Lunes, Oktubre 24, 2022

Pagsusulat sa pahayagang Taliba ng Maralita

PAGSUSULAT SA PAHAYAGANG TALIBA NG MARALITA
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Pag tinatanong ako ng mga kakilalang manunulat kung saang pahayagan ako nagsusulat, ang tanging nasasabi ko ay: "Nagsusulat ako sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)."

Hindi ako nagsusulat sa iba pang publikasyon sa kasalukuyan kundi sa Taliba ng Maralita. Bagamat dati ay nagsusulat ako sa publikasyong Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (2003-2010), magasing Tambuli ng BMP (1998-1999), sa dalawang isyu ng magasing Maypagasa ng grupong Sanlakas (1997 at 1998), sa walong isyu ng magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (2011-2012), isang isyu ng pahayagang Ang Sosyalista ng PLM (bandang 2006 o 2007), sa pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi, na inilathala ng Kamalaysayan (2006).   

May nakabasa raw ng tula kong ambag sa magasing Liwayway, ngunit hindi ko nakita. May ilang artikulong nalathala sa tabloid na Dyaryo Uno (wala na ngayon). Nakapaglathala ng ilang Letter to the Editor sa Inquirer. May nalathalang sanaysay sa ANI 41 ng Cultural Center of the Philippines (CCP). Nagsimula ako bilang staffwriter ng dalawang taon at features and literary editor ng publikasyong pangkampus na The Featinean (1993-1997), at nakapag-ambag sa iba pang publikasyon. Subalit ang Taliba ng Maralita talaga ang nagbigay ng pagkakataon sa akin na magtuloy-tuloy sa pagsusulat. 

Nang magsimula ako sa KPML bilang staff noong 2001 hanggang 2008 ay isa ang Taliba ng Maralita sa aking inasikaso. Lumalabas ito ng isang beses kada tatlong buwan o apat na beses sa isang taon sa sukat na 11" x 17" na spreadsheet. Walong pahina.

Nang ako'y maging sekretaryo heneral na ng KPML noong Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan, muli kong binuhay ang Taliba ng Maralita, at hindi ko ito pinabayaan. Ngunit hindi na 11" x 17" ang sukat kundi tiniklop na short bond paper, kaya lumiit na ang sukat. Dalawampung (20) pahina na. Noong simulan ito ng Setyembre 2018, ginawa namin itong isang beses isang buwan, hanggang Pebrero 2019. Subalit sa dami ng mga pangyayari, balita, at naiisip kathaing kwento, ay ginawa na namin itong dalawang beses isang buwan. Kaya simula Marso 2019 hanggang sa kasalukuyan ay dalawang isyu na kada buwan ang aming inilalathala. 

Tanging ang isyu ng Hulyo 2019 ang naiiba, isyung pang-SONA, dahil itong isyu lang ang muling naglathala ng sukat na 11" x 17", dahil may nag-sponsor. Walong pahina. Matapos ang isang beses na may naglathalang labas sa KPML, bumalik kami sa sukat ng short bond paper na may 20 pahina.

Sa layout, sa unang pahina lagi ang headline o tampok na artikulo o pangyayari sa loob ng nakaraang dalawang linggo. Ang pahina 2 ay hinggil sa batas at karapatan. Ang pahina 3 ay editoryal, cartoons, at adres ng pahayagan. Ang pahina 4, na maaaring maging pahina 4-5, ay ang kolum ng pambansang pangulo ng KPML. Ang pahina 20 ay pawang tula. Habang may isa o dalawang pahina para sa panitikan. Habang ang mga natira pang pahina ay para sa pahayag ng KPML sa mga isyu, balita maralita, komiks na Mara at Lita, at iba pang sanaysay na dapat ilathala upang mabasa ng mga kasapi ng KPML.

Pinagbubutihan namin ang paggawa nito upang may mabasa ang kasapian ng KPML hinggil sa iba't ibang isyu, balita, at paninindigan ng mga maralita. Dahil nalalathala rito ang kasaysayan at paninindigan ng KPML sa samutsaring isyu ng bayan, pati na mga aktibidad na dinadaluhan ng KPML ay tinitiyak naming may pahinang nakalaan sa mga iyon. Naging daluyan din ito ng mga pampanitikang akda tulad ng maikling kwento at mga tula.

Kaya kung may maghahanap ng kasaysayan at mga pahayag ng KPML mula Setyembre 2018 hanggang sa kasalukuyan ay may maipapakita tayo. Kaya sa mga nagtatanong sa akin na mga kakilala at kilalang manunulat kung saan ako nagsusulat, at saan nalalathala ang mga katha kong kwento at mga tula, aba'y ipinagmamalaki kong sabihing sa Taliba ng Maralita! Ang pagsusulat dito'y aking pinagbubutihan dahil ito lang ang tanging publikasyong naglalathala sa aking mga kwento, sanaysay, tula, at iba pang akda. Maraming salamat, Taliba ng Maralita, sa pagbibigay ng pagkakataon sa tulad kong manunulat.

Maraming salamat sa lahat ng mga sumusuporta sa Taliba ng Maralita! Mabuhay ang mga kasamang bumubuo ng ating publikasyon! Mabuhay din ang lahat ng mambabasa ng Taliba ng Maralita!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento