“Ang Nagpoprotesta” Bilang 2011 Person of the Year ng Time magazine
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Isang inspirasyon para sa ating mga nakikibaka, sa parlyamento man ng lansangan o saanmang lugar, ang pagkakadeklara sa bawat nagpoprotesta sa lansangan bilang Person of the Year ng Time magazine ngayong 2011. Isang inspirasyong lalong nagbibigay-sigla sa mga nakikibaka na nagpapatunay na ang tapat na hangarin para sa pagbabago ay wasto at makabuluhan sa kabila ng mga sakripisyong pinagdaanan, sa kabila ng mga nabubong pawis at dugo upang mapalaya ang sambayanan.
Walang indibidwal na mukha ang tinaguriang "Ang Nagpoprotesta (The Protester)" pagkat ito'y nakapatungkol sa mga mamamayang nakibaka para sa paglaya mula sa diktadura at mula sa pagkaganid ng mga korporasyon, paglayang inaasam ng mayorya, lalo na yaong tinaguriang siyamnapu't siyam na bahagdan o ninety nine percent (99%). Bagamat may di kilalang tao na nalathala sa front page ng Time magazine, siya'y simbolo lamang ng libu-libo, kundi man milyun-milyong mga nakikibaka sa iba't ibang bansa laban sa mga mapagsamantala at mapang-api sa kani-kanilang bayan.
Pumangalawa sa "The Protester" si Admiral William McRaven, pinuno ng Special Operations Command Amerika na siyang nakapatay sa pinuno ng Al Qaeda na si Osama bin Laden. Pumangatlo ang magsisining na si Ai Weiwei, kung saan ang 81-araw niyang pagkadetine sa isang lihim na kulungan ay nagpasiklab ng pandaigdigang kilos-protesta. Pang-apat naman ang Chairman ng Komite sa Budget sa Kongreso ng Amerika na si Paul Ryan. Kasama rin sa talaan si Kate Middleton, Dukesa ng Cambridge, na naging asawa ni Prince William ng Great Britain.
Kung babalikan natin ang nakaraang mga pangyayari nitong 2011, napakaraming kilos-protesta ang naganap, na siyang nagpabago at nakaapekto sa takbo ng pulitika at ekonomya ng maraming bansa at ng kanilang mamamayan. Kumbaga'y nagbigay ng bagong direksyon ang pakikibaka ng mamamayan ng mundo nitong taon, nakilala ng masa ang kanilang kapangyarihan. Pinakita ng maraming mamamayan ng mundo hindi lamang ang kanilang boses at panawagan kundi ang kakayahan nilang baguhin ang mundo. Inilabas ng sambayanan ang kanilang galit sa kasakiman ng mga korporasyon at pananatili ng mga diktador sa kani-kanilang bansa. Kumilos ang sambayanan para sa pagbabago. Pinakita ng mamamayan ang kanilang lakas.
Mula sa tinaguriang Arab Spring, kilusang Occupy Wall Street, Spanish Indignados, at ang nangyayari ngayong pagkilos ng mamamayan sa Rusya laban kay Vladimir Putin, ang mukha ng protesta ang nasa pabalat ng Time magazine bilang 2011 Person of theYear. Sumiklab ang mga rebolusyon ng sambayanan sa mga bansang Tunisia at Egypt at pinatalsik ang kanilang pangulo, nagkaroon ng digmaang sibil sa Libya na ikinabagsak ni Moammar Gaddafi; pag-aalsa ng mamamayan sa Bahrain, Syria, at Yemen, na nagresulta sa pagbibitiw ng prime minister ng Yemen; patuloy na malalaking protesta ng mamamayan sa Algeria, Iraq, Jordan, Kuwait, Morocco, Lebanon, Mauritania, Saudi Arabia, Sudan, at Kanluraning Sahara. Sumiklab din ang pag-aalsa ng mamamayan sa pamamagitan ng pag-okupa sa Wall Street, na siyang pangunahing lugar-pinansyal ng Amerika. Sinundan ito ng mga kilos-protesta sa iba't ibang bansa, tulad ng mga Indignados sa bansang Spain, ang protesta ng mamamayan ng Greece, Italy, Germany, United Kingdom, Ireland, Slovenia, Finland, Chile, Portugal, at marami pang iba.
May komon sa bawat protestang ito, at ito'y ang nagkakaisa nilang tinig at pagkilos para sa pagbabago. Nais ng mamamayan ng radikal na pagbabago, bagamat karamihan sa kanila ay di kumakatawan sa anumang tradisyunal na partido. Sadyang galit na ang mamamayan, pagkat ang 1% ng mayayaman ang kumakawawa sa 99% ng naghihirap na mamamayan ng mundo. Anupa't ang taong 2011 ay isang makasaysayang taon na di na makakatkat sa kasaysayan, pagkat ang inspirasyong dinala nito sa puso at isipan ng mga mapagmahal sa kalayaan, ang kanilang galit sa kasakiman sa tubo ng mga korporasyon at sistemang kapitalismo, ang kanilang sakripisyo para sa pagbabago, ay patuloy na nagbubunga at nauunawaan ng maraming mamamayan ng daigdig.
Kaya tama lamang ang pagkakapili ng Time magazine at pagkilala nito sa mga karaniwang masa sa kanilang mahalagang papel sa pagbabago ng lipunan at nakaimpluwensya sa pulitika at ekonomya ng kani-kanilang bansa. Kaiba ito sa ginawa nila noon. Sa unang "people power" na naganap sa Pilipinas noong 1986, si dating Pangulong Cory Aquino ang nalagay sa pabalat ng Time magazine imbes na ang taumbayan. Kahit ang mga historyador noon ay pulos indibidwal na lider, imbes na taumbayan, ang bayani sa kasaysayan, tulad nina Rizal at Bonifacio. Ngayon lang kinilala ang kolektibong papel ng taumbayan sa pagbabago ng lipunan. At sinimulan ito ng Time magazine.