Miyerkules, Enero 29, 2020

Kwento - Magsabatas din ng National Liquid Waste Management ang pamahalaan


MAGSABATAS DIN NG NATIONAL LIQUID WASTE MANAGEMENT ANG PAMAHALAAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Mayroon nang National Solid Waste Management Commission na naitatag ang pamahalaan. Layunin nitong magpatupad ng pambansang patakaran para sa mandatoryong paghihiwalay ng basura sa pinagmulan at ang pagbabawas ng basura sa mga lokal na yunit ng pamahalaan. Itinatag ito sa pamamagitan ng Republic Act No. 9003, na kilala rin bilang Ecological Solid Waste Management Act of 2000. Bagama't may ‘of 2000’ ang batas, ito’y ipinatupad at nilagdaan noong Enero 26, 2001.” Ito ang pambungad na pananalita ni Mang Kanor sa pulong ng mga maralitang lungsod sa isyu ng kalikasan. “May tanong ba kayo?”

Nagtaas ng kamay si Ingrid, “Tanong ko lang po, kung may solid waste management hinggil sa paghihiwalay ng mga basura sa nabubulok at di nabubulok, di ba’t magandang may liquid waste management din na dapat pairalin ar isabatas?”

“Maganda ang katanungan ni Ingrid. Subalit maaari mo bang mas ipaliwanag pa sa amin ang iyong naiisip na iyan upang mas maunawaan pa namin,” ang sabi ni Mang Kanor.

“Tama, Ingrid, ipaliwanag mo’t bago lang sa pandinig ko iyan.” Sabi naman ni Pidyong.

“Ganito po iyon,” pagsisimula ni Ingrid. “Napakamahal na ng tubig galing sa gripo na binabayaran natin. Ang tubig pang-inom na iniinit pa natin, ang pampaligo, ang panghugas ng pinggan, ang tubig sa paglalaba, ang panglampaso sa sahig, ang pambuhos sa inidoro, ay pawang galing lahat sa gripo, malinis na tubig. Gayong pwede namang pambuhos sa inidoro at panglampaso sa sahig ang tubig ulan galing sa mga alulod. Kailangan lang nating may paglalagyan ng mga iyon. Sobra-sobra ang tubig ulan, nagbabaha pa nga, gayong libre lang ang tubig ulan. Iyan po ang sinasabi kong dapat mayroon din tayong batas hinggil sa liquid waste management upang nagagamit ang mga libreng tubig ulan.”

Patango-tango lamang ang mga dumalo sa pag-aaral na iyon ukol sa solid waste management.

Nagsalita si Pidyong, “Sang-ayon ako sa ganyang mungkahi. Pag nagbagyo ay bahang-baha sa kalsada ngunit hindi naman natin magamit ang baha dahil marumi. Pwede iyan sa inidoro basta salain, walang basurang babara sa ating mga inidoro.”

“Nagtanong si Ingrid na lumalabas ay isa nang mungkahi. Sino pa ang sususog o nais magdagdag?” Tanong muli ni Mang Kanor.

Nagtaas ng kamay si Kulas, “Sang-ayon ako kung sa mga lalawigan gagawin ang liquid waste management o yaong pagsalo ng tubig ulan. Mahirap kasi sa lungsod, pag naihian ng daga ang bubong, sasama sa tubig ulan sa alulod ang ihi. Ingat pa rin sa lestospirosis.”

Muling nagsalita si Ingrid, “Nabanggit ni Mang Kanor ang National Solid Waste Commission. Subalit wala naman tayong National Liquid Waste Commission na mamamahala naman sa mga tubig na di naman nagagamit ng tama, tulad nga ng tubig ulan, bagamat may Philippine Clean Water Act of 2004 (Republic Act No. 9275) na tayo.”

Nagsalita rin si Kulas, “Mungkahi ko, Ingrid, magsulat tayo ng petisyon hinggil sa iyong mungkahi at ipanawagan natin iyan sa ating mga mambabatas. Aba’y kayganda ng iyong naiisip, ay dapat talagang isakatuparan iyan. Dapat lang tayong magkaisa at kumilos upang may ginagawa naman ang mga tutulog-tulog nating mga mambabatas.”

“Kaya ibig sabihin,” ani Mang Kanor, “matapos ang talakayan natin ngayong araw, hindi lang solid waste ang ating pagtutuunan ng pansin, kundi pati na liquid waste. Tama ba?”

“Tama po, Mang Kanor,” tugon naman ni Ipe na isa rin sa mga dumalo. “Kausapin din natin ang iba’t ibang samahang makakalikasan, tulad ng EcoWaste Coalition, Green Convergence, Ban Toxic, Tanggol Kalikasan, Philippine Movement for Climate Justice, Center for Energy, Ecology and Development, Saniblakas ng Inang Kalikasan, at marami pang iba tungkol sa gagawin nating petisyon upang makatulong.”

“Mahaba-haba ring laban ito,” ani Mang Kanor, “Pati Kongreso at Senado ay ating kausapin sa ating panukala. Ayos ba sa inyo? Sana, Ingrid, ay masulat mo na ang mungkahi at magawa na ang petisyon.”

“Opo, susulatin ko po kaagad ang mungkahi bilang batayan ng ating petisyon, at sana po ay magtulong-tulong po tayo.”

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Enero 16-31, 2020, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento