Biyernes, Agosto 23, 2013

Ang Baybayin, ayon kina Bonifacio, Rizal, at sa Nobelang "Tasyo"

ANG BAYBAYIN, AYON KINA BONIFACIO, RIZAL, AT SA NOBELANG "TASYO"
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Baybayin ang tawag sa abakada ng ating mga ninuno bago pa dumating ang mga Kastila at modernong sibilisasyon sa ating lupain. Ngunit hindi na ito ginagamit ngayon dahil na rin sa pagpasok ng alpabeto mula sa Kastila at Ingles, maliban sa ilang maliliit na pangkat na sadyang nakatuon sa pag-aaral ng baybayin. Nabanggit ng ating dalawang magiting na bayaning sina Andres Bonifacio at Jose Rizal ang paraan ng pagsulat na ito ng ating mga ninuno sa kanilang akda.

Ang palagay ko lang noon sa baybayin ay kung paano ba binabaybay ang salita o ini-spelling. Natatandaan ko pa ang panuntunan sa balarilang Filipino: kung ano ang bigkas ay siyang baybay. Ibig sabihin, kung paano mo ito sinasabi ay iyon ang spelling o pagbaybay. Kumbaga, babatay ka sa tunog ng bibig kung paano mo ito isusulat sa titik o sa babaybayin. Ngunit baybayin pala ang tawag sa unang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno. At mas tumpak itong itawag kaysa inimbentong katawagang alibata nitong ika-20 siglo.

Ngunit sa ngayon, may baybayin at alibata na siyang ikinalilito ng marami. May mga t-shirt pa ngang ang tatak ay alibata kung saan nakasulat ang baybayin, na tila ba ipinagmamalaki at ikinakampanya ang alibata. May isang libro din noon hinggil sa baybayin, na hindi ko nabili noong panahong iyon, na nakita ko sa National Book Store sa SM Centerpoint, na yung mga tula ni Rizal ay nakasulat ng baybayin. Makapal ang libro na pulos baybayin ang pagkakasulat, at sa pagkakatanda ko ay kulay dilaw. Wala akong sapat na salapi noong panahong iyon kaya hindi ko iyon nabili. Hinanap ko muli ang aklat na iyon ngunit hindi ko na iyon nakita.

Nasalubong ko sa facebook ang grupong Panitikang Baybayin kung saan sumapi ako, at nabasa ko roon ang ilang mga padalang impormasyon ng iba't ibang myembro noon hinggil sa baybayin. Nariyan din ang Surat Mangyan na isang pahina rin sa facebook na iba namang uri ng katutubong panulat ang ipinakita.

Sipatin natin ang pagbanggit ng ating mga bayaning sina Gat Andres Bonifacio at Gat Jose Rizal tungkol sa unang panulat na ito ng ating mga ninuno.

Sa unang talata ng sanaysay na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" ni Bonifacio ay kanyang isinulat:

"Itong Katagalugan na pinamamahalaan noong unang panahon ng ating tunay na mga kababayan, noong hindi pa tumutuntong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan at kaginhawahan. Kasundo niya ang mga kapitbahayan at lalong-lalo na ang mga taga-Hapon. Sila'y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya't dahil dito'y mayaman ang kaasalan ng lahat. Bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila..."

Ibig sabihin, nuong panahong iyon, bata man at matanda, at kahit ang mga kababaihan, ay marunong bumasa at sumulat ng baybayin bago pa dumating ang mga mananakop na Kastila, noong panahong bago pa mamuno si Lapulapu sa Mactan. Mayroon nang kabihasnan at may mga sulatin sila na marahil ay hindi na napreserba kung nakasulat lang ito sa kahoy, maliban sa baybayin na natagpuang nakaukit sa isang palayok ng ating mga ninuno, na tinatawag na Calatagan pot, na tinatayang nalikha noong 1,200 AD.

Tinalakay naman ni Jose Rizal sa Kabanata 25 ng kanyang nobelang Noli Me Tangere ang hinggil sa baybayin, bagamat hindi niya ito tahasang tinukoy na baybayin, dahil ang sinusulat umano ni Pilosopo Tasyo ay para sa hinaharap. Mahihinuha lamang na ito'y baybayin sa tanong ni Ibarra kung anong wika sumusulat ang matanda, at sinagot siyang sa sariling wika.

"Sumusulat kayo ng heroglifico? At bakit?" Tanong ni Crisostomo Ibarra kay Pilosopong Tasyo.

"Upang huwag mabasa sa panahong ito ang aking sinusulat."

Si Ibarra ay napatitig sa kanya at sumagi sa isipan na may katotohanan ngang baliw ang matanda. "Bakit kayo sumusulat kung ayaw ninyong mabasa ang inyong isinusulat?"

"Dahilan sa hindi ko inilalaan sa ating mga kapanahon ang aking sinusulat kundi sa ibang panahong darating. Kung mababasa ng ating mga kapanahon ang aking mga sinusulat ay marahil susunugin ang aking mga aklat, ang aking hinarap na gawain sa buong buhay; samantalang sa isang dako, ang henerasyon na makakaalam sa kahulugan ng mga titik na ito ay pawang matatalino, mauunawaan nila ang ibig kong ipaalam at masasabi nilang: "Hindi ang lahat ay nakatulog sa kapanahunan ng ating mga ninuno." Ang lihim o ang mga di-karaniwang titik na ito ay siyang nakapagliligtas sa aking gawa sa kamangmangan ng tao, gaya rin naman ng pangyayaring ang lihim at mga kung anu-anong mga paraan ay siyang nakapagligtas sa maraming katotohanan sa mapanirang kamay ng mga kaparian."

"At sa anong wika kayo sumusulat?" tanong ni Ibarra matapos ang mahabang pagkakapatigil.

"Sa wika natin, sa Tagalog."

Ang sinipi kong bahagi ng kabanatang ito mula sa Noli ang inilagay ko sa Paunang Salita ng aklat kong "Ningas-Bao: Katipunan ng 15 Piling Sanaysay at 15 Tula" na nalathala noong Nobyembre 2007. Nagkaroon ng kopya nito ang butihin kong kaibigan at historyador na sa Ginoong Ed Aurelio C. Reyes, na siya ring pasimuno ng Kamalaysayan (Kampanya para sa Kamalayan sa Kasaysayan, na sa kalaunan ay naging Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Mula rito ay isinulat niya ang maikling nobelang "Tasyo! Ngayon na ba ang bukas na habilin ng pantas?" na nalathala noong 2009. Inamin mismo sa akin ni Ginoong Reyes na sa paunang salita ng aklat kong "Ningas-Bao" niya nakuha ang tema ng isinulat niyang nobela. At nagkaroon din ako ng kopya ng nobela noong Enero 15, 2010, ang petsa ay batay sa kanyang maikling mensahe sa akin na sinulat niya sa aklat. Ang Kabanata ring ito mula sa Noli Me Tangere ang inilagay ni Ginoong Reyes sa pahina 3 ng kanyang nobela bilang Pambungad.

Napag-usapan din namin ni Ginoong Reyes na ang heroglificong tinutukoy ni Ibarra na sinusulat ni Pilosopo Tasyo ay ang baybayin. Dahil na rin sa pag-amin ni Pilosopo Tasyo na sumusulat siya "sa wika natin, sa Tagalog." Ito ang tinutukoy ni Bonifacio sa kanyang akda na "bata't matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog."

Malinaw na natalakay sa nobela ni Reyes ang paraan ng pagsulat ng ating mga ninuno, na siyang paksa ng buong nobela. May iba't ibang katawagan sa katutubong pagsulat ang isiniwalat sa nobela. Ito'y ang alibata, baybayin, at pantigan. Sa pamamagitan ng mga tauhan sa nobela, malinaw na naipaliwanag ang mga ito. Halimbawa na lang yaong nasa mga pahina 18-19:

"... At nakita ng pinsan kong si Ellen yung ancient Tagalog writing na nasa libro ni Agoncillo."

"Ancient Tagalog script? Ano 'yon, alibata?"

"Well, actually, imprecise term yata yung 'alibata'," pasok ni Annie, "hindi kasi letters, 'baybayin' ang tawag. Tapos, may gumawa na nga ng popular version daw na tinatawag nilang 'pantigan.' Para raw sa beginners. I've been teaching this pantigan system to my Philippine History students, and they are fast learners on this. And Liza here was one of the fastest."

"Yun nga pong nasa libro ni Agoncillo ay halos kapareho ng pantigan na 'tinuturo sa amin ni Ma'am Aguila. At yun nga ang nakita ni Ellen sa libro."

Nagpatuloy siya. "Pero may ipinakita siya sa akin na nakasulat naman sa baybayin, yung talagang ginagamit noon ng mga ancestors natin for thousands of years bago dumating ang Spanish colonizers."

"What's the big difference ba? O, heto na'ng extra rice ko. Share tayo?"

"Konte, sige... ops! Thanks! The big difference really made a big difference. Ang kaibhan kasi, itong baybayin eh walang isinusulat na silent syllables, I mean, hindi na isinusulat ang consonant symbols kung hindi naman sinusundan ng vowel sound. Halimbawa, yung apelyido mong Floresca, kapag nakasulat sa baybayin ay parang 'loreka' at utak na ng bumabasa ang magdadagdag ng missing consonant sounds para pag bigkasin niya ay tama na ulit. Mas magaling at mas mabilis di-hamak ang utak ng mga ninuno natin kesa sa atin ngayon, pag ganoon ang titingnan mo."

Ito ngayon ang problema ni Liza at nagkausap sila ng kanyang guro. Basahin natin ang mga pahina 21-22 ng nobelang Tasyo:

"... May ipinakita kamo ang pinsan mo na nakasulat sa 'alibata'."

"Sa baybayin po, Ma'am"

"Okay, sa baybayin, with than big difference you both just explained. So how did that become a big problem that could bring tears to your eyes, Liza? Anubayannn??!!!"

"Dahil marunong po ako ng pantigan, na tinuro sa 'min ni Ma'am Aguila, naisip kong pasiklaban yung cousin ko. Ipapakita ko sana sa kanya na kaya kong basahin 'yon. Pero di ko pa talaga kayang basahin dahil nasa baybayin pala nakasulat, kaya wala nga ang mga tahimik na pantig. Yung unang word pa lang, ang tingin ko sa pagkakasulat ay 'mula.' Pero pwede rin palang 'mulat,' na tinanggal lamang ang huling consonant dahil di nga iyon nasusundan ng vowel sound. Sa context po, parehong pwede, pero may kaibahan na talaga sa meaning."

Sa pagkakapaliwanag ng mga tauhan, magkakaiba ang baybayin at pantigan, lalo na ang tinukoy na imprecise term, alibata, bagamat pare-parehong sinasabing panulat ng ating mga ninuno. Ang baybayin ang orihinal na katawagan, ang pantigan ang popular na bersyon ng baybayin na pinagaan para sa bagong henerasyon, at ang katawagang alibata na naimbento lamang nitong nakaraang siglo, noong 1914.

Narito naman ang bahagi ng Kabanata 12 na pinamagatang "Hiwaga sa Kasimplehan" ng nobelang Tasyo, mp-74-76, hinggil sa talakayan nina Prof. Annie Aguila, Dr. Margallo at Dr. Regalado, sa harap ng isang forum. Dito'y pinagtatalunan ang isang dokumento mula umano sa isang totoong Pilosopo Tasyo na nakasulat sa baybayin:

Iniabot kay Prof. Annie ang mikropono... "Thank you! First of all, I have to tell you clearly that neither I nor my student in Philippine History, Miss Liza Padilla, is claiming anything about the authorship of this manuscript, wala pa kaming katiyakan tungkol sa pinagmulan ng mensaheng ito. Sa pagbanggit nga lamang sa ilang tauhan at eksena ng nobelang Noli Me Tangere ni Gat Jose Rizal, tila nais palabasin ng sumulat na siya ay si Pilosopong Tasyo..."

Paismid na sumabat si Dr. Margallo: "... na isa namang fictional creation ni Rizal, the author of the Noli...

Si Dr. Regalado naman ang di nakatiis at pumasok. "Hmmm... moderator interrupts to editorialize! Nagsisingit ng sariling opinyon!"

Na di naman pinalampas... "Hindi opinyon! Fact naman 'yon, na kathang isip lang ni Rizal ang nasa Noli!"

"Tila di naniniwala si Dr. Margallo kay Rizal mismo. Sinabi ng ating bayani na totoong lahat ng nasa Noli at mapapatunayan raw niya ito. Anyway, why don't we let Prof. Aguila continue her presentation? Dr. Aguila, please continue..."

Nagpatuloy nga ang guro. Ang napakamahiwaga nga rito ay ang laman mismo ng mensahe, at ang nakuha namang impormasyon na lolo pa sa tuhod ni Miss Padilla ang dating nag-iingat nito. Which implies na matagal na rin itong naisulat, kung sinuman nga ang sumulat. Mahiwaga ang mensahe dahil sa kasimplehan niya. Nakakapagtaka kung bakit ang napakasimpleng sinasabi ng mensahe ay ginugulan pa ng napakalaking effort para mapreserba at mapaabot sa ngayon o sa future pa.

"Napakalaki nga ng hirap ni Prof. Annie sa pag-intindi sa nakasulat," wika ni Dr. Regalado, "dahil sa baybayin ay wala ang tahimik na pantig, at ako, tulad ninyong kasalukuyang mga salinlahi ay pinanawan na ng sapat na talinong ginamit ng ating mga ninuno sa pag-uunawa sa ganito."

"Hindi madaling mapagpipilian ang mga katagang bala, balat, balak, balam, balang, balag at pati bakla kung wala ang ganitong talino ng ating mga ninuno," pasok uli ni Prof. Aguila, "sapagkat sa baybayin, sa kanilang panulat, ay pare-pareho lang ang ispeling, ang pagkakasulat ng lahat ng mga katagang iyon! Alam nyo ba na ang katagang "ang" at ang katagang "at" ay magkapareho lang ang itsura sa baybayin? Pero pinagtiyagaan ko hanggang matapos, pinagpuyatan ko halos gabi-gabi, nakaubos ako ng balde-baldeng kape, dahil sa ang nabubuo ay malinaw na malalim ang kahulugan ng mensaheng ito. Nadama kong napakaimportante ng mensaheng ito, sinupaman ang sumulat!"

Sa ngayon, bihira na ang gumagamit ng baybayin. Kung mayroon man, mangilan-ngilan na lang. Naisipan ko nga noon na gumawa ng palaisipan batay sa baybayin. Sinubukan ko lang, ngunit nagawa ko rin. Ginawa ko muna iyon sa papel, hanggang idisenyo ko gamit ang pagemaker. Ang problema lang, sino ang maglalathala nito gayong wala namang pahayagan o magasin na naglalathala sa baybayin?

Hinggil naman sa katawagang 'alibata', malinaw na natalakay ng aking guro sa pagtula na si Ginoong Michael Coroza sa kanyang kolum na Haraya sa magasing Liwayway, Hulyo 22, 2013, p. 26, ang pinagmulan ng salitang "alibata":

"Sino ba ang may pakana ng 'alibata'? Si Dr. Paul Rodriguez Versoza ng Orion, Bataan, na nag-aral sa Fordham University sa New York at sumailalim din sa pagsasanay sa Cathedral College, University of Missouri, at Unibersidad ng Pilipinas. Siya ang lumikha ng salitang "alibata." Hindi niya kasi maresolba kung bakit iisa ang panawag ng mga Filipino sa alpabeto at sa proseso ng pagbaybay ng mga salita - BAYBAYIN. Ito ang tawag ni Jose Rizal dito at ng kanyang mga kapanahon at maging ng mga naunang historyador na Espanyol na nagsulat tungkol sa kasaysayan ng Filipinas. Kaya nga idyomatiko sa atin ang sabihing "pakibaybay mo nga ang salitang ito" sa halip na "pakialibata mo nga ang salitang ito."

"Hayaan ninyong sipiin ko rito ang mismong sinabi ni Dr. Versoza hinggil sa kanyang pag-imbento ng salitang "alibata." Galing ito sa kanyang aklat na Pangbansang Titik nang Pilipinas (Philippine National Writing) na ipinalathala niya noong 1939. May orihinal na kopya ang librong ito sa aklatan sa Unibersidad ng Santo Tomas at natitiyak kong may sipi rin ito sa Pambansang Aklatan ng Filipinas. Narito ang isang napakahalagang talata niya sa pahina 12 ng nasabing aklat:

"In 1921 when I returned from the Unites States to give public lectures on Tagalog philology, calligraphy, and linguistics I Introduced the word ALIBATA, which found its way to newsprints and often mentioned by many authors in their writings. I coined this word in 1914 in the New York Public Library, Manuscript Research Division, basing it on the three MAGUINDANAO (Moro) arrangements of letters of the alphabet after the Arabic ALIF, BA, TA (Alibata) "F" having been eliminated for euphony sake."

Balikan natin ang nobelang "Tasyo" na kinapapalooban ng maraming pagtalakay hinggil sa panulat ng ating mga ninuno. Maraming impormasyon sa nobelang "Tasyo" na ating malalaman at mauunawaan, at kumatha pa ang nobelistang si Reyes ng sanaysay na pinamagatang "Ang Naitagong Habilin ni Tasyo" na nasa pahina 103-109 na inilagay niya bilang Dagdag 1 pagkatapos ng kanyang nobela. Para kay Reyes, ang Tasyo sa Pilosopong Tasyo ay Tayo. Ibig sabihin, tayo bilang mamamayan, tayo bilang nagkakaisang bayan.

Tinangka rin ni Reyes na buuin sa isip ang haka niyang isinulat na heroglipiko o nasa panulat na baybayin na pinuna ni Ibarra habang kausap niya si Pilosopo Tasyo. Ito ang nilalaman ng "Ang Naitagong Habilin ni Tasyo". Halina't pagnilayan natin ang ilang talata sa sanaysay na ito:

"Sa sarili kong panahon, sa panahon ng pagsusulat ko nito, aking napagtanto na kulang at hindi pa hinog ang mga karanasan ng bayan upang maunawaan ng aking mga kababayan itong mga pangungusap ko, kabilang si Ginoong Ibarra na naparito kanina habang isinusulat ko pa ito. Kaya't hindi ko na binago ang kanyang pag-aakala na heroglipiko ang aking isinusulat, sapagkat ito ay nakatuon hindi sa kasalukuyang mga utak, kundi sa makauunawa rito nang ganap. Sa hinaharap."

"Ang paglitaw ng liham kong ito sa kamalayan ng madla ay magiging hamon nawa sa tunay na mga anak ng Bayan na sikaping tuklasin nang ganap ang mithiin ng aking mga kataga. Kung sadyang hindi makapag-aani ng mapitagang pansin ng balana, aking isinasamo at ipinakikiusap na ito'y pag-ukulan ng malalim na mga pag-uusap at pagkalooban din ng sikap na maigawa ng maraming sipi na maingat na isusulat-kamay upang may ilan man lamang na sipi na makaaabot sa susunod pang mga salinlahi, upang makamit na nila ang kaganapan ng bagong bayang di na kinukubabawan pa ng kalakaran, kaisipan at diwang makabanyaga. Ang lahat ng mag-aambag ng pawis at panahon sa ganitong pagsisikap ay magkakilalanan at magmahalan sana pangunahin sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng pagpapakatao at pakikipagkapwa-tao. Magkakilalanan din nawa sa sama-sama nilang pagpapahalaga sa katagang... Tayo."

"Palagian sana nating isipin, bigkasin, at dinggin ang katagang 'tayo' sa tuluy-tuloy na bulong ng ating budhi. Kilalanin natin ito sa diwa ng bayanihan at sa kapangyarihang nalilikha ng pagsasabuhay ng diwang ito. Tayo ang gaganap. Tayo ang makikinabang. Tayo ang giginhawa. Ang ganitong bulong ang pinakaugat ng bawat pagtulong."

"Buo ang aking paniniwala na darating at darating ang araw ng ating paglaya. Sa katunayan, tayo, ang ating kaisahan bilang pinagsama-samang sari-sarili, ang tunay na Hari ng Katagalugan sa dakilang alamat ng Pamitinan. Iisang paa na lamang ang nakagapos pa ng tanikala! Humahakbang ba siya, tayong lahat, papalabas mula sa yungib ng kadiliman, yungib ng kawalang malay sa tunay nating kaisahan, sama-samang sisigaw ng paninindigan sa kalayaan, at sama-samang maglalakbay patungong liwanag ng kaisahan, kalayaan at kaginhawahan."

"Ang bawat makababasa ay hinahamong dumugtong ng sariling ambag sa ganitong pagsisikap. Tanggapin po nawa ninyong lahat ang aking pasasalamat."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento