Huwebes, Abril 3, 2008

Salika, Yo!

SALIKA, YO!
ni Gregorio V. Bituin Jr.

(Nalathala sa magasing Tambuli, Setyembre 2006, pp. 20-21.)

Ikaw! Oo, ikaw! Ikaw nga! Nais kitang sumali dito. Kaya nga SALIKA ang pangalan ng samahang ito. Para sa iyo ito, para sa mga kamag-anak, kaibigan, at mga kakilala mo. Naniniwala kasi akong malaki ang pagnanais mong makatulong sa abot ng makakayanan upang kahit paano'y di masira ang kalikasan, mapaganda ang ating kapaligiran, at kinabukasan ng susunod na salinlahi.

Halukipkip ang sarap ng hanging amihan, ating damhin sa ating puso't isipan ang walang kamatayang awiting Masdan Mo ang Kapaligiran ng bandang ASIN, at ating madarama kung bakit may SALIKA o Saniblakas ng Inang Kalikasan. Ang SALIKA ay grupo ng mga taong may pakialam, may malasakit sa kalikasan, sa kapaligiran, may pakialam sa lahat ng kapwa, may karapatang lumanghap ng malinis na hangin, uminom ng malinis na tubig, may pakialam sa lahat. Hamon nito'y mahigpit nang magkaisa, ganap na magsaniblakas, ang lahat ng kumikilos para sa kapaligiran.

Binuo ang SALIKA noong 2000 ng mga indibidwal na makakalikasan na tinatawag na "citizen's green army". Pinangalanan muna itong HULIKA o Hukbong Lakas ng Inang Kalikasan. Ngunit maraming nagsabing kung ganito ang pangalan, parang nakatuon lang ito sa mahigpit na pagpapatupad ng mga batas-pangkalikasan, at yaong mga di nakatupad ay huhulihin at parurusahan. Ang mga batas-pangkalikasang ito ay tulad ng RA 8749 (Clean Air Act of 1999), RA 9003 (Ecological Solid Waste Management Act of 2000), at RA 9275 (Clean Water Act of 2004). Kaya binago ang pangalan at ginawang SALIKA upang mabigyang diin, di lamang ang mga batas-pangkalikasan, kundi ang edukasyon mismo ng taumbayan ukol sa pangangalaga sa kalikasan at ukol sa malaking lakas na naidadagdag tuwing nagsasanib ng kakayahan ang lahat ng makapag-aambag. Naniniwala ito na di lang ito usapin ng nagkasala at parusa kapag lumabag sa batas-pangkalikasan, kundi mas malalim pa rito, ito'y hinggil sa pag-uugnayan ng bawat tao sa kanyang kapwa, sa kanyang kapaligiran, at sa kalikasan.

Ayon sa tagapagtatag nito na si Ate Marie Marciano, ang SALIKA ay isang independyenteng samahang nakatuon sa pagsusulong ng "pagsasaniblakas ng diwa, pag-uugnayan, pagpapalitan ng impormasyon at pagtutulungan ng iba't ibang tao at samahan na may magkakatulad na aksyon upang sagipin at alagaan ang Inang Kalikasan."

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa iba't ibang indibidwal at samahan, at pagpapasapi sa mga ito sa SALIKA, nililinang nito ang lahat ng mga kasapi upang maging tagapamandila, tagapagpalaganap, at pagsasabuhay kahit sa kani-kanilang samahan ng kanilang matibay na komitment para kay Inang Kalikasan. May tatlong simulain na siyang bagay ng SALIKA sa bawat gawain at panuntunan nito. At ito'y ang mga sumusunod:

(a) Bawat nilalang ay may sagradong karapatan para sa isang malusog na mundo na kanyang matitirhan, mapapaunlad, at magpapatuloy ang buhay, na may pagsasaalang-alang sa batas ng kalikasan. Ang malusog na daigdig ay yaong may malinis na hangin at tubig, likas na matabang lupa, malinis at patuloy na enerhiya, at mayamang dami ng iba't ibang buhay na bagay.

(b) Ang bawat tao ay may kanya-kanyang pananagutan at nagtutulungan bilang aktibong tagapangalaga ng mundo. Kaya ang ating pamumuhay ay hindi dapat nahihiwalay sa galaw ng kalikasan, at tunay na napoprotektahan ang henerasyon ngayon, at sa hinaharap. Anumang gawa na makasisira sa kalikasan, o kabiguang protektahan ito, ay ituturing na krimen laban sa lahat ng nabubuhay ngayon at mabubuhay pa sa hinaharap.

(c) Ang epektibong pangangalaga sa mundo ay makakamit lamang sa pamamagitan ng nagkakaisa at pagsasaniblakas ng bawat indibidwal na ang mga pagkakatulad ay nagiging batayan ng pagkakaisa, ang mga kaibhan ay sangkap sa pagiging buháy ng pagkakaisa, at ang buhay ng bawat isa ay pinahahalagahan at pinauunlad.

Isa sa maipagmamalaking mga proyekto ng SALIKA ngayong taon ay ang video-documentary na pinamagatang Hinga, Hingal, Hingalo, na ipinalabas sa Gateway Mall sa Cubao. Nanalo ng "viewer's choice" award sa Moonrise Festival ang nabangit na video-documentary ng SALIKA, Alternative Horizons Media Cooperative at Eco-Waste Coalition, atbp. Tatlong ulit itong ipinalabas dahil sa dami ng nakabili na agad ng tiket para makapanood.

Kaya kung naghahanap ka ng samahang magagamit mo ang iyong potensyal o kaya'y nagnanais ka ng isang makabuluhang adhikain para sa kinabukasan ng bansa, ng kapaligiran, at ng kalikasan, aba'y sali na sa SALIKA! Yo!



SALIKA, YO!
rap ni Greg Bituin Jr.

Yes, yes, yo, SALIKA narito
Magkaisa na ang bawat tao
Sagipin ang nag-iisang mundo
Nang huwag itong maghingalo.

Yes, yes, yo, SALIKA naman
Dahil mayroon kang kakayahan
Upang Inang Kalikasa'y maalagaan
At masagip mula sa kapahamakan.

Yes, yes, yo, panahon na nga
na tayong lahat ay nasa lupa
ay maging tagapangalaga
ng tahanan ng ating kapwa.

Yes, yes, yo, SALIKA na
at pagkaisahin natin
ang ating mga kakayahan
sa pangangalaga
kay Inang Kalikasan!
Yes, yes, yo! SALIKA, YO!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento