WIKANG FILIPINO, WIKA NG AKTIBISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
(Nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, Tomo XIV, Blg. 2, p.2)
Tatlong daan taon tayong alipin ng mga mananakop. Hindi tayo nagkakaisa. Ngunit nang simulan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang pagsusulat ng ating kasaysayan at adhikaing mapagpalaya sa mismong ating sariling wika, napakabilis ng pagpapalawak nila sa Katipunan. Ilang taon lamang ay inilunsad ang paghihimagsik at lumaya tayo sa kamay ng mga Kastila.
Ilang beses nang sinabi ng national artist na si Virgilio S. Almario na nang sinakop tayo ng mga Kastila, winasak nito ang ating gunita. Wala tayong maayos na nasulat na kasaysayan bago pa ang Kastila dahil binura nito ang ating alaala. Ngunit naiwan ang ating wika, na siyang salamin ng ating pagkatao at pagkakakilanlan bilang isang lahi sa silangan. Dahil sa wika, nakilala natin ang ating sarili, tayo'y nagkaisa. Napakahalaga ng sariling wika sa pagkatao kaya nasabi ni Jose Rizal sa kanyang tulang "Sa Aking Mga Kabata" na inawit ni Florante: "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda." Dito pa lang ay ikinabit na ni Rizal ang wika sa pagkatao at dangal.
Idadagdag ko pa: "Ang sinumang Pilipinong di gumamit at magsalita ng sariling wika ay higit pa sa amoy ng malansang isda." Walang pagkatao at dangal ang mga Pilipinong ayaw magsalita ng sawiling wika. Dapat silang ikahiya.
Mas nais pa nilang gamitin ang wika ng ilustrado. Kung noon ay wikang Kastila, ngayon naman ay wikang Ingles. Marami sa ating ang lumaki sa paniniwalang Ingles ang wika ng mga edukado, ng mayayaman, ng makapangyarihan, ng husgado, ng senado, ng burgesya sa pangkalahatan, ng mga respetado sa mataas na lipunan. At ang tingin nila sa wikang Filipino ay wika sa kanto, wika ng mga atsay, wika ng mga api, wika ng masa.
Ngunit dahil sa wikang Filipino, nagkaunawaan tayo. Nagkaisa ang mamamayang Pilipino laban sa mga Kastila, sa Amerikano, sa Hapon, at sa diktadurya. Ibinagsak natin ang diktadurya dahil nauunawaan natin ang isa't isa, masa man at mayaman.
Ang nakakalungkot, kahit sa eskwelahan, minsan ay halos wala nang naririnig na ibang wika kundi Ingles, na masasabi nating naghati sa marami, naghati sa mga probinsiyano't tagalunsod, sa mahihirap at mayayaman. Patok pa ay mga pelikulang Ingles habang bakya naman ang tingin ng marami sa pelikulang Filipino, kahit na marami itong naipanalong award. Ganuon din sa mga awitin.
Ang nakakaawa ay ang kababayan nating hindi bihasa sa Ingles kaya hindi maipagtanggol kaagad ang sarili dahil ang mga batas at patakaran ay nasusulat sa Ingles. Para bang inihiwalay ang ating puso't utak. Wikang sarili ang gamit sa pakikipagtalastasan habang nakasulat sa wikang Ingles ang pinag-uusapan.
Kaytagal na nilang ginagamit ang wikang Ingles ngunit nananatli pa rin ang problema ng bayan sa ekonomya, pulitika, at edukasyon. Ito'y dahil na rin sa halip na gumawa ng paraan upang itaguyod ang pambansang wika, hinahati tayo't pinagwawatak-watak ng wikang Ingles. Ginagamit ito para wasakin ang mga bahay ng maralita, kamkamin ang lupa ng mga magsasaka, upang tanggalin ang mga manggagawa sa pabrika, upang pagharian nila ang pulitika at ekonomya, upang maging mababa ang tingin sa masa, upang bolahin sa SONA ang mamamayan.
Gamitin natin ang wikang sarili laban sa mga ilustrado, laban sa burgesya, para sa pagkakaisa ng masa. Walang bansang umunlad na hindi nagtaguyod ng sariling wika nila. At kawawa ang bansang walang sariling wika, dahil wala silang gunita ng kanilang kasaysayan at nakaraan, kaya sila'y mga alipin. Mabuti na lamang at nang burahin ng mananakop ang alaala ng ating mga ninuno'y di nila nabura ang ating wika. Ang sariling wika ay kakabit na ng pagkatao at dangal ng bawat isa. Kung wala kang sariling wika, isa kang alipin at walang kalayaan. Kung may sarili kang wika ngunit ayaw mo itong gamitin, mayabang ka kundi man mapang-alipin.
Gamitin natin ang sariling wika upang magtagumpay ang masa tungo sa kanyang paglaya. Ang bayang may sariling wika ay bayang malaya. Kaya hindi lang sa pagsapit ng Linggo ng Wika tuwing Agosto lang natin inaalalang dapat itaguyod ang sariling wika, kundi sa lahat ng panahon. Ayon nga sa isang kasabihan, "Ang sinumang di magmahal sa sariling wika ay higit pa ang amoy sa mabahong isda."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento