MARSO 8 AT
ANG SENTENARYO NG REBOLUSYONG OKTUBRE 1917
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.
Ngayong 2017 ay ipagdiriwang ng uring manggagawa
ang sentenaryo ng matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917 sa Rusya. Malaki ang
naging papel ng kababaihan dahil sila ang nagsindi ng mitsa upang maging
matagumpay ang Rebolusyong Oktubre.
Sinindihan ng manggagawang kababaihan sa St.
Petersburg ang matagumpay na Rebolusyong Pebrero noong 1917 upang mapatalsik
ang Tsar at mga kaalyado nito.
Noon ay ginagamit pa sa Rusya ang Julian Calendar,
kaya nang magsimula ang kababaihan ng kanilang pagkilos ay noong Pebrero 23,
1917, na katumbas ng Marso 8, 1917 sa Gregorian Calendar na ginagamit natin
ngayon. Ang matagumpay na Rebolusyong Oktubre na naganap noong Oktubre 25, 1917
sa Julian Calendar ay ipagdiriwang naman sa buong mundo sa Nobyembre 7, 1917 sa
Gregorian Calendar. Noong 1918 lamang ginamit ng mga Ruso ang Gregorian
Calendar.
Naglunsad ng malawakang pag-aaklas at pagkilos ang
mga manggagawang kababaihan noong Marso 8, 1917 (Gregorian Calendar) o Pebrero
23, 1917 sa lumang kalendaryo. Hinihiling nila noon ang Kapayapaan at Tinapay
(Peace and Bread). Kumalat sa iba't ibang pabrika ang kilusang welga at
sumiklab bilang Rebolusyong Pebrero. Isa itong malawakang proseso na tumungo sa
Rebolusyong Oktubre at nagpabago sa kalagayan ng kababaihan. Sa unang
pagkakataon sa kasaysayan, ang lipunan ay mapamamahalaan para sa benepisyo ng
lahat, para sa lahat ng manggagawa, ng mga maralita at inaapi. Ang prosesong
ito ng pagkakamit ng rebolusyon ang siyang naglatag din ng daan upang
unti-unting kilalanin ang karapatan ng kababaihan, at magkaroon ng
pagkakapantay-pantay sa lipunan.
Noong 1910, sa Ikalawang Pandaigdigang Kumperensya
ng mga Manggagawang Kababaihan, pinangunahan ni Clara Zetkin ang pagtatatag ng
Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan. Pinagpasiyahan ng kumperensya na
bawat taon, sa bawat bansa, ay ipagdiwang ng kababaihan ang Araw ng Kababaihan
sa panawagang "Ang boto ng kababaihan ang magkakaisa ng ating lakas sa
pakikibaka para sa sosyalismo."
Ipinagdiwang ang unang Pandaigdigang Araw ng
Kababaihan noong Marso 19, 1911, na pinili ng mga proletaryadong Aleman dahil
sa kahalagahan sa kasaysayan. Noong Marso 19 ng Rebolusyong 1848, na siya ring
taon na sinulat nina Marx at Engels ang Manipesto ng Komunista, kinilala ng
hari ng Prussia ang lakad ng armadong mamamayan at naglatag ng daan bago pa ang
banta ng pag-aaklas ng proletaryado. Isa sa mga pangakong di natupad ng hari
ang pagpapakilala sa boto ng kababaihan.
Noong 1913, ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ay
inilipat sa Marso 8, at nananatili hanggang ngayon. Sa araw na ito'y
nakipagkaisa sa unang pagkakataon ang mga manggagawang kababaihang Ruso, pagkat
isa itong reaksyon ng mga kababaihan laban sa Tsarismo. Ang mga ligal na dyaryo
ng proletaryado - ang Pravda ng mga Bolshevik at ang Looch ng mga Menshevik -
ay naglathala ng mga artikulo hinggil sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan,
kasama na ang mga pagbati mula sa mga lider-kababaihan tulad ni Clara Zetkin.
Noong 1914 ay mas matatag ang pagkakaorganisa ng
manggagawang kababaihan sa Rusya. At nang taon ding iyon ay nagsimula naman ang
madugong Unang Daigdigang Digmaan (Hunyo 1914).
Noong 1915, tanging Norway lamang nakapag-organisa
ng malawakang pagkilos ang mga kababaihan upang ipagdiwang ang Pandaigdigang
Araw ng Kababaihan, ngunit hindi sa Rusya dahil sa tindi ng kamay na bakal at
militar ng Tsarismo.
Noong 1917, sa mismong araw ng kababaihan (Pebrero
23 sa lumang kalendaryo) at Marso 8 sa mga kanluraning bansa, libu-libong
kababaihan ng Rusya ay nagsilabasan sa lansangan. Sa pagkakataong ito, naging
malaking banta sa Tsar at sa militar nito ang ginawang paghihimagsik ng mga
manggagawang kababaihan.
Ang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan ng 1917 ay
tumatak na sa kasaysayan. Sa araw na ito, sinindihan ng mga kababaihan ang
mitsa ng rebolusyong proletaryado. Ito ang simula ng Rebolusyong Pebrero, na
nagtungo sa matagumpay na Rebolusyong Oktubre 1917.
Ngayong taon, 2017, ay ipinagdiriwang ng uring
manggagawa, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo ang tagumpay ng
Rebolusyong Oktubre 1917, na sinimulan ng pag-aaklas ng mga kababaihan noong
Pandaigdigang Araw ng Kababaihan.
Halina't gunitain natin at pagpugayan ang mga
kababaihan na nagpasimula ng pag-aaklas upang maging matagumpay ang Rebolusyon
nina Kasamang Lenin!
Kaya sa darating na Marso 8, 2017, papulahin natin
ang mga kalsada at ibandila ang tagumpay ng mga kababaihan.
At sa darating na Nobyembre 7, 2017, ay sabay-sabay
din nating ipagdiwang ang sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!
Taas-kamaong
pagpupugay sa alaala ng mga manggagawang kababaihang nagpasimula ng Rebolusyong
Pebrero sa Rusya!
Taas-kamaong
pagpupugay sa sentenaryo ng Rebolusyong Oktubre!
Tuloy ang
laban para sa pagbabago ng bulok na sistema!
Uring
manggagawa, hukbong mapagpalaya!
Mga pinaghalawan:
http://www.history.com/this-day-in-history/february-revolution-begins-in-russia
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento