Martes, Mayo 13, 2008

Ang Pamana nina Balagtas at Batute

ANG PAMANA NINA BALAGTAS AT BATUTE
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa sa pinakamahalagang makata sa ating bansa sina Francisco Balagtas (1788-1862) at Jose Corazon de Jesus (1894-1932), na kilala rin sa kanyang sagisag sa panulat na Huseng Batute.
Halos kalahati ng buong buhay ni Balagtas ang inabot ng buhay ni Batute. Si Balagtas ay nabuhay sa loob ng 74, habang nabuhay naman si Batute sa murang gulang na 38. Sa pamamagitan ng kanilang mga nilikhang tula, ang dalawang makatang ito’y kapwa malaki ang naimbag sa pag-ugit ng kamalayan at panulaan ng mga Pilipino.
Kapwa sila may mahabang tulang naging kanilang pamana sa panitikang Pilipino. Si Balagtas ay may Florante at Laura habang si Batute ay may Sa Dakong Silangan. Kung nakilala si Balagtas dahil sa kanyang Florante at Laura, si Batute naman ay nakilala sa kanyang mga maiikling tula, tulad ng awiting Bayan Ko na kanyang isinulat, at hindi pa dahil sa kanyang Sa Dakong Silangan.
Ang buong akda ni Balagtas ay may kabuuang 432 saknong. Ito’y binubuo ng Sa Babasa Nito (6 na saknong), Kay Celia (27 saknong), at ang 399 saknong na Florante at Laura. Ang akda naman ni Batute ay may kabuuang 443 saknong.
Malaki ang impluwensiya ng Florante at Laura sa mga kilalang bayani ng bansa. Ayon sa ilang historyador, ang Florante at Laura ang pinaghalawan ni Jose Rizal ng emosyon at imahinasyon sa pagsulat niya ng Mi Ultimo Adios. Nang maipatapon sa Guam si Apolinario Mabini dahil sa pagtanggi niyang sumumpa sa bandilang Amerikano, hinamon siya ng Amerikanong nagpakulong sa kanya na magbigay siya ng halimbawa ng pinakamagaling na akda ng makatang Pilipino. Kaya isinulat ni Mabini mula sa kanyang memorya ang 399-saknong na Florante at Laura.
Naisalin na rin sa Ingles ang buong Florante at Laura. Ang translasyon ay isinulat ni George St. Clair noong 1920, na mula naman sa translasyon sa Kastila ni Epifanio Delos Santos noong 1916.
Inilarawan sa mga tula nina Balagtas at Batute ang inhustisyang nararanasan ng taumbayan. Sa masusing pagbasa ay makikita sa dalawang akdang ito ang diwang aktibismo, makamasa’t pagkamakabayan, at kagandahang asal. Sa pamamagitan ng kanilang mga akda, iniangat nila ang dignidad ng Pilipino. Tunghayan natin at pag-isipan ang ilang piling saknong sa Florante at Laura.
Saknong 14
”Sa loob at labas ng bayan kong sawi,
Kaliluha’y siyang nangyayaring hari,
Kagalinga’t bait ay nalulugami,
Ininis sa hukay ng dusa’t pighati.”
Saknong 15
“Ang magandang asal ay ipinupukol
Sa laot ng dagat ng kutya’t linggatong,
Balang magagaling ay ibinabaon
At inililibing ng walang kabaong.”
Saknong 202
“Ang laki sa layaw, karaniwa’y hubad
Sa bait at muni’t sa hatol ay salat;
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak.”
Tunghayan naman natin ang ilang piling saknong ng Sa Dakong Silangan
Saknong 270
“Nahan ka, bayan ko?” – anang sawing reyna
Kailan pa kaya kita makikita?
Ang kalayaan ko’y di mo makukuha
Kung hindi sa dugo at pakikibaka!”
Saknong 271
“Sa pader na ito ay walang panaghoy
Na maaari pang langit ang tumugon;
Ang aliping bayan kapag di nagbangon
Lalong yuyurakan sa habang panahon.”
Saknong 434
“At ang mga taong bayan ay payapa,
Hindi nila tantong wala na ngang laya,
Nakasangla ka na’y di mo pa halata,
Nagsasayaw ka pa’y nakatanikala.”
Ang Florante at Laura ay pinag-aaralan ng mga estudyante sa high school, habang nakatago naman at tila ayaw ipabasa sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan. Bakit kaya? Una, marahil dahil mas lantad ang panawagang maka-Pilipino at anti-dayuhan ng Sa Dakong Silangan. Ikalawa, maraming Pilipino ang mamumulat sa kanilang tungkulin sa bayan. Ikatlo, isang malaking dahilan ito upang magkaisa at magkabuklod-buklod ang mga Pilipino bilang isang bayang nagsasarili, matatag at malaya.
Natatandaan ko pa noong ako’y nag-aaral sa high school, ang binabasa ng mga mag-aaral sa unang taon ay ang Ibong Adarna ng isang di-kilalang makata (hinanap ko sa mga aklatan kung sino ang may-akda ng Ibong Adarna, ngunit hanggang ngayon ay di ko pa ito natatagpuan); sa ikalawang taon ay ang Florante at Laura ni Balagtas; sa ikatlong taon ay Noli Me Tangere ni Jose Rizal; at sa ikaapat na tao ay ang El Filibusterismo na inakda rin ni Rizal. Nagtanong ako sa ilang kakilala kung ganito pa rin ba ngayon. At ang sabi ng isa’y oo. Maliban sa Ibong Adarna, makikita sa Noli at Fili ang pagmamahal sa kalayaan, habang ang Florante at Laura naman ay isang alegorya ng kalagayan ng Pilipinas sa ilalim ng mananakop na Kastila.
Ang Sa Dakong Silangan ay nakalathalang kasama ng iba pang akda sa librong Bayan Ko na pawang koleksyon ng mga tulang pulitikal ni Batute, mula pahina 118 hanggang 181. Hindi ito tulad ng Ibong Adarna at Florante at Laura na hiwalay na nakalathala bilang isang aklat.
Ang Sa Dakong Silangan ay isang kwento hinggil sa pagkawala ng inang reyna, na ang ngala’y Reyna Malaya. Siya’y asawa ni Haring Pilipo (na tila pinaigsing Pilipino). Ang naghanap sa reyna ay kanyang anak na si Prinsesa Luz (tila mula sa salitang Luzon). Hanggang sa matunton ang reyna na binihag ng isang dayuhang kaharian. Napalaya si Reyna Malaya dahil na rin sa tulong ng nagkakaisang taumbayan.
Malaki ang potensyal na maipakilalang muli ang muntik nang malimot na mahabang tulang Sa Dakong Silangan, kahit di pa nito maabot ang kinalalagyan ngayon ng Florante at Laura sa panitikang pambansa. Una, dahil matindi ang mensahe nito sa buong sambayanang Pilipino. Ikalawa, hindi dapat malagay sa kangkungan ng kasaysayan ang mahalagang panitikang ito. Ikatlo, marami itong aral na kinakailangan ngayon ng taumbayan. Dahil dito, plano ng inyong lingkod na gumawa ng isang pagsusuring pampanitikan ng Sa Dakong Silangan, at gawin itong popular na tulad ng naabot ng Florante at Laura.
At kung maaari, magkaisa tayo na magtatag ng isang samahan kung saan ang layunin at tungkulin nito’y ang mga sumusunod: (a) I-lobby natin sa Kongreso na magkaroon ng batas na ngpapahayag na dapat isama ang Sa Dakong Silangan sa kurikulum sa high school (o kaya’y ipalit ang Sa Dakong Silangan sa Ibong Adarna); (b) I-lobby sa Kagawaran ng Edukasyon na unahing pag-aralan ng mag-aaral ang Sa Dakong Silangan kaysa Ibong Adarna; (c) Kausapin ang mga grupo at indibidwal na guro sa Pilipino na basahin, pag-aralan at ituro sa mag-aaral ang Sa Dakong Silangan; (d) Maghanap ng mag-iisponsor par sa maramihang pagpapalimbag ng Sa Dakong Silangan para sa mga mag-aaral; at (e) Maisalin din ito sa Ingles, tulad ng Florante at Laura, bilang ambag ng Pilipinas sa panitikang pandaigdig.
Ating pag-isipan ang dalawang huling saknong ng Sa Dakong Silangan, na siyang habilin ni Batute sa atin ngayon at sa mga susunod pang henerasyon:
Saknong 442
“ Ikaw kabataang tila nalilinlang
Ay magbalikwas ka sa kinalalagyan,
Bayang walang laya’y huwag pabayaang
Ubusin ng mga anay na dayuhan.”
Saknong 443
“Ang dakong silangang kinamulatan n’yo’y
Maulap ang langit at sakop ng dayo
Kunin mo ang sulo ng bayani ninyo’t
Siyang ipananglaw sa lahat ng dako.”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento