KARABANA para sa Hustisya at Karapatan
mula Sta. Cruz, Zambales hanggang Malakanyang, Inilunsad
Naglunsad
ng karabana mula sa Sta. Cruz, Zambales sa pangunguna ng mga kasapi ng
Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS). Anim na sasakyan ang
kanilang sabay-sabay na nagkarabana upang iparating sa pamahalaan, at sa
mamamayan ng Zambales, na dapat nang ipatigil ang pagmimina sa buong
Zambales, lalo na sa Sta. Cruz. Nagsimula sila nitong Abril 29, 2015 ng
umaga.
Iisa
lang ang kanilang panawagan: "Itigil na ang pagmimina sa Sta. Cruz,
Zambales!" Matatandaang apat na kumpanya ng pagmimina ang namamahala ng
operasyon sa Sta. Cruz, at ito'y ang Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI),
Eramen Minerals Inc. (EMI), Zambales Diversified Metals Corporation
(ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL Archipelagic
Minerals, Inc. (FMC/LAMI). Dahil dito'y nagkaisa ang mga manggagawa ng
apat na minahan na itayo ang Mining Workers for the Environment
Association (MWEA) noong Nobyembre 2014 sa isang lugar sa Candelaria,
Zambales.
At
bilang malaking bahagi ng kanilang pagkilos, inilunsad nila ang
karabana, kasama ang iba't ibang grupo sa pangunguna ng CCOS, MWEA, ATM
(Alyansa Tigil Mina), PMCJ (Philippine Movement for Climate Justice),
PMPI (Philippine Misereor Partnership Inc.), BK (Bantay Kita), BMP
(Bukluran ng Manggagawang Pilipino) at Sanlakas.
Una
silang naglunsad ng rali sa harapan ng City Hall ng Sta. Cruz. Matapos
nito'y nagtungo sila sa pamahalaang panlalawigan o Governor's Hall sa
Iba, Zambales, at ipinahayag din nila ang panawagang itigil na ang
pagmimina sa kanilang lugar. Habang naglalakbay, sila'y may trompang
nagsisilbi para mas marinig ng mamamayan ang mga tagapagsalitang kasama
sa karabana. Ipinahayag nila sa dinaanan ng karabana ang paninindigan ng
mamamayan ng Sta. Cruz laban sa pagmimina.
Dumaan
sila ng Olongapo at nagpahinga sila roon. Maraming mga aberyang
nangyari sa karabana, tulad ng pagka-flat ng gulong ng isang sasakyan,
at pagkaligaw ng isang kasamang nakamotor. Gabi na nang sila'y
makarating sa harapan ng tanggapan ng Department of Environment and
Natural Resources (DENR) sa Visayas Avenue sa Lungsod Quezon. Doon sila
sa bangketa nito nagpalipas ng magdamag. Naglagay sila ng mga tarpolin,
lona, at karton na tulugan.
Kinabukasan,
Abril 30, naglunsad sila ng programa sa harapan ng DENR. Bago
makapananghali ay nagtungo sila sa Commission on Human Rights (CHR) sa
Diliman, at nakipag-usap kaharap ang dalawang commissioner doon.
Bandang
hapon ay nagtungo na sila sa Morayta upang magmartsa patungong
Mendiola. Sa Morayta ay hinintay nila ang isa pang malaking bulto ng
nagmamartsa na mula naman sa Las Piñas upang magpalipas naman ng
magdamag sa tulay ng Mendiola. Bisperas iyon ng Pandaigdigang Araw ng
Paggawa.
Mayo
Uno, kasama na nila ang iba't ibang grupo ng manggagawa at doon ay
ipinahayag ng mga nakilahok sa karabana na dapat nang matigil ang
pagmimina sa kanilang lugar sa Sta. Cruz sa Zambales. (Ulat ni Greg Bituin Jr.)
(mga litrato kuha ni Dok Ben Molino ng CCOS)
bahagi ng polyetong inilabas hinggil sa Karabana
KARABANA PARA SA HUSTISYA AT KARAPATAN TUTUNGO SA MALAKANYANG
Ang
mga minero at opisyales ng gobyerno ay patuloy na nagkukutsabahan kaya
patuloy ang perwisyong pagmimina na dulot ay paglabag sa karapatang
pantao at inhustisya sa mamamayan at kapaligiran.
Nitong
nagdaang taon - Hunyo at Hulyo - ay nasuspindi ang hauling at mining
operations ng mga kumpanyang pagmimina sa mga bayan ng Sta. cruz at
candelaria sa Zambales. Nasuspindi ang hauling operations ng Benguet
Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals Inc. (EMI) noong Hunyo at
mining operations ng apat kasama ang Zambales Diversified Metals
Corporation (ZDMC/DMCI), at Filipinas Mining Corporation / LnL
Archipelagic Minerals, Inc. (FMC/LAMI) noong Hulyo. Subalit noong unang
Linggo ng Disyembre, ang Mines and Geoscience Bureau - Region 3 (MGB3)
ay nag-issue ng Ore Transport Permit (OTP) samantalang nananatili pa ang
suspension sa apat na kumpanya. Ilegal ito dahil hindi pa natanggal ang
suspension sa pagmimina at hauling operations.
Pero
dahil sa ito ay itinaon sa buwan ng Disyembre - magpa-Pasko, ang
Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales (CCOS) ay hindi makakilos.
Kung kumilos ang CCOS para tutulan ang ilegal na hauling operations,
magmumukha itong kontrabida. Tapos na ang Pasko at Bagong Taon pero
nagpatuloy pa rin ang ilegal na pagmimina kung kaya kumilos na ang CCOS
noong Enero. Pero sa buwang ito ay binawi naman ng Environmental
Management Bureau - Region 3 (EMB3) ang suspension ng hauling operations
at ng MGB3 sa mining operations samantalang hindi pa nakatupad sa mga
kundisyones na nakasaad sa mga suspension, tulad ng:
(1) pagsasaayos ng lahat ng naperwisyong sakahan, palaisdaan, ilog, batis, at baybay-dagat;
(2) pagbayad sa lahat ng nabiktima ng mapanirang pagmimina;
(3) pagkakaroon ng sariling kalsada; atbp.
Inisyu
daw ang OTP para hakutin ang mga ilegal na stockpile sa bundok para
makaiwas sa sakuna. Ito ay PALUSOT dahil una ay ilegal ang stockpile sa
mining site (dapat ay parusa ang igawad sa mga minero) at tapos na ang
tag-ulan.
Maliwanag
sa dalawang pagkakataon na magkakutsaba ang mga minero at mga opisyales
ng gobyerno sa pagsira ng kapaligiran at hindi paggalang sa karapatan
ng mga mamamayan sa karapatan na magkaroon ng malusog at balanseng
ekolohiya (1987 Saligang Batas, Artikulo II, Seksyon 16). Magkakutsaba
din sila sa paggawa ng inhustisya - hindi na nga nila binabayaran ng
tama ang mga danyos sa mga nasirang sakahan, palaisdaan at kapaligiran,
binalak pa nilang tanggalan ng karapatan ang mga naperwisyong mamamayan
sa paghabol ng danyos sa pamamagitan ng pagpapapirma ng waiver at
quitclaim noong Enero.
Maliban
sa ilegal na pagmimina ay nilabag din ng mga minero ang karapatan ng
mga manggagawa sa pagmimina. Hindi sila binigyan ng angkop na sahod at
hindi akma ang kanilang mga benepisyo kung meron man. Masahol pa, ang
ilan ay walang benepisyo at kinaltasan ng sahod pambenepisyo pero wala
naman silang mga TIN, SSS, at PhilHealth.
Dahil
sa patuloy ang inhustisya, pagsira ng kapaligiran, at patuloy ang
panloloko sa mamamayan ng mga magkakutsabang mga minero at mga opisyales
ng gobyerno ay dadalhin ng mamamayan ang reklamo sa Malakanyang upang:
(1)
Singilin ang gobyerno ni PNoy sa patuloy na pagkasira ng kapaligiran na
umabot na sa karagatan ng mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria sa
Zambales sanhi ng perwisyong pagmimina;
(2) Ipanawagan ang kanselasyon sa lahat ng permiso ng perwisyong pagminina;
(3) Ipanawagang ibalik ang kaayusan ng kapaligiran ng mga apektadong bayan;
(4) Ipabayaran ang lahat ng naperwisyong mamamayan: magsasaka, mangingisda, magpapalaisdaan, manggagawa, atbp.
(5) Ipanawagan ang pagkakaroon ng bagong batas sa pagmimina.
CCOS-MWEA/ATM/PMCJ/PMPI/BK/BMP/SANLAKAS
Kahulugan ng mga daglat:
CCOS - Concerned Citizens of Sta. Cruz, Zambales
MWEA - Mining Wokers for the Environment Association
ATM - Alyansa Tigil Mina
PMCJ - Philippine Movement for Climate Justice
PMPI - Philippine Misereor Partnership Inc.
BK - Bantay Kita
BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino