Martes, Hunyo 21, 2011

Ang Kabayanihan ni Rizal at ang Pagmamaltrato sa mga Manggagawa ng Hanjin

ANG KABAYANIHAN NI RIZAL AT ANG PAGMAMALTRATO SA MGA MANGGAGAWA NG HANJIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Hunyo 20, 2011

Dapat kagabi ko pa sinulat ang artikulong ito pagdating ko sa aking lungga, ngunit dahil sa pagod ay nakatulugan ko na lang ito. Kanina naman ay maaga akong gumising para tapusin ang ilang plakard para sumama sa rali ng alas-nwebe sa Mendiola, sa isyu ng Hanjin.

Walang tigil ang ulan buong maghapon kahapon, araw ng Linggo, ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal, ngunit hindi naging sagabal ang ulan upang puntahan ko pa rin ang makasaysayang Luneta. Sinugod ko ang ulan upang kahit papaano'y maging bahagi ng pagdiriwang ng isang yugto sa kasaysayan ng bayan. Bandang ikalima na ng hapon nang makarating ako sa Rizal Park mula sa isang oras na biyahe.

Mistulang walang tao ang Luneta dahil sa ulan, ngunit nagsilungan lang pala ang mga ito. Nakatayo pa rin dito ang mga booth ng iba't ibang lungsod at bayan sa Metro Manila, tulad ng Manila, Taguig, Paranaque, San Juan, atbp. Dahil maulan, dumiretso na ako sa pinagdarausan ng konsyerto sa Luneta, sa Concert at the Park. Isa itong open air auditorium sa Rizal Park, walang bubong, kaya ang mga nagpunta rito kagabi ay pawang nakapayong, habang ako naman ay nakadyaket at sumbrero lang. Nuong nakaraang Linggo lang ay narito rin ako sa konsyerto na pinangunahan ng bandang Penpen.

Ambon na lamang nang magsimula ang palabas. Kaunti lang ang mga taong manonood, ngunit dumami bigla nang marinig na ang paanyaya ng emcee na magsisimula na ang palabas, isang historical musical play.

Ang pagsasadulang musikal ay pinamagatang "Pepe: Talambuhay at Panaginip ni Dr. Jose Rizal" sa pangunguna ng Teatro Expedicion de Filipinas, mga performers mula sa Gawad Kalinga, at ang aktor na si Biboy Ramirez ang gumanap bilang Dr. Jose Rizal. Dahil maambon, nakaharang ang mga payong ng mga manonood kaya naobliga ang karamihan na manood ng nakatayo, kasama na ako roon.

Awitan at sayawan, habang tinatalakay ang buhay ni Rizal. Magaganda ang mga costume ng mga nagsiganap. Pati ang paglilipat ng mga eksena sa pamamagitan ng pag-uusog ng mga props, paggamit ng ilaw, bagamat may panahong di gaanong marinig ang boses ng nagsasalita dahil tila palyado at di malakas ang microphone. Ngunit nagawan naman agad ito ng paraan ng hindi halata. Pinakita ang nakabarong na si Paciano nang binilinan niya si Rizal sa pagtungo sa ibayong dagat, ang pagsusulat ni Rizal ng nobela, ang ilang bahagi ng Noli at Fili, si Maria Clara, si Crisostomo Ibarra ng Noli, na naging si Simeon sa Fili, ang kontrabidang tatay ni Maria Clara na si Padre Damaso, si Osei San na naging kasintahan ni Rizal, si Josephine Bracken, ang paglatag ng mahabang puting telang nagsmistulang dagat na aalun-alon, ang mga gwardya sibil, at iba pang eksena.

Maganda ang palabas, ngunit nadismaya lamang ako nuong bago mamatay si Rizal ay pinirmahan niya ang isang retraksyon, dahil hindi ito kapani-paniwala. Naniniwala akong imbento lamang ito ng mga kaparian. Isang kasulatan ang retraksyong pinirmahan ni Rizal, na nagsasabing nagbabalik loob na siya sa simbahan, at kung gayon ay pinagsisisihan na niya ang paglaban sa kaparian sa pamamagitan ng kanyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Una, malaking propaganda na para sa mga prayle at malaking kahihiyan kay Rizal bilang awtor ng Noli at Fili kung pinirmahan nga ito ni Rizal. Di dapat bayani si Rizal kung totoo ito. Ikalawa, kung pinirmahan ni Rizal ang retraksyon, dapat di na natuloy ang pagbitay upang ipakita ng mga prayle sa sambayanang Filipino na isinuko na ni Rizal ang kanyang prinsipyo. Ngunit nangyari pa rin ang pagbitay.

Di man kumpleto ngunit kinuha nila ang pagsasadulang musikal sa loob ng isang oras at labinlimang minuto (mula 6:05 pm hanggang 7:24 pm). Umuwi akong umuulan pa rin. Pag-uwi ko'y binuksan ang laptop ngunit lalagnatin yata ako dahil sa ulan, kaya di na ako nakapagsulat. Ipinikit ko muna ang pagal kong katawan at mata.

Pagkagising kanina, tumuloy na kami ng aming mga kasama sa makasaysayang Mendiola, ang tradisyunal na lugar ng protesta. Dahil holiday at walang pasok, di trapik kaya madali kaming nakarating ng Mendiola. Walang humarang na pulis, naroon na rin ang ilang taga-media. Iprinotesta namin doon ang nagaganap sa pabrika ng Hanjin, ang pagawaan ng bapor ng mga Koreano dito sa Pilipinas. Sumama rito ang iba't ibang malalaking organisasyon ng manggagawa, tulad ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Alliance of Progressive Labor (APL), Pagkakaisa ng mga Manggagawa sa Transportasyon (PMT), Philippine Airlines Employees Association (PALEA), Sanlakas, Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), League of Urban Poor for Action (LUPA), ang Church-Labor Conference (CLC), Urban Missionaries (UM), Partido ng Manggagawa (PM), Manggagawa para sa Kalayaan ng Bayan (MAKABAYAN), Koalisyon Kontra Kontraktwalisasyon (KONTRA), ang Samahan ng Manggagawa sa Hanjin Shipyard (SAMAHAN), sa pangunguna ng pangulo nitong si Joey Gonzales, at iba pa.

Ayon sa mga manggagawa, umaabot na sa tatlumpu't isang (31) manggagawang Pilipino ang namatay sa Hanjin dahil sa aksidente. Nasa animnapu't tatlong (63) manggagawa naman ang tinanggal dahil sa pagsapi ng unyon. Kinakailangan ng manggagawang magtayo ng unyon para protektahan ang kanilang seguridad sa trabaho, bukod pa sa ito'y karapatan nilang nakasaad sa Konstitusyon. Binabatukan, sinasampal-sampal ang mga manggagawa ng Hanjin, na para bang di sila tao. Nang magbuo ng unyon ang mga manggagawa'y tinakot pa sila, at tinanggal. Kamakailan ay may  namatay na namang manggagawang Pilipino rito nang mahulog sa ginagawang gusali, isinugod sa ospital at doon na binawian ng buhay.

"Trabahong may dangal, hindi kontraktwal!" ang sigaw ng mga manggagawa. Para sa mga manggagawa, ang kontraktwalisasyon ay salot, dahil tinatanggal nito ang karapatan at benepisyo ng mga manggagawa. Imbis na maging regular sila dahil importante ang kanilang trabaho sa kumpanya, ay di sila nareregular, kahit na mahigit na silang anim na buwan o isang taon sa kumpanya. Kaya di nila natatamasa ang mga benepisyong nararapat sa kanila. Nasa 21,000 manggagawang Pilipino ang gumagawa ng mabibigat na trabaho sa Hanjin, ngunit ito'y sa pamamagitan ng mga contractual agency. Kaya sinasabi ng Hanjin na nasa 148 lang ang manggagawang nila, ngunit ang tinutukoy pala nila rito'y ang 148 manggagawang Koreano. Dahil kontraktwal ang mga manggagawang Pilipino ay ayaw aminin ng management ng Hanjin na manggagawa nila ito, dahil ang nag-empleyo umano sa mga ito ay mga kontraktor. Sa batas, maging sa Labor Code, mali ang ganitong pananaw nila. Dahil direktang gumagampan ng mahahalagang gawain sa pabrika ng Hanjin, mga gawaing essential and necessary, ang 21,000 manggagawang Pilipino.

Sa Hulyo 3, ilulunsad ng mga manggagawa ang isang mahabang karabana para sa proteksyon sa trabaho, mula Maynila hanggang Subic kung saan naroroon ang pabrika ng Hanjin.

Dalawang pangyayari sa loob ng dalawang araw. Dalawang pangyayaring magkabaligtad, magkaiba. Ang isa'y hinggil sa kabayanihan ng pambansang bayani, ang isa nama'y kapahamakan sa mga manggagawa. Ang isa'y pagpapaalala na dapat mahalin ng mga Pilipino ang kanyang bayan at ang sambayanang bumubuo ng bayan. Ang isa'y nagpaalala na kailangang magkaisa ang sambayanan upang ang kanilang mga kababayan ay hindi apihin ng mga dayuhang kapitalista. Dalawang pagpapaalala sa atin na hindi tayo dapat maging bulag, pipi at bingi sa kalagayan ng ating mga kababayan, bagkus ay kumilos tayo para matiyak na ang lipunang ating ginagalawan ay maging isang lipunang makatao, kung saan ang pang-aapi't pagsasamantala'y di na umiiral.

Nilabanan ni Rizal ang mga dayuhan, habang ang mga manggagawang Pilipino'y inaapi ng mga dayuhang kapitalista. Sa paggunita natin sa kabayanihan ni Dr. Jose Rizal na nagsakripisyo upang lumaya ang bayan, nangangailangan pa uli ng kabayanihan ngayon dahil sa pagsasamantala sa mga manggagawa, di lang sa Hanjin, kundi sa iba pang mga pagawaan. Alalahanin natin ang sinabi ni Rizal sa katauhan ni Elias sa El Filibusterismo, “Mamamatay akong di nakikita ang bukang-liwayway ng kalayaan sa aking bayan. Kayong mga makakakita, batiin n’yo siya at pagpugayan! Huwag n’yo lamang kalilimutan ang mga nabuwal sa dilim ng gabi!” "

Nangangailangan ngayon ng pagkakaisa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento