Lunes, Marso 21, 2016

Ako'y Manggagawa: Butil ng Buhangin - Dalawang Tula ni Amado V. Hernandez

AKO'Y MANGGAGAWA: BUTIL NG BUHANGIN - DALAWANG TULA NI AMADO V. HERNANDEZ
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawang tula ni Ka Amado V. Hernandez, pambansang alagad ng sining sa panitikan, ang inumpisahan niya sa taludtod na ito: "Ako'y manggagawa: butil ng buhangin". Ito'y matatagpuan sa kanyang tulang Bayani na kinatha noong Mayo 1, 1928, at ang Isang Tula sa manggagawa, na nalathala sa pahayagang Pawis noong Hunyo 5, 1946. Dahil sinimulan sa taludtod na iyon, ang kabuuan ng dalawang tula ay lalabindalawahing pantig. 

Ang tulang Bayani, na binubuo ng sampung saknong at bawat saknong ay may anim na taludtod, ay nasa aklat na Isang Dipang Langit, mp. 22-24. Ang tula naman niyang Isang Tula sa Manggagawa, na may walong saknong, ay nasa aklat na Tudla at Tudling, mp. 304-305. Ang unang dalawang saknong ay binubuo ng limang taludtod, habang ang ikatlo hanggang ikawalong saknong ay tig-aanim na taludtod.

Ayon sa talababa ng tulang Bayani: Ang tulang Bayani ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulacan, sa pagdiriwang sa Unang Araw ng Mayo noong 1928. Inampalan: Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaceda at Iñigo Ed. Regalado. Ayon kay Senador Recto, ito ang "pinakamahusay na tulang Tagalog sa paksang paggawa."

Ang dalawang tula, bagamat pareho ang unang taludtod ay halos nagkaroon ng bahagyang pagkakaiba sa mga pananalita, bagamat iisa ang nilalaman, ang tungkol sa buhay at kahalagahan ng manggagawa sa ating daigdig. Katunayan, napakaganda ng huling taludtod ng kanyang tulang Bayani: "Taong walang saysay ang di Manggagawa!"

Halina't tunghayan natin ang dalawang tulang ito at namnamin ang masarap na lasa nitong tila pukyutan sa tamis dahil inaalay sa mayorya sa lipunan, ang manggagawa.

BAYANI 
ni Amado V. Hernandez

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa sariling pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan:
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanlawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak sa palalong Troya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata –
pambuo't panggiba ng anumang pita!
Kung may kayamanan ngayong nakikita,
paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!

Ako'y isang haring walang trono't putong,
panginoong laging namamanginoon,
daming pinagpalang binigyan ng milyon
ay ako't ako ring itong pataygutom;
sila ay sa aking balikat tumuntong,
naging Mamo't Nabod ang dati kong ampon!

Sambundok na ginto ang aking dinungkal,
kahi't na kaputol, di binahagihan!
ang aking inani'y sambukiring palay,
nguni't wala akong isaing man lamang!
ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay
habang nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa
sa lupang sarili, nguni't nang lumaya,
ako'y wala kahi't sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda'y akong Manggagawa,
nasa putik ako't sila'y sa dambana!

Kung kaya sumulong ang ating daigdig,
sa gulong ng aking mga pagsasakit;
nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis,
madaling nag-akyat-manaog sa langit;
saliksik ang bundok, ang bangin at yungib,
ang kailaliman ng dagat, saliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan,
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa tuklas kong lakas – langis, uling, bakal,
naghimala itong industria't kalakal;
nguni't lumawak din naman ang pagitan
ng buhay at ari... nasupil ang buhay!

Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo
gayon pa ma'y habang ang tao ay tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap ng palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.

Tuwi na'y wal'in man ako ng halaga,
iyan ay pakanang mapagsamantala;
ang ginto, saan man, ay gintong talaga,
ang bango, takpan man, ay di nagbabawa;
itakwil man ako ng mga nanggaga,
walang magagawang hadlang sa istorya!

Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay
ang magkakasigla at magkakabuhay?
Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan!
Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan?
Walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila...
Taong walang saysay ang di Manggagawa!

Mayo 1, 1928


ISANG TULA SA MANGGAGAWA
ni Amado V. Hernandez

I
Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
Sa dagat ng buhay ay masuliranin,
Nguni't ang palad ko'y utang din sa akin!
Sa sariling pawis pinapanggaling
Ang dinadamit ko't aking kinakain.

II
Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
At pikit ang mata ng sangkatauhan,
Dahilan sa aki'y kahariharian
Ang nangapatayo sa bundok at ilang,
Pinapagningning ko ang dating karimlan.

III
At ang kabihasnan ng buong daigdig
Ay bunga ng aking mga pagsasakit
Ang Kapwa ko tao'y binigyan ng bagwis
Upang makalipad hanggang himpapawid!
Utang din sa aking paggawa kung bakit,
Ang pusod ng dagat ay nasasaliksik!

IV
Ang mga gusali, dagat at sasakyan
Ay nalikhang lahat ng bakal kong kamay,
Ang ginto at pilak, ang uling at bakal,
Ay dahil sa akin kung kaya't nabungkal,
Ako'y manggagawa ng maraming bagay
Pangalawang Diyos sa lupang ibabaw.

V
Gayon ma'y malimit dustain ako,
Ang munti'y talagang dustain sa mundo
Subali't ang bakal, hamak ma'y alam kong
Nagagawang baril, gulok, punglo, maso...
Ang buhangi'y sangkap sa isang palasyo't
Ang bato ang siyang haligi ng templo!

VI
Madalas man akong pawalang halaga
Ang uri ko'y hindi mababawasan pa:
Ang ginto saan ma'y napagkikilala,
Ang bango takpan ma'y hindi nagbabawa!
Ako ay bayaning bisig ang sandata,
Ang pawis ko'y lakas, buhay at pag-asa!

VII
Anak pawis akong dukha at maliit,
Ang tahana'y dampa na pawid ang atip,
Nguni't ang dambanang pinakamarikit
Ay utang sa aking matipunong bisig
At ang boong yaman sa silong ng langit
Ay mula sa aking kasipaga't pawis!

VIII
Pagmalasin ninyo! Tila isang anghel
Ng pagkakaisang sa langit nanggaling,
Larawan ng Bayang maganda't mahinhin
Na wala nang gapos ng pagkaalipin,
Liwayway ng layang darating, darating,
At mamamanaag paglipas ng dilim!

Pawis, Hunyo 5, 1946

Ang dalawang tulang ito'y patunay ng maalab na pagmamahal ni Ka Amado V. Hernandez sa mga manggagawang kanyang pinaglingkuran. Bilang isang batikan at iginagalang na lider-manggagawa, matatandaang si Ka Amado ay naging haligi ng Congress of Labor Organizations (CLO), na isang samahan ng manggagawang nagtataguyod ng pagbabagong panlipunan. Noong Mayo 5, 1947, pinangunahan niya ang pinakamalaking welgang bayan noon. Nang maging pangulo siya ng CLO ay pinangunahan niya ang paglulunsad ng malaking pagkilos ng manggagawa noong Mayo 1, 1948.

Mabuhay ang alaala ni Ka Amado V. Hernandez at ang kanyang mga tula para sa kilusang paggawa!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento