Biyernes, Mayo 22, 2015

Tuwing Mayo 22 - Pandaigdigang Araw ng Saribúhay (World Biodiversity Day)


TUWING MAYO 22 - Pandaigdigang Araw 
ng Saribúhay (World Biodiversity Day)
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa pahina 175 ng UP Diksyunaryong Pilipino ay ganito ang nakasulat:

biodiversity (bá-yo-day-vér-si-tí) png [Ing]: pagkakaiba-iba ng mga haláman at hayop: SARIBÚHAY

Ibig sabihin, may salin sa wikang Filipino ang biodiversity, at ito nga ang saribúhay.

Ang biology ay biyolohikal, at ang diversity naman ay (day-vér-si-tí) png [Ing]: iba't ibang uri ng bagay, idea, tao, lahì, hayop, halaman, at iba pa: dibersidad.

Ang Pandaigdigang Araw para sa Biyolohikal na Dibersidad (o Pandaigdigang Araw ng Saribúhay) ay isang idineklarang araw ng Nagkakaisang mga Bansa (United Nations) para itaguyod ang iba't ibang isyu o usapin hinggil sa saribúhay, na itinalaga ang Mayo 22 bilang siyang araw nito.

Nalikha ito ng Ikalawang Lupon ng UN General Assembly noong 1993, at mula noon hanggang taon 2000, ito'y ginugunita tuwing Disyembre 29, na araw na nagkabisa ang Convention on Biological Diversity. Ganap itong napalitan ng petsa at naging Mayo 22 upang gunitain ang pagpapatibay ng nasabing kombensyon noong Mayo 22, 1992 sa Rio Earth Summit, at upang hindi na rin ito masabay sa napakarami pang pista opisyal sa huling bahagi ng Disyembre.

Mahalaga ang taunan nating paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Saribúhay tuwing Mayo 22, dahil binibigyan tayo ng panahon nitong pag-isipan at pahalagahan ang mga bagay-bagay sa ating paligid, na karaniwang di natin pinapansin. Paano nga ba nagkakaiba-iba ang sari-saring buhay sa ating daigdig, at paano tayo aangkop at paano natin sila aalagaan upang makaangkop din sila sa atin, o sa daigdig na ito.

Halimbawa na lamang ay ang mga punong pino o pine tree ng Baguio. Mabubuhay kaya sila pag itinanim natin ang mga ito sa mga lupa sa lungsod, tulad ng Mehan Garden sa Maynila o sa Sunken Garden sa Diliman, o mangungulila lamang sila o mamamatay. Ang GMO (o genetically modified organisms) naman tulad ng Bt corn at Bt talong ay malaking kapangahasan sa pagtataguyod ng saribúhay, na sa bandang huli ay maaaring pagsisihan ng sandaigdigan.

Tulad ng mga elepante sa Manila Zoo, na matagal na panahon nang wala sa kagubatan ng Thailand kung saan marami silang kalahi. Nangungulila sila, bagamat hindi sila namatay dahil sa kalungkutan, dahil na rin sa tuwinang pangangalaga sa kanila at pagpapakain. Ngunit tama bang nakakulong sila o napadpad sila sa lugar na hindi sila angkop. Di sila tulad ng tao na maaaring mag-OFW, bagamat ang mga OFW karamihan ay napilitan ding iwan ang kanilang pamilya ng matagal na panahon para mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.

Ang pagpapahalaga at pag-unawa natin sa saribúhay ay malaki na nating ambag sa pagpapanatili ng kaayusan ng ating paligid. Dapat natin itong gunitain at tuwina'y pag-usapan ang iba't ibang isyung kaakibat nito. Tama ba o mali ang idudulot ng mga hakbang o programang isinasagawa? Laging tumpak na kumilos tayo laban sa mga mali.

Editoryal ng pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Mayo 2015, pahina 3.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento