Biyernes, Mayo 14, 2021

Kwento - Pagbaka sa Kontraktwalisasyon


PAGBAKA SA KONTRAKTWALISASYON
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Nakakainis talaga. Nagtatrabaho ka sa kumpanya tapos dahil kontraktwal ka, hindi ka ituturing na manggagawa ng kumpanya! Hay, naku, grabe na talaga ang pagkasalot ng salot na kontraktwalisasyon.” Gigil na sabi ni Inggo habang pigil ang kamaong nakakuyom.

“Sinabi mo pa. Problema talaga natin iyan sa kumpanya.” Pagsang-ayon ni Isko. Nag-uusap sila habang nakaupo sa karinderya ni Aling Iska.

Napamulagat naman ang nakikinig na si Aling Iska, “Ano na naman ba iyang pinag-uusapan ninyo? Buti nga, may trabaho kayo. Kahit ba kontraktwal ay may naiuuwi naman kayo sa pamilya ninyo, ah.”

“Hindi mo nauunawaan, Iska. Ang kontraktwalisasyon, kaya salot, ay iskema ng mga kapitalista upang bawasan o matanggalan ng mga benepisyo ang mga manggagawa. Imbes na dapat maregular na sa trabaho ang manggagawa ay hindi ginagawang regular.” Sagot agad ni Inggo. “Ang kontraktwal, kumbaga, ay pansamantalang trabaho, na bago sumapit ang ikaanim na buwan ay tatanggalin na lang sila sa trabaho, kahit gaano ka pa kahusay. Iniiwasan talaga ng kumpanya na maging regular ang mga manggagawa. Meron namang ilang taon na sa kumpanya, tulad ko, limang taon na subalit kontraktwal pa rin. Walang kasiguruhan sa trabaho ang mga kontraktwal.”

“Ang nais namin ay maging regular na manggagawa naman kami sa kumpanyang matagal na naming pinaglilingkuran.” Sabi naman ni Isko.

“Paano mangyayari iyan? Hihilingin ba ninyo sa kapitalista o sa manedsment n’yo na gawin kayong regular? Aba’y paano kung hindi kayo pakinggan? Pag nagprotesta kayo, baka tanggalin naman kayo sa trabaho.” Sabad muli ni Aling Iska. “Baka magandang humingi kayo ng tulong sa unyon, at baka naman makatulong ang mga regular na manggagawa sa inyong mga kontraktwal.”

“Magandang ideya iyan, Iska.” Sabi ni Inggo. “Dapat makatulong nga sa problema natin ang mga regular na kamanggagawa natin, di ba?”

“Diyan natin simulan. Kausapin natin ang pangulo ng unyon na si Ka Igme, at tanungin hinggil sa ating suliranin.” Sabi ni Isko. Kinabukasan, bago ang simula ng trabaho ay kinausap na nina Inggo at Isko si Ka Igme hinggil sa kanilang kalagayan.

“Limang taon na akong kontraktwal, habang si Isko naman ay apat na taon na. Anim na buwan lang ay dapat regular na kami, di ba? Kayong mga regular, paano ba ninyo kami matutulungan. Aba, ayaw naman naming habambuhay kaming kontraktwal at wala kaming kasiguruhan sa trabaho. Bukod sa mababa na ang sahod, wala pa kaming benepisyo, di tulad ninyong mga regular.” Ani Inggo kay Ka Igme.

“Tama ka, Inggo. Panahon na talagang mag-usap tayo. Salamat sa inisyatiba ninyo. Dapat talagang magsama ang mga regular at kontraktwal upang labanan iyang salot na kontraktwalisasyon. Ngunit dapat magsimula muna tayo sa isang pulong-pag-aaral upang suriin natin at pag-aralan kung bakit nga ba may kontraktwalisasyon, at ano ang mga dahilan niyan.” Ang agad tugon ng pangulo ng unyon.

“Aba’y talagang dapat naming malaman, mapag-aralan at maunawaan kung bakit nga ba sa tagal naming nagtatrabaho sa kumpanyang ito ay kontraktwal pa rin kami. Sige, kailan iyan upang sabihan ko ang ibang kontraktwal para sa pag-aaral nang maipaglaban namin, kung kinakailangan, na magkilos-protesta kami, o sa anumang paraan upang maparating namin sa kinauukulan na gawin kaming mga regular na manggagawa.” Sabi ni Inggo, habang tatango-tango si Isko.

Mungkahi ni Ka Igme ay sa susunod na Linggo, kung kaya ng mga kontraktwal, dahil walang pasok iyon. Isakripisyo muna ang araw ng pamilya upang mag-aral hinggil sa usaping kontraktwalisasyon. 

“O, paano, magkita-kita tayo sa Linggo.” Sabi ni Ka Igme. At agad nagtanguan ang dalawa na nangakong kakausapin nila ang kanilang mga kapwa manggagawang kontraktwal upang dumalo sa pag-aaral at talakayan.  Dama nila, iyon na ang simula ng kakaharapin nilang laban.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2021, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento