Linggo, Oktubre 3, 2010

Sa Alatiit ng Tugma at Sukat

SA ALATIIT NG TUGMA AT SUKAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.

May pumuna sa akin minsan kung hindi ba ako gumagawa ng mga malayang taludturan (verso libre sa Kastila, free verse sa Ingles). Sabi ko naman, gumagawa rin ako ng malayang taludturan. Iyon nga lang, madalang. Dahil mas nais kong likhain ang mga tulang may tugma at sukat.

Mas ang mga tulang may tugma at sukat ang nais kong gawin. Pakiramdam ko'y bihira na kasi ang gumagawa nito sa kasalukuyan, at karamihan ay malayang taludturan na. Pero hindi dahil malayang taludturan na ang uso ngayon o mas nililikha ng mga henerasyon ngayon ay iyon na rin ang aking gagawin. Mas nais ko pa rin talaga ng may tugma at sukat. Marahil dahil nais kong ipagpatuloy ang nakagisnan kong paraan ng pagtula nina Francisco Balagtas at Huseng Batute.

Napakahalaga na malaman ng sinumang nagnanais tumula kung ano ang tugma at sukat, talinghaga at alindog ng tula, lalo na ang kasaysayan ng pagtula ng ating mga ninuno. Ayon nga sa isa kong guro sa pagtula, dapat muna nating matuto sa kasaysayan, mapag-aralan at makagawa tayo ng tula mula sa tradisyon ng panulaang katutubo. Kaya bagamat nais ko ring magmalayang taludturan, mas kumonsentra ako sa pagkatha ng mga tulang may tugma at sukat. Ngunit dapat nating alamin ano nga ba ang mga anyong ito. Nariyan ang katutubong tanaga, na tulang may isahan o magkasalitang tugma at pitong pantig bawat taludtod ang sukat. Ang dalit naman ay waluhan ang pantig bawat taludtod. Lalabindalawahing pantig naman ang Florante at Laura ni Balagtas.

May tugmaan sa patinig at katinig. Sa patinig, hindi magkatugma kung magkaiba ng tunog kahit na pareho ng titik sa dulo. Halimbawa, nagtatapos sa patinig na o ang dugo at berdugo, ngunit hindi sila magkatugma dahil ang dugo ay may impit at walang impit ang berdugo. Magkatugma ang bugso at dugo, at magkatugma naman ang berdugo at sakripisyo.

Ang akda at abakada ay hindi magkatugma dahil ang akda ay may impit at ang abakada ay wala. Magkatugma ang akda at katha, at magkatugma naman ang abakada at asawa.

Ang bili at mithi ay hindi magkatugma dahil ang bili ay walang impit at ang mithi ay mayroon. Magkatugma ang mithi at bali, habang magkatugma naman ang bili at guniguni.

Sa katinig naman ay may tugmaang malakas at mahina. Ang mga katinig na malakas ay yaong nagtatapos sa mga titik na B, K, D, G, P, S, at T habang ang mga katinig na mahina naman ay nagtatapos sa L, M, N, NG, R, W, at Y.

Maganda ring limiin sa mga ganitong tula ang sukat. May tinatawag na sesura o hati sa gitna, upang sa pagbabasa o pagsasalita ng makata ay may luwag sa kanyang paghinga. Maganda kung bibigkasin ang tula na animo'y umaawit upang hindi mabagot ang tagapakinig. Sa paggamit ng sesura, karaniwang ang labindalawang pantig bawat taludtod ay ginagawang anim-anim, at hindi hinahati ang isang salita, tulad ng dalawang tula sa itaas.

Pansinin ang tugmaan na Saknong 80 ng Florante at Laura ni Balagtas, pati na ang sesura o hati sa ikaanim:

"O pagsintang labis / ang kapangyarihan
Sampung mag-aama'y / iyong nasasaklaw
Pag ikaw ang nasok / sa puso ninuman
Hahamakin lahat / masunog ka lamang."


Pansinin naman ang tugmaan sa ikaanim na saknong ng tulang Pag-ibig ni Jose Corazon de Jesus, pati na ang sesura sa ikawalo:

Kapag ikaw'y umuurong / sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag / at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, /hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay / aariin mong langit!


Sa pagdaan ng panahon, naisipan kong magkaroon ng eksperimentasyon sa pagtula. Sa loob ng dalawang buwan ay kumatha ako ng 150 tulang siyampituhan. Ang siyampituhan ang isa sa mga inobasyon ko sa pagtula, mahaba sa tanaga at haiku at kalahati ng soneto. Ito'y may siyam na pantig bawat taludtod sa buong tulang pito ang taludtod (siyam-pito) na hinati sa dalawang bahagi. Ang unang apat na taludtod ang problema o tesis at ang huling tatlong taludtod ang solusyon o kongklusyon. May pag-uulit ng salita, bagamat nag-iiba ng gamit, sa una't huling taludtod. At noong Nobyembre 2008 ay inilathala ko ang librong pinamagatang "Mga Sugat sa Kalamnan: Katipunan ng 150 Tulang Siyampituhan." Ang aklat ay may sukat ng sangkapat ng isang bond paper, at mabibili sa halagang P50 lamang.

Naito ang halimbawa:

AKING LUNGGATI
May bahid ng diwa ng uri
Ang inihahasik na binhi
Sa tumanang linang ng lahi
Laban sa diwang naghahari.
Payak lang ang aking lunggati
Ang iparamdam itong hapdi
Sa diwa nitong naghahari.


May ginawa rin akong onsehan, na labing-isang pantig bawat taludtod at labing-isang taludtod na tula. Narito ang halimbawa:

MASAMA ANG LABIS
may kasabihang "labis ay masama"
kunin lang kung anong sapat at tama
    huwag tularan ang trapong gahaman
    na ninong ng mga katiwalian
sa gobyerno'y kayraming kuhila
sa dugo ng madla'y nagpapasasa
    mga trapo'y di man lang mahirinan
    sagpang ng sagpang, walang kabusugan

ang lalamunang puno'y nakapinid
masibang halos maputol ang litid
nakahihinga pa ba silang manhid


Mas maiging kumuha ng pag-aaral sa mga palihan sa pagtula ang mga nagnanais matuto, tulad ng ibinibigay ng grupong LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo), upang mas mapalalim pa ang pag-aaral hinggil sa tugma at sukat, at sa katutubong pagtula.

Masarap magbasa ng mga tulang may tugma't sukat, kung paanong nalalasahan ko rin naman ang tamis at pait sa mga malayang taludturan. Bagamat nakabartolina sa tugma at sukat ang karamihan ng aking mga tula, malaya naman at hindi nakapiit ang diwang malalasahan ng mambabasa sa pagbabasa ng akda.

Mas ninais ko pa ang alatiit o lagitik ng tugma at sukat, dahil kaysarap damhin at pakinggan ang indayog na tulad ng kalikasan o kalabit ng tipa ng gitara. Parang naririyan lamang sa tabi ang mga kuliglig sa kanayunan kahit nasa pusod ka ng kalunsuran. Kaysa bangin ng malayang taludturang kung hindi ko iingatan ay baka mahulog akong tuluyan at mabalian ng buto't tadyang. Kailangan ang ingat upang ang tula ay hindi magmistulang isang mahabang pangungusap na pinagtilad-tilad lamang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento