Sabado, Mayo 31, 2008

Ang babala sa pakete ng sigarilyo

ANG BABALA SA PAKETE NG SIGARILYO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bakit kaya sa bawat pakete ng sigarilyo ay may ganitong nakasulat: "Government warning: Cigarette smoking is dangerous to your health"?

Alam na pala ng gobyerno na masama ang paninigarilyo sa katawan, pero pinapayagan pa rin nila ang mga kumpanya ng sigarilyo sa paggawa ng mga yosi. Kung aanalisahin natin kung bakit, iisa lang ang ibig sabihin nito. Ang kaya lang gawin ng gobyerno ay magpaalala, dahil wala itong kakayahang pigilin ang ugat ng problema. Hindi kaya ng gobyernong pigilin ang mga manufacturer ng sigarilyo, dahil mas nangingibabaw ang kagustuhan ng mga kapitalistang may-ari kaysa ng gobyerno. Ipinapakita lamang ng karatulang ito sa pekete ng sigarilyo na sa panahong ito ng globalisasyon, mas nangingibabaw ang sistemang kapitalismo kaysa gobyerno.

Patunay ba ito na napapawi na ang papel ng gobyerno at ang mga kapitalista na ang mapagpasya sa lipunan? Ito ba ang dahilan kung bakit kahit anong gawin ng gobyerno, hindi mapigilan ang pagsama ng kalusugan ng kanyang mga mamamayan. Kung ganito ang lohika ng gobyerno at patuloy siya sa ganitong sistema, ang dapat sigurong masulat sa mga pakete ng sigarilyo ay ito: "Cigarette warning: The government is dangerous to your health!"

- 1998

Linggo, Mayo 18, 2008

Hermenegildo Cruz: Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa

Hermenegildo Cruz: 
Biographer ni Francisco Balagtas, Lider-Manggagawa
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maraming mahahabang tulang epiko ang Pilipinas, tulad ng Ibong Adarna, na hindi na nakilala kung sino ang maykatha. Kaya malaki ang dapat ipagpasalamat ng sambayanang Pilipino kay Hermenegildo Cruz upang makilala natin kung sino si Francisco Balagtas, ang makatang lumikha ng walang kamatayang Florante at Laura.

Noong 1906, isinulat, inilathala at ipinamahagi ni Hermenegildo Cruz ang kanyang maliit ngunit makapal na aklat na pinamagatang Kun Sino ang Kumatha nang “Florante”. Ito’y umaabot ng 220 pahina, kung saan ito ang siyang tangi at pinakamahalagang batayan ng buhay at sulatin ng kilalang makatang si Francisco Balagtas. Ang aklat na ito’y ibinenta ng Librería Manila Filatélico, na nasa Daang Soler sa Santa Cruz, Maynila.

Maraming mahahalagang detalye ang aklat na suportado ng mga opisyal na rekord, bagamat ang karamihan ay mula sa mga kwento at patunay mula sa mga indibidwal, anak, at kamag-anak ni Balagtas. Ang edisyon ni Cruz ng Florante at Laura ay inedit para sa kanya ng anak ni Balagtas na si Victor. Naroon din ang talaan ng mga kilalang komedya na kinikilalang sinulat ni Balagtas, at ang kanyang iba pang kinathang tula na binigkas niya sa malalaking piging. Pati na ang kanyang sayneteng La India Elegante y El Negrito Amante.

May mga malalalim na komentaryo din kay Balagtas at sa kanyang mga tula, at sa panitikang Tagalog at sa kultura sa kabuuan. Idinagdag pa ni Cruz na maunlad na ang kulturang Pilipino bago pa dumating ang mga Kastila kung ikukumpara sa pamantayan ng kanluran. Binigyang-diin pa ni Cruz ang mga sulatin ni Lewis Henry Morgan, isang US technologist na binabanggit ni Friedrich Engels sa kanyang aklat na Origin of the Family, Private Property and the State. Binanggit din ni Cruz si Antonio Morga na awtor ng Sucesos de las islas Filipinas na nalathala sa Mexico noong 1609.

Ayon kay Hermenegildo Cruz, unang nalathala ang Florante at Laura noong 1838, at mula noon hanggang 1906, labingdalawang edisyon na ang nalathala kung saan umabot ito sa 106,000 kopya (o maliit ng kaunti sa 9,000 kopya bawat edisyon).

Ipinanganak si Cruz noong Disyembre 31, 1880 sa San Nicolas, Binondo, Maynila mula sa mahirap na pamilya. Dahil sa kahirapan at maagang pagkamatay ng kanyang mga magulang, hindi siya agad nakapag-aral. Sa maagang gulang, nagtinda na siya ng tungkod, saranggola at dyaryo, habang sa gabi, nagsikap siyang mag-aral. Dahil sa kanyang pagsisikap, nakapagtrabaho siya bilang apprentice sa isang palimbagan, naging kompositor, proofreader, katulong ng manunulat, at sa kalaunan at naging isang manunulat.

Nakasama siya sa paglalathala ng La Independencia, ang rebolusyonaryong pahayagang pinamamatnugutan ni Heneral Antonio Luna, noong 1899. Nagsulat din siya ng iba’t ibang artikulo at editoryal sa mga pahayagang Tagalog at Kastila, kung saan ipinakita niya ang kanyang sigasig sa pagpapalaganap ng diwa ng kalayaan, pagtatama sa mga maling datos sa kasaysayan, at paglilinaw ng mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas.

Bilang tagahanga ng bayaning si Gat Andres Bonifacio, kanyang isinulat ang aklat na Kartilyang Makabayan noong 1922 bilang unang masinsinang pagtalakay sa kasaysayan ni Bonifacio at ng Katipunan. Kahit sa aklat na Kun Sino ang Kumatha nang Florante, nabanggit niya at ipinagtanggol si Bonifacio at ang Katipunan laban sa mga taong sumisira sa Rebolusyong 1896 at sa mahalagang papel na ginampanan ni Bonifacio.

Naging tagapagtatag at patnugot siya ng dalawang publikasyon sa mga unang taon ng pananakop ng mga Amerikano. Ito’y ang pahayagang Ang Mithi at ang magasing Katubusan. Magkasama rin sila ni Lope K. Santos sa serye ng mga artikulong sosyalista hinggil sa paggawa sa pahayagang Muling Pagsilang. Dito rin sa Muling Pagsilang nalathala ng serye noong 1905 ang unang nobelang sosyalista sa bansa, ang Banaag at Sikat ni Lope K. Santos, na naisaaklat noong 1906.

Isa siya sa mga tagapagtatag at naging kalihim ng Union Obrero Democratico (UOD) noong 1902. Isa siya sa mga alagad ni Isabelo delos Reyes, ang tinaguriang Ama ng Kilusang Paggawa sa Pilipinas, sa pagpapakalat ng diwang manggagawa sa bansa. Bilang isang tunay na lider-manggagawa, pinag-ukulan ni Hermenegildo Cruz ng buong panahon ang kilusang manggagawa sa Pilipinas. Inorganisa niya noong 1904 ang Union de Litografos y Impresores de Filipinas (ULIF). Siya rin ang unang pangulo ng Union de Impresores de Filipinas (UIF) na itinayo ni Crisanto Evangelista noong 1906. Noong Mayo 1, 1913, itinatag ang Congreso Obrero de Filipinas (COF), na siyang pinamalaking samahang manggagawa sa bansa ng panahong iyon, at unang pinamunuan ni Hermenegildo Cruz.

Bilang pagkilala sa kanyang mahahalagang ambag sa kilusang paggawa, naimbitahan siyang maglingkod sa pamahalaan at naitalaga bilang auxilliary Director of Labor noong 1918, naging interim Director of Labor noong 1922, at naging Director of Labor hanggang sa magretiro siya noong 1935. Pagkatapos noon, nagsilbi siya bilang technical adviser on labor matters kay Pangulong Manuel L. Quezon, at naging kinatawan din siya ng sektor ng paggawa sa National Sugar Board. Namatay siya sa Maynila noong Marso 21, 1943.

Mga pinaghalawan: (a) Chapter 1 ng aklat na Poet of the People: Francisco Balagtas and the Root of Filipino Nationalism, ni Fred Sevilla, at inilathala ng Philippine Centennial Commission; (b) aklat na Mga Tinig mula sa Ibaba ni Teresita Gimenez Maceda.

Biyernes, Mayo 16, 2008

Talambuhay ni Ka Amado V. Hernandez


KA AMADO V. HERNANDEZ
Lider-Manggagawa, Manunulat, Makata,
at National Artist for Literature

“Sa aking piita’y hindi pumupurol ang lumang panulat, / bawa’t isang titik, may tunog ng punlo at talim ng tabak.” — Amado V. Hernandez, “Bartolina”

Sinaliksik at sinulat ni Gregorio V. Bituin Jr.

ISA SIYA sa kinikilalang dakilang Pilipino ng ating bansa. Siya’y isang manunulat, nobelista, makata, lider-manggagawa, at bilanggong pulitikal. Siya ng kanyang asawang si Atang dela Rama ang isa sa dalawang mag-asawa na kinikilalang National Artist ng Pilipinas.

Bata pa siya ay kinakitaan na siya ng hilig sa pagsusulat. Nang lumaon ay naging tanyag siya sa larangang ito. Mula 1926 hanggang 1932, sinubaybayan ng marami ang kanyang kolum na “Sariling Hardin”. Noong 1929, hinamon siya ng kanyang kaibigang makata na si Jose Corazon de Jesus sa debate sa balagtasan. Ang kay de Jesus ay nakalathala sa pang-araw-araw niyang kolum na “Mga Lagot na Bagting ng Kudyapi” sa pahayagang Taliba, habang ang kay Ka Amado naman ay sa kolum niyang “Sariling Hardin” sa pahayagang Pagkakaisa. Tumagal nang mahigit isang buwan ang kanilang makasaysayang Balagtasan hinggil “sa lumang usapin ng lahi”. Makaraan ang sampung taon, muling inilathala ito sa pahayagang Mabuhay Extra ni Teodoro Agoncillo na siyang editor nito.

Bilang manunulat, marami siyang natanggap na gawad-pagkilala. Noong 1938, ang kanyang narrative poem na Pilipinas ay nanalo ng Commonwealth Literary Award. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay nanalo ng Balagtas Award mula sa Cultural Center of the Philippines (CCP). Noong 1962, ang koleksyon ng tula na Isang Dipang Langit ay nanalo ng Republic Cultural Heritage Award. Ang tulang-kasaysayan na Bayang Malaya ay nanalo ng Balagtas Award noong 1969. Ang kanyang nobelang Mga Ibong Mandaragit ay maituturing na pagpa-patuloy ng nobelang El Fili ni Rizal.

Bilang mamamahayag, nakasama siya sa nabuong Philippine Newspapers Guild (PNG) noong 1945, na umanib sa Congress of Labor Organizations (CLO). Naging pangulo si Ka Amado ng CLO noong 1947.

Sa kanyang pamumuno, pinangunahan ng CLO ang welga ng 2,600 mga mang-gagawa mula sa Manila Trading and Supply, Co., Canlubang Sugar Estate, Metram Gomtawco Sawmill, Republic Sawmill, atbp. Noong 1948, sa pangunguna muli ng CLO, nag-aklas muli ang mga mang-gagawa sa malalaking kumpanya tulad ng Philippine Refining Co., Benguet Consolidated Mines, Luzon Brokerage, atbp. Nagawa rin nito ang kauna-unahang “stay-in” strike sa Franklin Baker, isang kumpanyang Amerikano. Noong 1949, may 83 welgang naisagawa, kung saan sa taon ding ito inilunsad ang ikaapat na Kongreso ng CLO, na ang kanilang gi-namit na islogan ay “Manggagawa at Seguridad!” at “Ibagsak ang Imper-yalismo!” Noong 1950 ay nagwelga ang 38,000 manggagawa.

Ang kamalayang pampulitika ng manggagawang kasapi ng CLO ay nasustina sa kanilang binuong “Workers Institute” na pinamahalaan ng Komite sa Edukasyon, Impormasyon at Panana-liksik.

Dahil sa kanyang pagiging aktibo at pagtataguyod sa kapakanan ng mang-gagawa, noong Enero 26, 1951, hinuli at ikinulong si Ka Amado. Limang buwang inkomunikado si Ka Amado sa Camp Murphy (ngayo’y Camp Aguinaldo) bago naiharap ang pormal na sakdal sa kanya noong Agosto 1951 sa salang “rebellion complexed with other crimes”. Ibinaba ang hatol na nagkasala si Ka Amado kaya’y siya’y nakulong ng limang taon at anim na buwan. Palipat-lipat siya ng kulungan sa Muntinlupa, Camp Murphy, Camp Crame, Fort McKinley, at Panopio Compound. Sa kulungan niya isinulat ang kanyang koleksyon ng mga tula, ang “Isang Dipang Langit”.

Noong Hulyo 26, 1956, pansamantala siyang nakalaya sa bisa ng lagak (bail), at noong Mayo 31, 1964, si Ka Amado ay napawalang sala.

Mula 1958 hanggang 1961, nakatanggap siya ng apat na Palanca Awards sa kanyang mga isinulat na dula.

Noong 1965, dumalo siya sa kumperensya ng mga mamamahayag na Asyano sa Indonesia, at nalathala ang kanyang ulat hinggil dito sa Taliba, kung saan nanalo siya ng NPC-Esso Journalism Award. Noong 1966, dinaluhan naman niya ang Afro-Asian Writers meeting sa Tsina. 1966 din nang dumalo siya sa International War Crimes Tribunal sa London kung saan ipinagtanggol niya ang Pilipinas sa bintang na ang kanyang bansa ay isang “war criminal” sa Biyetnam.

Noong 1967, tumakbo siyang konsehal ng Maynila ngunit natalo. Nagsulat siyang muli at naging editor ng Ang Masa.

Si Ka Amado ay namatay sa atake sa puso noong Marso 24, 1970. Noong 1973, iginawad sa kanya ang karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist for Literature) ng Pilipinas.

Ilan sa kanyang mga isinulat ay ito:
1. Bayang Malaya (Tulang Kasaysayan)
2. Mga Ibong Mandaragit (Nobelang Sosyo-Politikal)
3. Isang Dipang Langit (Koleksyon ng Tula)
4. Luha ng Buwaya (Nobelang Sosyo-Politikal)
5. Tudla at Tudling: Katipunan ng Tula 1921-1970
6. Langaw sa Isang Basong Gatas at Iba Pang Kwento
7. Magkabilang Mukha ng Isang Bagol at Iba Pang Akda

Miyerkules, Mayo 14, 2008

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista

Gat Andres Bonifacio, Sosyalista
ni Greg Bituin Jr.

Alam n’yo ba na kinilalang sosyalista si Gat Andres Bonifacio kahit ng mga banyaga? Ayon mismo sa Amerikanong si James Le Roy, isa sa mga awtoridad noong panahon ng Rebolusyong Pilipino: “Andres Bonifacio, an employee of a foreign business house in Manila, was the leading spirit of the Katipunan; gathering his ideas of modern reform from reading Spanish treatises on the French revolution, he had imbibed also a notion that the methods of the mob in Paris where those best adapted to secure amelioration for the Filipinos. His ideas where those of a socialist, and of a socialist of the French revolution type, and he thought them applicable to an undeveloped tropical country, where the pressure of industrial competition is almost unknown, and where with the slightest  reasonable exertion, starvation may be dismissed from thought.”(Si Andres Bonifacio, kawani ng isang banyagang bahay-kalakal sa Maynila, ang siyang diwang namumuno sa Katipunan, nakuha niya ang mga kaisipan para sa pagbabago mula sa pagbabasa ng mga salaysay sa wikang Kastila hinggil sa rebolusyong Pranses, at naisip niyang ang mga paraan ng mga Pranses ang siyang nararapat para matiyak ang pagbuti ng kalagayan ng mga Pilipino. Ang kanyang kaisipan ay katulad ng isang sosyalista, at ng sosyalistang tipo ng rebolusyong Pranses, at naisip niyang ito’y lapat sa isang di pa maunlad na bansang tropikal, kung saan ang tindi ng kumpetisyon sa kalakal ay halos di pa nalalaman, at sa pamamagitan ng marahan at makatwirang paggigiit, ang kagutuman ay di na maisip.)
Hinggil sa “methods of the mob in Paris”, maaaring ang tinutukoy dito ni Le Roy ay ang naganap na Paris Commune ng 1871, na kinilala rin ni Karl Marx bilang “the finally discovered political form under which the economic emancipation of labour could take place”.

Martes, Mayo 13, 2008

Ang Pamana nina Balagtas at Batute

ANG PAMANA NINA BALAGTAS AT BATUTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa pinakamahalagang makata sa ating bansa sina Francisco Balagtas (1788-1862) at Jose Corazon de Jesus (1894-1932), na kilala rin sa kanyang sagisag sa panulat na Huseng Batute.
Halos kalahati ng buong buhay ni Balagtas ang inabot ng buhay ni Batute. Si Balagtas ay nabuhay sa loob ng 74, habang nabuhay naman si Batute sa murang gulang na 38. Sa pamamagitan ng kanilang mga nilikhang tula, ang dalawang makatang ito’y kapwa malaki ang naimbag sa pag-ugit ng kamalayan at panulaan ng mga Pilipino.
Kapwa sila may mahabang tulang naging kanilang pamana sa panitikang Pilipino. Si Balagtas ay may Florante at Laura habang si Batute ay may Sa Dakong Silangan. Kung nakilala si Balagtas dahil sa kanyang Florante at Laura, si Batute naman ay nakilala sa kanyang mga maiikling tula, tulad ng awiting Bayan Ko na kanyang isinulat, at hindi pa dahil sa kanyang Sa Dakong Silangan.
Ang buong akda ni Balagtas ay may kabuuang 432 saknong. Ito’y binubuo ng Sa Babasa Nito (6 na saknong), Kay Celia (27 saknong), at ang 399 saknong na Florante at Laura. Ang akda naman ni Batute ay may kabuuang 443 saknong.
Malaki ang impluwensiya ng Florante at Laura sa mga kilalang bayani ng bansa. Ayon sa ilang historyador, ang Florante at Laura ang pinaghalawan ni Jose Rizal ng emosyon at imahinasyon sa pagsulat niya ng Mi Ultimo Adios. Nang maipatapon sa Guam si Apolinario Mabini dahil sa pagtanggi niyang sumumpa sa bandilang Amerikano, hinamon siya ng Amerikanong nagpakulong sa kanya na magbigay siya ng halimbawa ng pinakamagaling na akda ng makatang Pilipino. Kaya isinulat ni Mabini mula sa kanyang memorya ang 399-saknong na Florante at Laura.
Naisalin na rin sa Ingles ang buong Florante at Laura. Ang translasyon ay isinulat ni George St. Clair noong 1920, na mula naman sa translasyon sa Kastila ni Epifanio Delos Santos noong 1916.
Inilarawan sa mga tula nina Balagtas at Batute ang inhustisyang nararanasan ng taumbayan. Sa masusing pagbasa ay makikita sa dalawang akdang ito ang diwang aktibismo, makamasa’t pagkamakabayan, at kagandahang asal. Sa pamamagitan ng kanilang mga akda, iniangat nila ang dignidad ng Pilipino. Tunghayan natin at pag-isipan ang ilang piling saknong sa Florante at Laura.
Saknong 14
”Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”
Saknong 15
“Ang magandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong,
Balang magagaling ay ibinabaon
At inililibing ng walang kabaong.”
Saknong 202
“Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat;
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak.”
Tunghayan naman natin ang ilang piling saknong ng Sa Dakong Silangan
Saknong 270
“Nahan ka, bayan ko?” – anang sawing reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko’y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!”
Saknong 271
“Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon.”
Saknong 434
“At ang mga taong bayan ay payapa,
Hindi nila tantong wala na ngang laya,
Nakasangla ka na’y di mo pa halata,
Nagsasayaw ka pa’y nakatanikala.”
Ang Florante at Laura ay pinag-aaralan ng mga estudyante sa high school, habang nakatago naman at tila ayaw ipabasa sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan. Bakit kaya? Una, marahil dahil mas lantad ang panawagang maka-Pilipino at anti-dayuhan ng Sa Dakong Silangan. Ikalawa, maraming Pilipino ang mamumulat sa kanilang tungkulin sa bayan. Ikatlo, isang malaking dahilan ito upang magkaisa at magkabuklod-buklod ang mga Pilipino bilang isang bayang nagsasarili, matatag at malaya.
Natatandaan ko pa noong ako’y nag-aaral sa high school, ang binabasa ng mga mag-aaral sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di-kilalang makata (hinanap ko sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit hanggang ngayon ay di ko pa ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay ang Florante at Laura ni Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Jose Rizal; at sa ikaapat na tao ay ang El Filibusterismo na inakda rin ni Rizal. Nagtanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. At ang sabi ng isa’y oo. Maliban sa Ibong Adarna, makikita sa Noli at Fili ang pagmamahal sa kalayaan, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na Kastila.
Ang Sa Dakong Silangan ay nakalathalang kasama ng iba pang akda sa librong Bayan Ko na pawang koleksyon ng mga tulang pulitikal ni Batute, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang aklat.
Ang Sa Dakong Silangan ay isang kwento hinggil sa pagkawala ng inang reyna, na ang ngala’y Reyna Malaya. Siya’y asawa ni Haring Pilipo (na tila pinaigsing Pilipino). Ang naghanap sa reyna ay kanyang anak na si Prinsesa Luz (tila mula sa salitang Luzon). Hanggang sa matunton ang reyna na binihag ng isang dayuhang kaharian. Napalaya si Reyna Malaya dahil na rin sa tulong ng nagkakaisang taumbayan.
Malaki ang potensyal na maipakilalang muli ang muntik nang malimot na mahabang tulang Sa Dakong Silangan, kahit di pa nito maabot ang kinalalagyan ngayon ng Florante at Laura sa panitikang pambansa. Una, dahil matindi ang mensahe nito sa buong sambayanang Pilipino. Ikalawa, hindi dapat malagay sa kangkungan ng kasaysayan ang mahalagang panitikang ito. Ikatlo, marami itong aral na kinakailangan ngayon ng taumbayan. Dahil dito, plano ng inyong lingkod na gumawa ng isang pagsusuring pampanitikan ng Sa Dakong Silangan, at gawin itong popular na tulad ng naabot ng Florante at Laura.
At kung maaari, magkaisa tayo na magtatag ng isang samahan kung saan ang layunin at tungkulin nito’y ang mga sumusunod: (a) I-lobby natin sa Kongreso na magkaroon ng batas na ngpapahayag na dapat isama ang Sa Dakong Silangan sa kurikulum sa high school (o kaya’y ipalit ang Sa Dakong Silangan sa Ibong Adarna); (b) I-lobby sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ng mag-aaral ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna; (c) Kausapin ang mga grupo at indibidwal na guro sa Pilipino na basahin, pag-aralan at ituro sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (d) Maghanap ng mag-iisponsor par sa maramihang pagpapalimbag ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral; at (e) Maisalin din ito sa Ingles, tulad ng Florante at Laura, bilang ambag ng Pilipinas sa panitikang pandaigdig.
Ating pag-isipan ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan, na siyang habilin ni Batute sa atin ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:
Saknong 442
“ Ikaw kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinalalagyan,
Bayang walang laya’y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.”
Saknong 443
“Ang dakong silangang kinamulatan n’yo’y
Maulap ang langit at sakop ng dayo
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo’t
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.”

Sabado, Mayo 3, 2008

Gubyernong Ataul

Ang artikulo kong ito'y nakita kong muli sa yahoogroup ng Teachers Dignity Coalition (TDC) bilang message #22. Matagal ko nang hinahanap ang sinulat kong ito, pero nakita kong muli dahil sa internet. – greg

GOBYERNONG ATAUL
ni Greg Bituin Jr.

Masdan mo ang ataul. Napakakintab. Kumikinang sa bawat silaw ng liwanag. Ngunit alam natin kung bakit may ataul, at ano ang nakasilid dito.

Ataul – napakakinang ng labas ngnit nabubulok ang loob nito. Inuuod pagkat ang nakasilid dito’y nilalang na matagal nang napugto ang naghingalong hininga. Nilalang na hindi na muling mapagmamasdan ang kalikasang binaboy ng tao, ni mapakinggan ang mga panaghoy ng mga api. Ataul na nagbigay ng katahimikan sa dating pagal na katawan.

Ngunit nang nabubuhay pa ang nilalang na nahimlay sa ataul na ito, tiyak na napagmasid niya na ang gobyernong dati niyang kinabibilangan ay tila din isang ataul. Ang gobyernong napapalamutian ng naggagandahang mga pangako, papuri at pag-asa para sa mga maralitang naghihirap tuwing eleksyon, ngunit bulok at inuuod ang pamunuan dahil sariling interes lamang ang karaniwang iniisip. Nakakalimutan na ang mga ipinangako sa mga naghihirap niyang mamamayan.

Napakaraming magagandang pangako ang namutawi sa mga pulitikong sumumpang maglilingkod sa sambayanan. Mga pangakong gagawin ang ganito at ganoon para sa ikagiginhawa ng buhay ng mga naghihirap. Mga pangakong tutuparin umano nila kapag sila’y inihalal ng taumbayan. Kung ang intensyon nila sa bawat pangakong namumutawi sa kanilang bibig habang nangangampanya para sa darating na halalan ay makakuha ng mga boto, sana’y ang intensyon din ay hindi lamang hanggang sa araw ng botohan, kundi makatapos manumpa, ay gampanan ng mahusay ang mga tungkuling nakaatang sa kanilang balikat, at tuparin ang anumang ipinangako nila sa mga mahihirap hanggang sa matapos ang kanilang termino.

Ngunit kadalasan, ang bawat pangako’y tila laway lamang na tumilamsik at natuyo at naglaho. Madalas na sila’y nakalilimot sa kanilang mga ipinangako noong panahon ng kampanya. Nakakaligtaan na nila ang mga taong kanilang pinaasa. Nakakalimutan na rin nila na sila’y nakipag-usap at nangako sa mga tao sa isang pamayanang kanilang pinagkampanyahan. O baka naman ito’y sadyang kinakalimutan dahil tapos na naman ang halalan at sila’y nanalo na at naupo na sa pwestong kanilang pinakaaasam-asam.

Napakasakit lumatay ng mga pangakong ipinako. Nanunuot sa kalamnan. Lalo na sa maraming taong umasa at naghalal sa kanila. Ang bawat pangako’y tila isang laro na lamang ng mga pulitikong maykayang gastusan ang kanilang kampanya. Ang inakalang ginintuang mga pangako ay naging tanso ng mga walang buhay na mga salita. Sana’y hindi na lamang sila nangako.

At hindi lamang pangako, kundi ang mismong namamahala ay inuuod sa kabulukan. Ito’y dahil na rin sa katusuhan ng mga namumuhunan na ang nasasaisip ay kung paano babaratin ang lakas-paggawa ng mga obrero, at hindi pagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. O kung paano aagawin ang mga lupang kinatitirikan ng bahay ng mga mahihirap at ipapangalan sa kanilang mga sarili. o di kaya’y kung paano sila kikita sa kanilang pailalim na transaksyon. Ang nasasaisip na ba ng mga pulitiko ngayon ay mas madali silang yayaman sa gobyerno kaysa sila’y magnegosyo? Imbes na maglingkod ng tunay sa taumbayang kanilang pinangakuan?

Ang mga salaping nakalaan para sa serbisyo ay naipambabayad pa sa utang panlabas na hindi naman napapakinabangan ng taumbayan. Ang mga salaping dapat ay nakalaan na para sa edukasyon, kalusugan, atbp., ay napupunta sa ibang gugulin, tulad ng pamasahe ng iba’t ibang mga pulitikong nangingibang-bansa upang manood lamang ang laban ng kababayang boksingero, o di kaya’y magliwaliw.

Halos ang mga nahahalal na pulitiko’y pulos nasa hanay ng mga mayayaman, mga pulitikong may-ari ng mga malalaki at maliliit na kumpanyang hindi nagbabayad ng tamang halaga ng lakas-paggawa. Mga pulitikong ang tingin sa maralita ay marurumi, mababaho at magnanakaw, gayong ang kadalasang napapabalitang nagbabalik ng mga malalaking salaping naiiwan sa airport, taxi, mall, at maging sa barangay ay pawang mga mahihirap. Wala pa akong narinig na mayamang nagsoli ng perang hindi kanya.

Kadalasan din, patong-patong ang buwis na ipinapataw sa naghihirap na mamamayan, habang ang mga malalaking kapitalista’y lagi silang nalulusutan. Kahit na sa sistema ng hustisya sa bansa, ang mga mahihirap ay agad na nakukulong sa pagnakaw ng isang tinapay dahil sa gutom, pero hindi agad maikulong ang mga nasa gobyernong nagnanakaw ng limpak-limpak na salapi mula sa kaban ng bayan.

Anong klaseng gobyerno ito na ang mga nahahalal upang maglingkod sa taumbayan ay sila pang nagsasamantala sa bayan? Ito ba’y kusang nangyayari sa mga nahahalal? O ito’y dulot na rin ng inuuod na sistema ng pamahalaan? Kung ito’y kusang nangyayari sa mga hinalal, ibig sabihin ay sadyang bulok ang sistemang umiiral pagkat nilalamon nito ang mga nilalang na pumapaloob dito. Sa madaling sabi’y sadyang walang mapapala sa ganitong uri ng gobyerno, sa ganitong uri ng sistemang inuuod sa kaibuturan. Ang mga pumapaloob dito’y tila pumapaloob sa kulungan ng mga baboy.

At kung inuuod na ang gobyerno gaya ng nasa loob ng ataul, dapat lang itong ihatid na sa huling hantungan. At ibaon sa kailaliman ng lupa upang di na ganap na mangamoy pa ang baho nito.

Tulad ng maraming inilibing na, ang inuuod na sistemang hindi karapat-dapat mahalin at gunitain ay dapat na ring kalimutan. Ang hindi lamang makalilimot dito’y ang ilang mga nilalang na nakinabang ng husto at kumapal ang bulsa. Sa ganap na pagkalibing ng bulok na sistema’y tiyak na may panibagong sisibol na kaiba kaysa sa inilibing. Ang bagong sibol na ito’y may dalang pag-asa dahil ito’y magiging totoong makatao, makatarungan, at may pagkakapantay-pantay.

At dito sa bagong sistema, titiyakin natin ang ganap na pagiging marangal nito, kung saan ang ating mga pinapangarap na pagbabago ay tuluyang mabubuo at ang kaunlaran ng lipunan ay mattamasa ng lahat ng walang pag-iimbot.

Oo, panahon na para ilibing ang inuuod na sistema lalo na ang bulok na gobyernong inanak at aanakin pa nito.

Oktubre 11, 1999, sa tanggapan ng Sanlakas, Calderon St., QC

Huwebes, Mayo 1, 2008

Hindi Bakasyon ang Mayo Uno

HINDI BAKASYON ANG MAYO UNO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami akong mga kakilala na nag-aanyaya sa akin sa mga lakaran, o kaya’y magbakasyon, o sa anumang aktibidad dahil holiday daw ang Mayo Uno. Totoo ngang idineklarang holiday ang Mayo Uno bawat taon pero hindi ibig sabihin nito na bakasyon na tayo. Holiday ang Mayo Uno dahil ginugunita natin ang isang araw bawat taon bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat mahigit labinlimang taon ko nang ginugunita ang Mayo Uno kasama ang mga manggagawa, at hindi ako nagbabakasyon sa araw na ito dahil sa dami ng gawain dito. Nakapagpapahinga o nakapagbabakasyon lamang ako, pati ang aking mga kasama, sa ibang araw maliban sa Mayo Uno, kung paanong abala rin kami sa iba pang holiday tulad ng Araw ni Gat Andres Bonifacio (Nobyembre 30) at Pandaigdigang Araw ng Kababaihan (Marso 8). Bilang pagkilala sa kababaihan sa malaking ambag nito sa lipunan, hindi lamang mga babae ang dapat gumunita nito kundi mga kalalakihan din, paggunita rin ito sa ating inang nagluwal sa atin. Ang holiday na nakapagbabakasyon lamang ako, at ng aking mga kasama, ay ang Hunyo 12, pagkat hindi kami naniniwalang ito’y tunay na kalayaan, kundi pekeng kalayaan ayon sa mga dokumento ng kasaysayan. Ayon sa Acta de Independencia na nilagdaan noong Hunyo 12, 1898, lumaya ang Pilipinas mula sa Kastila upang magpailalim sa “mighty and humane American nation”.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat halos isang buwan din naming pinaghahandaan ang birthday na ito ng mga manggagawa, na siyang gumagawa ng ekonomya ng bansa. Kung walang manggagawa, tatakbo ba ang mga pabrika, mabubusog ba ang mga mayayaman, tutubo ba ng limpak-limpak ang mga kapitalista, uunlad ba ang bansa? Mabubuhay ang lipunan kahit walang kapitalista ngunit hindi mabubuhay ang lipunan kung walang manggagawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat sa sagradong araw na ito para sa mga manggagawa ay inaalala natin ang mga sakripisyo ng mga martir na manggagawang namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois noong Mayo 4, 1886, (ang ikaapat na araw ng welga) para ipaglaban ang pagsasabatas ng walong oras na paggawa bawat araw. Noong Oktubre 1884, isang kumbensyon ang ginanap ng Federation of Organized Trades and Labor Unions (FOTLU) sa Amerika at Canada at napagpasyahang sa Mayo 1, 1886 ay isabatas ang walong oras na paggawa bawat araw. Noong panahong iyon, labindalawa hanggang labing-anim na oras ang paggawa bawat araw. Noong Mayo 1, 1886, isang malawakang welga sa buong Amerika ang isinagawa ng mga manggagawa bilang pagsuporta sa kahilingang walong oas na paggawa bawat araw. May 10,000 manggagawa ang nagrali sa New York; 11,000 sa Detroit; 10,000 sa Wisconsin, at 40,000 manggagawa sa Chicago na siyang sentro ng kilusang ito. May hiwalay pang welga sa Chicago ang may 10,000 manggagawa sa kakahuyan, habang may 80,000 katao naman ang sumama sa welga sa Michigan Avenue. Ang tinatayang sumatotal ng lahat ng nagwelga ay nasa 300,000 hanggang kalahating milyon. Noong Mayo 3, nagkagulo sa Chicago nang inatake ng mga pulis ang mga manggagawang welgista malapit sa planta ng McCormich Harvesting Machine Co., kung saan apat ang namatay at marami ang nasugatan.

Dahil sa nangyaring ito, noong Mayo 1, 1889, hiniling ng American Federation of Labor sa unang kongreso ng Ikalawang Internasyunal na Kilusang Manggagawa sa Paris, France, na isagawa ang isang pandaigdigang welga sa Mayo 1, 1890 para sa walong oras na paggawa. Ito’y inayunan naman ng mga kinatawan ng mga kilusang paggawa mula sa iba’t ibang bansa. Ang ikalawa pang layunin nito ay upang gunitain ang alaala ng mga martir na manggagawang nakibaka para sa walong oras na paggawa na namatay sa Haymarket Square sa Chicago, Illinois. Maraming gumunita at kumilala sa Mayo 1, 1890 bilang Pandaigdigang Araw ng Paggawa, kasama na ang iba pang bansa, kabilang ang dalawampu’t apat na lunsod sa Europa, bansang Cuba, Peru at Chile.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat kailangan nating ipagdiwang at kilalanin ang sakripisyo ng mga manggagawa sa buong daigdig, at tayo’y makiisa sa lahat ng manggagawa sa mundo para sa pagbabago ng lipunan, kapayapaan, at pagkakapantay-pantay ng lahat. Sa ating bansa, ang unang pagdiriwang ng Mayo Uno ay noong 1903 nang isinagawa ng 100,000 manggagawa sa pamumuno ng Union Obrera Democratica de Filipinas (UODF) ang isang malawakang pagkilos sa lansangan patungong Malacañang kung saan isinisigaw ng mga manggagawang Pilipino na “Ibagsak ang imperyalismong Amerikano!”

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat marami pa tayong dapat gawin upang tiyaking ang lipunang itong kinatatayuan natin ngayon ay tiyakin nating mabago para sa kapakinabangan ng lahat, lalo na ng mga susunod na henerasyon, at hindi ng iilan lamang. Sa ngayon, ang mga manggagawa’y nagiging biktima ng salot na kontraktwalisasyon, o five-months, five-months contract, imbes na dapat ay maging regular na siyang manggagawa. Laganap ang kaswalisasyon at agency employment upang mapanatiling mababa ang sahod ng manggagawa, imbes na sundin ang living wage provision na nakasaad sa Konstitusyon, at alisan ng batayan ang mga manggagawa sa kanilang karapatang mag-unyon. Winawasak naman ang mga nakatayo nang unyon sa pamamagitan ng retrenchment, closures o pagpataw ng Assumption of Jurisdiction (AJ) at madeklarang ilegal ang mga welga ng manggagawa. Ang mga regular na manggagawa ay pinapalitan ng mga batang kontraktwal o agency employees na walang mga benepisyong tulad ng regular na manggagawa. At kapag nasa edad na ng 25-taon pataas, over-age na, pahirapan nang makapasok sa pabrika o trabaho. Tulad ng mga naunang gobyernong umiral sa bansa, mas nakatuon ang mga programa’t patakaran ng bansa sa pagsasakatuparan ng mga dikta ng WTO-IMF-World Bank upang pangalagaan ang interes ng uring kapitalista. Sa pamamagitan ng mga polisiyang ito, nagkukumpetensya ang mga kapitalista sa pagpiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa sa pamamagitan ng murang pasahod o murang presyo ng lakas-paggawa.

Hindi bakasyon ang Mayo Uno pagkat dapat nang mamulat ang mga manggagawa sa kanilang mapagpalayang papel sa lipunan. Hindi malaman ng manggagawang Pilipino, pati na mga kababayang maralita, kung saan kukuha ng pandugtong ng ikabubuhay kinabukasan. Halos trenta porsyento (30%) ang itinaas ng presyo ng pangunahing produkto tulad ng bigas at langis sa mga nagdaang buwan, habang nananatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa. Ngunit mas kalunus-lunos ang kalagayan ng mga walang pinagkukunan ng regular na hanapbuhay. Hindi pa tapos ang laban ng manggagawa pagkat patuloy pa silang inaalipin ng kapital. Panahon nang magkaisa ang uring manggagawa at itayo ang kanilang sariling gobyerno. Workers control!!!

Ikaw, magbabakasyon ka pa ba tuwing Mayo Uno? Halina’t sa Mayo Uno ng bawat taon, ating kilalanin ang kadakilaan ng uring manggagawa sa buong daigdig. Halina’t sumama sa mga pagtitipon ng mga manggagawa sa Mayo Uno, makipagtalakayan sa kanila, at ipaglaban ang ating mga karapatan.

Manggagawa sa lahat ng bansa, magkaisa! Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng pagkaalipin!