi naman natin isinasabuhay ang pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran?
Kailangan pa bang magkaroon ng mga deklaradong araw ng paggunita para malaman nating dapapala nating alagaan ang kalikasan? Kung talagang alam nating dapat alagaan ang kalikasan, hindi ba't dapat araw-araw natin itong ginagawa.
Sa totoo lang, maraming environmentalist kuno sa ating bansa, pero karaniwan, nagiging gawaing sibiko na lang ito para masabing may ginagawa pala ang inyong organisasyon. Output kuno, ika nga. Ang nakakatawa pa, ang karamihan ng tinatawag na "environmentalist" ay hanggang environmental awareness lang, dahil hindi mo naman makita sa totoong labanan. Gaya ng mga mahilig magpa-environmental concert at magbenta ng mga environmental t-shirts, pero ayaw namang magtanim, dahil marurumihan daw sila. Nagpapatunay na isa lamang fad o uso ang pagiging environmentalist. Karaniwang nangyayari, nagiging talking shop lang ang isang environmental group dahil wala namang kongkretong aksyon. Ang kailangan natin ay aksyon, bayan!
Kung magmamasid lang tayo sa mga nangyayari sa ating lipunan, mapapansin nating hindi na natin gaanong naaasahan ang DENR sa pangangalaga ng kapaligiran. Bakit ikamo? Dahil ang E sa DENR ay "out-of-place"! Pansinin po natin ang istruktura ng DENR. Maliit na porsyento lamang ang para sa environmental protection. Ang malalaki ay nakapatungkol sa NR (natural resources), o pangangasiwa (imbes na pangangalaga) ng kalikasan. Isang halimbawa rito ay ang Mines and Geo-Sciences Bureau ng DENR. Sa kanila, okey lang na ipatupad ang Mining Act of 1995, pero para sa iba't ibang environmental groups, NGOs at mga katutubo sa area, ang batas na ito'y nakakasira sa kapaligiran at sa kalikasan. Dito'y makikita agad natin ang conflicting interest ng "environment" at "natural resources". Teka, malaki ba ang pera sa mining kaya ganito? Palagay ko.
Isa pa, karamihan ng mga gawaing tungkol sa environment ay ipinasa na ng DENR sa mga LGUs, gaya ng paghahakot ng basura, napunta na ito sa ilalim ng MMDA. Imbes na gumawa ang DENR ng maayos na sistema, lumayo sila sa kanilang responsibilidad at ipinasa sa MMDA ang problema. Kaya maliwanag pa sa ulong panot na nawawalan ng silbi ang E sa DENR. Dapat lang talagang i-abolish ito at gumawa ng superbody na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA) kung saan talagang matututukan ang isyu ng environment. Pwedeng sabihin nating hindi ito ang solusyon, pero malaki ang magagawa nito para sa kalikasan, kumpara sa mga nangyayari ngayon.
Matindi na ang teknolohiya ng mga kalapit nating bansa, pero nananatiling primitibo pa rin ang Pinas. Tulad na lang ng pag-aayos ng problema sa basura at ang kahandaan natin pagdating sa kalamidad, gaya ng nangyari sa Ormoc at kailan lang ay yung pagbaha sa Agusan del Sur, kung saan ang sinisii ay ang pagiging kalbo ng mga kagubatan. Sino ba talaga ang berdugo ng kapaligiran at pagkasira ng kalikasan? Tayong mga mamamayan ba o ang mismong gobyerno ang inutil?
Kamakailan, nagprotesta ang mga taga-Rizal hinggil sa isyu ng basura na galing Maynila dahil ginawang dumpsite ang kanilang lugar. Ito 'yung tinatawag na San Mateo landfill, kung saan lahat ng mga basurang nahahakot sa Maynila ay dito dinadala. Nakipag-negosasyon ang MMDA sa mga taga-Rizal na pagkatapos daw ng anim na buwan, ililipat na nila ang landfill a ibang lugar. Ito ba ang solusyon nila? Anong klaseng lohika ito? Ganito ba kainutil ang mga namumuno sa atin? Pag inilipat nila ang landfill sa ibang lugar ay parang inilipat lang nila ang problema. Hindi pa rin nasolusyunan ang problema sa basura. Ang kailangan ng mamamayan ay solusyong hindi makakapwerwisyo sa iba. Ang tanong: Pag inilipat ng gobyerno ang landfill, sinong matino naman ang tatanggap nito? Ang dapat nilang gawin, gumawa sila ng solusyon sa problema ng basura, huwag lang ilipat ang problema at ipasa sa iba.
Sa nangyaring aksidente naman sa Marcopper sa Boac, Marinduque, kung saan dumumi ang mga ilog, nangamatay ang mga isda, at mismong pagkukuhanan ng tubig na inumin ay naapektuhan, mismong ang DENR ang nagbigay ng ECC (environmental compliance certificate) sa Marcopper para makapag-operate. Pati na ang mga naglipanang humigit-kumulang walumpung (80) golf courese sa buong kapuluan ay pinayagan ng DENR sa kabila ng pagtuligsa ng iba't ibang environmental groups, BGOs, IPs at mga residente sa area. Bukod pa sa magastos na pagmimintina nito at mga tubig na inaaksaya para dito. Mga 800,000 galon ng tubig ang kailangan sa isang araw para maalagaan ang isang 18-hole golf course.
Ibinulgar naman ni Neal Cruz sa kanyang kolum sa Inquirer (As I See It, 01-11-99) ang planong pagputol sa 1,500 ektarya ng pine forest sa Malaybalay City, Bukidnon, na pinayagan daw ng DENR sa kabila ng pagtutol ng mga naninirahan dito. Ayon umano kay DENR Sec. Antonio Cerilles, napagkasunduan na raw nuon lang 1993 ang planong ito ng Bukidnon Forest Inc., DENR, LGUs at iba pang ahensya sa pamamagitan ng exchange of notes (EON) sa pagitan ng Pilipinas at bansang New Zealand. Itinanim ang mga nasabing puno mga limampung taon na raw ang nakararaan, at nito lang 1993 napagkasunduan ang plano. Isa pa, hindi daw isang commercial tree plantation ang nasabing kagubatan. Mahigit itong tinututulan ng mga residente at patuloy sila sa kanilang protesta para huwag matuloy ang planong pagputol sa mga punong ito.
Marami pang kaso ng kapabayaan sa kalikasan at mga pagkukulang ang mismong ahensya ng gobyernong dapat managot sa mga ito. Kung hindi ito kaya ng gobyerno, panahon naman na kumilos ang mga mamamayan upang ikampanya ang pag-aalis ng E sa DENR at maitatag ang isang superbody na talagang tututok sa pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran. Kailangan lang tiyakin na may ngipin ang batas dito, at pananagutan ng pamunuan pag nagpabaya sa kanilang trabaho. Hindi lang basta sibak, kundi kulong ng lima hanggang anim na taon. Mabigat ang mamuno sa isang Environmental Protestion Agency (EPA) dahil buhay ng sambayanan ang nakataya dito.
Kaya ang suhestyon namin: gawing resolusyon o bill sa Kongreso ang pag-abolish ng E sa DENR at pagbubuo ng superbody para sa environment na maaaring tawaging Environmental Protection Agency (EPA). At kung maila-lobby ito sa Kongreso, tinitiyak naming susuportahan ito ng iba't ibang NGOs environment groups, at mga individuals sa buong kapuluan, lalo na iyong mga asar na asar na sa kapalpakan at tila pagong na pamamalakad ng DENR. Ito ang aming panawagan sa iba't ibang environmental groups at inaasahan namin ang kanilang pagsuporta.
Nais din naming ipaabot sa mga kinauukulan ang isa pang suhestyon. Naniniwala kami na bawat problema'y may kaukulang solusyon, bagamat nagpapasulpot ng isa na namang problema. Pero ang problemang sumulpot ay may solusyon pa rin. Ang suhestyon namin: gumawa ng batas kung saan ang kukunin lamang ng mga basurero ay ang mga basurang na-sort-out na at may label. Ibig sabihin, iso-sort-out na ito mismo ng bawat kabahayan bago ipakuha sa basurero. Halimbawa, tuwing Linggo o tuwing ikalawang araw, kukuhanin lamang nila ay yaung mga basurang nabubulok (biodegradable), gaya ng mga galing sa pagkain, halaman at dumi ng tao't hayop. Tuwing Lunes ay mga lata; Martes - bote; atbp. Ang mga biodegradable ay maaaring gawing pataba at ang mga non-biodegradable naman ay pwedeng i-recycle at magamit muli. Tiyakin din na may garbage shelter sa bawat barangay o sulok ng kalsada na magtitiyak na duon lang hahakutin ang basura para maayos at hindi nilalangaw. Mainam ang ganitong sistema para mismong mamamayan ay matulak na disiplinahin nila ang mismong sarili nila. Isa pa, malaking kabawasan ito sa ibinibigay nating buwis na napupunta lang para sa basura. Samantalang kung madidisiplina lang ang mga tao, malaki ang matitipid ng gobyerno at ng mga mamamayan. Noong mamalagi ako sa bansang Japan ng anim na buwan bilang scholar, nasaksihan ko mismo kung gaano kaepektibo ang ganitong sistema.
Kung gusto nating maging maganda ang ating kapaligiran (environment) at maayos ang ating kalikasan (nature), mag-isip tayo ng iba't ibang inobasyon. Tapusin na natin ang lipas na kultura na basta na lang tayo magtatapon ng basura kung saan-saan. Mga nabubuhay lang sa Stome Age ang mga mahilig magkalat ng basura. Panahon na upang simulan natin ang pangangalaga sa kapaligiran sa mismong ating mga sarili. Dahil kung hindi, hindi lang DENR o mga kapitalista ang dapat sisihin sa mga nangyayari sa ating kapaligiran. TAYO MISMO ANG BERDUGO NG KALIKASAN, kung hindi tayo magbabago.